Bahay, ni Roberto T. Añonuevo

Bahay

Roberto T. Añonuevo

Itinitindig ito upang wakasan ang langit
na maging kisame, at lagyan ng hanggahan

ang mararating ng simoy at sinag at ulan.
Lagyan ito ng mga mata at biglang didilat

ang panorama ng paligid na nilalayuan.
Lagyan ito ng bibig at hihigupin o lalamunin

nito ang mga nilalang na tumatangging
maging alipin ng alinsangan o halumigmig.

Lagyan ito ng dibdib, at magtatagpo sa wakas
ang bait ng loob at ang damdamin ng labas.

Lagyan ito ng sikmura, at mauunawaan
ang salo-salo na sumasarap sa pag-uusap.

Lagyan ito ng mga paa at tiyak makatitirik
sa mga gulód, o uuyamin ang mga alon.

Tanggaping iwinawaksi nito ang panganib—
sa anyo man ng hayop o kulisap o sinumang

nanloloob na sumusuway sa mga batas.
Uusisain mo ba ang seguridad nito’t tibay?

Sasagutin ka ng pawikan—na mapalupa
o mapalaot ay nasa likod ang kaligtasan.

Dito nabubuo ang tinatawag na pag-asa
kapag tinatanaw ang araw at mga bituin.

Pugad ng laway o kaya’y pugad ng langgam,
ito ang katwiran ng pagbigat ng daigdig.

Gaano man kalaki ang balangkas nito’y
kapalaran nitong maging basura o lason

sa paglipas ng panahon. Kayâ alagaan ito,
habang may haligi o ilaw na tuturingan.

Lilipas ang salinlahi, ngunit ang espasyo
nito ay magsisilang o maglilibing sa iyo

para manatiling diyos na nasa lupa, dahil
itinitindig ito upang wakasan ang langit.

Ang Arina, ni Gabriela Mistral

Salin ng “La Harina,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Arina

Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Malinaw na arina mula sa bigas, na kumakaluskos gaya ng pinong seda; ang tinaguriang gawgaw, na kasingsariwa ng tubig mula sa niyebe at nagpapabawa ng pasò. Mula sa abang patatas, ang arina ay kasingdulas ng pilak. Anung kinis ng arina!

. . . . . .Arinang siksik, na gawa mula sa pighati ng mga butil ng bigas o senteno, ay kasimbigat ng luad, ang luad na kusang makalilikha ng landas ng gatas para sa mga nilalang na walang kasalanang orihinal.

. . . . . .Arinang makinis, na tahimik na dumadausdos kaysa tubig, ay makatatakip sa hubad na bata nang hindi siya mapupukaw.

. . . . . .Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Arina ng ina, tunay na kapatid ng gatas, na babaeng nasa rurok ng kaganapan, burgis na ilaw ng tahanan na puti ang buhok at súsong mapipintog; matatandaan niya ang oyayi kapag inihimig mo sa kaniya; nauunawaan niya ang lahat ng bagay hinggil sa pagkababae.

. . . . . .Iniwan nang mag-isa sa daigdig na ito, pasususuhin niya sa kaniyang bilugang mga suso ang planeta.

. . . . . .Mapagbabanyuhay niya ang sarili na maging bundok ng gatas, ang mapagpalang bundok na kinatitisuran nang paulit-ulit ng mga bata.

. . . . . .Ang inang arina ay isa ring batang eternal, na idinuduyan sa mga bukirin ng palay, ang munting paslit na pinaglalaruan ng simoy nang hindi siya nakikita, at humahaplos sa kaniyang mukha nang hindi napapansin.

. . . . . .Arinang malinaw. Maiwawagwag ito sa aba, itim, sinaunang lupa, at gaganti siya sa pagbibigay ng malawak na bukirin ng margarita, o kaya’y sasaplutan iyon sa elada.

. . . . . .Maningning, makinis, at mabigat ang arina.

. . . . . .Kung maglalakad siya, walang makaririnig sa yabag ng kaniyang mabulak na paa na bumabaon sa lupa; kung sasayaw siya, babagsak ang kaniyang namimigat na mga kamay; kung ibig niyang umawit, ang awit ay babará sa kaniyang makapal na lalamunan. Ngunit hindi siya naglalakad o sumasayaw o umaawit. Kung ibig niyang magkapangalan, kailangang umimbento tayo ng ngalan para sa kaniya na nagtataglay ng tatlong B, o tatlong malalambot na M.

Pambungad sa mga Pambungad, ni Migjeni

Salin ng “Parathania e parathanieve,” ni Migjeni (daglat ng Millosh Gjergj Nikolla) ng Albania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pambungad sa mga Pambungad

Humihina ang mga diyos sa paglipas ng mga araw;
Gumuguho ang kanilang mga hulagway
Sa pag-inog ng mga taon at siglo,
At ngayon ay walang nakaaalam kung sino talaga
Ang diyos at kung sino ang tao.
Sa utak ng sangkatauhan, nakayukod ang diyos,
Ang kaniyang mga daliri’y nakatimo sa pilipisan
Na pahiwatig ng pagsisisi
At sa mapait na panghihinayang ay napahiyaw:
Ano, ano ang aking nalikha?
Hindi batid ng tao
Kung ang diyos ang kaniyang nilikha
O siya ang nilalang ng diyos,
Ngunit naaarok niyang isang uri ng kahangalan
Ang magmuni-muni sa idolong hindi tumutugon.
At ngayon ay walang nakababatid kung sino
Ang diyos at kung sino ang tao.
Sumapit ang panahon
Na ang mga tao’y lubos na nagkakaunawaan
Sa isa’t isa upang itindig ang Tore ng Babel—
At sa tuktok ng Tore, sa pinakamataas na trono,
Ang tao ay luluklok, at sisigaw nang ubos-lakas:
O diyos! Nasaan ka?

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

“Pag-ibig,” ni Czeslaw Milosz

Salin ng tula ni Czeslaw Milosz ng Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pag-íbig

Ang pag-íbig ay ang pagkatútong tingnán ang saríli
Sa paraáng sinisípat ang malalayòng bágay
Dáhil isá ka lámang sa napakaráming nilaláng.
Sinúmang níta nang gayón ay napagágalíng ang pusò,
Nang hindî nababatíd, mulâ sa sarì-sarìng sakít—
Wiwikàin ng íbon at punòngkáhoy sa kaniyá: Kaibígan.

Pagdáka’y íbig niyáng gamítin ang saríli at mga bágay
Pára makatindíg ang mga itó sa ningníng ng kaganápan.
Hindî mahalagá kung batíd niyá ang kaniyáng inihaháin.
Sinumáng magsilbí nang mahúsay ay hindî láging naaarók.