Lagay ng Panahon, ni Roberto T. Añonuevo

Lagay ng Panahon

Roberto T. Añonuevo

Nagsilindro ang mga anino sa tanghaling-tapat,
nakinig ang palaboy na askal
sa tabi ng tindahan,
at pagkaraan, ang pagkamangha ay naibulsa
ng mga multong naglalakad sa bangketa.
Lumipad ang kumakatal na matandang himig
na bumubuga ang guniguni sa mga traysikel,
at tumawid ang ambulansiya na parang sigà.
Isinapelikula ng mga tambay na paslit ang inip;
naghihintay ng suki ang latag ng prutas, gulay
ngunit bumibili lámang sa sulyap at takam
ang sinumang mapadaan.
Nagtinginan ang mga bilbord ng mga negosyo
na kung mga politiko’y magsisilid ng kamay
sa hungkag na kahon.
Nagbibilang wari ng mga maysakit ang hangin.
Naglaho ang mukha kapalit ng libong maskara.
Nangarap ng videoke ang kalapati sa poste.
At maya-maya’y nagkaulap ng pangamba
habang tahimik na papalapit nang papalapit
ang mga unipormadong tagawalis at tanod.
Saka nagtalumpati na tila sangganong pangulo
ang radyo—sa uyam ng silindro ng mga anino
na ayaw pasindak sa bilibid, uhog, at ulan—
para sa hanapbuhay ng pagsusunog ng bangkay.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Ramadan Morina

Halimbawa ng Talumpati

Magandang halimbawa ang pangwakas na State of the Nation Address (SONA) ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo kung paano sumulat ng masamang talumpati. Ang kaniyang talumpati ay gumamit ng mga pamamaraan para makaakit ng mga tagapakinig mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, na maaaring sagapin ang kaniyang pananalita bilang kahanga-hanga at pambihira sa isang panig, samantalang bahaw at alingawngaw lamang sa kabilang panig. Nilagom ng pangulo sa limang bahagi ang kaniyang talumpati. Una, matatag umano ang ekonomiya ng Filipinas na kayang harapin ang krisis pandaigdigan. Ikalawa, naitayo ang mga impraestruktura at ganap na natapos ang iba pa. Ikatlo, mas patas umano ang ekonomiya sa mahihirap kaysa noong dati. Ikaapat, naipundar umano ang matibay na base o salalayan para sa susunod na henerasyon. At ikalima, napansin umano ng mga internasyonal na awtoridad na mas ligtas ang mga Filipino mula sa pagkawasak ng kaligiran at sakunang likha ng tao.

Marupok ang pangangawitran ng pangulo hinggil sa pagiging matatag ng ekonomiya ng bansa. Inaakala niya na ang ating ekonomiya ay gaya ng sa Estados Unidos, na nabubuhay ang mga mamamayan sa pamamagitan ng utang, kung hindi man sa digmaan. Nasa yugto pa rin ang gaya ni Gng. Arroyo sa paghahambing ng ekonomiya ng Filipinas sa ekonomiya ng Amerika, o sa mayayamang bansa ng Ewropa. Hindi nasisipat ang ekonomiya ng Filipinas alinsunod sa dapat nitong paglago, pangangailangan, at pagtanaw, kaya ang anumang modernisasyon nito ay sumasabay lamang sa kumbensiyon ng mga dayuhan.

Nakaligtaang banggitin ng pangulo na kaya lumakas ang estado ng pananalapi ng pamahalaan ay dahil ibinenta nito ang mga dating ari-arian, korporasyon, at negosyong dating kontrolado ng pamahalaan, at ang kitang ito ang nagpapalutang sa ekonomiya ng bansa. Naghasik din ng matataas na buwis ang pamahalaan, at ang buwis na ito ay higit na nagpahirap sa dati nang mahihirap imbes na kaltasan sa makatwirang paraan ang mga maykaya sa lipunan. Bagaman tumaas ang Internal Revenue Allotment (IRA) o ang pondong inilalaan para sa mga pamahalaang lokal, hindi madama ng mga karaniwang mamamayan ang ganitong badyet na tutugon sa kanilang batayang pangangailangan. Sadyang kailangan ang IRA at hindi dapat itong ipagpasalamat sa pamahalaan, dahil tungkulin ng pambansang pamahalaan na tustusan ang mga programa o proyekto sa antas ng pamahalaang lokal dahil hindi kayang mag-isa ng pamahalaang lokal na gastusan ang pangangailangan nito, maliban sa ilang pagkakataong nakaririwasa ito, gaya ng mga lungsod ng Makati, Quezon, at Pasig.

