Lingid sa kaalaman ng marami, ang salitang “búgaw” na katumbas ng “pimp” sa Ingles ay isang matandang salita sa Tagalog. Karaniwang ginagamit ito bilang panukoy sa pagtataboy ng mga ibon o hayop o tao palayo sa isang pook na pinagkukulumpunan nito. Sa pabalbal na paraan, ang “bugaw” ay hindi nagiging tagapagtaboy, bagkus mistulang tagapamagitan sa dalawa o mahigit pang tao upang magkaniig sila. Mahihinuha sa ganitong aksiyon na ang pagbubugaw ay patalinghagang paraan ng “pagbubulid sa kasamaan” at ang tao na ibinubugaw ay nalilihis ng landas tungo sa “pugad ng kaginhawahan” na sumasagisag sa pamilya.
Mahalaga ang ginagampanang papel ng bugaw dahil ito ang humahanap ng kostumer para sa sinumang puta, anuman ang kasarian nito. Bugaw din ang nagsasara ng transaksiyon sa panig ng kostumer at puta, at kumakatawan sa puta sa pakikipagnegosasyon hinggil sa upa sa serbisyong seksuwal. Ngunit bugaw din ang malimit gumagatas sa kapuwa parokyano at puta, kaya ang naging taguri sa kaniya noon sa Tagalog ay “linta” na hindi lamang sumisipsip ng dugo bagkus sumisigid pa hanggang buto at loob.
"Mananayaw" (2007), bronse, eskultura ni Raul Funilas.
Matutunghayan ang konsepto ng “bugaw,” “puta,” “linta,” “baylarina,” at “kalapati” sa mala-nobelang Ang Mananayaw (1910) ni Rosauro Almario. Ang nasabing katha ay itinuturing na panganay na proyekto ng Aklatang Bayan na noon ay pinakamalaking samahan ng mga manunulat na Tagalog, at suportado nina Faustino Aguilar at Carlos Ronquillo. Maituturing na proyektong eksperimental tungo sa nobela ang katha ni Almario, at ito ay may kaugnayan sa paglilinang ng mga uri ng prosa, habang sinisikap na payabungin ang Tagalog bilang isa sa mga wika ng panitikan ng madla. Ani awtor sa pambungad ng aklat:
Sa gitnâ ng masinsíng úlap na sa kasalukuya’y bumábalot sa maunós na langit ng Lahíng Tagalog, ang Aklatang Bayan ay lumabás.
Layon? Iisáng-iisá: makipamuhay, ibig sabihi’y makilaban pagkât ang pakikipamuhay ay isáng ganáp na pakikitunggalí, isáng lubós at walâng humpáy na pakikibaka.
At makikibaka kamí laban sa masasamâng hilig, mga ugali’t paniwalà, magíng tungkól sa polítika, magíng sa relihiyón at gayón sa karaniwang pamumúhay; yamang ang mga bagay na itó’y siyáng mga haliging dapat kásaligan ng alín mang bayan: tatlóng lakás na siyáng bumúbuó ng káluluwá ng alín mang lahì. (Binago ang ortograpiya para madaling maunawaan ng modernong mambabasa.)
Payak lamang ang istorya ng Ang Mananayaw. Ipinakilala sa simula ng salaysay ang tatlong tauhang sina Pati, Sawi, at Tamad. Si Pati ay isang marikit na mananayaw sa salon, si Sawi ay estudyanteng mayaman ngunit muslak na mula sa lalawigan, at si Tamad ay lumaking ulila at hampas-lupa hanggang maging batikang bugaw ng mga mananayaw o puta. Nagkutsaba sina Pati at Tamad kung paano mabibihag si Sawi, at mahuhuthutan ng salapi. Naging tulay si Tamad upang mapalapit si Sawi kay Pati, at si Pati naman ay ginamit ang sining ng pang-aakit at panlilinlang upang mahulog ang loob ng kabataan. Nalibugan si Sawi sa kagandahan ni Pati, hanggang makipagtalik nang paulit-ulit subalit ang kapalit ay salapi. Naubos ang yaman ng kabataan, naisanla kung hindi man ipinagbili ang mga gamit, nalubog sa utang, itinakwil ng mga magulang, hanggang layuan ng matatalik na kaibigan. Huli na nang matuklasan ni Sawi ang pakana nina Pati at Tamad, at kung hindi pa nahuli niya sa aktong nagtatalik ang dalawa ay baka tuluyang masiraan ng bait si Sawi. Halos patayin sa sakal ni Sawi sina Pati at Tamad, at sa labis na poot ay sinurot ang babae. Subalit matalinghaga ang sagot ni Pati, at ito ang magpapabago ng timbangan ng halagahan sa lipunan:
At lalò pang nag-alab ang kanyáng damdamin, lalò pang nag-ulol ang kanyáng poót; kayâ’t sa isáng pag-lalahò ng isip ay minsáng dinaklót si Pati sa kanyáng gulóng-gulóng buhók, at ang tanóng dito sa buháy na tinig:
“Walâ kang sala, ang sabi mo?”
“Walâ, walâng walâ.”
“At bakit, bakit walâ kang kasalanan sa aking pagkakapàlungi?”
Si Pati, sa ganitóng tanóng, ay kimî at hálos pabulóng na sumagót. “Pagkât alám mo nang akó’y MÁNANAYAW….” (Binago ang ortograpiya para madaling maunawaan ng modernong mambabasa.)
Ang tindig ni Pati, na pinaikling “kalapating mababa ang lipad,” ay gumaganti ng sampal sa kabataang si Sawi. Para kay Pati, batid ni Sawi ang propesyon niya bilang mananayaw; at bilang mananayaw ay maaasahan ang pagbibili ng aliw o katawan katumbas ng salapi. Iba ang pagpapahalaga ng dalaga sa “puri” na noon ay ikinakabit sa “virginity” at “honor.” Samantala, napakamuslak [naive] ni Sawi at ang gayong katangian ay maaaring sanhi ng malayaw na pamumuhay na ipinatamasa sa kaniya ng kaniyang mayayamang magulang. Para kay Sawi, ang “puri” ay napakahalaga sa babae, at ito ang ilalaban nang patayan ng lalaki sa oras na siya’y pagtangkaang lapastanganin o gahasain.
Ang sinaunang pananaw ni Sawi hinggil sa puri ang magpapabigat din sa kaniya sa dulo ng salaysay. Mawawalan ng puri si Sawi dahil sa labis na pagkakalulong sa sex, sayawan, alak, at layaw. Ang pagkapalungi ni Sawi ang simula ng pagkakatuklas muli ng karunungan, bagaman maaaring huli na ang lahat. Walang makaaalam kung ano ang sasapitin niya sa buhay, at maipapahiwatig lamang ng kaniyang labis na pagkapoot at pagkasuklam sa babaeng dati niyang minamahal ang madiling na wakas.
Mahalagang papel din ang ginampanan ni Tamad, dahil ang kaniyang kasamaan ay magpapamalas ng mga baluktot na pagpapasiya ni Sawi. Gaano man kasamâ si Tamad, ito ay dahil wala siyang magulang, anak, kapatid, kamag-anak, at nahubog ang kaniyang pagkatao sa mga pook na gaya ng bilyaran, sabungan, pangginggihan, bahay-sayawan, at iba pang aliwan. Ang pagsandig ni Tamad sa salapi ay pailalim na pagsurot sa balighong lipunan, na salát sa pagtulong sa mga nangangailangan. Ang paggatas ni Tamad kay Sawi ay masisipat kung gayon na isang paraan ng pagbawi ng yaman o dangal, bagaman yaon ay maituturing na marumi o sungayan.
May babala ang kathang “Ang Mananayaw” ni Rosauro Almario para sa mga kabataan. At ito ay ang pag-iingat na mabitag sa pain ng mga bugaw at puta, at ang pagpapahalaga sa pagkakamit ng edukasyon. Ang edukasyon ni Sawi ay pambihirang edukasyon mula sa unibersidad ng lansangan—na ang mga propesor ay puta at bugaw. Kailangan ni Sawi ang matinding pagbabago ng katauhan upang maibalik ang kaniyang nadungisang dangal, na magsisimula sa pagtalikod sa layaw na ipinalasap nina Pati at Tamad o ng mayayamang magulang, at pagharap sa pagbabanat ng buto, gaya ng isinasaad ng Katipunan nina Emilio Jacinto at Andres Bonifacio.
Sanggunian:
Almario, Rosauro. Ang Mananayaw. Santa Cruz, Maynila: Limbagan at Litograpía ni Juan Fajardo, 1910.
Nakalulugod at muling inilimbag ngayong taon ng Anvil Publishing ang nobelang Banaag at Sikat (1906; 1959) ni Lope K. Santos. Inuurirat ng nasabing nobela ang bisa ng kayamanan at kapangyarihan sa relasyon ng mga tao, at kung bakit nananatiling dukha ang marami. Ngunit higit pa rito, nagpapanukala ang nobela ng mga pagbabago sa pananaw, pagsusuri sa lipunan at kasaysayan, at pagsasanib ng mga dukha upang baligtarin ang namamayaning baluktot na kalakaran. Kakaunti lamang, sa aking palagay, ang tunay na nakabasa ng nobela ni Santos; at marahil may kaugnayan ito sa prehuwisyo, katamaran, o pagkatiwalag sa wika at panitikang Tagalog. Ano’t anuman, ang muling pagbasa sa nasabing nobela ay isang paraan ng pagkilala, kung hindi man pagbabayad, sa malaking pagkaligta sa dakilang manunulat na Tagalog.
Banaag at Sikat, kuha ni Beth Añonuevo
Umiinog ang nobela sa buhay nina Delfin at Felipe, na kapuwa nagtataglay ng sungayang ideolohiyang may kaugnayan sa sosyalismo. Si Delfin ay mula sa angkan ng mayayaman, ngunit naghirap nang yumao ang kaniyang mga magulang, at ampunin ng ibang tao. Madaranas niya ang hirap sa pagpasok sa iba’t ibang trabaho, at ang hirap na ito ang magiging kabiyak na praktika ng mga teoryang nasagap niya sa pagbabasa ng mga aklat na sumusuysoy sa sosyalismo sa Europa. Samantala, si Felipe ay anak-mayaman din, ngunit itatakwil ng kaniyang sariling ama dahil iba ang nais pag-aralan at lumilihis sa itinatakdang landas ng pagpapanatili ng kayamanan ng angkang maylupa. Ang karanasan ni Felipe bilang manlilimbag sa imprenta, bilang manggagawang bukid sa lupain ng kaniyang ama, at bilang kasintahan ni Tentay ang magbubukas sa kaniya ng paningin hinggil sa malaganap na kahirapang bumubusabos sa maraming tao. Ang naturang karanasan din ang kapilas ng pilosopiya ng anarkismong ibig niyang yakapin at palaganapin sa bansa.
