“Ang wikà mo ang kataúhan mo,” ang paskíl sa padér na makikíta mo, at kung may báhid man itó ng kátotohánan ay susubúkin mo na tíla sugò ka niná Vak at Fáma, na magbíbigáy sa iyó ng kapángyaríhan ng dilà, na pósibleng manganák o mabiyák at magsangá-sangá, na magháhatíd pára magíng dalawá o higít pa ang iyóng idéntidád. Sa loób mo, na panghihímasúkan ng lumikhâ sa iyó, ay hindî ímposíbleng magkároón ng dalawá o higít pang wikà na manánaíg ang isáng wikà sa paraáng sumúsunód ang ibá pang wikà sa grámatika, wísyo, at pagpapákahúlugán nitó—na ang paláugnáyan ay matálik at maúunawàan ng pinilì mong pérsona. Tutuláran mo si Fernando Bagongbanta: “Ycao ang oguit na matibay/ eres timon que no quiebra/ cahimat binabagyohan/ aunque haya tempestad recia/ sa iyo aco mananalig/ mi esperanza en ti esta puesta/ sa aquing paglalayagan/ en aquesta mi Carrera.”// Sa ganitóng pagkakátaón, walâng saysáy ang pagsasálin sapagkát ang téksto ay isá nang ehersísyo sa, at artefákto ng, pagsasálin. Ang dalawâng wikà—na nagmulâ man sa mágkabilàng pólo—ay nagsasánib úpang lumikhâ ng isáng bágong wikà, na turíngan mang tulâng ládino ay pagmámalábis sa daigdíg ng guníguní dáhil ang nasábing wikà ay makápagsásaríli at nakapágpapáalingawngáw ng saríli, na lampás sa kinagísnang parámetro ng Tagálog at sumúsuwáy sa sakláw ng Espaňol, sa kabilâ ng pangyayáring mukhâ itóng mestíso. Kung ipagpápalagáy na itó ay háybrid, ang henétikong urì nitó ay ebolusyón ng bakbákang páilalím, may diyaléktikong ágos na ang isang katutubòng wikà’y ekstensiyón ng ibá pang banyagàng wikà, sa layúning sumunód sa útos ng máylikhâ, at nang turùan ang mga Tagálog sa paggámit ng Espaňol o turùan ang Espaňol sa paggámit ng Tagálog. Sa kabilâ nitó, magpipílit ang dalawâng wikà na dumakò sa pantáy na éstado sa anyông suwábe at dî-halatâ, gumagálang sa kapuwâ úpang mapágbigyán káhit paáno ang pagkakákilanlán ng báwat isá. Sakâ lámang matútunugán sa bandáng hulí ng mga mámbabása na ang nasábing háybrid na wikà na ipínadrón warì sa prósodya ng dalawáng kúltura ay malínaw na larô ng kapángyaríhan, gáya sa maláwak na lipúnan, sa layúning pánaigín ang pananálig sa mayháwak ng ímprenta at podér. Maláy na maláy sa ganitóng larô si Rolando S. Tinio na lumikhâ ng kakatwâng pérsona úpang itampók ang dóble-kárang pérsonalidád nitó sa pásalitâng pamámaraán: “Sa poetry, you let things take shape,/ Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig./ You start siyempre with memories,/ ‘Yung medyo malagkit, kahit mais/ Na mais: love lost, dead dreams,/ Rotten silences, and all// Manner of mourning basta’t murder.”/ Bagamán dóble ang bílang ng salitâng Inglés sa salitâng Tagálog, sumúsunód ang Inglés sa éstruktúra ng Tagálog at dáhil díto’y nabúburá ang pagká-Inglés at nabúburá ang pagká-Tagálog úpang iluwál ang isá pang wikàng mukhâng mestíso. Ngúnit ang hímig ay banáyad at mapánlansí; nagháhayág ang pérsona ng saríli niyáng poétikang hinúgot man sa banyágang poók ay pumípiglás sa pagkábanyagà nang maípakíta ang báhid ng pinág-ugatáng báyan. Ang resúlta’y isáng háybrid na urì, na hábang nabíbiyák ang ísip ng pérsona sa dalawâng wikà ay nabíbiyák din ang kaniyáng diwà na katumbás ng kataúhang bípolár, na pagkakátaón úpang isílang ang sisté na kinásangkápan ng mga Tagálog noóng úna pa man. Wikà nga ng pérsona sa “Pelos en la lengua” ni Giannina Braschi: “El bilingüismo es una estética bound to double business. O, tis most sweet when in one line two crafts directly meet. To be and not to be. . . .” Hindî ba itó ang pamámangkâ sa dalawáng ílog, nakáaákit bukód sa nakabábalíw, kung warìin ay nagsásagútan nagsúsuhayán naghíhiwaláy, úrong-súlong nang maítanghál ang sariwàng kabatíran? Sa ganitóng pangyayári, tátanggí mísmo ang natúrang tulâng tulúyan úpang isálin sa púrong Inglés o púrong Espaňol, sapagkát kung magáganáp itó’y mawáwalân ng bisà ang anyô ng háybrid na wikà na may bukód na idéntidád. Sa káso na may dalawâng wikà na magkálahì at katutubò sa isáng bansâ, ang diyalétikong ugnáyan nitó’y nakásandál pa rin sa pérsona, gáya sa “Dugay na sa Manila” ni Teo T. Antonio. Sa nasábing tulâ, ang pérsona ay isáng nagtapós ng kúrso sa pagkágurò at sinúbok magtúngo sa Maynilà úpang makipágsapalarán. Nagbantulót siyáng magturò kung hindî man nanghinà ang loób dáhil mababà ang suwéldo na hindî káyang makápag-áhon sa hírap ng pamílya. Naísip niyáng mangibáng-báyan nang makilála ang rekrúter na nangakòng tutúlong úpang makápuntá ang pérsona sa Saudi Arabia. Ngúnit úpang matupád itó’y kailángan ang malakíng halagá. Sumúlat ang pérsona sa kaniyáng mga magúlang at humingî ng pérang pambáyad sa mga gastúsin sa paglálakád ng papéles. Naniwalà namán ang kaniyáng mga magúlang at isínanlâ pa ang arì-arìan. Tuwâng-tuwì ang pérsona at matútupád na ang kaniyáng pangárap. Hanggáng pumíhit sa masakláp na pangyayári: “Kaya ang papilis, nang naayos lahat/ Ako gid ay parang natuntong sa ulap./ Pinutos ang damit, sa tuwa’y maiyak/ Malalab-ot na gid ang akon pangarap./ Pero ang rekrutir na ahinsya’y palpak,/ Dinul-ong man ako sa Saudi Arayat.”// Naghahalò ang Bisayâ at Tagálog sa tulâ, sa paraáng nagsúsuháyan sa isá’t isá úpang maítanghál ang kataúhan ng probínsiyána—at maitutúring na halímbawà ng ebolusyón ng mga wikà. Ngúnit higít pa ríto, hindî masasábing dominánteng wikà ang Tagálog, sapagkát ang Tagálog ay kailángang gumanáp ng segundáryong papél at magíng panúhay na wikà túngo sa elaborasyón ng Bisayâ nang magíng kapaní-paníwalà ang páhiwátig na pagkálalawíganín ng pérsona. Kung edukáda man ngúnit muslák ang pérsona ay sapagkát nagkátaóng umiíral siyá sa isáng panahón at guníguníng lunán na mapágbalátkayô sa kabilâ ng pagigíng totoó sa saríli ng pérsona. Hindî siyá pásibo bagkús áktibo sa pagkamít ng pangárap, ngúnit nabigô pa rin siyá dáhil sa sindikáto (na ipinahíhiwátig din ng pamagát kung bíbigkasín nang malumì ang “Manilà” imbes na gamitin ang “Maynilà”). Kung itó man ay masakláp na birò ng kapaláran, ang biròng itó ay sumásapól sa pusò, na pumípigâ sa awà at hindík na makápagháhatíd ng katársis sa pánig ng mga mámbabása, dáhil mukhâ mang nagpápatawá ang hímig ng wikà ay sumásampál sa lipúnang tiwarík ang namámayáning kaisipán na ginagámit úpang manubà at manghámak sa dukhâ. Kung ikáw ang tulâ, huwág magtaká kung sakalì’t magkároón ng dalawá o higít pang dilà—at mangárap na mábiyayàan ka ng mga salitâ na ikátatáyog ng diwà, hindî ka man paláring mapabílang sa panteón ng mga dakilà.
Sa halos dalawang taon kong panunungkulan sa Komisyon sa Wikang Filipino, masasabi ko nang kinakailangan nito ang malaliman at malawakang pagbabago upang maging epektibong kasangkapan ng Tanggapan ng Pangulo sa pagsusulong ng mga patakaran at programang pangwika. Nais ko ang pagbabago; ngunit kahit ikaw ang direktor heneral o direktor IV ng KWF ay hindi ka basta makapagpapatupad ng pagbabago nang walang pahintulot ng Lupon ng mga Komisyoner. Kinakailangan ang pagsang-ayon ng Lupon ng mga Komisyoner, dahil ang KWF ay maibibilang na Komisyong Konstitusyonal at kumikilos bilang lawas kolehiyado [collegial body].
Nakalulungkot isiping nabigo ang KWF ng kalukuyang panahon na isagawa ang mga itinatadhana ng batas. Walang malinaw na pambansang patakarang nabuo ang Lupon ng mga Komisyoner sa ilalim ng pamumuno ni Kom. Jose Laderas Santos, at ang ganitong pangyayari’y patutunayan ng mga rekord sa opisina. Nagmungkahi ako ng mga programang pangwika na puwedeng isaalang-alang ng lupon, ngunit ang tinig ng butihing Punong Kom. Santos ay waring nakapangyayari sa lahat at hindi ang lawas kolehiyado. Ang pagbubuo ng mga patakaran at programa ay dapat nakaayon sa saliksik at pag-aaral, ngunit dahil hindi naman ginagampanan ng KWF ang tungkuling magsaliksik hinggil sa Filipino at iba pang wika, umaasa na lamang ang KWF sa mga saliksik ng ibang pangkat at nagpapasiya alinsunod sa anumang itatakda ng pambansang pamahalaan.
Kaya napakahirap hingan ang KWF ng katumbas na opinyon na magtataguyod ng Mother-tongue based Multilingual Education (MTB-MLE) bilang pamalit sa dating bilingguwal na edukasyong itinatadhana ng Saligang Batas 1987 at sinegundahan ng DECS Order Blg. 52, s. 1987 na may petsang 21 Mayo 1987. Pumasok ang KWF sa patakarang MTB-MLE ng Kagawaran ng Edukasyon (at siyang isinusulong ni dating sinibak na Punong Kom. Ricardo Ma. Nolasco at ipinagpatuloy ni Punong Kom. Santos) nang walang malinaw na parametro ng paglahok. Naging parang utusan ang KWF na gumawa lamang ng mga ortograpiya sa 12 pangunahing wika mula sa buong kapuluan; nagrepaso ng ilang teksbuk na itinataguyod ng DepEd at binigyan ng imprimatur ang mga ito kung kinakailangan; at nakilahok sa mga panrehiyon at pambansang seminar. Ngunit hindi iyon sapat, at hindi sapat ang maging pasibo sa usaping pangwika.
Ideal ang MTB-MLE dahil sinisikap nitong turuan ang bata alinsunod sa wikang kinagisnan nito. Gayunman, hindi isinaalang-alang ng mga tagapagtaguyod ng MTB-MLE ang ibang balakid, gaya ng iba’t iba ang wikang kinagisnan ng mga bata na tinipon sa isang silid-aralan at kinakailangang maging polyglot ang guro; na dapat rebisahin ang kurikulum upang umayon sa MTB-MLE at K-12; na kulang ang materyales sa pagtuturo at hindi sapat ang mga pagsasanay sa guro; at kung ang lingguwa prangka, na gaya ng Filipino, ay gagamitin kung sakali’t may pagtatalo kung sa aling wika ituturo ang mga asignatura. Sa ganitong pangyayari, ang KWF sa ayuda ng DepEd ay dapat nagsasagawa ng mga saliksik upang maisaalang-alang sa pagsasakatuparan ng bagong patakarang pangwika at pang-edukasyon, alinsunod sa panrehiyong bisyon sa antas ng ASEAN, kung hindi man Asya-Pasipiko.
Kinakailangang magbalik ang KWF sa seryoso at dibdibang pananaliksik.
Nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-c na tungkulin ng KWF na “magsagawa ng pananaliksik o makipagkontrata para maisulong ang pananaliksik at iba pang pag-aaral upang maipalaganap ang ebolusyon, pag-unlad, pagpapayaman at estandarisasyon ng Filipino at iba pang wika sa Filipinas.” Ang nagaganap sa KWF ay hinihingan na lamang nito ng mga manuskrito ang mga Panrehiyong Sentro ng Wikang Filipino (PSWF), gaya ng antolohiya ng mga kuwento o tula at diksiyonaryo, at ang mga ito ay ilalathala ng KWF para maibenta at maipalaganap sa rehiyon. Mahilig ding magpaseminar ang KWF, sa basbas ng gaya nina Punong Kom. Santos, Kom. Carmelita Abdurahman, Kom. Concepcion Luis, at Kom. Bernard Macinas na kung lilimiin nang maigi ay hindi nakatutulong nang malaki sa panig ng mga guro. Pinakabagong pinagkakaabalan ng apat na butihing komisyoner ang “Pagpapaunlad ng Kamalayan at Kasanayan sa Paghahanda ng Pananaliksik at mga Kagamitang Panturo sa Wika at Panitikan Salig sa K to 12 Kurikulum” na binalak sakupin ang buong Filipinas sa pamamagitan ng PSWF ng KWF sa bawat rehiyon. Direktor ng Seminar si G. Robinson K. Cedre (na kung hindi ako nagkakamali’y isang taluhang kandidato sa halalan ng pagkakonsehal noong 2010 sa Lungsod San Pablo, Laguna) at direktang nakikipag-ugnayan kina Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang problema’y isinagawa ang naturang seminar nang walang basbas ng Lupon ng mga Komisyoner ng KWF; ni hindi pinaharap sa Lupon ang direktor ng seminar na si Cedre; at hindi ipinaalam sa Direktor Heneral ang serye ng seminar bagaman ang Direktor Heneral ang dapat sumusubaybay sa gayong gawain. Lumiham din sina Cedre at Kom. Santos upang humingi ng endosong memoradum at adbaysori kay DepEd Kalihim Armin A. Luistro sa pamamagitan ni Dr. Yolanda S. Quijano. Sa naturang pangyayari, mababatid na sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay kumikilos nang walang pahintulot ng lawas kolehiyado, at ito ay malaking kasalanan sa batas kung isasaalang-alang na ang KWF ay isang komisyong konstitusyonal at hindi ordinaryong ahensiya ng gobyerno. Bukod pa rito, lumalampas sa itinakdang tungkulin ang mga butihing komisyoner sapagkat gumaganap sila bilang direktang tagapagpatupad at kalahok ng proyekto, bukod sa sila rin ang tagapagbuo at tagapagpatibay ng nasabing proyektong popondohan ng KWF– at ang ganitong gawi ay tandisang paglabag sa itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104.
Bagaman maipupuwing na walang kakayahan sa ngayon ang KWF na magsagawa, halimbawa ng malawakang sarbey o saliksik pangwika sa iba’t ibang lugar kung hindi man sa buong kapuluan, maaaring kumuha ito ng serbisyo ng ibang ahensiyang magsasagawa ng saliksik para sa KWF. Ang ganitong pagtatambal ay nakasaad sa Batas Republika Blg. 7104, Sek. 14-g, na nagbibigay kapangyarihan sa KWF na “tawagan ang alinmang kagawaran, kawanihan, opisina, ahensiya o instrumentalidad ng Gobyerno o alinmang pribadong entidad, institusyon o organisasyon para sa kooperasyon at tulong sa pagsasakatuparan ng mga gawain, tungkulin, at responsabilidad nito.” Kabilang sa gayong gawain ang “pagtitipon ng mga akda para sa posibleng paglalahok sa multilingguwal na diksiyonaryo. . . .” Sa kaso ng pagkuha ng serbisyo ni G. Cedre na mula umano sa Trends & Techniques Resource Center and Training Services, ang grupo ni Cedre ay hindi umano nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), ayon sa pinakabagong makinang panghanap [search engine] nito. Maaaring nagkakamali ang aparato ng SEC, ngunit kung totoong ilegal ang ahensiya ni Cedre ay puwede siyang managot sa batas, kasama sina Kom. Santos at Kom. Abdurahman na pawang nagpahintulot at tumulong kay Cedre. Mapanganib ang ganitong pangyayari, dahil nalalagay sa alanganin ang KWF kung sakali’t mapatunayang walang sapat na papeles at legal na personalidad ang Trends & Techniques Resource Center and Training Services ni Cedre para makipagkontrata sa KWF. Nagagamit ni Cedre ang mga PSWF ng KWF, sa tulong at pahintulot nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman, na posibleng ikapahiya kahit ng DepEd, bukod pa sa pangyayaring ang pagsasagawa ng seminar pangwika at pampanitikan ay dapat hinihigpitan upang maiwasan ang pagpapakalat ng katangahan sa hanay ng mga guro at estudyante.
Masakit amining nagkulang ang KWF. Ngunit kung nagkulang man ang KWF ay dapat siyasatin ang mga ginagawa ng gaya nina Punong Kom. Santos at Kom. Abdurahman. Ang KWF ay dapat umigpaw sa impunidad at medyokridad, bukod sa handang harapin ang mga hamon sa pagpapalaganap ng Filipino at iba pang wikang panrehiyon sa matalino at siyentipikong pamamaraan. Bagaman may kalayaan ang grupo ni Cedre na makipag-ugnayan sa KWF, at ang KWF ay may karapatang kumuha ng serbisyo ng mga lehitimong pribadong organisasyon, ang tambalan ng grupo ni Cedre at nina Kom. Santos at Kom. Abdurahman ay makapag-iiwan ng maraming tanong, lalo’t hindi matunog ang ilang pangalan ng mga ispiker sa naturang seminar at mapagdududahan ang legalidad ng Trends & Techniques Resouce Center and Training Services.
Upang maging epektibo ang KWF, napapanahon nang repasuhin ang limang sangay nito, na kinabibilangan ng Sangay ng Pagsasalin, Sangay ng Impormasyon at Publikasyon, Sangay ng Lingguwistika, Sangay ng Leksikograpiya, at Sangay Pampangasiwaan. Labis na naging makapangyarihan ang Sangay Pampangasiwaan na halos lumukob sa apat na iba pang sangay, gayong ang Sangay Pampangasiwaan ang dapat na sumusuporta lamang sa mga gawain ng apat na pangunahing sangay. Makabubuting isaayos ang paglalagay ng mga kawani, upang ang isang tao ay hindi mapunta sa isang posisyon na malayo sa kaniyang kurso o disiplinang pinagkadalubhasaan sa unibersidad. Makatutulong nang malaki sa KWF kung ito ay mapapasukan ng ibang matatalino’t masisigasig na tauhan at opisyal mula sa pribadong sektor, upang mapalitan ng bagong dugo ang tumatandang hanay nito.
Ang pagpapanibago sa hanay ng mga kawani at opisyal ay dapat iugnay din sa pagpapanibago ng pisikal na estruktura ng gusali ng KWF. Ang tanggapan ng KWF ay hindi angkop para sa gawaing pampananaliksik, sapagkat napakasikip ng tanggapan para sa mga kawani nito. Luma at baryotiko ang mga kompiyuter at aparato nito, at kahit ang planong modernisasyon at kompiyuterisasyon ng KWF ay hindi maisagawa sapagkat nababagahe dahil sa mismong latag ng mga dibisyon, bukod sa hindi masugpo ang problema ng daga. Upang maibalik ang dating ringal ng KWF, at mahimok ang mga kawani nito na magtrabaho nang may sigasig at alab, maimumungkahing baguhin din ang gusali ng KWF at lumipat sa higit na ligtas, maluwag, at maaliwalas na lugar na umaangkop sa gawaing pananaliksik.
Higit sa lahat, kinakailangang isaayos ang pagpapatakbo ng PSWF sa bawat rehiyon, at gamitin ito alinsunod sa dapat na mandato ng Saligang Batas. Ang PSWF ay maaaring makatulong sa debolusyon ng kapangyarihan ng KWF at magamit ang naturang sangay sa pananaliksik at pagpapatibay ng network sa malalayong rehiyon. Magagamit din itong lunan upang makapagpalitan ng saliksik at tuklas ang bawat rehiyon, at sa tumpak na koordinasyon ng KWF ay maipapalaganap ang mga saliksik sa pamamagitan ng research exchange. Nakapanghihinayang na ginagamit lamang sa ngayon ang PSWF para sa mga seminar o kumperensiya, ngunit kung ang seminar o kumperensiyang ito ay epektibo at tumutugon sa pangangailangan ng mga guro at superbisor sa rehiyon ay masasagot lamang ng mga kalahok.
Bago maisagawa ang panloob na estruktura ng KWF, kailangang simulan din ang reoryentasyon ng mga itinalagang komisyoner. Ang bawat komisyoner ay inaasahang kumatawan sa isang pangunahing wika (at disiplina) sa isang rehiyon, bagaman ang teritoryong saklaw ng wika ay hindi esklusibo lamang sa isang pook. Halimbawa, bagaman ang Ilokano ay malaganap sa hilaga ng Filipinas, ang Ilokano ay unti-unti na ring sumasakop sa Visayas at Mindanao, at maging sa ibayong dagat, gaya sa Estados Unidos, Saudi Arabia, China, at Awstralya. Ang isang komisyoner ay dapat kumakatawan din sa isang partikular na disiplina, gaya ng edukasyon, agrikultura, at batas, upang sa gayon ay mapayayaman ang mga wika at maipapasok sa mga dominyo ng kapangyarihan, gaya sa hukuman, akademya, negosyo, at telekomunikasyon.
Nakasalalay naman ang mga gawain ng mga komisyoner sa “Mga Tuntunin at Regulasyong Nagpapatupad ng Batas Republika Blg. 7104.” Ang problema sa KWF ay hindi sinusunod ang naturang mga tuntunin at regulasyon, at nananatiling hanggang papel lamang ito sa tatlong butihing komisyoner na ganap ang panahon ng panunungkulan. Ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng KWF ay napapanahon nang rebisahin; panahon na ring enmiyendahan ang buong Batas Republika Blg. 7104, na inakda ni Sen. Edgardo Angara, nang sa gayon ay makaagapay ito sa nagbabagong panahon; at mahigpit na ipatupad ng magiging bagong pamunuan ng KWF. Masakit sabihing ang panahon ng administrasyon ni Punong Kom. Santos ang Madilim na Panahon [Dark Ages] sa yugto ng KWF; ngunit ito ang katotohanan. Ang KWF ay naging kasangkapang pampolitika noong administrasyon ng Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, nagpasibol ng kapabayaan kung hindi man katiwalian, at ang bunga nito ay inaani ngayon ng mga tauhan at opisyal ng KWF. Kung ganito ang loob ng KWF, paano ito makabuluhang makapag-aambag sa larang ng pambansang patakarang pangwika, at siyang masasandigan ng Tanggapan ng Pangulo?
Kung ang pangulo ng bansa ang direktang may kapangyarihan sa KWF, dahil ang KWF ay nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo, napapanahon nang manghimasok ang pangulo sa KWF. Ito ay sapagkat ang wikang Filipino ang “imbakan o pintungan ng kultura at kasaysayan ng bansa,” ayon na rin sa Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Tanging wika lamang ang makapaghahatid ng mahahalagang impormasyon mula sa Tanggapan ng Pangulo tungo sa malalayong pamayanan, at makapagpapataas ng diskurso ng dalawang panig. Kung tototohanin ng Pang. Benigno S. Aquino III ang kaniyang pangako, ang pagpapanibago sa KWF ay hindi imposible. Dapat ibalik sa tuwid na landas ang KWF, at ibasura nang ganap ang utak wangwang na nagpabulok sa institusyong dating itinaguyod ng mga dakilang manunulat, lingguwista, at estadista ng nakaraang panahon. Sa ganitong paraan, higit na makapagsisilbi ang KWF sa taumbayan, at magiging episyenteng kabalikat ng pamahalaan, imbes na ang KWF ang pinagsisilbihan ng mga mamamayan.
Kapag nagtalumpati sa Filipino ang Pang. Benigno S. Aquino III, ipinapalagay na nagsisikap siyang kausapin ang sambayanang Filipino sa wika at diskursong mauunawaan ng lahat. Hindi madali ang pagbabalangkas ng talumpati; at maiisip na kinakailangang hulihin niya ang guniguni ng mga karaniwang mamamayan, at tumbasan ng mga salita ang kanilang iniisip at niloloob sa pinakapayak na paraan upang mahimok kung hindi man mapakilos sila—nang nagkakaisa kahit iba-iba ang uri at sanligang pinagmulan—nang may kaugnayan sa pambansang programa ng kaniyang administrasyon. Susi ng pagkakaunawaan ang wika, at sa nakaraang talumpati niyang “Ulat sa Bayan” doon sa Kongreso, pinatunayang muli ng pangulo ang posibilidad na mabibigkis ang kapuluan sa pamamagitan ng wikang panlahat.