Naisalba ng mga migranteng manggagawa, sa pamamagitan ng kanilang padalang salapi, ang ekonomiya ng bansa. Maganda ito sa unang malas, ngunit kung wawariin nang maigi ay panandalian lamang, dahil ang suweldo ng naturang mga manggagawa ay sasalalay din sa pagdagsa ng iba pang propesyonal na mula sa iba’t ibang lahi na handang tumanggap ng mababang sahod na maglalagay sa alanganin sa mga manggagawang Filipino. Ang bansang umaasa sa lakas-paggawa ng mga mamamayan nitong ipinadadala sa ibayong-dagat ay lumilikha ng mga propesyon na umaayon sa pangangailangan at layaw ng pandaigdigang merkado imbes na tugunan ang panloob o pambansang pangangailangan ng mga mamamayan nito. Imbes na humanap ng malikhaing paraan ang pamahalaan upang lumikha ng trabaho rito sa loob ng bansa na pakikinabangan ng laksa-laksang mamamayan ay laging nakatingin ito sa labas upang maipukol kung saan ang mga propesyonal na arkitekto, doktor, guro, inhinyero,marino, nars, at kahit ang mga bihasa nitong pintor, piyon, at tagapangalaga. Hindi rin binanggit ni Gng. Arroyo ang panlipunang dagok na dulot ng pangingibang-bayan: ang pagkatiwalag sa sarili, ang pagkawasak ng pamilya, ang pandarahas at pang-aaglahi sa mga migrante, at iba pa. Maaaring ang kolektibong epekto nito ay hindi nararanasan sa ngayon, ngunit maaaring mahinuha ang bagsik nito sa darating na panahon.

Gumulong din ang ekonomiya ng bansa dahil sa mga gastusin nito sa mga pagawaing-bayan at impraestruktura. Dahil nakaiwas na kapusin sa badyet ang pamahalaan sa tulong ng mga ibinentang ari-arian at negosyo, naiwasan nitong manghiram sa mga lokal na bangko at makipag-agawan sa publiko sa pangungutang. Sa ganitong paraan, nailalabas ang salapi mula sa kabang-yaman ng bansa, napaiikot ang salapi sa mga tao, at ang mga tao na ito na gumagastos ng salapi ang nagpapasigla ng negosyo. Maaaring tingnan din na ang pagsusulong ng mga pagawaing-bayan at impraestruktura ay nakatali sa usaping pampolitika, dahil ang mga mambabatas at opisyal na pamahalaang malapit kay Gng. Arroyo ang nakikinabang ng mga programa at proyekto sa pamamagitan ng mga malikhaing paraang tinatawag na “korupsiyon.” Wala nang bago rito.

Hindi binanggit ni Pang. Arroyo na ang plano sa mga pagawaing-bayan ay matagal na, marahil ay mauugat noon pa mang administrasyon ni Pang. Ferdinand E. Marcos, at maaaring nagkataon lamang na sa panunungkulan ni Gng. Arroyo naisakatuparan ang gayong proyekto. Ang mga pagawaing-bayan at impraestrukturang ito ay nakasalalay sa pambansang badyet, na karaniwang awtomatiko kung hindi tuloy-tuloy ang paglalaan ng salapi alinsunod sa panukalang badyet na pagtitibayin ng magkasanib na lupon ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso bago lagdaan ng pangulo para maging ganap na batas. Ang kakatwa, may mga rehiyon lamang na pinaboran ang pambansang pamahalaan, ngunit nakaligtaan ang iba pa.

