Ang Dulang, bilang Ikatatlumpung Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Dúlang, bílang Ikátatlúmpûng Aralín

Roberto T. Añonuevo

“Nagmúmulâ at nagwáwakas ang lahát,” wíwikàin sa iyó ng matandâng mágdaragát na kung tawágin ay Ishmael, “sa haráp ng dúlang.” Ang mga salitâng itó, na náriníg mo rin sa Ingkóng mo ang maráhil ay hindî sinásadyâng natangáy noón ng benáwa o balangáy, at págkaraán ng iláng buwán sa láot at pagdaóng sa malálansá, maaálat na pantalán ay pagbúbuláyan ng pinakámalakíng korporasyón ng butandíng na úuyám sa mga yáte at súbmaríno.  Ang hapág na itó ang maglálapít sa ísip túngo sa sahíg, ang magtátakdâ ng mga panúto sa pagtanggáp, pagkilála, paggálang; at ang paraán ng pag-upô sa tabí nitó’y magbúbunyág sa kataúhan mo’t kaharáp. Kumakáin ka nang warìng naríriníg ng dibdíb kung anó ang páhiwátig ng tagâ-sa-panahóng yakál kung may panaúhin; at lumalagók ng álak o túbig habàng ang bigát kapál salát na mabíbigông itatwâ ng rabáw ang magsásalaysáy ng ugát ng ugnáyan ng mag-ának o magpápaliwánag ng tatág sa kinatawán ng kapisánan ng mangíngisdâ, na sa sandalîng itó ay mag-úusisà sa iyó. Hindî ba sa dúlang nagáganáp ang kasundûan sa kápuwâ dugô at dinugûán, at doón nilálagdâán ang kapasiyahán at ang mápa sa pamalakáya? Ang dúlang ay hindî símpleng tumbásan ng diwàin at bágay, gáya ng nása ísip ni Ahab, na ang nakikíta sa materyál na daigdíg ay ang nakikíta rin sa guníguní. Nabúbuô ang dúlang mulâ sa pinábuwál na punòngkáhoy na sumaksí sa dalawándaáng taóng tag-aráw, at kung gayón, mahíhinuhàng tagláy ang sustánsiyá at épikó ng sinaúnang gúbat na ngayón ay isá na lámang lumaláwak-gumagápang na dúnas sa alaála. Ang dísenyo nitó, bagamán payák at inukítan ng patalím, ay sinadyâ úpang págkasiyahín sa maliít na baláy, makiníg sa mga míto at balità, damhín ang pinagsásalúhang pangárap at sáloobín, at isádulâ ang walâng kamatáyang hapúnan káhit sa yugtô ng pagtátaksíl. Ang dúlang sa labás ng ísip at malayò sa orihinál na silbí nitó ay maáarìng magkároón ng ibá pang katwíran pagganáp sa bukód at líhim na layúnin: mágpasúlak ng pagnanasàng dúlot ng pag-íbig, na maúuwî sa espásyo ng pagtatálik, pangahás at walâng pakíalám  sa moralidád, na kaíinggitán káhit ng pinakámagárbong pigíng. Pagkáraán, matátaúhan ka na ang dúlang na itó ay may kapangyaríhan, higít sa anumáng kalibúgang máitátanghál at máipapátaw ng mga awtoridád, at hindî bastá répresentasyón o simulasyón ng gahúm ng mayháwak sa pamámaraán ng produksiyón, sápagkát itó ay isáng paníniwalà at pinaníniwalàan at pumípintíg. Nása háspe ng káhoy ang mga panahón—ang paglagô at pagtáyog hanggáng pagkapútol o pagkábuwál sanhî man ng palakól o buhawì o ng rítmikóng tukâ ng mga taál na anluwáge.  Si Ishmael na nakilála mo ang Ishmael ng kolektíbong karagatán, nagháhanáp ng líbong abentúra at tandáyag, ngúnit walâng matátagpûáng íisáng sagót sa mga salaysáy, bagkús yutàng gusót káhit pa likúmin ang lahát ng pákahulugán ng dambuhalàng sinisíkap lagúmin sa isáng dibúho o pangungúsap. Sa haráp ng dúlang, ang wakás ay simulâ rin ng panibágong paglálayág.

Alimbúkad: Epic transformative poetry across the world. Photo by cottonbro on Pexels.com

Bumabakhtin Da Dawg, ni Roberto T. Añonuevo

Bumabakhtin Da Dawg

Roberto T. Añonuevo

“I shall return!” —Gen. Douglas MacArthur
“I am the Lord thy God. . .”— mula sa Aklat ng Exodus

Matututo balang araw ang ilog na tumiklop na isang papel, at ang papel na tumatahol ng mga salita na waring galing sa ambidekstrosong bathala ay magpapaunawa ng mga kalansay sa loob ng mga kontrata, ang kasunduan sa maboboteng huntahang bumubuti sa loob ng silid na naglalaman ng kabit-kabit na pag-ibig sa mansiyon o bantayog o paaralan, na kung hindi hawla ay galeriya ng mga aklat at gatasán ang kawawang guro, bumibiyahe sa langit para tumanyag na alagad ng poskolonyang moralidad, ikakatwiran ang kultura ng mga masunuring tuta, ngunit ipinagtatanggol ang kasaysayan ng pusa, o maysapusang isinasakay sa paglalakbay, marahil para makaipon tungo sa bagong proyekto, na gaya sa nobela’y hindi matapos-tapos sapagkat walang hangga ang gutom sa paghawak ng setro at teleskopyo, sinisipat ang anggulo ng bútas na lulusutan, umaahon na musika ng niresiklo at sintunadong katwiran, maamò ngunit ibig maging ámo, maraming tagapagtanggol na taliba at balita sa kawili-wiling dilim, kuripot sa grasya gayong waldas kung lunggati ang pag-uusapan, walang sinasantong batas at mahigpit sa teritoryo, lumalawak ang mga bakás na hindi tumatanda at di-nakatatanda, bukod sa nagpapahatid ng alingawngaw upang makarating marahil sa Norwega at makapiling ang kamukhang Noriega, malamig na humihimig sa ibabaw ng balikat ng mga trubador, animo’y lasing at hindi mapakali, nangangati kapag nag-iisa, bumibigkas ng walang kamatayang Ako, Ako ang Daigdig,  nagpapakadalubhasa sa paglundag at nasa puso kung kumagat, na ang kamandag ay hinahangaan ng madlang hindi nakabuklat ng diksiyonaryo, na ang nilalaman ay inaari para pagkakitahan kahit pag-aari ng bayan sapagkat tinustusan ng buwis at pawis ng karaniwang mamamayan, at ngayon ay pag-aari ng iisang pangalan, na higit magtatagal at paplantsahin ang gusot, dahil ang papel ay ilog ng mga tumatahol, na kagila-gilalas sa kolektibong pagmamahal na maibalik ang tubig na umagos para wasakin ang angking loob, at kung nagbabasá ka pa rin hanggang dito, ikaw marahil ang tunay na Aso ng mga Aso—na hinding-hindi ko ipagpapalagay na isang siraulo.

Ang Pabula ng Asno, Báka, at Magsasaka

salin ng Tales from A Thousand and One Nights.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Pabula ng Asno, Báka, at Magsasaka

‘MAY ISANG MAYAMANG magsasaka na nagmamay-ari ng maraming kawan ng báka. Batid niya ang mga wika ng hayop at ibon. Sa isang kuwadra ay pinagsama niya ang báka at ang asno. Sa bawat pagwawakas ng araw, dumarating ang báka sa puwesto na kinatatalian ng asno at natuklasang winawalisan yaon nang maigi bukod sa tinutubigan; ang sabsaban ay hitik sa uhay at piling sebada; at ang asno ay nakahiga nang kampante (dahil bihira siyang sakyan ng kaniyang amo).

‘Nagkataon na isang araw ay narinig ng magsasaka ang winika ng báka sa asno: ‘Napakasuwerte mo. Nalaspag ako sa pagtatrabaho, samantalang narito ka’t nagpapahinga nang panatag. Kumakain ka ng pinong sebada at sapat ang pangangailangan. Bibihira ka pang sakyan ng iyong amo. Sa aking panig, habambuhay na pagkabato ang makatabi ang araro at gilingan.”

‘Sumagot ang asno: Kapag nagtungo ka sa bukid at at isinunot sa iyo ang památok, magkunwang maysakit at dumapâ. Huwag bumangon kahit paluin; o kapag nakatayo’y biglang humigâ. Kapag hinila ka pabalik at pinakain ng damo, huwag kumain. Mag-ayuno sa isa o dalawang araw; at makasusumpong ka ng pahinga mula sa trabaho.”

‘Tandaang naroon ang magsasaka at narinig ang pinag-uusapan ng dalawa.

‘At nang dumating ang tagapag-araro nang may dayami para sa báka, hindi nito kinain ang hatid. Nang magbalik ang magsasaka kinabukasan para hatakin ang hayop patungo sa bukid ay nagkunwang matamlay ito. Winika ng magsasaka sa tagapag-araro: “Kunin ang asno at gamitin siya sa pagsasáka sa buong araw!”

‘Nagbalik ang lalaki, kinuha ang asno kapalit ng báka, at pinagsaka nang buong araw.

‘Nang matapos ang maghápong trabaho at magbalik ang asno sa kuwadra, nagpasalamat ang báka sa mabuting payo ng asno. Ngunit hindi sumagot ang asno at mapait na pinagsisihan ang kadaldalan.

‘Kinabukasan ay dumating muli ang tagapag-araro at kinuha ang asno sakâ pinagsáka ito hanggang takipsilim; at nang magbalik ang asno na nakasingkaw ang leeg, at nasa kaawa-awang pagkapagod, muling nagpahayag ng pasasalamat sa kaniya ang báka, at pinuri ang katalinuhan nito.

‘“Kung kinimkim ko na lámang ang aking karunungan!” naisip ng asno. Pagdaka’y bumaling siya sa báka at nagwika: “Narinig ko ang aking panginoon na nagwika sa kaniyang alipin: ‘Kung ang báka ay hindi lumusog agad, tangayin siya pa-katayan, at ipagbili siya.’ Ang aking bagabag para sa iyong kaligtasan ang nagtulak sa akin, kaibigan, na mabatid mo ito bago maging huli ang lahat. Sumaiyo nawa ang kapayapaan!”

‘Nang marinig niya ang winika ng asno, nagpasalamat ang báka sa kaniya at nagwika: “Búkas ay buong loob akong magtatrabaho nang kusa.” Inubos niya ang kaniyang pagkain, at dinilaan hanggang luminis ang ngabngaban.

‘Kinabukasan ng umaga, ang magsasaka, na kasama ang kaniyang asawa , ay dinalaw ang baka sa kaniyang kuwadra. Dumating ang tagapag-araro at hinatak palabas ang báka, na nang masilayan ang kaniyang panginoon, ay kumaripas nang takbo at nagtatalon. At napatawa ang magsasaka, at napahiga siya sa likod ng báka.

Nang marinig ng dilag ang kuwento ng ama, winika ni Shahrazad: ‘Walang makayayanig sa aking pananampalataya sa misyong nakatadhana kong tuparin.’

Pinabihis ng Vizir ang kaniyang anak na dalaga sa kasuotang pangkasal, at pinalamutian ng mga hiyas, at naghanda si Shahrazad sa paghahayag ng kasal sa Hari.

‘Bago magpaalam sa kaniyang kapatid, iniutos ni Shahrazad ang mga sumusunod: ‘Kapag tinanggap ako ng Hari, ipatatawag kita. Kapag nakaraos na sa akin ang Hari, dapat mong sabihin: “Ilahad mo sa akin, kapatid ko, ang ilang kuwento ng kagila-gilalas para palipasin ang gabi.” Pagkaraan ay kukuwentuhan kita, at kung nanaisin ng Allah, ay magiging sanhi ng ating paglaya.’

Nagtungo ang Vizir, kasama ang kaniyang anak, sa Hari. At nang ipasok ng Hari sa kaniyang silid ang dalagang si Shahrazad at sumiping sa kaniya, umiyak pagkaraan ang dilag at nagwika: ‘May nakababatà akong kapatid at ibig kong magpaalam sa kaniya.’

Ipinatawag ng Hari si Dunyazad. Nang dumating siya, niyakap niya nang mahigpit ang kapatid, at umupo pagkaraan sa tabi niya.

At winika ni Dunyazad kay Shahrazad: ‘Ilahad mo sa amin, kapatid ko, ang kuwento ng kagila-gilalas, upang palipasin nang masaya ang gabi.’

‘Masusunod,’ tugon niya, ‘kung pahihintulutan ako ng Hari.’

At ang Hari, na hirap makatulog, ay sabik na nakinig sa kuwento ni Shahrazad.

[ITUTULOY. . . .]

Sanlibo’t Isang Gabi ng Aliw

Salin ng Tales from A Thousand and One Nights.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Pambungad

May nagsalaysay—ngunit ang Allah ang tanging marunong at nakaaalam sa lahat—na noong unang panahon ay namuhay sa mga lupain ng India at China ang hari ng Sassanid na nanguna sa malalaking hukbo at may napakaraming kortesano, tagasunod, at alipin. Nag-iwan siya ng magkapatid na lalaki—na kapuwa nakilala sa kanilang husay sa pangangabayo—lalo ang nakatatanda, na nagmana sa kaharian ng kaniyang ama at pinamahalaan yaon nang makatarungan at kaya minahal siya ng kaniyang nasasakupan. Tinawag siyang Haring Shariyar. Ang kaniyang nakababatang kapatid ay pinangalanang Shahzaman at naging hari ng Samarkand.

Nagpatuloy na namahala sa kani-kaniyang kaharian ang magkapatid, at makalipas ang dalawampung taon ay nadama ni Haring Shariyar na mangulila sa kaniyang nakababatang kapatid. Inutusan niya ang kaniyang Vizir na magtungo sa Samarkand at imbitahin sa kaniyang korte si Shahzaman.

Mabilis na naghanda ang Vizir sa kaniyang misyon at naglakbay nang maraming araw at gabi palagos sa mga disyerto at kagubatan hanggang makarating sa lungsod ni Shahzaman, at tinanggap naman ang kaniyang pagdating. Ipinaabot ng sugo ang pagbati ni Haring Shahriyar, at ipinabatid kay Shahzaman ang hiling ng kaniyang panginoon na makita siya. Labis na natuwa si Haring Shahzaman na madalaw ang kaniyang kapatid. Naghanda siya na lisanin ang kaniyang kaharian, at ipinabunsod ang mga tent, kamelyo, múlo, alipin, at alalay. Pagkaraan ay itinalaga niya ang kaniyang Vizir bilang diputado, sakâ lumisan pakaharian ng kaniyang kuya.

Nagkataon naman na noong hatinggabi ay náalaála niya ang handog  na naiwan niya sa palasyo. Nagbalik doon si Shahzaman nang walang pasabi, at pagkapasok sa kaniyang mga pribadong silid ay natagpuan ang kaniyang asawang nakahiga sa sopa at nasa bisig ng isang aliping Itim. Nagdilim ang paningin ni Shahzaman, at naisip: ‘Kung ito ay nagaganap nang halos hindi pa ako nakalalabas sa aking lungsod, ano pa ang gagawin ng taksil na babaeng ito kapag ay ako nasa malayo?’ Binunot niya ang kaniyang espada at pinaslang ang dalawang nakahiga sa sopa. Mabilis niyang hinarap ang kaniyang mga alalay, nag-utos para sa kaniyang pag-alis, at naglakbay hanggang marating ang kabisera ng kapatid.

Nalugod si Shahriyar sa balitang paparating na ang kaniyang kapatid, at lumabas para harapin siya. Niyakap niya ang bisita at tinanggap sa nagpipistang lungsod. Ngunit habang abala si Shahriyar na aliwin ang kaniyang kapatid, si Shahzaman— na bagabag sa pagtataksil ng asawa—ay maputla at nanlulumo. Naramdaman ni Shahriyar ang pighati ng kapatid at hindi na umimik, at inisip na baká nababagabag lámang si Shahzaman sa mga pangyayari sa sariling kaharian. “Makalipas ang ilang araw, winika ni Shahriyar sa kapatid: ‘Napansin kong maputla ka’t balisâ.’ Sumagot si Shahzaman: ‘Nababagabag ako’t mabigat ang loob.’ Ngunit hindi niya ibinunyag ang pagtataksil ng asawa. Pagkaraan ay inimbitahan ni Shahriyar ang kaniyang kapatid mangaso, umasa na ang gayong gawain ay makapapawi ng lungkot. Tumanggi si Shahzaman, at mag-isang nangaso si Shahriyar.

Nang umupo si Shahzaman sa isa sa mga bintana na katatanawan ng hardin ng Hari, nakita niyang nagbukás ang pinto ng palasyo, at naglandas ang may dalawampung babaeng alipin at dalawampung Negro. Naroon sa gitna nila ang reynang napakaganda ng kaniyang kuya. Dumako sila sa puwente, at naghubad lahat, sakâ umupo sa damuhan. Sumigaw ang kabiyak ng Hari: ‘Mass’ood, lumabas ka!’ at pagdaka’y lumitaw ang isang aliping Itim, at kinubabaw siya matapos siyang sibasibin ng yakap at halik. Gayundin ang ginawa ng mga Negro sa mga aliping babae, at nagpakasaya silang lahat hanggang gumabi.

