Landas S, ni Roberto T. Añonuevo

Landas S

Roberto T. Añonuevo

Kung hindî pa nasísirâan ng baít pagsápit sa hanggáhan ng nasisípat, sumúlat ng títik /s/ ay katumbás ng buról, kumekéndeng ang bagnós, na áakyatín pára magnílay kung hindî magpátiwakál, magháhanáp ng talâsalitâan, gayunmán ay mabíbigô dáhil salát sa kahúlugán, malulúnod sa kábalighûan ng singháp sa símoy, at ikáw na kumáhig ay magtátanóng kung itó ay kabílang sa álpabéto.  Ang /s/, tíla sawáng gumagápang sa loób ng kanál, ay sasagì sa iyóng pandamá. Aákalàin mong itó ang sukdúlang álab, ang sex sa sax, ang six sa sox, ang sap sa sup, ísip mo’y sumásagitsít, ang síntaks ng silakbó, lalawáyan, hihimásin, kákadyutín, ngúnit dáhil itó ang sarádong síglo, ang /s/ ang sayáw ng sintá, ang santó uyamín mang sinusunód ng laksá-laksáng sintô-sintô, ang súlat sa sahíg, ang súlat sa túbig, malantík, madulás, kay rikít kung mag-íwan ng bakás sa buhángin, sumásaiyó, sumásalángit subálit suwaíl, pumapások nang magkároón ng katwírang lumabás, isáng palabás na kung tawágin ay salúpungán ng panagínip, kumákatás kung hindî sumisírit, na sa gitnâ’y may démonyo, tumótomà pagkáraáng tumugtóg, humíhishís ang hímig, at ang gitára’y lipón ng mga dukhâng sumisigáw ng démokrásya, sumusúkat ng katarúngan, sumasaló ng émpleo, umaása sa lúgaw o ayúda ngúnit tútol sa lutòng makáw, nagkakáisáng mághimagsík gayong sinísindák ng diktadór, binabákunáhan pára pagkákitáhan ng négosyo, na ang loób ay wángis pándesál, sangkurót, singgaán ng panónoód ng síne nang líbre, o dáhil ikáw ay kabílang sa sékyuríti. Ang /s/ ang sumúsuwág, ang sumúsundót, ang sumúsuwáy sa itinátakdâ ng tuwíd o baluktót, hindî sentímentál sa W o X, magíting párang putikáng amá, magayón párang pilîng iná, maláyaw párang paláboy na pangánay, ngúnit sumásambá sa sariwàng sandígan ng santínakpán. Ang títik na ágos ng sapà, ikáw ang lintík na áking bíbigkasín nang ságrado káhit hálos pínid ang bibíg, úpang akó káhit sandalî ay magíng síning, samyông kay saráp singhutín, matatág ang loób, matapát maglingkód, isumpâ mang sawimpálad at róbredo, samantálang nagdiríwang ang mga sinungáling na kapatíd ng mga mandárambóng at salarín, umuúngol sa lábis na tamís, at wikà nga, itó ang yugtô pára sa iyó na áking sásalatín, sísipsipín, súsuotín, nang maniwalà kang itó ay hindî guníguní—ang totoó, ang marikít, ang mabúti.

Alimbúkad: Epic poetry marathon beyond Filipinas. Photo by Pixabay on Pexels.com

Wally’s Blues, ni Roberto T. Añonuevo

 Wally’s Blues
 (Paumanhin kay WG)
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Nilalagnat ang huklubang lungsod, at ngayong gabi
 ay hinihila ng mga anino ang mga pangalang
 binaklas at tinastas sa mga bilbord at ospital,
 at kumakalas sa diskurso ng simbahan at motel.
 Humihishis ang siyansi at gasera ng tindera,
 at napakatumal kung bibili ng isang kausap.
 Sinisinok ang makina ng pagal na dyip at katawan,
 tumitiktok ang gusgusing musmos na amoy-alak,
 at ako na hinahanap mo
 ay naghahanap ng trabaho’t kabalbalan,
 sa krosword ng pulis, tekas, at mukhang adik,
 kumakain ng mga titik at sasaluhin kahit lintik
 sa pusod ng tag-araw,
 sapagkat ito, ito ang mundong bumabaligtad
 ang pang-unawa.
  
