Pakay, ni Roberto T. Añonuevo

Pákay

Roberto T. Añonuevo

Ikáw na lakás at taás sa pagítan ng hínlalakí
at hínlalatò, anó’t párang dominádo ang mápa
at mga bituín? Sumusúlat ka sa buhángin
at sumusúlat sa túbig o hángin—nákaligtâáng
pangakò ngúnit pílit pa ring sumúsumpíng.

Hínlalatò at hínlalakí sa pagítan ng lakás
at taás ang tadhanàng umiípit sa iyó
pára sa kisápmatáng paglíligtás ng mundó.
Malímit kang mápang-ákit na hudyát at kalabít
sa gatílyo o gitárang magsísindí ng guló.

Itúturò mo ang landás na mabíbigóng abutín
ng paningín, ngúnit dî magbábantulót surútin
ang lángit bagamán kabádong malapnós 
paglápit na paglápit ng dumídilàng apóy.
Magpápasiyá ang hínlalakí at ang hínlalatò’y 

manghíhiyâ, ngúnit ikáw ang paborítong túkod 
na tíla magpápaandár sa kumukúnat na ísip.
Totoó, tumítiklóp ka rin at kumíkirót—
warì bang natutúlog na dragón. Híntuturò,
ikáw ang lakás at taás na pípilìing putúlin

nang makíta ang dangkál ng mga pagtátaksíl.
Alimbúkad: Epic raging poetry against conspiracy of silence. Photo by MART PRODUCTION on Pexels.com

Panaginip ng Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Panagínip ng Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Pitóng batàng kambíng ang nangíngináin ng mga damó doón sa tinátanáw mo, sámantálang nakábuká ang pangá ng báboy-damó. Maráhan kang naglakád nang nangángapâ, nangínginíg sa gináw. Sa únang pagkakátaón, walâ kang kapíling ngúnit nananálig na maráratíng ang isáng bituín. Págtingalâ mo, mga galamáy ni Fegeférafád ay tíla íbig kang yakápin, at nakaúmang ang balátik sa ilahás na hakbáng. Mayá-mayá’y isáng bulalákaw ang nagtangkâng pásiklabín ang kaingín. Nakabítin ang talàng batúgan sa balíkat ng bundók, at nang humiyáw ka sa lábis na pangungúlilà sa músang nagtampó at nagtagò sa dalawámpû’t ápat na talampád, bumalík sa iyó ang alíngawngáw ng pangaláng tumátampál na sakáy ng amíhan, úpang sa wakás ay ganáp kang mapúkaw. Pakíwarì mo, makásasaló ka ng Toróng at makápipígil ng bagyó.

Alimbúkad: Epic wave poetry beyond Filipinas. Photo by James Wheeler on Pexels.com

Mga Mapa, ni Alberto Blanco

Salin ng “Mapas,” ni Alberto Blanco ng Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mapa

. . . . . . . . . . . .I
Magsimula tayo sa pinakauna:
Ang Mundo ay hindi ang lupa ng mundo:
Hindi teritoryo itong isang mapa.
Hindi isang mapa itong teritoryo.

Ang mapa ay isang hulagway.
Ang mapa ay isang paraan ng pagsasalita.
Ang mapa ay kalipunan ng mga gunita.
Ang mapa ay representasyong proporsiyonal.

Ang apat na hangin, ang apat na ilog, ang apat na pinto, ang apat na haligi
. . . .ng mundo na walang pinag-uusapan ang mga mito kundi ang apat
. . . .na sulok ng mapa.

Bawat mapa ay isang hulagway, pintura, talinghaga, deskripsiyon. . .
Ngunit hindi bawat deskripsiyon, talinghaga, hulagway, o sa isang
. . . .kaso, hindi bawat pintura—dahil kailangan—ay mapa.
Bagaman maaaring maging gayon.

. . . . . . . . . . . .II
Walang saysay ang mapa—gaya ng winika ng pintor na Nabi Maurice
. . . .Denis sa lahat ng pintura—bagkus isang areglo ng mga anyo
. . . .at kulay sa dalawang-dimensiyong rabaw.

Kung ang buong teritoryo’y omohéneo, tanging hugis ng mga hanggahan
. . . .ng teritoryo ang mailalahok sa mapa.

Walang punongkahoy ang tumutubo sa mapa.

Ang mapa ng tunay na mundo’y hindi mababaw na guniguni kompara
. . . .sa guniguning mundo.

. . . . . . . . . . .III
Ang mapa’y wala kundi dalawang-dimensiyonal na representasyon ng
. . . .tatlong-dimensiyonal na mundo na dinadalaw ng multo: panahon.

Kung maimamapa natin ang tatlong-dimensiyonal na mundo sa dalawang
. . . .dimensiyon, posible ring maipama ang apat-na-dimensiyonal
. . . .na mundo sa tatlong dimensiyon.

Sa olográfikong mapa, ang panahon ay marapat na maimapa.

