Pag-iral ng Panauhin sa Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Pag-íral ng Panaúhin sa Pulô

Roberto T. Añonuevo

Ang pag-íral ay tunggalîan, at párang págpaloób sa pambansâng múseo, na másalimuót ang ugnáyan ng síning at ídeolohíya. Hindî makapágbibigáy sa iyó ng kálkuládong karunúngan, gáya sa ísports o písika o polítika, ang Spoliarium ni Juan Luna, bagkús máhihindík sa mga gládyador na kinákaladkád ng mga Rómanong káwal, mápopoót sa mga mánonoód na warì’y taksíl o bantáy-salákay, at madudúrog ang loób sa babáe at matandâng naulilà na pawàng pinipígil ng hikbî at dalámhatì samantálang umáalíngawngáw sa palígid ang nághihiyáwan sa gálak at pánlilibák. Anó ang pakialám mo sa árkitektúra ng kóliseo o sa móda ng pananamít ng mga Rómano? Walâ. Anó sa iyó ang kímikong komposisyón ng óleo at óptikong ilusyón ng mga kúlay at aníno na biníhag ng kámbas na may Éwropeong himaymáy? Walâ. Gayunmán, ang kukurót sa damdámin ay nagpápanatilì ng ugnáyan sa kaaláman hinggíl sa nakáririndí at karimá-rimárim na bakbákan, o sa halagá ng búhay na maiklî ngúnit kapaná-panabík, anumán ang urì at lahì. Ang kakatwâ sa síning, kumbagá, ay ibukás ang iyong matá sa gitnâ ng noó o bátok o pálad, sagápin ang anumáng nabigông maitalâ sa kasaysáyan ng ímperyo pagkaraán ng pagtatágis ng mga éspada at balutì, at damhín ang kung anóng pahiwátig sa réalidad ng mga bilanggông sinawîng pálad na may alusyón sa iyóng daigdíg. Samantála, ang ídeolohíya ay malímit nághahayág ng mga posisyón at dibisyón ng mga urì ng kawaní at opisyál sa ópisina na tumátanáw kay Luna at sa Spoliarium, na ipágpalagáy nang “répresentasyón ng guníguníng relasyón ng mga índibidwál sa kaniláng túnay na kondisyón ng pag-íral” sa loób at labás ng múseo. May sáhod mulâ sa bádyet ng pámahalàan ang mga kawaní at itó ang nagtitiyák sa réproduksiyón ng lakás-paggawâ sa buông múseo at sa relasyón sa réproduksiyón ng lakás-paggawâ sa loób at labás ng múseo. May sáhod ang kalupunán at itó ang nágtitiyák sa pag-andár ng ídeolohíkong áparáto ng éstado, hábang nangángalagà sa dambuhalàng óbra máestra na púwedeng magíng ópyo ng madlâ. Sa Marxistang tradisyón, wikà nga ni Althusser, ang éstado ay tinatanáw na mapanúpil na áparáto. Kailángang manúpil ng éstado úpang makaíral itó, at kailángan nitó ang pagpápalagánap ng ídeolohíya úpang magíng katanggáp-tanggáp sa paningín ng públiko. Ang pagpások mo sa múseo ay párang móro-móro sa pulô, na ang mga ídeolohíkong áparáto ng éstado ang nágtatanghál sa síning ng mga lamánlupà: Kailángan ang tunggalîan úpang patúloy siláng makaíral, at manaíg ang sinásambá niláng Aníto, tawágin man itóng Tagápangúlo.

