May leksiyong mahuhugot sa nakaraang alingasngas na kinasangkutan ng bilyonaryong si Manuel V. Pangilinan, na may kaugnayan sa plahiyo. At ito ang pagiging matapat sa sinasabi, at ang pagsipi nang maayos sa diwain ng iba, at ang pagtataglay ng mukha na inihaharap sa madla. Ang kakatwa, may bahagi ng talumpati si MVP hinggil sa kaniyang karanasan sa pangongopya sa pagsusulit doon sa San Beda, na pinilit siya ng awtoridad na banggitin ang kaniyang mga kakutsaba ngunit tumanggi, at binawi sa kaniya ang karangalang dapat tamuhin ng estudyanteng masikap sa pag-aaral. Parang napanood ko na ito sa pelikula, bagaman naiba nang kaunti sa tunay na buhay.
Kahanga-hanga ang pagpapakumbaba ni MVP, na umako ng kasalanan at hindi na idinamay pa ang dalawang estudyanteng katuwang niya sa pagsulat ng talumpati. “Wala talaga akong ihaharap na mukha pagkatapos,” ang nawika niya sa sulat kay Fr. Bienvenido Nebres.
Mahalaga ang “mukha” para sa mga Filipino. Ang “mukha” ay kaugnay ng dangal, tiwala, at kalooban. May “mukha” na inihaharap sa matatalik na kaanak o kaibigan, at iba ang “mukha” na inihaharap sa publiko. Kapag ang mukha ay nadungisan, para nang winasak ang pagkatao at puri ng sinumang tao. Sa ibang pagkakataon, ang pagkawala ng mukha ay katumbas ng pagpapatiwakal; at sa iba, maihahalintulad sa habambuhay na batik na malilinis lamang sa paggawa ng pambihirang kabutihan sa bayan. Samantala, may ibang “makakapal” ang mukha, na ang ibig sabihin ay gagawin ang lahat makaungos lamang sa kapuwa.
Kung babalikan ang talumpati ni MVP, maiikling sipi lamang naman ang hinugot sa mga talumpati nina Barack Obama, Oprah Winfrey, Conan O’Brien, at J.K. Rowling. Maiikli ngunit sapat na ang mga ito para maibunyag ang pagmamalabis at katamaran, at pag-angkin ng mga diwain at salita ng iba. Kung napaghandaan ang talumpati, higit na makulay ang sariling karanasan ni MVP bilang negosyante at pilantropo na kinakailangan lamang lapatan ng katumbas na mga salitang kaugnay ng katapatan. De-kahon ang pag-uulit hinggil sa kabiguang pinaghunos na tagumpay; higit na magiging kapana-panabik, halimbawa, kung paano maaabot ang tagumpay sa pagtapak sa balikat ng iba o pagsuot sa shortcut para makaharurot nang mabilis.
Natural na malungkot si MVP dahil nagkataong binigyan siya ng doktorado ng Pamantasang Ateneo de Manila na maituturing na kagalang-galang na institusyon sa larangan ng edukasyon. At ang masaklap, ang dalawang estudyanteng naging katuwang niya ang pataksil na gumawa ng pangongopya para mapadali ang asignatura. Mapalulusot na bata pa sila; ngunit kung gayong kabata’y palulusutin na, ano pa ang magiging kinabukasan ng bansang pinababayaan ang katiwalian?
Sa aking palagay ay hindi madali ang paghahanap ng mga manunulat na bumubuo ng talumpati at nasa likod ng isang personalidad. Hindi lamang talino at kadalubhasaan ang kailangan, bagkus tiwala at malasakit para sa tao na kanilang pinagsisilbihan. Ang pangulo, halimbawa, ay maaaring magkaroon ng anim o sampung manunulat, bukod sa mga mananaliksik, at ang mga sinulat nila ay masinop na paglalangkapin ng isa o dalawang editor. Mapapansin ito tuwing magtatalumpati ang pangulo sa pagbubukas ng batasan, at ang kaniyang wika ay nabubudburan ng elegante at balbal, ng Ingles at Filipino, at kung minsan ay mga siping sinadya para hingin ang palakpak ng taumbayan. Maiiba nang kaunti si Pang. Ferdinand Marcos, dahil kahit mahuhusay ang kaniyang lihim na manunulat ay iginigiit niya ang pananaw na parang isa ring propesyonal na manunulat.
Panahon ngayon ng mga makinang panghanap [seach engines], kaya napakabilis mapasakamay ang samot-saring impormasyon. Gayunman, kaugnay niyon ang pagmamadali, at maraming manunulat ang pinalalampas ang tumpak na pagsipi para makaraos agad sa dedlayn, at magmukhang kahanga-hanga sa madlang haharapin nila. Ang ginawang pagsipi ng mga manunulat ni MVP ay kalakaran ng maraming estudyante at di-iilang guro, at masakit mang sabihin ay umiiral magpahangga ngayon. Bumuklat ng teksbuk sa hay-iskul o kolehiyo, at mapapansin ang mga kinopyang bahagi ng akda.
Kung nais ni MVP na maibalik ang kaniyang mukha, maimumungkahi kong magbigay siya ng pondo na laan sa pagpapahusay sa pagsusulat, pananaliksik, panitikan, at paglinang ng mga wika. Hindi lamang pagkakamal ng salapi ang ikabubuhay ng tao, bagkus pagkakamal din ng karunungang may dangal at may kaugnayan sa pagsasatitik ng isip at kalooban. Kailangang maturuan muli ang mga kabataan ng tamang pagkatha, at paglikha ng mga orihinal na diwaing maipagmamalaki hindi lamang ng Ateneo bagkus ng lahat ng mamamayang Filipino.