Dakilang Saloobin, bilang Ikatatlumpu’t pitong Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Dakilàng Sáloobín, bílang Ikátatlúmpû’t pitóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Sa pighatî at pagkakarátay, manánagínip ka ng máhiwagàng ibóng káyang magpágalíng sa anumáng karamdáman, nang maipágpatúloy ang pamámahalàng makálupà’t selestiyál. Búbulabúgin ka ng panagínip, kayâ magpápatáwag pa ng mga pithó at babaylán upang tungkabín ang líhim ng mga páhiwátig. Pagkáraán, isásalaysáy ng iyóng alálay sa tatló mong anák ang mahigpít na pangángailángan úpang gumalíng ka: Bihágin ang Íbong Adárna at dalhín itó sa kaharìán. Kailángan mong máriníg ang máhiwagàng áwit, ang áwit na matarlíng at tangìng lúnas sa iyóng sakít, áyon na rin sa sulsól ng matátapát mong tagapáyo.

Ngúnit gáya sa mga inaágiw na alamát, ang natúrang íbon ay nása ikápitóng bundók, at laksâ ang pagsúbok bágo masiláyan.

Ang máhiwagàng íbon ay kátumbás ng kaharìán, wíwikàin maráhil ng dalawá mong anák. Ang máhiwagàng íbon ay kátumbás ng dakilàng mithî at pagmámahál, wíwikàin maráhil ng mga matá ng bunsô mong anák. Ang máhiwagàng íbon ang kaligtásan ng buông lipì, wíwikàin maráhil ng dúkesang íbig magpáriníg. Subálit ang eskríbang nása gílid ng iyóng maringál na higâan ay mapapáilíng. “Kung ang pagbíhag sa Adárna ang magíging dakilàng sáloobín sa pagsúsulát,” naíhakà niyá, “nakátadhanàng magíng alípin ang íbon sa habàng-panahón!”

Maríriníg mo ang lahát káhit matamláy.

Ipaháhandâ mo sa eskríba ang kásulatán pára sa gantímpalàng matátamó ng sinúmang makáhuhúli sa nasábing íbon. Ipasásaád mo pa ang pagpapágawâ ng ginintûáng háwla; ang pagháhandâ ng natátangìng pátukâ na makabúbusóg at pagpápahánap ng pinakásariwàng túbig na maíinóm; at ang pagpapágawâ ng maluwág, máaliwálas na kámará na walâng kapára úpang makápagpáalunigníg ng pítong áwit at makápagpápatingkád ng pítong kúlay ng balahíbo.

Sa tumpák na panahón, maríriníg mo ang pitóng áwit sa heptatónikáng eskála na makápagpápagalíng sa iyó. Lúlusóg mulî ang iyóng katawán, at magbábalík ang iyóng kabatàan. Mababánat nang ganáp ang nánguluntóy mong balát. Títigás mulî ang iyóng gulugód at úten. Lilínaw ang iyóng paningín, gáya ng sa uwák. Masásamyô mo pa ang dántaóng halimúyak ng hardín ng mga ílang-ílang at wáling-wáling. Masásalat sa isá pang pagkakátaón ang sétro at ang mga eskultúrang handóg sa iyó ng malálayòng lupálop. Malálasáhan ang pinakámalinamnám na úlam, at mabábalíw sa lása ng álak at mga labì ng marírikít na binibíni.

Sísikápin mong dumílat, hanggáng mainís sa pagkáiníp. Anóng kúpad na mga anák!

Hindî pa man dumáratíng sa iyóng harapán ang eksótikóng íbon ay lábis-lábis na ang iyóng bálak, na kung ilílistá’y ikalúlulà ng iyóng eskríba. Maúupô kang mulî sa iyóng tróno sa ikapûng pagkakátaón, iyán ang paníwalà mo; at doón ay tíla dídikít ang puwít sa walâng hanggáng kapángyaríhan, at hindî na nanaísin pang bumabâ sa rúrok ng ginháwa at kalugúran ng kataúhan, sápagkát anó pa ang silbí ng lahát kung banyagà sa iyóng bokábuláryo ang salitâng kamatáyan? Mapapángiwî maráhil sa isáng tabí ang paboríto mong eskríba, na warìng sumusúlat ng sinematográpikong kórido, at naníniwalàng ang dakilàng sáloobín ay nása balighô at pagsísinungalíng—kung itó sa bandáng hulí, ang mítong makagágalíng.

