Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Pulo ng mga Mata, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Matá

Roberto T. Añonuevo

Pámbihiràng manlinláng ang mga matá, at itó ang itúturò sa iyó ng Pulô ng mga Matá. Láhat ng makikíta mo ay paniníwalâan mo; lahát ng di-nakikíta ay pagdúdudáhan mo. Ang mga matá, na umaárok sa mga kúlay, ay kakatwâng hindî maíiwásang ikulóng ka sa dalawaháng pánig na ítim at putî. Párang íntoleránsiyá, itó ang titíisín ng sinúmang táo na hindî másikmurà ng kaniyáng kapuwà táo dáhil sa itsúra o kúlay o pananálig o lahì. Párang pándarahás, ito ay may matindíng pág-iimbót na gawíng kasangkápan sa kalugúrang seksuwál ang sinúmang táo o alinmáng bágay. Karaníwan ang salamángka at pelikúla sa Pulô ng mga Matá, at kailángan ang mga itó pára sa presérbasyón ng kapáyapàan. Halimbawà, ang ísang báso ay nagbábanyúhay na dinosáwro kapág tinamàan ng sínag. Naíbabalík sa plása ang siglá at pagkámalikhâin ng mga yumáo, at mapápanoód mo kung paáno mag-ísip sa ahédres si Paul Morphy at si Wesley So, bagamán magkáibá ang kaní-kaniyáng panahóng pinágmulán. Malilibúgan ka dáhil sa iyóng sinisílip o tinítitígang pornógrapíkong tanáwin, ngúnit dáhil hindî marúnong magmahál ang paningín, kailángang imbéntuhín ang sarì-sarìng paraán ng pagsípat sa ibá’t ibáng anggúlo, kayâ ang dáting itínutúring na karimá-rimárim at malupít ay maaarìng mag-anyông humíhikbîng anghél. Ang ísang binánsagáng pangúlong salarín ay kay bilís idisényong martír. Walâng pang-amóy sa Pulô ng mga Matá, at hindî nitó makúkutubán ang papáratíng na pelígro o disáster. Mauúso roón ang ibá’t ibáng salamín o gamót para sa mga matá, at isáng káugalìan ng mga táo na bumilí ng teleskópyo o salamín o lénte upang gamítin sa daráting na panahón—at unáhan ang ináasáhang pánlalabò ng paningín o pagkabúlag o pangúnang konsúlta sa optalmólogo. Ngúnit kapág dumatíng sa pantalán nitó ang halimúyak na gáya ng tagláy ng íyong mahál o ang musíka niyáng sakáy ng hángin (na agád mapápansín ng mga di-katútubò sa Pulô ng mga Matá), hindî nitó magágagáp ang lálim at láwak ng talínghagà o pahiwátig sapagkát imbísiból at lampás sa itinátadhanà ng solído at tatlóng diménsiyóng grapíko. Magtatágis ang mga kílay sa Pulô ng mga Matá, úpang págkaraán ay iluhà nang palihím ang hindî káyang hulíhin: Naríriyán ngúnit tila lumálabág sa mga batayáng prinsípyo ng paningín—na isáng masakláp na pangitàin.

Alimbúkad: Poetry Filipinas subverting the world. Photo by Jeffrey Czum on Pexels.com

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

 Kisap

 Roberto T. Añonuevo
  
 Pulgas na kumakain sa balintataw,
 isang tasang tsaa,
 at sa ibabaw ng mga aklat
 ay napakahaba ng umaga——
 ang kapalaran ng aking salamin.
  
 Lumalago ang baging sa paningin;
 ang tatlong oras
 ay tatlong siglo
 at mabilis mabubusóg ang pulgas
 upang matulog sa loob ng talukap.
  
 Marahil, ang halimuyak ng tsaa
 at ang usok mula sa tasa
 ay pangarap din ng ibang balintataw,
 at kung hindi súnog sa kagubatan
 ay isang sigâ sa masukal na bakuran.
  
