Bitukang Pulo, ni Roberto T. Añonuevo

Bitúkang Pulô

Roberto T. Añonuevo

Mákikilála mo si Eduardo, ang amá ng pamilyáng tumanggáp sa iyó, at hábang tumatágay kayó ng sariwàng tubâ ay ituturò niyá na ang hinahánap mo ay walâ sa Pulô ng Atáy, bagkús sa karugtóng nitó, ang Bitúkang Pulô. Mulâ sa Pulô ng Atáy ay makásasakáy ka ng lundáy na yarì sa mga tingtíng. Tibáyan mo ang loób. Kapág nagsimulâng mágbantulót ka’y lulubóg ang lundáy mo at kakaínin ka ng mga álon, at iyán ang sinápit na kapaláran ng mga nangánauná sa iyo. Úpang makaíwas sa anumáng pangánib, ituón mo ang paningín sa diréksiyón na íbig maratíng at huwág kang lumingón ni lumingá-lingá hábang naglálayág. Kapág lumagós ka sa úlop ay makikíta mo ang Bitúkang Pulô. Ang Bitúkang Pulô ay sérye ng mga pulô at batuhan na kung hindî paikíd ay paikót, at doón mo matútuklásan na ang mga bágay ay nása yugtô ng patúloy na pagbabágo. Halímbawà, ang pumások na kanáway sa únang antás ng Bitúkang Pulô ay magigíng malmág, na kapág lumípat sa ikalawáng antás ay magigíng anuwáng, na kapág lumípat sa ikatlóng antás ay magíging nilaláng na may katawán ng táo ngúnit may mukhâ ng pawíkan, na patúloy ang pagbabágo hanggáng ang sukdúlang anyô ay umabót sa perpéktong walâ ngúnit naroón at umiíral. Kayâ kapág kinaúsap mo ang kanáway ay mauúnawàan mo lámang siyá sa wikà ng malmág. Kausápin mo ang malmág at magwíwikà siyá sa talínghagà ng anuwáng. At kapág kinaúsap mo ang táo na may mukhâ ng pawíkan ay kailángang maúnawàan mo na ang mga pahiwátig niyá ay karágatán na kuyóm ang táo o táo na kuyóm ang karágatán. Hindî siyá nagmulâ sa lahìng siréna o siyókoy. Ang táo na nása yugtô ng pagbabágo ay mauúnawàan mo lámang kung anó siyá sa anyông panlabás, at mulâ roón, kailángang sisírin mo ang kaniyáng kaloóban úpang maúnawàan ang líkaw-líkaw na pakikípagsápalarán, ang pakikípagsápalarán na maglulúwal ng barumbárong o kastílyo, na magsisílang ng iba pang mithî, gáya ng gamót, damít, sandáta, pabangó, eropláno, palayán, gusalì, at sangkatérbang hulagwáy na káyang isaísip. Sa Bitúkang Pulô, humandâ kang mamatáy. Humandâ kang mamatáy nang paúlit-úlit. Sa gayóng paraán, matutúto ka kung paáno umangkóp sa kaligíran, at mabábatíd na hindî ikáw ang séntro ng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry metamorphosis making waves. Photo by Mohammad Jumaa on Pexels.com

Tatlong Tula ni C.P. Cavafy

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pagnanasà

Gaya ng maririkit na lawas ng yumao na hindi tumanda,
at ibinilanggo, nang luhaan, sa mariringal na mawsoleo,
may mga rosas sa ulo at may mga hasmin sa mga paa—
ganyan ang mga pagnanasa, na lumipas nang walang
kaganapan; wala ni isa man sa kanilang nakalasap
ng magdamag na kaluguran, o maningning na liwayway.

Mga Tinig

Mga huwaran at minamahal na tinig
ng mga namatay, o ng mga tao
na naglaho sa atin gaya ng mga patay.

Kinakausap minsan tayo nila sa panaginip;
at naririnig minsan ang mga ito sa isip.

Sasapit ang sandaling pababalikin nito
ang unang panulaan ng ating buhay—
gaya ng musikang nauupos sa malayong gabi.