Binanggit ko ang “wikang panlahat” dahil may kinalaman ito sa kasalukuyang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Unang lumitaw ang taguring “wikang panlahat” habang binabalangkas ang Saligang Batas 1935 (na mauulit sa Saligang Batas 1973), at pinagtaluhan kung sa aling wika ibabatay ang pambansang wika. May ilang mambabatas ang nagpanukala na ang pambansang wika ay ibatay sa mga umiiral na katutubong wika sa buong kapuluan, at maiisip dito ang konsepto ng haluhalo kung hindi man tsapsuy, o kaya’y pagtatayo ng gusali sa kalawakan na hindi matiyak kung saan magsisimula ng pundasyon. Nagbago ang ihip ng hangin nang lumiham nang lihim si Hukom Norberto Romualdez kay Pang. Manuel L. Quezon at sinabing hindi magkakaproblema kung piliin man ang Tagalog na maging “ubod ng wikang pambansa.”[*] Kinilala ni Romualdez, na isang Waray, ang Tagalog sa panahong iyon na pinakamaunlad at pinakaabanseng wika sa lahat ng diyalekto, na mahalaga sa pagpapalago ng korpus nito, bukod sa pagdalisay at pagpapalago ng sariling bokabularyo.
May batayan si Romualdez sa kaniyang opinyon. Tagalog ang may pinakamalaking kasapian ng mga manunulat—mulang makata at nobelista hanggang mandudula at mananaysay—at ang mga organisasyong gaya ng Aklatang Bayan at Ilaw at Panitik ang magsisilbing pabrika ng mga akda at magtatakda ng kumbensiyon sa malikhaing pagsulat, kritika, at teorya kung paano pahahalagahan ang mga akda. Habang patuloy ang produksiyon ng mga katha, sinisimulan na rin noon ang diskusyon sa estandarisasyon ng ispeling, baybay, at bigkas ng mga salita, at tinitipon ang mga salitang magagamit sa partikular na lárang na gaya ng panunuring pampanitikan at pamamahayag. Mahalaga ang ginagampanan ng mga samahang pangwika at pampanitikan dahil ang mga ito ang nagbabantay ng sariling hanay, at ito rin ang nagbubukod sa matitinik na manunulat at manunulat na sampay-bakod. Ang malaganap na pagtanggap sa Tagalog sa mga peryodiko, magasin, at komiks, bukod pa ang pagsikat ng midyum ng radyo, telebisyon, at pelikula, ang magpapabago ng timbangan sa pagsagap sa wika. Kahit pa sabihing isinulong ang malawakang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan, na mauugat sa patakarang pang-edukasyon ng Mckinley Commission, ang nangyari’y ganap na nabura ang kakaunting hanay ng maalam sa Espanyol, ngunit nanatiling buháy ang Tagalog, at pagkaraan, ang Filipino.
Nakasaad sa tema ng Buwan ng Wikang Pambansa 2011 ang pamagat na “Ang Filipino ay wikang panlahat, ilaw at lakas sa tuwid na landas.” Maganda sa unang dinig ang sinipi, dahil lumalakas ang batayan na ang Filipino ay malaganap nang wika sa buong kapuluan, at maaaring gamitin sa iba’t ibang disiplina. Kung ipagpapalagay na ang wika ay katumbas ng ilaw (na may kaugnayan sa karunungan) at lakas (materyal at simboliko sa dominyo ng kapangyarihan), maaaring kalabisan na kung gamitin pa ang mga ito sa pagtalunton sa “tuwid na landas.” Ipinapahiwatig ng “tuwid na landas” ang mabuting paggawa, at pag-iwas sa baluktot na sistema o kalakaran. Isang parikala ang maligaw sa tuwid na landas maliban na lamang kung bulag o duling ang manlalakbay; at hindi na kinakailangan pa ang pagpapakasakit dahil hindi nangangailangan ng imahinasyon ang diretsong tunguhin.
Ang Filipino bilang wikang panlahat ay nagpapahiwatig ng paglampas sa mga hanggahan ng lalalawigan at bansa; nagpapanukala ng pampolitikang basbas upang gamitin sa mga dominyo ng kapangyarihan [controlling domains] na kinabibilangan subalit hindi limitado sa aliwan, edukasyon, hukuman, kalakalan, medisina, teknolohiya, telekomunikasyon, turismo, mass media, at ugnayang panlabas. Isang maangas na pagsasabi ito na nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan, mulang lansangan hanggang paaralan hanggang pamahalaang lokal at ugnayang internasyonal. Ang paggamit ng pangulo sa wikang Filipino ay tahimik na pagkilala na sumapit na ito sa yugto na magagamit kahit ng diasporang Filipino ng siglong ito.
Sa talumpati ni Sen. Blas F. Ople noong ika-121 anibersaryo ng kapanganakan ni Pang. Quezon, kinilala niya ang Filipino bilang pandaigdigang wika dahil ito ang wika ng Diasporang Filipino. Binanggit niya ang sarbey na nagsasaad na pang-anim na wikang banyaga ang Filipino sa Estados Unidos, hinigtan ang Hapones, Koreano o Ruso, at sinasalita sa mga Amerikanong bahayan. Filipino o sabihin nang Tagalog, ang ginagamit din aniya sa mga souk at basar sa Saudi Arabia, Bahrain, at Dubai, at panghatak sa mga parokyanong Filipino. Sa Filipinas, aniya, 92 porsiyento ng mga Filipino ang nakauunawa at nakagagamit ng wikang pambansa, batay na rin sa saliksik ng sosyolingguwista at dating kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon Bro. Andrew Gonzalez. May 12 taon na ang nakararaan nang sulatin iyon ni Ople, at maaaring tumaas na ang bilang ng gumagamit ng Filipino hindi lamang sa Filipinas, bagkus maging sa ibayong-dagat.
Napansin ni Ople na kahit malaganap ang Filipino sa pang-araw-araw na gamit ng mga mamamayan, nabigong makapasok pa rin ito sa dominyo ng kapangyarihan. Kinikilala ng Saligang Batas 1987 na “Filipino ang wikang pambansa,” ngunit ibinilang din ang Ingles bilang opisyal na wika. Sa pananaw ng mga Konstitusyonal Komisyoner, ang dominyo ng opisyal na wika ay “para sa layunin ng komunikasyon at instruksiyon.” Nanaig sa pangyayaring ito ang Ingles sa mga opisyal na komunikasyon sa pamahalaan, at naging pangunahing midyum ng pagtuturo nang ipataw ang edukasyong bilingguwal. Waring pagsasabi ito na hindi pa handa ang Filipino, na dapat pang linangin at pagyamanin ang malig ng mga salita, hanggang sumapit ang yugtong sapat na ang lakas nito para gamitin sa pamahalaan, hukuman, batasan, at pagpapaandar ng iba pang sangay ng lipunan.
Noong administrasyon ni Pang. Corazon C. Aquino, inihayag ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 na humihimok sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng pamahalaan na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na transaksiyon at komunikasyon. Tumutol ang ilang mambabatas at demagogong Sebwano at nagsampa ng kaso sa Korte Suprema para mabatid ang konstitusyonalidad ng kautusan. Nagkaroon ng debate sa mass media. Napalitan ng pangalan ang mga gusaling dating nasa Ingles ang pangalan; naisalin ang ilang batas at kautusan; at nakabuo ng aklat ng Korespondensiya Opisyal at diksiyonaryo ang KWF, bagaman kailangang rebisahin. Ngunit ang lahat ng ito, na isinagawa ng KWF, ay kulang na kulang pa, at ang probisyon sa Medium Term Philippine Development Plan 2004-2010 na gamitin ang Filipino sa una, komunikasyon ng pamahalaan at promosyon ng mga programa nito, at ikalawa, sa pag-aaral ng mga wika at panitikan sa Filipinas, ay nabigong maisulong nang ganap dahil sa kakulangan ng badyet at suporta ng matataas na opisyal.
Huwag bigyan o paglaanan ng pondo ang isang programa ay tila diplomatikong pagsasabi na dapat itong suwayin o ipawalang-bisa.
Ang hindi pagpapagamit ng Filipino sa mga dominyo ng kapangyarihan, sa isang banda, ay pagkilala kung hindi man pag-amin sa kakulangan ng sapat na tala at talaan ng mga salita sa Filipino, gaya ng konklusyon ni Gonzalez sa isang pag-aaral.[†] Sa kabilang dako, maaaring sipatin, na ang hindi paggamit ng Filipino sa gaya ng batasan at hukuman ay hindi dahil sa kakulangan ng wikang Filipino, bagkus sa mga abogado, hukom, at mambabatas na tamad mag-aral at magpaunlad ng Filipino, at pulos Ingles ang nais gamitin, kahit sabihing bali-baliko ang gramatika at palaugnayan. Pinatunayan ni Ret. Hukom Cezar Peralejo, ang lolo ng artistang si Rica Peralejo, ang yaman ng Filipino nang isalin niya ang mahahalagang batas at kautusang pinagtibay ng pangulo, at ang mga importanteng pasiya ng Korte Suprema, kung gaano kalalim ang Filipino na angkop sa hukuman at batasan. Kung isinampa noon ang Konstitusyonalidad ng mga KT [‡] 335 at 210, dapat na rin marahil itanong sa Korte Suprema kung nagkukulang ba ang mga unibersidad at kolehiyo na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng mga batas at kautusan ng pamahalaan; at kung nalalabag ang karapatang-pantao ng mga estudyante na matuto at makapagsulit sa wikang alam nila, na ipagpalagay nang Filipino na lingua franca sa ngayon. Ito ay dahil ang hukuman at batasan, na panaka-nakang tumatanggap ng akda na nasa wikang Filipino, ay nasa dominyo ng kapangyarihan at malaki ang kaugnayan sa magiging kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan ngayon at sa darating na salinlahi.
Kahit sa dalawang nakaraang internasyonal na kumperensiya hinggil sa tinaguriang “global Filipino,” ang presentasyon ng ilang papel ay nasa wikang Ingles, na kakatwang tumatalakay sa Filipino, at ang ganitong pangyayari’y nagpapamalas na pag-amin sa kahinaan ng Filipino para maunawaan ng mga Inglesero sa Estados Unidos. Kung tunay ang malasakit sa Filipino, ang nasabing wika ay puwedeng gamitin sa diskusyon ng mahahalagang aspekto ng wika, kultura, kasaysayan, at disiplina—bagaman mangangailangan ng Filipinong interpreter at tagapagsalin sa ilang pagkakataon. Sa aking palagay, panahon na upang itanghal sa buong mundo ang Filipino bilang wika ng pandaigdigang kumperensiya, lalo kung kaugnay ito sa kultura, kasaysayan, at kabuhayan ng mga Filipino, upang maigiit at maipakilala nang lubos ang kapangyarihan nito.
Kailangang pag-isipan ng mga Filipino kung bakit nahihirapang pasukin ng wikang Filipino ang dominyo ng kapangyarihan. Maaaring magsimula sa pagtatanong hinggil sa patakarang bilingguwal na nagsimula noong 1974 at pinalakas noong 1987. Sa pangyayaring ito, ang Ingles ay ginamit sa mga paksang may kaugnayan sa agham, matematika, sining ng komunikasyon, at iba pang kaugnay na disiplina, samantalang ginamit ang Filipino sa gaya ng araling panlipunan (na magiging HEKASI pagkaraan), edukasyon at kalusugang pangkatawan, pagtuturo ng mabuting asal, at gawaing panghanapbuhay. Ang ganitong patakaran ng DepEd ay lumilihis sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, na linangin at gamitin ang Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo at sinusuhayan ng mga wikang panrehiyon at sinesegundahan ng Ingles at iba pang wikang internasyonal. Upang matupad ang pangarap na intelektuwalisasyon ng Filipino—na para bang pangmababang uri ang Filipino—kinakailangang gamitin ito sa pasulat na paraan. Ito ang mungkahi ni Gonzalez, at ang tanging paraan para makaigpaw ang Filipino sa Ingles. Mahihirapang ihanda ang mga sangguniang aklat sa matematika at agham na pawang nasa wikang Filipino dahil walang nagsisimula. (May ginawa noong teksbuk sa agham at matematika na pawang nasusulat sa Filipino ang Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, ngunit nang magpalit ng pangulo ang nasabing unibersidad ay kinaligtaan nang ganap ang ganitong napakagandang programa.) Kailangang may magsimula, kahit dito sa Saint Louis University-Baguio, at gamitin ang mga konsepto sa Filipino na kaugnay ng wikang Filipino.
Nabigo ang pagpapalago sa Filipino dahil sa akala o prehuwisyo na hindi nito kayang sakupin ang gaya ng matematika at agham, at idagdag pa na kulang na kulang ang materyales na nasusulat sa Filipino. Hindi dapat naging dahilan ang gayong pangyayari para talikdan ang Filipino at ilaan sa mga piling sabjek lamang. Kung iginiit noon sa DepEd—sa bisa ng Saligang Batas 1987—ang Filipino ay magagamit kahit sa pagtuturo ng Ingles, agham, at matematika. Ito ay dahil ang Filipino ang pangunahing wika, samantalang ang Ingles ay itinuring ng Komisyong Konstitusyonal na ikalawang wika lamang na nangangahulugang katuwang na wika [auxilliary language] ng Filipino. Nang magpalabas ng KT 210 ang Pang. Gloria Macapagal Arroyo, at sinegundahan ng DepEd Order 36, serye 2006, na nagtatakda ng alintuntunin sa pagsasakatuparan ng KT 210, ang Ingles na siyang dapat katuwang na wika lamang ng Filipino ang ginawang pangunahing wika sa pagtuturo sa hay-iskul at kolehiyo, na maituturing na kabalintunaan. Umikli ang oras na inilaan sa pagtuturo ng Filipino, pinanatili sa ilang sabjek at hindi ginamit sa agham, kalusugan, at matematika. Nagsampa ng kaso ang pangkat ng Wika ng Kultura at Agham (Wika Inc) laban kina Pang. Arroyo at Kalihim Tagapagpaganap Eduardo Ermita, at ang kaso ay nakabimbin pa rin sa hapag ng Korte Suprema. Sa kabilang dako, inihain sa nakaraang Kongreso ang apat na panukalang batas na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa primarya at sekundaryong edukasyon sa buong kapuluan. Ang nasabing mga panukala—na binuo nina Rachel Marguerite B. del Mar, Luis R. Villafuerte, Eduardo R. Gullas, at Mark A. Villar—ay halos iisa ang tabas, at sa introduksiyon lamang nagkakaiba. Isa pang panukala, na inakda ni Magtanggol T. Gunigundo I, ay nagsusulong naman ng patakarang multilingguwalismo sa anyong makyabeliko na “hatiin at lupigin,” at nagpapahina wari sa Filipino bilang pambansang wika habang pinalalakas ang pundasyon ng Ingles bilang lingua franca na lalong naglalagay sa alanganin sa panig ng mga wikang panrehiyon. Ang mga panukalang batas na ito ay nakahain ngayon sa hapag ng Kongreso.
Magkakaroon ng kulay ang pagpapatupad ng KT 210 dahil sa pinaiiral na kolonyal na patakarang pangwika at pang-edukasyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ang KT 210, na nilagdaan noong 17 Mayo 2003, ay nag-aatas na gamitin at palaganapin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa sistema ng edukasyon, at siyang pinairal sa buong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo at inayudahan sa pampolitika’t pampinansiyang pamamaraan ng Estados Unidos. Mainit ang pagtatalo noon kung ano ang wikang gagamitin sa pagtuturo dahil nagsisimulang lumakas ang BPO (Business Process Outsourcing), gaya ng mga call center, ngunit humihina sa Ingles ang nakararaming nagtapos sa kolehiyo. Dahil sa pangyayaring ito, ipinatawag ng embahador ng Amerika ang kalihim ng edukasyon isang araw upang magpaliwanag sa sitwasyon. Ayon sa mga kumpidensiyal na dokumentong nakalap ng WikiLeaks, hiniling ng embahador Kristie Kenney kay Kalihim ng DepEd Jesli Lapus sa pamamagitan ng USAID na “payagan ang mga Peace Corps Volunteer na makapagtrabaho nang lubos bilang guro at tagapagsanay ng mga guro” sa larang ng wikang Ingles. Nagbigay ng kontak mula sa DepEd ang nasabing kalihim at ito ang magbibigay ng gabay at impormasyon sa mga boluntaryo (kung hindi man espiyang Amerikano). Bukod dito, binanggit ng embahador ang mga programa ng USAID sa Mindanao, gaya ng sumusunod: una, pamumudmod ng mga telebisyon, komputer, at radyo sa mga pamilya nang maituro ang agham at matematika sa Ingles; ikalawa, pagpapahusay ng kasanayan ng mga kabataan bago magtrabaho; ikatlo, pamamahagi ng mga audiotape at aklat na laan sa pagtuturo at pag-aaral ng Ingles; at ikaapat, pamimigay ng mga teksbuk at aklat na nasa wikang Ingles sa mga paaralan. Nakipag-ugnayan din si Kal. Lapus sa mga lokal na estasyon ng radyo upang maisahimpapawid ang “English by Radio” ng British Broadcasting Company, at maipalaganap ang indoktrinasyon sa Ingles sa mga dukhang mag-aaral. Bukod dito, may dalawang fellow sa wikang Ingles na itinalaga sa DepEd at PNU (Philippine Normal University) upang “hubugin ang mga guro at paunlarin ang kurikulum” sa pagtuturo ng Ingles.[§] Kritikal ang panghihimasok na ito ng USAID sa Mindanao. Ayon sa pinakabagong sarbey ng National Statistics Office (NSO), anim sa sampung tao na maituturing na functional literate sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay may batayang kaalaman sa pagbabasa, pagsusulat, at komputasyon. Malayo ito sa resulta sa National Capital Region na siyam sa sampung katao na edad 10-64 ang napakikinabangan ang kanilang kaalaman. Sa isa pang sarbey noong 2007, 55.5 porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng edad 5-24 sa ARMM ang nakadalo sa paaralan noong 2007-2008. Dinaig pa ito ng Baguio na tatlo sa apat na tao (72.2 porsiyento) ang nakadalo sa paaralan sa parehong panahon.[**]
Mapapansin sa nasabing mga dokumento kung paano nanghihimasok ang Amerika sa edukasyon ng mga Filipino. Mapagdududahan ang tunay na intensiyon ng mga grant ng USAID, ang mga fellow sa wikang Ingles na kabilang sa humuhubog ng kurikulum ng DepEd, ang mga donasyong materyal (o pinansiyal) na bumibilog sa ulo ng mga kabataan at nagpapasabik sa mga dukha sa Mindanao, ang malayang importasyon o pagtatapon ng tone-toneladang aklat sa Filipinas, at ang mga pagsasanay pangwika na ibinibigay sa mga guro para humusay sila sa pagtuturo ng Ingles. Sa iba pang dokumento na nakalap ng WikiLeaks, ibinunyag ang taktika ng mga opisyal ng embahada ng Amerika na mag-ikot sa 15 sekundaryong paaralan para hikayatin ang mga Filipinong estudyante na mag-aral at ang mga guro na magturo sa Amerika. Kung gaano kalaki ang suporta sa Ingles ay ni hindi nabanggit kung paano palalakasin ang Filipino sa sistema ng edukasyon, na parang ang Filipino ay ikalawang wika lamang sa Filipinas. Ang ganitong ulat ay puwedeng maging titis para sampahan ng kasong paniniktik [espionage] si Emb. Kenney at ang kaniyang mga kakutsaba, at parusahan ng pagtataksil sa Filipinas na dapat tumbasan ng pagbitay o habambuhay na pagkakabilanggo.
Samantala, gumagawa rin ng hakbang ang Tsina na palakasin ang pagtuturo ng wikang Tsino at edukasyong pangkultura sa 131 paaralang pinaaandar ng mga Tsino, kung hindi man Tsinoy, sa buong bansa. Ayon sa WikiLeaks, target ng Tsina ang 1-4 milyong Tsinoy sa buong bansa. Nagpadala noong 2003 ang Tsina ng 100 gurong estudyante sa Filipinas upang magturo ng wika at kulturang Tsino, samantalang inaasahan ang 150 guro na daraong noong 2007. Naglunsad pa ang Tsina ng study-abroad program, na target ang mga Tsinoy sa Filipinas, upang palakasin ang programa nito sa pagpapalaganap ng wika at kultura. Panaka-naka ring nag-iimbita ang embahador ng Tsina sa kaniyang tahanan sa Forbes Park, at doon ginaganap ang ilang pagtitipon ng mga alagad ng sining, edukador, politiko, at iba pang personalidad. Waring ginagaya ng Tsina ang taktika ng Amerika sa pagpapadala nito ng mga Thomasite, na ang pagkakaiba lamang ay sadyang tahimik ang Tsina kaysa Amerika.[††]
Sa kabila ng pagpupunyagi ng Estados Unidos (at Tsina) na maipundar ang kolonyal na patakarang pang-edukasyon ay patuloy na nakikilala ang Filipino. Malaganap na ang Filipino, ayon sa sarbey ng Ateneo de Manila University at sesegundahan ng NSO. Gayunman ngayon pa lamang unti-unting nakikilala ito sa mga dominyo ng kapangyarihan. Isa na rito ang internet.
Dati, inaakala ng iba na tanging sa Ingles lamang magagamit ang internet at pagpoprograma sa komputer. Nanghinayang halimbawa si Bernardo Villegas, na kilalang ekonomista at edukador, na waring iwinaksi ang Ingles sa panahon ng impormasyong teknolohiya.[‡‡] Hindi naman totoong iwinaksi nang tuluyan ang Ingles; lumakas lamang ang Filipino dahil maraming Filipino ang kabilang sa elektronikong lathalain. Lumitaw ang Blogger at WordPress, at ang dalawang higanteng ito sa larangan ng weblog ay nalahukan na ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, bukod sa iba pang wikang panrehiyon. Lumakas ang Filipino, ngunit naiwan ang mga panrehiyong wika, dahil na rin kakaunti ang mga gumagamit ng panrehiyong wika. Lumitaw sa Google ang bersiyong Filipino, at maging sa mga intersosyalang Facebook at Twitter. Bagaman mapupuna ang kahinaan ng bersiyong Filipino kompara sa bersiyong Ingles ng Google, may pagtatangka na paunlarin pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalin at pagtutumbas ng mga salita. Sa WikiFilipino naman, isinalin sa Filipino ang mga terminong pangkomputer na ginagamit sa mga pahina nito, na sa unang pagkakataon ay nasilayan ng madla. Aaminin kong isa ako sa mga nagsalin ng termino sa WikiFilipino at WordPress Tagalog, ngunit nawalan ako ng gana pagkaraan dahil ang ibang nakikialam ay higit na mahusay sa komputer kaysa sa pagkakaunawa sa wika. Alam kong hindi ito dahilan para huminto. Kung nasimulan na ito sa Filipino, inaasahan kahit ang mga hacker at siyentista na maalam sa Filipino, na gumawa ng programang pangkomputer na pawang magpupundar ng muhon sa kasaysayan ng Filipino sa larangan ng komputer at internet.
Ang mga bagay na may kaugnayan sa telekomunikasyon, gaya ng selfon at telemarketing, ay unti-unti nang nagbabago pabor sa Filipino. Dati, ang wika sa pager at selfon ay Ingles. Sa kasalukuyan, nasa Filipino (o sabihin nang Tagalog) na ang mga manwal sa mga kasangkapang teknolohiko, na pumapantay sa Ingles at iba pang wikang internasyonal. Malaki ang kaugnayan ng pagsasalin ng mga terminong teknikal sa popularisyon ng Filipino, at maituturing na isang hakbang pasulong ang pagtatangka na gamitin ang Filipino kahit sa manwal at mumunting lathalain nitong laan sa mga konsumidor dahil lumalawak ang rehistro ng mga inimbento, hiniram, at inangking mga salita. Ang mungkahi ko’y iagapay ang pagtuturo ng Filipino kahit sa mga kursong may kaugnayan sa impormasyong teknolohiya, inhinyeriya, at kaugnay na larang. Maraming mahusay sa teknolohiyang pangkomputer, internet, at inhinyeriya, ngunit kakaunti ang mga kabataang mahusay din sa Filipino na maihahabol sa nagbabagong kaayusan. Panahon na upang maging dinamiko ang wika sa larangan ng agham, teknolohiya, at inhinyeriya, na makatutulong para maitampok ang mga Filipinong imbentor, siyentista, inhinyero, eksperto at makapag-iwan ng pagmamalaki sa panig ng mga produktong gawa ng mga Filipino.
