Ang Sugarol, bilang Ikadalawampu’t anim na Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Sugaról, bilang Ikádalawámpû’t ánim na Aralín

Roberto T. Añonuevo

Malíligáw ka sa pasugálan sa áraw na ísumpâ na ang tadhanà mo’y nása diskárte ng mga kamáy. Ang pasugálan—na naúulápan ng sigarílyo ngúnit walâng gabí bagkús kasíngliwánag ng walâng katapusáng umága—ang maglilíhim ng mga táo na baság ang mukhâ na kapuwâ may salapî at kápangahasán, at ang tangìng pagkakákilanlán ay pagkádalubhasà kung hindî man pagkásugapà sa baráha at pitsâ. Nakabábalíw ang palígid na napalílibútan ng salamín, na magdárayà, at kapág nágsimulâng tumítig sa isáng pánig, ang búbulagâ’y guníguníng idéntidád, at hindî ka na ang táo na nágmulâ sa labás. Maíibá ang iyóng págkatáo sa isáng igláp. Máipápakò ka sa kuwádro gáya ng pangginggéra, sapagkát iyón ang hiníhingî ng sandalî, na warì bang hinirám ni Jacques Lacan sa paradígma ni Lope K. Santos. “Ang sinísikíl sa kaloóban ay hindî ibinábaón sa límot, tinátakpán ng kosmétikó, o tinátabúnan ng mga bató,” wíwikàin ng kulasisì ni Lacan, “bagkús dinídiskaríl sakâ ináagáwan ng puwésto.”  Ang pangginggéra ay umaáhon sa kamalayán sapagkát kailángang sikilín ang imahén ng babáe; at magágawâ itó hindî sa pagburá ng nasábing idéntidád bagkús sa pagpápaáhon ng imahén ng sugaról na iháhalíli sa babáeng ang pagnánasà ay mabíbigông mápunûán ang basyóng kaloóban. Sa simbólikóng antás, ang pangginggéra ay banyagàng wikà na maúunawàan sa isáng bukód na mundó. At dáhil itó ay wikà, ang pangginggéra ay mapípilítang umimbénto ng saríling gramátiká at síntaks pára baligtarín ang ídeál na babáe at pagdáka’y magsúsog ng subersiyón káhit sa tradisyonál na alíwan ng mga laláki. Ang pagnánasà—na maáarìng nása kamalayán at kublíng-kamalayán ng babáe—ang magkákahúgis sa épikó ni L.K. Santos. Bíbiyakín ng pagnánasà ang pagtanáw ng babáe sa mundó sa sandalîng magsuót siyá ng máskará ng sugaról. Búburahín ng pagnánasà ang hanggáhan ng katinûán, sa láyong matamó ang ganáp na kalugúran ng págkatáo. Ngúnit dáhil nagsísimulâ sa baluktót at balighô ang angkíng pagnánasà, ang babáeng itó ay mabíbiyák pa sa ibá’t ibáng paraán, sa literál at matalinghagàng paraán, mulâng panlúlumò dáhil sa pagkámatáy ng pangánay  at pagkahímok sa udyók ng hípag na sumúbok sa patayâ-tayâ pára aliwín ang saríli hanggáng pagkagúmon sa rípa, póso-póso, panggíngge, at mónte. Habàng lumaláon, bábagúhin ng sugál ang pagkatáo ng pangginggéra; at ang idéntidád na itó na nagíging túnay káhit pa kathâng-ísip ay dádalhín ng pangunáhing taúhan hanggáng sa loób ng kaniyáng tahánan, na makaáapékto sa ugnáyan niyá sa asáwa’t mga anák. Kung ang sugál ay nakáaágaw ng pansín úpang matamó ang pánsamantaláng kasiyáhan, ang kasiyáhang itó ay higít na magpápabukál ng karagdágang pagnánasà, na ang manipéstasyón ay kawalán ng hiyâ at pagkápariwarà, súkat na ang pagkásugapà ay mauwî sa panlílinláng at pag-abúso ng alagád ng batás at pagtátaksíl sa bána, at ang repetisyón ng gayóng hulagwáy ay nása anyô ng próstitusyón at kapabayâán sa katawán, ang kapabayâán na áabót sa mga anák na ang sukdúlan ay pagtátakwíl ng biyenán at hípag nang masawî ang isáng anák sa áksidénte at mápabayâán nang lubós ang mga anák na nagkásakít. Madalîng hanápan ng katwíran ang pangginggéra sa kataúhan nitóng kabaligtarán ng ídeál, mahinhín, marikít, malambíng, kapúri-púri, at mapágkalíngang kabiyák at iná. Kunsintidór ang kaniyáng bána, na gumón din sa sábong at pambábabáe. Bulók ang pulís na kabít niyá, at bulók ang sistéma ng ináasáhang seguridád at kaligtásan. Walâng trabáho ang isá pang laláking nagíng kalagúyo. Higít sa lahát, ang sugál ay nagíng isáng paraán ng pamumúhay—sa basbás ng lipúnan at tiwalîng pamunùán—at hinahánap ng katawán pagkagísing at magíng sa panagimpán. Ang pangginggéra ay hindî nag-íisá; at ang mga kasáma niyáng sugaról at kasapákat na sindikáto ang magpápaláwak ng matalinghagà o túnay na espásyo ng pagkagúnaw ng lipúnan. Ang babáeng humaráp sa salamín—ang babáeng tumángis sa pagpánaw ng anák, ang babáeng iníwan ng kaníyang bána, biyenán, at hípag, ang babáeng nilukúban ng dalamhatì at pagsukò—ang babáeng sumikíl sa kaloóbang may kung anóng pumípiglás na halímaw. Maáarìng isá ka rin sa mga halímaw, na nagnánasà hindî lámang sa kaniyáng katawán bagkús patí sa espásyo nitó at kaluluwá. Namnamín ang báwat sandalî sa pasugálan: hindî úso ríto ang tinatáwag mong pátas at kasarìán.