 Wala akong alam na politika, walang alam 
 ang sikmura kundi maghanap ng pamatay-gutom
 at pamatay-lungkot, at hindi ba ito
 ang rotunda na iniikot-ikot para sabihing
 may silbi ang umaasang imburnal at pusali
 samantalang hinihintay ang tag-ulan,
 may kahulugan ang mga gusali, 
 na dati’y siksik, liglig, umaapaw 
 ngunit ngayon ay hungkag at simbigat ng ampaw?
 Ang mga bangketa, na dating pinaghalong perya
 at palengke, ay sinlamig ng mga nitso——
 tuliro, lutáng, nakanganga——
 na waring kakainin ka para sabihing, 
 “Halika, nagugutom ako!”
 Kay linis ng lungsod, at nawawala ako
 o narito ako at walang-wala ang mundo.
  
 Nagugutom kahit ang bangketa
 sa ngalan ng kuwarentena, at nananabik
 sa mga kaluluwa ng empleado’t emperatris,
 sa mga isinusukang estudyante’t propesor,
 sa molino ng kutsero’t kuwentong kutsara.
 Sinasamyo dati ang pares o mami o kape,
 habang nagpapaypay ng lumang diyaryo
 ang pagod na mag-inang kay sipag maglako,
 nagsusunog ng baga sa nagyoyosing kotse,
 upang pagsapit ng hatinggabi
 ay maging maluwag na dormitoryo ng palaboy
 at puta ang sementadong kalye, 
 magpapaubaya sa mga bagitong marinong 
 sumasandal sa pag-asa at pagsakay sa barko
 habang rumoronda ang mga lamok, at inaantok
 ang namumuwalang mga trak ng basura.
  
 Kung ito ang unibersidad, 
 ito ang imperyal, pontinpiko, at selestiyal
 na utak, ang nanamnamin ko sa plasa
 ng mga baligtad na pangarap, 
 ang laberinto ng aklatan at pagsisikap,
 para sa bayan
 para sa hangal
 na gaya kong
 umaasa para mapaghilom ang sugat sa puso
 at guniguni, 
 nang matagpuan ang kamalayan
 nang higit sa paggising at paghinga,
 nang higit sa ulat ng pangulo’t panaderya.
 Nananatiling nakapirmi ngunit kumakawag
 ang kalooban, sino ako 
 para ambunan ng mga tinapay o ayuda?
 Kahit sino'y aayaw sa sopistikadong buwakaw,
 sasalatin ang kabuluhan sa mga poster
 at poste ng ilaw,
 uusisain kung iyon ba ang katumbas 
 ng politiko na simple kung mangulimbat
 na parang nagparetrato nang nakahubad,
 sasagutin ang sulat sa pader at tatanggapin
 ang kubeta sa likod o tadyang ng bantayog,
 na kumikindat sa iyo, o kumikindat sa akin,
 at nagbubunyag ng pagkatiwalag
 sa Bagumbayan, para sa lahat at para sa isang
 gaya kong iiling kahit sa salitang “mahál.”
Alimbúkad: Imageless poetry, ageless poetry. Photo by Ferdie Balean on Pexels.com

Tahanan, ni Roberto T. Añonuevo

Tahanan
ni Roberto T. Añonuevo

        (Para kay Nanay Luring)
  
 Isinisilid sa bahay na ito ang memorya
 ng gitara ni Tárrega, at kung dadalawin
 mo ay magiging makukulay na retrato 
  
 ng mga batang tumatakbo, naghaharutan,
 maingay ngunit kay gaan pakinggan,
 at tatanawin kita na umiindak sa tuwa,
 o kung hindi’y nagbabasa ng mga tula.
  
 Iyon ang panahon.
  
 Ang bahay, na tumatanda gaya natin,
 ay hindi makumpuni ang sarili,
 ngunit tahimik na naglilihim ng sugat
 at anay
 upang hatakin muli tayo na magpatayo
 ng bagong tahanan.
  
 Nauulinig mo ang alunignig ng mga bagting.
 May musika sa munting sála
 pagsapit ng hatinggabi, at mga aklat
 sa mesa ang mga araw sa ibayong dagat.
  
 Sumisikip ang moog, gaya sa Alhambra.
  
