“Mga Tanong mula sa Manggagawang Nagbabasá,” ni Bertolt Brecht

Salin ng “Fragen eines lesenden Arbeiters,” ni Bertolt Brecht ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at ibinatay sa salin sa Ingles ni Michael Hamburger at nalathala sa Bertolt Brecht, Poems 1913-1956 (1976).

Mga Tanong mula sa Manggagawang Nagbabasá

Sino ang nagtatag ng Tebas na may pitong lagusan?
Matatagpuan sa mga aklat ang pangalan ng mga hari.
Hinakot ba ng mga hari ang mga tipak ng bato?
Maraming ulit winasak ang Babilonya.
Sino ang nagtayô nito nang maraming ulit?
Saang mga tahanan ng ginintuang Lima namuhay
ang mga manggagawa?
Saan nagtungo ang mga mason noong gabing
Natapos ang Dambuhalang Moog ng Tsina?
Hitik sa matatagumpay na arko ang dakilang Roma.
Sino ang nagtindig ng mga ito? Kaninong balikat
Sumampa ang mga Cesar? Ang Bizancio, na pinuri
Sa mga awit, ay mga palasyo ba para sa mga residente?
Kahit sa maalamat na Atlantis, nang gabing lamunin ito
Ng dagat, humihiyaw sa mga alipin ang mga nalulunod.

Ang kabataang Alejandro Magno ay sinakop ang India.
Nag-iisa ba siya nang matamo ang gayon?

Nilupig ni Cesar ang mga Galo.
Siya ba’y walang kasama ni isang kusinero?
Lumuha si Felipe ng España nang magapi
ang armada niya. Siyá lámang ba ang humagulgol?
Nagwagi si Frederick Segundo sa Pitong Taóng Digmaan.
Sino-sino pa ang nangibabaw?

Bawat pahina ay isang tagumpay.
Sino-sino ang nagluto sa pista ng mga nanalo?
Bawat dekada ay nagluluwal ng dakilang tao.
Sino ang nagbayad sa mga gastusin?

Napakaraming ulat ang dapat gawin.
Napakaraming tanong ang dapat sagutin.

“Ang Mason” ni Louis Bertrand

salin ng “Le Maçon” ni Louis Bertrand (na kilala rin sa pangalang Aloysius Bertrand), mula sa kaniyang aklat na Gaspard de la Nuit (1845)

salin sa Filipino mula sa orihinal na Pranses ni Roberto T. Añonuevo

Ang Mason

Punong Mason: “Tingnan ang mga moog at haligi; iisipin ng iba na nilikha ang mga ito para umiral nang walang hanggan.”

SCHILLER— Guillaume Tell [William Tell]

Humihimig si Abraham Knupfer na mason, tangan ang kutsarang pampalitada, nakapatong sa andamyo habang humahangin sa taas, binabása ang mga gotikong berso na inukit sa malaking batingaw ng kampanaryo, habang kapantay ng mga paa ang pinakamataas na bahagi ng simbahan na may tatlumpung kontrapuwerte, at ang bayan na may tatlumpung simbahan.

Minasdan niya ang mga batong tarasko na bumubuga ng tubig mula sa alulod ng tisang bubong pababa sa bangin ng mga galeriya, ng mga bintana, ng mga haligi, ng mga himpilan, ng mga bubungan at balangkas, ang pook na sinisipat ng banog habang nagpapalutang at naghahanap ng madaragit.

Tiningnan niya ang mga tanggulan na dambuhalang bituin, ang moog na mayabang gaya ng manok sa lawas ng halamanan, ang mga patyo ng palasyo na pinaniningning ng sinag ang mga puwente, at ang mga klawstro ng mga monasteryo na may mga aninong umiikot sa mga haligi.

Nanirahan sa labas ng lungsod ang mga tropang imperyal. Naroon ang kabalyerong humahataw ng tambol. Nabatid ni Abraham Knupfer na suot ng lalaki ang sambalilong na tatlo ang sulok, pula ang palamuting tali nito sa balikat, ginintuan ang balahibo sa ulo, at may tirintas na laso ang buhok.

Nakita rin niya ang mga sundalong nasa loob ng parkeng nababakuran ng mga dambuhalang lungting sanga—doon sa malawak na esmeraldang damuhan—ay inaasinta ng riple ang mga ibong kahoy na nakabitin sa mahabang poste.

At sa gabi, kapag humimbing ang mga gulong ng mga kampana, na animo’y nakahiga nang nakahalukipkip, maaaninag niya sa panganorin, habang pababa ng hagdan, na sinisilaban ng mga kawal ng digma ang isang nayon, ang nayon na naglalagablab gaya ng bulalakaw sa makutim na bughaw ng himpapawid.