Pulo ng mga Ngiti, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Ngitî

Roberto T. Añonuevo

Nasusúkat ang lahát, gáya ng pagsúkat sa pambansâng kabuôang kíta at ligáya. Itó ang matútuklasán mo pagsápit sa Pulô ng mga Ngitî. Makikíta mo roón ang ipinagmámagaràng pinakámasayáng nasyón sa buông mundó, alinsúnod sa sárbey at saliksík, na ang báwat táo’y kay-gaán gumaláw, kay-gaán makísalámuhà, sapagkát nása kanilá ang lahát ng mimithîin ng mga dukhâng bansâ. Magbanát ka ng butó’t makáaásang may pagkáin sa hapág. Humingî ka ng túlong sa áhensiya ng gobyérno’t kidlát ang paghahatíd ng sérbisyo, gáya sa pulísya, mekaníko, at bumbéro. Óo, magbabáyad ka ng buwís, ngúnit báwat séntimo na iambág mo’y mágbabalík na líbreng edukasyón, tóleransíya sa mga lahì, likás-káyang pagtátagúyod ng gúbat at dágat, sópistikádong bángko at mérkado, ársenal ng bómba atómika, áyudang pagkáin sa panahón ng pándemya’t tagsalát, donasyón sa ibáng bansâng naghíhikahós, at subók na impráestruktúra, gáya ng kalsáda, ospitál, pabáhay, at palipáran. Sa pagigíng ídeal ng tagpô’y magdudúda ka kung totoó o guníguní lámang ang nakikíta mo. Sa Pulô ng mga Ngitî, ang tiwalà sa kapuwâ’y lumaláwig sa paúlit-úlit na páalála ng gobyérno, sa paúlit-úlit na kawikâan ng matátandâ. Kayâ ang sinúmang makaíwan ng bag sa isáng poók ay maíbabalík iyón sa kaniyá nang walâng lábis, walâng kúlang. Kapág may súnog o lindól o bagyó ay pámbihirà ang bayanihán, at aakalàin mong itó ang sinaúnang Katágalúgan. Dáhil sa ganitóng gawî’y lálong nasísiyahán ang mga mamámayán, áyon sa úlat ng Pándaigdígang Áhensiya hinggíl sa Káligayáhan. Ang Pulô ng mga Ngitî ay pulô ng lugód at alíwan, na bágay sa turísmong pampóskard, kayâ ang mga táo’y humáhabà ang búhay, na párang hindî mamatáy-matáy. Maglakád ka sa mga lansángan, at únang mapápansín mo’y ang lábis na línis ng palígid, na tíla ábandonádong lungsód o náyon. Ang tánging makikíta mo’y ang mga uwák kung hindî man kalapáti na pawâng nangingináin ng mga líbreng bútil doón sa plása, bukód sa isá o dalawáng tagawalís ng mga lagás na dáhon. Hálos otsénta pórsiyénto ng populasyón ay binúbuô ng matatandâ. Láhat silá’y sagót ng segúro at pensiyón sa óras na magretíro, handâng namnamín ang óras sa kani-kaniyáng túmba-túmba o malalambót na káma—nakatitiyák sa masusúgid na tagápangálagàng pángkalusúgan. Siníkap ng góbyernong palakihín pa ang populasyón ng kabatàan, ngúnit dáhil sa nakalípas na patakaráng págpapláno ng pámilya’y ipinágpalíban ng mga táo ang págbubuntís, at hulí na ang lahát nang lumambót ang úten at kumáuntî ang tamód ng mga baráko. Sa Pulô ng mga Ngitî, ang tinátamásang ligáya ng mamamayán nitó ay sukatán ng ibá pang nasyón. Sa lábis na ligáya’y nakángitîng yumayáo ang mga séntenaryo, at káhit ang kaniláng mga bungô’y itinátanghál pa sa múseo úpang kainggitán ng mundó. Ngúnit nang dumatíng sa Pulô ng mga Ngitî ang iyóng músa—na payák ngúnit napakágandá—ang uugód-ugód na populasyón ay nagtaká kung anó ang líhim niyá. Hindî siyá tumatandâ, at sa halíp, lalô siyáng nagíging sariwà hábang lumaláon, gáya ng iyóng mga tulâ. Nabahalà ang mga áwtoridád sa mga usáp-usápan, at silá’y napangiwî, o sabíhin nang nanaghilì, sa banyagàng anyô na hindî maisilíd sa mga salitâ. Kayâ mulâ noón ay ipínasiyá niláng ipatápon nang walâng kaabóg-abóg sa ibáng nasyón ang iyóng minámahál.

Alimbúkad: Epic poetry upheaval staring at you. Photo by Aleks Magnusson on Pexels.com

Liham sa Manunggul, ni Roberto T. Añonuevo

Líham sa Manunggúl

Roberto T. Añonuevo

Nalímot ko na kung paáno tumulâ, at kung ikáw ang áking tulâ, hindî kitá makíta sa áking mga kuwáderno na párang inimbák sa Manunggúl. Malayà mong ísiping naípit akó sa kuwárenténa, émbargo, o digmâ, ngúnit sa pagkakátaóng itó, hindî akó magsísinúngalíng. Walâng lumabás na tínig sa áking lalamúnan; kay bágal ng áking kaliwâng kamáy sumúlat, na ipinágkakánulô akó sa katáhimíkan. Humihigâ akó, pumípikít, at lumíliít dáhil paúlit-úlit kitáng naríriníg: Nahán ka? Kailán ka aalís? Naísip kong magpahángin sa bakúran, na ngayón ay punông-punô ng súkal, na tíla kómbinasyón ng gúbat at namúmuwaláng bodéga. Hindî akó makáhingá. Sumikíp warì ko ang daigdíg na itó, itínatwâ ang aliwálas at liwánag, at ngayón, isá akóng huklúbang nágtatabás ng mga punggók na punòngkáhoy at makákapál na damó at palumpóng, nágwawalís ng mga lagás na dahón, nagsásalansán ng mga putikáng bóte ng wíski at serbésa, naghaháwan ng mga naghambálang na yéro, túbo at bató, nagtátastás ng binúbukbók na lawanít at dos pos dos, nágsasáko ng mga lumàng sapátos at damít na lumà, nágsisigâ ng talaksán ng mga nagsásatsátang diyáryo, magásin, at libró. Íbig kong ipámigáy sa mga batàng basuréro ang lahát sa bakúrang itó: ang umaápaw na basúrahán na búkal ng gunitâ at damdámin, ang mga tropéo, retráto, at sértipíko na kinásisiyáhang ngasabín ng mga ánay at dagâ. Paúmanhín, kung hindî ako makátulâ sa áking tulâ. Sa pásig ng aking haráya, naíiníp, óo, totoóng naíiníp, sa kahíhintáy ang áking ulilàng bangkâ.

