“Pagtitipan kay Natasha,” ni Baek Seok

Pagtitipan kay Natasha
[나와나타샤와흰당나귀백석]

ni Baek Seok, Hilagang Korea
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles nina Chae-Pyong Song and Anne Rashid.

Ngayong gabi’y umuulan ng niyebe,
Dahil ako, na isang maralita,
Ay umiibig sa marikit na si Natasha.

Mahal ko si Natasha,
At walang humpay ang buhos ng niyebe,
Habang mag-isa akong umiinom ng basi.
Naiisip ko habang tumotoma ng alak:

Sa gabing umuulan nang walang humpay
Ang niyebe, nais kong sumakay ng puting asno
Habang angkas si Natasha, tungo sa liblib,
nagluluksang nayon sa bundok, at tumira sa baláy.

Walang humpay ang buhos ng niyebe.
Iniibig ko si Natasha.
Paparating na marahil si Natasha.

Nang sumapit siya nang tahimik ay winika sa akin:
“Iwinawaksi mo ang daigdig dahil magulo ito,
Ngunit ang pagtungo sa liblib na bundok ay hindi
Kailanman magiging katumbas ng pagkagunaw nito.”

Umuulan ng niyebe nang walang humpay,
Ang napakagandang si Natasha ay iibigin ako,
At sa kung saang pook, hihiyaw din ang puting asno
Dahil sa labis na galak ngayong magdamag.

Advertisements

Bulaklak at Digmaan, ni Mammad Araz

Salin ng “The Flower which Appeared in the Wrong Season” at “If There Were No War” mula sa orihinal na wikang Azeri ni Mammad Araz ng Azerbaijan, at batay sa bersiyong Ingles ni Betty Blair.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Bulaklak na Sumibol sa Maling Panahon

Hindi ko pipigilan ang sarili
Kung walang mga patakaran, walang kaugalian.
Hindi ako magtitimpi kung ang mga batang
Tinatawag akong “Ama!” ay hindi hahadlang sa akin.

May karapatan kang mapoot sa akin.
Ano ang magagawa ko?
Ang buhay ay walang ikalawang tagsibol.
Hindi bukás para sa lahat ang mansiyon ng pag-ibig.

Kahawig ka ngayon ng isang bulaklak
Na sumibol nang wala sa panahon sa lilim ng niyebe.
Kung hindi kita pipitasin, dadapurakin ka ng unos.
Kung pipitasin kita, maluluoy ka sa aking mga palad, Mahal.

 

Kung Walang Digmaan

Kung walang digmaan,
Makapagtatayo tayo ng tulay mulang Mundo hanggang Mars
At tutunawin ang mga sandata sa dambuhalang hurno.

Kung walang digmaan,
Ang ani ng laksang taon ay sisibol sa isang araw.
Maihahatid ng mga siyentista ang buwan at bituin sa Mundo.

Ihahayag ng mga mata ng heneral ang ganito:
“Magiging tagapangulo ako sa munting nayon
Kung walang digmaan.”

Kung walang digmaan,
Maiiwasan natin ang wala sa panahong kamatayan
At babagal ang pagputi ng ating mga buhok.

Kung walang digmaan,
Wala tayong haharaping
Dalamhati o kaya’y paghihiwalay.

Kung walang digmaan,
Ang bala ng sangkatauhan ay ang salita nito,
At ang salita ng sangkatauhan ay magiging pagmamahal.

Hubad at Sulat ni Judith Taylor

salin ng mga tula sa Ingles ni Judith Taylor.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Hubad

Tinuyot ng mga pagkawala, kami’y naglakbay para maabot ang tubig,
. . .. . . . ang baybayin niya, ang aking baybayin.
Ang kuwintas ng kaniyang hininga, ang sinturon ng mga pawis: ang mga paglikom
. . . . . . . upang talikdan ang pagkawala.
Na tinumbasan sa halaga ng pagkawala.
Bakit ang gayong kaningning, kainit na ilaw ay nagpapasikip ng silid?
Nagkunwari akong interesado sa atin ang mga anghel.
Nang dumilat ako’y saka nabatid kung paanong lunukin ko ang pagkasintunado,
. . . . . . na naghahatid tungo sa isang uri ng kawalan.
Hindi ko alam kung sinunod ko ang tunay na hiling ng aking puso.
Aling puso?      Aling puso?      Kailan?

May Sulat Siya

Nais kong maging magkaugnay ang lahat ng bagay sa lohikong uniberso.
Subuking ihimig ang hinaharap bago sumambulat na parang salamin.
Marahil ay payak ang lihim: hayaang ibanda ng salamin ang anumang nariyan.
Dumidila sa pampang ang alon ng pasipiko, umaalingawngaw ang mga uwak.
Ang liwayway, ang bawat bagay sa aking sangay na nagpapaalala,
. . . . . . ay muling lumilitaw.
Nananatiling pinilikan ang mga madaling-araw at sadyang enigmatiko.
Sasapit ang panahong magsisimula ang mundo na hubugin ang matigas mong ulo.

Naiwang Hulagway

Nagbubunyag ng kawalang kulay ang silid kapag niretratuhan.
Binuksan niya ang diksiyonaryo’t nabasa ang salitang Norwego.
At itinuring itong orakulo, habang umuulan ng niyebe sa labas.
Nabalisa ang kaniyang mukha sa salamin, nalito sa alingawngaw.
Sa nakaraang tagpo, hindi ba tinawag nila siya na “tsikadora”?
Pinunit ng simoy-panaginip ang tuktok ng mga palma, halos pawasak.
Namumuhay nang mag-isa ang tsikadora habang di-makali ang siglo.
Ang kaniyang silid, simputi ng itlog, ay tahimik na bagyo ng yelo.