Mapapaibig si Delfin kay Meni, na anak ni Don Ramon Miranda, at mabubuntis ang dalaga makalipas ang mga lihim na pagtatagpo. Ngunit hahadlang si Don Ramon, at tatangkaing paghiwalayin ang dalawa. Bugbugin man ng ama si Meni ay hindi magbabawa ang pasiya nitong samahan si Delfin. Hanggang mapilitang pumayag si Don Ramon sa pagpaparaya sa anak, at maglalagalag sa Amerika kasama ang aliping si Tikong, at ipagkakait ang mana kay Meni. Pagnanasahan naman ni Honorio Madlang-Layon ang kayamanan ni Don Ramon, at gagamitin ang katusuhan bilang abogado upang mapasakamay niya at ng kaniyang asawang si Talia ang lahat ng salapi, sapi, yaman, at lupain ng matanda. Si Talia, na isa pang anak ni Don Ramon, ay pipiliting kumbinsihin si Meni na iwan ang esposo nito at balikan ang layaw na tinalikdan. Matatauhan si Meni, at mananaig sa kaniya ang puri ng taong ayaw sumandig sa kayamanan ng magulang, at tapat na nagmamahal sa asawa.
Sa kabilang dako’y mahuhulog ang loob ni Felipe kay Tentay, na mula sa dukhang pamilya. Ito ang ikangingitngit ni Kapitang Loloy, ang ama ni Felipe, sa paniwalang walang mabuting kinabukasan ang mangyayari kung magkakatuluyang magsama ang magkasintahan. Sapilitang iuuwi ni Kapitang Loloy si Felipe sa lalawigan, subalit magsasagawa naman ng indoktrinasyon si Felipe sa mga magsasaka hinggil sa pinaniniwalaang rebolusyong panlipunan, at magiging sanhi ito upang isuplong siya ng katiwala sa ama. Mapopoot si Kapitang Loloy, at itatakwil ang anak. Pagkaraan, magbabalik si Felipe kay Tentay, at makikipamuhay dito nang parang mag-asawa, matapos ipagtanggol ang mag-anak nito laban kay Juan Karugdog na isang manyakis, bagaman ayaw magpakasal noong una si Felipe dahil sa pananalig na sukdulang kalayaan ng indibidwal.
Sa dulo ng nobela, magbabalik na bangkay si Don Ramon sa Filipinas, makaraang paslangin ni Tikong dahil sa labis na pagmamalupit ng amo. Ipakikilala si Doroteo Miranda, ang pamangkin ni Don Ramon, na maghahatid ng bangkay, kasama si Ruperto na siya palang kapatid ni Tentay. Si Ruperto, na bartender sa Nuweba York, ay ilalahad ang kaniyang pakikipagsapalaran sa iba’t ibang bansa sa pananaw ng migranteng manggagawang Filipino, at mapapaibig kay Marcela na siyang kapatid naman ni Felipe. Magtatagisan ng paniniwala sina Delfin at Felipe doon sa sementeryo hinggil sa sosyalismo at anarkismo, hanggang dumako sila sa yugtong hindi pa napapanahon ang rebolusyon ng mga anakpawis dahil hindi umaabot sa kalagayang malaganap na ang kaisipang sosyalismo sa kapuluan. Ang tagisan ng mga paniniwala ng magkaibigan ay waring karugtong ng balitaktakang ikinapoot nina Don Ramon at Don Filemon sa batis ng Antipulo na binanggit sa ikalawang kabanata ng nobela, at sa pagtatalo nina Delfin at Madlang-Layon sa Kabanata XIV.
Magwawakas ang nobela sa tagpong may salo-salo sa tahanan ng mga Miranda, at sa ganap na paghihiwalay nina Meni at Talia bilang magkapatid, dahil tumanggi si Meni na hiwalayan si Delfin kapalit ng rangya, layaw, at yamang pangako ng kapatid. Lilisanin nina Delfin, Meni, Felipe, at Ruperto ang tahanan ng pamilyang Miranda, bago magkabasagan ng bungo sina Delfin at Madlang-Layon, at masasaisip ni Ruperto ang kabatirang “may mga bayani ng bagong Buhay!”
Kayamanan at Kapangyarihan Masalimuot ang banghay dahil ipinakita ni Santos ang iba’t ibang madilim na pangyayari sa buhay ng mahahalagang tauhan, gaya nina Don Ramon, Don Filemon, Kapitang Loloy, Ñora Loleng, Meni, Talia, Julita, at Tentay, o nina Marcela, Martin Morales, Isiang, Ruperto, Juan Karugdog, at iba pang panuhay na tauhan, na pawang may kaugnayan sa buhay nina Delfin at Felipe. Halimbawa, titindi ang galit nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy kay Delfin dahil siya umano ang pasimuno ng kaisipang sosyalismo mulang pahayagang El Progreso hanggang pagbilog sa ulo ni Felipe. Sina Don Ramon at Don Filemon ay kapuwa nagmamay-ari ng palimbagan at pahayagan, at ibig kontrolin kahit ang opinyon ng taumbayan, samantalang sinusupil ang mga karapatan ng obrero. Natatakot din ang tatlong matanda na mawala sa kanilang kamay ang yaman at kapangyarihan, at kumalat ito sa mahihirap. Samantala, ang pagiging matapobre ni Ñora Loleng—na asawa ni Don Filemon—ay kaugnay sa pagpapanatili ng yaman at lihim na relasyon kay Don Ramon.
Ang manipestasyon ng yaman, rangya, at kapangyarihan ni Don Ramon ay aabot kahit kahit sa pakikipagtalik kay Julita na bayarang babae, sa pakikiulayaw kay Ñora Loleng, at sa pakikisama sa iba’t ibang babae sa Amerika. Ang patriyarkal na pananaw ni Don Ramon ay ilalapat niya kahit sa pagpapalaki ng kaniyang dalawang anak na babae, na ang isa’y tradisyonal at gahaman (Talia), samantalang ang isa’y makabago at mapagbigay (Meni). Hindi malalayo rito ang patriyarkal na pamamalakad ni Kapitang Loloy, na ibig diktahan kung paano dapat mamuhay ang mga anak na sina Felipe at Marcela. Ang iba’t ibang libog ay makikita naman sa asal ni Juan Karugdog, alyas “Kantanod,” na sinaunang stalker at ibig gahasain si Tentay. Maihahalimbawa rin ang libog ni Ñora Loleng na kahit matanda na’y ibig pa ring makatalik si Don Ramon; o ang kalikutan ni Isiang na dinaraan sa pagpipiyano ang lihim na ugnayang seksuwal kay Morales. Sukdulang halimbawa ng kalibugan sina Meni at Delfin, na nagtitipan kung gabi sa hardin upang doon iraos ang silakbo ng hormone, ngunit ginagawa lamang nila ito dahil sinisikil ni Don Ramon ang kanilang kalayaang mag-usap bilang magkasintahan.
Ang bisa ng yaman at kapangyarihan ay mababanaagan kahit sa palimbagan, sa bukirin, sa tahanan, at sa malalayong lupain na pinaghaharian nina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy. Kapani-paniwala rin ang nakalulunos na paglalarawan sa tahanan ng mag-anak na Tentay, o kaya’y ng naghihikahos na mag-asawang Delfin at Meni, na maitatambis sa marangyang kasal nina Honorio at Talia o sa paglulustay ng oras nina Morales at Isiang sa ngalan ng aliwan. Ang kasal nina Honorio at Talia ay halimbawa ng pagsasanib ng dalawang maykayang pamilya, at si Honorio ang abogadong tagapagtanggol ng ekonomikong interes ng pamilyang Miranda. Iisa lamang ang ibig sabihin nito: Nasa yaman ang kapangyarihan, at ang kapangyarihang ito ay kayang dumungis ng dangal ng tao o sambayanan.
Gayunman, ipinamamalas din ng nobela na hindi lahat ay kayang bilhin at paikutin ng salapi. Ang pagtalikod nina Meni, Delfin, at Felipe sa ipinangangakong yaman ng kanilang magulang ay pahiwatig na pananalig sa sariling pagsisikap, sa mataas na pagpapahalaga sa “puri” o “dangal,” at ang anumang yaman ng pamilya ay hindi dapat manatili sa pamilyang iyon lamang bagkus marapat matamasa rin ng iba pang mahihirap na tao. Ang paniniwala ni Delfin, na kung minsan ay sususugan ni Felipe, ay ang tao ay tagapangasiwa lamang ng yaman, at ang yamang ito ay dapat pag-aari ng sambayanan upang magamit sa higit na patas at abanseng pamamaraan.
Pagbasa sa Agos ng Kasaysayan
Natatangi ang pagbasa ni Delfin ukol sa agos ng kasaysayan, at kung bakit aniya hindi pa napapanahon nang oras na iyon ang ipinapanukalang rebolusyong sosyal ni Felipe. Para kay Delfin, ang buhay ng mga lahi at bayan ay dumaraan sa tatlong yugto: una, ang panahong iniaasa at iniuukol ang lahat sa Diyos; ikalawa, ang panahong ipinipintuho at kinikilalang utang ang lahat sa mga bayani; at ikatlo, ang panahong ang lahat ay kinikilala ang galing at mapauwi sa lahat. Ang Filipinas ay nasa ikalawang yugto na umano nang panahong iyon, at naghihintay ng ganap na pagkahinog. Ang bisyon ng kabayanihan ni Delfin ay sumasaklaw sa sangkatauhan, at hindi lamang sa iilang tao. Upang mapasimulan ang gayong bisyon ay kailangan ang mabubuting halimbawa.
Iniugnay ni Delfin ang kaniyang paniniwala sa ideolohiya ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ano-ano ito? Na dapat magkakapantay ang uring panlipunan ng mga tao; Na ang kayamanang hawak ng iilang tao o insitusyon ay dapat maipamahagi at pakinabangan ng lahat ng tao; Na ang mga pinuno’y dapat tagaganap lamang ng lunggati at nais ng taumbayan imbes na diktahan ang taumbayan; Na ang mga manggagawa’y dapat magtamo ng pakinabang sa lahat ng kanilang pinagpagalan. Ang banggit hinggil sa uring manggagawa ay ikayayamot ng mga maykayang sina Don Ramon, Don Filemon, at Kapitang Loloy dahil manganganib ang kanilang ari-arian at malalagay sa alanganin ang seguridad ng kanilang buong angkan.