Nang masilayan ni Shahzaman ang tagpo’y naisip niya: ‘Kay Allah, ang aking kamalasan ay nakapagaan kung ihahambing dito!’ Hindi na siya nalungkot pa, at kumain at uminom matapos ang mahabang pangingilin.

Nang magbalik si Shahriyar mula sa pangangaso ay nagulat siyang makita ang kapatid na napanumbalik ang kasiyahan at sigla. ‘Ano ang nangyari, kapatid,’ tanong ni Shahriyar, ‘at nang huli kitang makita’y namumutla ka’t namimighati, samantalang ngayon ay maayos ang anyo mo’t panatag?’

‘Hinggil sa aking pamimighati,’ tugon ni Shahzama, ‘ay masasabi ko ang dahilan, ngunit hindi ko maibubunyag ang ugat ng aking nabagong kondisyon. Alam mong matapos kong matanggap ang iyong paanyaya ay naghanda ako at nilisan ang aking lungsod; subalit nakaligtaan ko ang perlas na handog ko sa iyo, at nagbalik ako sa palasyo. Doon sa aking sopa ay nakita ko ang aking asawang nakahiga’t yapak ng aliping itim. Kapuwa ko sila pinatay at pagkaraan ay nagtungo sa kaharian mo nang madilim ang isip at masukal ang loob.’

Nang marinig ang gayong pananalita, hinimok ni Shahriyar ang kapatid na isalaysay ang karugtong na pangyayari. At ikinuwento ni Shahzama sa kaniya ang lahat ng kaniyang nasilayan sa hardin ng Hari noong araw na iyon.

Nagulantang ngunit bahagyang nagduda si Shahriyar at nagwika: ‘Hindi ako maniniwala hangga’t hindi nakikita ng aking mga mata.’

‘Ihayag mo,’ wika ni Shahzama, ‘na ibig mong mangaso muli. Magtago ka rito sa piling ko, at masasaksihan mo ang aking nasilayan.’

Pagkaraan nito’y inihayag ni Shahriyar ang kaniyang mithing bumunsod para sa bagong paglalakbay. Lumisan ang mga hukbo palabas ng lungsod nang tangay ang mga tent, at sinundan sila ng hari. At makaraang humimpil siya nang matagal-tagal sa kampo ay iniutos niya sa kaniyang mga alipin na walang sinumang makapapasok sa tent ng Hari. Nagbalatkayo siya at nagbalik nang hindi namamalayan sa palasyo, at doon ang kaniyang kapatid ay naghihintay. Kapuwa sila umupo sa isa sa mga bintana na tanaw ang hardin; at makalipas ang ilang sandali’y lumitaw ang Reyna at ang kaniyang mga babae na pawang kasama ang mga aliping itim, at kumilos ayon sa pagkakalarawan ni Shahriyar.

Halos mabaliw sa nakita, winika ni Shahriyar sa kaniyang kapatid: ‘Iwaksi natin ang ating maharlikang kalagayan at maglibot sa daigdig hanggang matagpuan ang isa pang hari na may gayong kasiraang puri.’

Sumang-ayon si Shahzaman sa panukala, at lihim silang umalis at nagbiyahe nang maraming araw at gabi hanggang sumapit sila sa párang na malapit sa baybay. Nagpaginhawa sila sa bukál at umupo sa lilim ng punongkahoy.

Maya-maya’y dumaluyong ang dagat at lumitaw mula sa kailaliman ang itim na haliging halos umabot sa ulap. Sa labis na sindak ay umakyat sila sa punongkahoy. Nang makarating sa pinakatuktok  ay nakita nila ang jinnee na napakalaki, na may putong na baul sa kaniyang ulo. Nagtampisaw ang jinnee sa baybay at pagdaka’y lumakad palapit sa punongkahoy na lumililim sa magkapatid. Pagkaraan, nang makaupo sa lilim ng punongkahoy na lumililim sa magkapatid, ay binuksan niya ang baul, kinuha mula roon ang isang kahon, na binuksan din niya; at mula sa kahon ay umahon ang isang magandang binibini na singningning ng araw.

‘Birhen at kapuri-puring dilag, na aking tinangay sa iyong gabi ng kasal,’ sabi ng jinnee, ‘iidlip muna ako.’ Inihilig niya ang ulo sa kandungan ng dilag, at mabilis nakatulog.

Biglang tumingala ang babae at natanaw ang dalawang Hari na nasa tuktok ng puno. Marahan niyang iniangat ang ulo ng jinnee at ipinatong yaon sa lupa, saka sumenyas sa dalawa na waring nagsasabing, ‘Bumaba na kayo, at huwag matakot sa jinnee.’

Nagmakaawa ang dalawang Hari na hayaan silang magtago sa kung saan ligtas, ngunit tumugon ang dilag: ‘Kung hindi kayo bababâ ay gigisingin ko ang jinnee, at marahas niya kayong papatayin!’

Bumabâ ang magkapatid sa labis na takot, at biglang winika ng babae: ‘Tusukin ninyo ako ng inyong mga patalim.’

Napaurong sina Shahriyar at Shahzaman. Ngunit galit na inulit ng dilag: ‘Kung hindi ninyo susundin ang aking utos ay gigisingin ko ang jinnee.’

Dahil sa takot sa maaaring mangyari, pumayag ang magkapatid na halinhinan siyang kantutin.

Nang manatili sila hangga’t ibig ng dilag ay bumunot ito ng malaking kalupi mula sa kaniyang bulsa, at hinugot doon ang siyamnapu’t walong singsing na tinuhog ng isang bagting. ‘Ang mga may-ari nito,’ halakhak ng babae, ‘ay kinalugdan ako sa ilalim ng sungay ng hunghang na jinnee na ito. Kung gayon, ibigay ninyo sa akin ang inyong mga singsing.’

Ibinigay ng magkapatid ang kani-kaniyang singsing.

‘Ang jinnee na ito,’ dagdag ng dilag, ‘ay tinangay ako sa gabi ng aking kasal at ibinilanggo pagkaraan sa kahon na ipinaloob niya sa baul. Ikinandado niya ang baul sa pamamagitan ng pitong susi at inilagak yaon sa pusod ng humahalihaw na dagat. Ngunit hindi niya alam kung gaano katuso ang mga babae.’

Napahangà ang dalawang Hari sa kaniyang kuwento, at winika sa isa’t isa: ‘Kung ang ganitong bagay ay nangyayari sa makapangyarihang jinnee, ang aming kamalasan ay sadyang napakagaan.’ At nagbalik sila sa lungsod.

Nang sandaling makapasok sa palasyo, ipinabitay agad ni Haring Shariyar ang kaniyang asawa, kapiling ang mga babae at aliping itim. Pagkaraan ay ginawa niyang kaugalian na kumuha ng birheng pakakasalan para makasaping sa gabi, at patayin ito pagsapit ng umaga. Ipinagpatuloy niya ang ganitong gawi sa loob ng tatlong taon, hanggang umangal ang mga tao, na ang ilan ay tumakas palabas ng bansa kasáma ang kanilang mga anak na dalaga.

Dumating ang araw nang maglibot sa lungsod ang Vizir para maghanap ng birhen na laan sa Hari ngunit wala siyang matagpuan. Dahil takot magalit ang Hari, nagbalik siya sa bahay nang mabigat ang loob.

May dalawang dalaga ang Vizir. Ang nakatatanda ay tinawag na Shahrazad, at ang nakababata’y si Dunyazad. Taglay ni Shahrazad ang maraming tagumpay, at bihasa sa karunungan ng mga makata at alamat ng mga sinaunang hari.

Napansin ni Shahrazad ang pagkabalisa ng kaniyang ama, at tinanong ito kung ano ang bumabagabag sa kaniyang loob. Inilahad ng Vizir ang kaniyang kalagayan sa dalaga, at tumugon ang babae: ‘Ipakasal ako sa Hari: mamamatay ako at magiging ransom para sa mga dalagang Muslim, o kaya’y mabubuhay at magiging sanhi ng kanilang paglaya.’

Mataos siyang nanikluhod laban sa gayong panganib; ngunit nakapagpasiya na si Shahrzad, at hindi susuko sa amuki ng kaniyang ama.

‘Iwasan,’ sabi ng Vizir, ‘na sapitin ang kapalaran ng asno sa pabula.’

Ang Sikmura ng Paris, ni Émile Zola

Ang Sikmurà ng París (Le Ventre de Paris)

nobela ni Émile Zola.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Unang Kabanata

Sa napakatahimik na abenidang walang katao-tao, ang mga kariton ay umandar tungong Paris, at ang ritmo ng langitngit ng mga gulong ay umaalingawngaw laban sa harapan ng mga nahihimbing na bahay sa magkabilang panig ng kalsada, sa likod ng madilim na hubog ng mga olmo. Nagtagpo ang karitong hitik sa repolyo at ang isa pang punô ng gisantes sa Tulay ng Neully na may walong karitong karga ang mga karot at nabo mula sa Naterre; lumakad ang mga kabayo ayon sa nais ng mga ito, at lalong bumagal nang sumapit sa daang paahón. Ang mga karitonero, na nakadapa sa kama ng mga gulay, ay naidlip habang tangan ang renda at ang kanilang abrigo, na may guhit ng itim at pilak sa kanilang likuran. Panaka-nakang natatanglawan ng gasera ang mga dulo ng bota, ang bughaw na manggas ng blusón , o ang taluktok ng gora, sa gitna nitong malawak na kalipunan ng mga gulay—tumpok ng mga pulang karot, tumpok ng mga puting nabo, at ang mayamang imbakan ng mga gisantes at repolyo. Sa kahabaan ng kalsada, at sa mga kanugnog na kalsada, sa harap at sa likod, ang malayong garalgal ng mga kariton ay nagpapahiwatig ng kahawig na dalúlong na naglalakbay sa gabi, na pinahihimbing ang madilim na lungsod sa tunog ng ibinibiyaheng pagkain.

Si Baltazar, ang bundat na kabayo ni Ginang François, ang nanguna sa prusisyon. Lumakad ito nang tutulog-tulog, pumipilantik ang mga tainga, hanggang nang marating ang Kalye Longchamp ay bumatak at biglang huminto. Bumundol ang mga kabayo sa mga karitong nasa harap, at huminto ang prusisyon sa gitna ng kalantog ng metal at pagmumura ng mga kutserong nayanig at naalimpungatan. Si Ginang François, na paupông nakasandal sa tablang naglalamán ng mga gulay, ay lumingon, ngunit ni hindi makaaninag ng anuman sa makulimlim na munting parisukat na lampara sa kaniyang kaliwa, na tumatanglaw nang bahagya sa isa sa mga tablang kumikinang ni Baltazar.

“Sige na, matandang dalaga, umandar na tayo!” sigaw ng isa sa mga lalaki, na bumangon nang paluhod sa mga nabo[i].  “Baká may gagong lasing na naman diyan.”

Si Ginang François, gayunman, ay dumungaw nang paliyad, at sa ibaba sa gawing kanan, ay nasilayan ang maitim na hulagway na nakadapa sa daan, at halos na ilalim ng ilong ng kabayo.

“Gusto mo bang sagasàan namin ang kung sino?” aniya, at lumundag sa lupa.

Nakadapâ nang nakadipá sa maalikabok na daan ang lalaki. Waring mahaba siya at simpayat ng kalaykay; kataka-takang hindi siya nayapakan at binalian ni Baltazar. Inakala ni Ginang François na patáy na ang lalaki; yumuko siya at kinuha ang isang kamay nito, at nabatid na mainit-init pa ito.

“Kaawa-awa!” bulong niya.

Di-mapakali ang mga kutsero.

“Hayo na!” malát na sabi ng lalaking nakaluhod sa mga nabo. “Lasing lang ang baklang iyan! Itulak mo sa kanal.”

Ngunit dumilat ang lalaki. Tumitig siya nang walang tinag kay Ginang François. Naisip ng dilag na langô nga ang lalaki.

“Hindi ka makapagtatagal dito,” aniya, “o kung hindi’y masasagaan ka.  Saan ka ba papunta?

“Hindi ko alam,” malát sa saad ng lalaki. Pagdaka, idinagdag niya nang may pagsisikap at di-makaling titig: “Patungo ako ng Paris. Nawalan ako ng malay, at iyon ang huli kong natatandaan.”

Higit na luminaw ang tingin ng babae sa lalaki. Mukhang kaawa-awa ang lalaki, na nakaitim na abrigo at pantalon, na numinipis sa tastas, at halos maaninag na ang kaniyang butuhang binti at hita. Ang kaniyang itim na sombrerong tela, na hinaltak pababa sa noo sa pangambang makilala siya, ay nagbubunyag ng dalawang matang mala-kape, na kumikislap nang banayad sa kaniyang pagal na mukha. Naisip ni Ginang François na napakapayat nito para maglasing pa.

“Saang panig ka ng Paris papunta?” ani Ginang.

Hindi agad tumugon ang lalaki. Waring nakabalisa sa kaniya ang pagtatanong. Mukha siyang nag-isip, at bantulot na tumugon:

“Doon sa mga palengke.”

Tumindig nang pasuray ang lalaki, at tila sabik na ipagpatuloy ang paglalakbay. Ngunit humapay siya at napahawak sa isa sa mga tatangnan ng kariton.

“Pagod ka ba?” usisa ng babae.

“Oo, pagod na pagod,” sagot ng lalaki.

“Pagdaka’y biglang tumaas ang kaniyang tinig, at waring naiinis. Itinulak niya ang lalaki, saka sinabing:

“Sumakay ka na sa kariton. Nagsasayáng tayo ng oras. Patungo ako sa mga palengke. Ibababâ kita sa bagsakan ng mga gulay.”

Itinulak ng babae ang lalaki na tila bantulot at halos mapasubsob sa mga nabo at karot.

“Sige na, huwag mo na kaming patagalin,” sigaw ng babae. “Huwag mo na akong buwisitin Hindi ba sinabi kong papunta kami sa mga palengke? Matulog ka muna. Gigisingin kita kapag sumapit na tayo roon.”

Umakyat pabalik sa kariton ang babae at umupo nang patagilid, at sumandal sa tabla, habang tangan ang renda ni Baltazar. Inaantok na umusad ang kabayo, na pinapipilantik ang mga tainga. Sumunod ang iba pang kariton, at ipinagpatuloy ng dalúlong ang mabagal na paglalakbay papaloob sa karimlan, habang ang maindayog na langitngit ng mga gulong ay umalingawngaw muli laban sa harapan ng mga bahay, at ang mga karitonero, na nababalot ng kanilang abrigo, ay napaidlip muli. Ang lalaking tumawag kay Ginang François ay humiga, at bumulong:

“Para bang wala na tayong mabuting magagawa kundi magsakay ng mga lasing na makasalubong! Napakabait mo!”

Umandar ang mga kariton, na ang mga kabayo’y nakatungó, at marahang umusad ayon sa nais ng mga ito. Nakadapâ ang estranghero, na ang mga hita’y tumakip sa mga nabo na pumunô sa likuran ng kariton at ang kaniyang mukha’y pasubsob sa tumpok ng mga karot. Mahigpit siyang humawak sa kama ng mga gulay kahit pagod, sa takot na tumilapon kapag nalubak ang kariton, at ang kaniyang mga mata’y pumakò sa dalawang linya ng mga lamparang de-gaas, na ang sinag na humahaba’y nagsasanib sa malayo, sa piling ng iba pang ilaw sa tuktok ng dalisdis. Sumampay sa panganorin ang makapal na ulap, na ipinamamalas kung saan nahihimlay ang Paris sa makinang na usok ng lahat ng apoy. (I T U T U L O Y. . . .)

[i] Itinumbas sa “turnip” ng Ingles ang “nabo” na hango sa Espanyol.

Nayon ng Niyebe, ni Yasunari Kawabata

Nobela ni Yasunari Kawabata. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Edward G. Seidensticker at inilathala ng Berkley Publishing Corporation. Hindi ganap na tapos ang salin sa Filipino, at itutuloy lamang ito ng tagasalin kapag may limanlibong mambabasa ng Alimbukad ang magsasabing dapat ituloy ang pagsasalin sa Filipino.

UNANG BAHAGI

NAGLAGOS ang tren sa mahabang túnel papaloob sa nayon ng niyebe. Maputi ang lupain sa tanglaw ng kalangitan ng gabi. Bumatak ang tren sa may senyas na hinto.

Ang babaeng nakaupo sa kabilang panig ng kotse ay dumating at binuksan ang bintana sa harap ni Shimamura. Pumasok ang malamig na simoy sa sasakyan. Dumukwang palabas ng bintana, ang batang babae’y tinawag ang maestro ng estasyon na para bang napakalayo nito.

Marahang lumakad sa niyebe ang maestro ng estasyon habang tangan ang linterna. Nakatabing sa kaniyang mukha hanggang ilong ang sablay, at ang laylayan ng kaniyang sombrero ay nakatakip sa mga tainga.

Hay, napakalamig, naisip ni Shimamura.  Nakakálat mula rito hanggang taluktok ng nagsayelong bundok ang mabababà, mala-baraks na gusali, na posibleng maging dormitoryo ng daambakal. Nalaglag ang puti ng niyebe sa karimlan bago sumapit sa kanila.

“Kumusta ka,” sigaw ng bata. “Ako si Yoko.”

“Yoko, pabalik ka na ba? Lumalamig na muli.”