Itinuturing na dominyo ng kapangyarihan ang senado at kongreso, at isang magandang pagkakataon ang debate kung anong wika ang dapat gamitin sa deliberasyon at publikong pagdinig. Ang ganitong usapin ay dapat pinagtataluhan; ngunit higit pa rito, dapat suportahan ng taumbayan ang mga mambabatas na masigasig gumamit ng Filipino sa mga publikong pagdinig. Kinakailangang itanong sa Korte Suprema kung napapanahon na bang gamitin ang Filipino sa mga pagdinig sa dalawang kapulungan ng mga mambabatas, at kung Filipino ba ang dapat maging pangunahing wika na sinusuportahan ng Ingles at mga wikang panrehiyon. Anuman ang maging sagot ng hukuman ay dapat isaalang-alang nang mabuti ng awtoridad at taumbayan. Kung ang batasan ay nagtatakda ng mahalagang pangyayari sa pag-iral ng mga mamamayang Filipino, ang batasang ito ay dapat pagsilbihan ang mayorya ng mga Filipino sa pinakaepektibong paraan. Magsisimula ang gayong serbisyo publiko sa pamamagitan ng paggamit ng Filipino—na itinuturing na pambansang lingua franca sa kasalukuyang panahon.
Sa larangan ng radyo at telebisyon, kinilala ni GMA Network Chair at CEO Felipe L. Gozon ang halaga ng wikang Filipino sa pagpapalago ng negosyo nito. Hinimok niya ang kaniyang mga kasama mulang lupon ng mga direktor hanggang karaniwang kawani, na gamitin ang Filipino sa mga pagpupulong at pagtitipon. Ang nasabing pagpapahalaga ni Gozon ay maiisip na pagkilala na ang wika ay makabibihag ng guniguni ng taumbayan at siyang pinakaepektibong paraan upang maipaabot ang konsepto sa madla. Ngunit higit pa rito, Filipino ang naghahatid ng kita sa kompanya na patutunayan ng pagdami ng patalastas at isponsor ng mga programang telemagasin at telenobela. Kinakailangang dumami pa ang Gozon sa Filipinas, na hindi ikakahiya ang promosyon ng Filipino dahil ito ang makatutulong upang sumikat at kumita ang kompanya. Kabaligtaran naman ito ng tunguhin ng GNN, na ang mga balita at programa sa telebisyon ay karaniwang nasa wikang Ingles, at halos hindi pinapansin ng publiko. Samantala, dapat ding banggitin na sa 34 pahayagang online, isa lamang ang nasusulat sa Filipino, at iyon ang Abante. Ngunit ang Abante at isama na ang Bulgar ay pinatataob ang Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin, at Philippine Star—ang tatlong tanyag na broadsheet sa Ingles— kung pag-uusapan ang laki at lawak ng sirkulasyon sa palimbag na pamamaraan. Maihahalimbawa rin ang Journal Online, na ang mga artikulo ay nahahati sa Ingles at Filipino, bagaman higit na marami ang artikulo sa Ingles, at ang Filipino ay inilalaan sa siyobis at komentaryong pampolitika o panlipunan. Sa larangan ng siyobis, mababanggit ang pambihirang pagkiling ni Mother Lily Monteverde sa wikang Filipino nang atasan niya ang kaniyang mga artistang may banyagang dugo na magpakahusay sa paggamit ng Filipino (o sabihin nang Tagalog) para mapalapit sa puso at isip ng publiko.
May iba pang dominyo ng kapangyarihan na dapat pasukin ng Filipino. Kabilang dito ang agham at medisina. Gayunman, hindi masasabing ang pagtuturo ng agham o medisina ay esklusibo na lamang sa Ingles. Nagpanukala si Dr. Raul Jara, ang tanyag at isa sa mga pangunahing cardiologist sa Filipinas, na gamitin ang Filipino sa pagtuturo ng medisina. Ito aniya ay sa dahilang maraming nagtatapos ng kurso sa medisina ang natitiwalag sa mga tao na kanilang pinagsisilbihan makaraang makatapos ng pag-aaral at pumasa sa pambansang pagsusulit. Ingles ang wika ng pagtuturo sa medisina, kaya kahit ang mga konsepto ay nagmumula sa Ingles o banyagang lupain na hindi naman masakyan ng ibang estudyante sa medisina. Nagbigay ng halimbawa si Jara na kayang ituro ang cardiology sa pamamagitan ng Filipino at sa paggamit ng konsepto ng Filipino, ngunit ang ganitong radikal na mungkahi ay sumasalungat sa kumbensiyon, kaya mahirap tanggapin ng mga estudyante at doktor sa medisina dahil nasanay na ang kanilang dila at pananaw sa Ingles.
Naiiba nang kaunti ang pagdulog ni Dr. Rhodora Andrea M. Concepcion, na sumulat ng kauna-unahang aklat sa Filipino na tumatalakay sa mental retardation. Mapaghawan ng landas ang ginawa ni Concepcion, at sa pamamagitan ng magaan na pagsusulat na tumutuon sa mga tagapangalaga [caregiver] ay naipaabot niya ang komplikadong daigdig ng medisina, sikatríya, at sikolohiya. Gumamit ng makukulay na ilustrasyon ang kaniyang aklat, na waring hinahamon kahit ang lunan na dating saklaw lamang ng mga aklat pambata. Ang aklat ni Concepcion ay inaasahang masusundan pa dahil sa mainit na tangkilik ng publiko, lalo’t lumalaki ang bilang ng mga batang may pinsala ang pag-iisip.
Ang pagpasok sa dominyo ng kapangyarihan ay hindi biro, at ito marahil ang nasa sa puso ni Sen. Ople. Wala namang mangyayari kung magbabantulot ang publiko na maghanap ng pagbabago. Maipapanukala ang ilang sumusunod na pagbabago:
Hikayatin ang mga eksperto sa kani-kaniyang larang na sumulat at maglathala ng mga akda, aklat at iba pang kaugnay na babasahin sa Filipino. Ang mungkahing ito’y mahuhugot din sa winika ni Gonzalez at iba pang dalubwika, gaya ng sikat na lingguwista Bonifacio Sibayan at Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Kung maaari’y gamitin ang Filipino sa pagsusulat ng mga aklat o pagbubuo ng journal. Sa simula’y maaaring humanap ng katuwang sa pagsusulat, at habang lumalaon ay hahayaan na ang eksperto na sumulat nang sarili.
Hindi mapapalitan ang mga tekstong Ingles sa mga dominyo ng kapangyarihan kung patuloy na sasalungat ang mga pinuno ng ahensiya at instrumentalidad na mula sa publiko o pribadong sektor, at mananatili ang prehuwisyo sa pagsusulat at pagpapalathala sa Filipino. Kinakailangang kulitin ang nasabing mga pinuno, at ipaabot sa kanila na napapanahon ang paggamit ng Filipino dahil makapagsisilbi ito sa malawak na sektor samantalang tinutulungan ang mga kawani at opisyal na mapalapit sa kalooban ng madla.
Ipagpatuloy ang pagtangkilik sa mga akdang nasusulat sa Filipino. Sa National Bookstore, halimbawa, ang pinakamabiling aklat ay pawang nasusulat sa Filipino at tumataob kahit ang makukulay na aklat na imported at nasusulat sa Ingles. Samantala, may mga ahente ng aklat na direktang nagtutungo sa Ateneo de Manila University Press upang maghanap ng mga aklat na nasusulat sa Filipino at siyang hinihingi ng merkado sa ibayong dagat. Kung may merkado sa Filipino, ang kinakailangan ay pagpapalakas ng network ng distribusyon ng mga aklat, na hindi lamang gagamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ng promosyon at pagbebenta, bagkus sasaklaw sa mga teritoryong hindi dating naaabot ng malalaking tindahan ng aklat.
Hilingin sa mga awtoridad na magtaguyod at maglathala ng mga sangguniang aklat sa iba’t ibang disiplina na pawang nasa wikang Filipino, bilang pagsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987. Ang nasabing aklat ay hindi kinakailangang direktang salin mula sa tekstong Ingles; makagagawa ng mga sangguniang aklat na orihinal na isinulat sa Filipino batay sa mga reperensiyang nagmumula sa loob at labas ng bansa, bukod sa mga di-tradisyonal na sangguniang gaya ng panayam, blog, at kasaysayang lokal.
Hilingin sa malalaking korporasyon na tumbasan ng salin sa Filipino ang mga tekstong Ingles na nakasaad sa kani-kanilang produkto. Kung ang ibang bansa ay nakahihiling sa nasabing mga korporasyon na tumbasan halimbawa sa Bahasa Indones, Espanyol, Nihonggo, at Thai ang mga pabatid sa lata ng gatas, magagawa rin iyon sa Filipinas. Ang ganitong patakaran ay pumapabor sa kabutihan ng mga Filipinong konsumidor, dahil mababatid nila na ang anumang nasusulat sa banyagang wika, gaya ng Mandarin o Ingles, ay umaayon sa pagpapabuti ng kanilang kalusugan.
Suportahan ang mga organisasyong pampanitikan. Ang mga organisasyong pampanitikan ang tumutulong sa paghubog ng mga manunulat, at sa panahong ito, kinakailangan ang maraming manunulat sa Filipino dahil mangangailangan ang gaya ng DepEd ng maraming tagasalin at manunulat sa Filipino upang matupad ang itinatadhana na Medium-Term Philippine Development Plan 2011-2016 ng administrasyong Aquino. Binanggit sa nasabing adyenda ang pangangailangan na maisa-institusyon ang paggamit ng Filipino sa loob ng DepEd, mulang pagbubuo ng mga gamit sa pagtuturo hanggang pagbabalangkas ng mga pagsusulit sa Filipino.
Makipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng Filipino. Nakasaad sa Saligang Batas 1987 na karapatan ng mga Filipino na makilahok sa pormulasyon ng mga pambansang patakaran at pagsasakatuparan ng mga programa nito, at ito ay nagsasadiwa ng Aklasang Bayan sa EDSA [EDSA People Power]. Ang mga organisasyong pangwika, pampanitikan, at iba pa ay dapat inuusisa kung ano ang ginagawa ng KWF. Hindi dapat manatiling bukod ang KWF sa publiko; at sa halip, dapat maging bukás ito sa matitinong kooperasyon na magpapalaganap sa Filipino sa iba’t ibang disiplina o lárang.
Hindi matatakasan sa Filipinas ang pagiging maalam sa tatlo o higit pang wika. Halimbawa, maaaring maalam sa Ilokano o Bisaya kapag nasa isang rehiyon, samantalang bihasa rin sa Filipino kapag nakikipagtalastasan sa pambansang antas, bukod sa mahusay din sa Ingles at iba pang internasyonal na wika kung kinakailangang makipagtalastasan sa ibayong-dagat. Gayunman, maisasaalang-alang din ang paggamit ng Filipino kahit sa mga transaksiyon at komunikasyon sa diasporang Filipino, upang maitanghal ang pambansang identidad at makilala ang kapangyarihan nito sa pandaigdigang antas. Ang pagtataguyod ng mga katutubong wika ay hindi kinakailangang salungat sa Filipino, bagkus dapat kaagapay ang Filipino sa paglago at paglaganap lalo sa pasulat at palimbag na pamamaraan.
Marami nang pag-aaral hinggil sa kultura, wika, at kaunlarang panlipunan ngunit ang kakatwa’y hindi natutumbasan ang ganitong mga pag-aaral ng aktuwal na babasahing isinulat sa Filipino. Halimbawa, sa pag-aaral ni Dr. Dina Ocampo, higit na malaki ang bilang ng mag-aaral na nakababasa at nakauunawa sa wikang Filipino kaysa Ingles, mulang unang grado hanggang ikaanim na grado.[§§] Ngunit ang gayong pangyayari’y hindi tinutumbasan ng tangkilik ng mga lokal na pabliser na dapat maglathala ng higit na maraming aklat na nasusulat sa Filipino ayon sa hinihingi ng merkado. Kinakailangang ipagpatuloy ang produksiyon ng mga lathalain na nasa Filipino, at kung kinakailangan, na may kaagapay na wikang panrehiyon. Ang usapin dito ay hindi na lamang wika, bagkus ang partikular na disiplina na ipinapaliwanag sa pamamagitan ng Filipino o panrehiyong wika. Ipagpalagay mang ang wika ay matatamo sa likás na paraan, o bilang karagdagang kaalaman, ay hindi mahalaga. Ang higit na mahalaga ay kung paano nakapagtataguyod ang wika sa simulain at bisyon ng Filipino.
Nakini-kinita noon ni Gonzalez na nasa panig ng wikang Filipino ang panahon dahil sa dami ng gumagamit nito sa Filipinas. Na totoo naman. Kung pagbabatayan ang pinakabagong census ng NSO, mahigit 90 porsiyento ng populasyon sa Filipinas—sabihin nang 80 milyon—ng 88.5 milyong katao ang nakauunawa ng wikang Filipino. Hindi ang Sebwano ang makahahadlang sa Filipino, ani Gonzalez, dahil tinatanggap na ang Filipino bilang lingua franca sa buong kapuluan, at sa Cebu. Tanging Ingles, ayon sa pag-aaral ni Gonzalez, ang magiging hadlang; at ang lunan ng tunggalian ay “ekonomikong bentaha” at “nasyonalismo.” Sa ganitong pangyayari, liliit nang liliit ang puwang ng Ingles, at itatakda ang restriksiyon ng Ingles sa ilang piling dominyo habang titingkad ang pagkakabukod-bukod ng uring panlipunan batay sa wika, na ang mga maykaya ay pananatilihin ang Ingles sa mga esklusibong paaralan, samantalang lumalaganap ang Filipino sa mga publikong paaralan at bumababa ang kahusayan ng mga guro sa pagtuturo ng Ingles. Hinulaan pa ni Gonzalez na baka dumating ang sandali na ang Ingles ay hindi na lamang ituring na ikalawang wika bagkus banyagang wika na para lamang sa elitista, at lalawak nang lubos ang dominyo ng Filipino sa lahat ng saray ng lipunan.
Nagbigay ng halimbawa ang ating pangulo kung paano gagamitin ang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan upang magsilbi bilang wikang panlahat. Nasa atin ang pasiya kung tayo’y tataliwas o susunod.
Mga Tala
[*] Basahin ang “Memorandum Soble la Lengua Nacional” (1935) na sinulat ni Hukom Norberto Romualdez para kay Pang. Manuel L. Quezon.
[†] Basahin ang “Incongruity between the language of law and the language of court proceedings: The Philippine Experience,” ni Bro. Andrew Gonzalez, sa Language and Communication, 1996.
[‡] Tumutukoy ang “Kautusang Tagapagpaganap” sa “Executive Order,” na dinadaglat na EO, gaya ng EO 210 at EO 335, at KT.
[§] Basahin ang di-klasipikadong dokumento na nagmula sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila, at sinulat ni Emb. Kristie Kenney para sa Kalihim ng Estado Unidos. Sinulat noong 21 Setyembre 2006, at inilabas noong 30 Agosto 2011.
Tuwing Agosto lumalakas ang promosyon ng Filipino dahil ito ang nakatadhana sa batas na “Buwan ng Wika,” alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, na may petsang 15 Hulyo 1987. Sa tulong ng mga paaralan, kolehiyo at unibersidad, bukod sa tangkilik ng gaya ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED), naitatampok kahit paano ang mga aktibidad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at naipagdiriwang sa samot-saring paraan ang Filipino sa pamamagitan ng seminar, kumperensiya, pagtatanghal, bunsod-aklat, timpalak pampanitikan, balagtasan, konsiyerto, at iba pa. Dati, nagkakasiya na lamang ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) na ipagdiwang ang “Linggo ng Wika” (29 Marso-4 Abril) alinsunod sa Proklamasyon Blg. 12, na may petsang 26 Marso 1954. Nagkataon naman na ang linggong iyon ay patapos na, kung hindi man tapos na ang klase sa mga paaralan, kaya mistulang nilalangaw at walang kulay ang pagdiriwang. Pagkaraan ng dalawang taon, sinusugan ito ng Proklamasyon Blg. 186, na naglilipat sa petsa ng pagdiriwang tungong 13-19 Agosto bawat taon, na ang sukdulan ay ang paggunita sa kaarawan ni Pang. Manuel L. Quezon. Kinikilala si Pang. Quezon noon, dahil siya ang pangulong nagpasimuno na mailahok sa pambansang adyenda ang pagbubuo ng pambansang wika na gagamitin pagkaraan bilang opisyal na wika ng komunikasyon sa kapuluan.
Ang tangkilik sa Filipino ay masasabing nagbabago sa paglipas ng panahon. Kung noong administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ay katiting ang tangkilik sa wikang Filipino, iba na ngayon. Walang pasubaling umaangat ang paggamit ng wikang Filipino sa dominyo ng kapangyarihan tuwing maririnig si Pang. Benigno S. Aquino III na nagtatalumpati sa Filipino. Nakakargahan ng pambihirang simbolikong kapangyarihan ang Filipino tuwing mamumutawi sa bibig ng pinamataas na opisyal ng bansa at pamahalaan, at lalo itong nagkakaroon ng kabuluhan dahil matalik ang pakahulugan at pahiwatig nito sa kaniyang mga kababayang nakauunawa at nagpapahalaga sa naturang wika. Hubad sa pagkamabulaklak ang pahayag niya, bagaman sa nakaraang SONA (State of the Nation Address) 2011, para siyang dalubwikang ipinaliwanag sa payak na pamamaraan ang konsepto ng “wangwang” na lumalampas sa orihinal na onomatopiya ng tunog ng sirena, at ang semyotika ay umaabot hanggang sa pag-abuso ng kapangyarihan at walang taros na katiwalian ng iilan.
Sinasalungat ni Pang. Aquino ang mga nauna sa kaniyang pangulo na Ingles ang pinamayani sa mga talumpati; at ito ay ginawa niya sa paraan ng pagiging konsistent sa pakikipag-usap sa pamamagitan ng wikang Filipino tuwing kaharap ang mga Filipino. Kaya naman bukás lahat ang radyo at telebisyon mulang Luzon hanggang Mindanao, at ang mga tao—sa pribado man o publikong sektor—ay matatamang nakikinig at hinihintay kung may babanggitin siya ukol sa partikular na isyung kanilang kinikilingan. Maipapalagay na si Pang. Aquino ay pangahas na pangulo, dahil sa pagsuway sa nakaugaliang protocol ng Ingles sa mga talumpating sinulat din ng mga Inglesero, at siyang pinaninindigan ng mga mambabatas, administrador, at negosyante. Sa ganitong paraan, napapalapit si Pang. Aquino sa kalooban ng publiko. Nalalantad sa panganib na maunawaan ng publiko ang adyenda ng kaniyang administrasyon, kaya ang buong makinarya ng gobyerno ay mapipilitang sumunod sa itinatakda niyang “tuwid na landas.” Kung magtatagal, wala nang palusot ang madla na umiwas pang makilahok nang aktibo sa kaniyang programa, alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas 1987, dahil hindi na sila mangangamba na tumugon sa hamon ng Pangulo habang iniisip ang banyagang gramatika at jargon ng burukrasya.
Kung si Rep. Manny Pacquiao ay gumamit ng Ingles sa kaniyang kauna-unahang talumpati sa Kongreso, si Pang. Aquino ay hindi nangiming gamitin ang wikang Filipino sa karamihan sa kaniyang talumpati sa publiko. Ito ay maaaring senyales na walang bagahe si Pang. Aquino sa Filipino at Ingles, at sa halip, higit niyang pinahahalagahan ang katapatan sa bisyon, at kung paano siya mauunawaan ng taumbayan. Kung si Rep. Pacquiao ay kinakailangang umingles upang tanggapin sa sirkulo ng mga mambabatas, si Pang. Aquino naman ay nagbibigay ng halimbawa sa mga mambabatas kung paano dapat makipagtalastasan at maging bukás sa publiko—upang ang paggawa, pagpapatibay, at pagsasakatuparan ng batas ay makaaabot sa pinatutungkulan, at maging matalik sa isip at loob ng mga mamamayan.
Ang batas ay napakahalagang bagay na makapagbubuklod ng mga tao, dahil itinatadhana nito ang mga hakbang upang mapangalagaan ang karapatan ng mga mamamayang itinuturing na pantay-pantay. Si Rep. Pacquiao, na ibinibilang na sugo ng masa, ay posibleng tanawin na bumukod sa kaniyang kinakatawang distrito sa paggamit ng wikang masasabing banyaga sa pandinig ng kaniyang mga kababayan. Maganda sanang oportunidad iyon sa butihing mambabatas kung paano ihahayag ang kaniyang panukala sa wikang Filipino at katumbas nitong Bisaya—na higit na magpapalapit sa kaniya sa mga mamamayan ng Gen. Santos at iba pang panig ng Filipinas. Ngunit nabigo si Rep. Pacquiao. Samantala, si Pang. Aquino na dating sinisipat na elitista ay daig pa ngayon ang radikal na mambabatas sa paggamit ng Filipino para buwagin ang moog na banyagang diskurso na namamagitan sa maykaya at maralita. Dahil dito, inaasahan na lalaganap lalo ang wikang Filipino sa iba pang disiplina, at ito ang magiging hamon sa institusyong gaya ng KWF.
Umiiral pa rin ang patakarang bilingguwal magpahangga ngayon (kaya nagpapanukala ang mga tagapamansag ng multilingguwalismo na laktawan ang batayang legal nito), kung babalikan ang Saligang Batas 1987. Ngunit umiiral iyon kahit wala pang itinatakda ang Kongreso at Senado hinggil sa panuhay na batas [i.e., enabling law] na maglilinaw kung paano palalaganapin ang Filipino bilang opisyal na wika ng komunikasyon at instruksiyon sa buong Filipinas, samantalang pinalalago ang mga katuwang na wikang panrehiyon; at kung pananatilihin ba ang Ingles o papalitan kung hindi man daragdagan ng ibang wikang internasyonal bilang isa sa dalawang opisyal na wika ng pamahalaan, at kung hanggang saan itatakda ang hanggahan ng Ingles bilang wika ng komunikasyon sa internasyonal na antas. Sa Philippine Development Plan 2011-2016 na inihanda ng National Economic and Development Authority (NEDA), layon ng Administrasyong Aquino na makamit “ang permanenteng mandato na magsasainstitusyon sa loob ng DepEd na gamitin ang Filipino sa pagtuturo, pagkatuto, at pagtatasa, upang mapalawig ang kahusayan, kagalingan, at kaugnayan sa proseso ng pagkatuto, sa kapuwa pormal at [alternatibong sistema ng pagkatuto].” Bukod dito, isinaad pa sa plano na “hinihikayat ang mga Filipino sa ibayong-dagat na manatiling nakaugat sa kanilang kultura sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa mga wika, kultura, at pamama ng Filipinas.”
Kung ganito ang pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino, marapat na sipatin sa anggulong ito ang mga panukalang batas hinggil sa wika kung naaayon ba sa pambansang bisyon ng pangulo. Kailangang suriin ang mga ito, at idaan sa masusing pag-aaral, nang sa gayon, ay maiiwasan ang paglikha ng mga batas na lumilihis sa parametro ng Saligang Batas 1987.
Kapansin-pansin na maraming panukala hinggil sa “edukasyong multilingguwal at literasing patakaran.” Sa Panukalang Batas Blg. 191 na inakda ni Kgg. Rachel Marguerite B.del Mar, sinisikap na palakasin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sa buong bansa. Ang Filipino at ang katumbas nitong panrehiyong wika ay gagamitin mulang kindergarten hanggang Ikatlong Grado, samantalang ang Ingles ay gagamitin mulang kindergarten hanggang Ikaanim na Grado. Lahat ng akademikong sabjek ay ituturo sa Ingles pagsapit ng Ikaapat na Grado hanggang sa buong sekundaryang antas. Bukod dito, hihikayatin din ang paggamit ng Ingles bilang wika ng ugnayan sa loob ng paaralan, at ang pagtatatag ng mga organisasyong gagamit ng Ingles. Pinakamatindi sa panukala ni Kgg. Del Mar ang paggamit ng Ingles sa lahat ng pagsusulit at eksaminasyon sa pagpasok sa publikong paaralan at estadong kolehiyo at unibersidad. Kung gagamitin man ang Filipino ay hindi dapat lumampas iyon sa sampung porsiyento ng kabuuang puntos sa eksaminasyon.