Pambihira ang ginawang taktika ni Santos sa kaniyang nobela upang mailahad ang kaisipang sosyalista. Masinop niyang ginamit ang usapan nina Delfin at Felipe, bukod kina Don Ramon, Don Filemon, Ruperto, at Madlang-Layon, upang maitampok ang mga hiyas na diwain. Ang nasabing kaisipang sosyalista ay hindi purong sosyalismong inangkat lamang nang buo sa Europa, bagkus hinugisan ng bagong anyo upang iangkop sa mga pangyayari sa Filipinas at nang maangkin ng mga Filipino. Mapapansin kung gayon na ang presentasyon ng karukhaan, inhustisya, at kalagayan ng uring manggagawa sa nobela ay malayo sa sitwasyong industriyal ng Europa, ngunit iniangkop sa piyudal na sistema sa Filipinas. Ang problema lamang ay lumalabis kung minsan ang salitaan, at animo’y nagtatalumpati ang mga tauhan na siyang maipupuwing sa punto de bista ng sining sa pagkatha. Ang pananaw na sosyalista ay tutumbasan sa nobela ng mapapait na karanasan ng mga dukha, mulang panlalait at pag-aaglahi hanggang tandisang pananakit at pangigigipit mula sa anak at alila hanggang obrero at magsasaka. Dito bumabawi ang nobela, dahil ang mga tauhan ay nagkakaroon ng gulugod, at ang kanilang paghihimagsik sa dustang kalagayan ay hindi lamang basta hinugot sa aklat bagkus sa tunay na buhay.
Estetika ng Nobela
Ginamit sa Banaag at Sikat ang bisa ng ligoy at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon kaya mapapansin ang mabubulaklak na usapan. Ang nasabing paraan ng komunikasyon ay nagpapamalas ng mataas na konteksto ng usapan at ugnayan, na nagpapatunay na ang mga Tagalog ay malaki ang pagpapahalaga sa kausap na maaaring matalik sa kaniyang puso kung hindi man “ibang tao.” Naiiba ang naturang komunikasyon sa gaya ng komunikasyon ng mga Amerikano, na ang ibig palagi ay tahas ang usapan, at walang pakialam sa niloloob ng kausap.
Ang mga usapan ay nabubudburan ng mga siste, at ang kabastusan ngayon ay binibihisan noon ng mga talinghaga upang maikubli ang kalibugan, kalaswaan, at kasaliwaan ng mga pangyayari. Maihahalimbawa ang usapan nina Meni at Delfin sa bakuran o sa Antipolo, o nina Felipe at Tentay sa isang dampa, o kahit ang landi ng mga tagpo sa panig ng tatsulok na relasyong Ñora Tentay, Don Ramon, at Julita, hanggang sa pahabol na pagliligawan nina Ruperto at Marcela sa dulo ng nobela.
Kahanga-hanga ang lawak ng bisyon ni Santos sa pagkatalogo ng mga pangyayari, at sa mga paglalarawan ng mga tauhan, tagpo, at tunggalian. Mulang sinaunang pamahiin sa pagbubuntis ni Meni hanggang lumang paniniwala sa paglilibing kay Don Ramon, nahuli ng awtor ang kislot ng guniguni ng karaniwang Tagalog at ito ang mahirap pantayan ng mga kapanahong akda ng Banaag at Sikat. Maihahalimbawa ang detalyadong paglalarawan sa Antipolo, na maihahambing noon sa Baguio at iba pang tanyag na resort ngayon, at kung paanong ang pook na ito ay kapuwa nagtataglay ng kabanalan at kalaswaan. Pambihira rin ang deskripsiyon mula sa limbagan, at maiisip kung gaano kabigat ang ginagawa noon ng mga trabahador sa imprenta; o kaya’y ang paglalahad sa hirap na dinaranas ng mga Filipino na napipilitang sumakay ng barko upang makipagsapalaran sa iba’t ibang bansa. Sa paglalangkap ng diyalohikong agos ng mga pangyayari at diyalohikong usapan ng mga tauhan, nakalikha si Santos ng kahanga-hangang kaisipang nakapaghahayag ng panukalang sosyalismong Tagalog para sa Katagalugang kumakatawan sa buong bansa, ayon sa sipat ng Katipunan.
Ang tinutukoy na “Banaag at Sikat” sa nobela ay ang posibilidad ng malawakang pagbabago sa lipunan, at ang pagbabagong ito ay may kaugnayan sa distribusyon ng kayamanan, oportunidad, at kapangyarihan. Maaaring munting sinag mula sa malayo ang nakikita ni Santos noon, at siyang ipinaloob niya sa diwa nina Delfin at Felipe na inaasahang magpapasa rin ng gayong diwain sa kani-kaniyang anak. Ang ipinunlang kaisipan ng awtor ay masasabing napapanahon na, at sumisikat na sa kaisipan ng bagong henerasyong nasa alaala na lamang ang gaya ng Colorum at HUKBALAHAP sa harap ng Bagong Hukbong Bayan at Bangsamoro. Gayunman, makabubuting magbasa muna ng aklat, at basahing muli ang Banaag at Sikat, nang matiyak nga kung anong silakbo ang iniwan ni Lope K. Santos sa kaniyang mga kapanahong manunulat at siyang umaalingawngaw pa rin magpahangga ngayon sa ating piling.
Kilala si Jose Rizal sa kaniyang prosang nasusulat sa Espanyol, ngunit nakasulat din siya ng ilang akda sa Tagalog. Magaan at madulas ang prosang Tagalog niya, bagaman masasabing malayo sa testura ng Tagalog nina Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, at Francisco Balagtas. Pinakatampok na marahil ang Makamisa (1892), ang sinasabing karugtong ng El Filibusterismo (1891), at pinag-ukulan ng pag-aaral ni Ambeth Ocampo.
Sa bungad pa lamang ng Makamisa ay mahihiwatigan agad ang kakatwang tagpo sa simbahan, ang simbahan na parang karnabal na sinusugod ng mga tao, at ang mga tao ay pawang mapagbalatkayo sa harap ng kanilang panginoon. Titindi ang paglalarawan dahil Linggo de Pasyon, at ang kurang si Padre Agaton—na pinakamakapangyarihan sa Bayan ng Tulig—ay tumangging magbigay ng ostiya sa mga mananampalataya gayong mahigpit naman sa pakumpisal. Ang karikatura ni Padre Agaton ay di-malalayo sa mapaglarong komedya, at ang banal ay nagiging makalupa at karnal. Ipakikilala pagkaraan si Marcela, na maaaring malaki ang papel sa nobela, at mahihiwatigang ang nasabing dalaga ang puntirya ng libog ni Padre Agaton. Samantala’y si Kapitan Lucas, ang ama ni Marcela, ay satiriko rin ang paglalarawan. Siya ang punongbayan ngunit kinapopootan ng mga mamamayan, at animo’y tuta ni Padre Agaton. Kahit ang paglalarawan sa loob at labas ng kumbento ay hitik sa siste mulang di-pinapansing mga bulaklak sa hardin hanggang asal ng Guwardiya Sibil hanggang pananampal ng kura kay Aling Anday, na matalik ang ugnayan sa naturang pari. Si Padre Agaton ang mahihinuhang paglulunsaran ng salaysay, at kung bakit niya sinampal si Aling Anday ay siyang aabangan sa mga susunod na kabanata ng nobela.
Kung sadya ngang mapagpatawa ang nasabing akda hanggang wakas ay walang makababatid yamang maliit na bahagi lamang ang nasulat ni Rizal. Tanging mga sulat ni Rizal kay Ferdinand Blumentritt ang makapagpapahiwatig kung ano ang posibleng tatahakin ng nobela. Ibinubunyag din ng mga liham ni Rizal kay Blumentritt ang kaniyang kakapusan sa wikang Tagalog, at ang pagnanais na isulat na lamang ang nobela sa Espanyol dahil may mga yugtong gaya ng sermon ng pari na kailangang nasa Espanyol. Maaaring nagpapalusot lamang si Rizal. Si Rizal ang halimbawa ng intelektuwal na nabigong gamitin ang sariling wika alinsunod sa diskurso ng kaniyang mga kababayan, bagaman kapuri-puri ang kaniyang pagtatangka.
Kung pagbabatayan naman ang ibang prosa ni Rizal, gaya ng “Paalaala sa mga Mapag-usapin,” ang siste ay laging nakapaloob kahit sa munting salaysay na tila tulang tuluyan. May magkaibigan na nakatagpo ng kabibi, at pinag-agawan iyon, at ang pagtatalo’y nauwi sa hapag ng hukom. Ngunit pagsapit sa hukom ay dinukit niya ang laman ng kabibi at kinain, saka ibinahagi ang dalawang takupis sa magkaibigan. Ang ganitong uri ng salaysay ay tila hango sa Biblikong alusyon, nang magtalo ang dalawang ina sa harap ni Haring Solomon hinggil sa kung sino ang marapat kumuha ng sanggol (1 Hari 3: 16–28). Kaugnay din iyon ng de-ilustrasyong “Si Pagong at si Matsing” na hinango ni Rizal sa kuwentong bayan na ukol sa magkaibigan ding nagtalo at naghati sa tiniban ng saging. Ano’t anuman, ang “Paalaala sa mga Mapag-usapin” ay hindi simpleng pagpapatawa lamang. Inuusig nito ang pagtatalo sa mumunting bagay na hindi dapat pagtalunan, samantalang iginigiit ang halagahan ng pagbibigayan ng magkaibigan. Ang hukom ay hukom lamang sa pangalan, dahil kahit siya ay manlalamang at kakainin ang dapat sanang pinaghatian ng magkaibigan.
Sa isa pang akdang pinamagatang “Ang Magkapatid” ni Rizal, inilahad ng persona ang masaklap na pangyayari sa buhay ng mahihinuhang ulilang magkapatid na pinagmalupitan ng kanilang ale (i.e., tiya). Dating mayaman ang ale ngunit naghirap pagkaraan, at pinagbuntunan ng lupit ang magkapatid. Magbubulay ang isa sa magkapatid, ayon sa pagunita ng persona, kung gaano ang ginhawang matatamo sa paglayas sa poder ng ale, ngunit magwawakas sa pangangamba: “Makapangangako kayang tutugon, at di lulubay, yamang ang sala o hina ng isa’y makapapahamak sa lahat?” Ang tanong ay patungkol sa pagtutulungan ng magkapatid. Hindi sinagot ang nasabing tanong, ngunit ang tanong na iyon ay umaalingawngaw magpahangga ngayon sa mga nakikibaka tungo sa ganap na ikagiginhawa ng ating bansa.
Mapanganib ang pluma ni Faustino Aguilar dahil niyayanig niya ang pundasyon ng simbahan at pamahalaan, at nagbubunyag ng mga kakatwang kaugalian, sa pamamagitan ng kaniyang mga nobela. Isa sa mga makapangyarihang nobela niya ang Sa Ngalan ng Diyos(1911) na tumutuligsa sa ordeng Heswita, na kinabibilangan ng mga paring bumibilog ng isip at lumulumpo sa kalooban ng babaeng maykaya, upang maangkin ang salapi, puri, at katawan niya.
