Pulo ng mga Ngiti, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Ngitî

Roberto T. Añonuevo

Nasusúkat ang lahát, gáya ng pagsúkat sa pambansâng kabuôang kíta at ligáya. Itó ang matútuklasán mo pagsápit sa Pulô ng mga Ngitî. Makikíta mo roón ang ipinagmámagaràng pinakámasayáng nasyón sa buông mundó, alinsúnod sa sárbey at saliksík, na ang báwat táo’y kay-gaán gumaláw, kay-gaán makísalámuhà, sapagkát nása kanilá ang lahát ng mimithîin ng mga dukhâng bansâ. Magbanát ka ng butó’t makáaásang may pagkáin sa hapág. Humingî ka ng túlong sa áhensiya ng gobyérno’t kidlát ang paghahatíd ng sérbisyo, gáya sa pulísya, mekaníko, at bumbéro. Óo, magbabáyad ka ng buwís, ngúnit báwat séntimo na iambág mo’y mágbabalík na líbreng edukasyón, tóleransíya sa mga lahì, likás-káyang pagtátagúyod ng gúbat at dágat, sópistikádong bángko at mérkado, ársenal ng bómba atómika, áyudang pagkáin sa panahón ng pándemya’t tagsalát, donasyón sa ibáng bansâng naghíhikahós, at subók na impráestruktúra, gáya ng kalsáda, ospitál, pabáhay, at palipáran. Sa pagigíng ídeal ng tagpô’y magdudúda ka kung totoó o guníguní lámang ang nakikíta mo. Sa Pulô ng mga Ngitî, ang tiwalà sa kapuwâ’y lumaláwig sa paúlit-úlit na páalála ng gobyérno, sa paúlit-úlit na kawikâan ng matátandâ. Kayâ ang sinúmang makaíwan ng bag sa isáng poók ay maíbabalík iyón sa kaniyá nang walâng lábis, walâng kúlang. Kapág may súnog o lindól o bagyó ay pámbihirà ang bayanihán, at aakalàin mong itó ang sinaúnang Katágalúgan. Dáhil sa ganitóng gawî’y lálong nasísiyahán ang mga mamámayán, áyon sa úlat ng Pándaigdígang Áhensiya hinggíl sa Káligayáhan. Ang Pulô ng mga Ngitî ay pulô ng lugód at alíwan, na bágay sa turísmong pampóskard, kayâ ang mga táo’y humáhabà ang búhay, na párang hindî mamatáy-matáy. Maglakád ka sa mga lansángan, at únang mapápansín mo’y ang lábis na línis ng palígid, na tíla ábandonádong lungsód o náyon. Ang tánging makikíta mo’y ang mga uwák kung hindî man kalapáti na pawâng nangingináin ng mga líbreng bútil doón sa plása, bukód sa isá o dalawáng tagawalís ng mga lagás na dáhon. Hálos otsénta pórsiyénto ng populasyón ay binúbuô ng matatandâ. Láhat silá’y sagót ng segúro at pensiyón sa óras na magretíro, handâng namnamín ang óras sa kani-kaniyáng túmba-túmba o malalambót na káma—nakatitiyák sa masusúgid na tagápangálagàng pángkalusúgan. Siníkap ng góbyernong palakihín pa ang populasyón ng kabatàan, ngúnit dáhil sa nakalípas na patakaráng págpapláno ng pámilya’y ipinágpalíban ng mga táo ang págbubuntís, at hulí na ang lahát nang lumambót ang úten at kumáuntî ang tamód ng mga baráko. Sa Pulô ng mga Ngitî, ang tinátamásang ligáya ng mamamayán nitó ay sukatán ng ibá pang nasyón. Sa lábis na ligáya’y nakángitîng yumayáo ang mga séntenaryo, at káhit ang kaniláng mga bungô’y itinátanghál pa sa múseo úpang kainggitán ng mundó. Ngúnit nang dumatíng sa Pulô ng mga Ngitî ang iyóng músa—na payák ngúnit napakágandá—ang uugód-ugód na populasyón ay nagtaká kung anó ang líhim niyá. Hindî siyá tumatandâ, at sa halíp, lalô siyáng nagíging sariwà hábang lumaláon, gáya ng iyóng mga tulâ. Nabahalà ang mga áwtoridád sa mga usáp-usápan, at silá’y napangiwî, o sabíhin nang nanaghilì, sa banyagàng anyô na hindî maisilíd sa mga salitâ. Kayâ mulâ noón ay ipínasiyá niláng ipatápon nang walâng kaabóg-abóg sa ibáng nasyón ang iyóng minámahál.