Ang nasabing panukalang batas ni Rep. Del Mar ay kaugnay ng Kautusang Tagapagpaganap 210 noong Administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, may petsang 17 Mayo 2003, na nagtatadhanang palakasin ang paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa primarya at sekundaryong antas. Kung gagamitin man ang Filipino ay limitado ito sa mga sabjek na Filipino at Araling Panlipunan. Pagsapit ng terserang edukasyon, ayon sa Sek. 1, c., “ang mga institusyon ng mas mataas na edukasyon, kabilang na ang mga estadong kolehiyo at unibersidad, ay hinihikayat na gamitin ang Ingles bilang pangunahing midyum ng pagtuturo.” Nagsampa ng kaso sa Korte Suprema ang ilang organisasyong pangwika laban sa katumpakan ng KT 210, subalit wala pang pangwakas na pasiya ang mga mahistrado. Kung sisipatin sa isang panig, ang Filipino ay hindi ganap na ipinagbabawal o iwinawaksi ng nasabing kautusan; gayunman, ang paglilimita ng gamit ng Filipino sa ilang sabjek ay tandisang nagpapahina sa Filipino at sumasalungat sa mithi ng Saligang Batas 1987 na linangin at payabungin ang paggamit ng Filipino sa iba’t ibang disiplina at larang. Kung babalikan ang deliberasyon ng Komisyong Konstitusyonal, ang Ingles ay itinuturing na “ikalawang wika.” Kung Filipino ang pambansang wika, na maglalagay sa posisyon dito na “unang wika,” ang Filipino ay hindi maaaring ipagbawal sa mga opisyal na komunikasyon, instruksiyon at transaksiyon ng pamahalaan at maging sa pribadong sektor. Samantala, ang kongreso ay maaaring magsabatas ng panukalang tanggalin ang Ingles bilang opisyal na wika sa Filipinas, at ituring lamang na isa sa mga wikang internasyonal na dapat mabatid ng mga Filipino. Kung pananatilihin man ang Ingles bilang isa sa mga opisyal na wika ng Filipinas, ang pagpapalaganap nito ay hindi dapat sumasagka sa diwa ng pagpapalago ng Filipino.
Hulog ng langit kung paanong nakapasa sa ikatlong pagbasa sa Mababang Kapulungan ang nasabing panukala ni Rep. Del Mar noong Ikalabintatlo at Ikalabing-apat na Kongreso; at kung hindi pa dahil sa kakulangan ng sapat na panahon ay baka nakalusot din sa senado. Ang panukala ni Rep. Del Mar ay parang pagsakay sa Time Machine na nagbabalik sa panahon ng Komonwelt, bagaman puwedeng pabulaanan ang ganitong haka. Isinusulong niya ang Ingles para pahinain ang mga natamong tagumpay sa paglilinang ng Filipino, at imbes na magpanukala ng dinamikong kurikula para sa akademikong pag-aaral ay isinasandig sa Ingles ang paghusay o sabihin nang pagtalino ng estudyante. Mahigit isang siglo nang nagsisikap ang mga ulirang Inglesero para turuan at palitan ng Ingles ang Filipino at iba pang wika sa rehiyon ngunit nanatiling bigo. Kung walang siyentipikong batayan ang panukala ni Rep. Del Mar, bakit kinakailangan itong isaalang-alang? Maipapalagay na labag sa kabuuang esensiya ng Saligang Batas 1987 ang panukala ni Rep. Del Mar, dahil sa pailalim na pinahihina nito ang Filipino, at ang taguring “pambansang wika” ay itinuturing na hanggang sa taguri o papel lamang. Kung babalikan ang pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino, taliwas na taliwas ang panukalang batas ni Rep. Del Mar, kaya hindi kalabisan kung ito man ay ibasura.
Hindi malalayo sa panukala ni Rep. Del Mar ang Panukalang Batas Blg. 66 ni Kgg. Luis R. Villafuerte, at parang nagkopyahan ang dalawang kinatawan. Introduksiyon lamang ang halos naiba sa panukala ni Rep. Villafuerte, at sumusunod sa padron na ang Filipino o alinmang wikang panrehiyon ay gagamitin mulang preschool hanggang Ikatlong Grado; samantalang ang Ingles ay mulang preschool hanggang Ikaaanim na Grado tungo sa lahat ng antas ng sekundaryong edukasyon. Iginagalang ng panukala ang patakarang pangwika pagsapit sa terserang edukasyon, tulad na itinatadhana ng CHED. Sinisisi ng panukala ni Rep. Villafuerte ang paghina ng Ingles sa pagsilang ng Bilingguwal na Instruksiyon, subalit hindi tinalakay ng butihing mambabatas kung bakit nagkagayon. Nabigong silipin ng mambabatas ang henyo ng paggamit ng Filipino, at sa halip ay itinutumbas lamang sa panrehiyong wikang Tagalog na “hindi bumubuo sa mayorya.” Laos na ang ganitong linya ng pangangatwiran; at hindi sinisipat ang kakayahan ng Filipino na maging lingua franca sa buong kapuluan imbes na gamitin ang Ingles na napakalayo at salungat na polo ang pinagmumulan.
Paratang din ng panukala ni Rep. Villafuerte na “ang mga klaseng gumagamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo ay hinahanggahan ang pagkakatuto sa Ingles ng estudyante.” Kung susundin ang ganitong lohika, dapat isinahinagap din ng butihing mambabatas na ang pag-aaral ng Ingles ay sinasagkaan ang kalayaan ng mga estudyante na matuto sa pamamagitan ng sarili nilang wika, at sa wika na itinuturing ng Saligang Batas 1987 na “pambansang wika.” Kung nais ng butihing mambabatas na maging Inglesero ang mga estudyante, aba’y makabubuti kung ipapanukala niya na dapat gamitin ang Ingles sa loob ng tahanan, palengke, lansangan, trabaho, mass media, at transportasyon, bukod sa mga sentro ng kapangyarihan. Sa ganito lamang makapag-iisip at makapagsasalita nang tuwid na Ingles ang mga Filipino, at pagkaraan ay puwede na silang maging kandidato sa mga call center.
Ipinagmagara pa ni Rep. Villafuerte na ang pinakamahuhusay na babasahin at materyales ay nasa Ingles, at magkakaroon ng problema sa pagsasalin mulang Ingles tungong Filipino o mulang Filipino tungong wikang panrehiyon. Sa ganitong lohika, isinusuko na agad ng butihing mambabatas ang kaniyang bandila at hindi nasisipat ang bilis, ekonomiya, at pagkamalikhain ng mga Filipinong manunulat at akademiko sa pagbubuo ng mga babasahing nasusulat sa Filipino na tumatawid sa sari-saring disiplina. Ang pagbubuo ng teksto ay hindi simpleng pagsasalin o pagtutumbas ng mga salita at konsepto, dahil kung isasalin o tutumbasan lamang sa Filipino ang materyales at babasahing Ingles ay maaaring maisalin din hindi lamang ang mga konseptong dayuhan kundi maging ang sensibilidad ng kolonyal na kaisipan. Ipinapalagay sa gayong hatag na pantay-pantay ang lahat ng wika, na ang katotohanan ay kabaligtaran, dahil ang dominanteng wika ang laging pinagmumulan ng diwain at naisasantabi ang henyo ng Filipino at katuwang nitong mga wikang panrehiyon. Kung sinilip lamang ng butihing mambabatas ang mga pagsisikap noon ng UP Sentro ng Wikang Filipino na gumawa ng mga teksbuk sa heometriya, kemistri, pisika, matematika, inhinyeriya, komputer, pagpaplanong urban, agham-dagat, at kaugnay na kurso sa siyensiya, maaaring matauhan siya sa lalim ng Filipino na may kapasidad na ipaliwanag ang mga siyentipikong termino sa konsepto at wika ng mga Filipino. Gaya ng panukala ni Rep. Del Mar, ang panukala ni Rep. Vilafuerte ay salungat sa pambansang adyenda sa edukasyon ng Administrasyong Aquino.
Ang dalawa pang panukalang batas sa Mababang Kapulungan na layong palakasin ang paggamit ng Ingles sa lahat ng paaralan sa Filipinas ay ang Panukalang Batas Blg. 93 ni Eduardo R. Gullas at Panukalang Batas 1245 ni Mark A. Villar. Masasabing alingawngaw lamang ang mga ito ng mga naunang panukala nina Rep. Del Mar at Rep. Villafuerte, at ang tanging ipinagkaiba ay ang pambungad na paliwanag. Para kay Rep. Villar, kailangan umanong mapanumbalik ang kadalubhasaan sa Ingles ng mga mamamayang Filipino “para matiyak ang higit na mahusay na edukasyon ng mga Filipinong estuyante at mapalawig ang kanilang galing sa pandaigdigang antas.” Para naman kay Rep. Gullas, dapat umanong maituwid ang mga depekto ng kasalukuyang Edukasyong Bilingguwal ng DepEd, at “mapaunlad ang proseso ng pagkatuto sa mga paaralan nang matiyak ang de-kalidad na resulta.”
Walang bago sa sinabi nina Rep. Gullas at Rep. Villar. Itinutumbas ng dalawang mambabatas ang kahusayan sa partikular na disiplina sa pamamagitan ng pagpapakadalubhasa sa paggamit ng wika, na maituturing na malikhaing kabulaanan. Upang maganap iyon, kinakailangang tanggalin sa ekwasyon ang Filipino at iba pang wika, at ang mungkahi ay itira lamang ang Ingles. Ang dapat na sinusuri ng mga mambabatas ay kung saan nagkukulang ang buong sistema ng edukasyong nabigong makapagsilbi sa tunay na pangangailangan ng bansa at ng kaniyang milyon-milyong estudyante, at kung bakit lumalagpak ang mga estudyante sa mga pagsusulit na nasusulat sa Ingles. Sablay din ang pagsasabing higit na magagaling umingles ang mga Filipino noon kaysa ngayon, dahil unang-una’y magkaiba ang populasyon ng dalawang panahon, magkaiba ang sanligang pang-edukasyon, at magkaiba ang pagpapahalaga sa wika ng pamahalaan at akademya. Isang payak at baryotikong mungkahi ang pagsasaad na mali ang edukasyong bilingguwal, ngunit kaya pala naging mali ay dahil apektado, kung hindi man nanganganib, ang posisyon ng Ingles sa herarkiya ng mga wika sa bansa.
Iisa ang ubod ngunit magkakaiba ng panlabas na damit ang apat na panukalang maka-Ingles. Kung ganito ang taktika ng mga mambabatas para mabilis na mapagpasiyahan ang panukala, at ang konsolidasyon ng mga komentaryo ay mapagagaan, nangangailangan ng ibayong pagsubaybay ang taumbayan sa ganitong pakana.
May isa pang panukala, ang Panukalang Batas Blg. 162 at inakda ni Rep. Magtanggol T. Gunigundo I, ang nagsusulong naman ng Multi-Lingual Education (MLE). Sa panukala ni Rep. Gunigundo, ang unang wika ng bata ang magiging midyum ng instruksiyon sa buong elementarya; samantalang ang Ingles at Filipino ay ipakikilala lamang bilang midyum ng instruksiyon pagsapit ng Ikaapat na Grado. Pagsapit ng sekundaryong antas, ang Ingles at ang Filipino ang magiging midyum ng instruksiyon. Nakasaad pa na ang lahat ng kahingian, kagamitan at suportang pasilidad na kinakailangan para palakasin at paunlarin ang pagtuturo sa pamamagitan ng unang wika ay babalangkasin at ilalaan ng DepEd at KWF. Upang matupad ito, maglalaan ng tig-P100 milyon ang Kagawaran ng Badyet at Pangasiwaan (DBM) sa DepEd at KWF, at daragdagan ito ng limang porsiyento bawat taon pagkaraan.
Maganda sa unang malas ang panukalang batas ni Rep. Gunigundo, ngunit kapag tinimbang ay masasabing may kulang. Una, sa pakahulugan. Ang “midyum ng instruksiyon” ay ipinakahulugan sa panukala na “wikang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto ng kurikulum sa paaralan” [the language used for teaching and learning the school kurikulum]. Maimumungkahing baguhin pa ito at gawing “ang pinakaepektibong wikang ginagamit sa pagtuturo at pagkatuto ng kurikulum.” Sa ganitong pakahulugan, ang Filipino bilang lingua franca ay makikilala sa tunay nitong halaga, lalo sa mga lugar na ang mga paaralan ay naging tagpuan ng mga tao na may kani-kaniyang katutubong wikang ginagamit.
Ni hindi binanggit sa panukala ni Rep. Gunigundo ang pakahulugan sa “Filipino” yamang mahalagang salita ito bilang “pambansang wika.” Kung ituturing na lingua franca ang Filipino sa buong kapuluan, ito ay dahil sa pangyayaring malaganap sa mass media ang Filipino, at umungos nang malayo sa Tagalog; malago at mabilis magparami ng mga babasahin sa Filipino sa dami ng manunulat; at nauunawaan ang Filipino mulang Batanes hanggang Basilan at mulang Palawan hanggang Sorsogon. Tumutukoy din ang “Filipino” sa “pagsasama-sama ng samot-saring katutubong wika sa Filipinas,” tulad ng intensiyon ng mga kasapi ng Komisyong Konstitusyonal. Sa Seksiyon 4 ng panukala ni Rep. Gunigundo, mababatid na ang “Filipino” ay itinuturing na ikalawang wika imbes na lingua franca; at kung gayon ay mahihinuhang itinutumbas lamang sa “Tagalog” na wikang malaganap sa Rehiyong Katagalugan.
Ang pakahulugan ng “unang wika” ay isa pang problematiko sa panukala ni Rep. Gunigundo. Kung ito ay tumutukoy “sa wika o mga wikang unang natutuhan ng bata at kinikilala niya o tinatanaw siya bilang katutubong tagapagsalita niyon ng ibang tao, o ang pinakaalam niya at pinakamahusay gamitin,” ano sa mga unang wika ang gagamitin bilang midyum ng instruksiyon sa bata? Kahit ang sinasabing dominanteng wikang panrehiyon ay maaaring lumitaw na ikalawang wika, lalo kung ang mga magulang na iba ang wikang sinasalita ay nadestino sa malayong rehiyon at hindi sila taal na tagaroon. Sa ganitong pagkakataon, ang guro ay mapipilitang maging polyglot sa loob ng silid-aralan, at ang wika ng kaniyang pagtuturo ay ibabatay sa mayorya ng mga estudyanteng nakauunawa sa isang partikular na wika, bukod sa konsiderasyong heograpiko at politikal. Kung babalikan ang rekord ng Komisyong Konstitusyonal 1986, tanging ang Ingles ang itinuturing na “ikalawang wika” na maipapantay sa ibang internasyonal na wikang gaya ng Espanyol, Mandarin, Nihonggo, at Aleman.
Ikalawa, ang pagtukoy sa “una at ikalawang wika” ay magiging bagahe ng paaralan. Sa malalayong pook na halos hindi pa nakasisilay ng modernong pamumuhay, maaaring hindi usapin ang wika, dahil ang mga estudyante ay maipapalagay na maalam na sa wika ng pamayanan. Ang nagiging problema ay ang mga guro na itinatalaga doon ng pamahalaan, at ang mga gurong ito ay hindi malimit na taal na tagaroon at nagtataglay ng ibang wika ng edukasyon. Bukod pa rito ang kasalatan ng materyales at aklat na kaugnay ng pagtuturo, at kung isasalin ito ng mga guro ay maaaring magkaproblema kung anong ortograpiya ang susundin batay sa mga diyalektong batid ng mga estudyante. Sa kabilang dako, sa mga rehiyong naging tagpuan ng mga tao mula sa iba’t ibang rehiyon, sanhi man ng kalakalan, migrasyon, kaunlaran, at iba pang bagay, ang pagpili ng midyum ng instruksiyon ay nakasalalay sa kakayahan ng paaralan. Halimbawa, kahit nais sa Batanes na maging wika ng pagtuturo ang Itawis o Ivatan, hindi maikakaila na malakas na ang paggamit ng Filipino dahil sa mass media, at nagiging daan ito na maging lingua franca. Kung idaragdag pa rito ang migrasyon ng mga “Ipulá” (i.e., dayo na nagpasiyang manirahan sa Batanes), ang mga katutubong wika sa Batanes ay unti-unting humihina dahil nababawasan ang mga tao na gumagamit nito at nagtutungo rin sa ibayong-dagat.
Ikatlo, mapalalakas ang panukala ni Rep. Gunigundo kung sa Seksiyon 4, d, ay gagawing ang “Filipino ay magiging midyum ng instruksiyon sa sekundaryong antas, samantalang ang unang wika at ang Ingles ay gagamitin pa rin bilang mga katuwang na wika ng pagtuturo.” Sa ganitong mungkahing probisyon, ang Filipino ay sinisikap na tanggapin bilang opisyal na wika ng instruksiyon sa sistema ng edukasyon sa Filipinas, habang nililinang ang mga wikang panrehiyon, at ipinakikilala ang Ingles bilang wika ng pakikipagtalastasan sa antas na internasyonal.
Ikaapat, ang pagbuo ng “Mga Patakaran at Regulasyong Nagpapatupad ng Multi-lengguwaheng edukasyon” ay napakalimitado sa ilang pangkat lamang, at ito ay hindi dapat dominado ng Summer Institute of Linguistics, bagkus nilalahukan ng mga kinatawan ng mga organisasyong pangwika, pampanitikan, pang-edukasyon, at iba pang may malasakit na grupo at indibidwal upang mailatag ang mga pamamaraan kung paano patatakbuhin ang programa. Sa kasalukuyan, may ginagawa nang hakbang ang DepEd hinggil sa pagbubuo ng materyales, ngunit masyado itong minamadali kahit wala pang naitatakdang ortograpiya sa 11 o 12 wikang panrehiyon, at mabuti na lamang ay may ginagawa nang mga ortograpiya ang KWF. Binanggit din sa panukala ang KWF, ngunit maaaring magkaroon ng problema pagkaraan, dahil bagaman ang mandato ng KWF ay gumawa ng mga pananaliksik para sa pagbubuo ng mga pambansang patakarang pangwika na may kaugnayan sa iba’t ibang larang, ang gayong mandato ay nalilimitahan sa kakulangan ng badyet. Higit na malaki ang badyet na inilaan para sa MLE sa bawat taon (P100 milyon) kaysa sa badyet ng KWF kada taon na umaabot lamang ng P35 milyon. Sa implementasyon ng MLE, ang badyet na laan dito ay halos triple ang laki sa taunang badyet ng KWF at ito ang higit na maglalagay sa alanganin na gumawa ng mga pambansang programa na magpapalakas at magpapalaganap ng Filipino sa Filipinas at ibayong-dagat.
Hindi naman dapat sagkaan ang MLE. Ngunit kung isusulong ito, mabuting isulong ito nang malinaw ang mga parametro at hindi maglalagay sa panganib na maparupok ang paglago ng Filipino sa hinaharap, dahil ito ang idinidiin ng Saligang Batas 1987.
Samantala, ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 855 ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay “nag-aatas sa bawat opisyal at tauhan ng Sandatahang Lakas ng Filipinas na sumailalim sa kurso ng oryentasyon sa kultura, wika, diyalekto, pamumuhay, gawi, tradisyon at kaugnay na bagay sa mga pamayanang pangkultura na pagtatalagahan o pagdedestinuhan sa kanila.” Maimumungkahing palawakin pa ang Seksiyon 3 nito, at ilahok kahit ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA), at ang mga pribado at publikong organisasyong pangwika, pampanitikan, at pangkultura sa loob man o labas ng akademya sa buong kapuluan. Maiuugnay ito sa multi-lengguwaheng edukasyon, ngunit dapat na nagtatampok din sa pagtuturo ng wikang Filipino bilang lingua franca sa buong bansa.
Bagaman simple sa unang malas ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 2639 ni Sen. Manuel “Lito” M. Lapid, na nag-eenmiyenda ng Seksiyon 447 (a)(3)(iv) ng Kodigo ng Pamahalaang Lokal, ito ay napakahalaga. Kung mapagtitibay, ang lahat ng senyas, paskil, at bilbord na nakasulat sa banyagang wika bukod pa sa Ingles ay dapat tumbasan ng salin sa Filipino o Ingles. May katotohanan at napapanahon ang panukala ni Sen. Lapid, dahil dumarami ang mga restoran, bar, at iba pang establisimyento na ang mga bilbord at paskil ay pawang nasusulat sa Koreano, Tsino, Indian, at Iranian ngunit walang katumbas na salin yaon sa Filipino. Bagaman ipinapalagay na esklusibo ang nasabing mga establisimyento para sa mga dayuhan, hindi umano kinakailangang dumanas ng deskriminasyon kahit ang karaniwang mga Filipino. Sa paliwanag ng butihing senador, ang mga Filipino ay hindi dapat maging banyaga sa sariling bansa, at dapat maiwasang matiwalag at dumanas ng deskriminasyon kahit sa pagpasok sa mga restoran at aliwan.
Kung babanggitin ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 1770 ni Sen. Miriam Defensor Santiago, na nag-aatas na gumamit ng karaniwan at payak na wika sa paghahanda ng mga dokumento sa seguro [insurance documents], masasabing higit na makatitipid kung gagamit na lamang ng wikang Filipino at kaugnay na wikang panrehiyon. Maipapaliwanag sa magkabilang panig ang nilalaman ng bawat probisyon ng kontrata o dokumento, at hindi nangangailangan pa ng abogado. Makaiiwas din sumunod sa komplikadong jargon ng Ingles, at maitutuon ang dokumento sa nilalaman, ayon sa pagkakaunawa ng publiko. Higit na makatitipid kung gagamit ng Filipino dahil hindi na kailangan pang dumaan sa Ingles na ang diskurso ay malayo sa hinagap ng Filipino. Ang Panukalang Batas sa Senado Blg. 1859 ni Sen. Santiago, sa kabilang dako, ay nag-aatas naman sa mga ahensiya ng pamahalaan na gumamit ng karaniwang wika [plain language] sa mga komunikasyon, batay sa itatadhanang alituntunin ng Komisyon sa Serbisyo Sibil sa lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaan. Bagaman maalam sa Saligang Batas, kakatwang nakaligtaan ng butihing senador ang probisyon hinggil sa wikang Filipino ng Saligang Batas 1987. Nakalimutan din ng senador ang Kautusang Tagapagpaganap 335 noong Administrasyong Corazon Aquino, na nag-aatas na gamitin ang Filipino sa mga opisyal na korespondensiya, komunikasyon at transaksiyon sa pamahalaan. Kung gagamitin ang Filipino sa mga korespondensiya, komunikasyon at transaksiyon ng mga ahensiya ng pamahalaan, ani Retiradong Hukom Cezar Peralejo, makatutulong ito nang malaki sa publiko at sa mga empleado ng gobyerno dahil mabubuwag ang moog ng pagkakaunawaang sanhi ng paggamit ng Ingles.
Binanggit ang mga panukalang batas na ito dahil malaki ang implikasyon nito sa pambansang adyenda ng Administrasyong Aquino. Makabubuting usisain ang bawat panukala, at aktibong makilahok ang publiko sa mga deliberasyon. Sa susunod, maaaring ang wika ng pagdinig sa kapuwa Mataas at Mababang Kapulungan ay gawing Filipino (o kaya’y tumbasan sa Filipino), habang katuwang na wika ang Ingles at iba pang wikang panrehiyon, para maunawaan ng nakararaming bilang ng mga Filipino, kung gagawa ng panuhay na batas sa Saligang Batas 1987. Hindi dapat maging esklusibo ang usapan. Magandang halimbawa ang sinimulan ni Pang. Aquino kung paano dapat makipag-usap sa mga Filipino, ang makipag-usap nang tapat at alinsunod sa diskurso at wika ng milyon-milyong Filipino.
Kailangang ihayag sa wikang Filipino ang Senate Joint Resolution No. 10, na nagpapanukala ng pagtatatag ng kakatwang uri ng Federalismo sa Filipinas at nang masuri ng taumbayan ang niluluto ng mga politiko at kasapakat nila sa lipunang sibil.
Ang nasabing resolusyon ay nilagdaan nina Aquilino Q. Pimentel Jr., Edgardo Angara, Rodolfo Biazon, Pia Cayetano, Juan Ponce Enrile, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Francis Pangilinan, Ramon Revilla, at Manuel Villar. Nananawagan ang resolusyon na magpulong ang mga mambabatas ng kongreso “para sa layuning baguhin ang saligang batas nang maitatag ang federal na sistema ng pamahalaan.”
Ikinatwiran ng resolusyon na ang sentro ng kapangyarihan at pananalapi ay nasa Maynila, at naiwan ang malalayong lalawigan ng bansa. Puta-putaki umano ang pag-unlad, at nakikinabang lamang ang ilang malapit sa administrasyon. Ang ganitong kalagayan ay nagsilang ng malawakang kahirapan at armadong pag-aaklas sa buong bansa. Upang malutas ito, iminumungkahi ang pagtatatag ng labing-isang estado bukod sa Metro Manila. Ang ganitong uri ng lohika ay waring mula sa mga demagogong politikong Sebwano, na laging inaakusahan ang “Imperyalistang Tagalog na Maynila” sa mga kapabayaan sa kanilang rehiyong sila rin ang may kagagawan.