SIMBAHAN, kuha ni Bobby Añonuevo
Napakagandang isapelikula ang nasabing nobela. Masinop na huhubugin ni Aguilar ang mga pangunahing tauhang gaya nina Carmen, Padre Villamil, at Eladio, at susuhayan ng mga tauhang gaya ng Mr. Roland, Dolores, Ventura Rodriguez, Padre Superyor, at Dure. Bubuksan ang tagpo sa pag-uusap nina Padre Villamil at Padre Superyor, isang gabing masungit ang panahon, at ipapahiwatig ang balak nilang akitin papaloob ng kumbento si Carmen na tagapagmana ng ekta-ektaryang lupain at limpak na kayamanan. Ang maitim na balak ng dalawang pari ay tila sumasalamin din sa maiitim nilang sutana, at kaugnay ng pagnanasang isalba sa kahirapan ang Kompanya ni Hesus at matustusan ang materyal na pangangailangan ng mga pari.
Si Dolores, kasintahan ng Amerikanong si Roland, ay makikipaghiwalay sa kaniyang minamahal dahil sa di-matanggap na tsismis na nagmumula rin sa mga pari. Sa labis na lungkot, lalapit si Dolores kay Padre Villamil, at ang konsultasyon at pangungumpisal ay maghuhunos na makamandag na usapang hahatak kay Dolores para talikdan ang daigdig at pumasok na madre sa kumbento. Si Eladio, na utusan ni Dolores, ang makapapansin sa masasamang balak ng mga pari sa nasabing dalaga, at ipaghihimagsik ng loob ang gayong pakana. Ngunit kailangan niyang sumandig kay Dolores upang buhayin ang kaniyang asawang si Dure, at kailangan niya si Padre Villamil upang maging tulay kay Dolores at gawin siya nitong katiwala sa mga bukirin o ari-arian.
Ang kagandahan at kayamanan ni Dolores ang pagnanasahan nina Padre Villamil at Eladio. Higit na malupit lamang si Padre Villamil, dahil yamang batid nito ang pagkamuslak (i.e., naivete) ni Dolores, ay gagamitin ang katusuhan upang magahasa ang dalaga at maangkin pa ang mga lupain nito. Samantala, malilibugan din si Eladio kay Dolores, at pagnanasahan nito ang katawan ng dalaga, subalit gagawin ito upang unahan si Padre Villamil, uyamin ang nasabing pari sa labis na kalibugan, at yugyugin ang katauhan ni Dolores para magising sa matagal nang katangahan. Si Roland lamang ay masasabing umiibig nang tapat kay Dolores, ngunit mahina rin si Roland bilang banyaga na hindi kayang amuin ang ilahas na loob ni Dolores. Ang pagkakalarawan kay Roland ay tila Tagalog imbes na Amerikano, gayunman ay hindi na mahalaga yamang ang ibig lamang itampok sa nobela ay ang pananaghili o panibugho ni Dolores sa kaniyang kasintahang nawala nang matagal.
Ipagpapalit ni Dolores ang lahat ng kaniyang kayamanan makamit lamang ang pinaniniwalaang langit na ipinangangako ng simbahan. Samantala, si Padre Villamil naman at ang kaniyang mga kasamang pari sa Kompanya ni Hesus ay naniniwalang kailangang matamo rin ang materyal na yaman sa lupa bukod sa pinaniniwalaang yaman ng kalangitan. Si Eladio ang animo’y anarkista na handang lumikha ng panununog, pagpatay, at panggagahasa kung ang buhay sa daigdig ay walang nang maidudulot na pag-asa. Ang naturang mga tagpo ay waring pabaligtad na paglalarawan ng mga aral ng Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, na nagsasabing hindi dapat sumandig sa ipinangangakong langit na hindi naman alam kung magaganap, bagkus magsikap na matagpuan ang langit dito sa lupa.
Pambihira ang nobela ni Aguilar dahil ipinakikita nito kung paano ang relihiyon ay nagiging lunsaran ng diyabolikong indoktrinasyon, gaya sa politika, at ng komodipikasyon ng kaligtasan at pananampalataya, na ang sukdulan ay ang pagkatiwalag sa sarili ng tao. Si Carmen ang ultimong halimbawa na maglalaho ang identidad nang pumasok sa kumbento, at malulugso ang puri, bukod sa mawawalan ng kayamanan. Makakamit nga ni Padre Villamil ang yaman, katawan, at kaluluwa ni Dolores ngunit mabubunyag naman sa madla ang kaniyang kabuhungan. Ang pagdiriwang kung gayon sa bandang dulo ng nobela ng gaya nina Padre Villamil at Padre Superyor ay pabalintuna ang epekto, dahil magngingitngit ang bumabasa sa gayong tagpo at isusumpa marahil ang sinumang Heswita na kanilang kilala noon. Ipinahihiwatig din sa nobela ang makatwiran at hinog sa panahong pag-aaklas, na dapat sanang ginawa ni Eladio, ngunit si Eladio ay hindi handa at tanging sarili lamang ang iniintindi.
Mabuting mabasa ng bagong henerasyon ng mga estudyante ang mga nobela ni Faustino Aguilar. Si Aguilar ay hindi karaniwang manunulat, bagkus linyadong manunulat na alam ang bituka ng Katipunan dahil isa siyang Katipunero. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang mga aral ng Katipunan ay pabaligtad niyang itinatampok sa kaniyang mga akda, kaya ang dating mga aral ng Katipunismo ay naipipihit sa kahanga-hanggang anggulo, at sumisilang na sariwa, matibay, at mabulas.
Iba ang kuwento ng pag-ibig sa kuwento ng romansa. Ito ang paniwala ni Liwayway A. Arceo nang sulatin niya ang nobelang Mga Bathalang Putik (1970) na isinerye sa Liwayway mulang 26 Oktubre 1970 at nagwakas noong 7 Hunyo 1971, bago isinaaklat ng New Day Publishers noong 1998. Sa nasabing nobela, ipinamalas ni Arceo ang iba’t ibang uri ng pag-ibig, na ang pinakarurok ay relasyon ng mag-asawa at ang pagpapasiya hinggil sa kanilang kinabukasan.
Umiwas maglunoy sa romantikong relasyon ang Mga Bathalang Putik, at pigil na pigil kahit ang rendisyon sa erotikong tagpo. Pagtatagpuin ng tadhana sina Esmeralda at Senen sa kung saang kalye, magkakakilala, mahuhulog ang loob sa isa’t isa. Ngunit may balakid. Kapuwa sila may asawa, at may anak si Esmeralda samantalang walang anak si Senen. Titindi ang gusot dahil nagmumula sa mga maykayang pamilya ang dalawa, at tanyag na doktor si Senen. Asawa ni Senen si Macaria, na premyadong asintada sa pagbaril; at embahador naman si Nestor, ang kabiyak ni Esmeralda. Sasapit sa sukdulan ang salaysay nang maaksidente si Nestor matapos itong magpakalasing dahil sa pagkakatuklas sa namumuong relasyon nina Esmeralda at Senen. Muntik nang mapatay ni Macaria si Senen sa labis na panibugho, at nabaliw. At kailangang gampanan ni Senen ang tungkulin bilang doktor at isalba si Nestor, kahit ibig na ni Senen na mamatay ang pasyente upang makapiling niya sa wakas si Esmeralda.
Si Senen ay napilitang magpakasal sa dominanteng si Macaria, dahil pinaaral siya nito hanggang makatapos sa pagkaespesyalistang siruhano ng utak. Si Esmeralda naman ay napilitang magpakasal kay Nestor dahil sa udyok ng sariling ama. Kung mapagparaya si Senen, kabaligtaran naman ang asal ni Nestor at ng ama ni Esmeralda na pawang ibig kontrolin ang lahat ng gawain at pagpapasiya ng nasabing babae. Hindi malalayo rito ang asal ni Macaria, na bagaman liberal ang pananaw ay nagkukubli naman ng matinding pagkubkob sa katauhan ni Senen at halos pakilusin ito na parang laruan.
Sa madali’t salita’y kapuwa ibig kumawala nina Senen at Esmeralda sa kani-kaniyang kabiyak. Ipamamalas ni Arceo ang husay niya sa paghubog ng mga tauhan, mga tauhang bagaman may kani-kaniyang lakas ay nagtataglay din ng karupukan gaya ng karaniwang tao. Hindi makakamit ni Esmeralda ang sariling ambisyong maging guro sa mga batang atrasado ang pag-iisip, bagaman nasa kaniya ang layaw at rangyang dulot ng kabiyak. Mahusay na embahador si Nestor ngunit hindi niya mapaamo ang mailap na asawa. Batikang siruhano si Senen subalit hindi niya matistis ang pananamlay ng loob niya at ang paninibugho ni Macaria. At maykaya, bukod sa magaling mamaril si Macaria, datapwat takot siyang mapalayo sa buhay ni Senen.
Bagaman may batayan ang paninibugho nina Macaria at Nestor, walang magaganap na makalupang pagtatalik sa panig nina Senen at Esmeralda. Wala, at ito ay may kaugnayan sa moralidad na paniniwala ni Esmeralda na mahihinuhang kumakatawan sa “dangal” ng babae. Sapat na ang hawak ng kamay, palitan ng sulyap, at kislot ng katawan upang ipahiwatig ang nadarama ng dalawang tao na sinisikil ang pagmamahal. Gayunman, pambihira ang pagbibitin ng mga kapana-panabik na pangyayari, lalo sa yugtong lihim na nagtatagpo sina Senen at Esmeralda at nakadarama ng kung anong pagnanasa sa isa’t isa ang naturang mga tauhan. Ang tradisyonal na pananaw hinggil sa pagsasama ng mag-asawa, alinsunod sa paniniwala ng Kristiyanismo, ang mahihinuhang sinisikap isabuhay nina Esmeralda at Nestor, o kaya’y nina Senen at Macaria.
Magiging palaisipan ang wakas ng nobela dahil gumamit ng pahiwatig at ligoy si Arceo sa usapan nina Esmeralda at Senen hinggil sa kung ano ang marapat gawin matapos ang matagumpay na operasyon sa utak ni Nestor at nang mabaliw si Macaria. Pumayag si Nestor sa diborsiyo, at ang hinihintay na lamang ay ang pasiya ni Esmeralda. Umaasa naman si Senen na maaayos din ang buhay ni Macaria, kapag ito ay dinala sa Estados Unidos. Samantalang may pagbabantulot sa panig ni Esmeralda kung hihiwalayan nga si Nestor, at tutugon si Senen sa pamamagitan ng pagtango (na ang ibig sabihin ay “Oo.”) Naiiba ang pagwawakas dahil gumamit si Arceo ng “niya” at “kaniya” na pawang nakapahilis at mahihinuhang tumutukoy kina Nestor at Macaria. Ang pagluha ni Esmeralda at ang panlalabo ng paningin ni Senen sa wakas ng nobela ay maaaring sipatin sa dalawang panig. Una, ang paghihiwalay nina Esmeralda at Senen ay maaaring magpahiwatig ng paglagot sa dating relasyon ng mag-asawa, at pagsisimula ng bagong relasyon. Ikalawa, puwede ring ipahiwatig ng tagpo ng paghihiwalay ang ganap na pagputol sa namumuong pag-iibigan nina Esmeralda at Senen upang harapin ang tadhana nila sa kani-kaniyang asawa, gaano man kalabo ang hinaharap.