Alimbúkad: Poetry solidarity for Palestine. No to war. No to occupation. No to apartheid. Yes to freedom. Yes to poetry. Photo by aplinsky on Pexels.com

Pulo ng Puso, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Pusò

Roberto T. Añonuevo

Ang gunitâ ng mga paá ay payák, gáya ng kiná Messi at Maradona, at lumahók man sa kampeonáto ng Grondonísta ay makálulusót lában sa bombéro at kortína, babákunáhan ang tarantádong hugadór rustíko, iíwan ang pagóng na libéro at háyop na doblé síngko, paíiyakín ang mainíting gágo, tatakbóng humáhagibís hábang pinátatalbóg o pinágugúlong ang bóla, hindî kailánman buwakáw bagkús liríko kung magpása, at sa pamámagítan ng kányo o sombréro o chílena ay magpápamálas ng golazonón pára pasabúgin ang líbong Bombonéra sa hiyáwan at kargáda. Ganiyán ang madaráma mo sa óras na sumápit sa Pulô ng Pusò. Malúlulà ka roón sa dalúyong ng mga táo, malilímot nang pánandalî ang probléma o trabáho, at mábibingí sa nakáririndíng sigáw na “Henyó henyó henyó, ta ta ta ta, goooooooooool!” Hindî mo mawarì kung saán ka lulugár, gayóng hindî namán infiltrádong hungháng, lálagabóg ang mga tibók mo, at atakíhin ka man sa pusò’y nakángitî pang yayakápin ang kamatáyan. Ikákabít mo ang pag-íbig sa poók na itó, makikísimpatyá sa mga tigmák sa luhàng trápo ng mga ámargo, at pára kang idudúyan ng mga táo na lumúlundág sa galák, tátangayín ng indáyog ng punyagî at tagumpáy, warìng malagíhay sa umaápaw na Vino Toro o kayâ’y sinipà ng espirítu ng Férnando, at pápakyawín ang lahát ng chóripan úpang ipámigáy sa lahát ng pagál at gutóm makáraáng humupà ang lábis na kasiyáhan. Sa Pulô ng Pusò, ang minámahál mo’y walâ sa dibdíb ng báwat panatíkong tagásubaybáy, bagkús nása kólgadong íbig maglarô ngúnit minálas na magpakínis ng bangkô. Sapagkát mayroón siyáng mga paá ngúnit nabigông maípakíta ang galíng sa gambéta; mayroón siyáng úlo subálit hindî nasúbok káhit sa isáng pálomíta. Tatahímik siyá gayóng naglálagabláb ang loób; tatandâan ang páng-aasár ng mga hindót at intsa, halímbawà, kung tawágin siyáng kúlyado gayóng guwápong-guwápo. Ngúnit dáhil túnay niyáng isinápusò ang áwit ng mahál mo, magsasánay siyá nang magsasánay, tátanggapín ang katángahán, mag-aáral nang mag-aáral umulán man o umáraw nang mahigtán ang Bielísta, isasádulâ sa guníguní ang mga angguló ng supérklasíko, hanggáng isílang ang kanáng paá na Ronaldinho at ang kaliwàng paá na Ronaldo. Sa Pulô ng Pusò, hindi mapipígil ang dáloy ng dugô—kayâ’t humáyo sa wikà ng músa mong sinúsuyò.

Alimbúkad: Epic raging poetry beyond Filipinas. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pulo ng Puson, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Pusón

Roberto T. Añonuevo

Nasísirâan ng baít káhit ang pinakámabaít pagsápit sa Pulô ng Pusón. Ang Pulô ng Pusón, na tambáyan ng mga kabatàan, ang magpapábulkán sa lahát ng báwal, ang babaklî sa mga pangakò, ang mághuhubád sa pagbabántulót hinggíl sa pagdulóg sa katawán. Maráming nalígaw díto at áyaw nang umúsad sa paniníwalàng hindî silá kailánman tatandâ at haháwak ng tagâ sa panahóng tungkód. Tuwíng kabilúgan ng buwán, nag-iínit ang mga aníno sa kahuyán, ánimo’y mga músang na nagkákalmútan, nakikíramdám, nagkákagátan, umuúngol sa sukdól ng kalígayáhan, tagláy ang timyás ng musíka at rubdób ng pagsukò sa kung anóng síning, sa kung anóng balanì, ngúnit walâ ni isáng magsasábing siyá’y nabábató at íbig umuwî. Sapagkát sa Pulô ng Pusón, ang bumubúlas ay hindî kailánman napipígil, gáya ni Miguel Panggígil, at kung pigílin man ay kakawalâ sa panagínip na párang bagyóng tinátangkâng ilihís ng mga sinaúnang pangáral at panalángin. Kapág sumápit ka sa poók na itó, maaarìng makíta mo ang hinahánap na músa sa anyô ng líbong diwatà, na báwat isá’y aakítin ka úpang patunáyan ang saríli, halímbawà, sa paggúhit ng laráwan o pakíkihámok sa digmâ o pagtátayô ng báhay o paglílináng ng bukirín. Ngúnit hindî ka nilá aángkinín; hahabúlin mo silá subálit kisápmatá siláng mawáwalâ. Maglálakád kang isinísigáw ang pangálan ng minámahál mo. Pagnánasáhan mo ang sinúmang kahawíg, katínig, katindíg ng lamán ng iyóng pusò, at nagpápabángon sa ilahás mong silakbô. Sa gayón, hindî ka matatákot at lalòng magigíng matigás ang úlo. Walâng katwíran ang pusò kundî tumibók, at tumibók nang tumibók, hanggáng sumápit sa lunggatî’t pangárap, na sa ibáng salitâ’y pag-íral. Lilikhâ ka ng maráming pusò na iisá ang itinítibók. Sasápit ka sa hanggáhan ng bangín, tátanawín ang mga álon na kinaróroónan ng umpúkan ng mga butandíng, na kung isínakáy man at iníhatíd ang mahál mo sa kung saáng pampáng ay pílit mo pa ring hahabúlin ng tingín o alíngawngáw, na maráhil ay magwawakas lámang sa pagbalì at pagdúkot sa saríling tadyáng úpang lumikhâ ng bágo’t rumáragasâng balangáy.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Photo by ArtHouse Studio on Pexels.com