Alimbúkad: Epic raging poetry in search of humanity. Photo by Una Laurencic on Pexels.com

Sa Lahat ng Gawa ng Tao, ni Bertolt Brecht

 Salin ng “Von allen Werken,” ni Bertolt Brecht ng Germany
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sa Lahat ng Gawa ng Tao
  
 Sa lahat ng gawa ng tao’y pinakaibig ko
 Ang mga bagay na dati nang ginamit.
 Ang mga tansong kalderong may kupî at nasapad ang gilid,
 Ang mga kutsilyo at tenedor na ang mga tatangnan
 Ay nalaspag ng maraming kamay: ang gayong anyo
 Para sa akin ang pinakadakila. Gayundin ang mga láha
 Sa palibot ng matatandang bahay
 Na niyapakan ng maraming paa, at nangapagal
 At tinubuan ng mga damo ang mga pagitan:
 Lahat ng ito ay likhang kasiya-siya.
  
 Ipinaloob upang magsilbi sa marami,
 At malimit binabago, ang mga ito’y pinahuhusay 
 ang angking hugis, at nagiging mahal habang tumatagal
 Dahil palagi yaong pinahahalagahan.
 Kahit ang mga baság na piyesa ng eskultura
 Na putól ang mga kamay ay itinatangi ko. Para sa akin,
 Buháy ang mga ito. Naibagsak man yaon ngunit binuhat din.
 Binaklas ang mga ito, ngunit nakatitindig nang marangal.
  
 Ang mga halos gibang gusali’y muling nagsasaanyo
 Ng mga gusaling naghihintay na ganap maisaayos
 At lubos na pinagplanuhan: ang mga pinong proporsiyon 
 Nito’y mahuhulaan agad, ngunit kinakailangan pa rin
 Ng ating pag-unawa. Kasabay din nito’y
 Nakapagsilbi na ang mga bagay na ito, at nanaig sa hirap.
     Lahat ng ito
 Ay ikinalulugod ko. 
Alimbúkad: World poetry beautiful. Photo by Mike on Pexels.com

Atalaya at Payo, ni Roque Dalton

Salin ng “Atalaya,” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Atalaya

Ang relihiyon na nagwiwikang nasa langit ang tinapay
Saka malupit at walang latoy ang makalupang búhay
At hindi ka dapat labis na mabahala sa magaganap
Ang garantiyang tunay na matatalisod ka kada hakbang,
At hahampas nang lubos sa mga bilugang bato ng lupa
ang mga ngipin at kaluluwa hanggang tuluyang mabasag.

Salin ng “Consejo que ya no es necesario en Ninguna parte del mundo pero que en El Salvador. . .” ni Roque Dalton ng El Salvador
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Payo na hindi na kailangan saanmang panig ng mundo kundi sa El Salvador. . . , ni Roque Dalton

Huwag kalimutan
na ang pipitsuging pasista
sa hanay ng mga pasista
ay pasista pa rin.

 

Ulo ni Shakespeare, ni Stephen-Paul Martin

Salin ng kathang “Shakespeare’s Head,” ni Stephen-Paul Martin                ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ulo ni Shakespeare

. . . . . . .Naipit siya sa maipapalagay na malawakang pagbabago, ang transpormasyong labis na malaganap na mahirap maunawaan. Nawika marahil niya na ang tunggalian ng tradisyon at inobasyon, ang prinsipyo ng panlipunang pagbabago, ay mangyayari lámang kapag namayani ang inobasyon. Gayunman, ang pangkulturang inobasyon ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng istorikong proseso, isang kilusan, na kapag nagsimulang maging maláy sa kabuuan nito, ay makiling na sasapawan ang mga presuposisyon na bumubuo rito, saka sisikaping saklawin ang lahat ng transpormasyong sosyokultural.