Babaeng lumiliham, ni Carl Larsson, 1906.
Babaeng lumiliham, guhit sa tubig-kulay ni Carl Larsson. 68 cm x 100 cm. 1906. Matatagpuan sa Thielska galleriet, Stockholm, Sweden.

Muli, ang Siglo Beynteng Realismo, ni Norman Dubie

salin ng “Again the Twentieth Century Realism” ni Norman Dubie
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MULI, ANG SIGLO BEYNTENG REALISMO

Tumingala ang lobo nang duguan ang bibig
sa may sandaang usa
na nakasapatos na pangniyebe—taggutom
na lampas sa lawa ang lumikha sa kanila nito
gaya ng panaklong na pumipintog
sa de-gradong paaralan na nagbubukod
sa mga nagliliyab na tinghoy ng minero
at sa maiitim na mitsa ng gaas
na kinababaran ng mga ito—

ang mamámaríl sa ibabaw ng kahuyan
ay binabasa ang mga tula ni Tsvetaeva,
pati ang kaniyang prosa, pinapahid ang luha
na hindi nagmumula sa mga mata niya
bagkus sa makakapal na labi, sa mga hibla
ng pilikmatang nagsayelo
na may lungting sanaw ng plema
at bulutong-tubig na lumulundag
sa uwak na nagwiwika
ng panaklong ng dulong taglamig
at lumilipad palayo tungong hilaga sa pagitan
ng pantay, bughaw na hanay ng octane at suklam.

Lobo.

Lobo, larawan mula sa dominyo ng publiko.

Taglamig, ni Miroslav Válek

Salin ng tulang “Zima” ni Miroslav Válek mula sa wikang Slovak.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TAGLAMIG

Lahat ay malinis at maputi kapag taglamig. May niyebe
at kaputian sa paligid, hanggang ito’y magpakirot.
Sinusuyod ng taglamig ang saluysoy ng tinig nito.
Hinahagupit nang matalas ng bagyo ang mga punò,
at sa kalooban ko’y umaatungal ang ilahas na halimaw.
At darating ang takipsilim,
paiikutin at pakikintabin ang lente ng buwan,
at pagsapit ng umaga’y tatalian sa bawat panig.
Ngunit ito ngayon ang pinakabughaw na taglamig.

Puti ang aking taglamig. Halos hindi humahalihaw
ang pabugso-bugsong hangin sa ilalim ng mga pintuan.
Kay-inam ng aking taglamig.
Iwaksi natin
ang lumang suot na pamimighati,
at tumakbong walang sombrero sa matarik na pasigan.
Banayad ang aking taglamig,
kumikindat ang mga bituin
at kumikislap ang buong latag ng niyebe.

May iba pang taglamig, at isa ang aking natatandaan:
ang mala-rosas na taglamig ng iyong katawan.
Habang sinasamyo ang mala-rosas mong taglamig,
ang lumang puting taglamig ay kinabatuhan ko.
Submarino akong naglakbay sa mga imbiyerno.

Humihiwa sa aking baga ang pagsinghot ng hangin!
Ibig kong marinig ang langutngot ng hugpungan
ng mga kinyáng, at pumulupot ang magagaspang
na hibla ng maitim na taglamig sa aking daliri.
Hayaang tumulo nang tumulo
ang mapupulang dugo ng karaniwang tao
sa niyebe.

Salita at likha ni Tomaz Salamun

salin ng mga tula ni Tomaž Šalamun na mula sa Slovenia
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA SALITA

Sumasalok ka ng tubig sa pamamagitan ng karayom,
at ang tubig ay nagiging malapot na banlik.
Itinuro mo ang punongkahoy,
at ang punongkahoy ay biglang nagliyab.
Hinati mo sa pamamagitan ng anino ang mga linya.
Binuksan mo ang pinto para sa pag-ibig at kamatayan.

JUAN

paano lumulubog ang araw?
gaya ng niyebe
ano ang kulay ng dagat?
malaki
maalat ka ba, Juan?
maalat ako
Juan, watawat ka ba?
watawat ako
tulóg ang mga alitaptap ngayon

ano ang kahawig ng mga bato?
berde
paano maglaro ang mga tuta?
gaya ng mga bulaklak
isda ka ba, Juan?
isda ako
Juan, salungo ka ba?
salungo ako
pakinggan ang agos

si juan ang bugi na tumatakbo sa kahuyan
si juan ang bundok na humihinga
si juan ang lahat ng tahanan
nakarinig ka na ba ng gayong bahaghari?
ano ang anyo ng hamog?
natutulog ka ba?

GOLEM

Malalim wari ang iniisip,
dumating ka para tanawin ako.
Tila ako sanga ng olibo—ang mukha mo.
Lumiliyab ang mga bahay sa sinag ng araw.
Nabuo ang tulay sa pagdirikit ng mga bato
at ang himpapawid ay nakatutuliro.
Hinablot ako ng mga kamay.
Naririnig ko ang kaluskos ng nakatataas.
Lumabas ang usok palabas sa akin.
Alangaang akong pumaloob sa iyo, tinikman
ang iyong prutas, saka naglaho.
Nagkamot ng likod ang tupa sa batuhan,
ang mga bintana’y pinunasan sa pananaginip.
Bumuhos sa akin ang matamis na pagsasanay.
Ikinawing ko ang iyong tarangkahan.
Pinawi ko ang itim, malasutla’t maingay
na bulwagan ng iyong mainit na hininga,
at nabatid na pansamantala ang buhay.

Der Golem, mula sa pelikula nina Carl Boese at Paul Wegener

"Der Golem," mula sa pelikula nina Carl Boese at Paul Wegener