Mga Kawikaang Tamil

Mga Kawikaang Tamil

Roberto T. Añonuevo

Kahanga-hangang pumipintig pa rin magpahangga ngayon ang kabuluhan ng mga kawikaan. Ang kawikaan, na hinango sa kaligiran, ay maaaring gamitin ninuman alinsunod sa kaniyang pagbasa. Ngunit ang kawikaang ito, sa di-sinasadyang pagkakataon, ay nakahuhubog din sa kaisipan ng taumbayan, at nagsisilbing patnubay kung paano dapat mabuhay at makiharap ang isang tao sa kaniyang kapuwa.

“Kung ang utusan mo ang may hawak ng sandok,” saad ng isang Kawikaang Tamil, “mahalaga ba kung ikaw ay nakaupo sa dulo o kaya’y sa harap ng handaan ng isang pista?” Sa ganitong pahayag, ang kumpigurasyon ng trabaho sa kusina ay mailalabas hanggang sa pagdiriwang ng isang pista, at ang mga lingid ngunit dinamikong ugnayan ng mga tauhan ay mahahalata. Hindi kinakailangang magsalita ng maykapangyarihan; ang kaniyang mga alalay ang bahala sa kaniyang kaligtasan.

Ang isang kawikaan ay hindi basta nanggagaya o kumakatawan o kaya’y nagsisilang ng realidad na nasagap ng awtor, kung hihiramin baga ang dila ni Darío Villanueva, bagkus lumilikha rin ng sinasadyang pagkilala sa angking realidad nito sa pamamagitan ng tekstuwal na pagtukoy sa isang ipinahihiwatig at di-nakikitang mambabasa. Mahalagang sipatin ang mga kawikaan, hindi lamang sa pagiging labis na matapat nito sa teksto na sinasandigan ng awtor, bagkus sa realistang pagsagap ng mambabasa sa mga anyo nito.

Narito ang ilang kawikaang Tamil na aking isinalin sa Filipino, at mula sa bersiyong Ingles ni Reb. P. Percival. Pinili ko ito ay inihanay, at ang ilan dito ay sumasapol kahit sa realidad ng mambabasang Filipino.

1. Nababasag ang liwanag sa ulo ng dukha.
2. Ang kariktan ng isip ay nababanaag sa mukha.
3. Magtatangka ba ang magnanakaw kung inaasahang huhulihin siya?
4. Habang nagmumura ang bigas, ang kasiyahan ay tumataas.
5. Ang paghihiwalay ay makapagpapamalas ng pagkakaibigan.
6. Siya na walang alam sa halaga ng butil ay hindi batid ang pighati.
7. Mauunawaan ba ng aso ang mga veda, kahit pa isinilang ito sa nayon ng Brahman?
8. Maghubad man siya’t maligo sa ilog ay walang maling matatagpuan.
9. Mangingibang bayan ka ba kung ang kapitbahay ay sumagana?
10. Ang kabayong binili nang napakamahal ay dapat makalundag sa kabilang pampang.
11. Ang kababaang-loob ang palamuti ng babae.
12. Ang kawayang tungkod ang hari ng mabagsik na ahas.
13. Ang humahagupit bang hangin ay kinasisindakan ang sinag ng araw?
14. Kahit ang gilingang-bato ay mauusog sa paulit-ulit na pagpapaikot.
15. Kapag walang apoy sa dapugan, wala ring sinaing na kakainin.
16. Manunuklaw ang ahas kapag binaklas mo ang bakod.
17. Ang atomo ay magiging bundok; at magiging atomo ang bundok.
18. Ang itlog na kinuha mula sa bahay ng pinuno ay makabibiyak ng gilingan ng magsasaka.
19. Saksi ang langit sa ari-arian ng hari.
20. Ang hari at ang ahas ay magkatulad.

May ibang kawikaang Tamil na kapag hinalaw sa Filipino ay pumipitlag. “Humuli man ng bubuli’t ipatong yaon sa kutson,” saad ng isang kawikaan, “ay hahanap-hanapin pa rin nito ang tumpok ng mga dahon.” Sa ganitong pangyayari, hindi lamang nakabubuo ng representasyon ng isang realidad, bagkus inuusisa nito kung ano ang magiging realistang tugon ng mambabasa kapag nakaengkuwentro ang mga hulagway ng “bubuli,” “kutson,” at “dahon,” at iniugnay yaon sa malupit na tadhana ng talinghaga ng pagbihag. Isang ehersisyo lamang ito sa pagsasalin mula sa libo-libong kawikaang Tamil, na kapupulutan ng aral ng mga Filipino.

Advertisements

“Sukdol ng Tagsibol,” ni Hàn Mặc Tử

Sukdol ng Tagsibol
[Mùa xuân chín]

Salin ng tula ni Hàn Mặc Tử (Nguyễn Trọng Trí) ng Vietnam.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Nalusaw sa lantay na sinag ang ibig,
Kuminang ang pares na bulawang bubong.
Nilaro ng simoy ang lungtiang damit
Sa pinong arbol. Nukad ang tagsibol.

Umalon ang damo patungo sa ulap,
Sa loob ng ili’y dinig ang awitan.
Baká búkas lámang, may binatang hangad
Magpakasal, sakâ ang hayop ay iwan.

Ang himig ng awit sa rurok ng bundok
Ay wikang banayad ng langit at sapà;
Doon sa kawayan ang bulong ay tibok
Na ano’t kay-lamyos pagdait sa bagà.