Mahirap maunawaan ang “pagiging patas ng ekonomiya para sa mga dukha” na binanggit ni Gng. Arroyo. Halimbawa, totoong may mga patakaran ang pamahalaan hinggil sa pabahay para sa mga maralita. Ngunit mabagal ang pagsasakatuparan ng gayong mga patakaran. Kakaunti ang nakikinabang sa panlipunang pabahay ng pamahalaan, at kung pagbabatayan ang target sa pabahay ng pamahalaan alinsunod sa Medium Term Philippine Development Plan, ang kakulangan sa pabahay ay aabot sa halos 3.75 milyong yunit mulang 2005–2010, samantalang 1.2 milyong yunit lamang ang target ng pamahalaan alinsunod sa taunang paglalaan ng pambansang badyet. Malaking kalokohan ito sa panig ng pamahalaan, at aakalain ng iba na binobola ni Gng. Arroyo ang taumbayan hinggil sa mga “tagumpay” nitong natamo sa pagpapalaganap ng pabahay para sa maralita. Ang sinasabing “pagiging patas ng ekonomiya para sa mga dukha” ay mahihinuhang hanggang pamumudmod lamang ng salapi o regalo, at gagamitin ang mga ahensiya ng pamahalaan upang mapatahimik ang mga tao at supilin sa banayad na pamamaraan ang paghihimagsik ng ilang sektor.

Marupok ang patakaran, programa, at pamamalakad kahit sa sektor ng pagsasaka. Nakaligtaang banggitin ni Gng. Arroyo na lumikha ng di-sinasadyang krisis sa suplay ng bigas ang pagsandig ng Filipinas sa mga suplayer ng bigas na mula sa gaya ng Thailand at Vietnam. Ang dapat inihahayag ng pangulo ay kung may kakayahan nang tumayo sa sariling paa ang Filipinas, at makalikha ito ng mga ani na hindi lamang tutugon sa pangangailangan ng mga Filipino, bagkus makapagluluwas pa ito ng labis-labis na suplay doon sa ibayong dagat. Sa ganitong pagkakataon, bagsak ang grado ng pamahalaan. Wala pa ring malinaw na pambansang koordinasyon hinggil sa paghahatid ng mga ani mulang bukirin tungong pamilihan. Hindi kayang makipagtagisan ng mga magsasakang Filipino doon sa mga magsasaka sa ibayong dagat dahil kulang na kulang ang suportang pananalapi, serbisyo, at impraestrukturang dapat nagmumula sa pamahalaan.

Kung ipagpapalagay na ang edukasyon ang pinakasalalayan ng mga susunod na henerasyon, ang edukasyong ito ay naghahanap ng radikal na pagbabago. Ang edukasyon sa Filipinas ay dapat iniaayon sa pangangailangan ng mga Filipino, at kung paano magagamit ang kanilang talino, lakas, at sigasig upang mapaunlad ang bansang ito. Ayaw mang aminin ni Gng. Arroyo, ang bansang ito ay lumilikha ng edukasyon para suplayan ng mga tao ang pangangailangan ng mga dayong negosyo at interes, at hindi sa ikagagaling ng mga Filipino. Halimbawa, malaking negosyo ang pagmimina ng mga mineral sa bansa, ngunit kulang ang mga eksperto na magtitiyak ng kaligtasan ng mga mamamayan laban sa anumang di-inaasahang sakuna o panganib. Ang pagmimina sa ating bansa ay nakatali sa pangangailangan ng gaya ng Tsina, South Korea, Japan, Estados Unidos, at iba pang bansa sa Ewropa, imbes na ginagamit sana ng Filipinas ang pagmimina na kaugnay ng industriyalisasyon. Ang pagmimina sa ating bansa ay nauuwi sa pagkatigang ng mga lupain, pagkatuyot ng mga tubigan, pagkasira ng mga kultura ng pamayanan, at pagkatiwalag sa sarili mismo ng mga manggagawa. Nagkaroon ng malulubhang sakuna sa mga minahan ngunit ni isang dayuhang opisyal ay walang binitay o naipakulong man lamang.