Alimbúkad: Epic poetry upheaval staring at you. Photo by Aleks Magnusson on Pexels.com

Pulo ng mga Mukha, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Mukhâ

Roberto T. Añonuevo

Malulúnod ka sa mga damdámin, na paráng iyón ang katápusán ng lahát. Makaraáng mabatíd na nakaalís na ang hinahánap mong mahál, tatakbó kang pabalík sa iyóng lundáy, at sa únang sagwán mo’y tatangayín ka ng mga álon sa Pulô ng mga Mukhâ. Sa Pulô ng mga Mukhâ, báwat táo’y may ipinágmamágalíng, gáya ng fátek o pílat o bálat o nunál, at nagíng dambúhalàng negósyo ang kosmetíko. Hahanápin mo ang mukhâ ng íyong mahál sa líbo-líbong mukhâ, hanggáng mabatíd mo ang isáng katótohánan. Nagbabágo ang kúlay ng mga pisngí áraw-áraw, at ang mga táo ay nagkakáisá sa kaniláng magigíng anyô, halimbawà, na kung Lúnes ay asúl, at bérde kung Martés, o kayâ’y pulá kung Miyerkóles at diláw kung Huwébes, samantalàng putî kung Biyérnes at itím kung Sabádo. Ngúnit pagsápit ng Linggó, mágkukuskós at máglilínis ng mga mukhâ ang mga táo úpang kinábukásan ay isádulâ mulî ang síklo ng mga kúlay. Hindî konténto ang mga táo sa kaniláng mga mukhâ, at kailángang retokéhin ang kapál o nipís ng labì, ang tángos ng ilóng, ang húbog ng matá, ang lantík ng pilík, ang kúrba ng kílay, ang súkat ng taingá, ang gupít ng buhók o pelukang isusuót. Sa ganitóng pangyayári, ang mga batà ay nagíng mainípin at nagmámadalî palagìng tumandâ. Hindî kataká-taká kung makakíta ng mga paslít na kung pumostúra’y gáya ng mga dalága o binatàng artísta, nagmámaného ng Jaguar o Ferrari, tumatágay ng vódka at sumísinghót ng damó, hábang nangangárap ng mga kasintáhan gayóng uhúgin pa o mahilíg sumupsóp ng tsupón. Ngúnit pagsápit nilá ng edád tiguláng, higít siláng magigíng masigásig na magbalík sa kamusmúsan, isúsumpâ ang kalendáryo, mag-éekspériménto sa meyk-ap at maskará, magpápalakí ng másel o magpapátambók ng súso, magbibíhis túlad ng kulít úpang ikublí ang pagigíng kalumpít. Kapág napánsin ka niláng maputlâ ang mukhâ gayóng kayúmanggî, humandâ ka kung pukulín man ng alimúra o itlóg. Sinuwáy mo ang kaniláng tradisyón. Lilíbakín ka nilá ngúnit huwág matákot sapagkát ang mukhâ mo ay kikináng gáya ng salamín. Sa Pulô ng mga Mukhâ, sinumáng tumítig sa iyó’y mapapáhiyáw sa gúlat o kilábot o hiyâ, at tatánungín nilá kung anó ang iyóng kapángyaríhan, o kung saán ka nagmulâ. Hahabà ang interógasyón sa iyó, at hihintô lámang iyon kapág nariníg nilá ang isinísigáw ng mga luhà mo. Sa sandalîng marínig nilá ang ngálan ng hinahanap mong mahál, mabábalíw lalô silá, sapagkát ang hinahánap mong mukhâ ay mukhâ na kaniláng pinaláyas noóng gabíng papáratíng ang supérbagyó.

