Adiyogi sa Pasig, ni Roberto T. Añonuevo

Adiyogi sa Pasig

Roberto T. Añonuevo

Ang gabi ng mga kamay ay mga kaluluwa
sa agos.
Ang gabi ng pagtatalik ng mga kaluluwa
ay agos.
Ang gabi ng pagsilang ng mga kaluluwa
ay agos.

Hayaang umagos ang sayaw ng kalululuwa.
Hayaang umagos ang buwan ng kaluluwa.
Hayaang umagos ang bulaklak ng kaluluwa.

Sapagkat ito ang gabi ng landas palaot.
Sapagkat ito ang gabi ng landas ng laot.
Sapagkat ito ang gabi ng laot ng mga landas.

Ang gabi ng bathala ay gabi ng mga likha.
Ang gabi ng bathala ay likha ng mga gabi.
Ang gabi ay bathala na gabi ang lumilikha.

Ito ang sandali ng paglusong sa karimlan.
Ito ang sandali ng pag-ahon sa karimlan.
Ito ang karimlan ng paglusong at pag-ahon
ng sandali.

Sapagkat ito ang inaasam na paghuhugas
ng sandali.
Sapagkat ito ang inaasam ng paghuhugas.
Ang sandali—
Ang inaasam na paghuhugas nang wagas.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Poetry making the impossible possible. Photo by Arti Agarwal on Pexels.com

Ganting-Tagay, ni André Frénaud

Salin ng “Toast en réponse,” ni André Frénaud ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ganting-Tagay

Sa mga imposibleng hámon.
Sa dalawang napakalayong disyerto.
Sa liwanag na nagbubukod sa kanila.
Sa mga di-tiyak na hiyas ng kailaliman.
Sa katotohanan ng baliw na pagdulog.
Sa meditasyon ng apoy.
Sa di-masikmura. Sa pasasalamat.
Sa pagpapalitan. Sa restorasyon.
Sa sabay na migrasyon.
Sa pinagsaluhang pagpápapások.
Sa iyo. Sa akin.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig.

Banyuhay

Banyuhay

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Matatagpuan ng langit ang apoy, at apoy ang kaluwalhatian sa noo ng karimlan. Ikaw na waring naligaw sa kumbento ng mga Benediktino, ikaw na nakikinig sa himno ng dibino at materyal, ay maglalakad muli upang tumugtog sa mga hagdan tungo sa kaitaasan. Matutuklasan ng simbahan ang iyong mga kamay na kumakalabit ng mga bagting; at mauunawaan ng katahimikan kung bakit nakapaghihilom ng sugat ang bulong, at ang taimtim na panambitan sa himig ng pagmamahal. Magsasalimbayan ang alunignig ng mga kuliglig. Magkakaroon ng mga saray ang sapad na dimensiyon. Magbabago ang anggulo ng mga dingding. Mapipihit ang kindat ng mga sinag. Lalayo at lalapit ka sa tinatanaw. Maghahalo ang tilaok at alulong, at nakaupo ka mang nagbubulay gaya ng yogi ay maglalaho ang silbi ng orasan. Bibiyayaan ka ng pagkain ng simoy, sinag, at hamog. Madarama mo ang mga alon sa guniguni. Pagdaka’y may darapong tipaklong  sa iyong balikat, na waring nangungusap, na panahon nang sumilang ang mata sa loob ng mga mata—para maarok ang apat na panig ng kaliwanagan.

Ilang Pagbubulay sa Buhay

Nakaiinip ang kaibigan, kung ang iyong kaibigan ay pamamaalam, at ikaw ay nakatakdang mabuhay nang mahaba sa dapat asahan.

∞ ∞ ∞

Sumasayaw sa iyong paningin ang mga alaala ng sakate at sampagita, ang pagpapakain ng mga baboy sa kural, at ilang baryang iuuwi upang ipambili ng bigas at gulay.

Iindak ka sa parang. At ikaw ang pinakamarikit na nilalang.

∞ ∞ ∞

Yayakapin mo ang iyong mga anghel. Idadampi sa noo nila ang kalinga at pag-aalala. At sa iyong pagtanda, yayakapin ka ng mga anghel, at idadampi sa iyong noo ang pinakamatimyas na pagmamahal.

∞ ∞ ∞

Ilang payyo ang katumbas ng pagsisikap ng magulang para sa anak? Itatanong mo ito sa iyong sarili, na tila ang iyong magulang ay may tungkuling magpanday ng mga dambuhalang tulay tungong kalangitan para sa iyo at sa iyo lamang.

∞ ∞ ∞

Makalalakad ang magulang nang laksa-laksang milya para sa anak, ngunit ang anak ay hindi mailalakad ang magulang nang kahit isang dipa.

Mauunawaan mo ito habang nakatitig sa iyong ina, at ang iyong ina ay lumuluha nang hindi mo maunawaan.

∞ ∞ ∞

Isisilang ka sa banig, at magsisilang ka sa banig. Mararatay ka sa banig, at ang banig ay ibibilot ka bago ihulog sa hukay.

Iginagalang mo ang banig, at maglalala ka ng maraming banig sa aming mga isip at kalooban.

∞ ∞ ∞

Kumain ka na ba? Dumating na ba ang iyong kapatid? Matamlay ka yata? Mahaba ang litanya ng pag-aalala ng ina, at ang mga anak ay mauumid sa kahihiyan dahil hindi ka nila ganap na magagantihan.

∞ ∞ ∞

Madaling-araw pa’y magsasaing ka’t maghahanda ng mga ulam. Magtataka ang iyong mga anak kung bakit pinakamasarap ang prito mong itlog o tuyo, na hindi maipaparis sa pinakamasaganang piging. Anu’t napakatamis ng tsokolate kapag ikaw ang nagtimpla!

Marahil, sadyang may mahika ang mga palad ng magulang. At ito ang tutuklasin ng mga anak, hanggang sila’y maging magulang din pagdating ng araw.

∞ ∞ ∞

Maglalaba ka at lalabhan ang aming kasuotan o susuotan. Magpaplantsa ka at aayusin ang gusot ng aming kalooban. Ihahanger mo ang palda o pantalon, hanggang di-alintana ninuman ang iyong pagdaramdam.

Winika ito ng anak, habang tinatanaw ang kaniyang pawisang magulang.

∞ ∞ ∞

Tatanda rin ako. At tatanda rin ang aking kabiyak. Ang nakapagtataka’y lalong sumisigla ang aming pagtitinginan habang kami’y nagkakauban.

∞ ∞ ∞

Makintab ang sahig. Makislap ang bintana. Mabango ang banyo. Malinis ang hapag. Maaliwalas ang mga silid at sala. Kung magagawa ito ng isang ina para sa kaniyang mga supling at kabiyak, ang tahanan ay langit na ibig kong marating.

∞ ∞ ∞

Yayaman ang aking mga anak, sabi ng magulang, ngunit ang kanilang yaman ay hindi mababayaran magpakailanman ang aking pinaghirapan.

Titingalain ng mga anak ang magulang. At kailangan ang kagitingan kahit sa gayong kapayak na paraan.