Ipinamumukha ni Gng. Arroyo sa kaniyang mga kababayan na ang tagumpay ng Filipinas ay alinsunod sa pagsang-ayon ng mga dayuhang awtoridad. Kahit pa sabihing ito ay may kaugnayan sa likas na kaligiran, negosyo, kalusugan, isports, edukasyon, at ugnayang panlabas, ang mga awtoridad na banyaga ang magtatakda ng tagumpay at pagsulong ng bansa. Isang kabulaanan ito na dapat nang iwaksi sa ating bokabularyo, at dapat ginagawa mismo ng ating pangulo. Ngunit pinapalakpakan ang ganito ng mga mambabatas na waring lasing sa kapangyarihan. Salamat na lamang kay Pang. Gloria Macapagal Arroyo at naipamukha sa taumbayan ang talumpating hitik sa guniguni, na magbibigay ng halimbawa at gabay sa mga estudyante kung paano sumulat at magpahayag na ikagigitla, kung hindi man isusumpa, ng mga nagpipigil na madla.

Kung ang wika ng pangulo ay nakaayon para sa buong bansa, ang wikang ito ay dapat nasa wika ng mga Filipino. Ang pag-iingles ng pangulo ay paraan ng komunikasyon sa mga kapuwa niya nakauunawa ng Ingles, gaya ng mga mambabatas na pulpol din umingles, at hindi para sa karaniwang mamamayang maaapektuhan ng mga programa at proyekto ng pamahalaan. Maipapanukala ang pagbabago kahit sa wika ng pangulo, sa opisyal na komunikasyon gaya ng pag-uulat sa taumbayan. Ngunit kung gagawin ito ng pangulo, maaaring mabunyag ang kaniyang pagbilog sa ulo ng taumbayan—kung hindi man tandisang pagsisinungaling— at lalong maglalagay sa kaniya sa alanganin. Kaya hayaan natin siyang magsalita sa mabulaklak na salita, at nang di-maunawaan ang kaniyang inililihim sa paningin ng mga mamamayan.

Filipino at ang Wika ng Pagtuturo

Hindi ko na sana papatusin ang usapin ng wika sa pagtuturo, ngunit nabasa ko noong 12 Setyembre 2008 ang pitak ni Maya Baltazar Herrera na pinamagatang Educating the Filipino sa Manila Standard Today at marapat sagutin. Payak lamang ang tesis ng kaniyang akda: Ingles ang dapat maging midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, dahil ito ang wika ng negosyo. Ang Ingles umano ang magbubukas ng maraming oportunidad, at maghahain ng mga posibilidad, sa mga Filipino.

Kailangan ang Filipino sa negosyo at kalakalan.

Kailangan ang Filipino sa negosyo at kalakalan.

Ngunit makitid na puwang lamang ang ibig silipin ni Herrera sa paggamit ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo. Hindi niya isinaalang-alang ang malaking posibilidad ng paggamit ng Filipino sa pagpapabilis ng modernisasyon ng agrikultura, siyensiya, teknolohiya, inhinyeriya, batas, kalusugan, at iba pang aspekto ng lipunan. Hindi nakita ni Herrera na higit na mahalaga ang kahusayan sa isang larang [i.e., field], at ang kahusayang iyon ay wala sa pagsasalita ng Ingles, bagkus sa pagkakaunawa at pagsasakatuparan nang malalim at malawak sa mga konsepto ng naturang larang.

Ang hinuha ko’y hindi talaga tumitingin sa estadistika at datos itong si Herrera. Inaakala pa rin niya na ang ekonomiya natin ay gaya ng ekonomiya ng Estados Unidos at Europa, kaya kahit ang wika ng mga ito ang dapat pagsumundan ng mga Filipino. Ang malaking bahagi ng Filipinas ay nakaayon sa agrikultura. Dahil dito, kinakailangan ang pagpapahusay ng teknolohiya hinggil sa agrikultura. Kailangan ang subsidyo ng pamahalaan sa mga magsasaka at mangingisda. Kailangan ang abanseng impraestruktura, patubig, transportasyon, telekomunikasyon, bukod sa epektibong pamamaraan ng edukasyon. At sa pagtuturong ito ay tinitiyak kong higit na magiging epektibo kung gagamit ng Filipino na sinusuhayan ng iba pang lalawiganing wika sa Filipinas, imbes na gagamit ng Ingles.

