Pulo ng mga Mukha, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Mukhâ

Roberto T. Añonuevo

Malulúnod ka sa mga damdámin, na paráng iyón ang katápusán ng lahát. Makaraáng mabatíd na nakaalís na ang hinahánap mong mahál, tatakbó kang pabalík sa iyóng lundáy, at sa únang sagwán mo’y tatangayín ka ng mga álon sa Pulô ng mga Mukhâ. Sa Pulô ng mga Mukhâ, báwat táo’y may ipinágmamágalíng, gáya ng fátek o pílat o bálat o nunál, at nagíng dambúhalàng negósyo ang kosmetíko. Hahanápin mo ang mukhâ ng íyong mahál sa líbo-líbong mukhâ, hanggáng mabatíd mo ang isáng katótohánan. Nagbabágo ang kúlay ng mga pisngí áraw-áraw, at ang mga táo ay nagkakáisá sa kaniláng magigíng anyô, halimbawà, na kung Lúnes ay asúl, at bérde kung Martés, o kayâ’y pulá kung Miyerkóles at diláw kung Huwébes, samantalàng putî kung Biyérnes at itím kung Sabádo. Ngúnit pagsápit ng Linggó, mágkukuskós at máglilínis ng mga mukhâ ang mga táo úpang kinábukásan ay isádulâ mulî ang síklo ng mga kúlay. Hindî konténto ang mga táo sa kaniláng mga mukhâ, at kailángang retokéhin ang kapál o nipís ng labì, ang tángos ng ilóng, ang húbog ng matá, ang lantík ng pilík, ang kúrba ng kílay, ang súkat ng taingá, ang gupít ng buhók o pelukang isusuót. Sa ganitóng pangyayári, ang mga batà ay nagíng mainípin at nagmámadalî palagìng tumandâ. Hindî kataká-taká kung makakíta ng mga paslít na kung pumostúra’y gáya ng mga dalága o binatàng artísta, nagmámaného ng Jaguar o Ferrari, tumatágay ng vódka at sumísinghót ng damó, hábang nangangárap ng mga kasintáhan gayóng uhúgin pa o mahilíg sumupsóp ng tsupón. Ngúnit pagsápit nilá ng edád tiguláng, higít siláng magigíng masigásig na magbalík sa kamusmúsan, isúsumpâ ang kalendáryo, mag-éekspériménto sa meyk-ap at maskará, magpápalakí ng másel o magpapátambók ng súso, magbibíhis túlad ng kulít úpang ikublí ang pagigíng kalumpít. Kapág napánsin ka niláng maputlâ ang mukhâ gayóng kayúmanggî, humandâ ka kung pukulín man ng alimúra o itlóg. Sinuwáy mo ang kaniláng tradisyón. Lilíbakín ka nilá ngúnit huwág matákot sapagkát ang mukhâ mo ay kikináng gáya ng salamín. Sa Pulô ng mga Mukhâ, sinumáng tumítig sa iyó’y mapapáhiyáw sa gúlat o kilábot o hiyâ, at tatánungín nilá kung anó ang iyóng kapángyaríhan, o kung saán ka nagmulâ. Hahabà ang interógasyón sa iyó, at hihintô lámang iyon kapág nariníg nilá ang isinísigáw ng mga luhà mo. Sa sandalîng marínig nilá ang ngálan ng hinahanap mong mahál, mabábalíw lalô silá, sapagkát ang hinahánap mong mukhâ ay mukhâ na kaniláng pinaláyas noóng gabíng papáratíng ang supérbagyó.