Alimbúkad: Unstoppable epic raging poetry challenging the world. Photo by ARNAUD VIGNE on Pexels.com

Ang Liham, bilang Ikadalawampu’t apat na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Líham, bílang Ikádalawámpû’t ápat na Aralín

Roberto T. Añonuevo

Makákabunggûang-balíkat mo isáng áraw si Jorge Francisco—ang kawaní ng aklátan—tángan nang mahigpít ang iláng antígong manuskríto. Ipakíkilála niyá ang saríli na isáng Árhentínong traduktór, ngúnit ang Tagálog ay kasímbulaklák ng Español sa Buenos Aires. Magpápalítan kayó ng mga salitâ ng pagbatì at pagkilála, sa paraáng nagtátagpô ang mágkakósa sa kalabóso, at matápos niyáng mabatíd ang iyóng hinahánap ay itúturò niyá sa iyó ang kinaróroónan ng eskritóryo na kinapápatúngan ng naníniláw na dokuméntong pinaníniwalàang kaugnáy sa, at kalában ng, peryódikóng Mulîng Pagsílang. Isá sa makápupúkaw ng pansín mo ang pasingáw, na sinúlat ng dî-kilaláng ladíno, na máisasálin sa ganitó:

“Pinakámahírap basáhin sa ísip,” isásaád ni Celia sa kaniyáng líham pára sa nakíkiní-kinitáng Balagtás, “ang lumípas na panahón ng pag-íbig sapagkát baká nasísiràan ng baít ang lábis umíbig.” Súsulyapán mulî ni Celia ang mga páhina ng tulâ, at sa loób ng kaniyáng dibdíb ay may kung anóng kamáy na kumislót sakâ pakiwál-kiwál na gumápang nang maráhan, pagdáka’y sumaklót sa pumípiglás na ágam-ágam, at maliksíng kinuyóm ang lahát ng pagnanása’t pagdáramdám. “Paáno málilímot ng aníno ko’t katawán ang pagsuyò mong sumagupà sa laksâng halímaw?” náisúlat ng dalága ang kaniyáng talinghagàng párang totoó, párang bulàan, ngúnit hindî nitó lubós matanggáp ang naglálarô sa guníguní ng minamáhal. “Mabúburá sa mápa ang Béata’t Hílom, mawáwaglít ang paralúman, at ang ílog ay ipinintáng laráwan na lámang ng mga hubád na binibíni.”  Mapápaigtád ang dilág sa síklo ng táog at káti sa kaniyáng kataúhan, sa págsasánib ng álat at tabáng na warìng nagtátagpô ang panibughô at pagtátaksíl, at ang kaniyáng írog ay anó’t súmasánib sa palígid. Malíliyó siyá’t warìng mabúbuwál, ngúnit anóng ginháwa sa pakíramdám. Ang tabsíng ay páparatíng, salungát sa aliwálas ng hímpapawíd, at iláng sandalî pa’y ang pagkásawî ay ibábalità ng símoy mulâ sa hardín ng mga bangkáy. “Mga nímpa mo’t siréna’y umaáwit sa sáliw ng líra hindî pára sa ákin, bagkús pára sa ibáyo. . . .” Isang káwan ng mga tiwaywáy ang pumútong sa dalátan ng kaniyáng dibdíb, bagamán panándalî, sumayáw-sayáw sa éyre nang patiklóp at pabukád, pabukád at patiklóp, sakâ inilagdâ sa hímpapawíd ang mga títik ng mga pangálang walâng kamatáyan. “Hindî akó ang bulaklák ng iyóng dilì-dilì,” sambít ni Celia. “Nagkátaóng kahawíg ko lámang si Beatrice o Dulcinea. . . .” Inílipád ng malamíg na símoy ang líham ni Celia, at hindî na mulíng matátagpûán, na warìng katwíran úpang magsílang ng halimúyak ang hardín ng sányutàng takípsílim.  