Ang pagpupunyagi ng mga akademiko na gamitin ang Filipino bilang wika ng pagtuturo sa lahat ng paaralan ay may batayan, at patutunayan ito kahit ng mga pagdinig sa batasan, o sa pahayag ng United Nations. Mabilis na matututo ang mga bata ng mga konseptong matalik sa kanilang puso at lugar kung gagamit ng Filipino at kaugnay na lalawiganing wika. Ito ay dahil magkabalahibo ang Filipino at ang mga lalawiganing wikang gaya ng Iluko, Bisaya, Bikol, Palawan, at iba pang wika, kompara sa Ingles. Magkasalungat ang polong pinagmumulan ng Filipino at iba pang lalawiganing wika kung ihahambing sa Ingles, ayon sa pag-aaral ng antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay.

Ang paggamit ng Filipino ay hindi nangangahulugan ng pagpatay sa mga lalawiganing wika, bagkus pinalalakas pa nito ang lalawiganing wika dahil mailalahok ang malaking bahagi nito sa korpus ng Filipino. Isang halimbawa nito ang UP Diksiyonaryong Filipino (2001), na naglahok ng mga salitang mula sa mahigit 100 wika sa Filipinas. Habang ginagamit ang Filipino, lalong mahihikayat ang mga lalawiganing wika na linangin nang maigi at itampok ang angking ugat at kultura. Filipino ang pinakamadaling paraan upang bigkisin ang mga Filipino, na hindi kayang gawin ng Ingles, at patutunayan ito kahit sa mass media.

Lalakas ang negosyo sa paggamit ng Filipino.

Lalakas ang negosyo sa paggamit ng Filipino.

Mapasisigla din ang kalakalang panloob, dahil hindi maaasiwa ang mga Filipino na magpa-Ingles-Ingles kahit hindi naman kinakailangan. Mapagagaan ang mga transaksiyon sa bangko, telekomunikasyon, at transportasyon kung Filipino ang gagamitin. Mahihikayat ang libong kabataan na magtuon sa siyensiya at teknolohiya dahil madali nilang maisasabuhay ang mga konsepto at karunungang nasagap nila sa pamamagitan ng Filipino.

Hindi ko sinasabing huwag nang mag-aral ng Ingles. Kailangan pa ring mag-aral ng Ingles kung ibig kausapin ang mga dayo. Ngunit kapag mga Filipino na ang nag-uusap ay dapat gamitin ang wikang Filipino upang magkaunawaan ang nakararami. Dapat tandaan ni Herrera na hindi lahat ng Filipino ay ibig magtrabaho sa ibayong dagat o kaya’y pumasok na ahente sa call center. Maraming propesyonal na Filipino ang ibig magtrabaho at magsilbi sa Filipinas, at tulungan ang mga kapuwa nila Filipino na nasa alanganing kalagayan, at makipag-usap sa kanilang kababayan sa wikang matalik sa kanilang buhay.

Ang paggamit ng Ingles ay naghahain ng di-inaasahang deskriminasyon sa mayorya ng mga mag-aaral na Filipino. Nahahati ng Ingles ang isip ng mga bata, at ang batang ito, anuman ang kaniyang wikang kinamulatan, ay magtataka kung bakit iba ang wika ng paaralan at iba ang wika ng tahanan. Nakakiling ang timbangan pabor sa mga batang mayayaman, na nakapag-aaral sa mga esklusibong paaralan, at ang mga magulang ay pulos Inglesero. Ngunit ang gayong tagpo ay taliwas sa nangyayari sa iba pang panig ng kapuluan. Nauuna ang pagdidikdik ng gramatika at punto ng Ingles, imbes na pinag-aaralan nang maigi ang mga konseptong nakapaloob sa isang larang, gaya ng agham, matematika, at kasaysayan.