Gaya ng Mundong hindi humihintong magbago sa paglipas ng panahon,
. . . .ang kasaysayan ng mga mapa ay hindi humihinto sa kasaysayan.
Ang ídea natin ng espasyo ay nagbabago alinsunod sa mga pagbabago
. . . .sa ating ídea ng panahon.

. . . . . . . . . . .IV
Bawat mapa ay nagsisimula sa paglalakbay.
Ngunit ang bawat paglalakbay ba’y nagsisimula sa mapa?

Ang mapa ay sa paglalakbay kung ang mito ay sa wika.

Ang mga mapa, noon pa man, ay mga kuwento ng biyahe.
Nang lumaon, ang mga mapa’y tanawin sa gilid ng panganorin:
. . . .Mga biswal na salaysay.
At sa wakas, mula sa pananaw ng ibon: mga tulang heograpiko.

Ang mapa ay masining na manipestasyon ng tákot sa nalilingid.

 . . . . . . . . . . .V
Sipatin ang lupain mula sa itaas: kahambugan ng pekeng diyos.

Sa simula, ang mga mapa ng mundo ay kaagapay ng mga mapa
. . . .kalangitan.
Nang lumaon, ang mga mapa’y naiwang walang langit.
Kung magpapatuloy ito, ang mga susunod na mapa’y mawawalan
. . . .ng mundo.

Hindi totoo ang anumang katotohanang maisasalaysay.
Ang mga salita’y taliwas sa mga pinatutungkulan nito.
Ang mga mapa ng mundo ay taliwas sa nasasagap na mundo.
Ang mga karta ng mga bituin ay hindi yaong kalangitan.

Ang tuldok ay bayan.
Ang linya ay isang haywey.
Ang pintadong rabaw ay isang bansa.
Ang isang tomo ay mapa marahil ng kasaysayan.

 . . . . . . . . . . .VI
Mga mapang eksteryor: heograpiya.
Mga mapang interyor: sikograpiya.
Ang mga pandama ang mga pinto.
Ang mga hanggaha’y láwas na buo.

Ang aral na mahuhugot sa mga mapa’y kaugnay ng ídea ng kontrol,
o—sa maraming kaso—sa ídea ng konserbasyon.

Kung iisipin ang tuwirang relasyon na umiiral sa mga mapa at tubò,
. . . .mga digma ng pananakop, at pagsaklaw sa panahon, hindi
. . . .maiiwasang magunita ang tula ni Stephen Spender:
Ang Kronometro at ang Mapa ng Artilyeriya.

Ang mapa ang suka ng ambisyon ng tao.
Ang ambisyon ng tao ang sukat ng Sistema ng mga reperensiya.

Ang lahat ng punto ng reperensiya sa mapa ay palabas sumipat.

. . . . . . . . . . . .VII
Mga mapa ang mga ideal na retrato ng ating ina.

Tinititigan tayo ng mga mapa kapag ipinamalas nila ang mga rabaw nila.
Kapag ibig ipakita ang lalim, tumitingin ang mga ito nang patagilid.

Noong bago pa ang kartograpiya, hindi pa possible—marahil hindi
. . . .kanais-nais—na ibukod ang mga teritoryo ng pagiging gising
. . .  mula sa mga tanawin ng panaginip.

Ano ang mga kulay ng mapa kundi pangangarap?
Ang anestesyadong gunita ng ating kabataan.
Sa tanggapan ng kartograpo, ito’y bintanang bukás.
Ligayang pinakapayak, pinakalantay na bukál.

. . . . . . . . . . . VIII
Bawat mapa ay isang isla.

Ang dáting ilahas na teritoryo’y isa nang mapa.

Lahat ng pagsulat ay pira-piraso.
Bawat mapa ay pira-piraso.

Walang nagaganap na paglalakbay sa mga mapa.
Sa tula ay walang ganap na naisasakataga.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Balangay

2. Balangay

“Kailangan ko ng alipin,” winika ni Fernando habang kausap ang mga pahinante sa piyer. Pinagtawanan lamang siya ng mga nakarinig, at inuyam na kulang lamang siya sa alak.  “Magpakalasing ka, panyero!” anila, sabay halakhak. “Hindi ka makararating sa iyong patutunguhan!” Nagtiim-bagang lamang si Fernando, saka taas-noong naglakad samantalang kuyom sa kanang kamay ang isang mapa. Sa pagmamadali’y nakabunggo niya sa daan ang isang binatilyo, na sunog ang balat at bulawan ang buhok.

“Aba mo ngani,” nasambit ng binatilyo. Nang magtugma ang kanilang mga mata’y kinutuban si Fernando na ito ang kaniyang hinahanap na alipin. Sumasal ang tibok ng kaniyang puso. Sinikap ni Fernando na kausapin ang binatilyo sa paraang mauunawaan nito. Nagmuwestra pa ito ng kung ano-anong anyo, at pagkaraang mapagod ay saka tumugon ang binatilyo.

Itinuro niya ang isang balangay na winasak ng bagyo, at sinabing “Nais kong sumakay sa iyong dambuhala.” (Itutuloy. . . .)