 At ikaw, minamahal kong Salita,
 ang poot ng mga lagas na dahon
 sa kumukunat na panimdim——
 habang naliligo sa mga luha ko
 ang pulgas sa aking balintataw. 
Alimbúkad: Poetry imagination alone. Photo by Arnie Chou on Pexels.com

Panaginip at Mata, ni Orhan Veli

Salin ng “Rüya,” ni Orhan Veli (Orhan Veli Kanik) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panaginip

Nakita ko si Nanay sa aking panaginip.
Nagising akong humahagulhol.
Ipinagunita nito sa akin ang isang umaga
noong pista—
nakatitig ako sa lobong hinigop ng langit
habang ako’y iyak nang iyak.

Join Alimbúkad in its online world poetry revolution for humanity. Photo by Chirag Nayak @ unsplash.com

Salin ng “Gözlerim,” ni Orhan Veli (Orhan Veli Kanik) ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Mata Ko

Mga mata ko,
nasaan ang mga mata ko?

Kinuha ng satanas para ipagbili;
at nang umuwi, siya’y bigô at nalugi.

Mga mata ko,
nasaan ang mga mata ko?

Alimbúkad: Timeless poetry for humanity. Photo by Sharon McCutcheon.

Pagbuo ng mga Paa at Kamay

Salin ng “Faire des Pieds et des Mains,” ni Benjamin Péret ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagbuo ng mga Paa at Kamay

Matang nakatayo matang nakahiga matang nakaupo

Bakit maglalandas sa mga bakurang yari sa mga balustre
habang ang hagdan ay lumalambot
gaya ng mga bagong silang na sanggol
gaya ng mga zouave na nawalan ng bayan dahil sa sapatos
Bakit itataas ang kamay tungo sa langit
gayong ang langit ay nalunod nang mag-isa
nang walang dahilan
upang palampasin ang oras at pahabain ang balbas nito
Bakit umuupo ang mata ko bago matulog
dahil ang mga síya ay nagpapahirap sa mga buriko
at nababali ang mga lapis sa di-inaasahang paraan
sa buong panahon
maliban sa mga araw na maunos
kapag nabasag sila sa pagiging mga zigzag
at maniyebeng mga araw
kapag pinagpunit-punit nila ang kanilang mga suweter
Ngunit ang mga espektakulo ang mga kupasing espektakulo’y
umaawit ng mga awit habang nagdadamo para sa mga pusa
Sumusunod sa prusisyon ang mga pusa
dala-dala ang mga watawat
mga watawat at bandila
Tumatawid ang buntot ng isda sa tumitibok na puso
lumalaguklok ang lalamunang ginagaya ang taog ng dagat
at umiikot-ikot ang isda doon sa bentilador
Mayroon ding mga kamay
mahahaba puting kamay na may mga kuko ng sariwang taniman
at mga bukó ng hamog
sumasayaw na mga pilik na naghahanap ng mga paruparo
nalulungkot dahil ang araw ay nagkamali sa mga hagdan
Mayroon ding mga kasariang sariwa gaya ng umaagos na tubig
na lumulundag at bumabagsak sa lambak
dahil napukaw sila ng araw
Wala silang balbas ngunit taglay ang malilinaw na mata
at hinahabol nila ang mga tutubi
nang walang pakialam sa sasabihin ng mga tao

Alimbúkad: Pure poetry imagination for humanity. Photo Shannon Pitter @ unsplash.com

Katarungan, ni Langston Hughes

Salin ng “Justice,” ni Langston Hughes (James Mercer Langston Hughes) ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katarungan

Na ang katarungan ay bulag na diyosa’y
bagay na tayong mga itim ay mautak.
Benda niya’y di nagkubli ng mga sugat
Na marahil ay minsang naging mga mata.

Alimbúkad: World Poetry Imagination for Humanity. Photo by Rachael Henning @ unsplash.com

Mga Kawikaan at Awiting Bayan, ni Antonio Machado

Salin ng “Proverbios y Cantares,” ni Antonio Machado ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Kawikaan at Awiting Bayan

Para kay Jose Ortega y Gasset

I
Ang matang nakikita mo ay hindi
mata dahil nakikita mo ito;
mata ito dahil nakikita ka.

II
Kung makikipag-usap ka,
magtanong muna,
sakâ—makinig.

III
Ang narcisismo’y
pangit na pagkakamali,
at lumang bisyo ngayon.

IV
Ngunit manalamin para sa iba,
sa ibang tao na katabi sa paglakad.

V
Sa mga nabubuhay at nangangarap
ay may ikatlong bagay.
Hulaan mo.