Awit ng Musa, ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Músa

Roberto T. Añonuevo

Nálilikhâ ng kamáy ang húbog, testúra, at kúlay na nátuklasán ng matá. Nálilikhâ ng bungangà ang tínig at tunóg na sinágap ng taingá at isinálin sa senyás ng kamáy. Nálilikhâ ng matá ang paít-ásim-tamís-angháng na ibinúbunyág ng dilà. Nálilikhâ ng ilóng ang ligamgám o halúmigmíg na inílilíhim ng taingá at pálad. Nálilikhâ ng taingá ang kahúngkagán o dumí na námumuô sa bungangà at ilóng. Ngúnit hindî málilikhâ ng kamáy ang saríling kamáy nang hindî iíwan ang pagigíng kamáy at maisálin sa kumpás at indáyog. Hindî málilikhâ ng matá ang saríling matá kung hindî itó pipikít nang papáglahùin ang saríli. Hindî málilikhâ ng ilóng ang saríling ilóng nang hindi nagmúmukhâng elepánteng sumísinghót sa angkíng likídong buntót at nasúsulások sa saríling bigát. Hindî málilikhâ ng taingá ang saríling taingá, sapagkát iyón ang kúsang pagkulób at paglagô nang pauróng. Gayunmán, pipilítin pa rin ng bungangà na likhâin ang saríling bungangà, na lilikhâ ng ibá pang bungangà na magsásalitâ pára sa kaniyá káhit walâng kawawâan, na kapág hindî natiís ng ibá’y púpukulín ng masamâng tingín, sásampalín nang mataúhan, pálalayásin hábang hinahágad ng málulutóng na panghahámak, at sa ísang singasíng ay tútuldukán ang ipinamálas na pághahambóg. Ang bungangà na lumikhâ sa saríli ay nakatakdâng ipatápon sa malayò at doón mamatáy, gáya ng mga hungkág na anúnsiyó sa páhayagán. Itó ang talínghagàng iníwan ng áking mahál, hábang siyá’y umaáwit ng áking áwit, na malugód na tinátangáy ng hángin sa kung saáng daigdíg.

Alimbúkad: Poetry Filipinas moving mountains. Photo by Plato Terentev on Pexels.com

Alulong, ni Allen Ginsberg

Salin ng “Howl,” ni Allen Ginsberg ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alulóng