. . . . . . .Sa ganitong laro ng mga tensiyon nabubuo ng mga indibidwal ang mga identidad, na mailalarawan bilang mga relatibong awtonomong totalidad, ang mga sona ng organisasyong nahuhubog bilang padron ng mga tinig, na kilala ang ilan at ang ilan ay naghahayag mula sa pangkulturang matrix, ang kabuuang istorikong kilusan na binubuo nila at tinataglay. Batid niyang ang gayong mga pagtatatag ay nalalahukan ng pasakit, mga pansamantalang dislokasyong ginagawa ang kasalukuyan na waring retroaktibo. Ang mga salitang nabubuo upang gabayan ang kaniyang mga pagsagap ay maaaring munti lámang ang kinalaman sa kaniyang hinahanap, at baká naging bahagi ng nakalipas na hindi naman talaga naganap, isang nakaraan na naganap noon at waring nagbabalik sa kasalukuyan. Ang tinig na ibig pukawin ang kaniyang pansin ay tila mula kay Shakespeare. Ngunit ang totoo’y wala siyang pakialam, makirot ang ulo niya dahil sa lagnat, at sumalpok ang maragsang simoy ng Nobyembre sa kaniyang mga ngipin, sa kaniyang lalamunan, hiniklat ang kaniyang balbas, pinatindig ang kaniyang mga buhok bago binunot, binaklas ang kaniyang ilong, sinungalngal ang kaniyang mga ngipin paloob sa lalamunan, sakâ tinagpas ang kaniyang ulo, na tumalbog-talbog pababa sa kalye—hanggang huminto ito sa gilid ng istroler ng sanggol na malapit sa kabina ng telepono. Iniunat niya ang kaniyang mga kamay upang abutin ang kaniyang mukha, kinapâ ang espasyo na dáting kinalalagyan ng ulo, pasuray na naglakad pababa sa biyak at mabantot na bangketa, at natalisod sa may kanto nang sumulpot bigla sa kalye si Jill.

. . . . . . .Hindi malaman ni Jill kung ano ang kaniyang nakita—isang lalaking pugot ang ulo—ngunit nang matanaw niya ang duguang mukha sa istroler na gulilat wari at sabóg, alam niyang ang pagkawala ng ulo ay higit sa maipapahiwatig ng tayutay, at namuo sa kaniyang isip ang puwang imbes na diwain o malinaw na persepsiyon. Walang iniwang tatak ang duguang mukha, at naglakad siya sa lansangan nang di-nababagabag, pumasok sa kabina ng telepono, tinawagan ang kaniyang boss at nagbitiw sa trabaho, pagdaka’y nakaramdam ng ginhawa gaya ng bagong silang na sanggol, pumasok sa bar na malapit sa Pook Astor, at naghanap ng mga lalaking makakausap.

. . . . . . .Natalisod si Jack pagkaraan ng tatlumpu’t walong segundo, umupo sa bar at tumabi sa babae, saka sinimulang basahin ang Ang Salarin sa Loob Ko.

. . . . . . .Sabi ni Jill: Natapos ko nang basahin iyan noong isang linggo! Hindi ba maganda?

. . . . . . .Sabi ni Jack: Oo, maganda. At sinagot niya ang tatlong Dos Ekis para sa babae.

. . . . . . .Hindi naglaon at nagbalik sila sa silid ni Jack upang makilala ang isa’t isa sa kama, ngunit biglang namula si Jill, hinawakan ang kaniyang ulo, at nagunita ang mukha sa istroler.

. . . . . . .Diyos ko, aniya, hindi ka maniniwala sa nasaksihan ko noong hápon! Nakita ko ang lalaking pugot na naglalakad sa kalye, at nakita ko ang sa wari ko’y ulo niya na nasa istroler ng sanggol.

. . . . . . .Nayamot si Jack sa pagkabalam. Aniya: Paano mong nalaman na ang ulo ay mula sa nasabing katawan? Baká nagkataon lámang iyon! Bumangon siya sa kama at nagsindi ng tabako, nagbalik sa kaniyang desk at tumitig palabas ng bintana. Bakit ang bawat babaeng makilala niya ay mabibigat ang dinaramdam? Bakit malimit silang nakatuon sa pagdurusang pisikal? At bakit ang pangkulturang inobasyon ay naging isa pang kalakal? Bakit ang pakikibaka ng tao ay nakapailalim sa diskurso ng mga imahen, hanggang sa puntong ang pakikibaka mismo ay kailangang muling ipakahulugan, na higit ngayong nauunawaan sa politika ng persepsiyon, ang pakikibakang hindi dapat ganap na ipailalim sa laro ng mga kalakal?