Alimbúkad: Epic changing poetry rocking the world. Photo by Ivo Rainha on Pexels.com

Ikadalawampung Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ikadalawampung Aralin

Roberto T. Añonuevo

“Warìng bantulót lumipád ang mga tiguláng na íbon, at kung úmimbulóg man ay hindî kalayùan, lálapág pagdáka sa lupà at matúling tátakbó kung saán. . . .” Makalípas mong pasadáhan ang talâ sa mánwal ay párang kumatók sa iyóng gunitâ ang tabón mulâ Romblón—abuhíng-bugháw ang tuktók, nakásuót bagá ng manipís na abuhíng kuwintás, kayumanggî ang mga balahíbo sa itaás na bahagì ng katawán samantálang matingkád na abuhíng-bugháw ang páng-ilálim, matigás ang diláw na tukâ, at kung tumítig ba’y kayumanggîng balakbák. “Ang maiitím nitóng paá at kukó,” isusúlat mo pa na pára bang pagsalungát kiná Bourns at Worcester, “ang humúkay ng lupà at umusóg sa bató na magbúbunyág ng matarík na yungíb na tíla nása sukdól ng paghikáb paharáp sa nilúlubugán ng áraw; at ang loób—na paborítong kubéta ng mga panikì sa napakáhabàng panahón—ay may batóng dúlang, mga palayók, abrám, galáng, sibát, at sangkatérbang maliliít na kalansáy. . . .” Anó kung itó ay nakíta rin sa Bantáyan o Basílan o Fúga o Marinduque o Sámar, at ni walâng pagkakáibá sa habà ng pakpák o lápad ng buntót na dumaán sa siyentípikóng pagsúsurì?  Itátalâ mo pa ang húgis o komposisyón ng púgad, na kung nagkátaóng may mga itlóg at sísiw, ay súsukátin ang lakí o timbáng, at títiyakín kung iyón ay malinamnám, gáya ng náriníg mo sa huntáhan ng mga lasénggo sa pundúhan. “Ang íbong mababà ang lipád ay humáhagibís kung tumakbó!” at ang nása ísip mo, bagamán walâng pinasásaringán, ay gágamítin ng sinúmang barúbal kung mangúsap, palálawígin sa institusyón at pápatáwan ng kapangyaríhan, na magíging lehítimóng tsísmis ng sinaúnang kabihasnán, ngúnit pagkaraán ay súsuháyan ng nagsúsuwágang saliksík at patúnay, úpang magbalík sa iyó pagkathâ mulî ng isáng Lupàng Hinírang.

Alimbúkad: Epic silent poetry challenging the world. Photo by Artem Mizyuk on Pexels.com

Rekwerdo sa Pintuan, ni Roberto T. Aňonuevo

Rekwerdo sa Pintuan
Roberto T. Aňonuevo

1
Isang gintong hiblang buhok ang napigtal
sa anit, at tumilî ang mga dalágang alálay.

Ngunit himbíng na himbíng ka.

2
Kung ikaw si Draupadi, ang panaginip
ay parang sawáng lumilipád, bumubugá
ng apoy— tinutupok 
ang sinumang minalas masalubong.

Tatangayin ng hangin ang iyong hibla
na aakit sa kadena ng mga bagyo
at ibabalibag ang hiwaga ng bigat

hanggang mabiyak ang kagubatan.

3
Dadausdos sa dalóm ang hibla mo.
Dadapò sa dibdib ng kasingtikas
ni Vasuki Naga.

Malalanghap niya ang ibang halimuyak.

Mapupukaw ang hari ng mga ulupong,
babangon mula sa labindalawang taong
pananahimik. At didilaan niya
ang simoy

na katumbas ng pitong kaharian.

4
Sinong reyna ang hindi manínibughô?
Hindi sapat ang pitong silid
at pitong binibini sa labis kung umibig.

5
Isang gintong hiblang buhok sa dibdib
ang nagpabangon sa walang latoy
na pag-ibig. Isang gintong hiblang buhok

ang humamon sa hari upang sumakay
sa pinakamabilis na kabayo
upang hanapin ang may-ari ng buhok.

At tatangis ang mga babae ng laksang 
Patala, 
kung bakit hindi sapat ang kanilang ganda.

6
Ituturo ng lawa ang malinaw na agos tungo 
sa Hastimapura.

7
Matatagpuan ka ng hari ng mga ahas
at masisilaw sa kislap ng iyong buhok.

Muli siyang didila sa simoy
upang hanapin ka.

Bakit hindi siya natatakot sa mga Pandava?

8
Sumasalubong ang matinis na huni
ng tigmamanukin.
Ang kabayong namamahinga
sa lilim ng huklubang punongkahoy

ay umiiwas ng tingin.