VI
Itong Narciso natin
ay hindi makita ang mukha sa salamin
dahil siya ay naging salamin.

VII
Bagong siglo? Nagpapanday
gaya noong nakaraan?
May tubig ba sa agusán
na patungo sa himlayan?

VIII
Bawat kisap ay Nakapirmi.

IX
Nasa Aries ang araw. Bintana ko’y
nakabukás sa malamig na timog.
O, laguklok ng tubig sa ibayo!
Ginigising nitong gabi ang ilog.

X
Doon sa sinaunang kamalig
—ang mataas na tore ng tagak—
ang masintang tunog ay naumid.
Sa iláng na bukid na malawak,
sumaluysoy sa lungkot ang tubig.

XI
Gaya noon, ako’y nakatuon
sa sariwang tubig na inipon;
ngunit ngayon, sa buháy na tubig
na umagos sa bato ng dibdib.

XII
Kapag narinig ang tubig, sinasabi bang
nagmula ito doon sa bundok o lambak,
o sa plasa o kaya’y hardin o lagwerta?

XIII
Ginugulat ako ng natutuksan:
Mga dahon ng halimuyak hardin
ay kasimbango ng hinog na limón.

XIV
Huwag mo nang bakasin ang harap,
o mangamba sa anyong panlabas.

XV
Hanapin mo ang iyong kabiyak
na laging kasabay sa paglakad
at karaniwang iba sa iyo.

XVI
Kapag sumapit ang tagsibol,
magtungo sa mga bulaklak—
Huwag mong sipsipin ang allid.

XVII
Sa aking pag-iisa,
nakita ko nang malinaw ang mga bagay
na pawang kabulaanan.

XVIII
Mabuti ang tubig, gayundin ang uhaw,
Mabuti ang anino, gayundin ang araw.
Ang pulut mula sa bulaklak ng romero
ang pulut din mula sa lastag na bukirin.

XIX
Iisa ang sandigang simbolo:
Quod elixum est ne asato.
Huwag ihawin ang naluto mo.

XX
Umawit, umawit, umawit,
ang kuliglig na nasa hawla
ay anong lapit sa kamatis.

XXI
Sumulat nang masinop at marahan:
Ang paggawa nang napakahusay
ay matimbang kaysa likhang bagay.

XXII
Lahat ay pare-pareho,
oo, lahat ay pareho. . .
Sabi ng susô sa aso:
Atupagin ang pagtakbo.

XXIII
May mga lalaking aktibo!
Ang latian ay nangangarap
ng angking mga lamok nito.

XXIV
Gumising, mga makata!
Ipinid ang alingawngaw
at ang tinig ay simulan.

XXV
Huwag maghanap ng disonansiya;
Dahil wala namang disonansiya.
Sasayaw sa tunog ang may pandama.

XXVI
Hanap-hanap ng makata’y
hindi ang pangunang Ako
bagkus Ikaw na hiwaga.

XXVII
Ang mga matang asam mo—
makinig ngayon, o kasáma—
Ang paninging nutok sa iyo
ay paningin dahil kita ka.

XXVIII
Higit sa búhay at pananaginip
ay may mahalagang isasaisip:
Ang paggising.

XXIX
May isang nakaisip:
Cogito ergo non sum.
Anong pagmamalabis!

XXX
Akala ko’y patay na ang apoy
at kayâ hinalukay ang abó. . .
Napasò ang mga daliri ko.

XXXI
Magtuon ng pansin ngayon:
Ang pusò na basta pusò
ay hindi tunay na pusò.

XXXII
Nakita ko siya sa panaginip:
Bihasang mangangaso ng sarili,
paráting nananambang bawat saglit.

XXXIII
Nahuli niya ang masamang tao:
Siya na kung aliwalas ang araw
ay naglalakad ba nang nakatungó.

XXXIV
Kung tula mo ay maging karaniwan,
ipása ito at walang masama:
Nakalaan sa pera ang bulawan.

XXXV
Kung mabuti ang mabuhay,
mabuti pa ang humimbing.
Higit sa lahat ng bagay:
Si Nanay ay magigising.

XXXVI
Nakabubuti ang liwayway para magising,
ngunit higit ang kampana na dapat piliin—
na sa tuwing umaga ay pinakamagaling.