. . . . . . .Nang umalis si Jill ay nagbalik si Jack sa bar at sinikap na magmukhang tae. Pambihira ang musika at nagsasayaw ang mga tao. Nasa sulok ang isang matangkad, matabang rubya na umiindak-indak hanggang malaglag ang ulo. Tumayo si Jack at nagsayaw at hindi nagtagal ay natagpuan ang sariling katabi ng babae.

. . . . . . .Nang huminto ang musika, sinabi ni Jack: Tipo mo ba si Jim Morrison? At tumugon ang babae: Oo, pero mas gusto ko si Van Morrison.

. . . . . . .Nabatid ni Jack na ang pangalan ng babae’y Maureen, at sinabi niyang kung magkakaanak siya’y pangangalanan ng Maureen, ang paborito niyang pangalan. Sinabi naman ng babaeng hindi niya kailanman nagustuhan ang kaniyang pangalan, at pinaplanong baguhin iyon, marahil tawagin ang kaniyang sarili na Marguerrite, o Mary Beth, o Melinda. Naisip ni Jack na maganda lahat ang pangalan, ngunit higit niyang naibigan ang Maureen. Sinabi ni Maureen na pagod na siyang makilala ang mga lalaking mabigat ang dinaramdam, mga lalaking malimit nagbabasá ng mga aklat na pantulong-sa-sarili at ukol sa terapya, mga lalaking hindi matanggap ang kanilang mga lalaking identidad. Itinanong ni Jack kung ano ang ibig sabihin ng “mga lalaking identidad.” Ipinaliwanag iyon sa kaniya ni Maureen, nagsaad ng mga metikulosong detalye, bukod sa malilinaw na halimbawa, at ipinaliwanag ang lahat ng kaniyang termino. Ngunit naisip ni Jack na ang lahat ng iyon ay kagaguhan. Aniya’y kailangan muna niyang magtungo sa kubetang panlalaki.

. . . . . . .Nang patungo na siya sa kubeta’y nasalubong niya ang kaniyang terapewta, si Bert, at ang kaniyang Boss, si Bart, na magkahawak kamay at nakatitig sa isa’t isa at humahalakhak. Hindi niya natunugang bakla ang isa, at kapuwa sila napahiya, bumulong-bulong ng mga walang saysay na palusot at lumabas pagkaraan, lumakad nang mabilis tungo sa kalye, at nadamang lulutang wari ang kanilang mga ulo hanggang kalawakan.

. . . . . . .Mapayat si Bart, ang poging lalaki mula sa Tulsa. Nagtungo siya sa New York noong 1969, sa hangaring makakuha ng doktorado sa sikolohiya mula sa Columbia, ngunit hindi naglaon ay napatalsik siya sa kurso sanhi ng malaganap na dislokasyon, na sa totoo’y hindi niya maitatwa o malinaw na mailarawan. Ang mga mosyon na ang mga pangmasang kalakal ay pinararami nang kung ilang ulit sa mga publikong espasyo ay lumampas na sa hanggahan ng pagkasagana nito, at yamang ang wakas ng di-mapipigil na reproduksiyon ay malabo pa, ang sitwasyon ay maipapalagay na isang uri ng pribasyon. Sa sandali ng ekonomikong labis-na-produksiyon, ang namuong resulta ng panlipunang kontrol ay nagiging matingkad, sinasaklaw ang pisikal na espasyo sa laro ng mga imahen, na ang interaksiyon nito ay lumilikha ng ilusyon ng isang kultura. Nahulog ang mga salita sa mga mata ni Bart at sumaboy sa tumapong serbesa sa sahig. Ngunit walang pakialam si Bert dahil si Bert ay mapayat, guwapong lalaki na mula rin sa Tulsa. Nagtungo siya sa New York noong 1972 upang maging mananayaw. Subalit mahigpit ang kompetisyon, kaya lumipat siya sa sikoterapya, ang hakbang na itinuturing niya ngayong malaking pagkakamali, dahil napuwersa siyang harapin ang lahat ng makikirot na bagay na hindi niya malutas, gaya ng katotohanang kinapopootan niya ang matatagumpay na tao, na wala siyang panahon para sa kaniyang mga pagkakamali, walang panahon para sa mga problema ng ibang tao, na hindi siya tinitigasan kapag pinahahalagahan niya ang mga tao na kinakatalik, na napupuyat siya sa gabi sa takot na makatanggap ng malalaswang tawag sa telepono, na ang mga ulap sa timog ay tiyak na pahiwatig ng kamatayan ng isang minamahal, na ang marurubdob na pakikipagtalo ay tila nakapagpapaliit sa mundo, na si Lot ay nakipagtalik sa kaniyang mga anak na babae makaraang masawi ang kaniyang kabiyak, na minsang tinangka ng kaniyang amang patayin ang lalaki na nag-aari ng baboy na ikatlo sa pinakamalalaki sa buong mundo, na ang kaniyang ulo’y gaya ng lobo na puputok sa isang pagdiriwang ng kaarawan.