Alimbúkad: Epic poetry breaking barriers worldwide. Photo by Alina Vilchenko on Pexels.com

Sugal, Babae, Sugal

Mahirap ipaliwanag ang halina ng sugal. Nakaaaliw ito kung paminsan-minsan; ngunit habang tumatagal ay nakakawilihan, gaya ng sex at droga, hanggang mamalayan mo na lamang na lulong ka na’t lustay na ang salapi, dangal, at panahon. Walang makapagpapaliwanag ng sugal kundi ang mismong sugarol o sikologo, ngunit ang sugarol at sikologo ay kinakailangan muna ang malawak na guniguni at kadalubhasaan sa wika at panitikan, bago mapantayan ang pambihirang tulang “Ang Pangginggera” (1912) ni Lope K. Santos.

Isinalaysay sa “Ang Pangginggera” ang buhay ng babaeng napariwara dahil sa pagkakalulong sa sugal na “panggingge.” Ang panggingge ang ninuno ngayon ng tong-its, sakla, at poker, at siyang paboritong laro sa mga pasugalan, gaya sa Santo Cristo sa Binondo noong siglo 1900. Noong una’y mabuting maybahay ang nasabing babae, maayos ang pamumuhay, at kaakit-akit ang anyo’t ugali. Ngunit nang mamatay ang kaniyang unang anak, nagdalamhati ang babae at upang maibsan ang kaniyang lungkot ay niyaya ng kaniyang hipag na maglaro ng ripa. Nang tumagal, nahatak ang babae na sumubok maglaro ng panggingge, makiumpok sa pasugalan, at malulong sa bisyo nang di-inaasahan.