Para kay Carl Solomon

I
Nakita ko ang matitinik na utak ng aking henerasyon na winasak ng kabaliwan,
. . . . . . .nagugutom nabuburyong nahuhubdan,
hila-hila ang kani-kanilang sarili sa mga negrong kalye kapag madaling-araw
. . . . . . .para magkaamats, mga anghel na jeproks na lumiliyab para sa ugnayang makalangit dulot ng bateryang kumikisap sa loob ng makinarya ng gabi,
. . . . . . .na luklukan ng karukhaan at gusgusin at sabóg na nakatalungkong humihithit
sa karimlang sobrenatural ng mga nagyeyelong baláy na lumulutang sa tuktok
. . . . . . .ng mga lungsod na nagninilay sa jazz, na ibinunyag ang kanilang isip sa Langit
sa lilim ng El at nasilayan ang mga Mahometanong anghel na sumusuray sa bubong
. . . . . . .ng barumbarong na nagliliwanag, na nakapasá sa mga unibersidad nang may maningning na matang sabóg sa Arkansas at trahedyang mala-Blake sa mga iskolar
. . . . . . .ng digmaan, na sinipa mula sa mga akademya dahil inakalang búang at nagpapa-
lathala ng mga awiting bastos sa mga bintana ng bungo, na nangangatal nang nakabrip
. . . . . . .sa mga libagíng silid, nagsisindi ng pera sa mga basurahan, at inuulinig sa rabaw ng dingding ang Sindak, at pinagdadampot dahil sa kanilang bulbuling balbas
. . . . . . .na nagbabalik sa Laredo na may sinturon ng tsongki para sa New York,
na kumakain ng apoy sa mga pintadong hotel o tumutungga ng turpentina sa Paradise . . . . . . .Alley, kamatayan, o pinupurgatoryo ang kanilang lawas gabi-gabi sa mga panaginip, sa mga droga, naaalimpungatan dahil sa bangungot, alkohol at burat at . . . . . .. . . . . .walang hanggahang bayag, di-maihahambing na mga kalyeng bulág ng kumakatal na ulap at kidlat sa isipang lumulundag tungo sa mga polo ng Canada & Paterson,
. . . . . .pinagliliwanag ang lahat ng walang tinag sa mundo ng Panahon na nakapagitan,
Peyoteng tumaliptip sa mga bulwagan, bakuran ng berdeng punong sementeryong . . . . . .. . . . . .sumisilang, pagkalasing sa alak habang nasa bubong, o harapan ng tindahang  . . . . . .. . . . . .sari-sari na adik sa damong neon na kumukutitap na ilaw-trapiko, araw at buwan . . . . .    .at pintig ng punongkahoy sa humahalihaw na otonyong madaling-araw ng . . . . . .. . . . . .. . . Brooklyn, nanggagalaiting sinesera at mabuting hari ng liwanag ng diwa,
na ikinadena ang kanilang mga sarili sa mga sabwey para sa eternal na biyahe mulang
. . . . . .Battery hanggang sagradong Bronx nang may amats Benzedrine hanggang ang . . . . . .. . ..ingay ng mga kotse at bata ay pukawin silang nanginginig nang bangas ang bibig at . . . . . .bugbog ang kulimlim na utak na natuyot sa katalinuhan sa gastadong sinag ng . . . . . .. . . . ..Zoo,
na nalunod buong gabi sa submarinong sinag ng Bickford’s na lutang at nakaupo sa
. . . . . .mapusyaw na serbesang dapithapon sa nakahihindik na Fugazzi’s, nakikinig sa . . . . . .. . . . pagputok ng wakas mula sa idrohenong jukbax,
na patuloy na nagsasalaysay nang pitumpung oras mulang parke hanggang bahay
. . . . . .hanggang bar hanggang Bellevue hanggang museo hanggang Brooklyn Bridge,
. . . . . .bigong batalyon ng platonikong tsismosong lumulundag sa kababawan ng sunog-
. . . . . .ligtasan sa mga bintana ng Empire State palabas ng buwan,
tumatalak sumisigaw sumusúka bumubulong ng mga katotohanan at gunita
. . . . . .at anekdota at tadyak sa mata at rindi ng mga ospital at bilangguan at digma,
buong kaisipang isinukang tandang-tanda sa loob ng pitong araw at gabi
. . . . . .taglay ang matang kumikislap, karne para sa Sinagoga at inihasik sa kalye,
na naglaho sa kung saang Zen New Jersey na iniwan ang bakas ng malabong
. . . . . .larawang pamposkard ng Atlantic City Hall,
pinagdurusahan ang Silanganing pagpapawís at Tanseryanong pulbos-buto, at
. . . . . .sakit-ng-ulo ng China, idinuwal ang walang kuwentang pamatay-gutom na
. . . . . .madilim magarang silid ng Newark,
na magdamag na gumagala nang paikot-ikot sa mga riles ng tren,
. . . . . .at nag-iisip kung saan patutungo at saan nagtungo, hindi mag-iiwan ng mga wasak . . . . . .na puso
na nagsisindi ng sigarilyo sa mga kotse kotse kotse na rumaraket sa niyebe tungo sa
. . . . . .malulungkot na bukirin sa impong gabi,
na nag-aral ng Plotinus Poe San Juan de la Cruz telepatiya at bop kaballa dahil ang
. . . . . .kosmos ay kusang pumipitlag sa kanilang talampakan sa Kansas,
na isinanla iyon sa mga lansangan ng Idaho na naghahanap ng bisyonaryong Indiyong
. . . . . .anghel, na inakalang baliw lamang sila nang magningning ang Baltimore sa
. . . . . .kaluwalhatiang sobrenatural,
na tumalon sa mga limosina kapiling ang Chino ng Oklahoma dahil sa tulak ng
. . . . . .otonyong hatinggabing may sinag-kalyeng ulan sa bayan,
na sumunggab nang gutom at mag-isa sa Houston sa paghahagilap ng Jazz o sex o
. . . . . .sopas, at sinundan ang matalas na Español upang makipag-usap
. . . . . .sa America at Eternidad, isang walang kapag-a-pag-asang tungkulin, at kaya
. . . . . .sumakay ng barko pa-Africa,
na naglaho sa mga bulkan ng Mexico at walang iniwan kundi ang anino ng pantalong
. . . . . .maong at ang lava at ang abo ng panulaan na isinabog sa dapugang Chicago,
na muling lumitaw sa West Coast para imbestigahan ang FBI na balbasarado at . . . . . .. . . . . .. . . nakasalawal at may malalaking matang pasipista na seksi sa maitim na balát at . . . . . .. . . . nagpapakalat ng di-maarok na polyeto,
na pinapasò ng sigarilyo ang mga brasong nagpoprotesta sa narkotiko-tabakong usok
. . . . . .ng Kapitalismo,
na nagpapalaganap ng mga Superkomunistang polyeto sa Union Square, umiiyak at
. . . . . .naghuhubad habang ang mga sirena ng Los Alamos ay pinahahagulgol sila, at . . . . . .. . . . . pinahahagulhol ang Wall, habang humahagulhol ang barko ng Staten Island,
na nalugmok sa kaiiyak sa mapuputing himnasyos nang lastag
. . . . . .at nanginginig sa harap ng makinarya ng ibang kalansay,
na sinakmal sa leeg ang mga detektib at napasigaw sa tuwa sa loob ng kotse ng pulis
. . . . . .dahil sa tangkang di maituturing na krimen kundi ang kanilang ilahas na balak na . . . . . .. . pederastiya at paglalasing,
na umaalulong nang nakaluhod sa sabwey at hinihila palayo sa bintana habang
. . . . . .iwinawagay ang mga uten at manuskrito,
na hinayaan ang kanilang sariling kantutin sa puwit ng mga banal na nakamotorsiklo, at
. . . . . .malugod na sumigaw,
na pinasabog at tinangay ng mga diwatang tao, mga marinero, hinahaplos ng Atlantiko
. . . . . .at pag-ibig na Caribe,
na kumandi sa umaga sa gabi sa hardin ng rosas at sa damuhan sa mga publikong
. . . . . .parke at sementeryo, nagkakalat ng kanilang tamod nang libre sa sinumang
. . . . . .maaaring dumating,
na sinisinok nang walang katapusan at nagsisikap kiligin ngunit nagwawakas sa
. . . . . .paghikbi sa likod ng harang sa Paliguang Turko noong ang bulawan & hubad na
. . . . . .anghel ay dumating upang tusukin sila ng espada,
na nawalan ng kanilang mga binatang parausan sa tatlong daga ng kapalaran—ang
. . . . . .isang-matang daga ng dolyar na heterosexual ang isang-matang daga ng . . . . . .. . . . . .. . . . . kumikindat pagkalabas ng sinapupunan at ang isang-matang daga na walang . . . . . .. . . . . ginagawa kundi kumubabaw sa puwit at lagutin ang bulawang intelektuwal na . . . . . .. . . hibla ng hablon ng artesano,
na esktatikong kumantot at di-matighaw ng bote ng serbesa isang mahal na pakete
. . . . . .ng sigarilyo ang kandila at nahulog sa kama, at patuloy na bumulusok sa sahig . . . . . .. . . . . pababa ng bulwagan at winakasan ang pagkahimatay sa pader na may bisyon ng . . . . . .. . ultimong puke at nilabasan paiwas sa pangwakas na putok ng kamalayan,