. . . . . . .Romantiko ang buwan, nakaporma sa mga anino ng mga gusali, habang sina Bart at Bert ay naglakad nang magkahawak kamay sa Broadway tungo sa Kalye Canal. Ngunit nawasak ang tagpo sanhi ng tunog ng sigaw ng babaeng minumura ang kaniyang asawa mula sa ikaanim na palapag sa paupahang malapit sa Chinatown, at lalong naulol ang bana niya, at sumigaw nang may panlalait pababa sa hagdang patumbok sa kalye, binantaan na iitakin ang babae, at pinaratangang taksil ito at nilibak sa kung ano-anong bastos na pangalan, ngunit nagdilim ang paningin ng babae at inagaw ang itak at pinatumba ang lalaki sa isang kaliweteng bigwas, samantalang walang kamalay-malay na naging gastado ang buong kapitbahayan, na pinalitan ng sunod-sunod na imaheng umiiral sa itaas at lampas doon, at sa parehong panahon ay pinilit ang sarili sa kamalayan ng kultura, na inihahain na tila ba mababang uri ito ng nasasalat na anyo ng mga pangyayari sa espasyo, na biglang naging kapuwa kasalukuyan at absent, gaya ng aklat sa TV wrestling na pinagpupuyatan niyang matapos, na sinulat ng lalaking malinaw na sabik sa dominasyon, na ang bawat salita at parirala ay may masokistang implikasyon, o kahit paano’y gayon ang naiisip ng babae, ngunit alam niyang labis ang kaniyang pagpapalagay, at labis ang pagbasa sa aklat na hindi laan sa masinop na pagsusuri.

