Muli, ni Richard Bausch

Salin ng “Again,” ni Richard Bausch ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Muli

Sa Monte Cassino,
. . . . sa timog ng Roma,
Noong halos bago
. . . . magwakas ang ikalawang
Digmaan, ang pila ng beteranong
. . . . subók sa bakbakan
Ay nalusaw sa silid
. . . . ng ospital, umiiyak.

***
Noong taon
. . . . na isinilang ako,
Binaril ng mga Aleman
. . . . ang libo-libong Pólako
Na sibilyan habang
. . . . ang hukbong Ruso’y
Nakatayo at nagmamasid.

***
Sa mga trintsera sa kahabaan ng Rin,
. . . . nagkasakit ang mga kawal
At nangatal, at naghari ang sindak
. . . . sa naligalig na lupain
nang may usok.

***
Humayo ang mga táong ito nang nananalig sa pag-ibig.
At umuwi sila sa tahanan nang wala nang kakayahan
. . . . pang maniwala sa pagmamahal.

***
Noong taglamig ng nakapapasong
. . . . niyebe, ang taon na isinilang ako,
Sinusunog ang mga lungsod.
. . . . Ang asin ng kati’t taog,
ang asin ng duguang dagat,
. . . . ay pinawalan sa daigdig.

***
Pagkawasak sa kisapmata,
. . . . ang tibok ng isang puso,
Isang tibok. Nangagliyab
. . . . ang mga uniberso ng mga murang pangarap.
Mga mahal na binálot sa abo.

***
At narito muli ang lahat
. . . . Para sa dugo ng mga kalabuan,
Mga obheto ng isip, mga témpano ng pag-iisip.
. . . . Mga diwaing nagpapawalang-bisa,
Mga pilosopiya.
. . . . Mga kredo. Mga paniniwala.

***
Iwinaksi ko ang lahat, ang bawat isa.
. . . . Iwinaksi natin ang lahat, hindi ba,
Ang lahat, ngunit nananatili pa rin.

***
Wala nang gagaang sabihin
. . . . kaysa pagsisihan ito. Nagluluksa tayong
Makita ang kabuuang pinatutugtog
. . . . muli, at ang ating pighati ay parang
Okasyon ng paggunita, isang ritwal,
. . . . habang sa buong daigdig
Ang mga tribu at kanilang salarin
. . . . ay pinupugto ang kariktan.

***
Ang dilim ng dagat sa gabing
. . . . may putong ng lawak na walang buwan,
At ang pagtaog ng humihilang alon
. . . . at ang kislap sa panganorin
Ay maganda. Ngunit yaon ay bálang
. . . . sumabog, sumupling na apoy.

***
Sa ngalan ng Diyos! Sa ngalan ng Diyos.
. . . . Oo. Oo. Iyan. Sa ngalan Niya,
O sa ngalan ng Allah o Partido o Bansa
. . . . o salapi o kabaliwan o ito’y
labis na karaniwan para italumpati pa.

***
. . . . Ang pagpatay sa gayong kalawak,
at ang sigaw na ito, itong hinagpis,
ay walang natatamo ni isang elemento
ng anuman para wikain nang sariwa.
Sinasabi natin ito at sinasabi at sinasabi—at
walang nang bago, wala ni bago.

***
Humayo ang mga táong ito na nananalig sa pag-ibig.
Sa ngalan ng Diyos!

Ang Pangwakas na Awit ng Pag-ibig ni Pedro J. Lastarria, alyas “El Chorito,” ni Roberto Bolaño

Salin ng “El Ultimo Canto de Amor de Pedro J. Lastarria, alias ‘El Chorito’,” ni Roberto Bolaño ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Pangwakas na Awit ng Pag-ibig ni Pedro J. Lastarria, alyas “El Chorito”

ni Roberto Bolaño

Sudamericano sa gotikong lupain,
Ito ang aking awit ng pamamaalam
Ngayong humahangos ang mga ospital
Sa mga agahan at oras na laan sa tsaa
Nang may paggigiit na tanging
Maipapataw ko lamang sa kamatayan.
Nagwakas ang ganap na pinag-aralang
Takipsilim, at ang nakaaaliw na larong
Walang patutunguhan ay nagwakas.
Sudamericano sa lupaing higit na masungit
Kaysa magiliw tumanggap, handa na akong
Pumasok sa mahaba, balatkayong pasilyong
Sinasabi nilang doon namumukadkad
Ang mga nasáyang na oportunidad.