 Walang panahon ang kamalayan,
 at nang wikain mo ito, dalawang tuta
 ang lumapit at ibig magpakalong sa akin.
  
 Napangiti ka.
  
 Umaawit nang buong rubdob
 ang gitara, at ang mga apó mo
 ay lumilikha ngayon ng ibang planeta
 para sa kanilang musika
 na tila matimyás na paghalik 
                     sa kanilang lola.
   
Alimbúkad: Poetry beyond borders. Photo by Suzy Hazelwood on Pexels.com

Pagkaraang makinig kay Julian Bream, ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraang makinig kay Julian Bream

Roberto T. Añonuevo

Tsinelas sa gilid ng pintuan ang naghihintay marahil sa iyong anino. Isang tasa ng umaasóng kape ang panahon na waring kausap ng naulilang gitara si Fernando o si Mauro, na may halimuyak ng taberna ang alaala ngunit may lawak ng lupalop ang pananabik. Lumilipad ang mga papel, at ang mga nota’y hindi makaliligtas sa matatalas ang pandinig. Ang gabi’y hindi laan sa kabiyak; ang gabi’y paghahanap sa pambihirang tunog na nakababagabag at kumikilapsaw sa puso. Sa loob ng kapilya, ano ang umaalunignig? Maaaring bugso ng malamig na simoy o tikatik ng ulan. Parang magaspang na tunog ng gramopono, ang musika ay sinasaliwan din ng mga lagitik ng nayapakang siit o sitsit ng kuliglig, at likás lámang. Kung hindi’y ang inaasahang masagap sa kinukuyumos na matatandang pahina ang bibitin sa pinilakang kilay at lumalapad na noo. May laud na giniginaw sa makulimlim na silid. At hindi naiwasang ibulalas ng sandali: “Julian, ikaw ba iyan?” Naglaho ang iyong tsinelas, ngunit dumadalaw sa guniguning silid ang ritmo ng mga kaluskos sa sahig.

Alimbúkad: Boundless poetry imagination for humanity. Photo by Sudhith Xavier

Motif IV, ni Subagio Sastrowardoyo

Salin ng “Motif IV,” ni Subagio Sastrowardoyo ng Indonesia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Motif IV

Ibig kong bumili ng Walkman
o munting radyo na malakas
ang tunog. Kailanman naisin
ay madadala ko iyon saanman.
Kailangan ko ang ingay sa bawat
sandali, kumpas man ng musika
o satsat ng mga tao. Mabuting
magkaroon ng nakabubulahaw
na talumpati o rakrakang nakatutulig.
Nalalasing ako sa ingay.
Hayaang magwala ang daigdig
dahil takot ako sa katahimikan.
Natatakot ako sa tinig ng kalooban.
Tuhan, kailan ka ba papanaw?

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Mick Haupt @ unsplash.com

Venice, ni Friedrich Nietzsche

Salin ng “Venedig,” ni Friedrich Nietzsche ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Venice

Tumambay ako kamakailan
sa tulay noong kayumanggi ang gabi.
Mula sa malayo’y lumitaw ang awit:
Gaya ng bulawang patak, unti-unti itong umapaw
sa nanginginig na rabáw.
Mga gondola, ilaw, at musika—
Lasing itong umahon tungo sa takipsilim.
Ang kaluluwa ko, na instrumentong de-kuwerdas,
ay kusang tinugtog, nang di-halatang nababaliw,
ang lihim na awit ng gondola,
habang kumakatal sa kumikislap na ligaya.
May nakinig kaya rito?

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Karsten Würth, titled “Venice, Italy,” @ unsplash.com

Ang Mistikong Kalatong, ni Gabriel Okara

Salin ng “The Mystic Drum,” ni Gabriel Okara ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Mistikong Kalatong

Pumipintig sa loob ko ang mistikong kalatong
at nagsasayaw ang mga isda sa mga ilog
at umiindak sa lupa ang mga lalaki’t babae
sa indayog ng aking tambol

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

Nagpatuloy ang lagabog ng aking kalatong,
pinakikilapsaw ang simoy sa bumibilis
na tempo na humahatak sa mabibilis
at mga yumao na umindak at umawit
sa anyo ng kanilang mga anino—

