Pulo ng mga Mukha, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Mukhâ

Roberto T. Añonuevo

Malulúnod ka sa mga damdámin, na paráng iyón ang katápusán ng lahát. Makaraáng mabatíd na nakaalís na ang hinahánap mong mahál, tatakbó kang pabalík sa iyóng lundáy, at sa únang sagwán mo’y tatangayín ka ng mga álon sa Pulô ng mga Mukhâ. Sa Pulô ng mga Mukhâ, báwat táo’y may ipinágmamágalíng, gáya ng fátek o pílat o bálat o nunál, at nagíng dambúhalàng negósyo ang kosmetíko. Hahanápin mo ang mukhâ ng íyong mahál sa líbo-líbong mukhâ, hanggáng mabatíd mo ang isáng katótohánan. Nagbabágo ang kúlay ng mga pisngí áraw-áraw, at ang mga táo ay nagkakáisá sa kaniláng magigíng anyô, halimbawà, na kung Lúnes ay asúl, at bérde kung Martés, o kayâ’y pulá kung Miyerkóles at diláw kung Huwébes, samantalàng putî kung Biyérnes at itím kung Sabádo. Ngúnit pagsápit ng Linggó, mágkukuskós at máglilínis ng mga mukhâ ang mga táo úpang kinábukásan ay isádulâ mulî ang síklo ng mga kúlay. Hindî konténto ang mga táo sa kaniláng mga mukhâ, at kailángang retokéhin ang kapál o nipís ng labì, ang tángos ng ilóng, ang húbog ng matá, ang lantík ng pilík, ang kúrba ng kílay, ang súkat ng taínga, ang gupít ng buhók o pelukang isusuót. Sa ganitóng pangyayári, ang mga batà ay nagíng mainípin at nagmámadalî palagìng tumandâ. Hindî kataká-taká kung makakíta ng mga paslít na kung pumostúra’y gáya ng mga dalága o binatàng artísta, nagmámaného ng Jaguar o Ferrari, tumatágay ng vódka at sumísinghót ng damó, hábang nangangárap ng mga kasintáhan gayóng uhúgin pa o mahilíg sumupsóp ng tsupón. Ngúnit pagsápit nilá ng edád tiguláng, higít siláng magigíng masigásig na magbalík sa kamusmúsan, isúsumpâ ang kalendáryo, mag-éekspériménto sa meyk-ap at maskará, magpápalakí ng másel o magpapátambók ng súso, magbibíhis túlad ng kulít úpang ikublí ang pagigíng kalumpít. Kapág napánsin ka niláng maputlâ ang mukhâ gayóng kayúmanggî, humandâ ka kung pukulín man ng alimúra o itlóg. Sinuwáy mo ang kaniláng tradisyón. Lilíbakín ka nilá ngúnit huwág matákot sapagkát ang mukhâ mo ay kikináng gáya ng salamín. Sa Pulô ng mga Mukhâ, sinumáng tumítig sa iyó’y mapapáhiyáw sa gúlat o kilábot o hiyâ, at tatánungín nilá kung anó ang iyóng kapángyaríhan, o kung saán ka nagmulâ. Hahabà ang interógasyón sa iyó, at hihintô lámang iyon kapág nariníg nilá ang isinísigáw ng mga luhà mo. Sa sandalîng marínig nilá ang ngálan ng hinahanap mong mahál, mabábalíw lalô silá, sapagkát ang hinahánap mong mukhâ ay mukhâ na kaniláng pinaláyas noóng gabíng papáratíng ang supérbagyó.

Alimbúkad: Poetry Filipinas rocking the world. Photo by Adrien on Pexels.com

Ang Salamin, ni Harold Pinter

Salin ng “The Mirror,” ni Harold Pinter ng United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Salamin

Nanalamin ako at kagyat nakita na hindi ako ang hulagway. Hindi iyon ang aking mukha. Iyon ay mula sa kung sinong nagkukunwang ako. O marahil, siya ay kung sinong nagkukunwang ibang tao. Ngunit ang mukha ay hindi ko mukha. Hindi iyon ang aking mukha. Hindi iyon ang mukha ko nang isilang ako, o ang mukhang tataglayin ko hanggang hukay. Gayunman ang mukha ay tumingin sa akin na tila kilala ako. Pumakò sa akin ang kaniyang mga mata. Tumatagos. Ngunit hindi iyon ang aking mga mata. Mula ang mga mata sa kung sinong tao. Itim ang mga mata. Isang batang babae ang nagsabi sa akin na asul ang kaniyang mga mata. Iyon ang kaniyang sinabi. Nanirahan siya malapit sa Fulham Broadway. Ni hindi ako nagtungo doon. May silid ako sa St John’s Wood High Street noón. Malimit kaming magkita sa Shepherd’s Bush Green. Nalimot ko na ang kaniyang pangalan. Maaaring siya si Lucy o si Lisa. Ngunit nakalipas na ang lahat ng iyan. Hindi naman niya ako makikilala ngayon. Binago ko na ang pagmumukha.

