Ang Salaysay ng Templo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Salaysay ng Templo
 
Roberto T. Añonuevo
 
Kung paano nakapagsasalita ang templo
ay maaaring naitala noon ni Vyasa
at naging talinghaga mula sa lumilipad
na vimana at ugat ng laksang bathala:
Isda na lumalangoy sa kalawakan ng wala,
ang isdang naging huklubang pawikan,
at pawikang naging maliksing daga,
ang matatakuting dagang naging leon
at leon na nagbanyuhay na unggoy,
ang punong unggoy na naging tao,
ang tao na lumaboy na mangangaso,
ang mangangasong naging magsasaka,
ang magsasakang umangat na diktador.
Ang diktador, na kakatwang kahawig mo,
ay naging hunyango ang balát o kapisanan
(dilaw noon at berde mag-isip ngayon)
na tila biro ng masamang panahon.
Dumarami ang kaniyang galamay bawat saglit
at kumukulimbat ng mga planeta at bituin,
ang mga galamay ng tila pugitang dihital
sa loob ng utak na kabesado
ang milyon-milyong kahon at padron
ngunit nakalilimot sa taglay na puso
na wari bang pagbabalik ni Kalki
na lumabas sa antigong batong orasan.
Ang orasan ang huhula ng kalkuladong wakas
ng mga bulok, marahas, at gahaman;
at magsasauli ng katwiran at katarungan
sa paglalakbay tungo sa bagong kalawakan.
Hindi ka man si Darwin ay muling mamamangha
kung paano nakapagsasalita ang templong ito.
Alimbúkad: World-class Filipino poetry. Photo by Navneet Shanu on Pexels.com

Kundiman Libing, ni W.H. Auden

Salin ng “Funeral Blues,” ni W.H. Auden ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
 
Kundiman Libing
 
Itigil ang orasan, putlin ang telepono
Sawayin mo ang aso at alukin ng buto;
Busalan ang piyano at sa sikil na tambol,
Nagluluksa’y tawagin — ilabas ang ataul.
 
Eroplano’y hayaang lumipad, umatungal
At isulat sa langit na Siya ay Namatay,
Kalapati’y damitan ng láso na makutim
Ipasuot sa pulis ang guwantes na itim.
 
Siya ang aking timog, at silangan, hilaga,
At kanluran, trabaho, at araw sa paggala,
Ang hápon, hatinggabi, huntahan ko at awit;
Mali ang akala ko: Walang wakas umibig.
 
Mga tala’y patayin at di na kailangan;
Isilid pa ang buwan at baklasin ang araw;
Ibuhos yaong dagat at hiklatin ang gubat;
Wala na ngayong bagay ang hihigit, sasapat.
Alimbúkad: Empowering Filipino language through translation. Photo by Rene Asmussen on Pexels.com

Arawang Pitak, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Espaço jornal,” ni João Cabral de Melo Neto ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Arawang Pitak

Sa arawang pitak,
nilulunok ng anino ang kahel at ang kahel ay lulundag sa ilog, na hindi talaga ilog,
bagkus dagat na umaapaw sa aking mga mata.

Sa arawang pitak
na bunga ng orasan, nakikita ko ang mga kamay
hindi mga salita; napanaginip kagabi ang babae, at napasaakin ang babae at isda.

Sa arawang pitak,
nalilimot ko ang bahay at dagat
nauupos ang gana ko’t gunita. Walang silbing nagpapatiwakal ako sa arawang pitak.

Pagtunog ng Toreng Orasan, ni Jaroslav Seifert

salin ng “The Striking of the Tower Clock” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagtunog ng Toreng Orasan

para kay Cyril Bouda

Nang gabing iyon, nang ang dilim ay nasa pintuan
at ang mga ipot ng kalapati sa mga kornisa ng mga tore
ay kahawig ng liwanag ng buwan,
nakikikinig ako sa simoy ni Vivaldi
sa Hardin ng Maltese.

Isang batang babae ang humihihip ng pinilakang plawta.
Ngunit ano ang maikukubli ng daliri ng paslit na babae?
Wala ni anuman!
Kung minsan ay nalilimot ko nang  makinig!

Sa ilalim ng tulay ay lumalaguklok ang malayong saplád:
kahit ang tubig ay hindi makatitiis sa mga tanikala,
at mag-aaklas ito palabas sa apaw-agusan.

Halos di-halatang pinalilipas niya ang oras
sa dulo ng kaniyang tsinelas;
namumutawi sa kaniyang labi ang lumang himig
tungo sa antigong hardin.
Mula sa malayo, mula sa lungsod doon sa timog,
sa hanay ng mga ugat ng mga lanaw
ay nakaluklok ang himig sa pulso ng dagat.

Pinangatal ng himig ang himaymay ng kaniyang pagkatao.
At bagaman ang mairuging mga nota
ay hitik sa pang-aakit,
ang kariktan ng dalagita nang sandaling iyon ay lantad
na kahit sa aking isip ay wala akong lakas ng loob
ni hayaan ang sarili kong sumuko sa gayong guniguni
na hipuin siya ng dulo ng daliri hanggang sa mamula.

Sa ngumingiting dula ng karimlan at plawta,
ng tumutunog na orasan mula sa tore
at ng pahilis na bumubulusok na bulalakaw,
kapag posibleng magmadali kung saan paakyat,
pataas sa ipoipong paglipad
nang hindi humahawak sa barandilya,
mahigpit kong kinuyom ang metal na tatangnan
ng aking tungkod na yaring Pranses.

Nang maglaho ang mga palakpak
waring mula sa takipsilim ng malapit na parke
ay maririnig ang mga bulong
at ang mga bantulot na yabag ng mga mangingibig.

Ngunit ang kanilang marurubdob na halik,
gaya ng batid mo na,
ay naging unang mga luha ng pagmamahal.
At lahat ng dakilang pag-iibigan sa daigdig na ito
ay may nakamamatay na pagwawakas.