“Nagpunta pala ang kapatid ko para magtrabaho dito. Salamat sa lahat ng ginawa mo.”

“Nakakalungkot naman. Hindi ito ang lugar para sa batang lalaki.”

“Hindi pa siya tigulang. Matuturuan mo siya kung ano ang mga dapat matutuhan, hindi ba?”

“A, mabuti naman ang kaniyang ginagawa. Magiging abala kami mula ngayon, lalo’t umuulan ng niyebe. Noong nakaraang taon, nabalam ang mga tren dahil matindi ang buhos ng niyebe’t nagkaroon ng mga pagguho. Walang nagawa ang buong nayon kundi ipagluto ang mga pasahero.”

“Tingnan mo naman ang makakapal na damit. Lumiham ang kapatid ko at sinabing hindi pa nga siya nagsusuot ng suweter.”

“Hindi ako naiinitan hangga’t walang suot na apat na patong. Nag-iinuman ang mga kabataan kapag nagsimulang lumamig, saka mo na lamang mababatid na nakahiga na sila sa kama at nilalagnat.” Ikinaway niya ang kaniyang linterna doon sa mga dormitoryo.

“Umiinom ba kapatid ko?”

“Hindi ko alam.”

“Pauwi ka na, hindi ba?”

“May kaunting aksidente ako kamakailan. Kumukunsulta ako sa doktor.”

“Dapat maging mas maingat ka.”

Ang maestro ng estasyon, na may abrigo sa ibabaw ng kimono, ay lumingon na tila ibig putulin ang malayelong usapan. “Mag-ingat ka,” palingon niyang sabi.

“Narito ba ang kapatid ko?” tinanaw ni Yoko ang platapormang hitik  sa niyebe. “Tingnan mo kung nagpapakabait siya.” Napakarikit ng boses at tumitimo nang may lungkot. Sa tinis nito’y waring bumabalik na alingawngaw sa maniyebeng gabi.

Nakasandal pa sa bintana ang dalagita nang lumisan sa estasyon ang tren. “Sabihin mo sa kapatid ko na umuwi kapag may bakasyon siya,” aniya sa maestro ng estasyon, na naglalakad sa kahabaan ng riles.

“Oo, sasabihin ko!” tugon ng lalaki.

Ipininid ni Yoko ang bintana at idinampi ang kaniyang mga kamay sa namumulang mga pisngi.

Tatlong niyebeng pang-araro ang naghihintay ng matitinding buhos ng niyebe sa Hanggahang Bundok. Mayroong de-koryenteng aparato na nagbibigay ng babala sa pagguho ng niyebe sa hilaga at timog na lagusan ng túnel. Limang libong manggagawa ay nakahanda para pawiin ang niyebe, at dalawang libong kabataang lalaki mula sa mga boluntaryong kagawaran ng pamatay-sunog ang pinakilos kung kinakailangan.

Magtatrabaho ang kapatid ni Yoko sa himpilan ng tren na hindi maglalaon ay matatabunan ng niyebe, at ang gayong katotohanan ang nagbigay-daan upang maging kaakit-akit ang dalagita kay Shimamura.

“Ang dalagita” ay may kakatwang gawi na nagpapahiwatig na hindi pa siya kasal. Hindi nakatitiyak si Shimamura kung ano ang relasyon nito sa lalaking kasáma. Para silang mag-asawa kung kumilos. Ngunit malinaw na sakitin ang lalaki, at ang sakit ay nagpapaikli ng distansiya sa pagitan ng lalaki at babae. Habang nagiging tapat ang pag-aalaga, lalong nagmumukhang mag-asawa ang dalawa. Ang dalagitang nag-aalaga ng lalaking higit ang edad sa kaniya, na waring kabataang ina, ay mapagkakamalang esposa ng lalaki kapag sisipatin mula sa malayo.

Subalit sa isip ni Shimamura’y ibinukod na niya ang dalagita palayo sa lalaki at naghakang sa kabuuang anyo at kilos ng babae’y hindi pa ito nakakasal. Sa gayong katagal na pagtitig ni Shimamura’y tila naulapan ng emosyon ang kaniyang bait.

Tatlong oras na ang lumipas. Tinitigan ni Shimamura, sanhi ng pagkabato, ang kaniyang kaliwang kamay, habang ang hintuturo’y binabaluktot saka iniuunat nang paulit-ulit. Waring ang kamay na ito ang tanging buháy at may kagyat na alaala ng babaeng kakatagpuin niya. Habang sinisikap niyang aninawin ang malinaw na hulagway ng babae’y lalo lamang siyang binibigo ng kaniyang memorya, at palayo nang palayo ang babae, hanggang wala nang masilayan si Shimamura. Sa gitna ng gayong kalabuan, isang kamay lamang, partikular ang hintuturo, ang waring mamasa-masa sa dampi ng dilag, at humihila kay Shimamura mula sa malayo at palapit sa babae. Animo’y nanibago, tinakpan niya ng mga kamay ang kaniyang mukha, saka mabilis na gumuhit ng linya sa nagsahalumigmig na bintana. Lumutang sa harap niya ang mata ng babae. Halos mapasigaw si Shimamura. Ngunit nananaginip lamang siya, at nang mahimasmasan ay nakita na repleksiyon lamang ng dalagitang nasa kabilang panig sa bintana. Lumalatag na ang karimlam sa labas ng bahay, at binuksan ang mga ilaw sa tren, saka pinaghunos na salamin ang bintana. Mahalumigmig ang bintana sanhi ng singaw, hanggang gumuhit siya ng linya pahaba.

Kakatwang marikit ang isang mata; ngunit nagkukunwang pagál na manlalakbay at idinikit ang mukha sa bintana para tumanaw sa labas, pinawi ni Shimamura ang halumigmig sa kabuuan ng salamin.

Marahang lumiyad ang dalagita, at tiningnan pababa ang lalaking nasa harap niya. Nadama ni Shimamura na ang pamumuo ng kaniyang lakas sa balikat at nagpapakita ng balasik sa kaniyang mga mata ay tanda ng sigasig na hindi nagpakurap sa kaniya. Humimlay ang lalaki nang nakatukod ang ulo sa bintana at nakatiklop ang mga tuhod paharap sa dalagita. Tersera klaseng kotse lamang iyon. Hindi naman tuwirang pasalungat ang pares kay Shimamura, ngunit isang upuan ang pagitan pasulong, at ang ulo ng lalaki’y matatanaw sa salaming bintana nang hanggang sa antas ng tainga.

Yamang ang babae ay pasalungat ang puwesto sa kasamang lalaki, nasisilayan nang tuwid ni Shimamura ang dilag. Nang sumakay ang dalawa sa tren, gayunman, may kung anong lamig na tumimo hinggil sa kariktan ng babae na nagpagitla kay Shimamura; at nang bawiin niya nang mabilis ang sulyap saka tumungo, nakita ni Shimamura ang ulingang mga daliri ng lalaking nakahawak sa dilag. Nakaaasiwa na wari na sumulyap pa sa kanilang kinalalagyan.

Nagpapahiwatig ng seguridad ang mukha ng lalaki na bumabanda sa salamin, at ang kapanatagang dulot nito ay nagbigay ng puwang kay Shimamura na ituon ang titig sa dibdib ng dalagita. Nagbigay ng balanse at armonya ang kahinaan ng lalaki sa dalawang pigura. Isang dulo ng kaniyang bandana ay nagsilbing unan, at ang kabilang dulo naman ay mahigpit na nakatakip sa kaniyang bibig gaya ng maskara at nakalapat sa pisngi. Paminsan-minsan itong nahuhulog o dumadausdos sa ilong, at bago pa niya maiparamdam ang pagkainis ay marahang isinasaayos iyon ng dilag. Awtomatikong naulit nang naulit ang proseso, at halos mawalan ng pasensiya si Shimamura na nakasasaksi sa pangyayari. Sasayad paminsan-minsan sa sahig ang nabuksang amerikanang nakabalot sa mga paa ng lalaki at malalaglag, na mabilis hahatakin pabalik ng dalagita. Para bang ganap na likás, na manhid ang dalawa sa espasyo, at nakatadhanang magpakalayo-layo. Para kay Shimamura, wala nang maitutumbas sa kirot na hatid ng tagpo ng tunay na kalungkutan. Parang pagmamasid lamang yaon ng tagpo sa panaginip—at walang dudang likha iyon ng kaniyang kakatwang salamin.

Sa pusod ng salamin ay gumagalaw ang panggabing tanawin, at ang salamin at ibinabalik nitong mga pigura ay gaya ng umaandar na rolyo ng pelikulang magkakapatong. Hindi magkaugnay ang mga pigura at ang sanligan, ngunit ang mga pigurang malinaw at di-mahahawakan, at ang sanligan, ay kumukutim sa paglaganap ng karimlan, magkasabay na natutunaw sa simbolikong daigdaig na malayo sa tunay na daigdig. Kapag ang liwanag ay lumitaw sa pagitan ng mga bundok at magpaningning ng mukha ng dalagita, madarama ni Shimamura na lumalaki ang kaniyang dibdig sa mahirap masambit na kagandahan.

Tangay ng kalangitan sa tuktok ng bundok ang mga bakás ng pula ng takipsilim. Malilinaw ang hugis sa kalayuan, ngunit ang monotonong tanawin ng kabundukan, na hindi maaninag sa kung ilang milya, ay waring lalong hindi mabanaagan dahil sa pagpusyaw ng mga bakás ng kulay. Walang anuman doon ang makapupukaw ng pansin, at tila umaagos yaon sa malawak, walang hubog na emosyon. Ito ay dahil lumulutang doon ang mukha ng dalagita. Tinabingan ng mukha, ang panggabing tanawin ay gumalaw ayon sa krokis nito. Animo’y malinaw ang mukha, ngunit sadya nga bang malinaw? Namalikmata si Shimamura at inisip na ang panggabing tanawin ay dumaraan sa harap ng mukha, at nagpatuloy ang agos upang ipabatid sa kaniya na hindi iyon humihinto.

Mahina ang liwanag sa loob ng tren, at ang repleksiyon ay hindi sinlinaw ng makikita sa salamin. Nalimutan ni Shimamura na sa salamin siya nakatanaw dahil wala roong silaw. Ang mukha ng dalagita’y tila nasa agos ng panggabing kabundukan sa labas.

Pagdaka’y tumapat sa mukha ang sinag. Hindi labis na malakas ang repleksiyon sa salamin upang sapawan ang liwanag sa labas, o hindi napakatingkad ng liwanag upang padilimin ang repleksiyon. Bumalatay ang liwanag sa mukha, subalit hindi upang patingkarin iyon. Malayo, malamig na liwanag niyon. Habang tinatangay nito ang mumunting sinag papaloob sa balintataw ng dalagita, na ang mata at liwanag ay magkapatong sa isa’t isa, ang mata ay naghunos sa kakatwang butil ng kariktan ng fosforesensiya sa dagat ng panggabing kabundukan.

Walang paraan para mabatid ni Yoko na tinititigan siya. Nakatuon ang kaniyang pansin sa maysakit sa lalaki; at kahit tumingin siya kay Shimamura, hindi niya makikita ang kaniyang repleksiyon, at hindi niya mapapansin ang lalaking tumatanaw palabas ng bintana.

Hindi pumasok sa hinagap ni Shimamura na masagwang tumitig sa babae nang matagal at palihim. Walang duda iyon dahil hinatak siya ng di-tunay, labas sa mundong kapangyarihan ng kaniyang salamin sa panggabing tanawin

Nang tawagin ng dalagita ang maestro ng estasyon, sa kilos na nagpapahiwatig ng pagkasabik, nakita marahil ni Shimamura na higit sa lahat, parang tauhan sa sinauna’t romantikong kuwento ang dilag.

Madilim ang bintana nang huminto sila sa himpilan. Kumupas ang bighani ng salamin sa kumukupas na tanawin. Naroon pa rin ang mukha ni Yoko, ngunit sa kabila ng mainit nitong pagtulong, naisip ni Shimamura na may mababanaagang kalamigan ang gayong babae. Hindi pinunasan ni Shimamura ang bintana nang magkahalumigmig muli ito.

Nagulat siya nang pagkaraan ng kalahating oras, si Yoko at ang lalaki’y bumaba ng tren sa parehong estasyon na binabaan niya. Luminga-linga siya na parang mabubulid kung saan, ngunit ang malamig na simoy sa plataporma ay nagdulot ng pagkapahiya sa kaniya sa pagiging bastos sa tren. Tinawid niya ang riles sa harap ng lokomotora nang walang lingon-lingon.

Ang lalaki, na nakahawak sa balikat ni Yoko, ay pababa na sana sa riles mula sa plataporma na kasalungat na panig nang bilang itinaas ng kawani ng estasyon ang kamay upang pigilin sila.

Isang mahabang tren ang lumuwa mula sa karimlan at tumabing sa kanilang harap.

GANAP NA HANDA sa taglamig at mapagkakamalang bombero ang porter mula sa posada. May takip ang magkabila niyang tainga at nakasuot siya ng bota. Ang babaeng nagmamasid  sa riles mula sa hintayang-silid ay nakasuot ng asul na kapa na may kaputsa na nakatakip sa ulo.

Si Shimamura, na mainit-init pa mulang tren, ay hindi nakatitiyak kung gaano kalamig ang paligid. Ito ang kaniyang unang karanasan sa nayong tinatabunan ng niyebe kapag taglamig, at nakadama siya ng pagkasindak.

“Sinlamig ba ang lahat gaya niyan?”

“Handa kami sa taglamig. Karaniwang malamig sa gabing maaliwalas pagkatapos umulan ng niyebe. Siguro’y lampas sa mababang temperatura ang lamig ngayon.”

“Ito ba ang mababang temperaturang nakapagpapayelo?” Sumulyap si Shimamura sa maninipis na kalambano sa kahabaan ng mga alero habang papasakay ng taksi. Ang puti ng niyebe ay nagpalalim ng tingin sa mga alero, na para bang lumubog ang lahat sa lupa.

“Iba ang lamig dito, bagaman madali iyang makita. Iba ang pakiramdam kapag may hinipo kang anong bagay.”

“Noong nakaraang taon umabot sa zero ang lamig.”

“”Gaano karaming niyebe?”

“Karaniwang nasa pito o walong talampakan; at minsan naman ay umaabot sa labindalawa hanggang labintatlong talampakan.”

“Bubuhos ba ang makakapal na niyebe mula ngayon?”

“Nagsisimula pa lang ang buhos ng niyebe. May isang talampakan na ang taas ng yelo, pero natunaw nang kaunti.”

“Natutunaw na, hindi ba?

“Baka magkaroon tayo ng matinding buhos ng niyebe sa anumang oras?”

Simula iyon ng Disyembre.

Nagbara ang ilong ni Shimamura dahil sa sipon; ngunit lumuwag iyon sa kalagitnaan ng kaniyang ulong lantad sa malamig na simoy,  at pagkaraan ay tumulo na parang hinuhugasan ang isang bagay.

“Nariyan pa ba ang dalagitang namumuhay kasama ng kaniyang guro sa musika?”

“Narito pa siya. Hindi mo ba siya nakita sa estasyon? Nakasuot siya ng matingkad na asul na kapa!”

“A, siya ba iyon? Baka matawagan natin siya mamaya.”

“Ngayong gabi?”

“Oo, ngayong gabi.”

“Narinig kong ang anak na lalaki ng guro ng musika ay nagbalik na sakay ng tren. Naroon ang babae para salubungin siya.”

Ang maysakit na lalaking nakita niya noong gabi sa salamin, kung gayon, ang anak ng guro ng musika na ang bahay ay nagkataong tinitirahan ng babaeng dinalaw ni Shimamura.

Waring gumapang ang koryente sa kaniyang katawan, ngunit inisip na ang gayong pagtitiyap ay hindi bukod-tangi. Nagulat pa nga siya sa sarili dahil hindi labis nasorpresa.

Bumukal sa kalooban ni Shimamura ang tanong, malinaw na para bang nakatayo siya sa harap ng lalaki: May namamagitan ba, may naganap ba, sa babae na natandaan niyang dinampian ng kamay ng lalaki, at ang babae na taglay ang matang pinakislap ng liwanag mula sa bundok? O hindi niya mapalis ang bighani ng panggabing tanawin na bumanda sa salamin? Nagbulay siya kung ang daloy ng tanawin ang simbolikong paglipas ng panahon.

ANG POSADANG may mainit na bukál ay kakaunti ang mga bisita ilang linggo bago magsimula ang panahon ng pag-eski; nang umahon sa paliligo sa bukál si Shimamura ay waring tulóg na ang lahat. Bahagyang kumatal ang mga salaming pinto tuwing hahakbang siya sa lumulundong pasilyo. Sa duluhan, na paliko sa opisina, nakita niya ang matangkad na hulagway ng babae, na sumasayad sa sahig ang malamig na laylayan ng palda habang naglalakad.

Napaigtad siya nang makita ang mahabang palda. Naging geisha na ba ang dalaga? Hindi lumapit ang babae kay Shimamura, ni hindi tumungo nang bahagya upang makikila. Mula sa malayo’y nabanaagan niya ang anyong buháy at seryoso. Humangos siya palapit sa babae, ngunit ni wala silang winika sa isa’t isa nang magkatabi na. Ngumiti ang babae na may makakapal, mapuputing pulbos ng geisha. Pagdaka’y napaluha siya, at ang dalawa’y lumakad nang tahimik papaloob sa silid ni Shimamura.