Alimbúkad: World Literature Solidarity Marathon for Humanity. Photo by Yulia Pantiukhina @ unsplash.com

Donselya, ni Elizabeth Willis

Salin ng “A Maiden,” ni Elizabeth Willis ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Donselya

Nang matagpuan ko ang mukha mo sa unan ng mga dahon
ay nagawa mo itong burahin. Ang pugad na napakabigat
ay makapananatili lámang sa langit sa tumbalik na paraan.

Sa ganitong batas nailalaso nang masilakbo ang mga tuhod.

Sinabi ko sa isang binatilyo.

Kung tagamanupaktura ang panonood, at nawala ka sa akin
anong uri ng anghel ang maipanghahalili sa isang dote
o distansiya sa ganitong galaw ng dahon?

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Medalyon, ni René Char

Salin ng “Medaillon,” ni René Char ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Medalyon

. . . . . . .Mga tubigan ng lungting kidlat na nagpapasagitsit ng luwalhati ng minamahal na mukha, mga tubigang tinahi sa pamamagitan ng mga sinaunang krimen, mga walang hugis na tubigan, mga tubigang dinambong ng konsagrasyon na abot-tanaw. . . Bagaman kailangan niyang sundin ang mga panawagan ng nalusaw na gunita, ang tagahukay ng balón ay pahalik na binatì pa rin ang sukdulang pag-ibig ng taglagas.

. . . . . . .Katambal na karunungan, ikaw na lumikha ng hinaharap nang hindi naniniwala sa nakapanlulumong bigat ay maramdaman nawa sa kaniyang katawan ang pitlag ng elektrisidad ng paglalakbay.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

 

Ang Lihim ng Hoa Sen, ni Nguyen Phan Que Mai

Salin ng “Bí mật hoa sen,” ni Nguyen Phan Que Mai ng Vietnam
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lihim ng Hoa Sen

Ang talukap ng gabi’y isinakay ako sa bangka,
na lumulutang sa humuhuning mga baíno.
Hoa sen! Tinawag ng mahal ko ang halamang-tubig
nang maisalin sa labi niya ang halimuyak nito,
at hubarin ang ulop ng daigdig na lingid sa akin.

Gumewang ang hoa sen, nangatal, pigil-hininga.
“Kumapit sa akin,” aniya, na tila mula sa ibang planeta.

Nang abutin ko ang daigdig ng mukha niya,
nalasahan ko ang pananabik sa kaniyang balát
na kumikislap nang may sariwang araw
na umaahon sa aming pagitan.

Tanging ang hoa sen
ang nakasaksi kung paano ako
naging bulaklak
na nanginginig-nginig sa dibdib ng liwanag.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Paghahanap sa Panulaan, ni Carlos Drummond de Andrade

Salin ng “Procura da poesia,” ni Carlos Drummond de Andrade                  ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paghahanap sa Panulaan

Huwag sumulat ng tula hinggil sa mga pangyayari.
Walang isinisilang o namamatay sa harap ng panulaan.
Sa tabi nito, ang búhay ay estatikong araw
na salát sa init o liwanag.
Hindi mahalaga ang pagkakaibigan, kaarawan, insidente.
Huwag sumulat ng tula na may katawan,
ang lawas na ekselente, kompleto, at komportable’y
sumasalungat sa pagbuhos na liriko.
Ang iyong ngitngit, ang iyong ngiwî ng kaluguran o kirot
sa dilim ay walang saysay.
Itago ang iyong mga sentimyento,
na pasikot-sikot at nagsasamantala ng kalabuan.
Anumang iniisip o nadarama mo ay hindi pa tula.

Huwag umawit ukol sa lungsod mo; hayaan itong mag-isa.
Ang awit ay hindi andar ng makina o ang lihim ng mga bahay.
Hindi ito musikang nagdaraan, o ingay ng dagat sa mga kalye
na umiiwas sa hanggahan ng bulâ.
Ang awit ay hindi kalikasan
o mga tao sa kapisanan.
Walang saysay sa tula ang ulan at gabi, ang pagod at pag-asa.
Ang panulaan (na mabibigong mahugot sa mga bagay)
ay lumalampas sa subheto at obheto.

Huwag maging dramatiko, huwag manambitan,
huwag magtanong, huwag maglustay ng oras sa pagsisinungaling.
Huwag mainis.
Ang yate mong garing, ang diyamante mong sapatos,
ang mga mazurka mo’t panlalait, ang mga kalansay ng pamilya
ay walang saysay lahat, at naglalaho sa kurbada ng panahon.

Huwag isalaysay
ang malungkot mo’t inilibing na panahon ng kabataan.
Huwag mangatal sa pagitan ng salamin
at naglalahong alaala.
Anumang kumupas ay hindi tula.
Anumang mabasag ay hindi kristal.

Pumasok sa kaharian ng mga salita na waring bingi ka.
Naroroon ang mga tula na ibig na maisulat.
Natutulog ang mga ito ngunit huwag masiraan ng loob,
sariwa at panatag ang mga rabaw nitong wala ni biyak.
Pipi at nag-iisa, hawig yaon sa estado ng diksiyonaryo.