9
Mapapatag ang mga damo’t palumpong
sa bangis ng paninging humahabol sa iyo
sapagkat kahawig mo si Draupadi.

Mahuhubdan ng kahuyan ang bundok
sapagkat ikaw ang isang milyong Draupadi.

10
Sasagi sa guniguni ng kabiyak mo
ang paglapastangan sa iyo,

At kung siya’y si Arjuna, lalaban siya—
isusugal ang hininga’t dangal.
At hahagulgol nang ubos-lakas 
kapag nabigkis  ang mga kamay at paa 

ng sariling buhok.

11
Magbabalik sa tahanan si Vasuki Naga,
at isusumpa niya kahit ang lahat ng asawa.

Hindi sila makakatumbas 
sa isang hiblang gintong buhok 
mula sa kamalayan mo.

O iyon ay guniguni lamang.

12
Ang bangungot ng kabiyak mo
ay sasahimpapawid,

na wari bang wawasak sa pinto ng langit.

13
Pagdilat mo’y hindi ka si Drapaudi.
Ngunit punit ang iyong mga damit,

at gusot na gusot ang kobrekama’t kumot.

14
“Isang gintong hiblang buhok sa dibdib,”
wika mo, “ang aking panaginip.”

At tumingin ako sa pintong nakaawang
sakâ tumitig sa duguang sundang.
Alimbúkad: Epic silent poetry in search of humanity. Photo by Mathew Thomas on Pexels.com

Parabula ng Magnanakaw, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Magnanákaw

Roberto T. Añonuevo

Pinakámalungkót na poók ang Dakilàng Múseo, na nagtátagò ng mga sínaúnang gintông kinúlimbát mulâ sa isáng báyan pagkáraán ng mga digmâ at pananákop, hanggáng daláwin itó isáng gabí ni Arsène Lupin. Babángon ang pandáy gintô sa guníguní ng máginoóng mágnanákaw; at sa bungangà ng dulángan, magsisílabás ang mga kalúluwá na buô o wagás; sísikláb, líliyáb ang mga uysák at mag-íilík ng tumbága o pílak ang pandáy bákal, sakâ isásangág ang kataúhan nang matamó ang tumpák na kílatis o kináng. Maghúhuntáhan ang mga aníno, at sisiglá gáya sa pistá ang bulwágang silíd. Warìng sumbát, si Lupin na pinanónoód ang pandáy gintô ay ang pandáy ginto na idinúrugtóng kay Lupin at sa kaniyáng mga ugát, úpang dalhín kung saán ang kagilá-gilalás na yáman at makíta at ipágmalakí ng táumbáyan. Kukulô sa patótonáwa ang mga damdámin, gáya ng págnanása o pananághilì, at maiíwan sa bandáng hulí ang mistulà. Ang mistulà, na kisápmatáng dumaán sa kalkuládong paglantáy, ay babatákin at pípilipítin túlad ng katawán ng tulisán, ngúnit dáhil dalísay o hindî malúbay ay magbúbulóng sa pandáy úpang magsúbong na magpápatigás sa pútong, singsíng, kuwintás, híkaw, at púlseras na pawàng nakátanghál ngayón nang malayà sa mga éskaparáte. Báwat bagsák ng panalág ay kisláp sa balíntatáw ni Lupin. Mangíngiló siyá sa rítmo ng tukól at alat-át, gayúnman ay maaákit sa pagsásapó at pamáhid sa metál, at sa págkalupkóp ng mga batong kumíkisláp, sakâ sasáludo sa pámbihiràng pagbubúbo at paghihínang ng dísenyong angkóp lámang sa lahìng mithî ang, at nagpápanatíli ng, kásarinlán.  At sa paánan ni Lupin, warìng hinípan ang alabók na mga onbít at lámok mulâ sa bangás na gulód. Hinágod niyá ng tingín ang mga aláhas, at pakíwarì niyá, siyá’y nakátuntóng sa karáy, o kayâ’y sinusúbok sa urìán. Tátalilís siyá, tatákas kung saán, at ang mga kalúluwáng nása kaniyáng súpot o búlsa ay magsisíhiyáw, kung hindî man magsisísayáw sa natamóng kalayàan, na warìng itó, áyon sa hulà ng mga pithó at kinúmpirmá ni Fray San Buenaventura, ang panahón ng mga balíkbáyan sa plánetang dihitál.

