Tatlong Nagkukunwaring Prosa

Sugarol

Isinilang ka’t isinugal ng ina mo ang kaniyang buhay sa tadhana. Lumaki kang dumedede habang mainit ang tong-its, madyong, at binggo sa paligid. Nagbinata ka sa sabungan, upang maglako ng sigarilyo o kaya’y umalalay sa kristo. Nag-aral ka at napahimlay sa saklaan o bilyaran, at mga miron ang humaliling magulang. Nag-asawa ka nang tumama sa lotto. Dumami ang anak mo at ang humihingi ng balato. Umangas ka, pumustura, at dumayo pa sa casino! At ngayong uugod-ugod ka na, nais mo namang makipagpustahan sa demonyo para humaba pa ang buhay sa mundo. Ayaw mong mamatay, dahil alam mo, ang bangkay mo’y dadayuhin ng mga kaibigan mo: Para sa pagbalasa ng kapalaran o kaya’y sa pagtaya ng ikabubuhay. (13 Hunyo 2008 )

∞ ∞ ∞

Sinta

May elektrisidad na kumikisap sa aking hinlalaki, tila nagsasabing, “Magandang umaga sa iyo!” Mag-uunat si hintuturo, magbubunyi sa sandaling ito, at paulit-ulit na iindak sa rabaw ng mesa ko. Makikisalit sa kaniyang kasiyahan si hinlalato, hahalakhak sa pagpapalagitik ng lawas. Magigising si palasingsingan, at sisigaw: “Ano ba iyan? Bakit kayo nag-iingay?” Ngunit sasabat si hinliliit, upang igiit na karapat-dapat ngang makisaya at ibulalas ang di-maipaliwanag, awtomatikong kislot. Ang limang daliri’y magdirikit, at ang palad ay magpapalagapak ng pambihirang palakpak na ang tunog ay lalabas sa aking bintana tungo sa kapitbahay hanggang yumanig sa nananaginip na bayan. At ang elektridad ay patuloy na dadaloy sa pulso, maglalandas sa lilignan, tutungo sa bisig, balagat, balikat hanggang magliyab ang aking buong katawan sa umagang anong kulimlim, ano’t kay-lamig, habang umaabon-ambon, kumukulog-kulog, at ikaw na wala sa piling ko ay isang araw ng tag-araw na aking inaasam-asam sumilay sa aking mamasa-masang balintataw. (9 Pebrero 2007)

∞ ∞ ∞

Oliba

Isang lantang dahon sa bubong ng magarang kotse, isang lantang dahong katumbas ng humaharurot ng pag-iral. Malaya mong isipin ang dahon bilang sagisag ng marawal na kapayapaan, o kaya’y mula sa korona ng iyong ubaning asawa. Ang maganda’y nakalapag iyon sa pambihirang sasakyan, sasakyang ang makina’y umaandar sa isip mong mula man sa Vietnam o Estados Unidos ay kisapmatang nauupos sa pagkasaid ng gasolina. Ay, isang lantang dahon. Ang dahong tatangayin ng amihan mulang bundok tungong kapatagan tungong baybayin, upang ang dahon ay hindi na muling maging dahon, at nang mawakasan ang pangalan o sagisag nitong sagrado, malangis, pantastiko. (11 Hulyo 2005)