Magaan at masinop ang wika ni Arceo na bumabagay sa kaniyang pinapaksa, at waring umaayon sa disenyo ng Liwayway. Maiikli ang mga talata, at mabibilis ang pukol ng mga salitaan. Tantiyado kahit ang pagpuputol-putol ng mga tagpo, at pagsasalansan nito sa mga kabanata. Ang bawat dulo ng kabanata ay iniuugnay sa umpisa ng susunod ng kabanata, at nagsisilbing tanikala para sa transisyon ng mga pangyayari. Mabisa rin ang paglalarawan ng awtor lalo kung babae ang tinutukoy, halimbawa na ang landi ni Macaria habang naninigarilyo at kausap ang esposo; o kaya’y ang pagkabalisa ni Esmeralda na ibig ilihim kay Nestor ang namumuong pagmamahalan nila ni Senen. Makatotohanan din ang pananaghili ni Nestor sa kabiyak na ibig makasiping sa gabi, o kaya’y ang pagkabalisa ni Senen na tila binatang naniningalang-pugad. Gagamitin ni Arceo ang mga panuhay na tauhan, gaya ni Garnet (na anak nina Esmeralda at Nestor) at ng ama ni Macaria, upang itampok ang katangian ng apat na pangunahing tauhan. Ibig sabihin, walang inaksayang salita si Arceo sa kaniyang akda, maging iyon ay sa paglalarawan ng resort, restoran, tahanan, o ospital.
Matalinghaga ang pamagat ni Arceo sa paggamit ng “bathalang putik.” Maaaring ipahiwatig nito na bagaman mortal ang apat na pangunahing tauhan, may mga katangian din silang lumalampas sa pagiging mortal at umaabot sa pagiging inmortal. Maaari din namang palsipikadong diyos lamang sila, at bagaman may kakayahang makapagpasiya ay nagbabantulot na isakatuparan iyon at ilalaan sa tadhana ang lahat. Ang problema’y sa kombinasyon ng “bathala” at “putik.” Kung ang “bathala” ay hinggil sa inmortalidad, na marahil ay may kaugnayan sa konsepto ng “pag-ibig,” “dibino,” at “pagpapasiya,” ang “putik” ay tumutukoy sa mortalidad, at may kaugnayan sa pinagmulan ng tao o pagkatao. Ngunit hindi kayang likhain ng bathala ang kaniyang sarili, gaya ng “putik” na isang likha. Ang “bathala” ay lumalampas sa kaniyang “laláng” dahil siya ang ultimong ugat ng lahat ng bagay. Kung papaloob ang “bathala” sa kaniyang likha, maglalaho ang pagiging inmortal niya kaya marapat lamang siyang husgahan bilang tao at hindi bilang diyos, at alinsunod sa midyum na kaniyang kinasangkapan.
Ganito kalikot mag-isip si Liwayway A. Arceo bilang nobelista at kuwentista, at siyang magtatakda ng mataas na pamantayan ng pagsulat, sa lárang ng tinaguriang “panitikang popular.”
Tampok sa nobelang Ang Magmamani (1924) ni Teofilo E. Sauco ang pakikipagsapalaran ng mag-inang pinaghiwalay ng tadhana ngunit pagbubuklurin muli dahil sa pag-ibig sa isang lalaki. Si Tentay (Vicenta Gomez) na mula sa alta sosyedad ay nabuntis ng kaniyang kasintahang si Ventura Villaroman, ngunit napilitang ipaampon ang kaniyang sanggol sa solterong si Ingkong Pinong na taga-Baliwag, Bulakan. Sisikaping palakihin ni Ingkong Pinong ang bata, na sa paglipas ng panahon ay magiging marikit na dalagang tatawaging si Ninay.
Pagtatanim at pagtitinda ng mani at iba pang gulay ang ikinabubuhay ni Ingkong Pinong, at balang araw ay kakatuwangin niya si Ninay sa pagtitinda ng mani. Hahangaan naman si Ninay sa sipag nito’t bait, at pagnanasahan ng mga binata. Ngunit walang makapangahas makapanligaw sa kaniya dahil sa pangingilag kay Pinong, hanggang makilala ni Ninay ang binatang si Luis na taga-Maynila. Pinakyaw ni Luis ang tindang mani ni Ninay, hahabulin ang dalaga, at pagkaraan ay yayayaing pakasal. Subalit may isang balakid. May isang babaeng kinakasama si Luis, at iyon ay si Tentay na dating mananayaw sa kabaret sa Santa Ana. Matutuklasan ni Tentay ang retratong kuha ni Luis kay Ninay, at maghihinuha si Tentay na anak niya ang dalaga dahil kahawig na kahawig niya ito.
Hahanapin ni Tentay ang kinababaliwan ni Luis, at nang matiyak kay Ingkong Pinong na si Ninay ay anak nga niya, kukumbinsihin ni Tentay ang matanda na pumayag na sa pagpapakasal ng magkasintahan. Lalayo si Tentay at papasok sa kumbento upang mapalayo kay Luis. Samantala, hihimukin at paaaralin naman ni Luis si Ninay na pumasok sa kolehiyo at nang makatapos makapag-aral. Makikilala ni Ninay si Tentay sa loob ng kumbento, at magtuturingang mag-ina, subalit mananatili ang lihim hangga’t hindi nakakasal si Ninay kay Luis.
Sa dakong huli’y magkakasakit nang malubha si Tentay na nagtatago sa ngalang Madre Victoria Fuentes. Mangungumpisal siya sa pari, ngunit pinagtiyap naman ng pagkakataong ang nasabing pari ay siya pala niyang dating kasintahang si Villaroman. Matutuklasan din ni Padre Villaroman na anak niya si Ninay na ipinaampon sa matandang Pinong, at ang babaeng pakakasalan ni Luis. Ang pangungumpisal ni Tentay ang sukdulan ng kuwento, dahil doon mabubunyag ang lahat ng lihim na kipkip ni Tentay mulang pagdadalaga hanggang pagiging baylarina tungong pagiging kabit ni Luis hanggang pagsisikap maging madre para ituwid ang mga pagkakamali.
Makakasal sina Luis at Ninay, samantalang magkakapatawaran sina Padre Villaroman at Tentay. Mamamatay si Tentay dulot ng karamdaman, at pagkaraan niyon ay lalasapin naman ng mag-asawang Luis at Ninay ang bagong buhay at saganang pagsasama. Aalagaan nila si Ingkong Pinong, at ipasasaka sa iba ang lupain nitong laan sa pagtatanim ng mani. At magbabalik sina Ninay at Luis sa Tiaong, Baliwag, Bulakan upang magbigay-galang sa amang si Padre Villaroman, at sariwain ang nakaraang “hindi na babalik sa kanila kailan man.”
Pambihira ang nobelang ito dahil sa pagtatagni-tagni ng mga pangyayaring halos imposible, ngunit dahil nasa lunan ng guniguni ay maaaring tanggapin at paniwalaan. Gayunman, dapat suriin ang naturang akda sa husay ng imahinasyon nito, at hindi bilang tuwirang salamin ng realidad sa lipunan, bagaman kayang lumundag papaloob sa realidad ng lipunan ang akda.
Pag-ibig ang ubod ng kuwento, at ipinakita sa nobela ang iba’t ibang antas nito. Halimbawa, ang pag-ibig nina Tentay at Ventura na paghihiwalayin dahil ang mga angkan nila’y mortal na magkaaway sa politika. Ang pag-ibig ni Ingkong Pinong kay Ninay na itinuring na sariling anak bagaman hindi naman kaano-ano. Ang makalupang pag-ibig ni Luis sa mag-inang sina Tentay at Ninay, at pagtuhog sa dalawang magkabukod na kapalaran ng babae. At ang dalisay na pag-ibig ni Ninay mula sa kaniyang amaing si Ingkong Pinong hanggang sa mga tunay na magulang na sina Tentay at Padre Villaroman, tungong pag-ibig kay Luis na kasintahan. Pag-ibig din sa diyos ang maglalapit kina Tentay at Padre Villaroman, at siyang maghahatid sa kapatawaran. Ngunit pinakamatindi sa lahat ang pag-ibig ni Tentay sa lahat ng lalaking naging matalik sa kaniyang puso, mula kay Villaroman hanggang mga lalaki sa kabaret, hanggang kay Luis at pagkilala kay Ingkong Pinong, tungong sukdulang pag-ibig sa anak na nawalay at minamahal.
Paraan ng paglalahad
Mabilis ang pihit ng mga pangyayari sa nobela, o sabihin nang nobeleta, ni Sauco. Ang problema’y isinasangkot minsan ng tagapaglahad ng nobela ang kaniyang sarili, at kakausapin wari ang mga bumabasa hinggil sa maaaring maganap na tagpo (halimbawa, tingnan ang una at pangwakas na kabanata). Ang ikatlong panauhang paglalarawan ay hindi naiiwasang lumihis sa unang panauhan, at maiisip dito na nakikialam ang awtor sa dapat sanang pambihirang paglalarawan mula sa paningin ng isang saksi. Mapalulusot ang gayong taktika dahil sa pagsasaalang-alang marahil ng awtor sa kaniyang mga tagasubaybay ng magasing Liwayway, at pawang nangangapa sa bagong uri ng panitikang Tagalog.
Kinasangkapan ni Sauco ang ilang piling tauhan, gaya nina Tentay, Ninay, Ingkong Pinong, Luis, at Padre Villaroman. Ang limang tauhang ito ay sapat na upang paikutin ang tadhana, at gaya sa mga telenobela ngayon, ay magkakasala-salabid ang buhay na parang sila lamang ang tao sa daigdig. Mapapansin din ang ilang pagpapaikli ni Sauco sa mga tagpo, halimbawa na’y biglang mapapaibig si Luis kay Ninay gayong isang beses pa lamang sila nagkikita. O kaya’y nilutas ang mga lihim ni Tentay nang mangumpisal ito kay Padre Villaroman. Pinatitindi ni Sauco ang kapanabikan sa mga susunod na tagpo sa pamamagitan ng pagbitin sa dapat sanang pagbubunyag, halimbawa na ang paghaharap nina Tentay at Ninay sa loob ng kumbento, o kaya’y ang pananahimik ni Luis sa harap ng dalawang babaeng tinuhog ng kaniyang bato-balani.
