“Ang Kuwento ng Síklopes,” ni Nikolai Glazkov

Salin ng “The Tale of Cyclopses,” ni Nikolai Glazkov ng Russia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Kuwento ng Síklopes

Biglang nagpasiya ang Panginoon
Na kukunin niya noong unang panahon
Ang isang mata ng bawat kabilang
Sa mayorya ng populasyon ng mga tao.

Lumitaw ang síklopes sa kung saan-saan
na sumasalubong sa iyong sulyap o titig;
At alinsunod sa ibig ng Diyos kung sino
Ang dapat magtaglay ng dalawang mata.

Ang lahing síklopes, na lumaya sa alamat,
Ay kisapmatang naging uso’t sikat na sikat.
At nagsimula silang uyamin ang sinumang
May dalawang mata sa tuksong “Abnoy!”

Sila ang minorya, ang may dalawang mata,
At kabilang sa hanay nila ang nagsikap
Na unti-unting tumanaw at sumipat
Na waring iisa lámang ang paningin.

Bagaman kakatwa at alangan wari ito
Para sa másang may dalawang mata,
Sadyang normal lámang para sa lahat
Ang tumulad sa buong lipi ng síklopes.

Simula ng Pag-ibig, ni Jason Montana

salin ng tulang “Love Beginning” ni Jason Montana.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SIMULA NG PAG-IBIG

Ngayong umaga’y umimbulog ang pulang banog
upang tingnan ang iyong pag-akyat sa kubling bagnos.

Samantala, umaawit ako sa mga ganitong tarik
ng pagmamahal na sumisibol sa Ifugaw na langit.

Naglaho ang maiitim na pangkat ng mga rebelde,
at muling lumitaw ang malilinaw na bukal sa tabi

ng lupain upang magtipon bilang paglalagom
ng daan-daang ilog ng mga masang nagugutom.

Ang Partido ay nasa gitna ng gayong pakikibaka.
Umuulan ng pinilakang anyo ng kamalayang masa

upang dumaloy nang masinop sa bawat payyo,
sa bawat hamlet,  sa mga tao tungo sa bagong hukbo.

Ang saluysoy ng mga batis sa loob ng mga gubat
ay babala sa bulók na rehimeng ito ay babagsak.

Dumarating ang mga taganayon para sa pulong-bayan.
Nabubuo ang mga sirkulo sa lilim ng tatlong bahay.

Ipinapasa ang bilot para sa mga ngangang ngunguyain,
at sasapit ang dambuhalang banog upang lumilim.

Erap versus Manny versus Noynoy

Umiinit ang bakbakan sa kampanya, ngunit nananatiling ligtas sa pangunang puwesto si Noynoy Aquino alinsunod sa sarbey ng pambansang halalan. Sinisikap ng kampo ni Manny Villar na alisin sa ekwasyon si Gibo Teodoro, upang ang bakbakan ay maging Aquino vs. Villar. Ang pagkalas ni Prospero Nograles sa koalisyong Lakas-Kampi-CMD ay hindi na bago. Matagal na itong inaasahan, dahil si Teodoro (at si Edu Manzano) ay halatang isinangkalan lamang upang pagkaraan ay isulong ng mga kakampi ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ang kandidatura ni Villar.

Kung mawala man si Gibo sa karera, ang higit na makikinabang ay si Noynoy at hindi si Manny, dahil lumilitaw na sadyang totoo ang paratang na “Villarroyo” na ang ibig sabihin ay tuta, kung hindi man manok, ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo si Villar. Gayunman, hindi magwawagi si Villar hangga’t bigo siyang makopo ang baseng maralitang tagalungsod at taganayon na pawang tumatangkilik magpahangga ngayon kay Erap Estrada. Ang laban ay hindi Aquino vs. Villar, dahil ilalampaso ni Aquino si Villar kung walang komputerisadong dayaan sa halalan. Ang laban na inaabangan, lalo sa mga pook maralita, ay Villar vs. Estrada.

Dehado, ‘ika nga, sa sabong si Erap, samantalang liyamado si Manny. Kumbaga sa mga manok, taglay ni Manny ang siyentipikong pagkondisyon bukod sa mahuhusay ang tagapag-alaga sa propaganda. Si Erap naman ay tahimik lamang, ngunit masipag na kumakahig sa mga estratehikong pook ng maralitang tagalungsod at taganayon upang muling magpapakilala sa madla. Sa pagtakbo ni Erap, nabibiyak ang hanay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon na nagdadalawang-isip kung susuporta ba o tatalikod kay Manny. Sa panig naman ni Noynoy, nakamit niya ang tangkilik ng pambansang Alyansa ng mga Maralitang Tagalungsod, at ang linyadong boto ng mga kasapi nito ang inaasahang maghahatid ng tagumpay sa kaniya sa Mayo.

