Ako, ni Imadeddin Nasimi

Salin ng ghazal ni Imadeddin Nasimi ng Azerbaijan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ako

Nagkahugis ako na maging Maykapal, ako ang Maykapal,
Ang sukdulang diwa, salita ng Diyos, at sagradong Koran.

Ako ang nagwika ng lihim ng buról na lukob ng apoy,
Apoy ni Abraham. Ako rin si Moses, at ako ang Imran.

At ako si Hesus, at ang Alejandro, at ang matang-tubig.
Kung taglay ko itong walang hanggang búhay, ako itong búhay,

Ang dagat ay ako, ako ang baybayin. Ako rin ang perlas,
Ako ang takupis, ang mutya ng dagat at ng karagatan.

Ako ang isipan at ang kagandahan, katangian, mithi.
Mangingibig ako, ako ang larawang kinahumalingan.

Ako ang karimlan. Kamatayan ako. Supling. Pagkawasak.
Baha ng suwail. At ako si Nóah na pinánalígan.

Ako ang balsamo at ako ang doktor, ang kirot, ang gamot.
Ako ang maydusa, ako ang ginhawa sa nararamdaman!

Advertisements

“Ang Kamatayan,” ni Eugénio Tavares

Salin ng “A Morte” mula sa orihinal na Portuges ni Eugénio Tavares ng Cabo Verde.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Kamatayan

Eugénio Tavares

. . . . . .“Mapagpalaya at dalisay ang kamatayan!”
 . . . . . .  . . . . —Antero

Ang kamatayan ay lubhang mapagbigay
At may sagradong misyon mula sa Maykapal
Upang ihimlay ang napakagulong búhay
At maghatid ng mapagpalayang kaligtasan:

Sa malamig na kandungan ay namumuhay siya
At malimit hanap ang ginhawa mula sa pagdurusa
Na ang mapusyaw na esensiya ay hindi makita
ng mga naghihirap at pinagkaitang masa.

Ang makapal ngunit mabait niyang palad
Ay hindi matitinag na ulingang kamay
Na tangan ang maitim, matalas na karit;

Ngunit puting kamay din ng pag-ibig at banayad
Mag-aruga, at walang hanggang talibang nanay
Para sa mga kaluluwang ang tadhana’y malupit.

“Hinggil sa Pagpapatiwakal,” ni Antonin Artaud

Salin ng “Sur le suicide” (1925) ni Antonin Artaud ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hinggil sa Pagpapatiwakal

Bago magpatiwakal, hinihiling kong bigyan ako ng ilang katiyakan ng pag-iral; ibig kong matiyak ang ukol sa kamatayan. Ang búhay, para sa akin, ay waring pagsang-ayon sa ipinapalagay na legibilidad ng mga bagay at sa mga kaugnayan nito sa isipan. Hindi ko na nadarama ang gaya ng di-matinag na sangandaan ng mga bagay na pinaghihilom ng kamatayan, pinagagaling sa pamamagitan ng pagputol sa kaugnayan sa kalikasan; ngunit paano kung hindi na ako ang anumang bagay bagkus isang paglihis na tinatangay ng mga kirot imbes ng mga bagay?

Kapag nagpatiwakal ako’y hindi para wasakin ang sarili bagkus upang muling buoin ang sarili. Ang pagpapatiwakal para sa akin ay ay isang paraan ng marahas na pagsakop muli sa sarili, ng brutal na pagsaklaw sa aking katauhan, ng pag-asam sa di-inaasahang pagdulog ng Maykapal. Sa pagpapatiwakal, muli kong ipinakikilala ang aking plano sa kalikasan, at bibigyan sa unang pagkakataon ng hugis ang mga bagay na pawang inibig. Pinalalaya ko ang sarili mula sa akondisyonadong pitlag ng mga lamanloob na pawang hindi makasabay sa aking kalooban, at ang aking búhay ay hindi na absurdong aksidente na ako’y nag-iisip ukol sa mga bagay na sinabi sa aking isipin ko. Ngunit ngayon ay pinipili ko ang aking diwain at ang mga direksiyon ng aking mga fakultad, ang aking mga tendensiya, ang aking realidad. Inilulugar ko ang sarili sa pagitan ng maganda at nakakubli, ng mabuti at masama. Itinuturing ko ang sarili na waring lumulutang, walang mga likás na pagkiling, bagkus newtral, sa estado ng pagkakapantay-pantay ng mabubuti at masasamang kahilingan.