Anuman ang naganap sa pagitan nila, hindi sumulat si Shimamura sa babae, o dumalaw man lamang sa kaniya, o nagpadala ng mga patnubay sa sayaw na dati niyang ipinangako. Naiwan ang dilag na nag-aakalang pinagtawanan siya ni Shimamura, at kinalimutan siya. Iyon dapat ang simula na humingi ng tawad o pang-unawa ang lalaki, ngunit habang naglalakad sila, nang hindi sumusulyap sa isa’t isa, naramdaman ng lalaking may puwang pa rin sa siya sa puso ng babae at muling angkinin ang dating nawala. Alam ng binatang kung magsasalita siya’y lalo lamang mabubunyag ang kakulangan ng kaniyang katapatan. Nagapi ng babae, lumakad si Shimamura na balabal ang malambot na kaligayahan. Sa paanan ng hagdan, maliksi niyang idinampi ang kaniyang kamao sa mata ng dilag, at tanging ang hintuturo ang nakaunat.

“Ito ang nagpapagunita sa iyo sa lahat.”

“Talaga?” Kinuyom ng dilag ang daliri at parang ibig na niyang iakyat ang lalaki sa itaas na silid.

Binitiwan ng babae ang kamay ng lalaki nang sumapit sa kotatsu sa silid nito, at biglang namula ang kaniyang noo hanggang lalamunan. Upang maikubli ang pagkalito, muli niyang hinawakan ang kamay ng lalaki.

“Hindi ang kanang kamay,” ani lalaki. “Ito.” Patulak na idinikit ang kanang kamay sa kotatsu upang painitin iyon, at muling idinampi ang kaliwang kamay na nakaunat ang hintuturo.

“Alam ko.” Napahagikgik ang babae na panatag ang mukha. Ibinuka niya ang kaniyang palad, at idinampi sa pisngi. “Ito ang nagpapaalala sa akin?”

“Ang lamig! Hindi pa yata ako nakahipo ng ganitong kalamig na buhok!”

“May niyebe ba sa Tokyo?”

“Natatandaan mo ba ang sinabi mo noon? Nagkakamali ka. Bakit magpupunta sa gayong lugar ang isang tao kung Disyembre?”

LUMIPAS na ang panganib ng pagguho ng mga yelo, at sumapit ang panahon ng pag-akyat sa mga bundok sa lungting tagsibol.

Maglalaho sa mesa ang mga bagong sibol sa kasalukuyan.

Si Shimamura, na namumuhay sa paglulustay ng panahon, ay natalos na bigo siyang maging tapat sa sarili, at malimit naglalakwatsa nang mag-isa sa kabundukan upang mapanumbalik ang anumang butil ng kaakuhan. Bumaba siya sa nayong may mainit na bukál makalipas ang pitong araw sa Hanggahan ng Kabundukan. Humiling siya na magkaroon ng geisha. Sa kasamaang palad, may pagdiriwang sa araw na iyon upang pasinayàan ang bagong daan, sabi ng kasambahay. Napakasigla ng selebrasyon kaya kahit sakupin ang pinagsamang bodega ng kapuyo at teatro, ang labindalawa o labintatlong geisha ay labis-labis ang pinagkakaabalahan. Baka dumating ang dalagitang naninirahan sa bahay ng guro ng musika. Tumutulong minsan ang dalagita sa mga parti, ngunit umuuwi kaagad makaraang makasayaw nang isa o dalawang tugtugin. Nag-usisa si Shimamura kaya ikinuwento ng kasambahay ang hinggil sa dalagitang nasa bahay ng guro ng musika: ang samisen at ang guro sa sayaw ay naninirahan sa piling ng dalagita na hindi geisha ngunit inaatasang tumulong sa malalaking parti. Dahil walang kabataang aprentis na geisha sa bayan, bukod sa karamihan sa mga lokal na geisha ay piniling hindi sumayaw, ang mga serbisyo ng dalagita ay higit na mahal. Halos hindi makarating nang mag-isa ang dalagita para aliwin ang panauhin sa posada, gayunman ay hindi siya ganap na matatawag na amatyur—ito ang kuwento ng kasambahay sa pangkalahatang pangyayari.

Kakatwang kuwento, ani Shimamura, at iwinaksi yaon sa isip. Makalipas ang isa o higit pang oras, ang babae na kasama ng guro ng musika’y pumasok sa silid kapiling ang kasambahay. Tumindig nang tuwid si Shimamura. Akmang paalis na ang kasambahay nang tawagin ito ng babae.

Ang anyo na ipinamalas ng babae’y kay-linis at kay-sariwa. Wari ni Shimamura’y malinis kahit ang gatlang sa pagitan ng mga hinlalaki sa paa ng dalaga.  Sobrang linis kaya naisip ni Shimamura kung hindi ba siya namamalikmata lamang mula sa pagtanaw sa madaling-araw ng tag-araw sa kabundukan.

May kung anong gawi sa kaniyang pananamit na nagpapahiwatig ng pagiging geisha, ngunit wala siyang mahabang kasuotang pang-geisha. Bagkus ay suot ng dilag ang malambot, walang linyang kimonong pantag-araw na nagtatampok ng masinop na kagandahang-asal. Mukhang mahal ang obi, na bumabagay sa kimono, at sa wari niya’y may bahid ng lungkot.

Marahang umalis ang kasambahay nang magsimulang mag-usap ang dalawa. Hindi tiyak ng babae ang mga pangalan ng mga bundok na matatanaw mula sa posada; at yamang hindi nais uminom ng alak ni Shimamura sa piling ng geisha, isinalaysay na lamang ng dilag ang kaniyang nakaraan sa kapani-paniwalang paraan. Isinilang ang dalaga sa nayon ng niyebe, ngunit siya’y ipinagkasundong maging geisha sa Tokyo. Nakatagpo umano niya ang patron na nagbayad ng lahat ng kaniyang pagkakautang,  at nagpanukalang gawin siya nitong guro ng sayaw, subalit namatay ang lalaki makalipas ang isa at kalahating taon. Nang sumapit sa yugtong kung ano ang naganap pagkaraan niyon, na kuwentong matalik sa kaniya, nagbantulot ang babae na ibunyag ang kaniyang mga lihim. Sabi ng dilag ay disinuwebe lamang siya. Pakiwari naman ni Shimamura’y beynte uno o beynte dos, at dahil ipinalagay na nagsasabi nang tapat ang babae, ang kabatiran na mas matanda ito sa dapat sanang edad ay nagpaluwag ng loob ng binata sa unang pagkakataon hinggil sa inaasahang pakikiharap sa geisha. Nang pag-usapan nila ang Kabuki, natuklasan ni Shimamura na higit na maraming alam ang babae kaysa sa kaniya hinggil sa mga aktor at estilo. Maalab magsalita ang babae, at waring sabik na sabik siyang may makinig sa kaniya makaraang ipiit, at nagsimulang ipakita ang gaán na nagbubunyag na siya’y babae mula sa mga aliwang silid. At waring alam ng dilag ang lahat ng dapat mabatid sa mga lalaki. Itinuring namang baguhan ni Shimamura ang babae, at pagkaraan ng isang linggo sa mga bundok at ni walang kausap, nadama na lamang niya ang pangungulila sa isang kaibigan. Pakikipagkaibigan lamang sa babae ang nadama ni Shimamura kaysa iba pang iba pang bagay. Ang tugon niya sa mga bundok ay umaabot hanggang sa pagtakip sa kaniya.

Nang patungo sa paliguan ang babae noong sumunod na hapon ay nakaligtaan nito ang kaniyang tuwalya at sabon sa bulwagan at nagbalik saka pumasok doon upang kausapin si Shimamura.

Ni hindi pa siya nakauupo nang hiniling ni Shimamura sa kaniya na tumawag ng geisha.

“Tumawag ng geisha?”

“Alam mo ang ibig kong sabihin.”

“Hindi ako nagpunta rito para tanungin mo nang ganiyan.” Mabilis siyang tumayo at nagtungo sa may bintana, namumula ang mukha, habang nakatingin sa mga bundok. “Walang ganiyang babae rito.”

“Huwag kang loka.”

“Iyan ang totoo.” Bumalikwas saka humarap ang babae kay Shimamura at umupo sa may pasamano.”Walang sinumang makapipilit sa geisha na gawin ang ayaw niyang gawin. Nasa kapasiyahan ng geisha ang lahat. Iyan ang serbisyong hindi maibibigay ng posada. Humayo ka, at subuking tumawag at kausapin mo siya, kung gusto mo!”

“Itawag mo naman ako ng isang geisha.”

“Bakit mo ako inaasahang gawin  iyan?”

Iniisip kita bilang kaibigan. Kaya naman bumait na ako.”

“At ito ang tinatawag mong kaibigan?” Nahatak ng gawi ni Shimamura, ang dalaga’y tila naging kaakit-akit na anyong bata.  Ngunit pagkaraan ay sumigaw: “Hindi ba maganda na iniisip mong mauutusan mo ako nang ganiyan?”

Ano ang dapat kasabikan? Napakasigla ko makaraan ang dalawang linggo sa kabundukan. Lagi na lamang mali ang naiisip ko. Ni hindi ako makaupo rito para kausapin ka sa paraang gusto ko.”

Nanahimik ang babae, saka ipinako sa sahig ang paningin. . . .

Salin at Salinan: Ilang Panukala sa Pagpapaunlad ng Panitikang Pambansa

Maikli ang tradisyon ng pagsasalin sa Filipinas, kung sasangguniin ang aklat ng talasangguniang binuo ni Dr. Lilia F. Antonio. Pinamagatang Apat na Siglo ng Pagsasalin (1999), ang aklat ay sinikap na tipunin ang lahat ng saling akda na pawang nalathala sa Filipinas, bagaman masasabing marami din ang nakaligtaang mapabilang sa talaan. Magbubunsod ang ganitong pangyayari para wikain ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario na “Kasintanda ng limbag na panitikan ng Filipinas ang pagsasalin.” Binanggit ito ni Almario dahil ang kauna-unahang limbag na aklat sa Filipinas ay ang Doctrina Christiana (1593) na pinaghalong salin ng katon at dasal sa Tagalog upang maging gabay ng mga misyonerong Espanyol.

Ang pagsasalin ng mga frayleng Espanyol noon ay pagtatangkang pasukin ang daigdig ng Tagalog. At upang magawa ito’y sinikap na magkaroon ng literal na tumbasan ng mga salita sa Tagalog at Espanyol, at ang mga salita sa Tagalog ay binaybay at pinantig alinsunod sa pagkakasagap ng mga Espanyol. Kinakailangang pag-aralan noon ng mga frayle ang Tagalog at iba pang taal na wika sa kapuluan dahil wala noong makauunawa sa Espanyol. Bukod pa rito’y kulang ang mga guro na maaaring magturo ng Espanyol sa mga Tagalog. Sa pagkakataong iyon, ang pagsasalin ay ginamit upang ilipat ang diskurso at pananaw ng Espanyol tungo sa Tagalog sa pamamagitan ng Tagalog, samantalang ipinakikilala pa lamang ang Espanyol. Nakinabang din kahit paano ang Tagalog, dahil nasimulan ang pagpapaliwanag ng anyo at nilalaman nito, gaya ng gramatika at palaugnayan, kahit sa lihis na layunin.

Kaugnay ng pagsasalin ng mga akda ang pagtitipon ng bokabularyo ng katutubo at ang pagpapalimbag ng mga diksiyonaryo. Unang ginawa ito ni Antonio Pigafetta sa kaniyang talang Primo Viaggio Intorno al Mondo (1525) na may mga salita at tambilang na Tagalog at Bisaya na pawang may singkahulugan at binaybay sa estilong Italyano at Latino.[1] Mahalaga ang talaan ni Pigafetta dahil patunay ito na may sariling wika ang mga katutubo, at ang wikang ito ay nabubuhay magpahangga ngayon. Ang pag-unlad ng wika at pagsasalin ay nakasandig sa mga diksiyonaryo o tesawro, dahil malaki ang maitutulong nito upang maunawaan ang mga pakahulugan, pahiwatig, at konteksto ng salin alinsunod sa target na wika, habang isinasaalang-alang ang pinagbatayang wika at kultura ng orihinal na akda.

Ilan sa mga diksiyonaryo na nakatulong sa paglinang ng wika at pagsasalin ang Vocabulario de la Lengua Pampanga (1860) at Vocabulario de Pampango y Diccionario Pampango (1732) ni Diego Bergaño, Vocabulario de la Lengua Tagala (1754) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, Vocabulario de la Lengua Bicol (1865) ni Fray Marcos de Lisboa, Vocabulario Delengua Tagala (1613) ni Fray Pedro de SanBuenaVentura, Diccionario Bagobo-Español (1892) ni Mateo Gisbert, Diccionario Tagalog-Hispano (1914) ni Pedro Serrano Laktaw, Diccionario Ingles-Español-Tagalog (1915) ni Sofronio G. Calderon, at maraming iba pa. Kung walang diksiyonaryo, tesawro, o bokabularyo ay napakahirap ng pagsasalin, at kailangang magtiwala ng tagasalin sa balon ng kaniyang kaalamang nasagap bilang manunulat. Sa kasalukuyan, sari-saring diksiyonaryong online ang lumilitaw at nasa iba’t ibang wika ng Filipinas. Kung gaano kasinop ang pagpapakahulugan ng mga lahok ay dapat pang pag-aralan, at hindi maimumungkahi na gawing sanggunian ang mga ito. Napakaliteral naman ng pagsasaling online, at kung susubukin ito sa mga wika sa Filipinas ay mapapansin ang isa-sa-isang tumbasan ng mga salita at nalalagay sa alanganin ang konteksto, pakahulugan, at pahiwatig sa loob ng pangungusap o talata. Kahit pa sabihing may Word Sense Disambiguation[2] ang kodigo, ang pagpili kung ano ang gagamiting salita sa loob ng pangungusap ay hindi maipauubaya sa kompiyuter.

Sa kabilang dako’y maiisip na nakasalalay ang mga diksiyonaryo sa mga limbag na akda, bukod sa mga salitang malimit gamitin at itinala ng mga mananaliksik. Masasabi ring habang ginagamit sa pagsasalin ang mga diksiyonaryo, nadaragdagan ang mga lahok at ang pakahulugan ng mga salita, dahil ang isang salitang taal ay maaaring taglayin din ang mga pakahulugan ng katumbas na banyagang salita. Ang mga salitang walang katumbas sa Filipino, halimbawa, ay maaaring makapasok sa korpus ng Filipino alinsunod sa pangangailangan ng mga manunulat at tagasalin. Magbubunga ito ng paglusog ng bokabularyo, ngunit may pangamba ring matabunan ng mga hiram na salita ang mga katutubong salitang maituturing na sinauna at laos.

Ang pagsasalin na kaugnay ng paglilimbag ng mga akda ay dapat kilalanin din na sinuhayan ng paglitaw ng mga imprenta sa Filipinas, at ang mga imprentang ito, bagaman nagsimulang aparato ng simbahan at estado sa pananakop ng mga katutubo, ay naging bahagi rin ng pagpapalaganap ng karunungan sa iba’t ibang wika sa Filipinas. Kontrolado ng simbahan at kolonyal na pamahalaan ang mga limbagan, at ilan sa mga pamosong tagapaglimbag nito ay mula sa orden ng Agustino, Dominiko, Fransiskano, at Heswita. Maiuugnay din ang pagsasalin sa paglalatag ng pamantayan, at sensura, para mapangalagaan ang kolonyal na interes. Ngunit nang lumuwag ang pag-aangkat ng mga imprenta, papel, at iba pang kaugnay na kagamitan mula sa ibang bansa, ang pagpapalathala ay lumusog na yumanig sa seguridad ng kapuwa estado at simbahan. Ang pag-aangkat ay masasabing napabilis ng pagbubukas ng mga pantalan gaya sa Bohol, Iloilo, at Pangasinan noong 1855–1860 na ang sukdulan ay ang pagbubukas ng Kanal Suez noong 1869 na nagpabilis ng biyahe mulang Ewropa tungong Asya nang hindi na kailangan pang umikot sa Afrika.

Bagaman limitado sa ngayon ang mga publikasyong palimbag sa paglalabas ng mga akdang nasusulat sa iba’t ibang wika, may binubuksan namang bagong oportunidad ang elektronikong pagpapalathala, gaya ng matatagpuan sa mga websayt at blog ng mga Bikolano, Ilokano, at Sebwano. Pinakaabanse ang Bikol kompara sa Iluko at Sebwano, dahil sa konsistent na pagpapalathala nito ng mga kuwento, tula, salin, sanaysay, at kung ano-ano pang may kaugnayan sa panitikan. Lumilitaw din ngayon sa Bikol ang bagong hanay ng mga kabataang manunulat, na pawang interesado sa pagkalikot ng mga kompiyuter at batikan sa impormasyong teknolohiya. Kung magpapatuloy ang ganitong pangyayari, hinuhulaan kong milya-milya ang ilalampas ng panitikang Bikol na moderno at pangahas ang anyo at nilalaman kompara sa iba pang panitikan sa mga rehiyon.