Ang transpormasyon ng babae ay magsisimula sa bahay hanggang sa pasugalan. Sa bahay, magiging pabaya siya sa kaniyang bana at ang kaniyang bana ay magiging sugapa rin sa sabong. Sa pasugalan, ang babae ay maghuhunos sa pagiging bagitang pinagkakaisahan ng mga kalaban tungo sa pagiging bihasang balasador at sugarol. Ang sugal (panggingge at sabong) ang balakid na maghihiwalay sa mag-asawa upang sa tuwing gabi na lamang sila magkita sa bahay. Nang mabuntis muli ang babae at nahirapang dumayo ng panggingge sa ibang pook, hinatak niya ang mga kalaro at doon na sa bahay niya mismo nagpasugal. Nang maging pasugalan ang bahay ng babae at ng kaniyang bana, nabura ang hanggahang nagbubukod sa pamilya at sa madlang sabik sa aliwan. Dito nagsimula ang pagguho ng ugnayang mag-asawa.

Kahit buntis ay hindi napigil ang pangginggera sa kaniyang bisyo. Nahinto lamang sandali nang siya’y manganak, ngunit pagkaraan ay itinuloy ang pagsusugal. Ang ikalawa niyang anak ay sumuso sa pasugalan, at ang dating mahiyaing babae ay naging burara at kumapal ang mukha. Ang masaklap, higit na malaki ang panahong ginugol ng babae sa panggingge kaysa sa pag-aalaga ng anak o pakikiharap sa asawa. Bukod dito, ayaw makinig ng babae kahit sa payo ng kaniyang biyenan, at ang biyenan pa ang binulyawan na parang nakaligtaan ang paggalang sa sinaunang kaugalian.

Dahil maganda’t bata pa, ang pangginggera ay naging titis din upang pag-awayan ni Pulis at ni Lalaki (na isa ring sugarol). Si Pulis ang magiging kabit ng pangginggera, at magiging protektor ng pasugalan, at sa bandang huli’y matatanggal sa serbisyo dahil sa mga kasalanan. Si Pulis din ang magiging dahilan upang maging laman ng tsismis ang pangginggera sa buong baryo, at masira ang puri. Darating ang sandali na mabubuntis muli si pangginggera, at ang pinaghihinalaang maysala’y si Pulis. Magkakahiwalay ang pangginggera at ang kaniyang mister nang magkunwa itong kalaguyo at mahuli ang misis na ang kinababaliwan ay si Pulis. Napilitan ang babaeng umuwi sa bahay ng magulang, at isama ang kaniyang anak.

Ngunit hindi rito nagwawakas ang salaysay. Tinanggap si pangginggera ng kaniyang ama, nanganak sa ikatlong pagkakataon, at nabingit sa alanganin ang buhay. Tutulong naman ang kaniyang ama at biyenan upang magkabalikan ang mag-asawa. Naganap nga iyon, at nagpanibagong buhay ang mag-asawa. Si babae’y pananahi ang ikinabuhay, samantalang ang kaniyang bana’y naging katiwala sa pagawaan hanggang umangat ang posisyon. Nakaipon ang mag-asawa, nakabili ng mga gamit, nakapagpundar ng tahanan, nakabili ng lupa, at umupa pa ng katulong. Samantala, nagbago rin ang buhay ng hipag ni pangginggera. Iniwan ng hipag ang pagsusugal, at nakapangasawa pa ng lalaking mayaman kahit sabihin pang pangit ang anyo ng naturang hipag.

Maganda na sana kung dito magwawakas ang tula. Subalit muling malululong sa panggingge ang babae, samantalang sabong ang pag-iigihan ng kaniyang asawa. Guguho ang anumang kabuhayang kanilang naipundar, at ang masaklap, magkakaroon ng kabit ang bana, samantalang ang pangginggera ay mahuhulog sa pang-aakit ng mirong si Lalaki. Si Lalaki ang mahihiwatigang bubuntis kay Pangginggera, at magnanakaw ng itinatago nitong alahas. Habang lumalaon, mapapabayaan ni Pangginggera ang kaniyang tahanan, at magiging balasubas kahit sa pagpapalaki ng mga anak.