Binanggit din sa resolusyon na may tatlong paraan para enmiyendahan ang Saligang Batas ng 1987. Una, sa pamamagitan ng Kumbensiyong Pansaligang Batas (Consitutional Convention). Ikalawa, sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas (Constituent Assembly). At ikatlo, sa pamamagitan ng pagkukusang popular (popular initiative). Pinakaangkop umano ang pang-enmiyenda sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas, at bagaman walang binanggit na dahilan, ay mahihinuhang ito ang pinakamabilis at pinakamatipid na hakbang na papabor sa mga mambabatas imbes na sa taumbayan. Ang tangkang pabilisin ang pag-enmiyenda sa Saligang Batas ay nabanggit ni Sen. Manny Villar noong 13 Agosto 2008. Aniya:
Meron tayong proposed resolution, ibig sabihin niyan, sisimulan ang diskusyon. Nagugulat nga ako dahil iyong iba ang akala ay tapos na ang resolution sa Senado. Ang proseso dito sa Senado ay matagal pa. Itong proposal na inihain ni Sen. Pimentel na pinirmahan naman ng mahigit 12 na mga senador, ay para talakayin ang isyu ng federal system of government. Mahaba pa iyan. Nais rin nating ipakita na dito sa Senado ay talagang transparent tayo. Lahat ay iimbitahin, lahat ay pakikinggan. Kung hindi maganda ang lumabas, hindi mananalo iyan sa voting. Kaya ang resolusyon na iyan ni Sen. Nene ay matagal pa. Hindi pa nga sinisimulang talakayin sa committee kaya nagtataka ako na parang advance na advance na.
Kung totoo ang sinasabi ni Sen. Villar, ang kaniyang paglagda umano sa naturang resolusyon ay upang pag-usapan ang panukalang pag-enmiyenda ng Saligang Batas, at hindi nangangahulugan ng awtomatikong pagsang-ayon sa gayong panukala. Nais niyang maging lantad sa taumbayan ang talakayan, na taliwas sa palihim na pagmamaniobra, gaya ng naganap sa labag sa Konstitusyong Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD). Ngunit para sa ibang kasapi ng lipunang sibil, ang pagpapasa ng naturang resolusyon ay isang hakbang palapit tungo sa mithing federalismo. Ang pagpapalit ng liderato sa senado ang ikinatutuwa ng mga tagasuporta ng federalismo, na inaasahang pabibilisin ang pagsasabatas ngayong ang mga pinuno ng kapuwa senado at kongreso ay kakampi ng administrasyon.
Bibiyakin ang Filipinas sa labing-isang estado, at kabilang dito ang sumusunod: Estado ng Hilagang Luzon; Estado ng Gitnang Luzon; Estado ng Timog Katagalugan; Estado ng Bikol; Estado ng Minparom; Estado ng Silangang Visayas; Estadong ng Gitnang Visayas; Estado ng Kanlurang Visayas; Estado ng Hilagang Mindanao; Estado ng Katimugang Mindanao; at Estado ng Bangsamoro. Ikakabit naman ang Metro Manila sa Federal Administrative Region, at animo’y palamuti lamang sa nasabing grandeng lunggati. Sa ganitong kalawak na pagpaparte ng mga lalawigan, nakapagtatakang minamadali ng mga mambabatas ang pagsusulong ng federalismo. Parang ang federalismo ang mahiwagang pildoras na papawi ng sakit ng bansa, at ito ay isang kaululan kung dadaanin lamang sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas. Ang masaklap, nais ipadron ang uri ng federalismo sa Filipinas doon sa uri ng federalismo sa Estados Unidos ng Amerika, Afrika, at Europa, ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na maliit ang Filipinas na may multinasyonal na pamayanan. Kahanga-hanga ang ganitong panukala, at dapat ibitin patiwarik ang sinumang may pakana ng ganitong panggagagad.
Walang malinaw na dahilan sa pagkakabaha-bahagi ng mga lalawigan para maging nagsasariling mga estado. Ang paghahati-hati ng Filipinas ay mahihinuhang ginagabayan ng mga katwirang pangheograpiya, pampolitika, at pangwika, at kahit iginigiit ang usaping pangkultura ay malabo dahil hindi batid kung sino ang magtatakda nito. Sa panukalang susog sa Konstitusyon, ang pagtatalo sa mga sasaklawin ng mga estado ay aayusin ng Commission on Intra-State Boundary Disputes na pangunguluhan ng Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG). Problematiko ito, dahil ang anumang pag-aaway hinggil sa teritoryo ay maaaring pagsimulan ng digmaan ng mga estado, at mauwi sa tandisang pagsasarili ng estado upang maging bukod na bansa palayo sa Filipinas.
Sa ilalim ng Seksiyon 15, Artikulo 12 ng panukalang susog sa Konstitusyon, ang mga estado ay maaaring lumikha ng mga nakapagsasariling rehiyon (autonomous region) na pawang binubuo ng mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at pook na saklaw na may “bukod na pangkultura’t pangkasaysayang pamana, pangkabuhayan at panlipunang estruktura, at iba pang katangiang saklaw ng Konstitusyon.” Ang ganitong tindig ay mahihinuhang rehiyonalista, kung hindi man baryotiko, dahil tinatangka nitong biyakin sa maliliit na bahagi ang Filipinas sa ngalan ng kalayaan, kasarinlan, at kaunlaran.
Ang pagbiyak sa Filipinas ay kaugnay ng isinusulong na multilingguwalismo sa Filipinas, at pakana ng gaya ng Defenders of Indigenous Languages of Archipelago (DILA) at Save Our Languages Through Federalism (SOLFED) na pawang may mga patakarang kumokontra sa diwain at wikang Filipino. Nilalayon ng DILA at SOLFED na ikabit ang usapin ng wika sa usapin ng heograpiya, politika, kasaysayan, at ekonomiya, at nang maitampok ang kaakuhan ng mga lalawigan. At upang maisakatuparan iyon, sinisikap nitong pahinain ang estado ng Filipino (na baryedad lamang umano ng Tagalog), gawing lingua franca ang Ingles sa buong kapuluan, at ikubli ang gayong pakana sa pamamagitan ng pamumulitika. Kung babalikan ang panukalang pagsusog sa Konstitusyon, ang dominanteng wika sa rehiyon (halimbawa na ang Ilokano at Bikol) ay gagamitin lamang mulang una hanggang ikatlong grado sa elementarya. Pagkaraan nito, mahihinuhang Ingles na ang gagamitin sa mga rehiyon. Ang ganitong panukala ay dapat ibasura, dahil hindi ito tumutulong para paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas bagkus nagpapabilis pa ng pagkalusaw nito.
Pumapabor ang federalismo sa pagpapalawak ng saklaw ng kapangyarihan ng mga politiko. Sa ilalim ng Artikulo 10, na pinamagatang Lehislatura ng Estado, ang bawat estadong lehislatura ay bubuuin ng tatlong kinatawan ng bawat lalawigan at lungsod. Ang nasabing mga kinatawan ay ihahalal ng mga kasapi ng sangguniang panlalawigan at sangguniang panlungsod. Samantala, ang mga kinatawan ng mangingisda, magsasaka, at matatanda ay hihirangin ng kani-kanilang sektor. Ang masaklap, kinakailangang rehistratrado ang mga samahan ng mangingisda, magsasaka, at matatanda sa State Social Welfare Department. Sa ganitong kalagayan, maaaring magamit lamang sa pampoitikang adyenda ang nasabing mga sektor imbes na pangalagaan ang kalagayan ng mga dukha at nangangailangan. Ito ay dahil binibigyan ng kapangyarihan ang gobernador ng estado na hirangin ang mga kinatawan sa tatlong sektor.
Magiging makapangyarihan ang gobernador ng estado, na ihahalal ng mga kalipikadong botante ng mga lalawigan, lungsod, munisipyo, at barangay na pawang nasa loob ng naturang estado. May karapatan siyang mahalal nang tatlong sunod na termino, at bawat termino ay may apat na taon ng panunungkulan. Ipatutupad ng gobernador ng estado ang mga batas na pinagtibay ng Kongreso at Lehislatura ng Estado. Binibigyan din siya ng kapangyarihang humirang ng mga kawani at opisyales ng kagawarang pang-estado, at pumili ng mga opisyal at empleado ng kaniyang estado. Ang ganitong panukala ay masasabing malikhaing debolusyon ng diktadura, at pumapabor sa mga politikong may mahigpit na kapit sa kani-kanilang lalawigan.
Ang nakapagtataka’y ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal (1991) ay babaguhin na naman, na nakapanghihinayang dahil nagtatakda ito ng mga pamamaraan kung paano magiging epektibo at makapangyarihan ang bawat pamahalaang lokal at nang maisalin dito ng pamahalaang pambansa ang mga kinakailangang yaman at kapangyarihan. Ang anumang pagkukulang ng nasabing Kodigo ang dapat sinususugan sa Kongreso upang mapalakas ito at pumabor sa taumbayan, imbes na panghimasukan ang Saligang Batas at itaguyod ang Federalismo. Si Sen. Pimental ang nagsulong ng nasabing Kodigo, ngunit ngayon ay bumabaligtad at pumapabor sa federalismo. Kung anuman ang pagkukulang ng Kodigo sa yugto ng pagsasakatuparan ay hindi malulutas sa pamamagitan ng pagtatatag na federal na sistema ng pamahalaan. Kailangan ang matibay na pampolitikang kapasiyahan ng pamahalaan upang maipatupad ang mga programa at patakaran nito alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas at kaugnay na batas, kautusan, at alituntunin.
Napakahina ang mga seksiyon sa panukalang susog sa Konstituyon, lalo sa pangangalaga ng kaligiran, pagrepaso ng pamumuhunan sa likas na yaman, pangungutang sa ibang bansa, kalakalan, at iba pa. Higit na nakatuon ang mga pag-enmiyenda sa politikang aspekto at hindi sa tunay na ikaaangat ng kabuhayan at ikatitiyak ng magandang kinabukasan ng mga Filipino. Ang mungkahi ko’y pag-aralan at pagdebatehan ito nang maigi, hindi lamang ng mga politiko, kundi ng buong sambayanan. Sa kasalukuyang komposisyon ng Kongreso at Senado ngayon, malaki ang posibilidad na ang pagbabago sa Saligang Batas ay para pahabain ang termino ng pangulo at ng kaniyang mga alipuris na mambabatas na dapat nang nagpapahinga dahil sa kahinaan bilang mga mambabatas at tagapagpatupad ng batas. Ayon sa artikulo ng Center for People Empowerment in Governance (CENPEG), ang panukalang federalismong isinusulong ni Sen. Pimentel ay umaalingawngaw sa panukala ni Jose V. Abueva, at nagpapalakas sa kapangyarihan ng oligarkiya sa Filipinas imbes na bigyan ng kapangyarihan ang mga dukha at mahina.
Inilahad ni Abueva ang mga bentaha ng federalismo, at kabilang dito ang sumusunod: Una, makapagtatatag umano ito ng makatarungan at pangmatagalang balangkas para sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng iba’t ibang pangkat etniko, relihiyoso, at kultura, lalo sa panig ng mga Bangsamoro at lumad. Ang ganitong mungkahi ay ipinalalagay na ang buong bansa ay watak-watak, at nasa yugto ng digmaan, at wala nang magagawa pa kundi pagbigyan ang paghahati-hati ng teritoryo. Ang federalismo ay lalong makapagpapalakas para sa mga armadong pangkat na magsulong ng rebelyon, at tuluyang kumawala sa saklaw ng Filipinas. Ipinupunla ng federalismo ang pagkakawatak ng mga mamamayan, dahil ang sinasabing labing-isang nasyon ay nagpapahalaga sa rehiyonalismo imbes na sa kabansaan ng buong Filipino.
Ikalawa, ang desentralisasyon at debolusyon ng kapangyarihan, ani Abueva, ay hindi makauusad sa lumang sistemang unitaryo kahit pa nakasaad iyon sa Saligang Batas ng 1987 at Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991. Sa ganitong kuro-kuro, ang dapat inaalam ay kung ano ang mali sa pagsasakatuparan ng mga batas at patakaran ng pamahalaan. Ang pagsasabing sumapit na sa “wakas” ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal dahil ang pangunahing awtor niyon na si Sen. Pimentel ay bumaligtad saka pumabor sa federalismo ay simplistikong palusot sa kabiguan ng desentralisasyon at debolusyon. Hindi makausad nang ganap ang desentralisasyon at debolusyon dahil hangga ngayon ay hindi pa nasasapol ng taumbayan ang esensiya ng mga konseptong ito. Ang pagkakamali ay maaaring malutas kung magtutulungan ang kapuwa pambansa at pamahalaang lokal sa implementasyon ng Kodigo.
Ikatlo, mabibigyan umano ng kapangyarihan ng Republikang Federal ang mga mamamayan, at mapatataas ang estandard ng kabuhayan at pakikilahok sa pampolitikang aspekto. Ideal itong pangarap, ngunit hindi nito isinasaalang-alang na ang mga lalawigan ay kontrolado pa rin ng ilang maykayang pamilya, at ang mga pamilyang ito ang humahawak ng pampolitikang kapangyarihan. Ang korupsiyon, karahasan, at paghahari sa mga pamayanan ay nakasalalay kung sinong pangkat ang may hawak ng sandata at kayamanan, at napakahirap ipangaral ang “kahusayan sa pamamahala” sa mga liblib na nayong kulang sa oportunidad ang mga tao na makapag-aral at humawak ng kayamanan.
Ikaapat, sinabi ni Abueva na ang federalismo ay makahihimok sa mga pinuno, negosyante, at taumbayan na maging responsable at tanganan ang kanilang kapalaran. Ipinapalagay dito na makikilahok ang mga tao sa mga pagpapasiya sa pamahalaan, ngunit maituturing itong panaginip hangga’t hindi nabubuo ang mga maláy, organisadong mamamayan. Ang pag-unlad ng panukalang labing-isang nasyon ay sasalalay sa naimbak nitong yaman, mulang likas yaman hanggang impraestruktura, komunikasyon, at transportasyon. Sa sitwasyon sa Filipinas, ang paghahari ng mga maykayang pamilya at armadong pangkat ay matitiyak sa federalismo dahil tuwiran nitong mahahawakan sa leeg ang taumbayan.
Ikalima, mapabibilis umano ng federalismo, ani Abueva, ang paglinang sa kaunlarang pampolitika, pang-ekonomiya, panlipunan, at pangkultura. Magkakaroon umano ng inter-estadong kompetisyon sa pagkuha ng kapuwa domestiko at banyagang pamumuhunan, propesyonal, manggagawa, turista, at iba pa. Lalago umano ang mga lalawiganing wika, kultura, at sining. Maganda ito ngunit mananatiling pangarap lamang ito para sa ilan, dahil ang gayong kompetisyon ay hindi nagpapamalas ng kompletaryong paghahayag ng kalakasan ng bawat “nasyon,” bagkus naglalantad pa ng pagtatangi sa iba na mauuwi sa pagkakahati-hati ng mga mamamayan. Nabansot ang mga lalawiganing wika at kultura dahil na rin sa matagal na kapabayaan ng mga lokal na politiko, negosyante, at intelektuwal na pawang pumanig sa paglinang ng Ingles at banyagang kultura, at hindi ito malulutas sa kisapmatang federalismo. May itinatadhana na ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal at ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) kung paano mapalalago ang katutubong kultura, ngunit ang nakapagtataka’y hindi ito alam ng mga lokal na opisyal kaya hindi naipatutupad nang ganap sa kani-kanilang lugar.
Pinakamahalagang aspektong binanggit ni Abueva na makapagpapalalim umano ng demokrasya ang federalismo habang lumalaon. Sa ganitong palagay, animo’y mahina ang “demokrasya” sa buong Filipinas. Kung mahina ang demokrasya sa bansa, ang dapat pinagtutuunan ng mga politiko ay kung paano “mapapalawak at mapatitibay” ang demokrasya at mauuwi ito sa dating implementasyon ng mga programa at patakaran sa mga lalawigan. Kung ang parehong mga politiko at kaanak nila ang maghahari sa iba’t ibang “nasyon” o rehiyon, ang pangarap na demokraya ay para sa lalong ikalalakas ng oligarkiya dahil nasa sirkulo nito ang kayamanan, kapangyarihan, at koneksiyon upang manatili sa poder.
Hindi malulutas ang problema ng bansa sa simpleng pagbabago ng Konstitusyon. Kung babaguhin man ang Konstitusyon, kinakailangang pagbotohan muna ito ng mga mamamayang Filipino at isailalim sa Kumbensiyong Pansaligang Batas, at hindi basta pakikialaman lamang ng mga mapagdududahang mambabatas ng Kongreso. Maraming matitinong batas ang napagtibay sa Kongreso ngunit hindi ipinatutupad dahil na rin mismo sa maruming pamumulitika. At yamang hindi ito ipinatutupad, ang dapat palitan ay ang mga namumuno sa pamahalaan at hindi ang mga batas. Marahil, napapanahon nang makialam at gumising ang taumbayan at maghimagsik sa mapayapang pamamaraan. Kailangang maging maláy ang bawat Filipino sa ipinapanukalang “federalismo” at “sistemang federal na pamahalaan” dahil ang ganitong pakana ay yumayanig sa pundasyon ng Filipinas at nagpapaalab para magkawatak-watak ang mga Filipino ngayon at sa hinaharap.
Lumikha ng alingasngas ang mga artikulong sinulat ko na sagot sa mga akda nina Dr. Aurelio Agcaoiliat Dr.Ricardo Nolasco. Inulan ako ng tawag, text, at email, na ang karamihan ay positibong tugon hinggil sa aking panig na nagpapaliwanag sa wikang Filipino. Ngunit may isang tao na gaya ni Dr. Jose Dacudao, na isa umanong siruhano sa utak, na sumagot sa aking akda at nanggagalaiti nang sukdulan. Ang kaniyang akdang Trolling Añonuevo ay mababasa sa dalawang blog ni Agcaoili.
Isinasaad ni Dacudao na inatake ko nang personal si Agcaoili at hinagip pa si Nolasco. Ngunit kung malinaw ang paningin nitong si Dacudao ay mahihiwatigan niya sa aking mga akda na hindi sina Agcaoili at Nolasco ang pinupunto ko kundi ang mga pagbaluktot nila sa kasaysayan at datos upang pangatwiranan ang dominasyon umano ng Tagalog sa pangkalahatang buhay ng mga Filipino. Kung binasa nang maigi ni Dacudao ang aking mga akda ay mahihiwatigan niya roon kung paanong pinahihina ng dating punong komisyoner Nolasco ang estado ng wikang Filipino upang maisulong ang multilingguwalismo (at palakasin ang paggamit ng Ingles). Mababatid din niya ang kabihasaan sa meme ni Nolasco, mulang pagkasangkapan sa lingguwistika hanggang pagkakaunawa sa kasaysayan at patakarang pangwika ng Filipinas. Ngunit higit pa rito, mauunawaan niya ang saliwang panunuri ni Agcaoili hinggil sa lalawiganing wikang Tagalog at sa ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa. Masyadong nakaiwanan na ng panahon itong si Agcaoili, at ang kaniyang mga banat sa Tagalog at sa Filipino mulang pagbasa ng kasaysayan hanggang paggamit ng lente ng lingguwistika ay napakarupok. Hindi kataka-taka na ang paraan ng pagdestrungka niya sa Tagalog ay maraming sablay, dahil mabuway ang mga ginamit niyang batayan, pagpapakahulugan, at pangangatwiran.
Ang nakatatawa’y dumating itong si Dacudao at inakusahan akong “language killer,” “stupid,” “greatest linguistic idiot,” “Tagalog imperialist,” “racist,” “jingoist,” “ultra-nationalist,” at iba pang makukulay na taguri, saka iminungkahing magtungo na lamang ako sa India o Australia para doon mangaral. Nakisawsaw pa ang kaniyang alipuris na Bikolano, Kapampangan, at Ilokano na pawang nagkukubli sa mga sagisag panulat at kasapi ng DILA (Defenders of the Indigenous Languages of the Archipelago), at binansagan akong “apathetic, selfish person,” “oppressor,” “coward,” at “ethnic racist” [Tagalog Nazi] na ang tanging hangad lamang umano ay panaigin ang Tagalog. Aba’y napakahamak ko para sagutin ang ganitong mga paratang at pang-aasar. Ang paratang ni Dacudao (at ng kaniyang mga kasapakat) na binanatan ko nang personal (at binayagan) sina Agacaoili at Nolasco ay bumabalik na mariing sampal sa kaniya bilang patotoo sa uri ng kaniyang pangangatwirang ad hominem. Sumasalamin din sa uri ng kasapian ng DILA ang maruming propaganda at pamumulitika nito sa ngalan ng pagtatanggol ng mga wikang lalawiganin.
Walang direksiyon ang lohika ng tuligsa ni Dacudao sa aking mga akda. Inakusahan niya ako na ibig ko raw palitan ng Tagalog ang lahat ng mamamayan sa Filipinas. Na para daw maging mahusay na “Filipino” ay dapat maging “nasyonalistang Tagalog.” Ang ganitong haka-haka ay hindi nagmula sa akin. Ito ang propaganda ni Dacudao na ibig niyang ipakalat sa daigdig, at maaaring sinesegundahan ng gaya ni Agcaoili.
Nangangamba si Dacudao na ang wikang Sebwano ay maaaring mamatay sa loob ng tatlong siglo kapag hindi nagbago ang trend batay sa sarbey ng National Statistics Office. Sinabi ko raw na ang preserbasyon ng gayong wika ay mapanganib. Ha? Ano uli? Hindi lamang duling bumasa itong si Dacudao. Binabaluktot pa niya ang aking akda upang ipamalas ang kaniyang intoleransiya sa Tagalog bilang panrehiyong wika, at sa Filipino bilang pambansang wika. Kahit bali-baligtarin ang aking mga artikulo ay wala siyang makikita ni katiting na pahiwatig na ibig kong patayin ang Sebwano o iba pang wikang lalawiganin. Mamamatay ang Sebwano dahil ang mga manunulat, intelektuwal, politiko, at negosyanteng dapat sanang nagbubuhos ng talino at yaman para palawigin ang wikang Sebwano ay nawawala, at karamihan sa kanila ay lumipat na sa paggamit at pagtataguyod ng Ingles. Namamatay ang Sebwano dahil malaganap na ang penomenon ng migrasyon at urbanisasyon, at kung nagbabasa si Dacudao ay mababatid niyang hindi estatiko ang Sebwano na maikakahon at madidiktahan sa pamamagitan ng pamumulitika. Namamatay ang Sebwano, hindi dahil sa paglaganap ng Filipino, kundi sa mismong kapabayaan ng mga Sebwano—mapa-gobyerno man o mapa-pribado—na gamitin sa iba’t ibang larang ang wikang Sebwano. Hindi malulutas ng pagsasabatas na gawing pambansang wika ang Sebwano at ang mahigit 100 wika sa Filipinas para maiahon sa panganib ang mga wika. Kailangang aktibong gamitin iyon ng mga tao araw-araw, may bagyo ma’t may rilim, imbes na palaganapin ang Ingles. Ang pagkilala sa Ingles na ito lamang ang may kakayahang makapag-ugnay sa mga tao sa iba’t ibang lalawigan at diasporang Filipino, at magpapantay sa estado ng mga taal na wika, ay isang mitong alinsunod sa kolonyalistang pananaw.
Ang paggamit ng Filipino ay hindi nangangahulugang pagpatay sa Sebwano, Iluko, Kapampangan, at iba pang taal na wika sa Filipinas. Walang patakaran at programa, hayag man o lihim, ang magpapatunay na pinapatay ng Filipino ang Sebwano at iba pang taal na wika. Ang paggamit ng Filipino ay pagbubuo ng tulay sa mga lalawigan, upang magkaunawaan ang mga Filipino anumang taal na wika ang kanilang ginagamit at pinagmumulan. Ang kakatwa’y ibig ni Dacudao at ng mga kasapakat niya sa DILA na gamitin ang Ingles, na wikang banyaga at wika ng kolonisasyon, upang maging wika at diskurso ng mga Filipinong iba ang kultura, kaligiran, at kontekstong pinag-uugatan kaysa mga Amerikano. Titigan ang sumusunod at namnamin ang winika ni Dacudao:
We certainly can communicate with other Philippine ethnic groups in English and we did so during the American colonial period with no trouble at all, the way Indians until today use English to communicate with each other amidst the diversity of their languages. English functions as a socially leveling tongue in the Philippines, the use of which renders all ethnic groups socially equal for there is no ethnic group that claims an identity defined by English, the same way that French is used as a socially leveling tongue in parts of Africa, thus protecting small ethnolinguistic groups from extinction. English is also a necessary language for our overseas workers, and in science and commerce. The imposition of Tagalog among us has resulted only in a feeling of social inferiority among non-Tagalogs, a degradation of our education since our youth now find it harder to comprehend English Science and other educational books, and has also degraded our English language skills, so that our overseas workers find it harder to communicate abroad. These are the very same workers that keep our economy from collapsing. Without our workers’ knowledge of English, our economy would collapse.
Apparently what Anonievo [sic] wants is to idiotize and pauperize us, in his campaign to turn us all into Tagalogs.