Dahil ang búhay mismo ay hindi solusyon, ang búhay ay walang uri ng pag-iral na pinili, sinang-ayunan, at inibig nang kusa. Ito ay serye lámang ng mga kagutuman at mabalasik na puwersa, ng mumunting kontradiksiyon na nagtatagumpay o nabibigo alinsunod sa mga pangyayaring nakasusuklam na sugal. Gaya ng pagkahenyo, gaya ng pagkabaliw, ang kasamaan ay hindi patas na ibinabahagi sa bawat tao. At tulad sa masama ay gayundin ang mabuti: kapuwa bunga ito ng mga pangyayari at ng humigit-kumulang na aktibong bisa ng lebadura.

Kasuklam-suklam na likhain ka at mamuhay at damhin ang sarili sa pinakamadidilim na sulok ng isipan mo, hanggang sukdulan ng mga di-inaasahang pagsibol ng iyong di-matitinag na predeterminadong pag-iral. Sa kabila ng lahat, tayo’y mga punongkahoy, at marahil ay nakasulat sa kung saang kurbada o sa ibang pamilya ng punongkahoy na kikitlin ko ang sarili sa isang tiyak na araw.

Ang mismong diwain ng kalayaang magpatiwakal ay babagsak gaya ng tinigpas na punongkahoy. Hindi ako lumilikha ng oras at pook o sirkumstansiya ng aking pagpapatiwakal. Hindi ko iniimbento kahit ang isahinagap iyon; madarama ko kayâ ito kapag binunot nito ang aking pinag-ugatan?

Maaaring malusaw ang mismong sandali ng aking pag-iral; ngunit paano kung manatili itong buo? Paano tutugon ang nasira kong mga lamanloob? Sa anong imposibleng lamanloob ko irerehistro ang hiwa ng pagpapatiwakal na ito?

Nararamdaman kong ang sasapit na kamatayan sa akin ay rumaragasang agos, gaya ng kisapmatang kidlat na ang kakayahan ay lampas sa kayang isaharaya. Nararamdaman ko ang kamatayan na hitik sa mga kaluguran, na may paikid na laberinto. Nasaan ang diwa ng aking pag-iral doon?

Ngunit biglang tingnan ang Maykapal gaya ng kamao, gaya ng karit na humihiwa sa sinag. Kusa kong nilagot ang aking sarili mula sa búhay, at ibig ko namang baligtarin ang aking kapalaran gaya ng damit.

Ang Maykapal na ito ay inihanda ako sa punto ng absurdidad. Pinanatili niya akong buháy na hungkag sa mga pagtutol at silakbo ng pagtatakwil sa sarili; winasak niya ang lahat sa akin, hanggang sa pinakapinong alabok ng maláy, nakadaramang búhay.

Binansot niya ako tulad ng naglalakad na robot, ngunit ang robot na ito ay nakadarama ng luwalhati ng kaniyang di-maláy na sarili.

Ano’t minithi kong lumikha ng pruweba ng aking búhay. Ibig kong balikan ang umaalunignig na realidad ng mga bagay, ibig kong durugin ang pre-destinasyon.

At ano ang masasabi ng Maykapal ukol diyan?

Manhid ako sa búhay, at bawat diwaing moral ay tulad ng tuyot na batis sa aking mga ugat. Para sa akin, ang búhay ay hindi bagay o hugis; ito ay naging serye ng mga pangangatwiran. Ngunit ang mga pangangatwirang ito, gaya ng umaandar na motor, ay ni hindi makasibad sa rabaw, subalit nasa loob ko tulad ng posibleng “mga diyagrama” na sinisikap ng aking bait na itornilyo.