Alimbúkad: Epic fluid poetry beyond Filipinas. Photo by cottonbro on Pexels.com

Parabula ng Pangungulila, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Pangúngulilà

Roberto T. Añonuevo

Kung naríritó si Penélopé, na tókaya niyá, at naróroón namán sa ibáng pulô ang bána nitóng ábrodísta (na pamínsan-mínsan ang videokol), maráhil ay lúlustayín din niyá ang magdamág sa haráp ng pangablán, at maáalíw kapág náisálin sa inabél ang mga bundók, kidlát, at bayáwak. Ngúnit ang mórena klárang Penélopé’y warìng ngayón pa lámang nagsasánay ng langkít, makáraáng magsawà sa laptop at basì, at nagmámasíd sa lóla kung paáno nitó nilálapátan ng saysáy ang mga gílid ng téla. Malilímot ang pangúngulilà káhit sa payák na hábing dísenyo; at túlad ng ibá pang bágong saltá, daráan siyá sa paikíd, at maluwág na tátanggapín na káhit ang kaniyáng loób ay nagíng banyagà, makalípas ang iláng taón, sa mga ginágawâng fatáwil o shukyóng. Párang mga ugát na pinilípit, párang mga palasóng sinaló ng lúad ang kaniyáng pagkábahalà sa kaniyáng minámahál. Iláng digmâan at pándemya ang katumbás ng mga saplót?  Matutúto rin maráhil siyá pagkáraán na lumikhâ ng kaniyáng saríling sinangád-ám, at ang matipunông katawán ng kaniyáng mahál na kung birùin ay si Lam-áng, ay isasálin niyá sa tinágtakhó, na nilálandás ang talampád sa anyô ng minátmatá. Sa tumpák na panahón, maisásaúlo niyá ang tinitíko na aákalàing payëw kung hindi man malá-áhas na lumitáw pagkáraáng mahawì ang úlop. Ngúnit tuwíng sasápit siyá sa yugtô ng pa-kháwa, ang sukdól ng galíng, warìng tumátanggí ang kaniyáng mga kamáy at ísip kung dapát itulóy ang lahát, at tuparín ang pangwakás na kan-áy. “Dalawáng taón ko na siyáng hindî nakikíta,” ibúbulóng ng babáe sa haráp ng pangablán. Hindî tutugón ang pangablán. Gayúnman, mabúbuô ang tápis o alampáy nang dî-ináasáhan; at isáng umága’y tatahól ang matatapát niyáng áso, nang mínsang malígaw ang dáyong nagháhanáp ng binakól na warì’y álaála ng nawáwalâng kabiyák.

Alimbúkad: Epic weaving poetry challenging the world. Photo by Agung Pandit Wiguna on Pexels.com

Wika ng Kariktan, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Kariktán

Roberto T. Añonuevo

Tumatayô ang magandá sa karaníwan, at itó ang matátagpûan mo sa hátag ng mga kakáibá. Ang magandá ay mánggagáya, na hinúhuwád, halímbawà, ang húni ng sábukót sa angkíng melodíya, kákabitán ng palámutîng mga nóta, máglalarô sa pariralà, kóntrapúnto, at téma, maláy na maláy sa simetríya, ngúnit ang halígi ay karaníwan, túlad sa mga aralín ni Bach o ni Kasilag. Sapagkát batíd ang úbod ng itínakdâng normál, ang magandá kapág pumások sa pandiníg at pumitlág sa loób at ikínabít sa kung anóng pahiwátig o ugát, ay nagíging siyám na pusò ng harì, ang harìng iníwan ang kaniyáng kumíkináng na palásyo úpang tahakín ang dalawámpû’t ápat na báyan at harapín ang papáratíng na hukbó ng mga banyagang mándirigmâ. Maninímdim ang harì sa kaniyáng paglálakbáy, sakáy man ng benáwa o élepánte; maiísip ang lahát ng láyaw at líbog na tinálikdán maipágtanggól lámang ang lupàng sinilángan, ang ságradong pananálig, ang laksâ-laksâng mamámayán. Sa kaniyáng pángungúlilà sanhî ng malayòng paglálakbáy, ang harì’y susúlat ng mga áwit, halímbawà, kung paáno siyá natigátig at napáhangà sa liblíb na náyon na kung tawágin ay Súpladang Maramdámin. Ngúnit ililíhim niyá kung paáno siyá nagpáyong ng kalaság at dasál nang umulán ng kamandág mulâ sa mga sumpít at palasó, o nagtagò sa ilálim ng mésa sámantálang yumáyaníg ang lupà sa lagabóg ng mga katawáng bumuwál sa larángan, hábang ang kaniyáng matátapát, mabábangís na hukbó ng mandírigmâ ay sinásagupà ang himpílan ng mga gusgúsing kaáway. Lálaktawán niyá ang détalye hinggíl sa pagsúnog sa mga kamálig at kuból, o sa pagláson sa mga balón, o sa páglapastángan sa mga babáe. Nang magíng talaksán ang mga bangkáy at magíng alípin ang mga bíhag, magpúpulásan kung saán-saán ang mga sindák na kaáway, iíwan ang kaniláng mga sandáta at kagámitán, at ang harì ay púpuríhin ang tagumpáy ng kaniyáng mga hukbó na warìng pagbúbuhát ng saríling tróno. Magbábalík sa kaniyáng guníguní ang hárem sa pálasyo, at siyá’y gisíng na gisíng na tandáng pára sa bágong salpúkan. Ngúnit bágo pa man makáuwî, makatátanggáp siyá ng umuúsok na balità at igúgupò ng panlúlumò, maráhil dáhil sa inggít o paníbughô, kung bákit ang mga bíhag ay higít na napábantóg, at itínanghál pang bayáni doón sa kaniláng báyan. Tumátayô ang magandá sa karaníwan, at ang karaníwan, na hinúhuwád túlad nitó, ay may estétikang silbí sa ánggulo ng tatsulók na ídeolohíya-míto-kasaysáyan.