Isinaad ni Herrera na ang realidad daw para sa maraming Filipino ay Ingles ang pangunahing wika sa Filipinas. Ingles ang ginagamit sa kontrata, kalakalan, pahayagan, restoran, at hukuman. Totoo ito lalo sa metropolis, ngunit hindi ito nangangahulugan na higit na naging epektibo ang Ingles bilang wika ng transaksiyon. Maraming Filipino ang nagogoyo dahil hindi nila nauunawaan ang mga pinirmahang kontratang nasusulat sa Ingles. Marami ang nahihirapan sa pakikipagkalalan dahil hindi maunawaan ang Ingles pagtungo sa mga lalawigan. Maraming restoran ang nalulugi kahit sabihin pang Ingles ang nakasulat sa menu. At maraming nabibilanggo at nabibitay dahil ang wika ng hukuman ay wikang taliwas sa dapat asahan ng mga akusado.  Ang problema ng wika ay matingkad na makikita sa batasan at hukuman, at kahit gaano kahusay umingles ang mambabatas, ang abogado, at ang hukom, natitiwalag pa rin ang mayorya ng mga Filipino dahil sila-sila ring mambabatas, abogado, at hukom ang nagkakaunawaan sa kanilang diskursong Ingles.

Ang pag-aaral ng Ingles ay dapat ituring bilang isa lamang sa mga banyagang wikang maaaring pag-aralan at matutuhan ng Filipino. Bakit kailangang limitahan sa wikang Ingles ang dapat matutuhan ng mga Filipino? Bakit hindi wikang Bahasa Malay o Espanyol o Mandarin? Hindi dapat pangibabawin ang Ingles na ikababansot lalo ng Filipino at ng iba pang lalawiganing wika sa Filipinas, gaya ng nagaganap sa ngayon. Ang realidad ay malaganap na ang Filipino ngunit waring nakapikit pa rin ang negosyo, ang akademya, ang batasan, at ang pamahalaan na pawang ibig ipagpatuloy ang saliwang kolonyal na patakaran na pinairal noon ng rehimeng Amerikano. Malawak ang posibilidad sa paggamit ng Filipino, lalo sa negosyo at kalakalan, at ito ang dapat subukin at isagawa, para sa lubusang ikalalago ng bansa.

Panitikan at Pagsilang

Parola ang panitikan.Unti-unting naglalaho sa akademikong kurikulum mulang elementarya hanggang hay-iskul ang panitikan, ngunit waring hindi nababahala ang mga awtoridad. Marahil, naiisip din nilang wala naman talagang halaga ang panitikan sa ating buhay, at isa lamang iyong paraan ng pang-aliw sa sinumang nababato’t walang magawang tao. Ngunit ibig kong maghain ng ilang argumento—kaugnay ng unang binanggit ni Mario Vargas Llosa sa Thailand noong 2002—hinggil sa bisa ng panitikan upang mabuhay.

Panitikan ang magbubukas sa atin ng paningin. Kung ang mga lárang, gaya ng medisina, inhinyeriya, batas, ekonomiya, at estadistika ay sumasapit sa yugto na labis na espesyalisado ang mga kodigo, wika, at panuto tungo sa pinakamaliliit na bagay—at nagdudulot upang pagpangkat-pangkatin ang mga tao—ang panitikan sa kabilang dako ay humahatak sa mga tao na tingnan ang daigdig sa kabuuan, ani Llosa. Sa panitikan, matututo tayong makibahagi sa damdamin, iniisip, o nilulunggati ng ibang tao saanmang bansa’t anumang panahon ang kaniyang kinalalagyan.

Basahin si Francisco Balagtas at mauunawaan natin ang bait at katwiran sa gitna ng panlulupig at kaapihan. Basahin si Jose Rizal at mauunawaan natin ang lipunang batbat ng lagim at rebelyon. Basahin si Aurelio Tolentino, at mauunawaan natin ang mga pagtutol sa mga relihiyong bumubulag sa isip at lumulumpo sa loob ng mga deboto. Basahin si Lope K. Santos, at mauunawaan natin ang makamandag na halina ng sugal. Basahin si Rio Alma, at mababatid natin ang kapangyarihan ng pagbabalik sa minulan at pagbubuo ng bagong Filipinas.