. . . . . . .Gayunman, hindi lubos maisip ng babae na ang lahat ng bagay ay dapat matalas na sinusuri, na maraming walang saysay na nagaganap sa mundo ang sa unang malas ay hindi nakapipinsala, ngunit pagkaraan ay nagiging nakamamatay, na dapat suriin nang maigi, tingnan kung para saan talaga iyon at hindi dahil sa kung ano ang ipinagmamagara nito, ngunit pagkaraan, winika niya sa sarili, na malimit siyang seryoso nang labis, na nagpapahiwatig na marahil, ang kaniyang sariling mga kontradiksiyon ay mumunting pagninilay sa mga pakikibaka ng mga makapangyarihang konglomerado, na ang mga minapakturang tunggalian ay sadyang mga estratehiya ng pagkontrol sa pananalapi, isang paraan ng pagpapalihis ng pansin tungo sa mga madulaing representasyon, palayo sa mga kaguluhan at guho na bumilanggo sa kaniya, at biglang pinagsisihan niya kung bakit iniwan ang kaniyang bana na lugmok sa kalye. Sinabi niyang hindi kasalanan iyon ng kaniyang bana. Pagkaraan, sinabi niya sa kaniyang sarili na kasalanan nga ng lalaki. Muli niyang ibinulong iyon sa sarili. Paulit-ulit. Nagsimula siyang paniwalaan yaon. Walang karapatan ang kaniyang bana na tawagin siyang puta, kahit gayon ang ibig niyang sabihin, kahit bulaklak ng dila lámang iyon, dahil ang totoo’y samot ang kapangyarihan ng mga tayutay, na naging sanhi ng mga digmaan at pambihirang imbensiyon, na sa yugtong iyon ng kagila-gilalas na pagtatanghal, labindalawang bloke ang layo sa pusod ng lungsod patugpa sa Kalye Walker, Unang Yugto ng Hamlet, ang yugtong pinagsasabihan ni Polonius ang kaniyang anak na pigilin ang dila na isakataga ang lamán ng diwa, at si Bill ay inaantok sa unang hanay ng upuan, na mukhang gago dahil dinapuan ng matinding sipon at lagnat. Kailangan niyang kumapit nang mahigpit sa kinauupuan upang maiwasang umubo nang masasál, at pumigil iyon sa kaniya na ganap na maarok ang dula, na naging sanhi para lalo siyang magmukhang gago. Gayunman, ang pangunahing dahilan kung bakit siya lumabas ay hindi dahil gusto niya si Shakespeare, bagkus dahil kailangan niyang basahin ang Hamlet para sa English 101 sa NYU, at yámang hindi niya masakyan ang wika ni Shakespeare, naisip niyang makabubuti kung panonoorin niya ang pagtatanghal ng dula. Walang sinuman sa kaniyang klase ang káyang pagtiyagaang basahin si Shakespeare. Lahat sila’y dama na ang wika ay masalimuot at labis na sinauna. Subalit may nakatakda silang pagsusulit—at kailangan nilang maintindihan ang Hamlet. May naisip na plano si Bill. Lahat sila’y maglalakad sa Kalye Walker nang tangan ang mga VCR at notbuk. At ngayon, doon siya sinipon. Sinikap niya ngunit wala siyang maunawaan, at humapay siyang hilong-hilo sa kinauupuan, nadamang ang kaniyang lagnat ay tumataas, natutunaw sa espektakulo ng mga mapandahas, huwad-na-aliwan, kinalakal na representasyon ng mga tao na inupahan bilang mga pangkulturang ikon, balighong gantimpagal, pekeng kaluguran, na pawang nakapailalim lahat sa pangmalawakan at nakasasagad na kisapmatang kuwantipikasyon. Malabo niyang nasagap na ang ibang manonood ay isinantabi iyon at itinuring na walang saysay, na ang panahon ay naging kalakal, mala-siklikong padron na ginagaya ang mismong pagbabago na pinipigil nito, na lumalaganap dahil sa lumalalang kahirapan na sinisikap nitong ikubli, ang kahirapang nililikha nito at pinalalaganap. Tradisyon at inobasyon ang muling ipinakakahulugan bilang mga simulasyon, kategoriya na waring tumutukoy sa istorikong proseso, nililikha sa pamamagitan ng teknolohikong puwersa na kahit ang malakas ay hindi makaliligtas, ginagawa ang hinaharap na magmukhang isang tao na nagbitiw sa kaniyang trabaho nang wala man lang babala. Nakaramdam siya ng malakas na bugso ng simoy sa kaniyang katawan, at natunugang baká lumakas pa ang hangin at umangat at hiklatin ang kaniyang ulo.

Ngunit ang gayong pagpapalagay ay tila paglikha ng hangin na katumbas ng bulaklak ng dila, na sa katotohanan ay naroon iyon at bumubuga mula sa iba’t ibang panig, hinahatak pabalik ang kaniyang balbas, sinusungalngal ang kaniyang mga ngipin paloob sa lalamunan, pinipigtas ang kaniyang ulo, at hinihipan palayo ang ilong tungo sa kalye. Naupo siya roon na waring gulilat at batong-bato, gaya ng lumamig na pagkain sa piging doon sa kasalan, o kaya’y sanggol na iniwan sa labas ng bahay at nakasakay sa istroler at kumakagat ang lamig ng Nobyembre, pinanonood ang mundo na umandar nang hindi nauunawaan.