Alimbúkad: Poetry Filipinas rocking the world. Photo by Adrien on Pexels.com

Isang Silanganing Alamat, ni Ivan Turgenev

Salin ng tulang tuluyan ni Ivan Turgenev ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Silanganing Alamat

. . . . . . . .Sino ang hindi nakakíkilála kay Jaffar, ang Araw ng Uniberso?
. . . . . . . .Maraming taon na ang nakalilipas, naglakad isang araw ang kabataang si Jaffar sa kaligiran ng Baghdad.
. . . . . . . .Walang ano-ano’y narinig niya ang paós na sigaw ng kabayo; at may kung sinong humihingi ng saklolo.
. . . . . . . .Natatangi si Jaffar sa iba pang kabataan dahil kuripot at mautak; ngunit mahabagin ang kaniyang puso, at sumasandig siya sa angking lakas.
. . . . . . . .Humangos siya tungo sa pinagmumulan ng sigaw, at nakita ang uugod-ugod na lalaking hukluban na sinusukól ng dalawang mandarambong sa pader ng lungsod.
. . . . . . . .Hinugot ni Jaffar ang kaniyang sable at hinarap ang mga butangero: napatay niya ang isa, at ang ikalawa’y tumakas palayo.
. . . . . . . .Napaluhod sa paanan ni Jaffar ang matandang nailigtas, at pagkaraang hagkan nito ang kaniyang damit ay sumigaw: “Binatang matapang, ang kabutihang-loob mo’y magagantihan balang araw. Mukha akong pulubi, ngunit sa anyo lamang. Hindi ako karaniwang tao. Pumunta ka bukas nang maaga sa pinuno ng palengke; hihintayin kita sa puwente, at itaga mo sa bato na ako’y nagsasabi ng totoo.”
. . . . . . . .Naisip ni Jaffar: “Mukha ngang pulubi ang lalaking ito; ngunit maraming puwedeng mangyari. Bakit hindi ko subukin?” Pagdaka’y sumagot si Jaffar at winikang, “Maaasahan mo, ápo, at darating ako.”
. . . . . . . .Tinitigan ng matanda ang mukha ni Jaffar, at pagdaka’y marahang lumisan.
. . . . . . . .Noong sumunod na madaling-araw, nagtungo si Jaffar sa palengke. Naroon na ang matanda na naghihintay sa kaniya, at nakapatong ang siko sa marmol na hugasan ng puwente.
. . . . . . . .Tahimik na hinawakan ng matanda ang kamay ng binata, at hinatak patungo sa munting hardin, na nababakuran ng matataas na pader.
. . . . . . . .Sa gitna ng hardin, sa lungtiang damuhan, ay nakatirik ang kagila-gilalas na punongkahoy.
. . . . . . . .Kawangis iyon ng sipres, ngunit ang mga dahon ay asul.
. . . . . . . .May tatlong prutas—tatlong mansanas—ang nakabitin sa mga sanga. Katamtaman ang laki ng una, na pahaba at at puting-puti; ang ikalawa’y malaki, bilog, pulang-pula; at ang ikatlo’y maliit, kulubot ang balát, at naninilaw.
. . . . . . . .Lumagitik nang bahagya ang punongkahoy, bagaman walang simoy. Nagluwal iyon ng tumataginting na tunog, na tila mula sa kampanilyang kristal, at maláy wari sa paglapit ni Jaffar.
. . . . . . . .“Binata!” sabi ng matanda, “pumili ka ng isa sa mga mansanas at mababatid na kapag pinili at kinain ang puti, ikaw ang magiging pinakamarunong sa lahat ng tao; kapag pinili at kinain ang pula, yayaman ka gaya ng Hudyong Rothschild; kapag pinili at kinain ang dilaw, mamahalin ka ng matatandang babae. Magpasiya, at huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Sa loob ng isang oras, maaagnas ang mga mansanas, at kusang lulubog ang punongkahoy sa kailaliman ng lupa!”
. . . . . . . .Napatungo si Jaffar at nag-isip. “Ano ba ang dapat kong gawin?” aniya sa mahinang tinig, na waring nakikipagtalo sa sarili. “Kung ikaw ang pinakamarunong, hindi mo na marahil isasaalang-alang ang mabuhay; kung ikaw naman ang pinakamayaman, lahat ay maiinggit sa iyo; mabuting piliin at kainin ang ikatlo, ang nabubulok na mansanas!”
. . . . . . . .At iyon nga ang kaniyang ginawa; at napahalakhak ang matanda, saka nagwikang: “Matalinong binata! Pinili mo ang pinakamahusay na bahagi! Bakit pipiliin ang puting mansanas? Higit kang marunong sa sandaling ito kaysa Solomon. Hindi mo rin kailangan ang pulang mansanas. . . Yayaman ka pa rin kahit wala iyon. Ang tanging yaman mo ay hindi kaiinggitan ninuman.”
. . . . . . . .“Sabihin sa akin, tanda,” ani Jaffar, at nag-alab, “saan nakatira ang kagalang-galang na ina ng ating Kalifa, na protektado ng langit?”
. . . . . . . .Napatungo ang matanda, at itinuro sa binata ang landas.
. . . . . . . .Sino sa Baghdad ang hindi nakakikilala sa Araw ng Uniberso, ang dakila, ang bantog na si Jaffar?