Kailangan ni Villar na magpaulan ng salapi sa mga pook maralita upang magwagi sa halalan. Ito ang tanging paraan niya kung nais magwagi. Nagaganap tuwing halalan noon pa mang panahon ng kopong-kopong ang pamimili ng boto, at sa darating na halalan sa Mayo, ang tanging makapamimili ng boto ay ang kandidatong masalapi, gaya ni Villar. Ngunit ngayon pa lamang ay lumilikha na si Erap ng ibang taktika sa pangangampanya, na lihis sa magagastos na anunsiyo sa radyo, diyaryo, at telebisyon, o kaya’y pamimili ng boto. Ang taktika ni Erap ay sumuong sa mga lungsod at munisipalidad at metropolis na laksa ang mga maralita; at sa pamamagitan ng personal na pag-iikot ay inilalapit ang sarili sa taumbayan.

Isang taktika ito na personal, subalit epektibo. At ang paglapit ni Erap sa taumbayan ay hindi matutumbasan ng mga komersiyal o jingle sa radyo at telebisyon. Ginagamit ni Erap ang matalik na komunikasyon sa mga tao sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila. At paghingi ng suporta habang nagsasalita sa wika ng karaniwang tao.

Hindi ito kayang gawin ni Villar kung hindi magsasama ng mga artista, modelo, mang-aawit, at atleta. Lalangawin ang kampanya ni Villar, at kailangan ang hakot mula sa mga lokal na opisyal para mapuno ang kaniyang rali. Kahit sa mismong Tondo ay pagdududahan si Villar, dahil sa aking palagay ay hindi talaga siya nakapag-iikot sa mga pook maralita at umaasa lamang sa mga sinasabi ng kaniyang mga kapanalig na opisyal. Mahirap iboto ang isang kandidato kung hindi nakikita na umiikot sa iba’t ibang pook, liblib man o malapit. Ito ang natutuhan ni Erap noon, at muli niyang isinasagawa kahit ngayon.

Wala nang pagtatalo na ang uring panlipunang nasa A at B ay pumapanig kay Noynoy. Ang mga blokeng C, D, at E ang may malalaking populasyon. Dito magaganap ang bakbakan, dahil kayang tabunan ng mga botanteng nasa D at E ang bilang ng mga botanteng nasa hanay ng uring A, B, C. Ang taktika ni Erap na kumbinsihin ang mga nasa hanay ng uring D at E ay hindi lamang pagpapakilala na siya’y para sa masa. Ito ay matalisik na estratehiya, at estratehiyang subok ng panahong ginawa noon ni Ramon Magsaysay.

Sabihin nang dehado si Erap ngunit ginampanan na niya ang gayong papel kahit sa kaniyang mga pelikula, at sa tunay na buhay ay nabilanggo, inalisan ng dangal, at hiniya sa sukdulang pakahulugan. Mas matagal ang pagdurusa ng pamilya Aquino noong panahon ng Batas Militar, at animo’y mahabang pelikula ang sakripisyo ng mga kalahok.

Samantala, si Manny ay amoy salapi na mapaghihinalaang tusong negosyante, na alanganing mula sa dating dukhang uri. Si Manny ang dating politikong kakutsaba ni Arroyo at uring masalapi para patalsikin sa poder si Erap noong nanunungkulan itong pangulo. Pahamig nang pahamig si Villar, lalo kung sa usapin ng pabahay at sari-saring negosyo, at kung ito ay pagpapamalas ng sipag at tiyaga, sipag at tiyaga ito na may lihim na pakana at nakabalatkayong kasakiman. Sa paghaharap nina Erap at Manny, ang labanan nila ay uungkat ng mga dating tunggaliang pampolitika, at pag-angkin sa teritoryo ng Tondo.

Kaya dapat mangamba si Manny kay Erap. At kung mananatiling banta si Erap sa pagwawagi ni Manny, inaasahan kong dudungisan muli si Erap sa pamamagitan ng maiitim na propaganda, na ang sukdulan marahil ay pagpatay sa kaniya sa malikhaing paraan, upang ganap na mawala sa ekwasyon. Sa oras na sumadsad sa sarbey si Erap, at usigin ng masang mamboboto, doon lamang makokopo ni Manny ang botong dating tinamo ni Erap. Ngunit imbes na bumagsak sa sarbey ay lalong tumataas ang rating ni Erap sa mga sarbey. Nangangahulugan ito na maraming tao ang hindi pa ganap na nakapagpapasiya kung sino ang iboboto nila sa halalan. At buháy ang pag-asa ni Erap.