Samantala, matitingnan ang paglago ng bilang ng mga salita sa diksiyonaryo na kabahagi ng pagpapanday ng gramatika ng wika. At ang gramatika ay madadalisay habang lumilitaw ang mga akdang pampanitikan, gaya ng katha at tula, samantalang sinusubok ang mga pamamaraan ng pagbubuo ng sayusay at tayutay, at naglalaro sa mga panuto ng palaugnayan. Pagsasalin at paghahalaw ang masasabing nakapag-aambag ng pagbabago ng gramatika at palaugnayan ng sariling wika dahil maaaring ang ilang banyagang elementong maiaangkop sa sariling wika ay subukin ngayon bago ganap na tanggapin sa hinaharap. Ganito ang naganap sa Tagalog na pinagbatayan ng Filipino, na patuloy na nagbabago ang anyo kung isasaalang-alang ang eksperimento ng mga manunulat sa kani-kaniyang akdang prosa o tula. Ganito rin ang inaasahang magaganap sa mga wikang gaya ng Ilokano, Ivatan, Manobo, Sebwano, Tausug, at iba pang wika sa bansa.

Ideolohiya ng Pagsasalin
Simbahan ang nakinabang nang malaki sa pagsasalin ng mga tekstong Espanyol tungo sa Tagalog at iba pang wika sa Filipinas, na marapat lamang dahil ito rin ang unang kumontrol ng mga imprenta. Ang mga limbag na aklat sa Filipinas noong siglo 1600–1900 ay malimit na pumapaksa sa apokripa, katesismo, doktrina, debosyon, kautusan, kuwento, kasaysayan, at pangaral. Isa sa mga ambisyosong proyekto ay ang Barlaan at Josaphat (1837) ni Fray Francisco de Borja. Ang salin ni Borja ay nagpapamalas ng posibilidad at lalim ng prosa at wikang Tagalog, at sa kakayahan nitong gamitin sa pagsusulat ng mga akdang nagtataglay ng mga konseptong maaaring bago sa pananaw ng mga katutubo. Ngunit higit pa roon, ipinakikilala ni Borja ang kapangyarihan ng Espanyol at simbahang Katolika na magtatakda kung paano sumamba at maging sibilisado ang mga Tagalog.

Kasabay ng prosa ni Borja, dapat ding sipatin ang mga tula (partikular ang mga awit at korido) at dula (sarsuwela, moro-moro, at opera) na lunsaran ng halaw at salin ng mga kuwento ng pakikipagsapalaran at romansa. Ang mga awit at koridong ito na pawang pumapaksa sa mga maharlika, kaharian, relihiyon, at pakikipagkapuwa ay hinango sa tradisyong pampanitikan ng Ewropa, na ginamit lamang ang Tagalog at iba pang wika sa Filipinas para ipakilala ang gaya nina Carlo Magno, Tablante, Prinsipe Paris, at Prinsesa Florentina. Maiiba marahil ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas, na gumamit ng modernong Tagalog at alusyong Griyego upang itampok ang mga kaligiran at pangyayari sa bansa alinsunod sa pagbasa ni Lope K. Santos.

Ang proseso ng pagsasalin noon ay hindi lamang nagmumula sa Espanyol tungong Tagalog o Bisaya o Bikol at iba pang wika sa Filipinas. May ibang aklat, na orihinal na isinulat sa Italyano o Aleman o Pranses, ang isinalin muna sa Espanyol bago isinalin sa Tagalog. Maihahalimbawa rito ang mga salin ni Pablo Clain, gaya ng Ang infiernong nacabucas o manga pagbubulay-bulay nang mga cahirapan at casaquitan doon (1871) at Ang infiernong na bubucsan sa tauong Christiano, at nang houag masoc doon; o Manga pagbulaybulay nang mga casaquitan sa infierno (1713). Samantala, ang akda naman ni Alfonso Ma. De Ligouri ay hango sa Italyano at tuwirang isinalin sa Tagalog ng mga Agustino noong 1873.

Pagsapit ng unang hati ng siglo 20, magiging dominateng wika ang Ingles; at kahit ang ibang akdang mula sa iba’t ibang wika ay kailangan munang dumaan sa Ingles o Espanyol bago isalin sa Tagalog at iba pang wika. Sanhi ang pangyayaring ito ng pagkasangkapan sa Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa mga paaralan. Makikilala sa bansa ang mga akda ng gaya nina Alexandre Dumas (ama at anak), Alphonse Daudet, Algernon Charles Swinburne, Antonio Plaza, Barry Cornwall, Boccacio, Burton Gartcourt, Dwarakanath Gangopadya, Edgar Allan Poe, Emile Zola, Emperor Matsuhito, Enrique Garcia Alvarez, Eugene Field, Eugene Sue, Felix Guzzoni, Gaston Leroux, Guy de Maupassant, H.A. Herring, Hato Irigawa, Henry Wadsworth Longfellow, Jorge Okonkowsky, Juan Fernandez Utor, Kenjiro Tokutomi, Leo Tolstoi, Leonardo Fernandez Moratin, Lord Lytton, Manuel Acuña, Miguel de Cervantes, Dante Alighieri, Moliere, O. Henry, Omar Khayyam, Percy Bysche Shelley, Phoebe Cary, John Milton, Rabindranath Tagore, Ralph Waldo Emerson, Ramon de Campoamor, Rudyard Kipling, Victor Hugo, William Shakespeare, Zora Gale, at iba pa. Mahaba ang listahan ng mga banyagang awtor, at ang mga awtor na ito ang kahit paano’y nagpakilala ng sariwang pagtanaw sa mga manunulat na Tagalog. Pagsapit ng dekada 1940 pataas ay mangingibabaw ang mga akdang Ingles o nasusulat sa Ingles (imbes na Espanyol) na isasalin sa Filipino. Magiging paningit ang ilang proyektong Hapones, na isinalin ang mga akdang Hapones hinggil sa Imperyong Hapon para ipaliwanag ang pananakop nito sa Filipinas at pagpapapalaya sa sakop ng Estados Unidos.

Isinalin din sa Tagalog at iba pang wika ang mga akda ng mga manunulat na nagsusulat sa Espanyol, gaya nina Gregorio Aglipay, Jesus Balmori, Fernando Ma. Guerrero, Apolinario Mabini, Jose Rizal, at Pedro Paterno. Sa pagkakataong ito, ginamit muli ang Tagalog at iba pang wika sa bansa para ipaliwanag ang diskursong nagmumula sa Espanyol na pawang katha ng mga Filipino. Ang pagsasalin ay mahihinuhang pagtatangkang pasukin ang daigdig ng mga taal na wika sa Filipinas at hamigin ang mga mambabasang kumokonsumo ng mga babasahin sa sariling wika. Isahang daloy [one way] ang pagsasalin, at ang Espanyol ang pinagmumulan ng karunungan, samantalang tagasagap at tagaangkop ang Tagalog at iba pang taal na wika. Walang kapasidad naman ang mga eksperto sa Espanyol para isalin sa Espanyol ang pabigkas na panitikang Filipinas, at mahihinuha ito sa kasalatan ng mga tekstong Tagalog o iba pang lalawiganing wika na isinalin sa Espanyol. Madilim na yugto ito, at maaaring hindi pa natutuklas ang mayamang malig ng tradisyong pabigkas sa mga lalawigan, at walang sapat na kakayahan ang mga Filipino na isalin ang mga katutubong akda tungong Espanyol o Ingles.

Salat na salat ang pagsasalin ng mga panitikang mula sa rehiyon, at maibubukod ang Bantugan na isinalin sa Tagalog ni T. Tuazon noong 1937. Malalathala ang komiks na Prince Bantugan (1974) na isinulat ni M. Franco at iginuhit ni Rudy V. Arubang. Isasalin sa Ingles nina E. Arsenio Manuel at Saddani Pagayaw ang epikong Tuwaang na pinamagang Tuwaang Attends a Wedding: The Second Song of the Manuvu Ethnoepic Tuwaang (1975). Pinagtulungan ng magkabiyak na Epifanio Gar. Matute at Genoveva Edroza Matute ang salin sa Filipino ng epikong Bagobong Tuwaang, sa tulong ni Pagayaw. Isininulat ni Pambansang Alagad ng Sining Bienvenido Lumbera ang libreto ng Tales of the Manuvu (1977) sa makabagong pagdulog. Isasadula sa Ingles ni Mig Alvarez ang mga epikong bayang Lam-ang, Labaw Donggon, at Bantugan na inilathala noong 1982. Hahalawin naman ni Liwayway A.  Arceo noong 1978–1979 ang ilang epikong bayan para maisadula sa radyo na suportado ng pamahalaan, kabilang dito ang Hudhud hi Aliguyon, Biag ti Lam-ang, Bantugan, Hinilawod, at ang mala-epikong Ibalong. Kahit si Iñigo Ed. Regalado ay gumamit ng opera para maitanghal noong 1973 sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) ang Hinilawod na batay sa saliksik ng antropologong si F. Landa Jocano. May pagtatangka rin ang ilang indibidwal na ipakilala ang panitikang mula sa lalawigan, gaya ng salin ni Amelita G. Dapar sa mga tulang Sugbuhanon tungong Filipino (na binabaybay pa noong “Pilipino”) noong 1970. Isasalin din ang panulaang Sebwano sa Filipino nina Don Pagusara at Erlinda Alburo at ilalathala ng Ateneo de Manila University Press noong  1993. Titipunin ni Lamberto E. Gabriel noong 1987 ang mga akda sa iba’t ibang wikang gaya ng Bikol, Iluko, Kapampangan, Pangasinan, at Waray na may ilang akdang Tsino. At pagkakakitaan nang malaki ni Jose A. Arrogante at iba pa ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon tungo sa Filipino sa kanilang Panitikang Filipino (Pampanahong Elektroniko, 1989)

Kung ipagpapalagay na ang dominanteng wika at pinagmumulan ng salin ay Espanyol (at pagkaraan, Ingles), at ang dominadong wika ay Tagalog, ang pag-aaral ng salin ay maaaring sumandig sa pagsusuri ng magkaibang mga kultura na makaaapekto sa pagsasalin, gaya ng nauso noong dekada 1970. Ngunit hindi dapat magtapos doon. Kung hihiramin ang dila ni Antonio Gramsci, may kinalaman ang ideolohiya sa pagsasalin. Ang dominanteng wikang gaya ng Espanyol at Ingles ay malaki ang pananagutan at kontrol sa malaganap na karunungang ibinabangga sa mga moog na dating saklaw ng Tagalog, Bisaya, Ilokano, at iba pang wika. Itinampok ng mga dominanteng wika ang kapangyarihan at saklaw ng kultura ng Espanyol at Ingles upang maging katanggap-tanggap ito sa mga katutubo. Ipipilit ang gahum [hegemoniya] ng mga banyagang wika, at ang mga wikang ito ang magpapamalay na anumang matatagpuan sa isang wika ay matatagpuan din sa ibang wika. Ibig sabihin, iisa lamang at nagkakapareho ang lahat ng wika at kultura. Na isang kabulaanan. Kaya ang mga Filipinong sasalungat sa gayong pananaw na banyaga ay maituturing na ilahas, mangmang, magaspang, at sinauna.

Mahirap noon ang pagsasalin ng mga akdang mula sa rehiyon dahil kulang ang mga pabliser na handang gumastos sa gayong proyekto. Masuwerte na ang ilang pagsasalin na tinustusan ng gaya ng Ford Foundation, UNESCO, at lokal na akademikong institusyong gaya ng UP, Ateneo, at De La Salle. Ngunit mabagal ang malawakang pagsasalin, kahit naitatag ang UNTAP (Unyon ng mga Tagasalin sa Pilipinas). Ang gayong problema ay maaaring sanhi ng kahirapan sa pondo, balakid sa pangasiwaan, at pagsisimula ng propesyonalisasyon ng pagsasalin. Noong dekada 1990, masigla ang proyekto ng pagsasalin ng UNESCO noong nasa posisyon pa sina Adrian Cristobal atVirgilio S. Almario, ngunit pagkaraan nila ay waring naupos ang proyektong pagsasalin sa kung anong dahilan.

Mga Tagasalin
Ginamit ng mga tagasalin na lunsaran ang mga magasin, pahayagan, komiks, at iba pang lathalain sa paglalabas ng akda. Kabilang dito ang Ang Democracia, Ang Mithi, Filipina, Muling Pagsilang, Renacimiento Filipino, Taliba, at iba pa. Magiging isa sa mga batikang tagasalin si Gerardo Chanco na naging kalihim ng Aklatang Bayan, at nagsalin sa Tagalog noong dekada 1910 ng mga nobelang Ewropeo, gaya ng Dahil sa Pag-ibig; Sa Harap ng Kamatayan; Amauri o Pumapatay o Bumubuhay; Sa Gitna ng Lusak; at Anak ng Kardenal. Yumao nang maaga si Chanco noong 1922, at pinuri ng kaniyang mga kapanahon ang ambag niya sa larangan ng pagsasalin. Malaki ang naitulong ng gaya ng Aklatang Bayan, Ilaw at Panitik, at Panitikan sa mga pagsasalin ng mga akdang pampanitikan, gayunman ay walang masasabing malinaw na programang pangkultura at pampolitika ang naturang mga pangkat. Pangunahing adyenda ang pagsusulong ng panitikang pambansa at pambansang wika, na nagkataong pinangungunahan ng mga Tagalog dahil sa laki ng kasapian at husay ng mga manunulat.

Sa larangan ng tula’y sisikat si Ildefonso Santos sa pagsasalin ng Rubaiyat ni Omar Khayyam, na batay sa saling Ingles ni Edward Fitzgerald. Nakipagtulungan si Santos sa ilang Amerikanong maalam sa Ingles, upang maihulog sa Tagalog ang naturang akda. Ngunit bago pa man si I. Santos ay gagawa ng mga halaw sina Manuel Aguinaldo at Emilio Bunag, mga halaw na maituturing na bagong akda kung ikokompara sa orihinal na akdang pinagbatayan ng salin. Pagsapit ng ikalawang hati ng siglo 20 ay magkakaroon ng malaking papel ang akademya at kilusang lihim sa pagsasalin ng mga tula, kuwento, nobela, at dula na pawang nalathala sa mga unibersidad, gaya ng Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Mababanggit si Corazon D. Villareal na pasimuno sa pagbubuo ng antolohiya ng mga tulang isinalin mula sa Hiligaynon, Kiniray-a, at Aklanon; at sina Carmen C. Unabia at Victorino Saway na bumuo ng antolohiya ng mga tula at kuwento na isinalin mula sa orihinal na Bukidnon.

Magkakaroon ng kulay ng politika ang pagsasalin nang magsagawa ang PAKSA (Panulat para sa Kaunlaran ng Sambayanan), GAT (Galian sa Arte at Tula), at UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) ng serye ng mga pagsasalin ng mga akdang internasyonal. Sagot ito ng naturang mga pangkat sa paglaganap ng Batas Militar na ipinataw ng administrasyong Ferdinand E. Marcos, samantalang sinisikap na payabungin ang estado ng panitikang panloob sa pamamagitan ng pagtanaw papalabas ng bansa. Kabilang sa mga isinalin ang sari-saring tula, dula, kuwento, sanaysay, at nobela mulang Asya at Afrika hanggang Latin Amerika na may mga nasyong naghahanap din ng paglaya mula sa pananakop ng dayuhan. Ang daloy ng pagsasalin ay karaniwang mulang Ingles, Espanyol, Tsino, at Aleman tungong Filipino, gaya ng ginawa nina Efren Abueg, Virgilio S. Almario, Gelacio Guillermo, Jose F. Lacaba, Bienvenido Lumbera, Rogelio G. Mangahas, Mario I. Miclat, Zeus Salazar, Fidel Rillo, Rolando Tinio, at Rene O. Villanueva; bibihira noon ang mula sa Filipino na isasalin sa Ingles, at maitatangi ang salin sa Ingles ng mga tula ni Rio Alma noong dekada 1980 na ipinagpatuloy magpahangga ngayon ni Marne Kilates; at ilang tula ni Mike L. Bigornia na tinumbasan ng Ingles ni Krip Yuson; o ang salin sa Ingles ni Cirilo F. Bautista sa mga tula ni Amado V. Hernandez.

Ang programadong pagsasalin, sa larang man ng politika o panitikan o ekonomiya o agham, ang sa palagay ko’y kinakailangan sa panahong ito. Ang nasimulan ng PAKSA, GAT, at UMPIL ay magandang halimbawa na maaaring mapagsumundan, bagaman posibleng mabago ang ilang pagdulog, gaya sa pamimili ng mga tekstong isasalin. Ang prioridad ay maaaring tekstong Filipino na isasalin tungo sa mga lalawiganing wika, at pabalik. Ang pagbubuo ng lupon na mangangasiwa sa pagsasalin sa rehiyon ay isasaalang-alang ang balon ng mga akdang limbag at tradisyong pabigkas, na pawang magagamit bilang teksto sa pagsasalin.