Mabisa ang panitikan sa pag-arok ng sukdulan ng pag-ibig, sex, at erotika, kung hihiramin ang dila ni Llosa. Ang mga tao na pulos basurang nobeleta ang binabasa o nahirati sa telenobela ay mauuwi sa makitid na pagtanaw sa sex at pagmamahal, at hindi malalayo sa hayop.  Ngunit makapagdudulot naman ng pambihirang libog at guniguni ang mga klasikong akda, halimbawa na ang mga tula o akda nina Lamberto E. Antonio, Pablo Neruda, Luis de Gongora, at Charles Baudelaire; at mahihigop tayo papaloob sa makukulay na daigdig at langit o impiyerno nina Marquis de Sade, Leopold von Sacher-Masoch, Dante Alighieri, at Edgardo M. Reyes. Sabi nga ni Llosa, ang mag-asawang mahilig sa literatura ay malalim kung umibig at makipagtalik kaysa karaniwang mamamayan.

Taliba ang panitikan, at mauunawaan natin ang propaganda na ipinalalaganap ng mga tiwaling institusyon o administrasyon. Mapaghuhunos tayo ng panitikan upang maging maingat sa prehuwisyo, at umiwas sa baluktot na pagtingin hinggil sa lahi, kasarian, paniniwala, at pandurusta. Higit nating mauunawaan ang nilalaman ng Saligang Batas at ng Batas Militar kapag hinalungkat ang mga nobela, tula, at dula na pawang nalathala noong dekada 1970-1990, at pinag-aralan ang satirikong sanaysay ng gaya nina Adrian Cristobal, Carmen Guerrero Nakpil, at Nick Joaquin,  o kaya’y ang mga tula nina Amado V. Hernandez, Rio Alma, Bienvenido Lumbera, Jose F. Lacaba, at Alfrredo Navarro Salanga.

Hahatakin tayo ng panitikan tungo sa madilim ngunit kapana-panabik na nakaraan, at ipagugunita sa atin na kahit may sariling lunan ang panitikan at ang kasaysayan, maaari ding magsalikop ang dalawa tungo sa kagila-gilalas na kabatiran. At ang mga tao, na nakibahagi sa gayong karanasan sa pamamagitan ng pagbabasa, ay magkakaroon ng panibago’t sariwang pag-unawa hinggil sa kaniyang sarili, sa kaniyang kapuwa, sa kaniyang bansa, at sa kaniyang diyos.

Pinadadakila ng panitikan ang isang bansa, at higit na nagiging kapaki-pakinabang ang wika. Sa pamamagitan ng mga tula, awit, nobela, kuwento, at dula ay umangat sa mataas na antas ang Tagalog, at naging saligan ng Filipino bilang wikang pambansa, bukod sa nagbabantang maging pangunahing wikang internasyonal. Mula sa panitikan, ang Filipino ay pinakinabangan na rin ng iba pang lárang, gaya sa Batas, Matematika, Pilosopiya, Agham, at Teklonolohiya, at higit na ngayong epektibong panturo sa mga mag-aaral kaysa Ingles. At kinikilala na rin ngayon ang mga manunulat na Filipino na nagsusulat sa Filipino doon sa ibang bansa, bagaman hindi sila kasintanyag nina Manny Paquiao at Precious Lara Quigaman.

Ang maalam sa panitikan ay hindi lamang lumalawak ang bokabularyo, wika nga ng batikang mangangathang Llosa, bagkus lumalawak din ang imahinasyon. Nakapagsasalita tayo nang maayos at malinaw dahil sa panitikan, dahil ang mga konsepto natin ay hindi maibubukod sa mga salita. Maibubulalas natin ang ating loob sa maririkit na pananalita, na mabibigong hulihin sa retrato, sayaw, pelikula, at pintura. Higit na epektibong mambabatas noon sina Francisco Tatad at Blas F. Ople dahil hindi lamang maalam sila sa batas, kundi malalim din ang pagkaunawa nila sa Filipino at panitikan ng daigdig.