Mamuhay sa piling ng mga tula bago sulatin iyon.
Kung malabo, magtiyaga. Kung nakasasakít, kumalma.
Maghintay hangga’t maging ganap ang bawat isa
at magwasak nang may kapangyarihan ng mga salita
at nang may kapangyarihan ng pananahimik.
Huwag pilitin ang mga tula na lumayo sa limbo.
Huwag pulutin ang mga tula mula sa sahig.
Huwag purihin ang mga tula. Tanggapin ang mga ito
gaya sa pangwakas at tiyak nitong anyong
siksik na siksik sa espasyo.

Lumapit at pagnilayan ang mga salita.
Sa bawat mukha
na may libong lihim na mukha ng iba pang mukha,
at ni walang pakialam anuman ang iyong maging tugon,
mahina man o malakas, ang bawat isa’y nagtatanong:
Dala mo ba ang susi?

Pansinin:
Nagkakanlong sa magdamag,
sa mga yungib ng melodiya at diwain, ang mga salita.
Mamasâ-masâ pa’t kagampan sa pagtulog, ito’y
umaagos sa masalimuot na ilog at nababago sa paghamak.

Mga buhok ng mga bata, ni Gabriela Mistral

Salin ng “Los cabellos de los niños,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Buhok ng mga Bata

Malalambot na buhok, buhok na taglay ang lahat ng kalambutan ng daigdig: kung wala kayo sa aking kandungan, anong seda ang aking kalulugdan? Kay tamis ang paglipas ng araw dahil sa gayong seda, kay tamis ang pagkain, kay tamis ang antigong pighati, kahit sa ilang oras na dumulas yaon sa pagitan ng mga kamay.

. . . . . . .Idampi yaon sa aking pisngi; ipaikid-ikid yaon, gaya ng mga bulaklak, sa aking kandungan; hayaang itirintas ko iyon upang pabawahin ang aking kirot, upang palawakin ang liwanag na abot nito habang unti-unting nauupos sa sandaling ito.

. . . . . . .Kapag nakapiling ang Diyos isang araw, hindi ko ibig na paginhawin ng mga pakpak ng anghel ang mga gasgas sa aking puso; ibig kong isaboy sa bughaw na langit ang buhok ng mga bata na aking minamahal, upang hayaang hipan yaon ng simoy padampî sa mukha ko nang walang hanggan!

Himig sa Gabi, ni Naomi Long Madgett

Salin ng “Nocturne,” ni Naomi Long Madgett ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Himig sa Gabi

Masdan kung gaano kadilim ang gabing lumatag sa aking mukha,
Kung gaano kalalim ang mga ilog ng aking kaluluwa
Na dumadaloy nang panatag at malakas.

Mga ritmo ng mga nilimot na kagubatan
Ang pumipintig sa mga ilahas na anino ng aking awit,
At ang sigaw ko’y makutim na puntong lihim ng mga tigmamanok.

Sa ibabaw ng mga ulingang lambak ng aking pighati,
Hinuhubog ng aking maiitim na kamay
Ang mga piramide ng basal na luwalhati.

Masdan kung paanong marahang ibinalabal ng Diyos ang kaitiman sa mundo.
Sa palagay mo ba’y hindi ako maganda?
Nagsisinungaling ka!

Larawan, ni Bernard Noël

Salin ng “Portrait,” ni Bernard Noël ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Larawan

nasaan ang titik?

tanong ng naghihingalong tao
bago tuluyang nanahimik

habang ang tao’y nabubuhay
hindi kailangang pangatwiranan ang kaniyang dila
kapag yumao ang isang tao
kailangan niyang magbalik sa kaniyang alpabeto

mula sa bawat kamatayan
hinihintay natin ang lihim ng búhay
ang pangwakas na hininga ay nagtataglay
ng nawawalang titik

naglalaho ito sa likod ng mukha
nagtatago ito sa likod ng pangalan

Alimbukad: Pagsasalin sa Filipino tungo sa pag-angkin sa panitikang pandaigdig

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon, ni Etheridge Knight

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon

Salin ng “No moon floods the memory of that night,” ni Etheridge Knight
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon
bagkus ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
sa aming mga mukha at humahalo sa iyong mga luha
tanging ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
at ang iyong bibig na malambot at anung ligamgam
walang buwan walang bituin walang nanunusok na kirot
ng kidlat tanging ang aking impotenteng dila
at ang pulang poot sa loob ng aking utak na batid
na ang nakapanginginig na ulan ang ating eternidad
kahit na sinisikap kong ipaliwanag:

“Ang rebolusyonaryo ay isang kondenadong tao
na hindi tiyak ang búkas bagkus pag-ibig at kasaysayan.”
“Ngunit ang ating mga anak ay dapat lumaki nang tiyak
ang búkas sapagkat sila ang lilikha ng rebolusyon.”
“Dapat ipamalas nating halimbawa sa payak na paraan
na ang ating mga anak ay hindi liliko sa kanan o kaliwa
bagkus diretso sa ating minimithing kalayaan.”
“Hindi,” tugon mo. At ikaw ay lumisan.

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon
bagkus ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
at umaasang gaya ng ulan
na nagbabalik sa langit ay magbabalik ka sa aking piling.

light, black and white, woman, white, street, night