Nagmamadali ang lohika ni Dacudao. Para bang ang lahat ng Filipino ay napakagaan umingles, at maipahahayag nila ang kanilang iniisip at niloloob sa pamamagitan ng Ingles. Maaaring ang tinutukoy ni Dacudao ay ang mga Filipinong sinuwerteng makapag-aral at natutong umingles, at sinadya niyang ipinid ang paningin sa kapalaran ng milyon-milyong Filipino na hindi makaunawa sa Ingles. Paano magiging “levelling tongue” ang Ingles sa Filipinas? Ito ang kakatwang panukala ng gaya nina Agcaoili at Nolasco na pawang sinisipat ang Filipino na kalaban ng mga taal na wika sa Filipinas upang mailigtas sa tuligsa ang Ingles. Ang totoo’y ginagamit sa bansa ang Ingles upang patuloy na hamakin, lupigin, at paikutin ang mga Filipino upang mawalan sila ng tiwala sa sariling wika, at sumamba sa ipinangangakong langit ng banyagang wika. Mulang paaralan hanggang hukuman, mulang kalakalan hanggang pamahalaan, ginagamit ang Ingles na lalong nagpapatiwalag sa mga Filipino sa kani-kaniyang sarili at bansa. Ang paghahambing ni Dacudao sa karanasan ng mga katutubong Indian sa Amerika at sa mga mamamayan ng Africa sa karanasan ng mga Filipino ay sablay dahil magkasalungat ang pinagmumulang polo ng mga tinukoy na tao. Hindi binanggit ni Dacudao na kaya nalusaw ang kultura at wikang Indian ay dahil sa Ingles. Hindi rin binanggit niya na kaya nangangamatay ang mga wika sa Afrika ay dahil ipinipilit ipagamit ang Ingles, Pranses, at iba pang banyagang wika, kahit malagay sa alanganin ang mga Afrikano at manatiling nakapailalim sa mga mananakop. Hinggil naman sa mga migranteng manggagawang Filipino, nagkakaroon sila ng trabaho dahil sa taglay nilang kasanayan, talino, at sigasig sa piniling lárang at propesyon, at hindi dahil sa kahusayan sa pagsasalita ng Ingles. Samantala, nababalam ang paglago ng agham at teknolohiya sa bansa dahil ang wika ng pagtuturo ay Ingles, imbes na gamitin ang Filipino at iba pang taal na wika sa Filipinas.
Ang nakapagtataka’y isinisisi ni Dacudao sa Tagalog ang paghina sa Ingles ng mga Filipino. Isinisisi rin ni Dacudao at ng mga kasapakat niya sa DILA na pinahihina ng pambansang wikang Filipino ang paggamit ng Ingles sa mga Filipino. Ito ang mito ng mga tagapamansag ng Ingles na dapat basagin nang ganap. Humihina sa Ingles ang mga Filipino dahil nabigo ang Ingles na hulihin ang guniguni ng mga Filipino. Humihina ang Ingles dahil sadyang mahina ang edukasyong laan sa Ingles para sa mga Filipino. Humihina ang Ingles dahil iba ang uri ng komunikasyon ng mga Filipino kaysa mga Amerikano, at hindi papabor kailanman ang mga Filipino sa banyagang wika maliban sa ilang pagkakataon na pinalad makapag-aral ng Ingles ang isang tao. At lumalakas ang paggamit ng Filipino hindi dahil nagmula ito sa Tagalog, bagkus sa kolektibong paggamit nito at pagtanggap ng mga Filipino para sa kani-kanilang pang-araw-araw na komunikasyon at transaksiyon sa loob at labas ng Filipinas.
Nais ko bang maging Tagalog ang lahat ng Filipino, ayon sa kuro-kuro ni Dacudao? Hindi. Ang hangad ko’y maitaguyod ang solidong pambansang wikang kayang makapagbuklod sa lahat ng Filipino, anuman ang kanilang wika, lalawigan, lipi, relihiyon, at uring pinagmulan. At magagawa ito sa pamamagitan ng Filipino, na sinusuhayan nang matibay ng lahat ng taal na wika sa Filipinas, at masinop na tumatanggap ng mga salita mula sa mga internasyonal na wika. Maraming matututuhan ang mga lalawiganing wika sa Filipinas kung paano palalaguin ang mga ito kung pag-aaralan ang ebolusyon ng Filipino. Ngunit minamasama ng gaya ng DILA ang Filipino—na tumatangging kilalaning pambansang wika ang Filipino at umano’y baryedad lamang ito ng Tagalog—saka igigiit na gawing pambansang wika ang lahat ng taal na wika sa Filipinas, samantalang Ingles ang magiging lingua franca ng mga lalawigan.
Galit na galit si Dacudao sa aking tindig hinggil sa Ingles. Aniya,
Anonuevo glorifies Tagalog and rants against English. He should seriously try unlearning all of whatever English he knows, and see whether or not people will understand him in the internet. The trouble is that he wants all of us to unlearn English too. That would not be advisable. If Anonuevo wants to make an idiot out of himself by unlearning all the English he knows, fine. Hopefully all other Tagalistas would follow suit. We should not.
Ang problema kay Dacudao ay nagpaparatang siya nang wala sa lugar. Nais ko bang hikayatin ang lahat ng Filipino na ibasura kundi man talikuran nang ganap ang Ingles? Hindi. Saliwang opinyon ito ni Dacudao, at alinsunod sa pagsagap niya sa aking akda. Kailangang tanggalin muna ni Dacudao ang lahat ng kaniyang prehuwisyo laban sa Filipino, at ituwid ang kaniyang baluktot na edukasyong batay sa Ingles, para maunawaan niya ang pambihirang pahiwatig ng aking tugon sa mga akda nina Agcaoili at Nolasco. Kailangan nating mag-aral ng Ingles, ngunit hindi dapat limitado ang ating daigdig sa Ingles bagkus maging bukás sa iba pang internasyonal na wika.
Ipinagtatanggol ni Dacudao si Nolasco, at sino ba ako para pigilin ang gayong nais ni Dacudao? Malaya si Dacudao na ipagtanggol si Nolasco—ang dating pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino—na nais patakbuhin ang KWF kahit labag sa batas, at kahit ilegal ang kaniyang panunungkulan. At ang mabigat, isinusulong ni Nolasco ang kaniyang uri ng patakarang multilingguwal nang labag sa Konstitusyon, at pailalim na pinahihina ang estado ng wikang Filipino sa kabuuan. Bakit hindi magtanong si Dacudao sa mga kawani ng KWF? Kailangang mabatid ng taumbayan ang mga ginawang katarantaduhan ni Nolasco sa loob at labas ng KWF, at dapat magsaliksik si Dacudao upang maipagtanggol ang kaniyang manok. Hinahamon ko rin ang mga interesadong mamamahayag sa pahayagan, radyo, at telebisyon na imbestigahan si Nolasco upang mabatid ang katotohanan.
Gaya ng nabanggit ko, napakahina ng sagot ni Dacudao sa aking tugon sa mga akda nina Agcaoili at Nolasco. Parang loro itong si Dacudao na inulit lamang ang opinyon ng kung sinong lingguwista, at naniwala sa baluktot na pagbasa sa kasaysayan, kaya hindi ko na papatulan. Ang kaniyang pagtatanggol sa Ingles ay pambihira—at sintomas ng edukasyong kolonyal—at mahihinuhang nais niyang pangibabawin ang Ingles sa hanay ng mga taal na wika sa Filipinas. Ang masaklap, ginagawa niyang dahilan ang multilingguwalismo at ang paggamit ng Ingles sa Filipinas kaugnay ng pag-enmiyenda sa Konstitusyon at pagtataguyod ng Federalismo.
Ang Federalismo ang mahihinuhang adyenda ng ilang Sebwanong politiko at kasapakat nila sa Batasan upang manatili sa poder at patuloy na maghari sa pamahalaan kahit isinusuka na ng taumbayan. Ito ang dapat mabatid ng mga Filipino. Pangunahing tagagpasulong nito ang SOLFED(Save Our Languages Through Federalism, Inc.) at DILA na ang higit na layon ay ibunsod ang Federalismo sa Filipinas, samantalang ginagamit na kasangkapan ang usapin ng multilingguwalismo para panghimasukan ang Saligang Batas ng 1987. Dapat mag-isip-isip kahit ang mga Sebwano at Butuanon sa pakanang ito ni Dacudao, na kasalukuyang pangulo ng SOLFED, kung karapat-dapat ngang tangkilikin ang kaniyang uri ng bulok na pamumulitika.
Ikinalulungkot ko kung nadawit sa balitaktakan si Rep. Magtanggol Gunigundo na nagsusulong ng kaniyang panukalang batas hinggil sa multilingguwalismo. Ayokong sabihin na nagagamit lamang siya ng gaya ng SOLFED at DILA para sa pampolitikang adyenda nito, dahil naniniwala ako sa angkin niyang talino at bait para timbangin ang lahat, at magpasiya para sa ikakagaling ng bansa.
Magwawakas ang usapan kung patuloy na igigiit ng SOLFED at DILA na hindi pambansang wika ang Filipino, gaya ng kolektibong tindig nina Agcaoili, Nolasco, at Dacudao at kasapakat nila. Ano pa ang dapat pag-usapan kahit ituring yaon na paglapastangan sa Saligang Batas at tandisang pagtataksil sa simulain ng sambayanang Filipino? Ang pag-enmiyenda ng Saligang Batas at gawing multinasyonal na pamayanan ang Filipinas at ipadron sa multinasyonal na pamayanan sa Europa at Afrika? Sa ganitong pangyayari, lumalakas ang Ingles samantalang ang mga lalawiganing wika ay nagagamit na kasangkapan lamang sa pampolitikang adyenda ng ilang pangkat, at malikhaing palusot para sa lalong ikalalakas ng wikang Ingles.
Nakatatawa na ginamit pa ni Agcaoili ang kaniyang dalawang blog para patulan ang gaya ng akda ng kagalang-galang na si Dr. Jose Dacudao. Kakatwa rin ang nagliliyab na forum ng DILA at SOLFED para banatan ako at hanapan ng kung ano-anong taghiyawat. Nagdududa tuloy ako sa husay nitong si Agcaoili na animo’y tagapayo ng SOLFED at DILA—na imbes na makipagtagisan sa pangangatwiran at patunayan ang kaniyang tuligsa sa “Tagalogization, Tagalism, at Tagalogism” —ay nagiging kasangkapan pa sa pagpapakalat ng kagila-gilalas na basura. Ngunit sino ba ako para pumigil at magbawal? Namumuhay tayo sa demokrasya, at karapatan ng sinumang tao kahit ang pagtataglay ng intoleransiya, prehuwisyo, at katangahan.
Nakakubli sa kalabuan ang ipinakakalat ni Aurelio Solver Agcaoili hinggil sa kaniyang akdang “Countering Tagalism and Tagalogization.” Ayon sa kaniya, ang “Tagalogism is an attitude—a mindset that has trapped us into a belief of a Philippine nation-state as revolving around a center and only this center is important.” Tinatangka niyang destrungkahin ang pananaw na “Tagalog” at yanigin ito sa posisyon bilang batayan ng Filipino na wikang pambansa. Ang ganitong haka-haka ay bulaklak ng dila na nagpapalagay na dominanteng wika ang Tagalog, na nasa Imperyong Maynila, at ang Tagalog na ito ay nakaukit sa kamalayan at kalooban ng bawat Filipino upang kumilos siyang parang robot na sunod-sunuran sa isang makapangyarihang sistema, sa pambihirang gahum na umiiral nang sarili, at nagtatangkang burahin ang iba pang taal na wika sa Filipinas.
Kung ang “Tagalogism” ay isang uri ng saloobin, dapat ilugar ni Agcaoili kung ano ang pinag-ugatan nito. Ngunit mabibigo ang sinuman na pigain sa kaniyang artikulo ang ugat ng “Tagalogism” o “Tagalism” at kung ikokompara sa ibang kinabitan ng hulaping “-ismo,” ay kulang na kulang para tawaging ideolohiya, kung hindi man diwaing gumagabay sa kabuuan ng mga Filipino—nasa loob man o nasa labas sila ng Filipinas. Maiuugnay din ang “Tagalogism” sa “Tagalogization” na aniya’y “…is that long juridical, linguistic, political, economic, and cultural process that has made it certain that this trap, this temptation relative to the entitlement, privileging, and valorization of Tagalog, is going to continue to have its stranglehod over all of us, Tagalog and non-Tagalog peoples alike.” Mapanganib ang ganitong mapanlahat na pahayag dahil ang “Tagalogization” ay ipinakita rito na sumasaklaw hindi lamang sa wika, kundi maging sa iba pang aspekto ng lipunan, at kung hindi susuhayan ng mga patunay ni Agcaoili ay mananatiling mito lamang na kaniyang inimbento para yanigin ang Tagalog na pinagbatayan sa pagbubuo ng isang wikang pambansa. Hindi isinaalang-alang dito ni Agcaoili ang kasaysayan, at tila ba ang Tagalog ay lumitaw na basta-basta lamang. Kinaligtaan niya ang mahabang pakikibaka ng Tagalog hindi lamang bilang wika, at ang paglampas nito sa hanggahan ng pook ng Katagalugan upang magparaya sa buong bansa, at gamitin bilang tulay na kayang makapag-ugnay sa iba-ibang wika sa Filipinas.
Ito ang mito na kathang-isip ni Agcaoili at siyang ibig ihain sa lahat ng Filipino. Ang “Tagalogism” na ginamit dito ni Agcaoili ay dapat ikinabit sa “Inglesismo” na uri ng wikang ibig gamitin bilang tulay ng pagtuturo sa lahat ng antas ng paaralan sa Filipinas. Ingles ang banyagang wika na malaki ang ambag upang makaligtaang linangin hindi lamang ang Filipino, bagkus maging ang mga lalawiganing wika—at kabilang na rito ang Tagalog—sa Filipinas. Ingles at Espanyol ang ipinakalat sa sistema ng edukasyon sa bungad ng siglo 20, at naglagay sa panganib ng pagkabura ng kapuwa wika at kultura ng iba’t ibang lalawigan. Ingles ang humalili sa Espanyol at ang ginamit sa Kataas-taasang Hukuman, na pawang Amerikano ang mga mahistrado maliban sa punong mahistradong Filipino. Ingles ang bumahang teksbuk at aklat na pawang inangkat mula sa Estados Unidos, at kakaunti pa noon ang mga babasahing nasusulat sa mga taal na wika sa Filipinas. Ingles ang ginamit sa Unibersidad ng Pilipinas—na paaralang tinutustusan ng estado—at napailalim ang Tagalog sa larangan ng wika ng pagtuturo. Noong bungad ng siglo 20, ang bakbakan ay mauuwi sa panitikan, at nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga Tagalog kung paano mapananatili ang kanilang wika, at iyon ay sa pamamagitan ng masigasig na pagsusulat at paglikha ng iba pang uri ng sining. Sa ganitong lagay, hindi tumupi ang mga manunulat na Tagalog, at patunay ang kanilang mga akda kung paano lumaban sa gahum ng Ingles. Totoong may iba pang lalawiganing wika, gaya ng Bikol, Ilokano, at Sebwano ang nakibaka laban sa Ingles at nagsikap mangibabaw. Ngunit ang mga dapat sanang tagapagtanggol nito—at kabilang na rito ang mga politiko at manunulat—ay sumanib sa Ingles imbes na pagyamanin ang kani-kanilang taal na wika. Taliwas ito sa Tagalog na hindi lamang ipinagtanggol ng mga Tagalog—bagkus kinakitaan din ng potensiyal ng ibang mamamayan—na may kakayahang maging lunsaran ng pambansang wika na magagamit upang pagbuklurin ang mga lalawigang dating binibigkis nang sapilitan ng Ingles. Ang Tagalog ay hindi dapat minamaliit bagkus dapat pa ngang papurihan, dahil kaugnay nito ang kasaysayan sa pagbubuo ng kabansaan, at paggigiit ng kalayaan, mula sa dikta ng mga pasimuno ng Ingles at banyagang edukasyon na ang tuon ay para sa ikagagaling ng merkado at gahum ng dayuhan.
Hindi ipinaliwanag ni Agcaoili ang pakahulugan niya ng “Tagalog,” bagaman mahihinuha sa tabas ng kaniyang pananalita na ang “Tagalog” ay siya ring “Filipino” na lumalaganap ngayon sa bansa. Ang pagtanaw na “Filipino” bilang baryedad lamang sa “Tagalog” ay pailalim na panunuligsa sa Filipino upang hindi ito makatayo nang bukod sa orihinal na anyo at laman ng Tagalog. Ang linya ng pangangatwiran ni Agcaoili ay nahahawig sa pahayag ng sinibak na pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino na si Ricardo Ma. Duran Nolasco, na ang “Tagalog” at “Filipino” ay iisang uri lamang alinsunod sa mga katangian nitong panggramatika, at kaya lamang nagkaiba ay dahil sa pagpapalit ng pangalan. Isa itong simplistikong pagtanaw, at pagtanaw na nagtataglay ng sadyang pagkaligta sa iba pang aspekto, gaya ng kasaysayan, konteksto, kaligiran, panahon, at siyang maaaring makaaapekto sa ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang taguring “Filipino” ay hindi lamang “Tagalog,” at ang Tagalog ay hindi kayang kumontrol sa magiging anyo at laman ng Filipino. Ang mungkahi ng gaya ni Carl Rubino na “muling pagsasabalangkas” ng Filipino bilang wikang pambansa ay isang magandang proyekto, ngunit ang ganitong mungkahi ay tumatanaw lamang sa wika na tila walang sariling buhay at nakatiwalag sa mga tao na gumagamit ng wika, at ipinapalagay na ang mga gumagamit ng sari-saring wika ay nagkakaisa sa pagsasaayos ng kolektibong wikang mahihinuhang may labo-labong gramatika at palaugnayan, at yamang walang isang wikang gagawing haligi ng pagpupundar, ay malayang isiping pagtatayo ng maalamat na Tore ng Kalabuan.
Ang Filipino ay pagkilala sa kabansaang may iba-iba mang wika ay tinutuhog ng isang malaganap na wikang may sapat na malig na magagamit ng bawat lalawiganing wika at sa komunikasyon ng mga Filipinong maaaring ang kinamulatang wika ay wikang lalawiganin. Ang Filipino ay paraan ng pagtulay at pag-uugnay sa mga taal na wika sa Filipinas upang pagbukluran, habang masinop na nagbubukas ng pinto sa anumang internasyonal na wikang makapagdaragdag sa kaban ng pambansang talasalitaan, pahiwatig, diskurso, pakahulugan, gramatika. at iba pang kaugnay na bagay. Ang Filipino ay isang natatanging paraan ng pagsagap sa daigdig, ngunit paraan din kung paano titingnan ng mamamayang Filipino ang kaniyang sarili at ang kaniyang bansa. Bagaman ang Filipino ay maipapalagay na “ikalawang wika” para sa ibang taga-lalawigan, ang pagiging “ikalawang wika” nito ay malayo sa kapuwa pakahulugan at karanasan ng pagiging “ikalawang wika” ng gaya ng Ingles na banyagang wikang ang Anglo-Amerikanong tradisyon ay kakatwa kung ilalapat sa kaligiran, konteksto, at diskurso ng Filipinas. Bukod pa rito, ang Filipino ay dapat sipatin nang higit sa saklaw ng lingguwistika, bagkus kaugnay ng konsepto ng pakikipagkapuwa, kabansaan, at kasarinlan.
Pinapatay ba ng Filipino bilang pambansang wika ang mga lalawiganing wika? Hindi. Ang palagay na ipinapaibabaw ang “Filipino” para patayin ang mga lalawiganing wika ay walang batayan, at magsisimula ito kahit sa talakayan, saliksik, at pagtatalong naganap nang itatag ang Institute of National Language (INL) noong 1936 para sa planong bumuo ng pambansang wika, at alinsunod sa itinatadhana ng Saligang Batas ng 1935. Mahalaga noon ang pagtataguyod ng pambansang wika, dahil ang Filipinas ay dumaan sa yugto ng digmaan at kolonisasyon, at tanging Ingles at Espanyol ang umiiral na opisyal na mga wika sa Filipinas. Ang pagpili sa Tagalog noon na magiging batayan ng wikang pambansa ay sumailalim sa pag-aaral, pagsasarbey, pagsusuri, at talakayan, kaya hindi makatwiran ang paratang ni Agcaoili na tila tunggak ang mga kasapi ng INL na madaling nilamon ng administrasyon ni Pang. Manuel Quezon. Nakaligtaang banggitin ni Agcaoili na kaya pinili noon ang Tagalog na maging batayan ng wikang pambansa ay dahil ito ang pinakamaunlad na wika nang panahong iyon, mulang estruktura at mekanismo hanggang panitikan at paggamit ng malaking bilang ng mga Filipino, alinsunod sa itinatakda ng Batas Komonwelt Bilang 184. Mula noon, ang Tagalog ay lumampas sa dati nitong hanggahan at gamit, at malayang tumanggap ng iba pang salita, pakahulugan, pahiwatig, at diskursong nagmumula sa lalawiganing wika—sa kabila ng paggigiit na gamitin ang Ingles sa buong Filipinas.
Hindi rin totoong purong Tagalog lamang ang nanaig noon. Kahit sa kautusang ipinakalat ni Celedonio Salvador, na Patnugot ng Edukayon, noong 15 Nobyembre 1940, iminumungkahi ang pagpapalawak ng talasalitaan at wikaing idyomatiko, at ang ganitong kabigat na responsabilidad ay hindi lamang tinatanaw na para lamang sa Tagalog bagkus maging sa ibang taal na wika sa bansa. Kung nagkulang man sa paglinang ng ibang lalawiganing wika ay hindi dapat isisi sa Tagalog, kundi sa baluktot na patakaran at programa ng pamahalaang pumapabor sa paggamit ng Ingles. Nang sakupin ng Hapón ang Filipinas, ayon kay Teodoro Agoncillo, sinikap ng Hapón na palaganapin ang Nihonggo sa buong bansa ngunit nabigo dahil sa kakulangan ng mga guro at pagkatanto na ang banyagang wika ay mahirap palitan ang mga naunang banyagang wika bukod sa mahirap burahin ang mga taal na wika sa Filipinas. Nabatid din ng Hapón na tanging ang pambansang wika lamang ang kayang bumigkis sa kapuluan, at nagkataong nakapag-ambag na naman ang Tagalog. Kahit si Pang. Jose Laurel ay nakita ang kahalagahan ng isang wikang pambansa, lalo sa panahon ng digmaan, ligalig, at karukhaan, at ang wikang ito, aniya, ay magagamit upang magkaintindihan ang mga tao na nagmula sa magkakaibang lalawigan. Muli, hindi arbitraryo ang pagpili sa Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Nagsagawa muli ng sarbey at pag-aaral at talakayan, at napatunayang Tagalog ang may pinakamabisang katangian para maging haligi ng wikang pambansa, na susuhayan ng mga taal na wika sa buong kapuluan.
Binigyan umano ng pitong dekada ang Tagalog, ani Agcaoili, na maging batayan ng pambansang wika ngunit nabigo ito at winasak pa umano ang milyon-milyong Filipino. Marahas ang ganitong paratang, at ang paratang na ito ay hindi isinaalang-alang ang mga panahon, kaligiran, at kontekstong pinagmulan ng Tagalog na dumaan sa mga digmaan at pag-aaklas; sa deskriminasyon ng Ingles, Espanyol, at Hapones; at kahit sa saliwang pagpapahalaga ng mga politiko at akademiko sa Filipinas. Kahit ang Kumbensiyong Pansaligang Batas noong 1971 ay isang madilim na yugto sa Filipino, dahil ang mga kalahok noon ay nais gawing pambansang wika ang Ingles na nabago lamang nang magprotesta ang mga aktibista at tuligsain ang gayong pakana ng mga demagogong politiko. Pambihira ang Filipinas na ang Saligang Batas—na pagbabatayan ng iba pang batas, kautusan, at kaugnay na patakaran—ay isinulat sa Ingles, at hindi nabigyan ng pagkakataon na gamitin ang Filipino na maging pangunahing wika sa gayong kahalagang instrumento. Totoo ngang nakasaad na ang pambansang wika ay kikilalaning “Filipino,” ayon Saligang Batas ng 1972, ngunit ang pagdurugtong ng pariralang “shall be evolved, developed and adopted based on existing native languages and dialects without precluding the assimilation of words from foreign languages” ay pailalim na pinahihina ang estado ng Filipino. Sa pananaw ng mga delegado, walang kakayahan ang “Filipino”—na parang nasa yugto ng pagkasanggol kahit marami nang napatunayan kung pagbabatayan ang mga palimbag na panitikan—at ang pambansang wikang ito ang sinusurot ni Agcaoili na nabigong magsilbi sa buong Filipinas. Ikakatwiran ng mga lingguwista at sosyolingguwista na kailangan ang estandardisasyon ng wika para maitaguyod ang ortograpiya, at makapaglaan ng unipormadong anyo ng mga sangguniang aklat. Ngunit malabo ang ganitong punto kung isasaalang-alang kung gaano kalawak ang nasabing estandardisasyon, na ang paglihis sa pamantayan ay maiisip na kakulungan kung hindi man patunay sa katangahan.