Alimbúkad: Epic unstoppable poetry beyond Filipinas. Photo by Gantas Vaiu010diulu0117nas on Pexels.com

Kuwento ng Puting Elepante, ni Roberto T. Añonuevo

Kuwento ng Puting Elepante

ni Roberto T. Añonuevo

Lublúban ng gadyâ ang áking galák,
sínlamíg ng liwaywáy sa Bundók Tumatángis.

Lalò akóng natútuwâ kung katabí ka,
ikáw na kapíling ko noón pa man sa Jáva.

Ngúnit nang yumáo ka at nagtúngo kung saán,
mga bakás ng paá sa tumigás na pútik

ang áking dalámhatì.

Kay dilím ng bundók sa gitnâ ng tag-aráw.
Mawawásak ko ang sampûng gúbat
makíta ka lámang.

Walâ akóng silbí pára sa bagínda,
káhit isáng handóg pa mulâ sa mahárlika.

At káhit siyá’y pípilìing pawalán akó
sa iláng, palayàin túlad ng alípin
bágo mabingí sa nakarírindí kong atúngal.

May isáng bagáning haharáp sa ákin,
mga matá niyá’y palasó, at pusò’y
pinandáy na kampílan—

sapagkát íbig niyáng magíng kabiyák
ang dalágang anák ng ráha,
at nang tumahán ang Bundók Tumatángis.

Ligáya ko ang sumápit sa píling mo.
Alimbúkad: Epic unreal poetry in search of humanity. Photo by Roger Brown on Pexels.com

Ang Kuwento sa Ibayo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kúwento sa Ibáyo

Roberto T. Añonuevo

Lumundág ang matsíng papasók sa mga matá ng paslít, at nanáhan sa útak na sariwà at muslák, at pagkáraán ay maliksíng lumípat úpang matúlog kung hindî man magpáhinóg sa sikmurà. Ang matsíng, gáya ng désklasípikádong dókuménto, ay magígisíng sa takdâng panahón úpang lumabás sa bibíg, at kung isasálin sa intérsemyótikong paraán ay maglálakád sa anyô ng isáng vlog, pupúkaw na agáhan bílang balità sa paléngke o telébisyón, at mulîng magbábalík sa gabí bílang lagnát magdamág hábang pápalapít nang pápalapít ang halálang pándaigdíg. Maáarìng ang matsíng ay máryonéta ng bentríloko, ngúnit hindî itó madalîng arukín. Ang matsíng ay tátanggíng umáming siyá’y matsíng. Alám niyá ang halagá ng gunitâ, ang gunitâ ng tadhanà, at káhit ang ídentidád, wikà ngâ, ay kay dalîng palitán kung may minánang kulimbát mulâ sa amá ng kasaysáyan. Ang matsíng ay higít sa pagkámatsíng. Titígan kung paáno itó máglambítin sa mga himaymáy úpang palámbutín ang pusò, magpalípat-lípat sa lápay, bató, at atáy na pawàng ipinúpuslít sa madilím na mérkado, at magpasábog ng akláha na mágpipínid sa pandiníg ng mga dumánas masikíl ang karápatáng umíral. Ang kaniyáng talíno’y kumákapál na balahíbo, at kung magwikà’y nabúburá sa talâsalitâan ang katagâng “túso.” Sa áparáto ng éstado, ang matsíng ay pósibleng magíng mapágkandíling anák ng isínumpâng díktador, at hihímok sa bágong álon ng mga lóyalísta, úpang ang díktador ay hindî na tawágin pang díktador bagkús últimong gahúm, nag-iíwan ng maalwáng pangakò ng bágong katipúnan pára sa bágong lipúnan, at úpang ang anák ay hindî na kutyâing púta, bagkús itúring na púto bumbóng na pamatáy-gútom sa píling ng umáasóng kapéng bárako. Mag-íngat sa matsíng. Báka ang binabása mo, gáya níto, ay isáng sálamángka, at magbúlid sa iyó sa ibáng pláneta.