Makupad man ang kampanya ni Erap ay nagpapamalas ng sipag at tatag. At sa dakong huli, posibleng mailaglag niya si Manny, at ang bakbakan ay mauwi sa Noynoy vs. Erap. Ang magpapabagsak kay Erap ay hindi si Noynoy; ang magpapabagsak kay Erap ay ang dating makulay na rekord niya sa serbisyo publiko. At sa wakas, gustuhin man o hindi ng mga kalaban, hinuhulaan kong magwawagi si Noynoy sa halalan dahil sa katiwalian o kaya’y kapabayaan ng kaniyang mahihigpit na kalaban sa politika. At matatalo lamang si Noynoy kung mapawawalang-bisa ang eleksiyon, sa ngalan man ng elektronikong hokus-pokus o masinop na dagdag-bawas na lampas sa apat na panig ng presinto.

Bagong yugto ito na dapat abangan. At hindi na lamang simpleng tunggalian ng mga uri, bagkus pagharap nang personal at tapat sa buong sambayanan.

Prinsipyo ng Karahasan

“Isang prinsipyo ang karahasan,” nawika ni Thomas Mann, “na lubhang ginagawang payak ang mga bagay; hindi nakapagtataka na maintindihan iyon ng masa.” Ang karahasang ito ay makapagbabalatkayo sa multi-milyong boksing na magpapaapaw sa koliseo, magpapainit sa komunikasyong panghimpapawid, at magpapasiklab sa kapuwa paghanga at poot ng mga maykaya’t dukha. Hahatakin ng nakapagpapaindak na musika ang masa, at habang lumalapit ang oras ng bakbakan sa ruweda ay lalong sumisigabo ang mga halakhak, palakpak, at hiyawan ng sandaigdigan.

Payak ngunit masining na paraan ang boksing kung paano huhubugin ang isip ng masa, samantalang nalulustay ang panahon sa haba ng mga anunsiyong komersiyal sa midya, at nakalalango ang alak, huntahan, at panoorin. Malalapatan ng sagisag ang bawat boksingero, at ang sagisag ay ikakabit kahit sa lahi, relihiyon, edukasyon, agham, ekonomiya, at heograpiya. Dalawahang panig ang daigdig, ayon sa estruktura ng karahasan, at pangunahin na rito ang tambalang tagumpay-kabiguan, at ang pagbubunyi-pagkalugami. Ang pagpapakilala sa mga magkatunggali ang mahalaga, dahil ang bawat boksingero ay dapat angkupan ng taguri at mito, na kaduda-duda man ay madaling palampasing kapani-paniwala, lalo kung uulit-ulitin bilang dogma ng mga komentarista at opisyales ng pamahalaan.

Ang pagdarasal ng boksingero bago simulan ang boksing ay pagsasadula lamang muli ng mga sinaunang gawi bago sumuong sa digmaan. Tatawagin, at aamuin, ng mga mandirigma ang kanilang mga diyos, at pagkaraan ng taimtim na pagdarasal ay magaganap ang mababagsik na pagpugot ng ulo, pagbihag sa mga alipin, pagdambong sa mga ari-arian, pagsunog sa pamayanan, at pagyurak sa dangal ng mga babae’t kabataan. Ngunit higit na masining ang panahong ito, dahil ang magkatunggaling boksingero ay ekstensiyon na lamang ng masa na mabilis nawawalan ng matatayog na diwain o halagahang magpaparikit sa kanilang lunggati at katauhan.

Ipalulunok ng mga promotor ng boksing ang anila’y sariwang kabatiran, na maaaring pagsilang ng bagong Tagapagligtas ng Isports at Negosyo, at ang kasaysayan ay hindi na magbabalik sa paglibak sa paglahok sa digmaan sa Vietnam, bagkus sa pagkaligta, kahit sandali, sa madilim na panahon sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Tibet, Palestine, Pakistan, Somalia, Sri Lanka, at kahit dito sa Filipinas. Masasabik ang masa sa pagputok ng kilay o pagkatal ng panga, o kaya’y sa palitan ng mga bigwas at kadyot. Magaganap ang digmaan sa mga isip ng mga manonood, at umulan man ng mga pusta ay ipagtatanggol kahit ang sugatang manok. Tatanggapin ang pagbabaw ng kaligayahan, dahil ano ang ipinagkaiba ng boksing sa sabong? Maaaring nagagabayan ng ilahas na silakbo ang manok, kompara sa tao na umaandar ang isip at guniguni. Ngunit magkakahawig ang mga ito sa bakbakan, at sisikaping maging simple ang tunggalian.

Sinasagap ng makabagong tao ngayon ang karahasan nang matindi ang panlilinlang, at nakukumunoy siya sa romansistang pakikibaka. Nananaig ang kuro-kurong maiiangat ng mga kamao ang bansa kahit sa sinumang kalaban, anuman ang dibisyon o timbang o panahon, at ang ganitong paniniwalang saliwa ngunit malaya, ang magbabaon din sa kaniya sa antas ng higit na kahirapan, kabiguan, at kamangmangan.