Alimbúkad: Poetry Filipinas rocking the world. Photo by Adrien on Pexels.com

Disyerto o Mga Lungsod, ni Andree Chedid

Salin ng “Desert ou cites,” ni Andree Chedid ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Disyerto o Mga Lungsod

Hindi ko alam kung anong heometriya
Ng kahungkagan
Kung anong heolohiya
Ng kahigpitan
Kung anong uhaw sa katahimikan
Ang maghahatid sa atin
Nang pana-panahon
Tungo sa madilim
Parehong espasyo
Na ang kaluluwa’y
Humaharap sa sarili
Malayo sa simulasyon
Malayo sa ranggo sa palso
At tahasan kung magpakilala

Hindi ko alam kung anong anyo
Ang humahadlang
Kung anong pagtanggi
Ng mga maskara
Kung anong pinagmulang awit
Ang mabilis
Na magbibigkis sa atin
Sa mga patag na párang
Sa walang palamuting disyerto
Sa mga dúnang may armonya
Sa mga pinong buhangin
Na ang kaluluwa
Ay lumalantad
Yumayakap sa lahat ng espasyo

Hindi ko alam kung anong mithi
Kung anong libog o uhaw
Ang nag-uuwi sa atin sa mundo
Sa masisikip na lungsod
Sa ilog sa punongkahoy sa mga tao
Sa palaisipang nakagiginhawa
Sa matatalas na hinagpis
Na págang na nagpapalago sa atin

Pagang (Coral reef). Kuhang retrato ni Francesco Ungaro, at hango sa Unsplash.

Ang Sandali, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sandali

(para kay Raúl Jara)

Ang gunita ng CCTV at ang gunita ng mga mediko
ay malalim na sugat na bumubukás sa puso
ng isang Francisco—na maaaring makata o santo—
ngunit hindi maaangkin ninuman. Napalalakí
ang mga hulagway, nasasalà, napababagal,
na wari’y pelikulang di-matapos-tapos na pagdating
ng mga maysakit
na naubusan ng gamot o pinagkaitan ng mga dalaw,
at pagkaraan, ang mabibilis na pagliligpit
ng mga bangkay. . .
Sa panahon ng pandemya,
panandalian ang lahat, at hinuhubad ang maskara
para muling magsuot ng bago’t malinis na maskara,
humarap sa salamin at tanungin kung ikaw ang nakatingin,
at bumibigat ang suot na mga damit ng tungkulin,
bago tupdin ang hindi magiging tadhana ng mga diyos:
Ang makita na ang tao ay mortal, at butil ng alabok,
at pigilin ang luha sa salamin sa pagdami ng mga ulila.

Pumapalya ang CCTV sa kisame at ang gunita ng doktor
sa ilang pagkakataon, marahil sa labis na pagkayod,
ngunit kagila-gilalas
na nagtatala ng espasyo na mababalikan ninuman:
ang mga pangyayari na mapag-aaralan kung kailangan,
gaya ng alpabeto ng sakít at hermenyutika ng gamot,
o kaya’y palaisipang krimen at di-sinadyang pagkaligta,
ngunit napakaraming pangyayaring dapat burahin
at limutin (kung iyan ang makagagaan),
at tipunin ang nararapat para sa maaliwalas na búkas—
nang di-alintana na tumatakbo ang oras, na oras na
para kumain o magpahinga, na oras na para umuwi
sa di-mapakali’t nababagabag na pamilya.
Ang labas ng ospital ay maluwag na kalyeng tinatawid
ng antuking pusa, at ang kalooban ng dapat gamutin
ay masikip na panaderya, na lulutuin wari
ang libo-libong tinapay para sa hapunan ng iba,
at masayang pagsasaluhan sa kuwarentena ng pag-iisa.

Hindi nagsisinungaling ang CCTV, at nakikita ng doktor
na ang pighati ay hindi lámang sa isang Filipino o Italyano
at lumalampas sa anyo ng mga deboto o pagano,
na ang kaguluhan ay walang tatak dukha o mayaman,
na ang kagutuman ay tumatagos sa mga pader at panaginip,
at kung ano ang kaligtasan ay walang saysay na isilid pa
sa tugma at sukat at salimuot ng mga talinghaga.
Ang lagnat ng lungsod ay marahil pulmonya ng daigdig,
at kung naririto si Asklepiyos,
sasabihin ba niyang ang pagsuko’y wala sa bokabularyo?
Anuman ang balita, anuman ang agahan,
anuman ang klima’t aberya, makikinig tayo sa wika
ng pagkakaisa,
at magkakaisa,
para buhatin ang daigdig at ilipat sa loob ng dibdib,
at pagtitiwalaan ang mga gintong hibla ng mga alaala

noong unang pagkakataon, at kahit noong unang panahon.