Alimbúkad: Epic unreal poetry questioning reality. Photo by jorien Stel on Pexels.com

Isang Alamat na Tinangay sa Laot, ni Roberto T. Añonuevo

Isáng Alamát na Tinangáy sa Láot

Roberto T. Añonuevo

Sasápit ang panahóng iduduwál ng máalamát na kúra pároko sa iyó ang isáng kúwento ng dalawáng négosyánteng Inglés na napadpád sa Sinukùan. Sumagì umanó sa kaniláng pandiníg ang balí-balitàng mína, na patútunáyan ng mga nakásisílaw na patalím, galáng, híkaw, kuwintás, at singsíng na karaníwang suót ng mga naníniráhan doón, at nagmulâ raw sa bitúka ng kabundúkan. Sapagkát bihasâng mga négosyánte, ang dalawá’y nagsíkap na makapág-angkát ng mga áparáto na makapágbubunyág ng dulángan na may pangakò ng tumbága at buláwan. Sapagkát maútak, nahikáyat nilá ang mga résidénte roón na lumahók sa kaniláng mithî na ibínalátkayô sa misyón. Ang iláng táo’y nagíng kapatás at ang ibá pa’y nagíng mga kawaníng mínero. May katumbás na salapî ang báwat pagpapágal, itó ang sigáw ng mga négosyánte, na umakít sa tiwalà ng mga táo. Áraw-áraw, umatúngal ang mga mákina, at nagbugá ng úsok at humígop ng túbig sa mga bukál hábang walâng tarós ang pághuhukáy. Ngúnit hábang tumatagál, ang pangárap na luwalhatì ay náhalinhán ng pagkáiníp, lalò sa panahón ng tag-ulán, at isá-isáng tumiwalág ang mga kawaní na pinágbintangáng tumangáy ng mga píyesa at kagamitán, hanggáng tulúyang maglahô na párang tagabúlag ang mga mákina. Dinapùan ng sarì-sarìng sakít ang mga mínero, na nágpasiglá ng huntáhan sa báwat umpúkan, at sa lábis na pangambá ay tumanggí siláng magsíbalík sa minahan. Gumúgol ng tinatáyang 40 libong líbra ésterlína ang magkaibígang négosyánte pára sa próyekto, ngúnit ang isinuklî sa kanilá ng tadhanà ay nagwakás sa luhà. Hindî maglaláon at sasakáy silá ng bangkâ kung saán, gagáod nang gagáod sa pag-ásang maratíng ang kabilâ ng panganórin, samantálang kasímbigát ng bundók ang kaniláng nilóloób. Maririníg pagkaraán ang dalawáng putók ng baríl sa malayò, na tatáwag ng pansín sa mga kanáway, at ang mga lungayngáy na bangkáy na pawàng butás ang mga bungô ay idáragdág sa talâán ng isáng lumàng simbáhan, at isisísi sa mga tulisán, at isásalaysáy nang patulâ pagsápit sa báyan, kapág hinalúkay sa gunitâ ang marikít na Sinukùan, na magigíng alamát kung hindî man ságradong kumpisál ng mga lasénggong mágdaragát.

Alimbúkad: Epic raging poetry questioning history. Photo by Allen Daryl Castillo on Pexels.com