na pinatamis ang pagdukot sa milyong dalagitang nangangatal habang papalubog ang
. . . . . .araw, at pulang-pula ang mata sa umaga ngunit handang patamisin ang
. . . . . .pagdukot ng liwayway, inilalantad ang kanilang puwit, sa ilalim ng mga kamalig
. . . . . .at nakahubad sa lawa,
na naglakwatsa para magpaputa sa Colorado doon sa samot na nakaw na kotseng
. . . . . .panggabi, N.C., bayaning lihim nitong mga tula, oragon at Adonis ng Denver-joy
. . . . . .sa alaala ng kaniyang di-mabilang na pakikipagtalik sa mga dalagita sa mga . . . . . .. . . . . .. . bakanteng lote & bakurang kainan, marurupok na upuan sa mga sinehan, sa mga . . . . . .. . tuktok ng bundok sa mga yungib o sa piling ng mga patpating weytres
na nagbubuyangyang ng palda sa pamilyar na bangketa & lalo na sa sekretong
. . . . . .solipsismo sa mga kubeta ng gasolinahan, & mga eskinita ng bayan,
na nakatulog sa kasumpa-sumpang pelikula, at nanaginip, at nagising nang bigla
. . . . . .sa Manhattan, at iniahon ang kanilang mga sarili sa mga silong kahit may tamà
. . . . . .pa sa piling ng walang pusong tukô at rimarim ng mga bakal na pangarap ng Third . . . . . . Avenue, & napasubasob sa mga opisina ng kawalang-trabaho,
na naglakad nang buong gabi na tigmak sa dugo ang sapatos sa tumpok ng niyebe sa
. . . . . .piyer na naghihintay ng pinto sa East River upang buksan ang silid na puno ng . . . . . .. . . . . singaw at opyo,
na nilikha ang dakilang dula ng pagpapatiwakal sa apartment sa matatarik na pasig ng
. . . . . .Hudson sa ilalim ng asul na liwanag ng buwan noong panahon ng digmaan, & ang . . . . . .. . kanilang mga ulo’y puputungan ng lawrel ng pagkagunaw,
na kumain ng binulalong tupa ng haraya o nilantakan ang alimango mula sa mabanlik
. . . . . .na ilog ng Bowery,
na itinangis ang romansa sa mga kalye katabi ang kanilang karitong hitik sa mga
. . . . . .sibuyas at nakatutulig na musika,
na umupo sa mga kahon at humingal sa karimlan sa ilalim ng tulay, at bumangon
. . . . . .upang bumuo ng mga sembalo sa kanilang mga atiko,
na umubo-ubo sa ikaanim na palapag ng Harlem na kinoronahan ng apoy sa lilim ng
. . . . . .tisikong langit na pinalibutan ng mga kahon-kahong kahel ng teolohiya,
na sumulat-sulat buong gabi habang rumarakenrol sa matatayog na bulong na sa
. . . . . .dilawang umaga’y nagiging saknong ng kawalang-saysay,
na nagluto ng bulok na karne ng hayop at kinuha ang baga puso paa buntot at ginawang
. . . . . .sinigang & tortilya, at nanaginip ng purong kaharian ng gulay,
na inilusong ang mga sarili sa trak ng karne para maghanap ng itlog,
na itinapon ang kanilang relo sa bubong upang maibilang ang balota sa Eternidad,
. . . . . .Malaya sa Panahon, & bumabagsak araw-araw sa kanilang mga ulo ang
. . . . . .alarmang orasan hanggang susunod na dekada,
na nilalaslas ang kanilang pulso nang tatlong sunod ngunit nangabigo,
na sumuko at napilitang magbukas ng tindahan ng mga antigo at doon nila natantong
. . . . . .tumatanda sila’t lumuluha,
na sinilaban nang buháy sa kanilang de-ilong amerikana sa Madison Avenue,
. . . . . .sa gitna ng palahaw ng mabibigat na berso at langong takatak ng sampanaw
na sandata ng moda, at nitrogliserinang halakhak ng mga Diwata
. . . . . .ng anunsiyo at mustasang gas ng mga balakyot na editor, o kaya’y
. . . . . .sinagasaan ng lasenggong taxi ng Absolutong Realidad,
na lumundag sa Brooklyn Bridge at totoong naganap ito at naglakad palayo nang di-
. . . . . .nakikilala at nalimot tungo sa malamultong pagkamalagihay sa mga pansitang
. . . . . .eskinita ng Chinatown & trak ng bumbero, ni wala man lang libreng bote ng
. . . . . .serbesa,
na kumanta nang malakas nang lampas sa bintana dahil sa panlulumo,
na nahulog sa labas ng bintana ng sabwey, tumalon sa maruming Passaic, nilundagan
. . . . . .ang mga negro, humagulgol sa lansangan, sumayaw nang nakayapak sa mga . . . . . .. . . . . bubog ng bote ng alak, binasag ang mga ponograpong plaka ng nostalhikong . . . . . .. . . . . .. Ewropeo noong dekada 1930 na Alemang jazz, tinungga ang wiski at sumúka at . . . . . .. . . umungol sa duguang kubeta, umungol sa kanilang mga tainga at sa putok ng . . . . . .. . . . . dambuhalang silbato ng bapor,
na sinuwag ang mga haywey ng nakaraan, tinatahak ang bawat de-koryerteng selda ng
. . . . . .Golgothang bantay-sarado, o pagbabanyuhay ng Birmingham jazz,
na bumiyahe panayon nang pitumpu’t dalawang oras upang alamin lamang kung may
. . . . . .bisyon ako o may bisyon ka o may bisyon siya upang matuklasan ang Eternidad,
na naglakbay pa-Denver, na namatay sa Denver, na nagbalik sa Denver, at bigong
. . . . . .naghintay, na binantayan ang Denver, at nagmukmok nang mag-isa sa Denver,
. . . . . .at sa wakas ay lumayas upang tuklasin ang Panahon, & ngayon nalulungkot ang . . . . . .. . . Denver para sa kaniyang mga bayani,
na pawang napaluhod sa mga walang pag-asang katedral na ipinagdarasal ang
. . . . . .kaligtasan ng bawat isa at ang liwanag at ang súso, hanggang paningningin ng
. . . . . .kaluluwa ang buhok nito sa isang kisap,
na iniuntog ang kanilang isipan sa kulungan habang hinihintay ang mga imposibleng
. . . . . .kriminal na may ginintuang ulo at ang gayuma ng realidad sa kanilang mga . . . . . .. . . . . .. pusong umaawit ng matatamis na blues sa Alcatraz,
na nagretiro sa Mexico upang linangin ang nakagawian, o sa Rocky Mount upang . . . . . .. . . . . .. makisimpatya kay Buddha o sa mga Tangher hanggang sa mga bata o sa . . . . . .. . . . . .. . . . . Katimugang Pasipiko hanggang sa itim na lokomotora o mulang Harvard . . . . . .. . . . . .. . . . hanggang Narcissus hanggang Woodlawn hanggang kadena ng margarita o . . . . . .. . . . . .. ..libingan,
na naggigiit ng mga paglilitis ng bait na nag-aakusa sa radyo ng hipnotismo & naiwang
. . . . . .mag-isa sa kanilang kabaliwan & sa kanilang mga kamay & sa mga hurado ng . . . . . .. . . . . bitay,
na pumukol ng patatas na salad sa mga tagapanayam ng CCNY hinggil sa Dadaismo at
. . . . . .pagkaraan ay itinanghal ang kanilang mga sarili nang kalbo at sa arleking
. . . . . .talumpati ng pagpapatiwakal sa hagdang granate ng manikomyo, humihiling ng . . . . . .. . agarang lobotomiya,.
at ang ibinigay sa kanila’y ang kongkretong kawalan ng insulin metrasol elektrisidad . . . . . .. . . . idroterapya sikoterapya trabahong terapya pingpong & amnesya,
na sa walang kalatoy-latoy na protesta’y nasapawan lamang ng isang simbolikong mesa
. . . . . .sa pingpong, mamamahinga nang sandali sa katatonya, magbabalik pagkaraan
. . . . . .ng ilang taon na kalbong-kalbo maliban sa peluka ng dugo, at mga luha at daliri, sa . . . . . .nakikitang baliw na kamalasan ng mga selda ng bayang baliw ng Silangan, sa . . . . . .. . . . . mababantot na bulwagan ng Pilgrim State, Rockland, at Greystone, makikipagbulyawan sa mga alingawngaw na kundimang itim, makikipagrakenrol sa . . . . . .. . . . hatinggabi ng solong bangkito ng libingan ng pag-ibig, mananaginip ng búhay . . . . . .. . . . . mula .sa bangungot, mga katawang naging bato at simbigat na gaya ng buwan,
na inang kinantot sa wakas, at ang pangwakas na kagila-gilalas na aklat ay bumuklat
. . . . . .ng bintana ng tenement, ang pangwakas na pinto na nagsara sa alas-kuwatro ng . . . . . .. . umaga at ang huling telepono ay ibinalibag sa dingding bilang tugon at ang huling . . . . . ...amuwebladong silid ay tinanggalan ng lamán hanggang sa huling piraso ng . . . . . .. . . . . .. . . muwebles na isip, isang naninilaw na rosas na papel na binaluktot sa kableng . . . . . .. . . . . sabitan sa aparador, at kahit guniguni, wala na kundi kaunting pag-asa ng . . . . . .. . . . . .. . . . halusinasyon—

