Karpiyud, ni Roberto T. Añonuevo

Karpiyud

Roberto T. Añonuevo

Naglalakad na binata sa abandonadong abenida
ang ritmo ng gitara
ngayong ibinilanggo ng sálot sa loob ng tahanan

ang buong bayan.

Ang sálot, tila wika ng sabóg na pangulong maalam
sa batas ngunit abstrakto ang sintaks at hiwatig,
ay lumalaganap nang manhid malamig lumulutang—

at nakatanghod kami sa teatro ng katangahan.

Naglalakad na binata sa abandonadong abenida,
ang gitara’y sumasagot
sa palasyo na ang mga tao’y pagod gutóm siraulo

sa kahihintay
sa kung tawagin ay ayuda mula sa kabang-yaman.

Naglalakad ang binata sa abandonadong abenida,
at kung hihimig ang gitara,
ang himig ay naghihintay ang umaasang pamilya

sa likod ng barikada.

Kung may plano
ang gitarang umaawit sa binatang nag-iisa sa abenida,
malabo ang plano ng gobyerno sa paggugol ng pondo,

singhal ng mga artista sa isang kurot na komentaryo.

Ano kung mabagal ang saklolo at napakabilis iluwal
ang batas laban sa pandemya?
Nakalunok ba ng pagong ang Palasyo ng Malabanan?

Hungkag na kamalig ang aming pag-asa.  .  .  .

Humahaba ang píla ng mga bangkay sa krematoryo,
isa-isang nalalagas ang mga mediko,
heto’t pinupuyat pa rin kami sa sermon ng pangulo.

Matitiis ang kuwarantenas,
ang sabi ng gitara, ngunit ang negosyo’y umaaray,
at kaming walang suweldo’y unti-unting namamatay

gaya ng binatang mag-isa sa abenida.

Gayunman, ang talumpating garalgal ng pangulo
ay hindi naglalakad sa abandonadong abenida,
at kung magbanta pa’y butangerong ngumangawa—

iyan ang wika ng gitara
na sa mga kamay ng binatang naglalakad sa abenida
ay naghahanap ng lunas sa desesperasyon, depresyong

nakamaskara ng arlekin mula sa aklatan ng aklasan,
nakamaskara ng arlekin mula sa aklasan ng aklatan.

Bumabakhtin Da Dawg, ni Roberto T. Añonuevo

Bumabakhtin Da Dawg

Roberto T. Añonuevo

“I shall return!” —Gen. Douglas MacArthur
“I am the Lord thy God. . .”— mula sa Aklat ng Exodus

Matututo balang araw ang ilog na tumiklop na isang papel, at ang papel na tumatahol ng mga salita na waring galing sa ambidekstrosong bathala ay magpapaunawa ng mga kalansay sa loob ng mga kontrata, ang kasunduan sa maboboteng huntahang bumubuti sa loob ng silid na naglalaman ng kabit-kabit na pag-ibig sa mansiyon o bantayog o paaralan, na kung hindi hawla ay galeriya ng mga aklat at gatasán ang kawawang guro, bumibiyahe sa langit para tumanyag na alagad ng poskolonyang moralidad, ikakatwiran ang kultura ng mga masunuring tuta, ngunit ipinagtatanggol ang kasaysayan ng pusa, o maysapusang isinasakay sa paglalakbay, marahil para makaipon tungo sa bagong proyekto, na gaya sa nobela’y hindi matapos-tapos sapagkat walang hangga ang gutom sa paghawak ng setro at teleskopyo, sinisipat ang anggulo ng bútas na lulusutan, umaahon na musika ng niresiklo at sintunadong katwiran, maamò ngunit ibig maging ámo, maraming tagapagtanggol na taliba at balita sa kawili-wiling dilim, kuripot sa grasya gayong waldas kung lunggati ang pag-uusapan, walang sinasantong batas at mahigpit sa teritoryo, lumalawak ang mga bakás na hindi tumatanda at di-nakatatanda, bukod sa nagpapahatid ng alingawngaw upang makarating marahil sa Norwega at makapiling ang kamukhang Noriega, malamig na humihimig sa ibabaw ng balikat ng mga trubador, animo’y lasing at hindi mapakali, nangangati kapag nag-iisa, bumibigkas ng walang kamatayang Ako, Ako ang Daigdig,  nagpapakadalubhasa sa paglundag at nasa puso kung kumagat, na ang kamandag ay hinahangaan ng madlang hindi nakabuklat ng diksiyonaryo, na ang nilalaman ay inaari para pagkakitahan kahit pag-aari ng bayan sapagkat tinustusan ng buwis at pawis ng karaniwang mamamayan, at ngayon ay pag-aari ng iisang pangalan, na higit magtatagal at paplantsahin ang gusot, dahil ang papel ay ilog ng mga tumatahol, na kagila-gilalas sa kolektibong pagmamahal na maibalik ang tubig na umagos para wasakin ang angking loob, at kung nagbabasá ka pa rin hanggang dito, ikaw marahil ang tunay na Aso ng mga Aso—na hinding-hindi ko ipagpapalagay na isang siraulo.

Ang Emperatris, ni Janine Pommy Vega

Salin ng “Empress,” ni Janine Pommy Vega ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Emperatris

Para kay R.S.

Ngayong takipsilim, mayroong
sandaling si Venus
ay nagniningning mula sa kanluran
at umaahon sa maulop na pampang
ang buwan sa silangang kabundukan
Ang musikang pinatutugtog nila
sa kasal ay umaalunignig sa pandinig

Dala-dala mo ang gayong yumi—
ang mga minutong pumipitlag, sakâ
ang naturang katapangan
sa pakikihalubilo isang hápon
habang minamasdan ang lambak sa ibaba

May higit pa sa ganitong tagpo,
isang tagumpay na hindi ko matutukoy
ang katiyakan ng hayop na naglalakad
sa gubat, naghahandog ng lahat
ng kilos nang matatag ang kariktan

Maiisip lamang ang gayong mapagparayang
tikas sa harap ng mga simoy ng pagbabago,
gawing trono ang anumang makita sa daan,
ang mapagpalang pook na matatahanan,
ang mga hayop na nagtipon sa bangan
ang tigmak na pelaheng umaasóng
sumasaksi nang may pagkabighani sa sinag
na lumiliyab sa loob ng katawang
gaya ng sa paslit.

Pakiramdam ko’y lumusong ako
sa mga sinaunang bulwagan, ni walang
kaluskos ng hakbang ang gumagambala
sa dinaraanan
bumubulusok pababa sa landas
na malimit kong ginuguni-gunita.

Ito ang bagay na nasa kalooban natin
na dinudulugan nang may maskara,
nang maisuot siya mula sa loob, maging
karapat-dapat sa gayong kaningningan,
di-nagkakamali sa piling ng mga bituin,
isuot ang kapa
na minana mula sa mga salinlahi

Ang posibilidad ng lahat
na hinipo
nang sumibol tungo sa gayong liwanag
na lumalaganap sa loob mismo
ang palaging umiiral doon bilang binhi.

Shady, NY, Nobyembre 7, 1976

Ang Bata, ni Vladimír Holan

Salin ng “Dítě,” ni Vladimír Holan ng Czech Republic
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bata

Nakadait sa rabaw ng riles ang tainga ng bata
at pinakikinggan ang dagundong ng tren. . .
Nahatak ng mala-anitong musika,
siya’y ano’t walang kapaki-pakialam
kung paparating o papaalis ang tren.
Ngunit malimit asahan mo ang kung sino,
na palaging iiwan nang sadya ang isang tao,
hanggang makita ang sarili at wala saanman.  .  .  .

Bigo akong nangingibang-bayan, ni Abdellatif Laâbi

Salin ng “En vain j’émigre,” ni Abdellatif Laâbi ng Morocco
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bigo akong nangingibang-bayan

Bigo akong nangingibang-bayan
umiinom ako ng kape sa bawat lungsod
at nilulunok ang nababatong mukha ng weyter
Ang halakhak sa kabilang mga mesa
ay binubulabog ang musika ng gabi
Isang babae ang naglakad sa huling pagkakataon
Bigo akong nangingibang-bayan
at tinitiyak ang sariling alyenasyon
Tanaw ko ang parehong gasuklay na buwan
pagtingala sa kung saang langit
at ang mapaggiit na pananahimik ng mga bituin
Nagsasalita ako sa sari-saring wika at panawagan
ng iba’t ibang hayop kahit pa natutulog
Ang silid kung saan ako nagigising
ay ang parehong silid noong ako’y isinilang
Bigo akong nangingibang-bayan
Umiilap sa akin ang lihim ng mga ibon
gaya ng pagkamagneto ng aking maleta
na kusang nagbubukas nang bigla
sa bawat antas ng mga paglalakbay

Awit at Sayaw, ni Usman Awang

Salin ng “Lagu dan Tari,” ni Usman Awang ng Malaysia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit at Sayaw

Usman Awang

Kahapon ay nasaksihan ko ang isang sayaw:
Malalaking súsong umaalog, nang-aakit,
Ilahas na pagnanasa at matang maaalab,
Lagabog ng musika’y pataas nang pataas.

Nanlaki ang mga mata ng madla, at namuti
ang bawat tamaan ng rumaragasang libog.

Lahat ay hubad, lahat ay labis na pag-iimbot
na kumakain ng lamán, at ibig makahipo.

Ito ang awit, ito ang sayaw sa mahabang gabi,
Paulit-ulit sa mga araw ng búang na digma;
Búkas, lahat ng puso’t akda’y pulos papuri:
Ito, anila, ang “sining” mula sa tunay na “alagad!”

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human right at all costs! Stand up to climate of fear! Where are you, oh my people?

“Pagpapatunay,” ni Mary Ann Waters

Salin ng “Bearing Witness” ni Mary Ann Waters ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pagpapatunay

Hindi inaasahan ang pagkahenyo
Gaya ng pinilakang butones
Na nalaglag sa abrigo ni Mozart,

Tumalbog patawid ng entablado,
At kung saan nagwakas ang liwanag
Ay naupos sa aking mga palad,

Nahúli sa adelantadong palakpak.
Amadeus ang dula, at dito,
Pagdaka’y ang dulang panloob—

Ang marungis na mukha ng realidad
Na nakatitig sa mundo ng aktor,
Singhirap arukin gaya ng Diyos,

Gayong batid naming ang tinig ng Diyos
Ay musika, kung nagwika man siya.
Nakidalamhati kami kay Salieri

Sa kaniyang karimlan. Si Salieri,
Na umiiral sa bawat isa sa amin,
Ang aming desperadong simula.

Lumuwag marahil ang butones
Dahil marupok ang sinulid,
Iyon ang aming mahihinuha.

Kapritsosong kumilos si Mozart.
Ngunit alam ko kung anong galaw
Ang magtatakda ng pagkakaiba,

O kung anong liksi ang nararapat
Para masalo ang butones sa eyre
Na tila laro lamang itong pangyayari,

At ako, nasa orkesta, sa unang hanay,
Ako, na dahil nagkataong naroroon,
Ang kumakatha ng katotohanan.

“Isang Amerikanong Dalangin,” ni Jim Morrison

Salin ng “American Prayer” ni Jim Morrison ng The Doors.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Isang Amerikanong Dalangin

Jim Morrison

Alam mo ba ang mainit na progreso sa lilim ng mga bituin?
Alam mo bang umiiral tayo?
Nalimot mo ba ang mga susi sa kaharian?
Isinilang ka na ba, at ikaw ba’y buháy?

Muli nating likhain ang diyoses, lahat ng mito ng panahon
Ipagdiwang ang mga simbolo mula sa pusod ng huklubang gubat
Nalimot mo na ba ang mga aral ng sinaunang digmaan?

Kailangan natin ang dakilang bulawang pagtatalik

Naghihiyawan ang mga ama sa mga punongkahoy ng gubat
Ang ating ina ay namatay sa laot

Alam mo bang ibinulid tayo para katayin ng mga payapang admiral
At ang matataba, mababagal na heneral ay nagnanása sa kabataan?

Alam mo bang pinaghaharian tayo ng T.V.?

Ang buwan ay tuyot na dugong halimaw
Ang mga pangkat ng gerilya ay nagsasalsal
Sa katabing panig ng mga lungtiang palumpong
Nagtitipon para sa digmaan ukol sa naghihingalong pastol

O, dakilang Maykapal, bigyan kami ng isang oras para gumanap
Ng sining at gawing ganap ang mga búhay

Ang mga gamugamo at ateista’y kapuwa dibino at yumayao

Nabubúhay tayo’t papanaw, at hindi yaon mawakasan ng kamatayan

Naglalakbay tungo sa higit na Bangungot
At hindi maiwan ang marubdob na bulaklak
At hindi maiwan ang mga puke at burat ng kawalang-pag-asa

Nakita natin ang pangwakas na bisyon sa tulò
Ang bayag ni Columbus ay hitik sa berdeng kamatayan
Hinipò ko ang hita ng dilag, at ngumiti si Kamatayan

Nangagtipon tayo sa loob ng baliw at sinaunang teatro
Para palaganapin ang pagnanasa sa búhay at takasan ang naglisaw
Na karunungan ng mga lansangan
Sinasalakay ang mga kamalig
Ipinipinid ang mga bintana
At tanging isa mula sa hanay ng lahat ang sasayaw at sasagip sa atin
Mula sa dibinong panlilibak ng mga salita

Pinasisiklab ng musika ang temperamento

Nang hayaang palayain ang mga tunay na pumatay sa hari,
Sanlibong salamangkero ang isinilang sa lupain

Nasaan ang mga pistang ipinangako sa atin?
Nasaan ang alak, ang Bagong Alak, na nagwakas sa baging?