Higit sa lahat, pinatatalas ng panitikan ang isip ng tao. Malimit naaapi ang mga dukha’t kulang-palad dahil hindi sila nakalalasap ng matitinong panitikan mula sa mga paaralan, aklatan, at tindahan. Samantala’y ang tao naman na bukás sa sari-saring panitikan ay mauunawaan ang kultura ng korupsiyon, ang diktadura ng makabagong balatkayo, at ang neo-kolonyalismo sa antas ng United Nations—sa panahong ang itim at ang puti ay malabo ang hanggahan ng pagkakakilanlan.

Oo, may malinaw na kakayahan ang panitikan na itaas ang ating pagkatao. Ngunit may isa pa itong kakayahan na dapat tuklasin ng madla. Na puwedeng pagkakitaan ng mga lalawigan ang panitikan, at magamit sa promosyon ng turismo at paglalakbay, gaya ng nagaganap sa Alemanya, Espanya, Italya, Japan, Pransiya, at Tsina. Magagamit ng Batangas, Bulakan, Laguna, Quezon, at Rizal ang mga panitikan nito habang nang-aakit ng mga turista. Gayundin sa Hilaga at Timog Ilokos, na ang mga klasiko’t modernong akda ng mga Ilokanong manunulat ay maitatampok habang ipinakikilala sa mga turista ang mga makasaysayang bayan, bahay, at bantayog. Sa Cordillera, Mindanao, Palawan, at Panay, ang mga panitikang bayan, gaya ng epiko, awit, at kuwento ay maaaring iugnay sa promosyon ng turismo.

Kung babalikan ang datos at kinikita ng National Bookstore sa buong bansa, ang 60 porsiyento ng mga nabibiling aklat at babasahin nito ay pawang isinulat ng mga Filipino at nasusulat sa Filipino, at kaugnay ng panitikang Filipino, ayon sa aking panloob na impormante. Kaya hindi totoo na pulos na Ingles at imported na babasahin ang kumikita sa naturang higanteng tindahan. Kung makapagpapakalat lamang ng mga aklat, gaya ng nobela, tula, at sanaysay sa buong bansa, ang kapuwa pabliser at awtor, kasama na ang mga ahente,  ay malaki ang kikitain. Makasasabay din sa mga tradisyonal na awtor ng teksbuk ang mga malikhaing manunulat, at mababawasan kahit paano ang mga naghihikahos na manunulat.

Isang kaululan kung gayon kung paniniwalaan ang mga kongresista at senador na gawing Ingles ang midyum ng pagtuturo sa Filipinas. Higit na makatutulong sa bansa kung aatupagin ng nasabing mga mambabatas ang pag-usisa sa kurikulum ng Kagawaran ng Edukasyon, at ang pagpapalaganap ng panitikan at wikang Filipino, kaysa tila maging bayarang tinig lamang ng mga international call center.

Pahabol
Kahit ang mga lokal na call center ay dapat maghanda na sa pagtanggap ng mga kawaning mahusay magsalita at umunawa sa Filipino at nakaaalam kahit paano sa panitikang Filipino. Ito ay sa dahilang malapit nang umabot ang populasyon ng Filipinas sa 100 milyon, na magtatampok sa Filipinas upang mapabilang ito sa mga higanteng bansa, alinsunod sa populasyon. Sa ganitong pagkakataon, maraming kliyenteng Filipino ang tatawag sa telepono at gagamit ng internet sa pamamagitan ng wikang Filipino. Kaya ang mga call center ay hindi na lamang tutugon sa mga pangangailangan ng mga tradisyonal na kliyenteng Amerikano o Briton, bagkus sa milyon-milyong Filipinong maaaring nandarayuhan o mamimili o negosyanteng ibig makipag-usap sa Filipino. Kaya kapag hindi nakinig ngayon ang batasan, ang industriya, at ang pamumuhunan sa alimpuyo ng Filipino, inaasahan ang napipinto nitong pagbagsak dahil sa pagtalikod sa dapat sanang pag-alimbukad.