Kuhang retrato ni Robina Weermeijer, at hango sa Unsplash.

Panalangin sa mga Maskara, ni Léopold Sédar Senghor

Salin ng “Prière aux masques” ni Léopold Sédar Senghor ng Senegal
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panalangin sa mga Maskara

Mga Maskara! O mga Maskara!
Maskarang itim, maskarang pula, mga maskarang puti at itim,
Mga maskara mula apat na panig na pinagbubughan ng Diwa,
Binabati ko kayo sa katahimikan!
Kayo ang Ninunong may ulo ng leon, at nangunguna sa lahat.
Binabantayan ninyo ang pook na ito sa naghahalakhakang babae
At lumalaylay na mga ngiti,
Pinasisingaw ninyo ang eternal na hanging sinisinghot ko
na hangin ding sininghot ng aking mga Impó.
Mga maskarang lastag ang mga mukha, hinubdan ng bawat biloy
At bawat pileges,
Na hinubog ang anyong ito sa inyong hulagway, itong mukha ko
Na napasubsob sa altar ng hungkag na pahina,
Makinig sa akin!
Agaw-buhay ang kaawa-awang prinsesa, ang Africa ng mga imperyo,
Ang aming púsod ay nakatali sa Ewropang nasusukol ng kamatayan.
Ipakò ang di-nagbabagong paningin sa inyong tinipong mga anak,
Na nagbubuwis ng búhay gaya ng pulubing ibinigay ang huling damit.
Tugunin natin ang “kasalukuyan” sa pagpapabanyuhay ng daigdig,
gaya ng lebadurang nagpapaalsa sa puting arina na naging tinapay.
Sabihin sa akin, sino pa ang makapagtuturo ng ritmo sa libingan
Ng mga baril at makina?
O makahihiyaw nang masaya sa bukang-liwayway para pukawin
Ang mga ulila at ang mga namatay?
O makapagpapasiklab muli ng gunita ng búhay sa tao
Na natupok ang natitirang pag-asa?
Tinatagurian kaming mga tao ng bulak, ng kape, ng langis.
Tinatagurian kaming mga tao ng kamatayan.
Ngunit kami ang mga tao na nangagsisisayaw,
Na ang mga paa ay tumatatag sa pagsikad sa lupang naging tigang.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity.

“Ang Baliw” ni Kahlil Gibran

salin ng “The Madman” ni Kahlil Gibran
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG BALIW

Nagtanong ka kung paano ako naging baliw. Ganito ang nangyari: Isang araw, bago pa isilang ang maraming diyos, nagising ako mula sa malalim na paghimbing at natuklasang ninakaw ang lahat ng maskara ko—ang pitong maskara na aking hinubog at isinuot sa pitong buhay. Nagtatakbo ako nang walang maskara sa masikip na lansangan at nagsisigaw, “Magnanakaw! Magnanakaw! Kasumpa-sumpang magnanakaw!

Pinagtawanan ako ng mga tao at ang iba’y nagtatakbong umuwi sa takot sa akin.

At nang marating ko ang palengke, isang kabataan ang nakatayo sa bubungan ang sumigaw: “Siya ang baliw!” Tiningala ko siya’t tinanaw; hinagkan ng sinag ng araw ang aking lastag na mukha sa unang pagkakataon. Sa unang pagkakataon ay nahagkan ng araw ang aking lastag na mukha at nagliyab sa pag-ibig ang aking kaluluwa para sa araw, at hindi ko na muling inasam ang aking mga maskara. Tila napalutang ako at napasigaw, “Purihin, purihin ang mga magnanakaw ng aking mga maskara!”

Kaya ako naging baliw.

Natagpuan ko ang kalayaan ng kalungkutan at ang kaligtasan mula sa pagkaunawa ng ibang tao, dahil ang sinumang nakauunawa sa atin ay inaalipin ang kung anong bagay na taglay ng ating kalooban.

Ngunit ayokong labis na ipagyabang ang angking kaligtasan. Kahit ang Magnanakaw sa bilangguan ay ligtas sa isa pang magnanakaw.

Mukha, ukit ni Raul Funilas