Ay! Carl, habang hindi ka ligtas ay hindi ako ligtas, at ngayon ikaw ay tunay na ganap
. . . . . .na hayop sa sinigang ng panahon—

at sino samakatwid ang tumakbo sa malamig na kalye at sabik sa kisapmatang alkimiya
. . . . . .ng paggamit ng elipsis ang katalogo ng metro at ang pumipintig na rabaw,                    na nangarap at lumikha ng enkarnasyon sa mga puwang ng Panahon & Espasyo sa . . . . . .. . . . . pamamagitan ng nagsasalimbayang mga hulagway, at binitag ang arkanghel ng . . . . . .. . . . kaluluwa sa pagitan ng 2 biswal na imahen at sumapi sa mga pandiwang panimula
. . . . . .at itinakda ang pangngalan at ang gitling ng kamalayan saka sabay na lumundag
. . . . . .nang may pagdama sa Pater Omnipotens Aeterna Deus upang likhain muli ang . . . . . .. . . . . . . palaugnayan at sukat ng mababang uri ng prosang tao
at tumindig sa harap mo nang walang imik at matalino at nangangatal sa pagkapahiya, . . . . . .itinakwil ngunit ikinukumpisal ang kaluluwa upang umangkop sa ritmo ng kaisipan . . . . . .sa kaniyang lastag at walang hanggahang ulo,
ang baliw na tambay at ang indayog anghel sa Panahon, nalilingid, ngunit itinatala dito
. . . . . .ang anumang maaaring sabihin sa darating na panahon makaraang yumao, at . . . . . .. . . . . bumangon muli’t mabuhay sa malamultong damit ng jazz sa aninong kapre ng . . . . . .. . . . . banda, at hipan ang pagdurusa ng lastag na isip ng America para sa pagmamahal . . . . . .. . tungo sa eli eli lamma lamma sabacthani na sigaw ng saxofong nagpakatal sa mga . . . . . .. . lungsod hanggang sa pangwakas na radyo
na may sukdulang puso ng tula ng buhay na kinatay at tinadtad palabas ng kanilang
. . . . . .mga katawan na sapat para kainin sa loob ng sanlibong taon.

II
Anong espingheng semento at aluminyo ang bumasag sa kanilang mga bungo
. . . . . .at kumain sa kanilang mga utak at imahinasyon?
Molok! Pag-iisa! Dumi! Kapangitan! Mga sinesera at di-matatamong dolyar! Mga . . . . . .. . . . . .batang sumisigaw sa ilalim ng hagdan! Mga batang umiiyak nang hukbo-hukbo! . . . . . .. . .Mga huklubang tumatangis sa mga parke!
Molok! Molok! Bangungot ng Molok! Molok na walang iniibig! Molok na kabaliwan!
. . . . . .Molok na mabigat magparusa sa mga tao!
Molok na di-maaarok na bilangguan! Molok na butong magkakrus, walang kaluluwa,
. . . . . .bilibid, at Kongreso ng pighati! Molok na ang mga gusali ay hatol! Molok na . . . . . .. . . . . .. . malawak na tipak na bato ng digmaan! Molok na nakagugulat sa mga gobyerno!
Molok na ang isipan ay lantay na makinarya! Molok na dumadaloy na salapi ang dugo!
. . . . . .Molok na ang mga daliri ay sampung hukbo! Molok na ang dibdib ay kanibal na . . . . . .. . . . aparato! Molok na umaasóng libingan ang tainga!
Molok na ang mga mata’y laksang bulag na bintana! Molok na ang matatayog na
. . . . . .gusali’y nakatirik sa mahahabang kalye gaya ng walang katapusang mga Jehovah! . . . . . .Molok na ang mga pabrika ay nananaginip at kumokokak sa ulop!
. . . . . .Molok na ang mga tsiminea at antena ay korona ng mga lungsod!                          Molok na ang pag-ibig ay walang katapusang langis at bato! Molok na ang kaluluwa ay . . . . . .elektrisidad at bángko! Molok na ang kahirapan ang espektro ng kahenyuhan! . . . . . .. . . . Molok na ang kapalaran ay ulap ng walang kasariang idroheno! Molok na ang . . . . . .. . . . . .pangalan ay Isipan!
Molok na malungkot kong kinauupuan! Molok na pinapangarap ko ang mga Anghel!
. . . . . .Baliw kay Molok! Tsumutsupa kay Molok! Batong-puso at walang-lalaki kay . . . . . .. . . . . .. Molok!
Pumasok nang maaga si Molok sa kaluluwa ko! Si Molok na sa kaniya’y kamalayan
. . . . . .akong walang katawan! Si Molok na sumindak sa akin mula sa likas na ekstasis! Si . . . . . .. Molok na aking iniwan! Gumising sa Molok! Sumisibat ang liwanag mula sa langit!
Molok! Molok! Mga robot na apartment! Mga baryong di-nakikita! Tesoro ng mga
. . . . . .kalansay! Mga bulag na puhunan! Demonyong industriya! Mga nasyong multo! . . . . . .. . . Di-nakikitang asilo! Mga granateng tarugo! Mga bombang halimaw!
Nagpakamatay sila para dalhin sa langit si Molok! Mga kalsada, punongkahoy, radyo,
. . . . . .tone-tonelada! Binubuhat ang lungsod palangit na umiiral at kung saan-saan . . . . . .. . . . . naroon sa atin!
Mga bisyon! pangitain! guniguni! himala! ekstasis! na pawang inanod sa ilog
. . . . . .Americano!
Mga pangarap! pagsamba! kaliwanagan! relihiyon! ang sangkaterbang tae na pusong-
. . . . . .mamón!
Mga tagumpay! Doon sa kabilang ilog! Mga pitik at krusipiksiyon! Na pawang tinangay
. . . . . .ng baha! Anung lugod! Epipanya! Kawalang-pag-asa! Sampung taon ng palahaw . . . . . .. . at pagpapatiwakal! Mga isip! Bagong pag-ibig! Baliw na salinlahi! Na gumuho sa . . . . . .. . paglipas ng panahon!
Tunay na sagradong halakhak sa ilog! Nakita nila lahat ito! Mga ilahas na mata!
. . . . . .Sagradong atungal! Nagpaalam sila! Lumundag sila mula sa bubong! tungo sa . . . . . .. . . . . pag-iisa! kumakaway! tangan ang pumpon ng mga bulaklak! pabulusok sa ilog! . . . . . .. . . . palusóng sa kalye!