Ang dalumat ng “mani” ay isa pang dapat pag-ukulan ng pansin. Tumutubo ang mani saanmang may malusog na lupa o kahit na sa maasidong lupa, at nagbibigay ng bagong sustansiya rito. Ang maning ito na hindi pinapansin noon ay kaya palang bumuhay sa isang sanggol at dating pag-ibig na inunsiyami ng pagkakataon. Matalinghaga rin ang mani dahil sa seksuwal nitong pagpapahiwatig sa clitoris ng babae, kaya maiisip ang bighani ni Ninay na nasa kasibulan at ni Tentay na nasa ganap na pagkatigulang na pawang naangkin ni Luis. Ang dalumat ng mani ni Ninay ang paiikutin sa nobela, at pailalim na ihahayag ni Sauco.
Maiikli ang pangungusap at usapan sa Ang Magmamani kompara sa iba pang nobelang Tagalog, bagaman nalalahukan kung minsan ng patalinghagang pananalita. Ang patalinghagang pananalitang ito ay mamumutawi sa bibig ni Tentay o ni Ingkong Pinong, at ikapagtataka ng taga-Maynilang Luis na hindi sanay sa gayong matalik na komunikasyon. Mauunawaan lamang ni Luis ang lahat habang lumalapit ang kaniyang loob kina Tentay, Ninay, at Ingkong Pinong. Ang nasabing uri ng paghihiwatigan ay karaniwan na sa Tagalog, dahil sa pagturing na kabahagi ng tao ang kaniyang kausap o minamahal.
Itinuturo ni Sauco nang di-sinasadya ang pormula kung paano maging kapana-panabik ang mga tagpo sa bawat kabanata. Ang mga tauhang sina Tentay at Ninay ang magiging haligi ng istorya, at susuhayan sila ng mga katauhan ng lalaking sina Luis, Ingkong Pinong, at Padre Villaroman. Si Tentay ang mag-uugnay sa dalawang uring panlipunan: una, ang maykaya na kaniyang pinagmulan; at ikalawa, ang dukha na kaniyang daranasin nang itakwil siya ng sariling angkan dahil sa pagbubuntis nang hindi pa kasal. Samantala, si Luis ang ultimong babaero na ibig mamangka dalawang ilog, at makaliligtas lamang siya hindi dahil sa sariling pagpapasiya kundi sa kusang paglayo ng kaniyang kabit na si Tentay. Mapapansin naman ang kahinaan ng gulugod ni Padre Villaroman, na marupok harapin ang responsabilidad sa kasintahan at gagamitin ang relihiyon upang talikdan ang dapat sanang maaliwalas na pagsasama nila ni Tentay. Pinakamalakas ang paglalarawan kay Ingkong Pinong, na kahit dukha’t matanda na’y aalagaan ang sanggol upang ipamalas ang pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng salapi.
Inuurirat sa nobela ang pagpapahalaga sa dalisay na pag-ibig. Maiuugnay iyon sa sex, anak sa labas, pag-aampon, at relihiyon na pawang kikilatisin din sa mga tauhan. Ang mga usaping ito ay maseselang paksa sa panahon ng Amerikanisasyon, at kulturang Tagalog na may matayog na pagtingin sa “dangal,” “puri,” at “pagkatao.” Kahit sa unang malas ay mababaw ang kuwento, mababatid naman sa wakas ang kasalimuotan ng mga pangyayari dahil magkakatali ang mga kapalaran ng limang tauhan. Ang naturang kapalaran ay hindi tadhana ng diyos, bagkus ginagawa at supling ng mga gawa ng mga tao.
Marami pang dapat tuklasin sa nobelang Tagalog. Ang nobelang Ang Magmamani ni Teofilo E. Sauco ay isang halimbawa lamang kung paano naghuhunos ang nobelang Tagalog, ang nobelang susubaybayan ng daan-daang mambabasa noong dekada 1920, at magtatampok sa usapin ng masalimuot na pag-iibigan ng magkasintahan, anumang uri ang kanilang pinag-ugatan.
Kahanga-hanga ang artikulo ni Connie Veneracionsa pahayagang Manila Standard Today (“The Birds of prey and Batjay,” 29 Abril 2008), at muling inihayag niya ang kaniyang prehuwisyo laban sa kapuwa panitikan at wikang Filipino nang walang pangingimi sa angking katangahan. May kaugnayan ang kaniyang artikulo hinggil sa nobelang Mga Ibong Mandaragit (1969) ni Amado V. Hernandez, at aniya’y hindi madaling arukin.
Umaangal si Veneracion na hirap na hirap daw maunawaan ng kaniyang anak ang nobela. Nagtuwang pa umano si Veneracion at ang kaniyang mister sa pagbasa ng nobela ngunit nabigo sila dahil sa “mabibigat” na salitang inilahok ni Hernandez sa akda nito, kaya nakapagbitiw pa ng malulutong na mura ang magkabiyak. Idinagdag pa ni Veneracion ang kaniyang pananaw at panukala hinggil sa paggamit ng mga “salitang magagaan” na mabilis na makapaghahatid ng mensahe sa mambabasa.
Ang totoo’y mahirap lamang ang nobela ni Hernandez sa mga tao na walang tiyagang magbasa sa Filipino, at sa mga tao na laging nauulapan ng prehuwisyo ang isip laban sa panitikang Filipino. Madali lamang basahin ang nobela ni Hernandez, kung tutuusin, at malaki ang iniungos nito sa Tagalog halimbawa nina Lope K. Santos at Valeriano Hernandez Peña. Kung baga sa pelikula, ang nobela ni Hernandez ay hindi purong drama, bagkus nalalahukan din ng kaunting libog, katatawanan, bakbakan, at iba pang usapang makukulay. Ngunit higit pa rito, taglay ng nobela ang masinop na paglinang ng mga tauhan, ang pagtatagni-tagni ng mga kapana-panabik na pangyayari, at ang malalim na imahinasyon sa pagpapasalikop ng kathang-isip at realidad o ng mito at kasaysayan.
Ang Mga Ibong Mandaragit ay umiinog sa buhay at pakikipagsapalaran ni Mando (na dating si Andoy) na dating tauhan ng pamilya Montero. Lumahok siya sa digmaan laban sa mapanakop na Hapones, at nakilala pagdaka si Tata Matyas, na nakababatid na may katotohanan umano ang kayamanang itinapon ni Padre Florentino sa dagat, at siyang nakapaloob sa nobelang El filibusterismo ni Jose Rizal. Mahihimok si Mando na hanapin ang kayamanan, at nang masisid niya ito’y ginamit pagkaraan sa pagtataguyod ng peryodikong Kampilan at sa pagtatayo ng Freedom University, na tinaguriang “pandayan at palihan ng mga kabataang makabansa.” Nakipagtulungan si Mando kay Dr. Sabio, na makabayang intelektuwal at edukador, upang baguhin ang sistema sa lipunang pinamumugaran ng mga bulok na propitaryo, politiko, relihiyoso, at hukom. Sa pagwawakas ng nobela, mahihiwatigan ang pananagumpay ni Mando at ni Magat (na dating punong gerilya) sa pagbubuo ng maláy na pamayanan ng mga magsasakang handang igiit ang kanilang karapatan sa mapaniil na pamilyang Montero.
Ang “ibong mandaragit” sa nobela ni Hernandez ay hindi na ang dating de-kahong banyagang mananakop, gaya ng Espanyol, Hapones, at Amerikano. Naghunos iyon sa katauhan ng mga politiko at kakutsaba nilang pawang Filipino na pinaghaharian ang mga dukha, mangmang, at mahina. Sinasala din sa akda ang diyalohikong ugnayan ng mga puwersa, uri, at kabuhayan sa lipunan—sa pamamagitan ng masining na usapan o diwain ng mga tauhan—at naghahain ng mga posibilidad sa kapalaran ng sosyalistang pangangasiwa, kung hindi man pamunuan.
Nahihirapan lamang sa pagbasa ang gaya ni Veneracion dahil halatang hindi siya nagbabasa ng panitikang Filipino; o sadyang ayaw niyang magbasa ng mga akdang Filipino, kahit pa magmagarang mahusay siyang magsulat o magsalita sa Filipino. Dahil kung nagbabasa nga siya, ang diskurso ng Ingles ay hindi niya ipipilit sa diskurso ng Filipino. Magkaiba ang polo na pinagmumulan ng dalawang wika. Dagdag pa rito’y magkaiba rin ang kasaysayan ng panitikang Filipino at ng Ingles, at hindi makatwirang laging gamitin sa pagsusuri ang lente ng Ingles o banyagang panitikan sa pag-aaral ng panitikang Filipino.
Pinuri ni Veneracion ang nobeletang The Old Man and the Sea ni Ernest Hemingway, at itinambis pa pagkaraan sa nobela ni Hernandez. Ang totoo’y hindi maihahambing ang nasabing akda ni Hemingway sa nobela ni Hernandez, dahil intelektuwal at makabayan ang pagdulog ni Hernandez kompara sa baryotikong mangingisda-kontra-sa-higanteng-marlin ni Hemingway. Kung babasahin ni Veneracion ang salin sa Filipino ni Jesus Manuel Santiago sa naturang akda ni Hemingway, matatauhan marahil ang butihing abogada sa elegansiya at lalim ng Filipino, bukod sa maiisip na higit na maganda ang salin kaysa orihinal na akda sa Ingles.
Ang panukalang “mga salitang magagaan” ni Veneracion ay sintomas ng kaniyang antas ng panlasa sa panitikan. May mga panitikang sadyang magagaan, ngunit ang gayong “gaan” ay ikinukubli lamang ang masalimuot na loob at diwa ng akda. Ang “gaan” sa panitikan ay matatagpuan hindi lamang sa paglalahok ng mga ngangayunin at balbal na salitang gaya ng sa mga akda ni Batjay (Jay David) o ni Jun Cruz Reyes. May kaugnayan din iyon sa antas ng diskurso ng mambabasa sa diskursong taglay ng manunulat. Mahirap lamang basahin ang isang akda kung ang mambabasa ay walang tiyagang arukin ang mga pahiwatig at pagpapakahulugan ng mga salita, at kung sadyang tiwalag siya sa mga tayutay at sayusay o ugat at kaligiran ng kaniyang binabasa.
Salita ang bumubuhay sa mga manunulat at sa kanilang mga akda. Ang pagpapakadalubhasa sa paggamit ng wika ang instrumento ng mga manunulat upang makalikha ng mga dakilang akda. Bakit dapat mangimi kung malalim ang bokabularyo ng isang nobela o tula? Kinakailangan bang laging ibaba ng manunulat ang kaniyang pamantayan upang umabot sa mababang pamantayan ng mga mambabasang ang totoo’y wala naman? Hindi ba nakalulugod na magbasa ng mga akdang lampas sa mga de-kahong banghay at pormula, at makapagpapataas sa pagtingin sa pagkatao o pagkabansa?
