Palipad-sabi, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Rozmowa płocha,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Palipad-sabi

—Nakalipas ko’y gagong paglalakbay ng paruparo sa ibayong-dagat.
Hinaharap ko’y hardin na ang kusinero’y ginilit ang leeg ng tandang.
Ano’ng taglay ko, sa lahat ng aking pasakit at paghihimagsik?

—Teka, sandali lang, at kapag ang mga pinong takupis nito,
Ang magkahugpong na palma, ay marahang bumukad,
Ano ang iyong nakikita?

—Isang mutya, isang segundo.

—Sa loob ng segundo, ng mutya, sa bituing ligtas mula sa panahon,
Ano ang nakikita mo kapag huminto ang simoy ng pagbabanyuhay?

—Ang lupa, ang langit, at ang dagat, mga barkong kargado,
Umaga ng tagsibol na mahamog, at malalayong prinsipalidad.
Sa kamangha-manghang tanawing panatag ang kadakilaan,
Nagmasid ako, at hindi na muling nagnasa dahil kontento na.

Goszyce, 1944

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Tatlong Tula ni C.P. Cavafy

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pagnanasà

Gaya ng maririkit na lawas ng yumao na hindi tumanda,
at ibinilanggo, nang luhaan, sa mariringal na mawsoleo,
may mga rosas sa ulo at may mga hasmin sa mga paa—
ganyan ang mga pagnanasa, na lumipas nang walang
kaganapan; wala ni isa man sa kanilang nakalasap
ng magdamag na kaluguran, o maningning na liwayway.

Mga Tinig

Mga huwaran at minamahal na tinig
ng mga namatay, o ng mga tao
na naglaho sa atin gaya ng mga patay.

Kinakausap minsan tayo nila sa panaginip;
at naririnig minsan ang mga ito sa isip.

Sasapit ang sandaling pababalikin nito
ang unang panulaan ng ating buhay—
gaya ng musikang nauupos sa malayong gabi.

Unang Antas

Nagreklamo isang araw si Ewmenes
kay Teokritus:
“Dalawang taon na ang nakalilipas
nang ako’y magtangkang magsulat ngunit
isang idilyo lamang ang aking natapos.
Isang tula lamang ang aking naisulat.
Ay, sadyang napakatayog, wari ko,
at napakatarik ng hagdan ng Panulaan;
at sa unang antas na kinatatayuan ko,
ang abang gaya ko ay hindi makaaakyat.”
“Ang ganyang pananalita,” ani Teokritus,
“ay baluktot at mapanyurak.
Kahit nasa unang hakbang ka pa lamang,
dapat na matuwa at magmalaki.
Hindi madali ang pagsapit mo rito,
na pambihirang tagumpay na malayo
sa matatamo ng karaniwang mga tao.
Upang makarating sa unang bahagdan,
kailangan mo munang maging mamamayan
sa lungsod ng mga isip.
At sa lungsod na iyon ay napakahigpit
at bibihira ang nagiging mamamayan.
Matutunghayan sa agora ang mga Mambabatas
na hindi maiisahan ng mga oportunista.
Ang pagsapit dito ay hindi napakagaan;
ang nakamit mo ay labis na kadakilaan.”

Sendad

Tunghayan ang katawan, at kung nagmumurang kamatis ka, maaaring madagdagan ng bilbil ang baywang, mabawasan ng newron ang utak, o kaya’y umaliwalas ang mukha na parang galak na galak sa magdamag na pagniniig. Mararanasan ang pananabik pagkaraan, ang pangangati at ang pagkagumon lalo’t ritwal na inuulit-ulit ang kabaliwan, at kung hindi magtitiis ay magwawakas sa huntahan ng mga palad ni Maria ang sumusukdol na pag-iinit. Kung pumuti man ang patilya at balbas, pahiwatig iyon ng panahon at pagkatuto. Titimbangin mo ang sarili sa harap ng salamin, titimbangin ang iniinom na gamot at inuubos na pagkain, susukatin ang presyon ng dugo at susukatin ang pasensiya ng puso, at magkakasiya ang iyong konsiyensiya na manaig sa ginhawa ng layaw. Pagtatakhan ka ng kabiyak, at bibiruin ng mga anak. Mauunawaan mo ang halina ng tagsalat sa mga disyertong rehiyon, at kung hindi ka titigil, maihahaka na ang iyong taba ay langis na nag-aangkin ng lihim na yaman at mineral, na ikaw at ikaw lamang ang makikinabang, habang iniihaw ang iyong pangungulila sa kailaliman, at tinitingala mo ang nangangabayong hulagway.

Tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 23 Agosoto 2011.
"La tumba del poeta" (Libingan ng makata), 1900, pintura sa oleo ni Saenz Pedro Saenz.

"La tumba del poeta" (Libingan ng makata), 1900, pintura sa oleo ni Saenz Pedro Saenz.