Unang Antas

Nagreklamo isang araw si Ewmenes
kay Teokritus:
“Dalawang taon na ang nakalilipas
nang ako’y magtangkang magsulat ngunit
isang idilyo lamang ang aking natapos.
Isang tula lamang ang aking naisulat.
Ay, sadyang napakatayog, wari ko,
at napakatarik ng hagdan ng Panulaan;
at sa unang antas na kinatatayuan ko,
ang abang gaya ko ay hindi makaaakyat.”
“Ang ganyang pananalita,” ani Teokritus,
“ay baluktot at mapanyurak.
Kahit nasa unang hakbang ka pa lamang,
dapat na matuwa at magmalaki.
Hindi madali ang pagsapit mo rito,
na pambihirang tagumpay na malayo
sa matatamo ng karaniwang mga tao.
Upang makarating sa unang bahagdan,
kailangan mo munang maging mamamayan
sa lungsod ng mga isip.
At sa lungsod na iyon ay napakahigpit
at bibihira ang nagiging mamamayan.
Matutunghayan sa agora ang mga Mambabatas
na hindi maiisahan ng mga oportunista.
Ang pagsapit dito ay hindi napakagaan;
ang nakamit mo ay labis na kadakilaan.”

Kapag mahal ng babae ang lalaki, ni David Lehman

KAPAG MAHAL NG BABAE ANG LALAKI

Salin ng “When a Woman Loves a Man” ni David Lehman.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pag sinabi ng babae na margarita, nais niya’y daiquiri.
Pag sinabi ng dilag na mapangarapin, nais niya’y maliksi.
At pag winika niyang, “Ayaw na kitang kausapin pa,”
nangangahulugan ito ng, “Yakapin mo akong nakatalikod
habang nagtatampo’t nakatanaw sa tabi ng bintana.”

Dapat batid iyan ng lalaki.

Pag iniibig ng lalaki ang babae, nasa New York ang una at nasa Virginia
ang ikalawa o siya’y nasa Boston, nagsusulat, at ang babae’y
nasa New York at nagbabasa, o ang babae’y nakasuot ng suweter
at itim na salamin sa Balboa Park, samantalang ang lalaki’y
nangangalahig ng mga dahon sa Ithaca
o nagmamaneho ang lalaki pa-East Hampton at ang babae’y
nagmamaktol sa may bintana habang nakatitig sa lawa
na ang regata ng samot-saring layag ay naglalandas
habang ang lalaki’y naipit sa trapik sa Long Island Expressway.

Pag mahal ng babae ang lalaki, ngayon ay ala-una y diyes ng umaga’t
natutulog ang babae at nanonood ang lalaki sa iskor ng mga bola
at ngumangata ng pretzel, tumutungga ng lemonada
at dalawang oras pagkaraan, gigising ang lalaki at susuray sa kama
na kinaroroonan ng babaeng nahihimbing at napakainit.

Pag sinabi ng babaeng bukas, ang totoo’y tatlo o apat na linggo.
Pag sinabi ng babaeng, “Ako na naman ngayon ang pinag-uusapan,”
hihinto sa pagsasalita ang lalaki. Darating ang matalik na kaibigan
ng babae at magwiwikang, “May namatay ba?”

Pag iniibig ng babae ang lalaki, sabay silang lalangoy
nang nakahubad sa sapa
isang araw sa maningning na Hulyo
na ang tunog ng talon ay gaya ng hagikgik
ng tubig na dumadaloy sa makikinis na batuhan,
at wala ni isang banyaga sa uniberso.

Malalaglag ang mga hinog na mansanas sa kanila.
Ano pa ang magagawa nila kung hindi kumain?

Pag sinabi ng lalaking, “Naghuhunos ang ating panahon,”
tutugon ang babae ng, “napakaorihinal naman iyan,”
na tuyot gaya ng martini na nilalagok ng lalaki.

Mag-aaway sila sa lahat ng panahon
Nakatutuwa
Ano ang utang ko sa iyo?
Magsimula tayo sa paghingi ng paumanhin
OK, pasensiya na, buratsero.
Itataas ang senyas na nagsasaad na, “Tawa!”
Tahimik ang pelikula.
“Kinantot ako nang di nahagkan,” wiwikain ng babae,
“at masisipi mo ako hinggil diyan,”
na kahanga-hanga ang tunog sa puntong pa-Ingles.

May taon na naghiwalay sila nang pitong ulit at nagbantang
gagawin muli iyon nang siyam na beses.
Pag mahal ng babae ang lalaki, ibig ng babaeng sunduin siya
ng lalaking nakadyip sa paliparan sa banyagang lupain.
Pag mahal ng lalaki ang babae, naroon siya. Hindi maiinis
ang lalaki kung mabalam nang dalawang oras ang babae
at ni walang laman ang loob ng refrigerator.

Pag mahal ng babae ang lalaki, nais ng babaeng manatiling gising.
Tila batang umiiyak ang babae
sa takipsilim dahil hindi niya ibig magwakas ang araw.
Pag mahal ng lalaki ang babae, tititigan niya ang babae sa kaniyang
pagtulog, at mag-iisip:
gaya ng magdamag sa buwan, ang paghimbing sa minamahal.
Isang libong alitaptap ang kumikindat sa lalaki.
Kumokokak ang mga palaka gaya ng seksiyon ng mga bagting
sa orkestra na nag-eensayo.
Lumalaylay ang mga bituin gaya ng mga hikaw na hugis-ubas.