Ngunit kahit sa pagsapit sa ganitong estado ng pagpapatiwakal ay kailangan kong hintayin ang pagbabalik ng aking maláy na sarili; kailangan kong magkaroon ng kalayaan sa lahat ng artikulasyon ng aking pag-iral. Inilugar ako ng Diyos sa kawalang-pag-asa, gaya sa konstelasyon ng mga hanggahang wakas, na ang ningning ay nagtatapos sa akin.

Hindi ako mabubuhay o mamamatay, ni wala akong kakayahang hilinging mamatay o mabuhay. At ang buong sangkatauhan ay kahawig ko.

Ang Salmong Inaawit Ko (Beshalach) ni Rachel Barenblat

salin ng “The Psalm I Sing (Beshalach)” ni Rachel Barenblat.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Salmong Inaawit Ko (Beshalach)

Hindi ko ibig umawit sa Panginoon
na maringal na nagtagumpay
na ihagis  sa dagat ang kabayo at hinete.

Ayokong sabihin na
ito ang aking Diyos at dadakilain siya
na Diyos ng aking ama, at pupurihin

kung katumbas lamang iyan ng pagdiriwang
kapag ang mga baha at bomba ay iniwang
sugatan at tiklop ang kanilang mga katawan

kahit sila pa’y malulupit na tagapag-utos
kahit sila pa ang unang humataw sa atin
kahit sila pa’y hindi naging katulad natin.

Ang salmong inaawit ko ay nagsasabing
hindi tumatalikod ang Diyos
sa alinmang bahagi ng kaniyang nilikha.

Ang salmong inaawit ko ay nagwiwikang
ang Diyos na may kinikilingan ay hindi
makasusumpong ng pabor sa aking paningin.

Pinupuri ko ang Diyos na nanininghal
sa mga anghel na nagagawang magdiwang
kapag nalulunod ang mga anak ng Maykapal

Ang Diyos na humihiling na gumising tayo
ay hinaharap ang ating pinahihintulutan
na bendahan ng ating mga palad ang duguan.

Ang Babaeng Minamahal ko, ni Hafez

salin ng tula ng makatang Iranian na si Hafez (Khwāja Šamsu d-Dīn Muḥammad Hāfez-e Šīrāzī).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Daniel Ladinsky.

ANG BABAENG MINAMAHAL KO

Dahil ang Babaeng minamahal ko ay nabubuhay
Sa  kaloob-looban mo,

Lumalapit ako sa katawan mo sa anyo ng mga salita
Hangga’t makakaya ko—

At iniisip kita sa lahat ng oras, mahal kong peregrina.

Dahil ang tao na iniibig ko ay sumasama sa iyo
Saan ka man magtungo,
Si Hafez ay palaging nasa tabi mo.

Kung uupo ka sa tabi ko, manlalakbay,
Ikaw na may busilak na sinag mula sa maraming
Bato-balani,

Mapipigil ng labi ko ang humangos sa iyo at dampian
Ang namumula mong pisngi,

Ngunit ang aking mga mata’y mabibigong ikubli
Ang kabigha-bighaning katotohanan kung sino
Ka nga ba talaga.

Ang Maganda na aking sinasamba
Ay nagtirik ng kaniyang Maharlikang Silungan
Sa loob mo,

Kaya malimit kong idirikit ang aking puso
Nang matalik sa iyong kaluluwa
Hangga’t aking makakaya.

Dalawang Parabula ni Kahlil Gibran

Parabula at tulang tuluyan ni Kahlil Gibran
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG BALYÁN

Sinabi ko minsan sa balyán, “Pagod ka na marahil sa katatayo sa malungkot na bukiring ito.”

At sumagot siya, “Malalim at tumatagal ang tuwa ng pangangalaga, at hindi ako kailanman napagal.”

Sumabat ako, makaraan ang isang minutong pag-iisip, “Totoo iyan; dahil ako rin ay nabatid ang ganiyang kasiyahan.”

“Tanging ang siksik sa dayami,” ani Balyán, “ang makababatid niyon.”

At iniwan ko siya, nang hindi alam kung pumapanig ba siya sa akin o minamaliit ako.