Abril 1878

Kuhang retrato ni Jonathan Borba, at hango sa Unsplash.

 

“Destiyero,” ni Jean Follain

Salin ng “Exil,” ni Jean Follain.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Destiyero

Sa gabi’y nakikinig sila ng parehong
musika na walang magtataguring masaya
lilitaw ang mukha sa isang sulok
ng daigdig na walang tao
bumubukad ang mga rosas
kumakalembang ang batingaw  sa lilim
ng ulap sa harap ng de-haliging pintuan.
Isang nakatalungkong lalaki ang nagwika
sa lahat ng nagnanasa sa kaniyang abuhing
pelus na naglalantad ng malalalim na gatla
ng palad niya
habang ako’y nabubuhay walang sinumang
sasaling sa aking mga aso, mga pare ko.

“Napakabihira,” ni C.P. Cavafy

Salin ng  “Very Seldom,” ni C.P. Cavafy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Napakabihira

Siya ang hukluban. Kuba at marungis,
Siya ay binalda ng abuso’t taon,
Kay rahang lumakad pagtawid sa daan.
Ngunit pag sumapit sa kaniyang bahay,
Itatago niya ang lungkot-panahon
At gugunitain ang anyong makisig.

Ngayon, binibigkas ng mga binata
Ang kaniyang tula. Ang sariling tanaw
Niya’y dumaraan sa kanilang diwa.
Ang malusog nilang taglay na isipan,
Ang dingál at tatág ng básal na láwas,
Ay anu’t napukaw ng Gandáng matikas.

C.P. Cavafy

C.P. Cavafy

Pagbabanyuhay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Transformations” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagbabanyuhay

Para kay F.X. Salda

Naghunos na palumpong sa tagsibol ang binata,
At ang palumpong ay naging pastol na bata,
ang manipis na buhok ay naging kuwerdas ng lira,
ang niyebe’y naging yelo sa sapin-saping hibla.

At ang mga salita’y naging tandang-pananong,
Ang karunungan at katanyagan ay pileges sa noo,
At ang mga kuwerdas ay naging manipis na buhok,
Ang bata’y nagbanyuhay sa pagiging makata,
Ang makata ay nagbanyuhay muli sa ibang anyo,
At naging palumpong na kaniyang hinimlayan
Nang umibig sa kagandahang kaniyang iniyakan.