XXXVII
Malambot sa piling ng igos,
matigas sa piling ng bato.
Kalunos-lunos!

XXXVIII
Sa sandaling ako ay mag-isa
kay lapit ng mga kaibigan;
ngunit kapag nasa piling nila
ay malayo sa kanilang tanaw.

XXXIX
Ano ang hula mo, makata?
Magsasalita búkas ang umid:
Ang puso at ang bato.

XL
. . . . .Ano pa ang sining?
Isang larong lantay at marubdob,
katumbas ng dalisay na búhay,
katumbas ng dalisay na apoy.
Makikita’y bágang sumisiklab.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Rene Bernal @ unsplash.com

 

Marahil, ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Ισως” (Perhaps) ni Nikos Engonopoulos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marahil

Umuulan . . . Ngunit nalulungkot akong sabihin: Iyon ang bahay, ang malaki, napakalaking bahay. Hungkag iyon. Wala ni isang bintana, at may mga balkonahe at malaking tsimenea. Isang batang babae ang nakaupo roon, ang batang walang mga mata, at tangan ang bulaklak na kahalili ng kaniyang tinig. Tanong niya:

—Shay, ano ba ang pinupukpok mo ngayon, sa buong araw?

—Ay, wala. . . wala. Nakikipag-usap ako kay Homer.

—Ano, si Homer, ang makata?

—Oo, si Homer na makata, at sa isa pang Homer, siyang mula sa Voskopojë, na gumugol ng buong buhay sa mga punongkahoy, at tila ba isang ibon, ngunit kilala bilang ‘tao ng taytay’ sa mga kapitbahayang malapit sa lawa.

Ang kaniyang matatabang hita, ni Pablo Picasso

Salin ng “Ses grosses cuisses,” ni Pablo Picasso ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang kaniyang matatabang hita

Ang kaniyang matatabang hita
Ang kaniyang malalaking súso
Ang kaniyang mga balakang
Ang kaniyang mga puwit
Ang kaniyang mga bisig
Ang kaniyang mga binti
Ang kaniyang mga kamay
Ang kaniyang mga mata
Ang kaniyang mga pisngi
Ang kaniyang buhok
Ang kaniyang ilong
Ang kaniyang leeg
Ang kaniyang mga luha

ang mga planeta ang malapad na kortinang itinabing at ang aninag na langit
na nakatago sa likod ng rehas—
ang tinghoy at mga kampanilya ng mga kanaryo ang tamis sa pagitan
ng mga igos—
ang mangkok ng gatas ng mga balahibong hiniklat sa bawat tawang naghuhubad
ang lastag na nagbabawas ng bigat ng mga sandatang inagaw sa mga bulaklak
ng hardin

ang laksang laro ng mga bangkay na nakabitin sa mga sanga ng bakuran
ng paaralang pinutungan ng sinag ng mga awit
ang lawa na pang-akit ng dugo at ng mga tinik
ang mga gumamelang nilalaro sa dais
ang mga karayom ng likidong anino at pumpon ng kristal na lumot
na naglalantad ng indak sa sayaw ng mga kulay
na naghalo-halo sa ilalim ng basong ibinuhos nang lubos
sa lilang maskara na binihisan ng ulan

Mga Pison, ni Nikos Engonopoulos

Salin ng “Steamrollers,” ni Nikos Engonopoulos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pison

Isang bagay na yari sa solidong goma ang aking puso. Taglay nito ang dalawang makirot, walang kuwentang kukóng kristal. Pinulot ko ang bagay na ito, at habang ipinipiglas nito ang kapuwa mga kamay at paa, naisilid ko ito sa kahonera na lihim kong pinagtataguan ng mga salita at kuwento mula sa nayon ng mga bisikleta. Hindi ako natatakot sa dalagang suot-suot ang uten o ang lalaking may mga pelaheng mata na manhik-manaog sa hagdan. Noon pa mang bata pa ako’y nakilala ko na ang salamin ng mga bulaklak. Inaawit ko ang kadakilaan ng mga pison, pinupuri ang kadalisayan ng mga salmo ng mga bote, habang ang kuwagong papel ay ibinubulong tungo sa aking tainga—na may imbudo—ang salitang “estranghero.”