Ang Manggagawa bilang Bayani sa katha ni Juan L. Arsciwals

Pagtataksil sa simulain ng kilusang manggagawa ang umaalingawngaw sa mala-nobelang kathang Isa pang Bayani. . . (1915) ni Juan L. Arsciwals. Ngunit huwag akalaing hanggang doon lamang ang saklaw ng katha. Nakapahiyas nang pailalim sa obra ni Arsciwals ang sosyalistang pananaw sa pinakapayak nitong anyo, at humuhula ng napipintong himagsikang pumapabor sa uring manggagawa.

Ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola, kaya umangal ang mga manggagawa sa pabrika ng tabako. (Tumutukoy ang “vitola” sa uri ng anyo ng tabako o sigaro, na maihahalimbawa ang robusto at corona.) Nagpulong ang unyon hinggil sa marapat nilang maging tugon, at napagkaisahang makipagnegosasyon sa pangasiwaan. Nagmatigas ang mga namumuhunan, kaya nagkaisa pagkaraan ang mga manggagawa na magwelga sa pamumuno nina Gervacio, Mauro, at Pablo.

Nangamba ang mga namumuhunan sa magiging epekto ng pag-aaklas, at kinausap nito nang palihim si Pablo para bumaligtad kapalit ng pabuyang salapi. Pumayag naman si Pablo dahil sa hirap ng buhay, at naging tulay upang hikayatin din si Gervacio at ilang kasamang manggagawa. Nabiyak ang hanay ng unyon nang magkaisa sina Pablo at Gervacio, kasama ang ilang eskirol, na pumanig sa mga namumuhunan. Ngunit nabigo ang dalawa na himukin si si Mauro. Nanindigan si Mauro at pinanatili ang dangal.

Isang araw, nasalubong ni Mauro ang mga manggagawang bumaligtad, na ang iba’y nasiraan ng loob sa ipinaglalaban. Ipinaliwanag ni Mauro ang posisyon at ibinunyag ang pagbaliktad ng mga kasama sa simulain, subalit sumalungat sina Gervacio at Pablo. Nagkaasaran, at tinangkang saksakin ni Gervacio si Mauro. Tinamaan sa bisig si Mauro ngunit naibalik ang saksak sa katunggali. Si Pablo naman ay sinaksak din ng isang di-kilalang tao.

Nagkaroon ng labo-labo, at dumating ang mga pulis at dinampot si Mauro. Isinakdal at pagkaraan ay nahatulan ng hukuman si Mauro na makulong nang siyam na buwan at isang araw. Nagpatuloy ang bulok na sistema sa pagawaan ng tabako, at lalong ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola. Ipinagbawal ang pagbubuo ng unyon sa pabrika, at waring pahiwatig iyon sa katumpakan ng ipinaglalaban ni Mauro.

Ipinamalas sa kathang ito ang lunggating sosyalismo para sa mga Filipinong manggagawa. Sa pananaw na ito, ang mga kumakayod sa trabaho ay dapat pantay-pantay na magkamit ng karampatang salapi at benepisyo alinsunod sa bunga ng kanilang kolektibong pagpapagal. Mahihiwatigan ito sa pukol ng pananalita ni Mauro, nang kausapin niya ang mga manggagawa:

Karapatan natin sa haráp ng sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán ng sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma’t ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga’t maaabót ng kaya . . . sukdang ikamatay.

Ang ganitong tindig ni Mauro ay taliwas sa posisyon ng mga namumuhunan, na walang iniisip kundi magkamal ng tubo. Imbes na pakinggan ang mga manggagawa ay uuyamin at pagtatawanan pa, at sa di-iilang pagkakataon ay lolokohin at susuhulan upang mapanatili ang kapangyarihan, yaman, at kalakaran sa lipunan.