Nilupig ba ng Tagalog ang iba pang wika sa Filipinas, ayon sa paratang ni Agcaoili? Hindi. Naging ahente ba ang Tagalog para durugin ang lunggati at simulain ng iba pang taal na wika at kultura sa Filipinas, ayon sa paratang ni Agcaoili? Hindi. Ang pagtanaw na nilupig ng Tagalog ang iba pang taal na wika sa Fiipinas ay ibang paraan ng pagsasabing napakahina nga ng mga taal na wika sa buong bansa at kayang diktahan ng isang wika lamang. Walang makinarya, kapangyarihan, at impluwensiya ang mga pasimuno ng Tagalog kung ihahambing sa panig ng mga tagapagsulong ng Ingles, dahil ang Ingles ang nakalusot na maging opisyal na wika at ginagamit sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, batasan, negosyo, at akademya magpahangga ngayon. Humina rin ang mga taal na wika dahil kulang ang mga manunulat at tagapagtaguyod nito, at isang sanhi ang penomenon ng tinaguriang “pagpapalit-wika” at may kinalaman dito ang gahum ng Ingles. Ang Tagalog kung naging batayan man ng Filipino ay isang pangyayaring dapat tingnan sa positibong paraan. Ang Tagalog marahil ang pinakaprogresibong wika na nangunang magbukas ng pinto para tumanggap ng malawakang pagbabago na halos ikalusaw ng sarili nito, ngunit ginawa iyon ng Tagalog hindi para sa mga Tagalog lamang kundi upang isilang muli sa ibang anyo at nilalaman sa pakikipagtulungan sa iba-ibang taal na wika, at maging batayan ng wikang pambansa. Ang tagumpay ng Filipino ay ngayon pa lamang nakikita, hindi lamang sa tradisyonal na mass media, kundi maging sa internet. Malayo na ang iniungos ng Filipino, at nilampasan na nito ang baryotikong komiks, at humahangga sa matatalim na diskurso. Sinusubok na ang Filipino sa iba’t ibang lárang, at hindi ako magtataka kung maging wika rin iyon kahit sa hukuman, negosyo, medisina, at akademya.
Ang nakapagtataka’y ginagamit na dahilan ang multilingguwalismo upang buwagin ang naipundar nang tagumpay ng Filipino bilang wikang pambansa. Ang bersiyon ng multilingguwalismo na isinusulong ng HB 3719 (2008 Multilingual Education and Literacy Act) ni Rep. Magtanggol Gunigundo ay magpapalakas sa reenkarnasyon ng Ingles, at hindi sa mga lalawiganing wika, dahil wala itong itinatakdang sapat na pondo, impraestruktura, kawani, at iba pang bagay para sa pagbubunsod ng malawakan at sabayang pagpapalago ng mga taal na wika. Ang multilingguwalismo ay mauuwi sa laway, at animo’y nakatuon para sa itatatag na Federalismo—na ang bawat lalawigan ay makapagsasariling estado na bibiyak lalo sa Filipinas—at kaya mahihinuha ang pagpipilit na idikit ang wika sa usapin ukol sa kultura, heograpiya, politika, at ekonomiya. Kakatwa ito dahil ang Filipino, na mula sa Tagalog, ay laging sumusuporta sa pagpapalago ng mga lalawiganing wika at sa pagbibigkis ng mga mamamayan. Kung nabigo man ang gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino noon at magpahangga ngayon ay maibubunton ang sisi sa marurupok nitong patakaran, programa, at pamunuang kulang sa bisyon at sigasig na paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas, at kabilang na rito ang mga punong komisyoner na sina Ponciano Pineda, Nita Buenaobra, at Ricardo Nolasco. Ngunit hindi ito kataka-taka. Ang nasabing Komisyon ay kulang din sa badyet, kulang sa mga dalubhasang kawani, kulang sa mahuhusay na pamunuan, kulang sa kasanayan, kung hindi man sadyang kulang-kulang, kaya ang nagiging silbi magpahangga ngayon ay maging katuwang ng Malacañang sa mga hakbanging pampolitika nito.
Pilit na pag-uuri ang “Tagalogisasyon” at “Tagalogismo,” at ito ang dapat tanggapin ni Agcaoili.
Ang “tiranya ng Tagalogisasyon” at makamandag “na pang-aakit ng Tagalogismo” ay kathang isip lamang ni Agcaoili, at nababahiran ng lihis na pagbasa sa politikang pangkultura, at hinango sa diskurso ng Ingles na pilit iniaangkop bilang paraan ng pagtanaw at pagdestrungka sa Filipino. Na hindi makatwiran. Ang karanasan ng Filipinas ay malayo sa karanasang multilingguwal at multinasyonal na pamayanang nagaganap sa Europa, Afrika, at Amerika, at siyang ibig ipadron sa pagbasa sa karanasan sa buong kapuluan. Wala ring mabalasik na deskriminasyon at prehuwisyo na ipinataw ang Filipino na ikalulusaw ng mga taal na wika sa Filipinas, kompara sa nagaganap sa ibang bansa, kahit pa sabihing ginamit ang Filipino sa pag-aaral ng ilang lárang sa elementarya at hay-iskul. Ang realidad sa Filipinas ay Ingles pa rin ang ibig panaigin bilang wikang opisyal, na mapagbalatkayong taguri sa “wikang pambansa,” at ang pinakabagong halimbawa ay ang patakaran na tanging Ingles lamang ang dapat umiral sa Pamantasan ng Maynila, at gawing midyum sa pagtuturo ang Ingles sa lahat ng antas ng pag-aaral alinsunod sa dikta ng Departamento ng Edukasyon. Hindi rin isinaalang-alang ni Agcaoili na ang migrasyon, urbanisasyon, at pagpapalit-wika ay kaugnay ng pagkamatay ng mga taal na wika, dahil higit na pipiliin na gamitin ang Ingles para mapangalagaan ang ekonomikong interes at seguridad pampolitika, o kaya’y para makaligtas sa deskriminasyon sa larangan ng hanapbuhay, gaya sa pagpasok sa call center at pagtatrabaho sa ibang bansa. Matagal nang pinapatay ang Tagalog noon pa man kahit sa pagbasa ng kasaysayan, at kahit sa loob ng Maynila na ibig ay Ingles ang manaig sa edukasyon, negosyo, batasan, at hukuman; at ngayong narito na ang Filipino na naghahain ng pambihirang posibilidad bilang pambansang wikang makabibigkis sa mga Filipino ay isasalang muli sa marahas na bibitayan ng prehuwisyo at kaululan. Paunlarin natin ang mga taal na wika sa Filipinas; ngunit huwag naman nating patayin ang alimbukad ng isang wikang pambansa. Ang paglingon sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino ay makatutulong sa paglinang at pagpapayabong ng mga taal na wika sa Filipinas, at madudukalan ng aral at karanasan, ngunit hindi ito magaganap hangga’t patuloy na ginagamit na wika, diskurso, at pananaw ang Ingles para paikutin ang kapalaran ng mga Filipino.
Nakahinga nang maluwag ang mga empleado ng Komisyon sa Wikang Filipino nang suspindihin ng Commission on Audit si Ricardo Ma. Duran Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF noong 27 Oktubre 2008. Si Nolasco ang kontrobersiyal na puno ng KWF na nagsusulong ng patakarang multilingguwal ng pamahalaan, kahit labag sa Konstitusyon, at tandisang minamaliit ang Filipino bilang wikang pambansa.
Paso na ang secondment ni Nolasco simula noong 1 Abril 2008, ayon sa ulat ng COA, ngunit patuloy pa rin itong nanunungkulan nang ilegal sa KWF. Sa gayong kahabang panahon, ang lahat ng kaniyang pinirmahang tseke, kasunduan, at iba pang papeles ay walang bisa, at nahaharap ngayon si Nolasco sa kasong misrepresentasyon at korupsiyon bilang opisyal ng pamahalaan.
Ang secondment ay pahintulot na hinihingi ng isang ahensiya sa iba pang ahensiya o sangay ng pamahalaan upang hiramin ang empleado nito sa isang takdang panahon. Si Nolasco ay propesor sa lingguwistika sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman, at ipinahiram lamang sa KWF. Hanggang sa sinusulat ito, wala pa umanong aksiyon ang mga full-time komisyoner ng KWF na bigyan ng secondment si Nolasco.
Sa liham ni Nolasco sa AOM Bilang 2008-013, lumiban siya nang walang bayad sa UP Diliman sa kaniyang secondment sa KWF. Ngunit wala umanong maipakitang papeles si Nolasco ukol sa naturang pagliban. Nang pumaso ang kaniyang secondment, patuloy pa rin siyang nanungkulan nang lingid sa kaalaman ng mga empleado ng KWF. Nang magtanong ang Alimbukad sa mga taga-UP Diliman, napag-alamang si Nolasco ay nagturo pa nang overload sa UP at ito ay malinaw na paglabag sa itinatakda ng batas dahil kabilang ito sa tinataguriang dobleng pasuweldo ng pamahalaan.
Ayon sa CSC Memorandum Circular No. 15, s. 1999, at siyang sinipi ng COA, “Ang ipinahiram (seconded) na empleado ay liliban nang walang bayad mula sa kaniyang pinagmulang ahensiya sa loob ng panahon ng kaniyang pagpapahiram. . . .” Sinipi rin ng COA ang CSC MC No. 15, se. 1999 na nagsasaad na “Ang ipinahiram na empleado ay hindi dapat hayaang pumasok sa tatanggap na ahensiya nang mas maaga sa petsa ng paglagda ng Memorandum ng Kasunduan.” Idinagdag ng naturang kautusan na anumang paglabag sa mga probisyon ng Memorandum ng Kasunduan ay “magiging dahilan upang ihinto ito nang walang prehuwisyo sa pagsasampa ng kasong pandisiplina sa sinumang tao na responsable sa gayong paglabag.”
Lahat ng suweldo at alawans na natanggap ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay suspendido mulang 1 Abril 2008 hanggang kasalukuyan hangga’t hindi siya nakapagsusumite ng bagong papeles ukol sa secondment sa Tanggapan ng Auditor. Ibig sabihin, kailangang ibalik ni Nolasco ang lahat ng kaniyang kinita mula sa KWF sa loob ng siniping panahon.
Hindi lamang ito ang sakit ng ulo ni Nolasco. Ayon sa mga impormante ng Alimbukad na nasa loob ng KWF, si Nolasco ay maraming papeles na hindi pa niya nali-liquidate, at may kaugnayan umano ito sa kaniyang mga proyekto at paglalakbay na hindi pa nakukumpirma kung naganap nga o hindi.
Ipinagbabawal nang pumasok sa KWF si Nolasco, at napabalitang nagsasaayos siya ng kaniyang papeles sa UP Diliman. Ibig umanong ipamigay na lamang ng Kagawaran ng Lingguwistika si Nolasco sa alinmang ahensiyang ibig siyang tanggapin, huwag lamang makabalik pa sa naturang kagawaran.
Ang ulat ng COA ay nilagdaan ni Columba L. Arnoco, ang puno ng pangkat audit; at ni Samuel C. Sison, State Auditor V mula sa Opisina ng Pangulo, Pangkat Audit.
Si Joe Lad Santos, na dating peryodista, pabliser, at manunulat sa komiks at pelikula, ang itinalaga ng Malacañang na maging Officer in Charge ng KWF.
Ayoko sanang patulan itong si Ricardo Nolasco, ang pansamantalang Punong Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, ngunit nagpapakalat na naman ito sa email ng kaniyang mga opinyon sa wika na marapat sagutin. Sumulat siya ng mahabang papel hinggil sa “Ilang popular pero mga maling hakahaka (sic) tungkol sa wikang pambansa at mga wika sa Pilipinas” na ang bersiyon sa Ingles ay nalathala sa Philippine Panorama noong 22 Pebrero 2008. Sa unang malas, ang nasabing sanaysay ay hinggil sa pagtutuwid sa maling opinyon ukol sa “wikang pambansa” at “mga wika ng bansa,” ngunit kung uuriin nang maigi ay pailalim na bumabanat sa Filipino bilang wikang pambansa at nagpapanukala ng multilingguwalismo para pahinain ang paglago ng Filipino. Heto ang kaniyang pambungad na kuro-kuro:
(1) Sa maraming Pilipino, ang wikang pambansa lamang ang maituturing na wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto. Hindi tama ito.
(2) May mga paraan ang mga pantas-wika o mga linguista para malaman kung ano ang wika at kung ano ang wikain o diyalekto. Ang unang pamantayan ay kung nagkakaunawaan ang dalawang tagapagsalita kapag ginagamit nila ang sarili nilang wika. Kapag hindi sila nagkakaunawaan, nagsasalita sila ng magkaibang wika. Kapag nagkakaunawaan sila, nagsasalita sila ng parehong wika o diyalekto ng isang wika.
(3) Ang ikalawang pamantayan ay ang gramatika. Kapag magkaiba ang gramatika ng sinasalita nilang mga wika, magkaibang wika ang mga ito. Kung magkapareho ang gramatika, mas malamang na nabibilang ang mga ito sa isang wika.2
(4) Hindi mahalaga kung ang wika nila ay isang milyon o limang tagapagsalita lamang; kung mayroon itong nakasulat na panitikan o wala; o kung sinasalita ito sa isang barangay o sa buong probinsiya. Hindi mapagpasya ang alinman sa mga ito sa pagkilala sa kung ano ang wika at kung ano ang diyalekto.
(5) Sa mga batayang ito, ang Ilokano, Sebwano, Pangasinan, Hiligaynon, Bikol, Kapampangan, Butuanon at Meranao, kung magbabanggit ng ilan, ay hindi mga diyalekto kundi ganap na mga wika. Diyalekto o wikain ang tawag sa baryasyon ng isang wika, gaya ng Dumaguete-Cebuano, Davao-Cebuano at Iligan-Cebuano.
(6) Ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ay nakapagtala ng may 170ng wika sa bansa.3 Maaaring umabot sa 500 ang mga diyalekto. Pangsampu tayo sa may pinakamaraming wika sa daigdig. Nangunguna ang Papua New Guinea.
Nilagyan ko ng numero ang bawat talata upang masuri nang maigi. Hindi nilinaw ni Nolasco ang batayan ng kaniyang unang pahayag: na “ang wikang pambansa lamang ang wika, at lahat ng iba pang salita ay mga diyalekto.” Sa madaling sabi, ang Filipino lamang ang wika, at ang lalawiganing wika ay diyalekto. Ang ganitong pahayag ay nagmumula kay Nolasco at hindi sa pangkalahatang publiko. Walang isinaad na estadistika o sarbey si Nolasco na may ganito ngang pahayag at pananaw ang malawakang publiko, at yamang hindi totoo, hindi ito kinakailangang sagutin.
Ang pagtatangi kung ano ang “wika” at kung ano ang “diyalekto” ang gagamitin ni Nolasco bilang lunsaran ng hambingan. Ayon sa opinyon ng mga lingguwista, ani Nolasco, na kapag nagkakaunawaan ang dalawa o higit pang tao sa usapan habang gamit ang kani-kaniyang wika ay maituturing yaong wika. At kung hindi sila nagkakaunawaan ay ipinapalagay na magkaiba ang kanilang wika. (Ang pahayag na ito ay nagmula kay Peter Trudgill sa kaniyang aklat na Sociolinguistics: An Introduction to Language and Society, [1974; 1983] at hiniram nang wala sa konteksto ni Nolasco.) Hindi nilinaw dito ni Nolasco kung ano ang wika na ginamit ng dalawang tao sa pag-uusap. Halimbawa, ipagpalagay nang gumamit sila ng Filipino sa pag-uusap, at nagkaunawaan sila, ang Filipino ay ituturing umano na wika. Ngunit ang ganitong simplistikong pahayag ng mga lingguwista ay maraming butas. Una, hindi malinaw kung ano ang antas ng diskurso ng dalawang tao na nag-uusap. Kahit batid ng dalawang tao ang mga pakahulugan ng mga salita sa loob ng usapan, hindi ibig sabihin nito na ganap na magkakaunawaan agad sila. Kailangang isaalang-alang dito ang mga pahiwatig, konteksto, senyas, dalumat, halagahan, at pakikipagkapuwa na pawang makaiimpluwensiya sa kanilang komunikasyon at siyang makaaapekto sa resulta ng kanilang usapan. Ikalawa, hindi malinaw sa pahayag ni Nolasco kung ano ang pinag-uusapan, at maihahakang ang pinag-uusapan ay mabababaw na paksa lamang. Sa ganitong lagay, ang dalawang tao—na kahit may magkaibang wika—ay maaari pa ring magkaunawaan hindi lamang dahil sa bisa ng wika kundi sa senyas ng katawan o kaya’y sa pamamagitan ng pagguhit o paglalarawan o musika o demostrasyon. Ikatlo, dapat linawin ni Nolasco kung ang dalawang tao na nag-uusap ay gumagamit lamang ng isang wika o may magkabukod na wika. Kung isang wika lamang ang ginamit nila at sila ay nagkaunawaan ay maganda. Ngunit kung isang wika lamang ang ginamit nila, at hindi pa rin sila magkaunawaan, marahil may kaugnayan ito sa dalumat na pinagmumulan ng dalawang tao, at magkaiba ang pagkakaunawa nila sa daigdig.
Sa talata 3 ni Nolasco, ang ikalawang pamantayan umano ng mga lingguwista upang ituring na wika ang isang wika imbes na diyalekto ay ang gramatika. Ang pahayag na ito ay hindi nagmumula sa publiko kundi sa loob mismo ng sirkulo ng mga lingguwista. Ang paghahambing sa gramatika ng Filipino sa gramatika ng Ilokano o Sebwano o iba pang lalawiganing wika ay hindi makatwiran dahil magkaiba ang pinagmumulan ng dalawang wika, kahit sa ilang pagkakataon ay nagkakahawig, gaya ng may salita sa Ilokano na kahawig sa mga salitang Filipino o Bisaya, bagaman iba ang pagkakabigkas.
Ang nakababagabag ay ang talata 4 ni Nolasco. Hindi umano mahalaga ang bilang ng tagapagsalita, o kung may panitikang nakasulat o wala, o kung ginagamit ang wika sa isang barangay o sa buong lalawigan. Kung hindi mapagpasiya ang mga pamantayang ito, ano kung gayon ang dapat maging pamantayan upang itangi ang “wika” sa “diyalekto”? Lumilitaw sa pahayag na ito ni Nolasco na hindi lamang niya itinatwa ang mga pag-aaral ng mga kapuwa niya lingguwista, bagkus nagtatangkang magpanukala pa ng sariling pananaw hinggil sa kung ano ang wika at kung ano ang marapat tawaging diyalekto. Ngunit walang ibinigay na panukala batay sa matalisik na pag-aaral si Nolasco. Wala. Ang tanging mababanggit ay ang “baryasyon” o baryedad ng wika, gaya halimbawa ng iba’t ibang testura ng Bisaya o Bikol. Para kay Nolasco, ang lahat ng wika ay magkakapantay, at maipapantay halimbawa ang wika ng Butuan sa wikang pambansa (Filipino). Na isang kalokohan, dahil hindi dapat ikompara ang dalawang wika dahil magkaiba ang silbi nito sa pamayanan at magkaiba ang lawak ng bisa nito sa lipunan. Ang pagtatangi samakatwid ni Nolasco sa “wika” at “diyalekto” ay subhetibo, at nakasalalay sa anumang paraan ng pagsagap ng mga tao.
Ginagawang payak ni Nolasco ang usapin sa wika. Ang Filipino bilang pambansang wika ay malayo na ang iniungos sa iba pang lalawiganing wika, mulang panitikan hanggang iba pang larang ng pag-aaral. Ang pag-ungos ng Filipino ay hindi dapat isisi sa Tagalog na naging batayan ng Filipino, o kaya’y sa masigasig na paggamit ng mga manunulat, editor, panitikero, at iba pang espesyalista. Ang paglakas ng Filipino ay may kaugnayan sa nagbabagong diskurso at kamalayan ng mga Filipino, na handang tumanggap o luminang ng isang wikang pambansa upang magkaunawaan ang mga tao sa iba’t ibang lalawigan. Filipino ang pinakamabisang tulay ng komunikasyon sa buong bansa, at may kaugnayan dito ang mass media, sangguniang aklat, panitikan, at iba pang kaugnay na bagay. Hindi rin dapat ikompara ang Filipino sa ibang lalawiganing wika, dahil higit na abanse ang paglinang ng Filipino at siyang nakaligtaan ng mga lalawiganing wika. Ang Tagalog na ginawang batayan ng Filipino ay lumampas na sa hanggahan nito sa rehiyon ng Katagalugan at nagparaya upang maangkin ng buong bansa at maging pangunahing haligi ng wikang pambansa. Ang ganitong aspekto ang hindi pa nasusubok sa gaya ng Sebwano o Ilokano o Butuanon o Kapampangan o Maranaw. Bagaman makapangyarihan ang gaya ng Sebwano at Ilokano habang ginagamit sa loob ng sirkulo ng Sebwano o Ilokano, ang gayong kapangyarihan ay nananatiling kulob at hindi kayang sumaklaw sa buong lunggati at diskurso ng Filipinas.
Ang binanggit ni Nolasco na 170 wika, bukod sa 500 diyalekto, sa Filipinas ay mahalaga. Ang mga wika at diyalektong ito ang matagal nang sinimulang ilahok sa korpus ng Filipino, at ipaloob sa mga diksiyonaryo at tesawro, hindi pa man nahihirang ng Malacañang si Nolasco na maging pansamantalang komisyoner ng KWF. Ang nakaligtaan ni Nolasco ay sa binanggit niyang 170 wika ay wala siyang tinukoy kung anong wika rito ang may kapasidad na maging wikang pambansa, at sa halip ay minamaliit ang Filipino na mula raw lamang umano sa Tagalog. Kung walang kapasipad ang anumang wika sa Filipinas na maging saligan ng isang pambansang wika, ano ngayon ang marapat maging wikang pambansa? Ingles? Posible. Kung susundan ang baluktot na lohika ni Nolasco, multilingguwalismo ang dapat manaig, ang halo-halong wika na walang tiyak na gramatika, palabaybayan, at palaugnayan na pawang ibinatay sa iba’t ibang wika at mahihinuhang ipinadron sa Ingles. Mahihinuha rito na sa pagsusulong ni Nolasco ng kaniyang kakatwang bersiyon ng multilingguwalismo, ang nakikinabang ay ang Ingles na siyang ibig gawing midyum sa pagtuturo sa buong bansa at isinusulong ni Kalihim Jesli Lapus at binasbasan ng Malacañang.
Kung Filipino ang wikang pambansa, ayon sa Saligang Batas ng 1987, ang wikang ito—anuman ang pinag-ugatang wikang taal sa Filipinas—ang dapat pinagyayaman ng KWF at hindi ibinibingit lagi sa kontrobersiya ng salungatang Filipino vs. Lalawiganing Wika at Ingles. Sa layong isulong ang diwa at sariling bersiyon ng multilingguwalismo, itinatampok ni Nolasco ang Filipino na kaantas lamang ng mga lalawiganing wika imbes na palaganapin ang Filipino bilang wikang pambansang katuwang ng mga lalawiganing wika. Ang ganitong asta ni Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng KWF ay mapanghati (i.e., divisive) sa pangarap na itaguyod at linangin ang isang pambansang wikang magagamit ng sambayanang Filipino.
Dumako pa si Nolasco sa pagtutuon sa “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino.” Heto ang kaniyang pahayag:
(8) Ang “Tagalog.” “Pilipino,” at “Filipino” ba ay magkakaibang wika? Hindi. Ang isang nagta-Tagalog o nagpi-Pilipino ay nauunawaan ng sinumang nag-fi-Filipino, at vice versa. Ang mga tagapagsalita ng tatlong diumano’y magkaibang barayti ay gumagamit ng parehong gramatika. Magkapareho ang ginagamit nilang mga pantukoy (ang, ng at sa); mga panghalip-panao (siya, ako, niya, kanila, atbp.) panghalip-panturo o pamatlig (ito, iyan, doon, atbp.); pang-ugnay (na, at at ay); kataga o paningit (na, daw at pa); at panlaping makadiwa -in, -an, i- at -um-. Sa madaling sabi, walang siyentipikong batayan para klasipikahin ang “Tagalog”, “Pilipino” at “Filipino” na magkakaibang wika.
(9) May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista. Para sa kanila, ang pulong at guro ay salitang Tagalog samantalang ang miting at titser ay salitang Filipino. Gayon man, ang panghihiram ng salita ay hindi mapagkakatiwalaang batayan sa pag-iiba ng wika sa diyalekto. Lansakan ang ginawang “panghihiram” ng Zamboangueño (Chavacano) sa Espanyol subalit nakabuo ito ng ibang gramatika. Hindi ito mauunawaan ng mga Espanyol, at dahil dito ay nararapat na ituring na magkaibang wika.