May nasimulan nang programa sa Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA) noong panahon ng panunungkulan nina Virgilio S. Almario, Mario I. Miclat, at Galileo S. Zafra noong dekada 1990-2000 na kinakailangan lamang sundutin upang mabuhay at sumigla muli. May mga piniling tekstong nakahanay para isalin sa Filipino, ngunit nagkaroon lamang ng problema sa proseso ng pagsasalin, pagrepaso, at pag-edit, at isama na ang badyet para sa gayong gawain. Samantala, bumuo ng tungko ang mga akademikong palimbagan ng Ateneo de Manila, DLSU, at UP noong dekada 1990 upang ilathala ang mga sinaunang teksto, salin, at akdang nagmula sa mga lalawigan. Ang programadong pagkilos ay batay sa mungkahi ni Nicanor Tiongson sa tatlong palimbagan. Pinakamasigasig ang AdMU Press sa paglalathala ng mga salin at panitikang mula sa iba’t ibang rehiyon noong panunungkulan ni Esther M. Pacheco, ngunit naiwan ang dalawa pa. Dapat ding banggitin ang sariling pagsisikap ng UP Sentro ng Wikang Filipino na naglathala ng ilang salin ng mga klasikong akda mula sa ibayong-dagat noong dekada 1990, at tinawag na Serye ng Aklat Bahandi. Ngunit nahinto ang proyekto nang magpalit ng pangulo ang naturang unibersidad, at waring itinakwil ang pagsusulong ng Filipino.

Konsepto ng Pagsasalin
Nagsimula sa tumbasan ng mga salita at konsepto ang unang pagtatangka ng salin, gaya ng matutunghayan sa Doctrina Christiana. Maihahalimbawa ang ganito:

(Orihinal)

El aue Maria.
Dios te salue Maria. lle
na degracia. El senor es
contigo. bendita tu, estretodas
las mugeres. Y bendito el fructo.
deus  vientre Jesus. Santa Ma
ria uirgen y madre de Dios rue
ga por nosotros peccadores. aora
y en la ora denuestra muerte
amen. Jesus.

(Salin)

Ang aba guinoo Ma(ria)

Aba guinoo Maria ma
toua cana, napopono ca
nang gracia. ang panginoon di
os, ce, nasayyo. Bucor cang pinag
pala sa babaying lahat. Pinag
pala naman ang yyong anac si
Jesus. Santa Maria yna nang,
dios, ypanalangin mo camima
casalanan ngaion at cun mama
tai cami. Amen Jesus.

(Pagpapantig)

A BA GI NO O MA RI YA. MA TO WA KA NA. NA PO
PO NO KA NA GA RA SI YA. A PA NGI NO O DI
YO NA SA I YO. BO KO KA PI NA PA LA. SA BA BA YI.
LA HA. PI NA PA LA NA MA. A I YO A NA SE SE SO.
SA TA MA RI YA. I NA NA DI YO. I PA NA LA NGI MO
KA MI. MA KA SA LA NA. NGA O. A KU MA MA TA KA MI.
A ME SE SO.

Ang tumbasan ng mga salita ay literal, at ang pagpapantig ay ang matatawag ngayong ABAKADA, ngunit ang ginawa sa aklat ay tinatanggal ang mga katinig gaya ng D, N, at T na dulong titik ng dulong pantig ng salita upang madaling maunawaan ang teksto at hindi mahirapang bumigkas ang mga gagamit na Espanyol. Mapapansin din ang pagsisingit ng Y sa A at I ng salitang “babayi.” Ang naturang pagbaybay ay mahihinuhang hango sa Espanyol dahil mahihinang patinig ang I at U sa Espanyol samantalang malalakas ang A, E, at O. Sa pagdirikit ng malakas (A) at mahina (I), maaaring sumanib ang mahina sa malakas at maging “ay” ang bigkas nito, alinsunod sa panuto ng kambal-patinig. Mahihinuhang ginawa ang pagsisingit ng Y sa AI ng  “babai” upang maibukod ang I sa A. Samantala, sinimulang ipakilala ng Espanyol sa mga Tagalog ang konsepto ng “grasya,” “Jesus,” “Santa Maria” at “dios” na pawang mula sa bokabularyong Espanyol. Pinakamakapangyarihan ang “dios” na babaybayin na “diyos” pagkaraan, dahil ito ang papalit saka bubura sa tanyag na “anito” at “bathala” na pawang malimit ginagamit sa Katagalugan.

Habang lumalaon, ang pagsasalin ay higit na isinaalang-alang ang target na wika at kung paano iaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Mauugat ang ganitong pangyayari kapag binalikan ang pakahulugan ng “hulog,” “salin,” “halaw,” at “traduksiyon.”

Noong unang dekada ng siglo 20, halos walang pagkakatangi ang mga pakahulugan ng “hulog,” “salin,” at “halaw” na pawang ginagamit ng mga manunulat na Tagalog at maitutumbas sa “translation” sa Ingles o “traduccion” sa Espanyol. Higit na mananaig ang terminong “traduksiyon” na katumbas ng “paghuhulog” sa Tagalog o “translation” sa Ingles at siyang lilitaw sa mga lathalain. Katunayan, sa Diccionario Hispano-Tagalog ni Serrano Laktaw, ang “traduccion” ay ipinakahulugang “trascribir” na ang ibig sabihin ang “paghuhulog nang [sic] isang salita sa iba.” Ang pakahulugan ng “salin” ni Serrano Laktaw ay “asinan o tingalan nang [sic] ng asin” [i.e., imbakan o tinggalan ng asin] at walang nakasaad na katumbas ng “traduccion” o “translation.” Magkakaroon lamang ng linaw ang pagkakatangi ng “salin” at “halaw” nang pag-usapan ang ganitong termino ng lupon ng Surian ng Wikang Pambansa na dating Institute of National Language noong dekada 1947 hanggang dekada 1950. Nagpanukala si Regalado ng mga katawagang pampanitikan magagamit sa pagsusuri ng teksto, at pagkaraan ay madaragdagan ang mga ito hanggang tanggapin ng mga manunulat at guro. Kung pagbabatayan ang diksiyonaryo-tesawro (1972) ni Jose Villa Panganiban, ang “hulog” ay katumbas ng “signification,” ang “salin” ay “translation,” at ang “halaw” ay “adaptation.” Ang ginagawa noon ng gaya nina Aguinaldo, Bunag, at Chanco ay humahangga sa halaw, na halos panghihimasok sa orihinal na akda upang maitampok sa Tagalog alinsunod sa diskurso nito.

Maihahalimbawa ang orihinal na akda ni Henry Wadsworth Longfellow at ang rendisyon ng salin (na mas angkop tawaging “halaw”) ni Aguinaldo.

(Orihinal)

Hymn to the Night
ni Henry Wadsworth Longfellow

I heard the trailing garments of the Night
Sweep through her marble halls!
I saw her sable skirts all fringed with light
From the celestial walls!

I felt her presence, by its spell of might,
Stoop o’er me from above;
The calm, majestic presence of the Night,
As of the one I love.

I heard the sounds of sorrow and delight,
The manifold, soft chimes,
That fill the haunted chambers of the Night
Like some old poet’s rhymes.

From the cool cisterns of the midnight air
My spirit drank repose;
The fountain of perpetual peace flows there—
From those deep cisterns flows.

O holy Night! from thee I learn to bear
What man has borne before!
Thou layest thy finger on the lips of Care,
And they complain no more.

Peace!  Peace!  Orestes-like I breathe this prayer!
Descend with broad-winged flight,
The welcome, the thrice-prayed for, the most fair,
The best-beloved Night!

Mababago kahit ang taludturan sa akda ni Aguinaldo, bukod sa himig at persona ng tula:

(Salin)

Awit Paggalang sa Gabi[3]

ni Manuel Aguinaldo

Ang lambong ng gabi na inilalatag
sa buong paligid, aking namamalas;
sa lahat ng gilid ay nababanaag
ang kulay ng lungkot, nguni’t nababakas
ang tanglaw na mula sa gawing itaas;
tahanan ng Diyos na labis sa dilag.

Ang pagdating niya’y talos ko rin namang
kailan ma’y sakbat ang kapangyarihan;
nararamdaman kong ako’y minamasdan
ng gabing tahimik at kagalang-galang
magmula pa roon sa kanyang tahanan,
kawangis ng aking pinaparaluman.

Mumunting batingaw ay nagpaparinig
ng saya at lungkot ng kanilang tinig
na nangalilikom, siyang nagsisikip
sa mga tahanang laging pinapanhik
ng saya ng gabi: katulad at wangis
sa mga talata ng tulang marikit.

Magmula sa pusod ng simoy ng hangin
ang alaala ko’y natulog, nahimbing;
doon ay inabot ng aking paningin
ang katahimikang hindi nagmamaliw
katulad ng tubig, nakikiagos di’t
sa hihip ng hangin ay nakikisaliw.

Oh, banal na gabi! dahilan sa iyo’y
aking natutuhan kung ano ang tao
ang kanyang tungkulin sa buhay na ito…
sa labi ng ingat, mga daliri mo’y
saglit na isayad at mamamasdan mong
sa iyong sanghaya’y nagdarasal ako.

At ang laging dasal ay “Katahimikan”
hangga sa ang gabi’y makalipas naman
ng lubhang tahimik at walang ligamgam;
kung magkaminsan pa’t aking pag-ukulan
ang gabing marilag na iginagalang
ay mga dalanging walang katapusan.

Walang direktang tumbasan ang “salin” kompara sa orihinal na pinagmulang teksto. Maituturing na halaw ang akda na may ibang testura kompara sa pinaghanguan nito, sa anyo man o nilalaman.

Ang naturang asta ng mga tagasalin ay mauugat sa simulain ng Aklatang Bayan. Ayon kay Dionisio San Agustin, na noon ay pangulo ng Aklatang Bayan, ang mga pangunahing layunin ng pagsasalin o paghahalaw ng mga akdang banyaga nang panahong iyon ay ang sumusunod: una, magaang na maunawaan ng mambabasang Tagalog ang ibang akdang mula sa ibang bansa; ikalawa, mapalaganap at malinang ang Tagalog bilang isang wikang pambansa; ikatlo, maunawaan kahit paano ang mga dayong kultura at pananaw; at ikapat, makatulong sa pagpapapaunlad ng katutubong kabihasnan habang gamit ang sariling wika.[4] Napakaganda ng mga layuning ito, at sa aking palagay ay maiaangkop pa rin magpahangga ngayon kung ilalapat sa iba’t ibang wika sa buong kapuluan. Mahahalata ang tindig na kontra-kolonisasyon sa layunin ng Aklatang Bayan, at ang maláy na pagkilos sa paglilinang ng sarili’t pambansang panitikan.

Pinakamabigat ang kaso ng paglilinang ng wikang pambansa, dahil ang Tagalog ay hindi pa noon itinuturing na wikang opisyal at wikang pambansa o batayan ng magiging wikang pambansa. Ingles at Espanyol ang wika ng kapangyarihan sa pamahalaan, edukasyon, negosyo, at iba pang larang. Nang likhain ni Lope K. Santos ang balarila ay magiging hudyat iyon ng pagbabagong anyo ng mga panuntunan sa pagsulat, at magiging gabay kahit paano ng mga manunulat na Tagalog at iba pang taga-lalawigan. Ang pagbubuo ng balarila ay alinsunod sa hinihingi ng panahon, na ang mga manunulat ay naghahanap ng gabay sa pagsulat, at kritiko na gaya nina Regalado at Balmaseda, na matalas na titingin ng teksto upang mapahusay lalo ang mga saling akda.

Kung babalikan ang layunin ng pagsasalin ng Aklatang Bayan, ang pagsasalin ay mahihinuhang isang pampolitikang hakbang. Hindi lulunukin nang buong-buo ng mga tagasalin ang akdang orihinal, at “pinipiga” ang mahahalagang bahagi niyon at iniaangkop sa kaligiran ng Filipinas. Isinasaalang-alang ng mga tagasalin ang kaligirang Tagalog, ang mga mambabasa nito, at ang magkaibang kultura ng pinagmulang teksto at ang pagsasalinang teksto. Bagaman makasisira ito sa orihinal, ang naturang pagsasalin ay maituturing na ehersisyo ng paglilinang ng sariling panitikan, alinsunod sa pananaw at pangangailangan ng mga Filipino. Mahihinuha rin dito na hindi lahat ng bagay na hinugot sa Pinagmulang Teksto (PT) ay mahahanapan ng katumbas sa Target na Teksto (TT). Ang taktika ng pagsasalin ng Aklatang Bayan ay makiling kung gayon sa teoryang Skopos.

Ang “Skopos” ay hango sa Griyego na ang ibig sabihin ay “layon” o “hangad” at siyang ipinakilala ni Hans Vermeer noong dekada 1970.  Ang teoryang Skopos naman, sa payak na pakahulugan, ay tumutukoy sa “layon ng pagsasalin.” Ang TT ay nakasalalay sa layunin ng pagsasalin at kung ano ang papel nito sa lipunan. Isinasaalang-alang ng teorya ang kultura na tatanggap ng salin, at ang kakayahan ng salin na maunawaan ng mga tao na magbabasa nito. Ngunit kung ang Skopos ay matapat sa tekstong paghahanguan ng salin, ang panig ng Aklatang Bayan ay higit na nakatuon sa magiging anyo ng salin kaysa orihinal. Hindi kataka-taka na noong bungad ng siglo 20, ang pangalan ng tunay na awtor ay nasa dulo ng teksto ng salin, samantalang ang pangalan ng tagasalin ay nakasaad sa pangunang pahina. Mariing pinuna ito ni San Agustin, na nagmungkahing ang pangalan ng orihinal na awtor at tagasalin ay dapat nasa pahinang pampamagat o pabalat ng aklat, at malaki nang kaunti ang pangalan ng orihinal na awtor kaysa sa pangalan ng tagasalin.

Maláy kahit paano ang Aklatang Bayan at iba pang organisasyong pampanitikang Tagalog sa bagsik ng pananakop ng dayuhan sa Filipinas. Kaya ang maituturing na tindig nito hinggil sa pagtatanggol ng anumang kaakuhan sa prosa man o tula o dula ay kaugnay ng pakikibaka laban sa pananakop ng dayuhan at pagtatanghal ng sariling identidad. Nang mabuwag ang gaya ng Aklatang Bayan, PAKSA, at GAT, nabalam panandali ang masigasig na pagsasalin ng mga akda. Ang hamon ngayon sa panahong ito ay ibalik ang gayong sigasig, ngunit maaaring sa antas na ng mga pamahalaang lokal na kinapapalooban ng mga organisasyong pampanitikang maaaring makakuha ng taunang badyet na mailalaan ng pambansang pamahalaan alinsunod sa itinatakda ng pagbubuo ng sangay ng sining sa buong kapuluan.

Mga Halimbawang Teksto
Ang dekada 1990 ang maituturing na bagong yugto ng pagsasalin sa Filipinas, bagaman noong 1988 ay nagsimula na ang mga Ilokano sa pagbubuo ng sariling antolohiya ng mga kuwentong pinamagatang Kurditan na inedit nina Reynaldo A. Duque, Jose A. Bragado, at Hermilinda T. Lingbaoan.  Ito ay kung isasaalang-alang ang paglitaw ng mga tekstong isinasalin mula sa rehiyon, gaya ng Siday, Mga Tulang Bayan ng Panay at Negros (1997) ni Corazon Villareal;  at Tula at Kuwento ng Katutubong Bukidnon (1996) ni Carmen C. Unabia at Victorino Saway; Kudaman: Isang Epikong Inawit ni Usuy (1992) nina Edgar B. Maranan at Nicole Revel-Macdonald; Mga Panulaang Cebuano ni Don Pagusara (1993); Panulaan at Dulaang Leytenon-Samarnon (1994) ni Jaime Biron Polo. Ipapanukala rin kahit ang lente ng pagbasa sa mga akda, gaya ng matutunghayan sa Translating the Sugilanon, Re-framing the Sign (1994) ni Villareal. Matutuklasan muli ang Silang Nagigising sa Madaling-Araw (1997) na salin ni Duque sa nobelang Iluko ni Constante Casabar na nagbunyag ng madilim na politika ng karahasan sa Ilokos noong dekada 1950. Ang maganda sa teksto’y may orihinal na Iluko at may salin sa Filipino na bihirang mangyari lalo sa pagpapalimbag ng mga nobela. Lumabas din ang Patubas (1998) na antolohiya ng panitikang mula sa Kanlurang Visayas at siyang inedit ni Leoncio Deriada. Samantala, may ilang nobela at kuwentong isinalin sa banyagang wika, gaya ng Canal dela Reina ni Liwayway A. Arceo na isinalin sa Nihonggo.

Masasabing kakarampot pa rin ang mga saling ito kompara sa masigasig na pagsasalin ng mga akdang banyaga. Mahaba ang listahan ng mga salin ng mga tekstong mula sa ibayong-dagat, at hahayaan ko na lamang kayong saliksikin yaon sa mga aklatan. Nagbigay ng mabuting halimbawa ang mga salin kung paano payayabungin ang mga wika sa Filipinas, habang itinataguyod ang Filipino bilang wikang pambansa.

Mga Mungkahi
Ang proyekto ng pagsasalin ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar. Sa ganitong paraan, ang pagsasalin ay dapat tingnan na hindi dapat isahan ang agos, gaya ng mulang banyagang teksto tungong Filipino o lalawiganing wika. Ang pagsasalin ay maaaring maganap nang pabaligtad, na inuuna muna ang matitinong produksiyon ng mga panitikan sa rehiyon at nilalapatan agad ng salin para sa kapakinabangan ng buong Filipinas. Ngunit mahirap itong gawin. Kailangan muna ang pagtuklas at paghubog sa bagong hanay ng mga kritiko, istoryador, dalubwika, at teoriko na pawang makatutulong sa dokumentasyon at pagpapaliwanag sa daigdig ng mga akdang mula sa rehiyon. Kailangan ang produksiyon ng mga akdang pampanitikan ngunit hinihingi rin ang pagbubuo ng mga diksiyonaryo, tesawro, bokabularyo, at kaugnay na akda para makaagapay sa anumang proyekto ng pagsasalin.