Sinumang umibig nang lubos sa kagandahan
Ay mamahalin iyon sumapit man ang kamatayan,
Magpapasuray-suray doon nang tila tuliro,
Sa ganda na may mga paa ng balani at hinhin
Sa sandalyas na kaylambot gaya ng pinong seda.

At sa ganitong pagbabanyuhay, ang gayuma
ang bibigkis sa kaniya sa pag-ibig ng babae;
ang isang saglit ay sapat na, tulad ng singaw
sa tugon sa sitsit o hishis, matapat sa alkimista
at bumubulusok na patay na kalapating tinudla.

Mabuway ang katandaan kapag wala ni tungkod,
Ang tungkod na naghuhunos sa alinmang bagay
Sa walang katapusan at kagila-gilalas na laro,
Marahil ay magiging mga bagwis ito ng anghel
Na kumakampay habang pumapaimbulog sa langit:
Walang lawas, walang kirot, singgaan ng balahibo.

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag

Salin ng tulang “Do not go gentle into that good night” ni Dylan Thomas.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINDI DAPAT PUMANATAG SA BIGHANI NG MAGDAMAG

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Dapat taglay ng matanda ang silakbo nitong araw;
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Mga pithó’y sadyang batid na karimlan itong tumpak
Dahil dila’y di masambit ang salitang may salapáng,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Mabubuti’y kumakaway, may hinayang na kay-lakas,
Kung sumayaw sa katihan ang mahinang likhang alay,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Ang ilahás, na hinamig at nilustay yaong sikat,
At nabatid, nang hulí na, na magsisi sa pagpanglaw,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Agaw-buhay, ang maysakit na tumitig sa marilag
Ay nakita ang ligaya’t  bulalakaw sa karimlan,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

At ikaw po, aking ama, sa sukdulan nitong habag,
Sumpain mo’t pagpalain nang may luhang lumalaban:
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Awit at Pag-ibig ni Mahmud Kianush

Mga tula ni Mahmud Kianush
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MANANATILI ANG AWIT

Humuni ng matarling na awit ang ibon
na nakadapo sa tangkay ng rosas,
at inilatag ang sigaw ng kaluguran
sa lawas ng hungkag na katahimikan.

Naglaho ang rosas,
ni walang iniwang bakás ng kulay
o kaya’y halimuyak.
Ngunit nang maglaho ang ibon,
nanatili sa paligid ang angking awit.

LARO NG PAG-IBIG

Inihanda ng bulaklak ang taglay
nitong bango at makulay na hapag,
at tumindig nang nakatungo
habang pinupupog ng bubuyog.

Ito marahil ang Pag-ibig:
sa larong nakalulugod sa sarili
ay nilalasing siya nang labis
ng mga kopita ng sinag at hamog.

SA HAPAG NG SIMOY

Isang huklubang lalaking nakukuba
ay humiling sa kaniyang tungkod
ng karagdagang buhay;
at ang isang kabataang sakay
ng kabayong humagibis sa yabang
ay naghihintay sa daigdig
para sa kaniyang pakikipagtagisan.
Ngayon,

sa alimbukay ng alikabok,

ang mga mata’y nagdilim
sa panghihinayang.
Ngayon,

sa hapag ng hangin,

ang daigdig ay naghihintay
sa pagbaba ng bagong panauhin.

DALISAY

Ikaw ang pabukad na Rosas
na may kabigha-bighaning kulay,
at nakalalasing na halimuyak.
Nakasisiya ka sa aking paningin,
at kumikinang sa iyong kataga
ang mga hamog at liwanag.

Bagaman maikli ang iyong panahon,
magpakasaya,

dahil may puso ka

na walang bahid ng mga pagnanasa.

Mga Kabayo

Mga Kabayo, mula sa artsibo ng fithfath.com. Dominyo ng publiko.