Inuri ni Nolasco ang “Tagalog,” “Pilipino,” at “Filipino” na magkakapareho, at iniugnay niya sa pagsusuri ang paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga. Ang ganitong simplistikong pagsusuri ay hindi nagsasaalang-alang sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa na dumaan sa yugto ng pagbubuo, paggamit, pagpapalaganap, at pagtanggap ng sambayanan. Ang ginawang batayan lamang ni Nolasco ay mula lamang sa pananaw ng lingguwistika na isang malaking pagkukulang. Ang Tagalog na lumaganap noong bungad ng siglo beynte ay iba sa “Pilipino” noong dekada 1960, at lalong iba sa testura ng “Filipino” ng siglo 21. Mababatid ito kapag sinuyod nang maigi ang mga lumabas na panitikan, gaya sa nobela, kuwento, tula, at dula mula sa iba’t ibang panahon. Halimbawa, iba ang Tagalog ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos kung ikokompara sa Pilipino ni Amado V. Hernandez sa Mga Ibong Mandaragit at itatambis sa Filipino ng Oriental ni Rio Alma. Kung nagkakapareho man ang gamit ng pantukoy, panghalip, at kataga ay dahil sa ginawang batayan ang Tagalog na maging haligi ng pambansang wika na malaya at handang tumanggap ng mga salita mula sa ibang wika. Dagdag pa, nagbabago ang Filipino kahit sa paraan ng asimilasyon, sa gramatika at palaugnayan, sa pagpapakahulugan at pagpapahiwatig, at humahalo kahit ang “Ingles na Tinagalog” na Ingles ang padron ng pagkakabuo ng pangungusap ngunit ang ginagamit ay wikang Tagalog. Ang paggamit ng pamantayan ng paggamit ng pantukoy, panghalip, panlapi, at kataga para sabihing magkapareho lamang ang “Tagalog” at “Filipino” ay isang malaking pagkakamali; at sinasadyang ihiwalay at itago ang iba pang aspektong may kaugnayan sa wika para palabasing totoo ang gayong pahayag alinsunod sa pananaw ng lingguwistang gaya ni Nolasco.
Tumuloy pa si Nolasco sa kaniyang pagpuna na “May ilang taga-akademya na nagsasabing ang “Tagalog” daw ay “purista” at ang “Filipino” ay liberal at hindi purista.” May katotohanan ito, ngunit kulang ang pahayag ni Nolasco. Ipinapalagay sa sinabi ng butihing komisyoner na ang Tagalog ay iisa lamang ang tabas ng wika, na ang Tagalog ay Tagalog ding lumalaganap sa Bulakan, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Rizal, at Palawan. Ang Tagalog Rizal ay iba sa Tagalog ng Bulakan o Batangas, at maihahalimbawa ang uri ng Tagalog ni Raul Funilas na mulang Binangonang nakapaloob sa Halugaygay sa Dalampasigan, kompara sa Tagalog ng nobelistang si Jose Munsayac na taga-Bulakan. Binabanggit ang pagiging “purista” ng Tagalog alinsunod sa lugar na pinagmumulan nito at ayon sa pinagmumulang dalumat, pakahulugan, at pahiwatig ng mga taal na salita. Ang binanggit na halimbawa ni Nolasco hinggil sa Chavacano na lansakang nanghiram ng mga salitang Espanyol ngunit nakabuo ng kakaibang gramatika ng Zamboangeño ay maituturing na pag-aangkin. Hindi lamang Chavacano ang gumawa nito. Ang pag-aangkin ay matagal nang ginagawa noon ng Tagalog at siyang ipinagpapatuloy sa Filipino, kaya ang salitang “titser” at “miting” ay maituturing nang inangkin ng Filipino, gaya lamang ng “bintana” o “sibuyas” o “kudeta.”
Ang maganda kay Nolasco ay bihasa siya sa meme. Inuulit niya ang mga salita, paniniwala, at konsepto ng ibang tao nang walang kamalay-malay, at ipinapalagay niyang kaniya lamang ito. Heto ang iba pang pahayag niya:
Ang iba’t ibang kultura at wika sa Pilipinas ay nagkakaloob sa atin ng hindi matutuyuang balon ng mga katutubong konsepto at bokabularyo. Halimbawa, ang gásang ay Sebwano para sa “coral” at ang kagasángan ay lokal na termino para sa “coral reef”. Ang payew o payaw ay siyang tawag sa rice terraces o mga palayang inukit sa mga bundok sa Cordillera. Kung magpapatuloy tayo sa paggamit ng mga terminong Ingles para sa ganitong mga konsepto, o magkakasya na lamang sa ponetikong baybay (koral rif), o salin (hagdan-hagdang palayan), mamamatay ang lokal na termino. Kailangan nating itaguyod ang paggamit ng katutubong mga konsepto sapagkat kailangang irepresenta ng wikang pambansa ang karanasang pambansa. Ganitong-ganito ang itinatadhana ng ating saligang batas na paraan upang linangin ang Filipino.4 Kung ito ay isang uri ng purismo, ito ang purismo na itinataguyod ko.
Ang purismong inaayawan ko at inaayawan ng mamamayan ay iyong nagluwal ng mga salitang gaya ng salumpuwit at salipawpaw. Ang salumpuwit ay pinaikli ng “pangsalo ng puwit,” at ang salipawpaw ay nanggaling sa “sasakyang lumilipad sa himpapawid.” Inimbento ang mga salitang ito noong mga 1960 para gawing “puro” ang wikang pambansa. Sapagkat palasak na ang silya at eroplano, ang ganitong uri ng purismo ay itinakwil ng ating mamamayan.
Ang pahayag na ito ng punong komisyoner ay hindi na bago. Matagal na itong ginagawa ni Virgilio S. Almario kahit hindi pa siya itinatanghal na Pambansang Alagad ng Sining, o nina Zeus Salazar, Prospero Covar,Virgilio Enriquez, at iba pang eksperto sa kani-kaniyang larang. Ang pagkakaiba lamang, nauna sina Almario at iba pa sa mga pahayag ni Nolasco. Bukod sa “gasang” ay ginagamit na sa tula ang “tangrib” na mula sa Iluko at ipinaloob na sa Filipino. Matagal na ring ginagamit ang “payyo,” “payaw,” at “payew,” hindi lamang sa tula at kuwento kundi kahit sa ibang babasahing nasusulat sa Filipino subalit kataka-takang hindi ito binanggit ng butihing komisyoner. Kahit ang pag-ayaw ni Nolasco sa uri ng purismong Tagalog sa gaya ng “salumpuwit” ay hindi orihinal at matagal nang binanatan ni Almario. Ang masaklap ay hindi marunong lumingon si Nolasco sa nakaraan, at para bang siya ang nagpasimuno ng gayong pagpapayaman ng wika. Ang hindi naisip ni Nolasco ay ang henyo ng pagtatangka ng umimbento ng sariling katawagan para gamitin sa diskurso ng Filipino. Ang pag-imbento ng salita ay hindi dapat ikahon at patayin sa taguring “purismo.” Ang gayong pagtatangkang umimbento ng salita na hango o halaw sa malig ng Tagalog o iba pang lalawiganing wika—na bukod pa sa mga balbal na salita—ay isang rebolusyonaryong hakbang sa isang banda at paglihis sa gahum ng Ingles, samantalang pinaiigting ang sariling wika, dahil sinisikap ng gumawa niyon na lumikha ng salitang maaaring maging batayan ng diskurso ng Filipino alinsunod sa pananaw ng mga Filipino. Nagiging katawa-tawa ang “salumpuwit” o “salipawpaw” o “salungsuso” dahil ang ginagamit na batayan sa paglitis niyon ay ang pinaghiramang salita mula sa Ingles o Espanyol.
Hindi pa rito nagwawakas ang pahayag ni Nolasco. Pansinin ang mga talatang ito:
Kung gayon, bakit natin kinailangang baguhin pa ang pangalan buhat sa “Tagalog,” patungo sa “Pilipino” at pagkatapos sa “Filipino”?
Ang mga dahilan ay may kinalaman sa katwirang pang-sosyo-linguistika. Ang dati rati’y wika lamang ng Katagalugan ay lumaganap na sa buong kapuluan at naging wika na ng sambayanang Pilipino. Mas marami nang nagsasalita ng Tagalog na hindi taal na Tagalog. Batay sa sensus ng 2000, 9 sa 10ng Pilipino ang nakapagsasalita at nakauunawa ng Tagalog, magkakaiba nga lamang ang antas ng kasanayan. Sa dulong hilaga man ng Batanes hanggang sa dulong timog ng Tawi-Tawi, ay may nagsasalita ng wikang pambansa. Sa pamamagitan ng wikang pambansa ay nagkatotoo na ang komunikasyong inter-etniko. Salamat sa TV, radyo, romance novel, komiks, paglilipat-tahanan at sistemang pang-edukasyon. Hindi ang lehislasyon kundi ang aktuwal na praktika ng sambayanang Pilipino ang siyang lumutas sa isyu ng wikang pambansa.
Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika. Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog. Ang mga di-taal na tagapagsalita ng Tagalog ay naiimpluwensiyahan ng palabigkasan at gramatika ng kanilang unang wika. Halimbawa, ang salitang manî (may impit na tunog sa hulihan) ay binibigkas na maní (walang impit na tunog) ng maraming Ilokano kapag nagta-Tagalog sila. Hindi nakapagtataka at nagsulputan sa buong bansa ang mga baryedad pangrehiyon ng Tagalog. Tinatanggap at kinikilala na ang mga ito na lehitimong bahagi ng wikang pambansa.
Ang Ingles ay pangalawang wika rin ng maraming Pilipino. Sa paniwala ng iba, higit itong prestihiyoso kaysa Filipino. Ayon sa surbey noong 2008 ng Social Weather Stations, 3 sa bawat 4 na Pilipino (75%) ang nakakaunawa at nakakabasa sa Ingles. Dalawa sa bawat tatlong Pilipino (61%) ang nagsabing nakakasulat sila sa Ingles at halos kalahati (46%) ang nagsabing nakakapagsalita sila nito.
Ito ang magpapaliwanag bakit pinaghahalo ng mga Pilipino ang Ingles at Tagalog. Kilala ito ng marami sa penomenon na “Taglish.” Sa ilan, ito ay kapag sinimulan mo sa Ingles o Tagalog ang pangungusap, tapos you switch to another language sa parehong pangungusap. “Taglish” din ang tawag kapag ginagamit mo ang gramatika ng Tagalog kasabay ng bokabularyo ng Ingles.
Ang pagbabago ng “Tagalog” tungong “Filipino” ay hindi lamang may kaugnayan sa sosyolingguwistika, ayon sa paniniwala ni Nolasco. May kaugnayan din iyon sa politikang pangkultura, na umuuri sa ugnayan ng kapangyarihan sa lipunan. Hindi makausad ang “Filipino” dahil laging ipinapantay ito sa “Tagalog” na ang labas ay nagmumukhang baryedad lamang ng Tagalog ang Filipino. Hindi makausad ang “Filipino” dahil ang wika ng pamahalaan, batasan, hukuman, negosyo, at akademya ay “Ingles.” Hindi makausad ang “Filipino” dahil kulang na kulang kahit ang pabliser na magsusugal na maglathala ng mga babasahing nasusulat sa Filipino, at higit na pipiliin ang umangkat ng mga babasahing Ingles mula sa ibang bansa. Ang binabanggit kong politikang pangkultura ay makikita kahit sa pagsasagawa ng sarbey, na gagamitin ang “Tagalog” kahanay ng “Ingles,” “Sebwano,” at iba pa ngunit kakaligtaan ang “Filipino” na isang malaking pagkakamali at pagpatay sa simulaing itaguyod ang isang pambansang wika. Marahil, dapat payuhan ang gaya ng National Statistics Office o National Book Development Board o Social Weather Station o WordPress o Google na gamitin sa kanilang sarbey ang salitang “Filipino,” at ibukod ito sa mga lalawiganing wika at wikang internasyonal na Ingles, dahil buong bansa ang sangkot dito.
Kakatwa kahit ang paraan ng pahayag ni Nolasco: Ngunit hindi dapat kaligtaan na karamihan sa ating mamamayan ay nagsasalita ng Tagalog o Filipino bilang pangalawang wika. Mahigit lamang sa dalawa sa limang Pilipino ang taal na Tagalog. Ipinapantay wari niya ang Tagalog sa Filipino, at inuuri ang Filipino na parang Ingles bilang “ikalawang wika,” at sa tabas ng kaniyang pananalita’y Tagalog ang Filipino na binago lamang ang taguri. Ang binanggit niyang dalawang porsiyento lamang ang taal na Tagalog ay hindi malinaw kung ano ang ikinatangi sa gumagamit ng wikang Filipino. Malabo rin ang pakahulugan niya ng “ikalawang wika” at mahihinuhang ang ginawang batayan na naman ay pamantayang lingguwistika ng Ingles. Ang ganitong kalabuan, na nagmumula sa bibig ng pansamantalang punong komisyoner ng KWF, ay mapanganib dahil pailalim nitong minamaliit ang Filipino sa kakayahan nitong tumindig bilang pambansang wikang tulay sa pagitan ng mga lalawiganing wika.
Binanggit din ni Nolasco ang sarbey ng SWS na higit na prestihiyoso ang paggamit umano ng Ingles, ngunit hindi niya nilinaw kung itinapat ba iyon sa wikang Filipino, o baka naman sa Tagalog lamang na itinuturing na lalawiganing wika. Sa aking pagkakaalam, ang sarbey ay nakatuon sa Tagalog, at hindi sa Filipino. Hindi rin mapagtitiwalaan ang sarbey na nagsasabing 75 porsiyento ng Filipino ay nakababasa at nakauunawa ng Ingles. Ang hindi inalam sa sarbey ay kung ano ang uri ng lathalain ang binabasa ng mga tao, at kung gaano kalalim ang pagkakaunawa nila hinggil dito. Mahalaga ito upang mabatid ang antas ng diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng Ingles, kung ihahambing sa diskurso ng mga Filipino sa paggamit ng wikang Filipino.
Sablay din ang konklusyon ni Nolasco hinggil sa pagsulpot ng “Taglish.” Ang usapin ng Taglish o paghahalo ng Tagalog at Ingles ay hindi lamang may kaugnayan sa wika at lingguwistika, kundi maging sa politikang pangkultura. Maituturing ang paglitaw ng Taglish bilang reaksiyon sa patakarang kolonyal ng Amerika na pinalaganap sa buong Filipinas, at ang Tagalog noon, na lumaban sa paglaganap ng Ingles, ay gumawa ng paraan upang angkinin ang Ingles, at gamitin para sa kapakinabangan ng Filipino. Makikita ito sa paglalaro nina Julian Cruz Balmaseda, Lope K. Santos, Jose Corazon de Jesus, at Ildefonso Santos hanggang mga blogista ng panahong ito. Bagaman hindi katanggap-tanggap ang Taglish sa mga purong Inglesero, ang Taglish na ito ay lumikha ng mga tagasunod mulang subkultura sa mga kolehiyo at klub hanggang mass media at iba pang lunan.
Wika at Nasyonalismo
Ang problema kay Nolasco ay lumilikha siya ng opinyon mula sa pira-pirasong pagsipi hinggil sa ebolusyon ng Tagalog tungong Filipino. Heto pa ang kaniyang pahayag:
Noong mga 1930, pinili ng pamahalaang Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Dahil dito, naging opisyal at de facto na wikang pambansa ang Tagalog. Magiging sagisag daw ito ng ating kabansaan, gaya ng pambansang watawat at pambansang awit. Pagyayamanin daw ito batay sa MGA wika ng Pilipinas, pero nakasaad din sa batas ang “pagpapadalisay” dito.8
Bahagya lamang ang totoo sa sinipi ni Nolasco. Una, hindi naman basta pinili lamang ng administrasyon ni Manuel L. Quezon ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Lumalabas sa pahayag ni Nolasco na diktador ang administrasyon ni Pang. Quezon at hindi na makapapalag pa ang ibang tao. Ang nakaligtaang banggitin ni Nolasco ay nagkaroon ng konsultasyon sa iba’t ibang eksperto na pawang kumakatawan sa iba’t ibang lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Institute of National Language, at matapos ang masusing deliberasyon ay saka pinili batay sa datos at saliksik ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Mali rin ang pagbasa ni Nolasco sa pagpapayaman sa Tagalog. Binanggit na payayamanin ang Tagalog batay sa mga umiiral na wika sa bansa, ngunit lilisain ang “di kinakailangang banyagang termino, salita, at konstruksiyon.” Ano ang masama rito? Hindi isinaalang-alang ni Nolasco na iba ang lagay ng Tagalog noon na nagsisimula pa lamang. Kailangang maipon muna ang malig ng mga salita sa Tagalog upang sinupin ang mga “banyagang salita” (i.e., internasyonal na wika) na pumapasok sa korpus ng Tagalog. Lumabas ito sa serye ng mga pulong sa INL, at isa si Iñigo Ed. Regalado na nagpanukala sa pagpapalago ng kaban ng Tagalog at iba pang wika. Ang pagkokompara, samakatwid, ng Tagalog sa Filipino ngayon—na kumapal na ang korpus at naisayos na kahit paano ang pagtanggap ng mga banyagang salita—ay isang kaululan.
Ang problema sa papel ni Nolasco ay patalon-talon ang argumento, ngunit hindi ko sasabihing baliw ang paraan ng kaniyang pangangatwiran. Binuksan niya ang usapin hinggil sa kasaysayan at ebolusyon ng Filipino bilang wikang pambansa ngunit mag-iiwan naman ng mga puwang na ipinapalagay niyang tatanggapin nang buo ng mga mambabasa. Nilaktawan ni Nolasco ang talakay noong panahon ng pananakop ng Hapones at pagkaraan ay gagamiting halimbawa iyon bilang argumento sa pagiging “nasyonalista” na hindi dapat umanong ilapat o ikabit sa wikang Filipino. Isa itong kaululan. Totoong nagpakana ang Hapon na palaganapin ang wikang Nihonggo sa buong bansa, ngunit kulang ang mga titser noon at kaya kinakailangang sanayin ang mga tao na puwedeng magturo ng Nihonggo. Nabigo ang patakaran ng Hapon, at pagkaraan ay binuo ang Pambansang Lupon ng Edukasyon na kinabibilangan nina Jorge Bocobo, Francisco Benitez, at Mariano de los Santos upang gumawa ng sarbey at pag-aaral hinggil sa sistema ng publiko at pribadong edukasyon sa bansa. Lumabas sa kanilang pag-aaral ang kahalagahan ng paggamit ng isang wikang pambansa, at ang malaganap na pagtuturo nito sa lahat ng antas ng paaralan. Sa panayam ni Teodoro Agoncillo kay Pang. Jose Laurel, sinabi nitong “walang layong patayin ang mga katutubong wika” sa paggamit ng isang pambansang wika, bagkus maging tulay ng pagpapahayag sa puwang sa pagitan ng mga lalawiganing wika. Halimbawa, ani Laurel, ang Ilonggo na hindi makapagsalita ng Kapampangan ay maaaring gamitin ang pambansang wika upang maunawaan siya ng taga-Pampanga, at iba pa.
Dapat isaisip ni Nolasco na ang administrasyon ni Pang. Laurel ay nasa yugto ng digmaan, at iba ang kalagayan ng mga tao na dumanas ng lagim ng karahasan at kahirapan. Ang isang wikang pambansa ang isang makapangyarihang kasangkapan upang pagbuklurin ang lugaming bansa—at ito ang kapuri-puri sa ginawa ni Pang. Laurel—at nang maihatid nang mabilis ang mga kinakailangang impormasyon at serbisyo sa sambayanan. Ang administrasyon ni Laurel ay hindi masasabing sunod-sunurang tuta lamang ng mananakop na Hapones (at tatanga-tanga sa pagkasangkapan sa nasyonalismo) bagkus nagsikap din iyong gumawa ng mga hakbang upang maipasok ang usapin ng kalayaan at pagsasarili, kahit man lang sa panig ng edukasyon at pagpapalaganap ng wika. Kaya kung iugnay man ang “pambansang wika” sa “nasyonalismo” ay hindi dapat sipating kahinaan sa panig ng Filipino. Dapat pa ngang ipagmalaki ito, dahil ang pambansang wikang ibinatay sa Tagalog ay malaki ang naging ambag para pagkaisahin ang mga Filipino, at buhayin ang kanilang loob, saanmang lalawigan sila nagmula.
Hindi ko na papatulan ang kronika ni Nolasco hinggil sa ebolusyon ng wikang pambansa dahil pagsasayang lamang iyon ng laway. Ang nais ko lamang ipakita rito ay kung paano binabaluktot ni Nolasco ang kasaysayan at impormasyon, upang iangkop sa nais niyang maging patakaran ng KWF. Heto pa ang pahayag niya:
Paano natin pahahalagahan ang ating mga wika?
Kailangan nating baguhin ang ating saloobin tungkol dito. Ituring nating yaman sa halip na pabigat ang ating mga lokal na wika at ang dibersidad pangwika sa Pilipinas. Itakwil natin ang mga maling hakahaka gaya ng huwad na mga argumentong “nasyonalista”. Huwag nating paglabanin ang lokal na wika at ang wikang pambansa. Huwag nating paglabanin ang Ingles at Filipino. Kailangan natin ang isang wikang pambansa pero kailangan din natin ang ating mga lokal na wika at ang mga wika ng lalong malawak na talastasan (i.e. Ingles at Español). Sa pamamagitan ng mga wikang ito, nabubuo natin ang ating etnisidad at kasabay nito ay nakikilala ang ating pagka-mamamayan ng bansa at ng daigdig. Sabi nga, mag-isip nang global at kumilos nang lokal.
Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan.14 Napatunayan nang sa pamamagitan ng mga wika ng tahanan at lokal na kultura ay napapadali ang pagkakatuto ng bata sa eskuwelahan. Nagsisilbi ring tulay ang mga ito upang epektibong kabisahin ang ibang wika, gaya ng ipinakita sa Lubuagan. Nagkakaroon ng paggalang sa sarili ang isang mag-aaral kung ang kanyang mga karanasan at ang wikang ginagamit niya sa pagpapahayag ng mga iyon ay tinatanggap o kinikilala. Mula sa kaalamang ito, ang bata ay natututo, nakapagdaragdag ng bagong mga konsepto at nakakabuo ng mas malalim at abstraktong ideya.
Ang katutubong mga sistema ng kaalamang nakaimbak sa mga lokal na wika ay nagkokomplemento sa ating kaalaman sa agham at teknolohiya ng Kanluran. Ang pinagsamang kaalamang ito ay tumitiyak na ano mang kaunlarang maidudulot nito ay magiging pangmatagalan at makakalikasan.
Ang tunay na nagmamalasakit sa Filipino bilang wikang pambansa ay hindi kailanman iniisip na magiging hadlang ang paggamit ng mga lalawiganing wika para sa kapakinabangan ng isang solidong pambansang wika. Ang mga tumututol lamang sa pagkakaroon ng wikang pambansa rito ay ang ilang demagogong Inglesero, Sebwano, at Bikolano, at makikita ito kahit sa patakaran ngayon ng Departamento ng Edukasyon (DepEd). Kaya ang pahayag ni Nolasco sa itaas ay bahaw na bahaw, at inulit lamang ang dating hinagpis na nagmula rin sa hanay ng mga tunay na taliba ng wika. Kaya lamang nagkakaroon ng labo-labo ngayon hinggil sa wikang pambansa ay dahil na rin sa maling priyoridad ni Nolasco bilang pansamantalang komisyoner ng KWF. Ibig niyang isulong ang multilingguwalismo ngunit pailalim na pinahihina ang Filipino bilang wikang pambansa. Ang mga pangamba ni Nolasco na maging purong Tagalog ang Filipino ay isang haka-haka lamang na walang batayan, at kathang-isip na naging halimaw na siyang kinatatakutan mismo ng butihing komisyoner.
Ang sinipi ni Nolasco mula kay Rep. Magtanggol Gunigundo na, “Ang ating mga bata ay may karapatang matuto sa wikang kanilang kinagisnan,” ay hindi na dapat pang pagtalunan. Karapatan nila iyon. Ngunit ang pagturing sa Filipino na parang Ingles ay isang mabuway na pagpapahalaga. Ang Filipino bilang wikang pambansa ay makatutulong sa anumang wikang kinagisnan ng bata upang lalo siyang matuto. Magkalayo ang polong pinagmumulan ng Ingles kompara sa Filipino, at ang Anglo-Amerikanong tradisyong taglay ng Ingles ay hindi kasinghusay ng tradisyong Filipinong mataas ang uri ng paghihiwatigan at pagpapakahulugan kung ilalapat o kakasangkapanin sa kaligiran ng Filipinas.
Mapanganib ang mga pahayag ni Ricardo Nolasco bilang pansamantalang punong komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino. Ang mga sablay niyang pahayag ukol sa Filipino ay hindi ko iisiping naaanggihan ng Summer Institute of Linguistics na sinisipat ng ibang kritiko na pumapabor sa patakarang kolonyal ng Estados Unidos. Subalit ibang usapan na ito, na nangangailangan ng ibang talakayan at inuman. Ano’t anuman, malaya ang Malacañang na hirangin muli si Nolasco bilang punong komisyoner ng KWF, nang di-alintana ang nagbabadyang sigwa sa loob at labas sa Malacañang.
Para sa kaugnay na artikulo, basahin ang Lily Pad ni Ninotchka Rosca na may akdang pinamagatang “The Language of Ourselves.”