Noong bungad ng siglo 20, ang proyekto ng pagsasalin ay masasabing bara-bara, dahil hindi lahat ng isinalin ay masasabing klasiko ang datíng. Ang ilang lumabas na salin, halimbawa, sa magasing Mabuhay na inedit noong 1940 ni Amado V. Hernandez ay nahahaluan ng mga tekstong komersiyal na mula sa mga nobela at kuwentong romansang Amerikano, at ang iba ay maituturing na basura sa ngayon. Sa panahon ngayon, ang anumang proyekto ng pagsasalin ay dapat nakapaloob sa pangkat na may magpapayo kung ano ang karapat-dapat isalin at kung ano ang dapat ibasura na lamang. Hindi na puwede ngayon ang basta pagpili ng tekstong madaling isalin, at presto, iyon na ang uunahin. Kailangang tinatalakay ang mga tekstong isasalin, at pinag-uusapan ang posibleng maging datíng nito sa iba’t ibang lalawigan o katutubong kultura. Upang magawa ito, iminumungkahi ang pagbubuo ng malig ng mga lalawiganing panitikan.

Makatutulong, sa aking palagay, kung ang pagsasalin ay uunahin muna sa Filipino kaysa Ingles o banyagang wika. Ang tekstong mula sa mga lalawiganing wika ay higit na matalik pa rin sa Filipino kaysa Ingles dahil magkaiba ang polong pinagmumulan ng naturang mga wika. Makatutulong din kung ang mahuhusay na tekstong nasusulat sa Filipino o iba pang wika ay isasalin sa mga wika sa rehiyon, nang sa gayon, lumulusog ang Pinagmulang Wika at ang Target na Wika. Ang ganitong salimbayang agos ng pagsasalin ay makatutulong din sa pagbubuo ng mga teksbuk, at siyang hinihingi ng bagong kurikulum na itinakda ng Departamento ng Edukasyon (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED).

Kinakailangang humanda rin ang mga tagasalin sa rehiyon na mag-aral at magpadalubhasa sa impormasyong teknolohiya. Ito ay dahil kung kulang man ang mga publikasyong handang maglimbag ng mga salin, maaaring magamit ang gaya ng blog at websayt para paglathalaan ng mga salin. Ang mga blog at websayt na ito ay maaaring pagkakitaan pagkaraan ng mga tagasalin, na makatutulong hindi lamang sa pagsusulong ng iba pang proyekto kundi sa pangangailangang pananalapi ng mga tagasalin. Maraming uhaw na uhaw sa impormasyong mula sa Filipinas, lalo sa usapin ng kultura at panitikan, at ang pagsasalin ay isang paraan para tighawin ang gayong uhaw sa kaalaman.

Ang kahusayan sa pagsasalin ay hindi nagaganap nang kisapmata. Nangangailangan ng panahon sa pagsasanay at pag-aaral, at maaaring matugunan ito ng gaya ng Lupon ng Pagsasalin ng NCCA at iba pang organisasyong nagsusulong ng pagsasalin sa mga wika sa Filipinas. Ang pagsasanay sa pagsasalin ay maaaring daanin muna sa gaya ng mga blog, at kapag naipon ang mga ito ay maaaring kinisin o paunlarin. Iminumungkahi ang patuloy na pagsasalin ng kung ano-anong bagay, mula sa mga simpleng panuto hanggang masasalimuot na teksto. Ang kinakailangan lamang ay magsimula, at ituloy ang anumang nasimulan ng iba pang tagasalin o manunulat.

Ang ginawang halimbawa ng AdMU Press, UP Press, at DLSU Press para sa programadong pagpapalathala ng mga salin, halaw, lumang teksto, at iba pa ay maaaring isaalang-alang din ng kapulungan ng mga tagasalin. Kinakailangang hikayatin ang mga publikasyon na magtaya ng pondo para sa mga proyektong ito. Napakaraming teksto ang inaaagiw sa mga silid-aklatan ngunit napakahirap ng akses para mabasa iyon. Upang malutas ito, maaaring ilathala muli ang mga lumang teksto at bigyan ng masusing introduksiyon at kritika gaya ng ginagawa ng AdMU Press.

Hindi pangwakas ang mga mungkahi at obserbasyon na inilatag sa papel na ito. Ngunit hindi ninyo ikamamatay kung isasaalang-alang ang aking mga punto sa pagbubuo ng inyong mga programa at proyekto.

(Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa Pambansang Palihan sa Pagsasaling Pampanitikan na ginanap noong 22–24 Hulyo 2009 sa Development Academy of the Philippines, Lungsod Tagaytay at siyang pinangasiwaan ng Pambansang Komite sa Wika at Salin, Pambansang Komisyon para sa Kultura at Mga Sining (NCCA) at Sentro ng Wikang Filipino, UP Diliman. )

Mga Tala


[1] Kabilang sa binanggit ni Pigafetta ang mga salitang panumbas sa “lalaki,” “babae,” “buho,” “pilak,” “kilay,” “ilong,” “ngipin,” “kuko,” “siko,” “uten,” “bayag,” “tuhod,” “bulbol,” “benawa,” “balangay,” at ang mga tambilang mulang isa hanggang sampu na pawang umiiral magpahangga ngayon.

[2] Tumutukoy ang “disambiguation” sa pagpapaliwanag para pawiin ang kalabuan na hadlang sa pag-unawa; o kaya’y sa gramatiko o semantikong interpretasyon ng mga salita, ayon sa mga pakahulugang matatagpuan sa mga diksiyonaryong online. Samantala, ang Word Sense Disambiguation (WSD), ayon kay Ronald Winnemoller, ay tumutukoy sa pagpili ng pahiwatig o pakahulugan mula sa isang tiyak na pangkat nito, alinsunod sa “kalkuladong” pagpapakahulugan ng isang salita sa loob ng maikling bahagi na hinango sa malawak na korpus. Ginagamit ang WSD sa pagsasaling de-makina, sa semantikong paghahanap sa web, awtomatikong paglalagom, at iba pa. Basahin ang kaniyang papel na pinamagatang “Using Meaning Aspects for Word Sense Disambiguation” na inilathala sa http://www.cicling.org/2008/LF-1-2008-1st-Pages/06%20-%20Using%20Meaning%20Aspects.pdf na hinango noong 22 Hulyo 2009.

[3] Mula sa antolohiyang binuo ni Teodoro A. Agoncillo na hindi pa nalalathala sa ngayon. Nalathala noong 21 Marso 1911 sa Renacimiento Filipino.

[4] Basahin ang introduksiyon ni Roberto T. Añonuevo sa salin ng nobelang La Hija del Cardenal ni Felix Guzzoni (Ang Anak ng Kardenal) ni Gerardo Chanco na inilathala ng Ateneo de Manila University Press noong 2007.

Ang Manggagawa bilang Bayani sa katha ni Juan L. Arsciwals

Pagtataksil sa simulain ng kilusang manggagawa ang umaalingawngaw sa mala-nobelang kathang Isa pang Bayani. . . (1915) ni Juan L. Arsciwals. Ngunit huwag akalaing hanggang doon lamang ang saklaw ng katha. Nakapahiyas nang pailalim sa obra ni Arsciwals ang sosyalistang pananaw sa pinakapayak nitong anyo, at humuhula ng napipintong himagsikang pumapabor sa uring manggagawa.

Ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola, kaya umangal ang mga manggagawa sa pabrika ng tabako. (Tumutukoy ang “vitola” sa uri ng anyo ng tabako o sigaro, na maihahalimbawa ang robusto at corona.) Nagpulong ang unyon hinggil sa marapat nilang maging tugon, at napagkaisahang makipagnegosasyon sa pangasiwaan. Nagmatigas ang mga namumuhunan, kaya nagkaisa pagkaraan ang mga manggagawa na magwelga sa pamumuno nina Gervacio, Mauro, at Pablo.

Nangamba ang mga namumuhunan sa magiging epekto ng pag-aaklas, at kinausap nito nang palihim si Pablo para bumaligtad kapalit ng pabuyang salapi. Pumayag naman si Pablo dahil sa hirap ng buhay, at naging tulay upang hikayatin din si Gervacio at ilang kasamang manggagawa. Nabiyak ang hanay ng unyon nang magkaisa sina Pablo at Gervacio, kasama ang ilang eskirol, na pumanig sa mga namumuhunan. Ngunit nabigo ang dalawa na himukin si si Mauro. Nanindigan si Mauro at pinanatili ang dangal.

Isang araw, nasalubong ni Mauro ang mga manggagawang bumaligtad, na ang iba’y nasiraan ng loob sa ipinaglalaban. Ipinaliwanag ni Mauro ang posisyon at ibinunyag ang pagbaliktad ng mga kasama sa simulain, subalit sumalungat sina Gervacio at Pablo. Nagkaasaran, at tinangkang saksakin ni Gervacio si Mauro. Tinamaan sa bisig si Mauro ngunit naibalik ang saksak sa katunggali. Si Pablo naman ay sinaksak din ng isang di-kilalang tao.

Nagkaroon ng labo-labo, at dumating ang mga pulis at dinampot si Mauro. Isinakdal at pagkaraan ay nahatulan ng hukuman si Mauro na makulong nang siyam na buwan at isang araw. Nagpatuloy ang bulok na sistema sa pagawaan ng tabako, at lalong ibinaba ng mga namumuhunan ang upa sa paggawa ng vitola. Ipinagbawal ang pagbubuo ng unyon sa pabrika, at waring pahiwatig iyon sa katumpakan ng ipinaglalaban ni Mauro.

Ipinamalas sa kathang ito ang lunggating sosyalismo para sa mga Filipinong manggagawa. Sa pananaw na ito, ang mga kumakayod sa trabaho ay dapat pantay-pantay na magkamit ng karampatang salapi at benepisyo alinsunod sa bunga ng kanilang kolektibong pagpapagal. Mahihiwatigan ito sa pukol ng pananalita ni Mauro, nang kausapin niya ang mga manggagawa:

Karapatan natin sa haráp ng sino man, na ang pagpapagod at pawis na pinupuhunan natin ay tumbasán ng sapát na kaupahán; at ang karapatang itó, kailan ma’t ibig na bawasan, ay matwid naman natin ang tumutol hanggang maaari at ipagtanggol hangga’t maaabót ng kaya . . . sukdang ikamatay.

Ang ganitong tindig ni Mauro ay taliwas sa posisyon ng mga namumuhunan, na walang iniisip kundi magkamal ng tubo. Imbes na pakinggan ang mga manggagawa ay uuyamin at pagtatawanan pa, at sa di-iilang pagkakataon ay lolokohin at susuhulan upang mapanatili ang kapangyarihan, yaman, at kalakaran sa lipunan.

Ipinahihiwatig din sa katha kung paano natitiwalag ang manggagawa sa kaniyang ginagawa—na nagbubunga ng higit na kahirapan, kamangmangan, at kawalang-katarungan. Ang pagkatiwalag ng manggagawa sa dalisay na kalooban ay may kaugnayan sa proseso ng kaniyang trabaho sa tabakeriya. Nagiging bagay ang trabaho na lumalayo sa tao, at ang bagay na ito ang siyang kinakasangkapan ng mga namumuhunan upang manatiling busabos ang mga anakpawis.

Sa pananaw ng mga negosyante, ang mahalaga ay kumita ng salapi kahit ang kapalit ay pagkabusabos ng mga manggagawa. Gagawin nila ang lahat, gaya ng panunuhol, upang makapangalap ng mga eskirol at pabaligtarin ang posisyon ng mga pinuno ng unyon. At sa oras na magwagi sila ay ibabalik ang dating sistema, sisipain ang mga sungayang kawani, ibababâ ang sahod ng mga obrero, at bubuo ng mga patakarang kontra-manggagawa, gaya ng pagbabawal sa pagtatayo ng unyon.

Kung sisipatin naman sa Marxistang pananaw, natitiwalag ang mga tabakero sa kani-kaniyang sarili dahil ang trabaho nila sa pabrika ay nagkakait sa kanila ng pamumuhay na makatao, samantalang bumabansot sa kanilang isip, loob, at pangarap na tamuhin ang maalwang búkas. Mawawakasan lamang ang ganitong pagkatiwalag kung magkakaisa ang mga obrero na labanan ang mga namumuhunan sa pamamagitan ng kolektibong protesta at pag-aaklas. Kailangang mabawi nila ang kapangyarihan, at magaganap lamang ito sa takdang panahong ganap na maláy na ang mga manggagawa.

Ang paggawa ang tanging may halaga, kung paniniwalaan si Marx. Hindi umano kumakatawan ang puhunan sa pinagsanib na puwersa ng lakas-paggawa. Umiiral lamang ang puhunan dahil sa mabalasik na pangangamkam, gaya ng matutunghayan sa karanasan ng mga tabakerong kabilang sa unyon. Ang pagtutol ng mga namumuhunan na bigyan ng sapat na sahod at karapatan ang mga manggagawa ang magtutulak at magbibigay-katwiran sa mga manggagawang gaya ni Mauro na maghasik ng paghihimagsik, na ang isang manipestasyon ay marubdob na welga o pag-aaklas. Ang ganitong pangyayari ay “hindi mapipigilang lumitaw sa angkop na panahon ng kasaysayan.”

Ngunit mabibigo si Mauro.

Mabibigo si Mauro at ang unyong manggagawa dahil hindi pa hinog ang panahon, ayon na rin sa pagwawakas ng salaysay na isinakataga ni Serafina, ang esposa ni Mauro. Hindi pa ganap na nahuhubog ang kamalayan ng mga manggagawa tungo sa progresibong pagkilos, at maaaring mangailangan “ng maraming kristo” para sa kapakanan ng uring manggagawa. Ano ang ibig sabihin nito? Ang pagiging manunubos ay hindi dapat iatas lamang sa balikat ng isang tao, bagkus sa lahat ng mamamayan. Ang kabayanihan ay dapat taglayin ng kolektibong puwersa ng mga manggagawa upang makamit nito ang pinapangarap na pangmalawakang himagsikan, na magbubunga ng bagong lipunan at makapagpapanumbalik sa nawalang pagkatao ng gaya ni Mauro.

Sanggunian:

Arsciwals, Juan L. Isa pang Bayani… Tondo, Maynila: Imprenta y Libreria ni P. Sayo Vda. de Soriano, 1915.

Ang Mananayaw

Lingid sa kaalaman ng marami, ang salitang “búgaw” na katumbas ng “pimp” sa Ingles ay isang matandang salita sa Tagalog. Karaniwang ginagamit ito bilang panukoy sa pagtataboy ng mga ibon o hayop o tao palayo sa isang pook na pinagkukulumpunan nito. Sa pabalbal na paraan, ang “bugaw” ay hindi nagiging tagapagtaboy, bagkus mistulang tagapamagitan sa dalawa o mahigit pang tao upang magkaniig sila. Mahihinuha sa ganitong aksiyon na ang pagbubugaw ay patalinghagang paraan ng “pagbubulid sa kasamaan” at ang tao na ibinubugaw ay nalilihis ng landas tungo sa “pugad ng kaginhawahan” na sumasagisag sa pamilya.

Mahalaga ang ginagampanang papel ng bugaw dahil ito ang humahanap ng kostumer para sa sinumang puta, anuman ang kasarian nito. Bugaw din ang nagsasara ng transaksiyon sa panig ng kostumer at puta, at kumakatawan sa puta sa pakikipagnegosasyon hinggil sa upa sa serbisyong seksuwal. Ngunit bugaw din ang malimit gumagatas sa kapuwa parokyano at puta, kaya ang naging taguri sa kaniya noon sa Tagalog ay “linta” na hindi lamang sumisipsip ng dugo bagkus sumisigid pa hanggang buto at loob.

"Mananayaw" (2007), bronse, eskultura ni Raul Funilas.

"Mananayaw" (2007), bronse, eskultura ni Raul Funilas.

Matutunghayan ang konsepto ng “bugaw,” “puta,” “linta,” “baylarina,” at “kalapati” sa mala-nobelang Ang Mananayaw (1910) ni Rosauro Almario. Ang nasabing katha ay itinuturing na panganay na proyekto ng Aklatang Bayan na noon ay pinakamalaking samahan ng mga manunulat na Tagalog, at suportado nina Faustino Aguilar at Carlos Ronquillo. Maituturing na proyektong eksperimental tungo sa nobela ang katha ni Almario, at ito ay may kaugnayan sa paglilinang ng mga uri ng prosa, habang sinisikap na payabungin ang Tagalog bilang isa sa mga wika ng panitikan ng madla. Ani awtor sa pambungad ng aklat:

Sa gitnâ ng masinsíng úlap na sa kasalukuya’y bumábalot sa maunós na langit ng Lahíng Tagalog, ang Aklatang Bayan ay lumabás.

Layon? Iisáng-iisá: makipamuhay, ibig sabihi’y makilaban pagkât ang pakikipamuhay ay isáng ganáp na pakikitunggalí, isáng lubós at walâng humpáy na pakikibaka.