Kung talagang binasa ni Veneracion ang nobela ni Hernandez, nasagap sana niya ang matalim na obserbasyon ng kritikong si E. San Juan Jr. sa epilogo ng nobela:
One last word: It is indeed an anomaly that this epilogue to a novel whose single, concentrated aim is to define the possibilities of freedom for a Filipino is written in the language of a former colonizer. Languages have each their own myths, history, and ideological orientation. And English is no exception. English, given its present decline and obsolescence in the nation, can never really express the native psyche, the Filipino experience in its place and time, as sincerely and effectively as (F)ilipino, except perhaps by dental and negation. One may suggest that nothing of any value can be gained except through denial and renunciation; but what value for human communication and communion can there be in falsehood or deception? I submit that this novel introduces itself on its terms as a work of art possessing in its form and texture a host of manifold implications that immediately transcend the realm of art. Mga Ibong Mandaragit is the first Filipino novel that has succeeded in giving us the true, disturbing image of ourselves and our experience.
Walang kakayahan ang gaya ni Veneracion na ipakahulugan ang panitikan para sa mga Filipino. Bagaman malaya niyang gamitin ang wikang nais niyang gamitin, at sa pakiwari niya’y madaling mauunawaan ng madla, hindi naman nangangahulugan iyon na dapat na nating ipinid ang pinto sa mga panitikang hahamon sa ating mambabasa para mag-isip at magsuri nang malalim. Kung hanggang mabababaw na panitikan lamang ang ating babasahin ay mananatili tayo sa gayong antas: mababaw. Walang mawawala sa pagbabasa ng mga dakilang panitikan—malalim man ang bokabularyo nito o hindi—kundi ang ating taglay na katangahan.
Hindi maibubukod ang wika sa mga dakilang panitikan. At mamamatay lamang ang ating wikang Filipino kung susundin natin ang payo at prehuwisyo ng mga demagogo na ang wikang Filipino ay laan lamang sa mga panitikang mabababaw at madaling maarok, kung hindi man tsismis, kabalbalan, at kuro-kurong walang batayan.
Kathang agham (science fiction) ang nauuso ngayong uri ng kuwento at nobelang kinakagat ng kabataan. Ang nasabing uri ng akda ay hindi totoong pinasimulan ng ilang kabataang manunulat sa Unibersidad ng Pilipinas o Ateneo de Manila University. May pinag-ugatan iyon sa Tagalog, at ugat na marapat lingunin ng sinumang nagtatangkang pumalaot sa gayong pagkatha.
Maaaring magsimula sa koridong Ibong Adarna na ang awit ng mahiwagang ibon ay kayang makapagpagaling ng sakit na pisikal. May ipot din ang Adarna na kapag sumayad sa sinumang tao ay nagiging bato ito. At mapanunumbalik lamang ang dating anyo ng tao kapag binuhusan ito ng mahiwagang tubig na mula sa ermitanyong nag-aangkin ng lihim na karunungang gaya ng siyentipiko.
Lilipas ang mahabang panahon bago maghunos ang uri ng kathang agham sa Filipinas. Nang malathala ang Doktor Satan ni Mateo Cruz Cornelio noong 1945, hahatak sa mga mambabasa ang bagong uri ng katha. Ito ang kathang hango sa daigdig ng agham, ang agham na bagaman hinaluan ng guniguni ay halos maging kapani-paniwala sa mga tao na naghahanap ng lunas sa kanilang sakit at kahinaan.
Umiinog ang Doktor Satan sa buhay ni Dr. Alberto Estrella. Binagabag si Alberto ng pangyayaring ang kaniyang ina ay dinapuan ng malubhang sakit, at kailangan niyang tumuklas ng bagong gamot na makapagpapagaling sa ina. Nagsaliksik nang nagsaliksik ang doktor. Hanggang isang araw, napanumbalik ni Alberto ang buhay ng Rusong si Igor na nagpatiwakal, kaya lalong lumakas ang kutob ng naturang doktor na nakamit niya ang gamot na magbibigay ng inmortalidad sa sinumang tao.
Tinungga ni Alberto ang gamot na kaniyang inimbento, ngunit sa kasamaang-palad ay nakaranas siya ng di-inaasahang epekto. Naghunos ang kaniyang pagkatao na animo’y satanas na may mabalasik na kalooban. Dumating ang sandaling pinatay ni Alberto ang kaniyang kasintahan dahil sa hindi mapigil na panloob na puwersa. Naghasik ng lagim si Alberto hanggang mapatay ito ng kaniyang kapatid na si Pepe na isa ring alagad ng batas. Samantala, gumaling mula sa pagkakasakit ang ina ni Alberto matapos inumin ang gamot na ibinigay ng kaniyang anak.
Madaling sabihin na naanggihan si Cornelio ng mga akdang gaya ng Frankenstein (1818; 1831) ni Mary Wollstonecraft Shelley o kaya ng Dr. Jekyll and Mr. Hyde (1886) ni Robert Louis Stevenson, gaya ng haka ng kritikong si Soledad S. Reyes. Ngunit ang akda ni Cornelio ay hindi sadyang panggagagad, dahil ang pagnanais na humanap ng gamot sa sakit ng tao ay hindi lamang esklusibo at nagmumula sa kanluran bagkus malaganap na tema sa mga alamat at mito dito sa Asya.
Kung babalikan naman ang mga pangyayari noong dekada 1930-1940, lilitaw ang mga pambihirang tuklas sa larangan ng agham. Kabilang dito ang tuklas ni Ernest O. Lawrence hinggil sa pagpapangkat ng mga dugo ng tao; ang bakunang pinaunlad ni Max Theiler laban sa yellow fever; at ang saliksik ni Otto Warburg ukol sa enzyme. Mulang biyolohiya hanggang kemistri, mulang pisika hanggang medisina, napakaraming tuklas na ang pinakarurok ay ang pagkakaimbento ng bomba atomikang pupuksa sa laksa-laksang tao sa Nagasaki at Hiroshima. Ang panahon nang sulatin ni Cornelio ang kaniyang nobela’y panahon ng lagim, at hindi kataka-taka kung maghanap ang tao ng mga bagay na lulunas sa sakit o bagabag nito.
Hindi nagwawakas sa nobela ni Cornelio ang mga kathang agham. Noong 1959, ilalathala sa magasing Aliwan ang nobelang Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana. Naiiba sa lahat ang akdang ito ni Caravana dahil sumusugal ito nang malaki sa paksang hindi lubos maisip ng masa.
Ang “Matilde” na tinutukoy ay hindi tao bagkus babaeng buldog. Si Matilde ang matapat na aso ni Dr. Lino Romasanta. Ang nobela ay pumapaksa sa transplantasyon ng puso ng isang aso sa katawan ni Angela, ang kasintahan ni Lino. Ginahasa si Angela ni Dr. Razul, at pagkaraan ay nasiraan ng bait, saka inatake sa puso. Isinumpa ni Lino na bubuhayin ang kaniyang katipan, at pakakasalan. Dahil matinik na siruhano, tinistis ni Lino ang puso ni Angela at pinalitan ng puso ni Matilde. Nabuhay si Angela, subalit nagpapabago-bago ang kaniyang asal, na kung minsan ay sa tao at kung minsan ay sinusumpong na mabangis na aso. Dito nagsimula ang pagpapanday kay Lino bilang matapat na asawa at alagad ng medisina.
Kung babalikan ang kasaysayan, naganap ang unang matagumpay na operasyon na ginawa sa puso ng aso noong 1914, at mababanggit si Dr. Alexis Carrel. Samantala, ang unang transplantasyon ng puso ng tao ay isasagawa ni Dr. Christiaan N. Barnard noong 1967 sa Groote Schuur Hospital, Cape Town, South Africa. Nangangahulugan ito na nahulaan na ni Caravana ang posibilidad ng transplantasyon ng puso ng tao; gayunman, ang kaniyang nobela ay pumapaksa sa paglilipat ng puso ng buldog sa katawan ng tao.
Kinakailangang tuklasin muli ng bagong henerasyon ng mga kabataan ang akdang ito ni Caravana. Pulido ang wika ni Caravana, at bukod dito’y pambihira ang kaniyang paglinang sa mga tauhan upang maging kapani-paniwala. Ginamit din ng awtor ang paglalatag ng mga kapana-panabik na tagpo, at kahanga-hanga ang pukol ng mga salita ng mga tauhan na kumbaga sa pelikula’y makapagil-hininga. Heto ang isang halimbawa makaraan ang seremonya ng kasal nina Lino at Angela:
Hindi matingkala ang kagalakang nag-uumapaw sa puso ni Dr. Romasanta nang matapos na kasal. Masigla at halos pasagsag na inilabas niya ng simbahan ang kanyang magandang asawa.
Gayunman, nang sila’y magkasama na sa awto ay hindi pa rin lubusang mapawi sa isipan ni Lino ang pag-aalaala. Baka sumpungin ng pagkaaso si Angela. Hindi nakaila kay Angela ang pag-iisip ni Lino.
—Bakit ba tila may inaalala ka?—pansin ni Angela.
—A, walang anuman,—pakli ng manggagamot. —Naisip ko lamang na tutuksuhin tayo ng ating mga kaibigan.
—Maano kung manukso sila,—ani Angela.—Bakit, ikahihiya mo ba ako kaninuman?
—Hindi sa ikahihiya. Ang totoo’y ikinararangal kita, Angela. Para sa akin ay ikaw na ang lahat: ang langit, kaligayahan at lahat-lahat na!
Gayon na lamang ang pagbabatian nang dumating na ang bagong kasal sa tahanan ng lalaki. Gaya ng sinabi ni Lino, gayon na lamang ang panunukso sa kanila ng mga dinatnan.
At dumating ang oras ng salu-salo. Sabay-sabay na nagsiluksok ang lahat sa isang mahabang mesa. May biruan at may tawanan. Madalas nilang pasaringan ng biro ang mga bagong kasal. Nguni’t napuna ni Dr. Romasanta na walang imik si Angela. Napansin din niyang nananalim ang mga mata nitong nakatitig sa buto ng hita ng litson.
Kinabahan si Lino. Sinapantaha niyang hindi malayong sumpungin si Angela. Nakita niyang gumalaw-galaw ang mga labi nitong walang iniwan sa asong si Matilde. (Ika-21 labas, Ang Puso ni Matilde ni Nemesio E. Caravana, Aliwan, 7 Oktubre 1959).
Makabubuting magbalik sa nakalipas na panitikan bago maghayag ng kung ano-anong kabaguhan kuno sa panitikang Ingles o Filipino dito sa Filipinas. Ang paglingon sa nakaraan ay pagharap din sa maaliwalas na bukas ng ating pambansang panitikan.
Malaking kawalan sa panitikang Filipinas ang pagkamatay ni Adrian E. Cristobal na itinuturing na ama ng maraming manunulat na Filipino. Intelektuwal at kritiko, si Adrian ay batikang satiriko ng kaniyang panahon na malalim ang kaalaman sa bituka ng politika, kasaysayan, at higit sa lahat, panitikan ng Filipinas. Wala pa akong nakikitang manunulat na Filipino na may kalibre at resistensiya ng satirang gaya ng pinagyaman ni Adrian.