Ang mga bisita’y hatid ang tagsibol,
At ibig umuwi ng bahay ang dilág:
Papasan pa kaya ng palay maghapon
Pagtawid sa pasig sa tanghaling tapát?

Tatlong Tula ni Vasko Popa

salin ng mga tula ng makatang Serbian Vasko Popa
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SA NAYON NG AKING MGA NINUNO

May kung sinong yumakap sa akin
At tumitig nang may paningin ng lobo
At nagtanggal ng kaniyang sombrero
Upang masilayan ko nang lubos

Tinanong ako ng bawat tao sa daan
Alam mo ba kung paanong kadugo kita

Inangkin ng lingid na lalaki at babae
Ang mga pangalan ng mga kabataang
Lalaki at babae mula sa aking gunita

Inusisa ko ang isa sa kanila
Sabihin mo parang awa mo na
Buháy pa ba si George na Lobo

Ako ang hinahanap mo aniya
Nang may tinig mula sa ibang daigdig

Hinipo ko ang kaniyang pisngi
Habang nagmamakaawa ang titig
Sabihin mo kung nabubuhay din ako

TAGU-TAGUAN

May kung sinong nagtago sa ibang tao
Nagkubli sa ilalim ng kaniyang dila
At hinanap siya ng kalaro sa ilalim ng lupa

Nagtago siya sa noo ng kaniyang kapuwa
At hinanap ng katoto doon sa kalangitan

Nagtabing siya sa kaniyang pagkalimot
At hinanap siya ng kasama sa damuhan

Hinanap siya hinanap nang hinanap
Lahat ng sulok ay tiningnan nito
At sa paghanap ay naglaho ang sarili

ULYANING NUMERO

May isang numero noong unang panahon
Dalisay at bilog tulad ng araw
Ngunit mag-isa at labis na nag-iisa

Nagsimula itong magbulay nang sarili

Hinati at pinarami nito ang sarili
Nagbawas at nagdagdag ito ng sarili
At nanatiling nag-iisa

Huminto itong magbulay nang sarili
At ipininid ang sarili sa bilog
At maningning na kadalisayan

Sa labas nito’y naiwan ang maalab
Na bakás ng mga pagbubulay

Nagsimulang maghabulan ang bawat isa sa dilim
Upang magbukod imbes na magparami ng sarili
Upang magbawas imbes na magdagdag ng sarili

Iyan ang nagaganap sa dilim

At wala ni isang magtatanong hinggil doon
Upang pigilin ang mga bakás
At burahin yaon nang ganap

Lobo

Retrato mula sa US Fish and Wildlife Service, hango sa artsibo ng gimp-savvy.com

“Ulan” ni Jorge Luis Borges

Salin at halaw ng “La lluvia”  ni Jorge Luis Borges mula sa orihinal na Espanyol
Salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ULAN

Lumiwanag nang mabilis itong hapon
Nang umambon nang biglaan at banayad.
Ibinuhos o bumuhos. Matitiyak
Na ang ulan ay umiral nang malaon.

Uulinig ang nawalay na panahong
Ang pag-ulan ay hiwagang ibubunyag
Sa kaniya ng pag-iral ng bulaklak
Na ang pula’y pagkapulang umaapoy.

Mahilam man ang salamin sa pag-ulan
Sa malayong kanayunan, ang ubasang
Maiitim ay gagapang nang masigla.

Walang patyong nakatirik ang narito.
Inaasam yaong tinig sa ama kong
Di pumanaw, kung tikatik ang tamasa.

Jorge Luis Borges

Jorge Luis Borges, larawan mula sa Wikipedia.

Mula sa Kailaliman ni Georg Trakl

salin ng tulang “De Profundis” ni Georg Trakl mula sa orihinal na Austríyako
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mula sa Kailaliman

Pumapatak ang itim na ulan sa bukid na hitik sa dayami.
Malungkot na nakatirik ang nag-iisang kayumangging puno.
Sumisipol ang hangin na nagpapangalisag sa mga kubol.
Ay, anung lungkot ang bumabalot sa magdamag.

Sa kabila ng sanaw ng nayon,
banayad na tinitipon ng mayuming ulila ang natitirang mais.
Nakapako sa takipsilim ang namimilog, bulawan niyang mata.
Naghihintay ng mapapangasawa ang kaniyang kandungan.

Nang umuwi ng bahay ang mga pastol,
natagpuan nila ang maalindog, malantik na lawas
na inaagnas sa palumpong ng matitinik na rosal.

Anino akong malayo  sa liblib na nayong makulimlim.
Nilalagok ko ang katahimikan
ng Bathala mula sa matang-tubig ng mga kahuyan.

Naglalandas  sa aking noo ang hubog ng malamig na metal.
Ginagalugad ng mga gagamba ang aking puso.
At may liwanag na mabibigong mamutawi sa aking bibig.

Natagpuan ko ang sarili isang gabi sa rabaw ng pastulan
na hitik sa basura at layak at alabok ng mga bituin.
Doon sa kulumpon ng mayayabong na abelyana,
ano’t biglang nagpaalunignig ang mga kristal na anghel.

Pintura ni Felix Resurrecion Hidalgo

"Virgenes Cristianas Expuestas al Populacho," pintura ni Felix Resurrecion Hidalgo