At makikibaka kamí laban sa masasamâng hilig, mga ugali’t paniwalà, magíng tungkól sa polítika, magíng sa relihiyón at gayón sa karaniwang pamumúhay; yamang ang mga bagay na itó’y siyáng mga haliging dapat kásaligan ng alín mang bayan: tatlóng lakás na siyáng bumúbuó ng káluluwá ng alín mang lahì. (Binago ang ortograpiya para madaling maunawaan ng modernong mambabasa.)

Payak lamang ang istorya ng Ang Mananayaw. Ipinakilala sa simula ng salaysay ang tatlong tauhang sina Pati, Sawi, at Tamad. Si Pati ay isang marikit na mananayaw sa salon, si Sawi ay estudyanteng mayaman ngunit muslak na mula sa lalawigan, at si Tamad ay lumaking ulila at hampas-lupa hanggang maging batikang bugaw ng mga mananayaw o puta. Nagkutsaba sina Pati at Tamad kung paano mabibihag si Sawi, at mahuhuthutan ng salapi. Naging tulay si Tamad upang mapalapit si Sawi kay Pati, at si Pati naman ay ginamit ang sining ng pang-aakit at panlilinlang upang mahulog ang loob ng kabataan. Nalibugan si Sawi sa kagandahan ni Pati, hanggang makipagtalik nang paulit-ulit subalit ang kapalit ay salapi. Naubos ang yaman ng kabataan, naisanla kung hindi man ipinagbili ang mga gamit, nalubog sa utang, itinakwil ng mga magulang, hanggang layuan ng matatalik na kaibigan. Huli na nang matuklasan ni Sawi ang pakana nina Pati at Tamad, at kung hindi pa nahuli niya sa aktong nagtatalik ang dalawa ay baka tuluyang masiraan ng bait si Sawi. Halos patayin sa sakal ni Sawi sina Pati at Tamad, at sa labis na poot ay sinurot ang babae. Subalit matalinghaga ang sagot ni Pati, at ito ang magpapabago ng timbangan ng halagahan sa lipunan:

At lalò pang nag-alab ang kanyáng damdamin, lalò pang nag-ulol ang kanyáng poót; kayâ’t sa isáng pag-lalahò ng isip ay minsáng dinaklót si Pati sa kanyáng gulóng-gulóng buhók, at ang tanóng dito sa buháy na tinig:

“Walâ kang sala, ang sabi mo?”

“Walâ, walâng walâ.”

“At bakit, bakit walâ kang kasalanan sa aking pagkakapàlungi?”

Si Pati, sa ganitóng tanóng, ay kimî at hálos pabulóng na sumagót. “Pagkât alám mo nang akó’y MÁNANAYAW….” (Binago ang ortograpiya para madaling maunawaan ng modernong mambabasa.)

Ang tindig ni Pati, na pinaikling “kalapating mababa ang lipad,” ay gumaganti ng sampal sa kabataang si Sawi. Para kay Pati, batid ni Sawi ang propesyon niya bilang mananayaw; at bilang mananayaw ay maaasahan ang pagbibili ng aliw o katawan katumbas ng salapi. Iba ang pagpapahalaga ng dalaga sa “puri” na noon ay ikinakabit sa “virginity” at “honor.” Samantala, napakamuslak [naive] ni Sawi at ang gayong katangian ay maaaring sanhi ng malayaw na pamumuhay na ipinatamasa sa kaniya ng kaniyang mayayamang magulang. Para kay Sawi, ang “puri” ay napakahalaga sa babae, at ito ang ilalaban nang patayan ng lalaki sa oras na siya’y pagtangkaang lapastanganin o gahasain.

Ang sinaunang pananaw ni Sawi hinggil sa puri ang magpapabigat din sa kaniya sa dulo ng salaysay. Mawawalan ng puri si Sawi dahil sa labis na pagkakalulong sa sex, sayawan, alak, at layaw. Ang pagkapalungi ni Sawi ang simula ng pagkakatuklas muli ng karunungan, bagaman maaaring huli na ang lahat. Walang makaaalam kung ano ang sasapitin niya sa buhay, at maipapahiwatig lamang ng kaniyang labis na pagkapoot at pagkasuklam sa babaeng dati niyang minamahal ang madiling na wakas.

Mahalagang papel din ang ginampanan ni Tamad, dahil ang kaniyang kasamaan ay magpapamalas ng mga baluktot na pagpapasiya ni Sawi. Gaano man kasamâ si Tamad, ito ay dahil wala siyang magulang, anak, kapatid, kamag-anak, at nahubog ang kaniyang pagkatao sa mga pook na gaya ng bilyaran, sabungan, pangginggihan, bahay-sayawan, at iba pang aliwan. Ang pagsandig ni Tamad sa salapi ay pailalim na pagsurot sa balighong lipunan, na salát sa pagtulong sa mga nangangailangan. Ang paggatas ni Tamad kay Sawi ay masisipat kung gayon na isang paraan ng pagbawi ng yaman o dangal, bagaman yaon ay maituturing na marumi o sungayan.

May babala ang kathang “Ang Mananayaw” ni Rosauro Almario para sa mga kabataan. At ito ay ang pag-iingat na mabitag sa pain ng mga bugaw at puta, at ang pagpapahalaga sa pagkakamit ng edukasyon. Ang edukasyon ni Sawi ay pambihirang edukasyon mula sa unibersidad ng lansangan—na ang mga propesor ay puta at bugaw. Kailangan ni Sawi ang matinding pagbabago ng katauhan upang maibalik ang kaniyang nadungisang dangal, na magsisimula sa pagtalikod sa layaw na ipinalasap nina Pati at Tamad o ng mayayamang magulang, at pagharap sa pagbabanat ng buto, gaya ng isinasaad ng Katipunan nina Emilio Jacinto at Andres Bonifacio.

Sanggunian:

Almario, Rosauro. Ang Mananayaw.  Santa Cruz, Maynila: Limbagan at Litograpía ni Juan Fajardo, 1910.

Si Juan Masili at ang Anyo ng Mala-Nobelang Tagalog

Mula sa Palawan, kuha ni Beth Añonuevo.

Mula sa Palawan, kuha ni Beth Añonuevo.

Mahabang kuwentong matataguriang mala-nobela ang akdang Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan (1906, Luzonica Libreria) ni Patricio Mariano. Masasabi ito kung ang gagamiting pamantayan ay ang mahabang tradisyon ng pagsulat ng nobela sa Ewropa. Mura pa ang edad ng pagsulat ng nobela sa Tagalog noong bungad ng siglo 20, at ang mga manunulat ay nasa yugto ng pangangapa. Ang totoo’y malabo pa noon ang pagkilala sa nobela bilang isang uri ng prosa, kaya ang ibang akdang tinatakang nobelang Tagalog ay nasa anyong patula na mahihinuhang naanggihan ng impluwensiya ng awit at korido.

Isa sa mga katangian ng mala-nobelang Tagalog ay ang paggagad sa kasaysayan, bagaman ang kasaysayang ito ay maaaring pinanghihimasukan ng guniguni. Sa paggagad sa kasaysayan, ang mga tauhan ay nailalarawan nang tila kontemporaneo sa isang takdang panahon, at ang awtor ay kalahok sa pagsasalaysay upang ang komunikasyon ay maging matalik pagsapit sa mga mambabasa. Ang ganitong teknik ay pagtataasan ng kilay sa Ewropa o Estados Unidos, ngunit noon ay mahalaga ito sa Filipinas dahil ang awtor at ang mga mambabasa ay waring nag-uusap lamang sa pantay na paraan. Napapalapit sa mga mambabasa ang akda dahil ang pagsasalaysay ay waring lumilingon sa paglalahad ng mga epikong bayan at sinaunang dula, upang lumitaw na maging kapani-paniwala. Samantala, ang sinasabing kasaysayan dito ay higit na makiling sa kasaysayang pabigkas (na gaya ng epikong bayan) kaysa kasaysayang pasulat (na gaya ng kronika). Nailalantad ng gayong kasaysayan ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang personalidad, at ang tao na ito ay maaaring wala sa poder ng pamahalaan bagkus nasa hanay ng mga karaniwang mamamayan.

Maaaring hango sa mga balita o maalamat na pakikipagsapalaran ang buhay ng pangunahing bida, at ang bidang ito ay lilihis sa nakagawiang katangian ng hari at reyna o prinsipe at prinsesa sa kung saang kaharian. Ang bida ay karaniwang tao na nasusugatan at nasasaktan, at kung may kapangyarihan man siya ay maaaring sanhi ng pangyayaring napasapi siya sa isang kilusan o pangkat na magbibigay ng lakas sa kaniya upang gampanan ang mabigat na tungkulin. Ang banghay ng salaysay ay maaaring dumako sa tunggalian ng mga uri, lahi, kasarian, at paniniwala ngunit hindi magiging sentro ang tunggalian bagkus ang paghuhunos ng kalooban ng mga tauhan. Ang ganitong tunggalian ay nagtatangkang isiwalat ang kasamaang dulot ng pagbabalatkayo, at ang wakas ng salaysay ay nagsasaad ng resolusyon hinggil sa maaaring maging tadhana ng mga magkatunggaling panig.

Maihahalimbawa ang Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan ni Mariano. Sa akdang ito, isiniwalat ang buhay ng tulisang nagkukubli sa pangalang “Juan Masili” na kilabot noon sa bayan ng Morong (na ngayon ay kabilang sa lalawigan ng Rizal). Binuksan ang salaysay sa paglalarawan kay Juan Masili na lumunsad sa kabayo at sinalubong ng bati ni Pating. Nag-usap ang dalawa hinggil sa kanilang bihag, at sinabihan ni Juan Masili ang kasama na ingatan ang kanilang bihag. Napadako ang usapan hinggil sa masaklap na buhay ni Juan Masili at ikinuwento niya kung bakit siya napalulong sa buhay na maligalig.

Mula sa dukhang pamilya si Juan Masili, at noong dose anyos siya ay ginahasa ang kaniyang inang si Mencia na nagsadya kay Kapitan Tiago. Nagkasakit si Pitong na ama ni Juan at inutusan ang kaniyang esposa na kunin ang bayad sa utang na dalawampung kabang palay kay Kapitan Tiago. Ngunit imbes na magbayad ay niyurakan pa ang dangal ng babae. Umuwing sugatan si Mencia, at matapos magsumbong kay Pitong ay namatay. Nagngitngit ang ama ni Juan at tinangkang itakin ang salarin, ngunit nahuli at siya pa ang ipinakulong at pinahirapan. Nakita ni Juan Masili ang lugaming katawan ng ama, dahil ikinalaboso din ang naturang bata dahil sa paratang na anak siya ng mga manloloob.

Nakalaya lamang si Juan Masili makaraang tumanggap ng ilang latay mula sa mga guwardiya sibil at ilibing ang kaniyang ama. Lalayas na sana siya sa kung saan nang makilala niya ang tao na nagpalibing sa kaniyang ina. Inampon si Juan Masili at pinag-aral kasama ang anak ng mayaman doon sa kolehiyo ng San Juan de Letran. Lilipas pa ang pitong taon at magbabago ng anyo si Juan Masili hanggang makatagpo niya sa isang pagtitipon ang mag-amang Kapitang Tiago. Naungkat ang nakaraan at matapos ang mainit na pagtatalo ay tinaga ng sundang ni Juan ang mag-ama. Tumakas si Juan Masili tungo sa Novaliches at di-naglaon ay sumapi sa mga tulisan. Naging pinuno ng tulisan si Juan Masili nang yumao si Kapitan Tankad.

Hindi karaniwang tulisan si Juan Masili dahil mangulimbat man siya ng yaman mula sa mga masalapi ay ipinamamahagi yaon sa mga dukha. Ngunit higit pa rito, binibihag niya ang mga babaeng sapilitang ipinakakasal ng kanilang mga magulang sa kung sino-sinong lalaking maykaya. Ngunit hindi pinagsasamantalahan ang mga babae bagkus ay pinalalaya pa mula sa kaayusang patriyakal ng lipunan. Ginagawa umano ito ni Juan Masili upang ipadama sa mayayaman ang kanilang pagkakamali at nang ganap na masindak:

“Ay …matanda kong Pating! Nalalaman mo baga kung bakit ako nambibihag ng mga binibining anak ng mayayaman? Upang malasap ng mayayamang iyan ang pait ng magdamdam nang dahil sa kapurihan. Lahat ng makaalam ng pagkabihag sa isang binibini’y magsasapantaha na hindi na dapat asahang mauuwi na taglay ang linis na dating kipkip, kahit tunay na alam mong kung sakali’t may dalagang nagluwat nang apat na araw sa ating yungib ay hindi dahil sa ating pinipiit o dahil sa ikinahihiya niya ang mabalik sa sariling tahanan, sapagkat wala na ang kaniyang kalinisan, kundi dahil sa talagang nasa lamang ng may katawan ang lumagi pa nang isang araw sa ating tahanan.” (Binago ang ortograpiya para sa modernong mambabasa.)

Pinakasukdulan ng salaysay ang pagdakip kay Benita na napipintong ikasal kay Kapitan Ape. Hindi mahal ni Benita si Kapitan Ape, bagkus si Enrique. Sinunog ng mga tulisan ang bahay ng kapitan, itinakas si Benita, dinala sa yungib ng San Mateo, at doon niya natagpuan si Enrique na bihag rin. Kapuwa wala nang pag-asang magkakabalikan pa ang magkasintahan, kung hindi dahil kay Juan Masili. Iyon pala’y si Enrique ang anak ng mayamang umampon kay Juan Masili noon at naging matalik niyang kaibigan. Lumipas ang dalawang buwan at ikinasal ang magkasintahan, at naging ninong pa si Pedro Gatmaitan na tunay na pangalan ni Juan Masili.

Masasabing dramatiko ang daloy ng kuwento dahil ang magkasintahang Benita at Enrique ay kapuwa walang lakas na lutasin ang kanilang kapalaran hinggil sa sapilitang pagpapakasal na utos ng magulang. Si Juan Masili ang puwersang wala sa kumbensiyonal na ekwasyon, at ang pagpapakilala sa kaniya ay pagpapahiwatig ng pagtatakwil sa sinaunang kaugaliang pagpapakasal na nagsasaalang-alang lamang sa antas ng kabuhayan imbes na sa tunay na itinitibok ng kalooban. Ang imahen ni Juan Masili bilang tulisan ay taliwas sa itinatakda ng maykaya at makapangyarihan, at ang panunulisan ay higit sa pangungulimbat ng salapi at pamimihag ng babae, bagkus umuugnay sa pagpapakalat ng yaman at pagpapanumbalik ng puri o dangal ng babae.

Mahalaga ang puri ng babae sa akda ni Mariano. Ang puri ay mahihinuhang lumilingon sa konsepto ng puri ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, at ang babae ay nakakargahan ng iba pang pahiwatig gaya ng Inang Bayan. Ang pagdakip sa babae mula sa mga kamay ng tiwaling maykaya’t makapangyarihan ay mahihiwatigang simula ng pag-angkin muli ng pag-asa at ginhawa sa panig ng kasintahang lalaki. Mahalaga ang “pag-asa” at “ginhawa” dahil ang mga ito ang sangkap upang ganap na makamit ang sukdulang pag-ibig na sumasaklaw sa buong lipunan, gaya ng pakahulugan nina Bonifacio at Jacinto. Ang kasintahang lalaki ay masisipat dito na sumasagisag sa mga anak ng bayan na nagmimithi ng kalayaan, at ang pag-ibig ng lalaki-babae ay hindi lamang nasa antas na pisikal bagkus ideolohiko at espiritwal.

Kapansin-pansin din ang wakas ng katha ni Mariano dahil si Juan Masili ay ibinunyag na si Pedro Gatmaitan na tanyag noong makata at awtor ng koleksiyong Tungkos ng Alaala (1913). Maaaring ang pagkasangkapan sa pangalan ni Pedro Gatmaitan ay isang paraan ng pagpapakilala kay Gatmaitan bilang makata at manunulat, ngunit masasabi ring malikhaing gawi iyon ng awtor dahil ang Pedro Gatmaitan na tinutukoy ay naglaho nang sumiklab ang digmaan sa Kabite noong 1892 ayon sa pagwawakas ng akda.

Magaan basahin ang katha ni Patricio Mariano tawagin man iyong “mala-nobela,” “nobeleta,” at “mahabang kuwento.” Wala sa taguri ang susi sa pag-unawa sa katha ni Mariano bagkus nasa pag-alam sa mga dalumat na isinaad sa salaysay mulang detalye sa kasaysayan hanggang pagpapangalan ng tauhan hanggang gusot at kalutasan ng mga pangyayari. Ang mga makasaysayang pook gaya ng Morong, Yungib Pamitinan, at Novaliches ay nagkakaroon ng ibang gulugod kapag pinanghimasukan ng guniguni, gayundin sa pagpapakilala sa mga tauhang gaya ni Juan Masili, Kapitan Tiago, Benita, Enrique, at Pating. Samantala, ang awtor bilang tagapagsalaysay ay gumaganap ng papel bilang tagapamagitan mulang akda tungong mga mambabasa at siyang nagpapakilala sa konsepto ng “tulisan,”  upang ang kathang-isip ay pumiglas at ganap na maging makatotohanan sa isip o puso ng madla.

Sanggunian:

Mariano, Patricio. Juan Masili o ang Pinuno ng Tulisan. Santa Cruz, Maynila: Luzonica Libreria, 1906.