III
Carl Solomon! Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at higit ka roong siraulo kaysa sa akin
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at nadama mo roon ang labis na kakatwa
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at ginaya roon ang anino ng aking ina
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at pinaslang doon ang iyong sandosenang kalihim
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at humalakhak ka roon sa tagabulag na patawa
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at mga dakilang manunulat tayo roon na hindik sa parehong makinilya
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at lumubha roon ang iyong kondisyon at ibinalita sa radyo
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at doon iwinaksi ng mga uod ng pandama ang mga fakultad ng bungo
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at uminom ka roon ng tsaa sa mga súso ng matatandang dalaga ng Utica
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at nagbiro ka roong ang mga katawan ng narses ang arpiyas ng Bronx
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at sumigaw habang suot ang istreytdiyaket na natatalo ka sa larong pingpong sa . . . . . .. . bangin
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at humataw ka roon sa katatonikong piyano na inosente at inmortal ang kaluluwa . . . . . .na hindi dapat mamatay nang kaawa-awa sa bantay-saradong asilo
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at hindi na roon maibabalik ng limampung dagok ang kaluluwa mo pabalik sa . . . . . .. . . . . katawan mula sa peregrinasyong tawirin ang kawalan
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at isinakdal roon ang mga iyong mga doktor ng kabaliwan at nagbalak pa ng . . . . . .. . . . . .. Ebreong sosyalistang rebolusyon laban sa pasistang pambansang Gólgota
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at biniyak mo roon ang kalangitan ng Long Island at binuhay muli ang umiiral . . . . . .. . . . . mong Hesus na tao mula sa libingang supertao
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .na kinaroonan ng dalawampu’t limang libong baliw na kabalikat na sabay-sabay . . . . . .. . . umaawit ng mga pangwakas na saknong ng Internationale
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at hinagkan natin doon ang Estados Unidos sa ilalim ng ating kobrekama, ang . . . . . .. . . . . Estados Unidos na umuubo nang buong magdamag at hindi tayo pinatutulog
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at napukaw tayo roong masigla makalipas ang malaong pagkakahimbing dulot ng . . . . . .mga eroplano ng mga kaluluwang lumilipad sa ibabaw ng bubong na . . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . pagbabagsakan ng mga mala-anghel na bombang kusang pinagniningning ng . . . . . .. . . . . .ospital na guniguni gumuho ang mga pader O patpating mga hukbong kumaripas . . . . . .. papalabas O binituing yugyog ng awa ang digmaang eternal ay naririto O . . . . . .. . . . . .. . . . tagumpay kalimutan ang iyong anderwer Malaya tayong lahat
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .sa aking panaginip ay naglalakad kang tigmak mula sa pagdaragat sa haywey ng . . . . . .. . . America’t lumuluha sa pintuan ng aking kubol sa Kanluraning gabi
. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .San Francisco 1955-56

TALABABA SA ALULONG

Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal!
Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal!
Banal ang daigdig! Banal ang kaluluwa! Banal ang balát! Banal ang ilong! Ang dila at . . . . . .. . . . uten at kamay at tumbong ay banal!
Lahat ay banal! Lahat ay banal! Saanman ay banal!
. . . . . .Nasa eternidad ang bawat araw! Bawat tao’y anghel!
Kasimbanal ng serafines ang tambay! Ang baliw ay banal gaya mo aking kaluluwa na . . . . . .. . . .banal!
Ang makinilya ang banal na tula ang banal na tinig ang banal na tagapakinig ang banal . . . . . .. . .na ekstasis ang banal!
Banal na Pedro banal na Allen banal na Solomon banal na Lucien banal na Kerouac . . . . . .. . . . . .banal na Hukene banal na Burroughs banal na Cassady banal na di-kilalang iniyot . . . . . .at nagdurusang mga pulubi banal ang nakaririmarim na mga tao na anghel!
Banal na ina sa baliw na asilo! Mga banal na tarugo ng mga lolo ng Kansas!
Banal ang sagradong umuungol na saxofon! Banal ang bob apokalipsis! Banal ang mga . . . . . .. .bandang jazz hiping nagdadamo kapayapaan & basura & mga tambol!

Stop weaponizing the law! No to illegal arrest! No to illegal detention! No to extra-judicial killing! Yes to human rights! Yes to humanity!

Paraluman, ni Roberto T. Añonuevo

Paraluman

Roberto T. Añonuevo

Pumaloob ka sa Marinduque isang araw, at ikaw, sa wari ko, ang puso ng mga paglalakbay: divina filipina ang imbay, granado ang buhok ngunit ambar ang balintataw, lumalakad nang manipis ang tsinelas gayong kayputi ng mga sakong, at ang gunita ay mula sa malayong lungsod. Taglay mo marahil si Borges, at bawat hakbang  ay laberinto ng talinghaga bawat talinghaga, at ang palaisipan ng iyong labì ay pisì na tinatawid ng aking balikat at budhi. Kailangan kita kung ako ang tula.

Magpupugay ang mga barko sa iyong dibdib.

Makararating ka sa Boac gaya sa hula nang umuulan gayong nasa pusod ng tag-araw, at matatagpuan kita sa aking silid. Matatagpuan kitang gutóm, lastag, at basâ ang buhok, at naisip kong umahon ka mula sa dagat para tanggapin ng dalampasigan. Ang iyong salita ay bumubukal sa paningin, parang mula sa butanding ng malayong Oslob, at ang iyong kislot ay dayaray na naglalagos sa bintana. Nang lumapit ako sa iyo, tumakas ang iyong anino at lumukob ang simoy ng pinyahan.