Isa sa mga itinuturo ni Adrian noon, habang nag-iinuman kami sa kaniyang dampa na malapit sa estero ng Dingalan, na kailangan ng manunulat na laging magduda sa lahat ng masasagap sa paligid o mababasa sa aklat o maririnig sa kung sinong santo-santito. Kailangan umano ng manunulat ang pagpapatalas ng isip, ang paghalukay sa nakaraan, ang pagpapakadalubhasa sa wika, at ang paglalatag ng tatlong elemento sa masining na paraan sa mga pangungusap na ikababaliw ng mambabasa.
Igalang mo ang mambabasa, aniya.
Ang paggalang sa mambabasa ang magiging mabigat na hamon sa mga manunulat. Maaaring mali sa pananaw ng iba ang iyong pinagmumulang panig, ngunit kung paano mo makukumbinsi sa bisa ng lohika at satira ang mambabasa ang makapagpapanibago ng timbangan. Kapag pumasok ka sa balangkas ng pangangatwiran ng isang manunulat, kinakailangang ang gayong balangkas ay lubos na matatag upang maging kapani-paniwala at siyang sasang-ayunan ng mambabasa kahit ayaw niya ang gayong panig. Magigiba lamang ang pangangatwiran ng naturang manunulat kung lalabas ka sa ruweda ng naturang pangangatwiran at gagamit ng bagong ruweda ng pangangatwirang mula sa pananaw ng ibang teoriko.
Taliwas sa kaalaman ng nakararaming Filipino, si Pang. Ferdinand E. Marcos ang pinakamahusay na tagapagsalita ni Adrian, at ito ang laging ipinagyayabang ni Adrian. Sinasabi lamang ni Marcos ang mga salitang sumilang sa guniguni ni Adrian, at hindi si Marcos ang ultimong diktador ng mga salita na dapat sulatin ni Adrian. Sa nasabing tagpo, nagkakaroon ng banggaan ng isip ang dalawang intelektuwal—na magiging klasikong pangyayari noong panahon ng Batas Militar. Ang masaklap ay nakumunoy si Marcos sa labis na kapangyarihan, at ang nasabing kapangyarihan ang kokontrol din sa kaniyang buhay bilang pangulo.
Samantala, magiging mohon sa patakarang pang-ekonomiya ng Filipinas ang “Filipino First: An Approach to Economic Policy” na pinairal noong administrasyon ni Pang. Carlos P. Garcia, at siyang isinakataga ni Adrian. Walang nakaisip nito noon, na dapat unahin ang kapakanan ng Filipinas kaysa ibang bansa sa lárang ng pagpapatakbo ng ekonomiya. Nagiging makabuluhan ang “Filipino muna!” lalo ngayong panahon ng globalisasyon, na ang kaakuhan ng isang bansa ay nalulusaw upang sumanib sa pandaigdigang kaakuhang walang katiyakan at pagkakakilanlan.
Sa maniwala kayo’t sa hindi, sumulat din ng nobela ng kabaliwan si Adrian, at sinulat niya iyon hindi sa Ingles bagkus sa eleganteng Tagalog. Isinerye noon sa Filipino Magasin ang pakikipagsapalaran ni Juan, ang manunulat na maiipit sa kalibugan at kalabisan ng lipunang naghahanap ng pagbabago. Pambihira ang alusyon sa nobelang ito, at huhula akong kaiinggitan ito ni F. Sionil Jose na hangga ngayon ay nangangarap makapagsulat sa Filipino o maisalin sa Ingles ang kaniyang mga dakilang akda.
Naulila ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sa pagkawala ng isang ama. Ngunit naniniwala akong sisilang ang marami pang Adrian E. Cristobal, upang itaguyod ang bansa nating pinakamamahal.
Masigla ang paglalathala ng mga pahayagan, magasin, at ibang babasahin sa wikang Tagalog noong 1946, isang taon makaraang mapinid ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ilan sa mga popular na arawang pahayagan noon ang Balita, Ang Bayan, Bagong Buhay, Malaya, Sinag-Tala, at ang mga magasing gaya ng Ang Mutya, Daigdig (Ang dating Hiwaga), Ilang-ilang, Movie Cavalcade, Literary Song-Movie Monthly, Cinema English-Tagalog Monthly, The Parent-Teacher’s Magazine, at Kayumanggi. Tanyag din noon ang mga babasahin sa Ingles, gaya ng Manila Daily News at ang Manila Daily News Sunday Magazine; ang The Manila Chronicle; at ang Filipino Youth na nagtataguyod ng Ingles.
Napakamura ng bilihin noon. Ang Mutya ay nagkakahalaga lamang ng kinse sentimos bawat sipi. Ang Ang Bayan ay nagsimula sa diyes sentimos ngunit magtataas din ng presyo at magiging kinse sentimos. Ang Malaya at Sinag-Tala ay treinta sentimos ang halaga kada sipi; samantalang ang Daigdig ay beinte sentimos lamang kada sipi. Mataas pa noon ang halaga ng piso. Ang treinta sentimos noon ay kaya nang makabili ng sapat na ulam, kanin, at kape, at kung papalarin ay makaiisa pa ng istik ng sigarilyo.
Bawat babasahin ay sumasandig sa mga manunulat at editor na makukuha nito. Halimbawa, ipagmamalaki ng Ang Bayan si Aniceto F. Silvestre na punong patnugot nito, at ang tagapangasiwang panlahat na si Servando de Los Angeles. Si Silvestre rin ang punong patnugot ng Ang Mutya, at katulong na patnugot si Ruperto S. Cristobal.
Ibabantayog naman ng magasing Ilang-ilang si Iñigo Ed. Regalado na punong patnugot nito, at ang tagapamahalang si Mariano Jacinto. Sa kabilang dako, punong patnugot ng Kayumanggi si Alejandro G. Abadilla na katuwang ang mga makatang sina Manuel Car. Santiago at Manuel Principe Bautista. Punong patnugot ng magasing Pag-asa si Jacinto R. de Leon, na hahakot ng mga manunulat na gaya nina Leonardo Dianzon, Hilaria Labog, Liwayway A. Arceo, Pedro Reyes Villanueva, Jose Flores Sibal, at Cirilo Bognot.
Ang Ang Bayan ay may hinpamagat na “Pahayagang Ganap na Filipino.” Ang Ilang-ilang naman ay “Ligaya’t Aliw ng Bawat Tahanan.” Ang Pag-asa ay “Sulo ng Pag-unlad”; ang Pawis ay “Magasin ng mga Manggagawa”; ang Bisig ay “Babasahin ng mga Manggagawang Pilipino”; at ang Bagong Buhay ay “Malayang Pahayagang Pang-araw-araw.”
Pinakamaangas noon ang Kayumanggi, na tinawag ang publikasyon na “Ang Babasahin ng mga Babasahin.” Makapagyayabang noon si Abadilla dahil ang Kayumanggi ay de-kolor ang pabalat, at nagkakahalaga ng singkuwenta sentimos! Ngunit hindi magtatagal ang nasabing babasahin dahil napakamahal noong panahong iyon, at may halagang katumbas ng pagkain sa agahan at tanghalian, bukod sa tabako o sigarilyo.
Samantala’y nakahahatak ang Ilang-ilang, at ang mga tagapag-ambag na manunulat nito ay kinabibilangan ng mga batikang sina Lope K. Santos, Jose Domingo Karasig, M.P. Bautista, Teofilo E. Sauco, Gregorio F. Cainglet, Susana de Guzman, Luis M. Trinidad, Gemiliano Pineda, at Claro M. Recto. Si Recto, na hirap sa wikang Tagalog ngunit bihasa sa Espanyol, ay tinutulungan ni Regalado noon na maisalin ang kaniyang akda sa Tagalog upang maunawaan ng madla. Naisip marahil ni Recto na walang silbi ang kaniyang mga akda kung ang makaiintindi lamang niyon ay ang mga edukado sa Espanyol imbes na mga kapuwa Filipino.
Nakipagtagisan sa merkado ang Ang Mutya, at nakuha ang mga serbisyo ng gaya ng mga kuwentistang sina Jesus S. Esguerra, Brigido C. Batungbakal, Celso A. Molina, at Cirio Galvez Almario, at Miguel M. Cristobal; ang nobelistang si Ruperto S. Cristobal; ang kritiko at sanaysayistang sina Lope K. Santos, Leonardo A. Dianzon, at Felipe Padilla de Leon; at ang mga makatang sina M.P. Bautista at Mario Mijares Lopez, at iba pa.Sa mga pahina ng Sinag-Tala mababasa ang kombinasyon ng matatanda at kabataang manunulat, gaya nina L.K. Santos, Liwayway A. Arceo, Genoveva Edroza-Matute, Apolonio C. Arriola, Andrea Amor Tablan, Alberto S. Medina, Susana de Guzman, Rufino Alejandro, at iba pa. Pinamatnugutan ni Mar S. Torres, na isa ring mangangatha at sanaysayista, ang Sinag-Tala.
Halos umiikot ang mahuhusay na manunulat sa iba’t ibang publikasyon, at malimit mag-ambag ng mga maikling katha, tula, nobela, at sanaysay, bukod sa pagsusulat ng balita o piling artikulo. Ang ilang akda sa mga pangunahing magasin at pahayagan noon ay magiging bahagi ng sangguniang aklat na Diwang Kayumanggi, Ikatlong Aklat, na antolohiyang binuo ni Juan C. Laya para sa mga estudyante, at maituturing nang klasiko sa panahong ito.
Ano ang makukuhang aral noong 1946? Na maisasalba ng sining at panulat ang mga mamamayan at ang mga manunulat. Na madilim man ang dinaanang yugto ng mga manunulat ay may mapipiga pa rin doong kahanga-hangang bagay. At iyon ay walang iba kundi ang makulay na guniguni at sigasig, bukod sa pananalig na ang panitikan at ang sariling wikang matalik sa taumbayan ang makapagbibigay ng pag-asa sa bawat tao para mabuhay at manaig.
Lilipas pa ang 40 taon at magaganap ang di-inaasahang Aklasang Bayan sa EDSA.. Mauulit ang gayong tangkilik sa pamamahayag at panitikan, at mangangarap muli ang ilan na ililigtas sila ng panulat. May 22 taon na ang nakararaan mula nang sumiklab ang Aklasang Bayan sa EDSA ngunit ngayon pa lamang unti-unting nabubunyag na hindi dapat umasa sa ilang personalidad, gaya nina Corazon Aquino, Fidel Ramos, Juan Ponce Enrile, at Jaime Cardinal Sin. Ang tagumpay ng bayan ay wala sa simbahan o negosyo o militar o kilusan. Nasa hanay ng maláy, radikal, at organisadong taumbayan ang tagumpay, at ito ang ipinagugunita sa atin ng panitikan—na malimit nating ayaw paniwalaan, kung hindi man pilit iniiwasan.