Ang Matandang Lalaking Umiibig

Ang Matandang Lalaking Umiibig

Ang matandang lalaking umiibig ay maaaring nakakalbo o pinilakan
ang buhok, ngunit taglay niya ang sidhi ng karunungan at pag-iingat
habang nilalandas ang lalim ng pusod at tarik ng iyong mga bundok.

Ang matandang lalaking umiibig ay nagkakaulap minsan ang mga mata,
gayunman, hindi siya matatakot lumusong at umaninag sa pasikot-sikot
na ilog na bubuksan mo dahil alam niyang magwawakas siya sa laot.

Ang matandang lalaking umiibig ay maaaring humihina ang pandinig,
ngunit handa siyang tumitig at makinig sa iyo nang lubos at paulit-ulit,
kahit maglaro ka ng mga hugong na naghihinanakit o umiiwa sa dibdib.

Ang matandang lalaking umiibig ay madaling sipunin lalo’t takipsilim,
ngunit natatandaan niya ang iyong halimuyak na sakay ng hangin
at mananalig na ikaw ay laging nasa paligid para ipakilala ang langit.

Ang matandang lalaking umiibig ay umiitim ang gilagid at umuuga
ang mga ngipin, ngunit ang kaniyang mga salita ay tiyak at matatag,
na handang magbahagi ng pagdama’t pagtuklas sa payak na kataga.

Ang matandang lalaking umiibig ay lumalaki ang tiyan at sumusungit,
ngunit marunong magtimpi sa mga talulot na lumulutang sa alak
habang ikaw ang kapiling, at ang mundo ay waring ibig na mabaliw.

Ang matandang lalaking umiiibig ay naiihi kung minsan sa pantalon,
at kidlat sa tag-araw ang pagtigas ng uten, ngunit dahil siya’y umiibig,
kaya niyang ilipad ka sa sukdol ng kaluguran habang umaapoy ang isip.

Ang matandang lalaking umiibig ay dumurupok ang singit o tuhod,
subalit gumamit man siya ng tungkod, ang marahan niyang paglakad
ay magpapagunita ng mga tinik, bagà, at bangin na kaniyang tinawid.

Ang matandang lalaking umiibig ay maaaring naghahanap at ulyanin,
subalit magsisikap siyang halukayin ang kaniyang madilim na alaala,
upang maibalik ang hulagway mo kahit siya nagdedeliryo at nakaratay.

Sapagkat ang matandang lalaking umiibig ay lumalampas sa karaniwan,
at ipagtatapat niya ang digmaan at kapayapaan, ang tagsalat at tagsibol,
upang kung ikaw man ang maligaw, matatagpuan mo ang sariling pook

na maaaring maganap ang lahat, kahit ang pagtingin sa kabila ng puntod.

Ang Pagsapit

Halakhak ng naghaharutang mga bata ang pumasok sa bintana, at nagdulot ng alimpungat sa isang huklubang babae. “Ang mga lintik!” nawika niya habang iniuunat ang makikirot na tuhod. Napaubo siya, at sumungaw ang dugo sa kaniyang ilong. Hindi niya naiwasang mapadahak, at nang dumura siya’y tila lumabas mula sa kaniyang baga ang naimbak na poot at inggit na pawang naghunos na kuwago. Pumagaspas ang ibon at naglandas sa lalamunan hanggang kumawala sa kaniyang bibig. Sinundan niya ng tanaw ang kuwago, at nang dumapo sa sanga ng bayabas, ay anu’t kumislap saka nagliwanag. Nasilaw ang mga bata nang tamaan sila ng pambihirang sinag, at biglang nagsitakbuhang gaya ng mga bubuwit—takot na takot, ik-ik nang ik-ik—samantalang ang matanda sa lumang silid ay hindi nasikil ang managhili sa isang sanggol na namatay, at muling nabuhay, nang marinig niya ang tinig na sumisigaw: “Nanaaay! Nanaaay! Nanaaay!”