Umiindayog ang tinig ng mga titik mo sa aking dibdib. Dalawang bundok sa pusod ng laot ang lumilitaw pagkahawi ng ulop, at parang ganiyan ang pakiramdam nang tahakin kita sa mga aklat. Anung kinis ng iyong mga pahina sa aking kandungan. Naririnig ko sa malayo ang batingaw ng Montserrat kahit sa aking pananaginip nang gising; at pumikit man ako, ikaw ang hulagway na nakangiti sa isang kapeterya mula sa matandang bahay na bato.

Pupukulin kita ng mga tanong, ngunit hindi ka tutugon.

Maglalakad tayo pagkaraan sa lansangan na maagang matulog ang mga ilaw ng mga bahay at tindahan. Nagliliwanag ang langit sa mga bituin. Sumisitsit ang mga kuliglig. Wala ni traysikel o dyip na naligaw sa daan. Mahimbing na namamahinga sa bangketa ang isang huklubang askal. Nakapinid ang mga pinto o bintana, at ang tanging bukás ay ang paningin mong kumikislap.

Maya-maya’y marahang umambon at umihip ang malamig na simoy. Nabasâ ang iyong mga pisngi, na parang tigmak sa luha. May dalawang aninong magkahawak kamay ang ating makakasalubong—na waring mga tauhan sa antigong pelikulang walang tokis. At nang sumulyap sila sa atin, ang nakita ko ay ako at ikaw.

Heto ang eksperimental na videopoema ni Roberto T. Añonuevo hinggil sa tulang “Paraluman.”

“Ang Maginoong Asintado,” ni Charles Baudelaire

salin ng “Le galant tireur” ni Charles Baudelaire.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Maginoong Asintado

Habang tinatahak ng karwahe ang kahuyan ay iniutos niya sa kutsero na huminto sa kapitbahayan ng pinagsasanayang barilan, at winikang ibig niyang magpaputok nang ilang ulit para lustayin ang oras. Hindi ba ang pagpatay ng halimaw na Oras ang pinakakaraniwan at lehitimong gawain ng tao?—Magilas siyang nag-abot ng kamay sa kaniyang mahal, marikit, at kasuklam-suklam na esposa; ang mahiwagang babae na utang niya ang maraming kaluguran, ang maraming sákit, at marahil ang malaking bahagi ng kaniyang pagkapantas.

Ilang bála ang lumihis sa binalak na sapulin, isa sa mga ito ang umimbulog palangit, at habang ang kaakit-akit na nilalang ay humahalakhak nang lugod na lugod, nang-uuyam sa walang latóy na bana, pumaling nang brusko sa kaniya ang lalaki sakâ nagwikang, “Masdan ang manyika doon sa malayo, sa gawing kanan, na ang tungki ng ilong ay nakaturo paitaas, at may anyong maangas. Aking anghel, iisipin ko na lámang na siya ay ikaw!”

Pumikit siya at kinalabit ang gatilyo. Halos mapugot  ang ulo ng manyika.

Pagkaraan, yumukod siya sa harap ng kaniyang mahal, marikit, at kasumpa-sumpang esposa, ang kaniyang di-maiiwasan at kaawa-awang musa, hinagkan nang may paggalang ang kamay nito, at nagwika, “Ay, aking anghel, maraming salamat at ikaw ang nagpagaling sa akin!”

Ang Tula

Nakaligtaan, at sabihin nang naiwaglit ko ang tula, at para itong maleta na natabunan ng libo-libong maleta, bag, at kargada sa kung saang lupalop. Hindi ko maipagpatuloy ang biyahe, sapagkat ang isang maleta ay makapagtataglay ng epiko ng pakikipagsapalaran o kaya’y walang katumbas na yaman, at binabagabag ako ng panghihinayang sa naglahong minamahal.

Hinahanap ko ang aking tula at hindi ko matagpuan.

Nagtanong-tanong ako sa bawat makasalubong, at isinalaysay ang aking pagpapabaya, hanggang isang araw ay makilala ang pilay na lalaking palaboy at ituro niya ang bodega na maaaring nagtatago niyon. Bagaman may pag-aalinlangan ay pumunta ako sa sinabing kalye at numero ng lugar. Sumapit ako nang maghahatinggabi, at nang tumimbre sa pader ay sumalubong ang matandang babae. “Ano ang kailangan mo, iho?” usisa niya.

Isinalaysay ko ang pagkawala ng aking tula, na nakasilid sa plastik, at nagbaka-sakaling doon sa bodega ng matanda napadpad.

Napangiti ang babae, at dumukot sa bulsa ng kaniyang gulanit na palda. “Ito ba ang hinahanap mo?” sabay pakita ng naninilaw na larawan ng dalagang matikas, nakangiti, at may asul na titig.

Imbes na tumugon ay pumikit ako at bumuka ang aking bibig, at mula sa aking lalamunan ay umahon ang mga kataga na parang libo-libong maleta, bag, at kargadang may tatak at pangalan na pawang iniluluwal sa mga paliparan at pantalan. Tumakas sa aking pilik at talukap ang luha, at sumisigaw sa aking pilipisan na hindi ko na kaya pang tumula. Napatungo ako at humagulgol.

Walang ano-ano’y may tumapik sa aking balikat, at pag-angat ko ng ulo’y bumungad sa aking harap ang babaeng nasa larawan, at bumibigkas ng mga talinghaga na hindi kailanman, aniya, kahit minsan, naghunos na banyaga.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Mula sa Selda

Sasakay ako ng eroplano—yamang naturingang baliw—at iikutin ang mundo sa loob ng kusina o aklatan, at mapapagod dahil wala namang pinupuntahan. Sasakay ako ng submarino at sisisirin ang karagatan sa palibot ng bakuran, at mapapagal dahil palulutangin naman ng armada ng mga bantay. Sasakay ako ng bus patungong kabundukang walang kaparis, habol-habol ng matatapat na kawal na anghel, lilipat sa dyip at motorsiklo nang mailigaw ang tumutugis na sikologo at hukom, hanggang maihatid ng kathang-isip na kabayo o kalabaw palapit sa iyo. Hahanapin kita sa mga magasin o folder, aaninawin ang iyong anino sa kung saang lihim na sisidlan, at yamang wala ka, mapipilitan akong lumabas ng tahanan, magtiwala sa tinig na tumutulay sa himpapawid, at maglakad nang maglakad nang palinga-linga, iisiping makararating diyan, diyan sa kalyeng tinatahak ng iyong balingkinitang hulagway. Matatagpuan kita balang araw, itaga mo sa bato; at matatagpuan mo ako, gaya ng pagbasa mo sa mga salitang ito.

“Mula sa Selda,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 29 Disyembre 2009.

Alcatraz Island

Alcatraz Island, retrato mula sa http://www.pdphoto.org