"Babae sa may bintana" (1925), pintura ni Salvador Dali.

"Babae sa may bintana" (1925), pintura ni Salvador Dali.

Bawat angking Kimera, ni Charles Baudelaire

salin ng “Chacun sa chimère” ni Charles Baudelaire.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BAWAT ANGKING KIMERA

Sa ilalim ng malawak, abuhing langit, sa maalikabok, di-maliparang uwak na kapatagang walang bagnos, walang damo, walang baging ni palumpong, nasalubong ko ang ilang tao na hukót kung maglakad.

Bawat isa sa kanila’y pasan ang malaking Kimera, na simbigat ng sako ng arina o gatong, o katumbas ng kasuotan ng kawal na Romano.

Ngunit ang nakahihindik na halimaw ay hindi basta walang saysay na pabigat; bagkus, sinasaklaw nito’t inaalipin ang tao sa pamamagitan ng malalakas, nababanat na kalamnan; kinukuyom ng malalaking kuko ang dibdib ng sinasakyan nito; at ang pambihirang ulo nito’y tumatakip sa kilay ng tao, gaya ng mga nakasisindak na helmet na ginagamit ng mga sinaunang mandirigma upang mapatindi ang hilakbot ng kanilang kaaway.

Tinanong ko ang isa sa mga lalaki, at inusisa kung saan sila patungo sa gayong anyo. Sumagot siyang wala siyang kamalay-malay sa anumang nagaganap—siya man o ang iba pang kasama; ngunit halata silang patungo kung saan, dahil hinihimok sila ng di-nakikitang pangangailangang maglakad.

May kakatwang dapat pansinin: wala ni isa sa mga manlalakbay ang nayayamot sa mabangis na halimaw na lumalaylay sa kaniyang leeg at nakadikit sa kaniyang likod; at maihahakang bahagi na iyon ng kaniyang katauhan. Lahat ng pagál at seryosong mukha ay hindi nagpapamalas ng kawalang-pag-asa. Sa lilim ng nakaririnding kisame ng kalangitan, tinahak ng kanilang mga paa ang alikabok ng lupaing tigang gaya ng kaitaasan, at tumugpa sa landas nang may anyo ng mga taong mapagtiis na isinumpang umasa nang paulit-ulit.

At lumampas sa aking tabi ang tanikala ng mga lalaki at naglaho sa ulop ng panginorin, sa pook na ang pabilog na rabaw ng planeta ay ikinukubli ang sarili mula sa mapanuring tanaw ng tao.

At sa ilang sandali pa’y ipinagpatuloy ko ang mithing unawain ang misteryong ito; ngunit namayani sa aking loob ang di-maiiwasang kawalang-pakialam, at higit akong naguluhan kaysa silang pasan-pasan ang mga nakasusubasob na Kimera.

Isterya, ni T.S. Eliot

salin ng tulang tuluyang “Hysteria” ni T.S. Eliot.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

ISTERYA

Habang tumatawa siya, namamalayan kong nahahawa ako sa kaniyang halakhak at sumasanib doon, hanggang ang mga ngipin niya ang maging tanging di-sinasadyang mga bituing may talento para sa pagsasanay-tilap. Nahatak ako ng maiikling paghinga, sumamyo sa bawat pansamantalang pagbawi, ganap na naglaho sa madilim na yungib ng kaniyang lalamunan, at nagalusan sa kilapsaw ng di-nakikitang kalamnan. May isang nakatatandang serbidor, na may nanginginig na mga kamay ang mabilis na naglatag ng pink at puting telang guhitan sa lungting mesang kalawangin, ang nagsabing: “Baka gustong dalhin, baka gustong dalhin ng binibini at ginoo ang kanilang mga tsaa sa hardin . . .”  Nagpasiya ako na upang maihinto ang pag-alog ng kaniyang mga suso, kailangang tipunin ang ilang piraso ng hápon, at ibinuhos ko ang tuon nang may maingat na pagdulog sa mithing ito.

Sampánaw ng mga Pandama ni C.P. Cavafy

salin ng “Το Σύνταγμα της Hδονής” ni C.P. Cavafy, batay sa saling Ingles ni Manuel Savidis
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SAMPÁNAW NG MGA PANDAMA

Huwag magwika ng kasalanan, huwag magwika ng pananagutan. Kapag nagparada ang Sampánaw ng mga Pandama, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat; kapag nangatal at nayanig ang mga pandama, tanging hangal at balasubas na tao ang sisikaping lumayo, at hindi tatanggapin ang mabuting simulain, na nagmamartsa tungo sa pagsakop ng kaluguran at kalibugan.