Lumipas ang isang taon, at ang balyan ay naghunos na pilosopo.

At nang muling mapadaan ako sa harap niya, nakita ko ang dalawang uwak na gumagawa ng pugad sa ilalim ng kaniyang salakot.

BATHALA

Noong sinaunang panahon, nang ang unang pangangatal ng pagsasalita’y sumapit sa aking labi, umakyat ako sa sagradong bundok at kinausap ang Diyos, saka nagwikang, “Panginoon, ako ang iyong alipin. Batas ko ang lihim mong niloloob, at susundin kita magpakailanman.”

Ngunit hindi tumugon ang Diyos, at gaya ng malakas na unos ay biglang naglaho.

At pagkaraan ng sanlibong taon, umakyat ako sa sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, at nagwikang, “Maykapal, ako ang iyong likha. Hinubog mo ako mula sa luad at utang ko sa iyo ang lahat.”

At hindi tumugon ang Diyos, at tulad ng laksang bagwis ay lumipad kung saan.

At pagkaran ng sanlibong taon, inakyat ko ang sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, saka nagwikang, “Ama, ako ang iyong anak. Isinilang mo ako sa awa at pag-ibig, at sa pamamagitan ng pag-ibig at pagsamba’y mamanahin ko ang iyong kaharian.”

At hindi sumagot ang Diyos, at gaya ng ulop na lumulukob sa malalayong dalisdis ay naglaho kung saan.

At pagkaraan ng sanlibong taon, inakyat ko ang sagradong bundok at muling kinausap ang Diyos, at nagsabing, “Diyos ko, ikaw ang aking mithi at kaganapan, ako ang iyong nakaraan at ikaw ang aking bukas. Ako ang iyong ugat sa lupa at ikaw ang aking bulaklak sa kalawakan, at sabay tayong lumalago sa harap ng mukha ng araw.”

At humilig sa akin ang Diyos, at bumulong ng matatamis na salita sa aking pandinig, at kahit gaya ng dagat na pumapalibot sa batis na dumadaloy palaot, lumukob siya sa akin.

At nang bumaba ako sa mga lambak at tinahak ang kapatagan, naroon din pala  ang Bathala.

Balyan, retrato mula sa artsibo ng Wikimedia Commons

Balyan, retrato mula sa artsibo ng Wikimedia Commons. Dominyo ng publiko.

Pit Senyor!

Himala ang inaasahan namin sa iyong hulagway, at pahiwatig ng kaligtasan mula sa sumasayaw na apoy. Gumagaan ang aming daigdig na sapupu ng iyong kamay, at gaya mo’y isinisilang muli kami sa pista at dasal. Kasisindakan ka ng mga hari, at sa tangan mong setro’y mabubuksan ang palasyo sa aming mga puso. Bumangon ka mula sa sabsaban upang damitan nang maringal—na karapat-dapat sa sinumang may dugong dibino’t bughaw. Pakiwari namin ay labis na mabigat ang iyong korona, na higit sa laman ng iyong utak at guniguni; at lumalaylay ang balikat mo dahil sa makapal, ginintuang suot. Kung nagkatawang-tao ka tulad ng sinumang anito, hindi ka namin makikilala maliban sa iyong kayumangging mukha at kulot-kulot na buhok. Mananalig kami sa iyo; at ang aming pananalig ay aapaw sa mga lansangan, pantalan, paliparan. Magsisiksikan ang palengke, sabungan, resort, hotel, at katedral. Bababa kami mula sa bundok ng aming paniniwala, palusong sa kaibuturang karnal at mistikal. Sapagkat bata ka, at kami’y matatanda. Magkalayo man ang ating mga edad ay magkalapit naman ang ating mga ulirat. Mabibigkis ang mga lumad at banyaga, uulan ng mga palaso para salubungin ang mga kanyon, magliliwanag ang himpapawid sa mga kuwitis at paputok, at sa nguso ng mga takut, ang mga lapulapu’y huhulihin—para ihain sa ating masaganang piging.

“Pit Senyor!” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 17 Enero 2010.