salin ng kathang “Cienie” ni Boleslaw Prus mula sa orihinal na Polish, at batay sa saling-Ingles ni Christopher Kasparek
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
LILIM
Habang nauupos ang sinag ng araw mula sa kalangitan, sumisilang ang takipsilim mula sa kalupaan. Takipsilim ang malaking hukbo ng gabi, na may laksang di-nakikitang hanay at bilyon-bilyong kawal. Ang makapangyarihang hukbo na noong una pa man ay nakikibaka sa liwanag, nadudurog tuwing bukang-liwayway, lumulusob tuwing gumagabi, maghahari mulang dapithapon hanggang madaling-araw, at pagsapit ng umaga’y magkakawatak-watak, at magkukubli sa mga pook na lihim habang nagmamatyag.
Maghihintay sa malalalim na guwang at silong ng lungsod, sa makakapal na kagubatan, at sa kaibuturan ng maiitim na lawa. Mag-aabang habang mananambang sa walang-kupas na lungib, bituka ng minahan, singit ng kanal, sulok ng bahay, at pusod ng mga dingding. Waring kalat-kalat ito at naglaho, ngunit napupuno nito ang bawat lilignan ng paligid. Umiiral ito sa bawat siwang ng punongkahoy, sa mga tupi ng damit ng tao; humihimlay sa pinakamaliit na butil ng buhangin, sumasabit sa pinakapinong hibla ng sapot ng gagamba, at mag-aantabay. Pinalis mula sa isang pook, lilipat ito nang kisapmata kung saan, at magbabalik sa pinag-ugatan kapag nakasumpong ng pagkakataon, upang mapasok ang di-nasasakop na posisyon at mangibabaw sa daigdig.
Samantalang naghihingalo ang araw, ang hukbong takipsilim ay tahimik at maingat na magmamartsa palabas sa mga kublihan nito. Pupunuin nito ang malalamlam na pasilyo, bulwagan, at hagdanan ng mga gusali; mula sa mga aparador at dulang ay marahang gagapang sa gitna ng silid at kukubkob sa mga kurtina; mula sa mumunting lagusan ng hangin sa pintungan ng alak at bintana ay tatakas patungo sa lansangan, sasalakayin ang katahimikan ng mga pader at bubong, magpapasukot-sukot nang pakubli sa bubungan, at matiyagang maghihintay na maglaho ang mamula-mulang ulap sa kanluran.
Maya-maya’y biglang sasambulat ang karimlan mulang lupain tungong kaitaasan. Magtatago ang mga hayop sa kani-kanilang himpilan; tatakbo pauwi ang mga tao sa kani-kanilang tahanan. Ang búhay, tulad ng halamang pinagkaitan ng tubig, ay mangunguluntoy at malalanta. Malulusaw ang mga kulay at anyo sa kawalan; maghahari ang sindak, mali, at krimen sa buong daigdig.
Nang sandaling iyon, sa mga kalye ng Warsaw na natitigang, lumitaw ang kakatwang hulagway ng isang tao na may munting apoy sa kaniyang tuktok. Tinahak niya ang bangketa na waring hinahabol ng dilim, hinintuan ang bawat lampara, at nang mapailaw yaon, ay naglaho gaya ng anino.
Gayon ang nagaganap araw-araw kada taon. Nangyayari iyon sa mga bukid, habang humahalimuyak ang mga bulaklak; o tuwing Hulyo habang humahalihaw ang bagyo. Umuunos man ng alikabok tuwing taglagas o sumisigabo ang niyebe sa himpapawid, malimit tuwing pagsapit ng gabi’y kakaripas siya sa mga bangketa habang tangan ang munting apoy, magsisindi ng ilaw, saka maglalaho sa lilim.
Saan ka nanggaling, ginoo, at saan nakahimpil? Ni hindi namin alam ang tabas ng iyong mukha o narinig man lang ang tinig. May asawa ka ba o ina na naghihintay sa pagbabalik mo? May mga anak ka bang kakandungin at yayakapin pagkaraang sindihan ang mga ilawan? May mga kaibigan ka bang mahihingahan ng tuwa at lungkot, o kakilalang makakahuntahan sa mga nagaganap araw-araw?
May tahanan ka ba na kinaroroonan mo? May palayaw ka ba? May pangangailangan ka ba’t nararamdaman, gaya namin? O sadyang wala kang hubog, tahimik at maysa-tagabulag na nilalalang na lumilitaw lamang tuwing takipsilim, magsisindi ng ilaw, saka maglalaho gaya ng anino?
May nagsabi sa akin na lalaki nga siya, at binigyan pa ako ng kaniyang adres. Pinuntahan ko ang kaniyang tirahan sa gusaling paupahan, at nagtanong sa porter:
“Nakatira ba rito ang lalaking nagsisindi ng mga ilaw sa kalye?”
“Oo, dito nga.”
“Nahan siya?”
“Sa silid na iyon.”
Nakakandado ang silid. Sumilip ako sa bintana at natanaw ang isang sopa sa tabi ng dingding at kalapit niyon ang mahabang tungkod na may ilawan. Wala roon ang tagailaw.
“Ano ho ba ang kaniyang itsura?”
“Ewan,” sambit ng porter. “Ni hindi ko siya kilala, dahil wala siya kapag umaga.”
Pagkaraan ng kalahating taon, nagbalik ako sa kaniyang tirahan.
“Nariyan ba ang tagailaw ng kalye?”
“Ay, naku!” saad ng porter. “Wala na siya at hindi na magbabalik pa. Inilibing siya kahapon. Patay na siya!” Napakunot ang porter.
Nagtanong ako ng ilang detalye at nagtungo sa sementeryo.
“Mamang sepulturero, maituturo mo ba ang puntod ng tagailaw ng kalye?” Inulit niya, “ang tagailaw ng kalye?”
“Sino ang makatatanda niyan? Tatlumpung bangkay ang inilibing kahapon!” aniya.
“Inilibing siya sa pinakadukhang puwesto ng sementeryo. Ang tagailaw,” untag niya.
“May dalawampu’t limang tagailaw na gayon.”
“Ngunit naroon siya sa walang barnis na kabaong.”
“Nagdala sila rito ng labing-anim na walang barnis na kabaong.”
Hindi ko nabatid ang kaniyang mukha o pangalan, o natukoy man lamang ang libingan. At nanatili siyang lihim hanggang kamatayan, tulad noong siya’y nabubuhay: nakikita lamang tuwing takipsilim, pipi at mailap na gaya ng anino.
Sa gitna ng karimlan ng buhay, na nangangapa ang sawimpalad na sangkatauhan, na ang ilan ay sasalpok sa mga hadlang, mahuhulog ang iba sa guwang, at walang makaaalam ng ligtas na landas, na ang mapamahiing tao ay makalalasap ng kabiguan, karukhaan, at pagkapoot—sa madilim, walang bakás na pook ng buhay, magkukumahog ang mga tagailaw, mananatiling lihim ang pag-iral, magpapagal nang di-matingkala, saka maglalaho gaya ng lilim. . . .