Sukdulang Luningning, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Ultimo Replandor,” ni Jorge Luis Borges ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sukdulang Luningning

Malimit nakayayanig ang takipsilim
gaano man ito karangya o kapayak,
ngunit higit na nakayayanig
ang pangwakas, desperadong ningning
na nagiging kalawang ang karaniwan
kapag ang panganorin ay wala nang alaala
ng hambog na rikit ng araw na papalubog.
Kay hirap pigilin ang gayong liwanag,
sagad na sagad at naiiba,
ang naguguniguni ng tao na takot sa dilim
at ipinapataw sa espasyo,
at kisapmatang nauupos
sa sandaling mabatid ang balatkayo nito,
ang paraan na nababasag ang panaginip
kapag natauhan ang himbing sa pananaginip.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Bagtas, Rainer Maria Rilke

Bagtás

Salin ng “Spaziergang,” ni Rainer Maria Rilke.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Hinipo ng ating paningin ang banging may sinag
Nang lampas sa landas na ating dati nang narating;
Ang tagpo’y kinuyom ang ating di kayang matatap,
Na kahit malayo’y may sinag panloob ang ningning—

At tayo’y naghunos ang loob, hindi man naabót
Ang yugto ng mithing taliwas sa ating sarili;
At tayo’y kumaway na alon ang buong alindóg,
Subalit ang tugon ay simoy na haplos sa pisngi.

beach landscape sea coast water path sand rock ocean horizon walking woman trail sunlight morning shore wave steps coastline cliff walk bay seashore terrain material body of water stroll footprints way habitat strolling cape footsteps imprint natural environment