Lahat ng batas ng moralidad—na mababaw inunawa at isinagawa—ay walang saysay at hindi magkakabisa kahit sandali, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag hayaan ang anumang malabong birtud na pigilin ka. Huwag maniwalang binibigkis ka ng anumang obligasyon. Tungkulin mo ang magparaya, ang palaging magparaya sa mga Pagnanasa, ang mga perpektong nilalang ng mga perpektong diyos. Tungkulin mong sumanib, gaya ng matapat na kawal, na taglay ang payak na puso, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag ibilanggo ang sarili sa tahanan, at iligaw ang sarili sa mga teorya ng katarungan, na may prehuwisyo ng pabuya at kimkim ng di-perpektong lipunan. Huwag sabihing, Katumbas iyan ng aking pagpapagal, at ganito ang dapat kong matamo. Katulad ng pamana ang buhay; at wala kang ginawa upang kamtin iyon nang may katumbas na bayad, kaya gayundin dapat ang Kalugurang Sensuwal. Huwag ipinid ang sarili sa tahanan; bagkus hayaang bukás ang mga bintana, bukás na bukás, upang marinig ang unang tunog ng paglalandas ng mga kawal, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay sumapit, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag magpalinlang sa mga lapastangan, na nagwiwikang mapanganib bukod sa mahirap ang serbisyo. Ang serbisyo ng kalugurang sensuwal ay palaging kasiya-siya. Papagurin ka nito, at papagurin nang may nakalalasing na kaluwalhatian. At pangwakas, kapag gumulapay ka sa lansangan, kainggit-inggit ang iyong mabuting kapalaran. Kapag dumaan sa kalye ang karo ng iyong bangkay, ang mga Anyo na humubog ng mga pagnanasa mo ay magpapaulan ng mga liryo at puting rosas sa rabaw ng iyong ataul; papasanin ka sa balikat ng mga kabataang bathala ng Olimpo, saka ililibing sa Himlayan ng Huwaran, na ang mga mawsoleo ng panulaan ay kumikislap sa sukdulang kaputian.

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin. Dominyo ng publiko, at hinango sa artsibo ng zorger.com

Ang Mithi

Lumilipad ang iyong panalangin upang hanapin ako sa kung saang lansangan. May bagwis ang iyong bawat kataga, at mapapansin ko na lamang ang mga balahibong lagas sa ulo o balikat. Nakapagtindig ka ng gusali sa aking dibdib isang araw, at ang gusaling ito ay unti-unting tumayog, ngunit taliwas sa dapat asahan, nabubuo iyon sa mga salitang iniluluwal ng mga diwa. Hindi humihinto ang iyong panalangin, at ang gusali mo ay naglagos sa aking balát, pataas nang pataas, at hindi ko ngayon malaman kung ang gusali ay higit sa aking pangalan at pinagmulan.

Pambihira ang iyong panambitan, at kung makikinig ang sinumang Maykapal, matutulig siya na parang hinahabol ng lamok at langaw.

Sadyang may elektrisidad ang hangin, at kaya nitong isakay ang iyong mithi na handang tumanggap ng pala-palapag na tungkulin at pagsasakit. Umusal ka pa, at magliliwanag ang bawat bintana ng gusali. Humibik ka, at isa-isang mabubuksan ang mga pinto. Sumigaw ka, at ang mga tao sa gusali’y magiging abala at magkukunwaring inaabot ang kalangitan. Sasapit ang panahong matutuklasan ng gusali ang esensiya ng semento at pagkabato. “Bakit kailangang tumayog?” at ang paulit-ulit mong tugon sa pamamagitan ng mahihiwagang bulong ay katumbas ng pagdama sa malamig na simoy at bulawang dapithapon.

Sinusundo ako ng iyong mga panalangin. Hindi ako makaiiwas. Sagrado ang iyong bibig na makapagbubuklat ng diksiyonaryo ng pag-ibig. Naiiwan ang iyong ngiti sa aking guniguni. Kinukusot mo ang aking buhok, at pinipisil itong balikat. Samantala’y bumibigat ang gusali sa aking katawan; at kailangan ang bagong lawas na kayang magsakatawan ng iyong salita. Kailangan kong matuto ng naiibang sagot para makaugnay ka, o kung hindi’y maniniwala ako na isa rin akong  bathala—na handang magbukás ng langit para sa mga maysakit, mangmang, palaboy, at dukha.

“Ang Mithi,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 10 Pebrero 2010.

"Las damas Romanas," pintura ni Juan Luna.

"Las damas Romanas," pintura ni Juan Luna.