Ipinahihiwatig din sa katha kung paano natitiwalag ang manggagawa sa kaniyang ginagawa—na nagbubunga ng higit na kahirapan, kamangmangan, at kawalang-katarungan. Ang pagkatiwalag ng manggagawa sa dalisay na kalooban ay may kaugnayan sa proseso ng kaniyang trabaho sa tabakeriya. Nagiging bagay ang trabaho na lumalayo sa tao, at ang bagay na ito ang siyang kinakasangkapan ng mga namumuhunan upang manatiling busabos ang mga anakpawis.

Sa pananaw ng mga negosyante, ang mahalaga ay kumita ng salapi kahit ang kapalit ay pagkabusabos ng mga manggagawa. Gagawin nila ang lahat, gaya ng panunuhol, upang makapangalap ng mga eskirol at pabaligtarin ang posisyon ng mga pinuno ng unyon. At sa oras na magwagi sila ay ibabalik ang dating sistema, sisipain ang mga sungayang kawani, ibababâ ang sahod ng mga obrero, at bubuo ng mga patakarang kontra-manggagawa, gaya ng pagbabawal sa pagtatayo ng unyon.

Kung sisipatin naman sa Marxistang pananaw, natitiwalag ang mga tabakero sa kani-kaniyang sarili dahil ang trabaho nila sa pabrika ay nagkakait sa kanila ng pamumuhay na makatao, samantalang bumabansot sa kanilang isip, loob, at pangarap na tamuhin ang maalwang búkas. Mawawakasan lamang ang ganitong pagkatiwalag kung magkakaisa ang mga obrero na labanan ang mga namumuhunan sa pamamagitan ng kolektibong protesta at pag-aaklas. Kailangang mabawi nila ang kapangyarihan, at magaganap lamang ito sa takdang panahong ganap na maláy na ang mga manggagawa.

Ang paggawa ang tanging may halaga, kung paniniwalaan si Marx. Hindi umano kumakatawan ang puhunan sa pinagsanib na puwersa ng lakas-paggawa. Umiiral lamang ang puhunan dahil sa mabalasik na pangangamkam, gaya ng matutunghayan sa karanasan ng mga tabakerong kabilang sa unyon. Ang pagtutol ng mga namumuhunan na bigyan ng sapat na sahod at karapatan ang mga manggagawa ang magtutulak at magbibigay-katwiran sa mga manggagawang gaya ni Mauro na maghasik ng paghihimagsik, na ang isang manipestasyon ay marubdob na welga o pag-aaklas. Ang ganitong pangyayari ay “hindi mapipigilang lumitaw sa angkop na panahon ng kasaysayan.”

Ngunit mabibigo si Mauro.

Mabibigo si Mauro at ang unyong manggagawa dahil hindi pa hinog ang panahon, ayon na rin sa pagwawakas ng salaysay na isinakataga ni Serafina, ang esposa ni Mauro. Hindi pa ganap na nahuhubog ang kamalayan ng mga manggagawa tungo sa progresibong pagkilos, at maaaring mangailangan “ng maraming kristo” para sa kapakanan ng uring manggagawa. Ano ang ibig sabihin nito? Ang pagiging manunubos ay hindi dapat iatas lamang sa balikat ng isang tao, bagkus sa lahat ng mamamayan. Ang kabayanihan ay dapat taglayin ng kolektibong puwersa ng mga manggagawa upang makamit nito ang pinapangarap na pangmalawakang himagsikan, na magbubunga ng bagong lipunan at makapagpapanumbalik sa nawalang pagkatao ng gaya ni Mauro.

Sanggunian:

Arsciwals, Juan L. Isa pang Bayani… Tondo, Maynila: Imprenta y Libreria ni P. Sayo Vda. de Soriano, 1915.