May iba pang sanga ang banghay ng tula. Mabubuntis ang katulong dahil kinakalantari ng kaniyang kasintahan. Pababayaan ni Lalaki ang sariling pamilya, halos ibugaw ang anak na dalaga para magkasalapi, at mananakit ng asawang babae kapag wala itong maibigay na pambisyo. Masasangkot din sa kaso si Lalaki dahil sa paglulustay ng salapi, pagnanakaw ng mga alahas ni Pangginggera, at hahanapin ng mga alagad ng batas. Sasampahan din ng kaso ang mister ni Pangginggera, dahil nilustay nito ang mga salapi at benepisyong laan sa mga manggagawa. Binulutong ang dalawang anak ni Pangginggera. Isinumpa naman siya ng kaniyang hipag, magulang, at kapitbahay, dahil sa pagpapabaya sa mga anak. Pinakasukdulan ang pagkamatay ng kaniyang anak na lalaking umakyat ng punongkahoy, pagdaka’y nahulog, at natuhog ang tiyan ng urang na naging sanhi upang ikamatay ng bata.

Maraming binabago ang “Ang Pangginggera.” Lumihis ito sa nakagawiang lalabindalawahing pantig bawat taludtod at apatang taludtod bawat saknong na ang dulong tugma’y isahan (aaaa, bbbb, etc) gaya ng kay Francisco Balagtas. Ginamit sa tula ang sukat na 12/12/6/12/612, at ang tugmaan ay aababa na masasabing kombinasyon ng isahan at salitang tugma. Hindi uso noon ang ganitong eksperimento, at napakahirap gawin lalo sa mahabang tulang pasalaysay na halos doble ng haba ng Florante at Laura. Bukod sa tugma at sukat ay pinayaman ng “Ang Panginggera” ang wikang Tagalog noon, dahil ipinakita ni Santos na lumalago ang Tagalog at nalalahukan kahit ng mga balbal na salitang hindi matatagpuan sa mga awit at korido. Ang realistang pagdulog sa paksa ay isa ring positibong punto at winawakasan ang mga awit at koridong pulos hari at reynang hinalaw kung saan-saang bansang malayo sa kalagayan ng Filipinas.

Nanghihinayang ako at hindi napag-aaralan nang mabuti ang “Ang Pangginggera” ni Santos. Marami roong mapupulot, gaya ng pagbubuo ng banghay, paglilinang ng tauhan, pagkakatalogo ng mga pangyayari, paglalarawan ng kaligiran, paglalatag ng mga tunggalian sa isip o kalooban, pagdidisenyo ng tugma at sukat na pawang aangkop sa yugto ng pagsasalaysay, paggamit ng punto de bista, at pagtitimpla ng mga salita at talinghaga. Magiging kapana-panabik ang pagtuturo ng naturang tula kung iigpaw ang guro at estudyante sa paghalungkat ng “aral” o “liksiyon” ng nasabing tula, at pag-aralan iyon sa pamamagitan ng mga kasangkapan sa panunuring pampanitikan.

Tiyak kong maraming matutuklasan ang sinuman sa “Ang Pangginggera” ni Santos. Ang pagkaadik sa sugal ay dati nang nagaganap. Ang pagkawala ng puri at dangal dahil sa sugal ay dati nang nagaganap. Ang pagbangon mula sa pagkabalaho sa sugal ay dati nang nagaganap. Ngunit ang mahalaga’y dapat tayong matutong talikdan ang masasamang bisyo’t gawi; at gaya ng itinuturo ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, makita nawa natin ang tunay na “liwanag” ng pagpapagal at pagkayod sa mabuting paraan, kaysa umasa sa ginhawang ipinangangako ng kapalarang hindi natin batid kung kailan mapasasakamay.

Kaugnay na akda
1. Konsepto ng Puri at Paglikha ng Mito
2. Dalawang Babae, Dalawang Pag-ibig
3. Malilikot na Kuwento ni Vicente Sotto