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

Pagdaka’y humataw ang kalatong sa ritmo
ng mga bagay sa lupa
at nanambitan sa mata ng kalangitan
sa araw, sa buwan, sa mga anito ng ilog
at sumayaw ang mga punongkahoy,
ang mga isda’y nagbanyuhay na mga tao,
at ang mga tao’y nagbalik sa pagkaisda
at ang mga bagay ay huminto sa paglago—

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

At ang mistikong kalatong
sa loob ko’y huminto sa pagpitlag—
at ang mga tao ay naging tao,
ang mga isda ay naging isda
at ang mga punongkahoy, araw, at buwan
ay natagpuan ang kani-kaniyang lugar,
at ang mga patay ay nagtungo sa libingan
at ang mga bagay ay nagsimulang lumago.

At sa likod ng punò na kinatatayuan niya
ay sumibol ang mga ugat mula sa kaniyang
mga paa at yumabong ang mga dahon
sa kaniyang ulo at lumabas ang usok
sa kaniyang ilong
at ang labi niyang nag-iwan ng ngiti
ay naging hukay na sumusuka ng karimlan.

Sakâ ko iniligpit ang mistikong kalatong
at yukod na umalis; at hindi na muling
nagtambol nang nakatutulig.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Urong-sulong at Babala, ni Paulo Leminski

Salin ng dalawang tula ni Paulo Leminski ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Urong versus sulong

. . . . . .ang baliktanaw
ang baliktanaw sa loob ng baliktanaw
. . . . . .ang baliktanaw sa loob ng baliktanaw
. . . . . .ng baliktanaw
ang baliktanaw sa loob ng ikatlong baliktanaw
. . . . . .ang gunitang nahulog sa gunita
lumonay sa makinis, panatag na tubig
. . . . . .nakasasawà lahat (baliktanaw)
ibawas ang paggunita ng paggunita ng paggunita
. . . . . .ng paggunita

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Babala sa napadpad

Ang pahinang ito, halimbawa,
ay hindi isinilang para basahin.
Isinilang ito para maging mapusyaw
na plahiyo ng Iliad,
isang bagay na nagpapatahimik,
ang dahong nagbabalik sa sanga
makaraang mapigtal at malaglag.

Isinilang itong maging dalampasigan,
makikilala marahil na Andromeda, Antartica,
Himalaya, may saysay na pantig,
isinilang itong maging pangwakas
ang isang hindi pa ipinanganganak.

Ang mga salitang tinatangay
palayo sa mga tubigan ng Nilo,
isang araw, ang pahinang ito, na papiro,
ay kailangang maisalin
sa mga sagisag, sa Sanskrit,
sa lahat ng wika ng India,
kailangang bumati ng magandang umaga
na maibubulong lámang,
kailangan nitong maging iglap na bato
sa pinagbagsakan ng baso.
Hindi ba tulad niyan ang búhay?

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Mga Tinig, ni C.P. Cavafy

Salin ng “φΩΝΕΣ,” ni C.P. Cavafy (Constantine Peter Cavafy) ng Egypt
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tinig

Ang mga huwarang tinig at labis na minamahal
Mula sa mga namatay, o galing sa mga tao
Na nawala sa ating piling, ay nais pa ang patay.

Minsan, nagsasalita sila sa ating panaginip;
Minsan, sa ating pagmumuni’y maririnig ng isip.

At sa tunog nila para iglap magbalik nang lubos
Ay mauulinig sa mga unang tula ng búhay—
Gaya ng musika sa gabi, kay layo’t papaupos.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

 

Ang Gitara, ni Federico García Lorca

Salin ng “La guitarra,” ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Gitara

Nagsimulang humikbi
ang gitara.
Nabasag ang mga kopa
ng madaling-araw.
Nagsimulang humikbi
ang gitara.
Hindi ito mapatatahan.
Imposibleng
mapatahimik pa ito.
Monotomong iyak nito’y
gaya ng iyak ng tubig,
gaya ng iyak ng hangin
sa niyebeng pumapatak.
Humihikbi ito
sa malalayong bagay.
Nananambitan
sa mapuputing kamelya
ang mainit na timugang
buhanginan.
Humihikbi ito sa tudla
ng palaso sa kawalan,
sa gabing walang umaga,
at sa unang patay na ibon
sa sanga.
O gitara!
Pusong kay lalim tinusok
ng limang espada.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity