Ang Bahay, ni Warsan Shire

Salin ng “The House,” ni Warsan Shire ng United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bahay

i
Ani ina, na may mga pinid na pinto sa loob ng lahat ng babae; kusina
Ng pagnanasa, silid ng pighati, at banyo ng kawalang-latoy.
Minsan, ang mga lalaki—dumarating silang hawak ang mga susi,
At minsan, ang mga lalaki—dumarating silang may mga martilyo.

ii
Ang lalaking nawawala, ang lalaking nakahilata,
Sinabi kong Hindi! ngunit hindi siya nakikinig.

iii
Marahil may balak siya, marahil balak niyang tanggapin ang lalaki
Upang ang lalaki’y gumising pagkaraan sa bathtub na puno ng yelo,
Nang may tuyot na bibig, at minamaliit ang bago, malinis na kaparaanan.

iv
Itinuro ko ang láwas at sinabing Ang luma na ito? Kasusuot ko lang nito.

v
Kakainin mo ba iyan? Tanong ko sa ina ko, at itinuro si ama
Na nakaupo sa hapag, at namumuwalan sa pulang mansanas.

vi
Habang lumalaki ang katawan ko, dumarami ang mga kandadong silid, at higit na marami ang lalaking sumasapit nang may mga susi. Hindi nagpilit si Anwar na pumaloob, iniisip ko pa rin kung ano ang mabubuksan niya sa loob ko. Dumating si Basil at nagbantulot sa pintuan sa loob ng tatlong taon. Si Johnny na asul ang paningin ay dumating na may bag na puno ng kagamitang ginamit din niya sa ibang babae: isang ipit, isang bote ng kloroks, isang patalim, at isang botelya ng Vaseline. Binigkas ni Yusuf ang ngalan ng Maykapal sa butas ng susian, at walang sinumang tumugon. Nagmakaawa ang iba, ang ilan ay inakyat ang gilid ng aking katawan at hinahanap ang bintana, ang ilan ay nagsabing sila’y paparating ngunit hindi dumating.

vii.
Ituro dito sa manyika kung saan ka hinipo, sabi nila.
Sabi ko, Hindi ako mukhang manyika, para akong bahay.
Sabi nila, Ipakita mo sa amin doon sa bahay.

Gaya nito: dalawang daliri sa bote ng ube
Gaya nito: isang siko ng tubo sa paliguan
Gaya nito: isang kamay sa loob ng drower.

viii.
Dapat kong sabihin sa iyo ang aking unang minahal, na nakatagpo ng bitag na lagusan  . . sa ilalim ng kaliwang suso ko siyam na taon na ang nakararaan, nahulog doon, at hindi na siya nakita pang muli. Pana-panahong nararamdaman ko ang may kung anong gumagapang sa aking hita. Nagpakilala sana siya, at pakakawalan ko siya. Umaasa akong hindi niya makakabunggo ang iba, ang mga nawawalang bata mulang maliliit na nayon, na may kaaya-ayang nanay, na gumagawa ng masasamang bagay, at nangaglaho sa laberinto ng aking buhok. Hinarap ko sila nang maayos, binigyan ng isang hiwa ng tinapay, at kung sinusuwerte sila, isang piraso ng prutas. Maliban kay .Johnny na asul ang mga mata, na sinundot ang aking kandado at gumapang papaloob. Sutil na bata, nakakadena sa silong ng aking mga pangamba, nagpatugtog ako ng .musika upang mabura siya nang ganap.

ix
Tok tok.
Sino iyan?
Wala sinuman.

x
Sa mga parti, itinuturo ko ang aking katawan at sinasabing, Dito dumarating ang pag-ibig para mamatay. Halina, pumasok, at pumanatag dito sa tahanan. Matatawa ang lahat, at iniisip na ako’y nagbibiro lámang.

Isang Awit, ni Sonia Sanchez

salin ng “A Song” ni Sonia Sanchez.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

AWIT

kunin mo ang aking pagkabirhen
at sa pagiging nanay ay isalin
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

kunin ang katawan ko at iyong tatakan
tahiin ang aking mga suso sa Amang Bayan
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

ilugar ang pangarap ko sa anumang hagdan
ipihit para sa bangungot ang aking tanaw
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

hininga ko’y higupin hanggang ako’y mautal
makinig sa mga tunog na aking iuusal
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

sa umaga ng linggo’y anak ko’y tangayin
damitan siya nang magara para lurayin
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.

ilibing ako nang maaga’t puti ang igayak
humanap ka ng bagong tatak na kabiyak
maghintay ng isa o dalawang siglo
at masdan ang magagawa ko.
at masdan ang magagawa ko.

Ina ng Laging Saklolo

Makapangyarihan ang imahen ng ina sa lipunang Filipino, at ang ina ay sumasagisag hindi lamang bilang “ilaw ng tahanan” bagkus tagapagtanggol ng anak laban sa anumang batik na maipupukol ng kalaban. Sa mga telenobela, ang ina ang kunsintidor sa masamang asal ng anak, kung hindi man ay kakutsaba sa maiitim na balak ng anak na babaing ibig makamit ang pag-ibig ng isang binatang guwapo, maykaya, at mabait. Ngunit ina rin ang tagapagsanggalang ng anak na bida, at handang isakripisyo ang buhay mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang anak. Kung babalikan naman ang panahon ng himagsikan, ginamit nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang konsepto ng “Inang Bayan” na taliwas sa “Madre España” na “Inang Sukaban” at “Inang Kuhila” na tumutukoy sa rehimeng Espanyol.

Kung lilingunin ang mahabang kasaysayan ng radyo, ginawang popular ng dakilang manunulat na si Liwayway A. Arceo ang dalumat ng ina pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at patunay ang kaniyang dulang panradyong Ilaw ng Tahanan na tumagal sa himpapawid sa loob ng labinlimang taon at nakabuo ng tinatayang 32 tomo ng aklat—na hindi pa nalalampasan ni napapantayan ng kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat. Sa nasabing dula, lahat ng posibleng maganap sa loob ng pamilya ay tinitingnan sa sipat ng ina at babae, mulang pagsilang at pagpapalaki ng anak hanggang pagsisintahan at paghahanapbuhay hanggang pakikipag-ugnayan sa lipunan at daigdig, at kung hindi pa marahil pipigilin si Arceo ay tuturuan niya ng leksiyon si Lav Diaz hinggil paglikha ng mala-epikong “ebolusyon ng pamilyang Filipino.”

Malakas ang hatak ng ina, at gaya ni Aling Dionisia ay ipagtatanggol ang anak na boksingerong si Manny Pacquiao laban sa tuligsa ng mga komentarista. Ganito rin ang gagawin ni Marlene Aguilar nang ipagtanggol ang kaniyang anak na si Jason Ivler nang paulanan ng bala at tuligsa ng mga awtoridad. Isinasadula lamang muli nina Aling Dionisia at Marlene ang sinaunang pagkilala sa ina, na nagsusumikap itaguyod ang anak, pagsusumikap na halos isasakripisyo ang lahat, gaya ng dangal at ari-arian, at pagkaraan ay halos kalabanin ang anak sa larangan ng pagpapansin sa puting tabing at iba pang aspekto ng sining.

Magnetiko ang hatak ng ina dahil malalim ang paggalang ng mga Filipino kay Birheng Maria, ang kinikilalang ina ni Hesus at tagapamagitan ng mga tao sa diyos. Si Maria ang sukdulang halimbawa ng ina para sa anak, at para sa mga Filipino’y sumasaklaw sa ultimong pag-aalay ng buhay para sa anak, kung babalikan ang tradisyon ng Kristiyanismo at Banal na Kasulatan. Ang katumbalik na imahen ng inang mabait ay putang inang bungangera, kunsintidor, at mukhang salapi, na pinalalaki sa layaw ang anak na pagkaraan ay magiging alibughang anak, at tatanggapin muli sa pagbabalik kapag nagdusa o nagpalaboy-laboy kung saan-saan sa mahabang panahon. Pinagkakitahan nang malaki ang paglilinang sa katauhan ng ina sa panitikang Filipino, at hangga ngayon ay kinababalahuan ng mga manunulat ng dulang pantelebisyon.

Kaya hindi nakapagtataka na gamitin ang hulagway ng ina kahit sa eleksiyon. Ginamit ni Manny Villar sa pampolitikang kampanya ang kaniyang inang si Curita “Nanay Curing” Bamba-Villar, na pinabulaanan ang paratang na nagbuhat sa gitnang uri ang kanilang pamilya. Ganito rin ang ginawa minsan ni Erap Estrada (na sinikap dalawin sa ospital ang nakaratay na inang si Donya Mary Marcelo-Ejercito) nang mapatalsik sa poder at ipabilanggo ng mga kalaban sa politika.  At ganito rin ang ginawa ni Noynoy Aquino na laging kinikilala ang matuwid na pagpapalaki sa kaniya ng inang si Cory Aquino, at iniuugnay nang patalinghaga sa maaaring gawin niya sakali’t maihalal bilang pangulo ng Filipinas. Kahit si Gibo Teodoro ay binibiro ng mga propagandistang ginamit ang mga ina, na matataguriang mga Sugar Mommy at mula sa alta sosyedad, upang makakuha ng pondo para sa kaniyang magastos na kampanya.

Kinakailangan nang sipatin sa ibang anggulo ang konsepto ng ina. Ang pagkilala sa ina ay dapat lumawak at maging makabuluhan, imbes na maging de-kahon at tradisyonal, at ang mga politiko ay makabubuting lumayo sa laylayan ng palda ng kani-kaniyang ina, at ipakilala ang tunay na kakayahan nang hindi mabansagang “Mama’s Boy” kung hindi man “Boy Toy.”

Bontok Igorot, kuha ni Albert Ernest Jenks. Dominyo ng publiko.

Bontok Igorot, kuha ni Albert Ernest Jenks. Dominyo ng publiko. Retrato mula sa artsibo ng Project Gutenberg.

Nanay

Magsisilang ka nang taliwas sa nakagawian, at magigitla ang mga saksi sa pagsirit ng dugo mo’t pag-uha ng sanggol. Nakatadhana marahil ang suwerte sa apat na dingding ng silid, waring nagdiwang ang mga anghel sa kung saang lupalop, at ang pintuan ay nagbubunyag ng pambihirang daloy ng simoy at sinag. Ang suwerte ko, wiwikain mo, ngunit higit na masuwerte ang aking panganay.

Mag-aalaga ka ng supling na parang ang gabi’y umaga, at ang umaga’y tanghali, at ang tanghali’y pagnanakaw ng idlip. Wala kang lakas na sobrenatural, ngunit bakit halos wala kang pahinga? Susulyapan mo ang iyong sanggol, na pagkaraan ay magiging malikot na paslit, na gigilas na kabataan. Kukusutin mo ang paningin, at ang kahapon pala ay waring katimbang lamang ng isang saglit.

Kakayod ka sa pabrika o opisina, habang ang isip ay di-makali sa pag-aalala. Maglalakad sa  guniguni ang iyong anak, at ang anak na ito ang pagsisikapan mong bilhan ng pagkain, damit, aklat, at laruan.  Marahil lalayo ang iyong pook ng trabaho, at ang pook na kinalalagyan mo ay hindi na lamang limang kilometro mula sa iyong tahanan kundi limang daang libong kilometro na banyaga sa iyong kinagisnan.

Anuman ang mangyari’y mananatili kang ina, ayon sa kawikaan. Ina ka ng sanlibo’t isang katangian, ina ng maraming lahi o wika, at parang mahabang debosyon ang magiging pagkilala sa iyo. Magiging demonyo ka sa paningin ng esposa ng anak mo, ayon sa kasabihan, hanggang sumapit ang kabatiran sa kaniyang labis ang iyong kadakilaan para magpalaki ng tagapagligtas ng sambayanan.

Walang maitutumbas na kayamanan, o pagpaparangal,  sa iyong pagpapagal. Ano’t anuman, mananatili kang Nanay sa sukdol na pakahulugan, at ito ang mahirap maunawaan kahit na tigulang na ang iyong apo’t panganay.

Ina at Anak, guhit ni Alex Santos

Ina at Anak, guhit ni Alex Uy.