Pi Juan , ni Roberto T. Añonuevo

Pī Juàn

Roberto T. Añonuevo

Nagising ka isang araw, at ang presintong ito ay naging ospital. Nagagamot nito ang kanser ng lipunan, at may bakuna sa mga salot ng lansangan. Halimbawa, ang magnanakaw na pumasok dito ay lumalabas na nagtitikang pastor. Ang tigasing lumpen ay natitiklop na papel o gagambang bumibitin. Ang manyak ay nakakapon sa ehersisyo ng boksing o taekwondo. At ang tulak ay napaaawit habang nakaluhod at pinapupula ang talampakan. Paano silang lalaya kung abogado’y ampaw? Kailangang umamin agad sila sa krimen, o magagalit ang prosekyutor o hukom. Anumang pakiusap ng politiko ay matuwid, at sino kaming alat para sumuway o tumuwad? Lahat ng ibilibid dito ay makasalanan, hindi man litisin, at kung gayon, ay dapat iligtas para sa katarungan, kaligtasan, at kapayapaan. Mali ba ako, Mayór? Sumagot ka! Kailangan mo ng klirans? Bakit ka bumubulong ng areglo? Mababait kami rito! Magtanong ka sa aming mga reporter! Marami ka pang maririnig, at kung may kaso ka, sumunod ka lamang at madodoktor ang mga salita. Nadodoktor dito kahit ang mga papel na basang-basâ. Maraming doktor dito gayong walang titulo, at kung isa kang nars, makabubuti kung nasa tabi ng hepe ko.

 

Hormonal Imbalance

May nagbabago sa sarili mo, at nagising ka na lamang na waring napakabigat ng katawan at napakalapad ng higaan. Pagod na pagod ka, gayong hindi ka naman nagsaka ng bukid, bagkus nanood lamang ng telebisyon o kaya’y nagbasa ng magasin. Tumataba ka nang di-inaasahan, at ang sikmura’y tila masikip kompara sa dapat asahan. Hindi mo maunawaan kung bakit ang langitngit ng pinto ay nakahihindik, ang halakhak ng mga paslit ay nakatutulig, ang kalansing ng kutsarang nahulog sa sahig ay nakayayanig. Tumalas bigla ang iyong pandinig, at pambihira ang iyong pagdama. Dumadapyo ang simoy sa iyong balát at pakiramdam mo’y may yumayakap sa iyong estrangherong multo. Mayayamot ka sa sinumang tumabi sa iyo, at wari mo’y lahat ng nilalang sa daigdig ay biglang pumangit o umaskad o bumantot. Mauuhaw ka, at lalagukin mo ang isang pitsel ng malamig na tubig na parang tumutungga lamang ng tagay. Mawawalan ka ng ganang kumain kahit umaapaw sa mesa ang mga prutas o nagsisikip ang refrigerator sa ulam. Mabubuwisit ka sa iyong mister, na wika mo’y mabaho ang pawis kahit siya’y bagong paligo at nagwisik ng cologne. Minsan, pumasok ka sa banyo at nang maliligo na’y inakala mong iipitin ka ng mga pader o babagsak ang kisame, at malulunod sa shower. Iiyak ka nang iiyak. Iisipin mong bumibilis ang tibok ng iyong puso, napakainit ng katawang parang sinisilaban kung hindi man iniihaw, at pawis na pawis ka kahit napakalamig ng silid. Nang magpakonsulta ka sa ospital, ipinayo ng doktor ang matagal mo nang alam: uminom ng kispirin at yakapsule. At ikaw ay napaluha, napaluha na parang bata, habang kumikindat ang iyong kabiyak na sa iyo’y nakatanaw.

Isang Araw

Kung ang isang paa ay nasa hukay,
Ano’t mangangamba sa paglalakbay?

Nakahiga ako doon sa malamig na silid at ang natatanaw ay salaming pintuan. Dumaraan sa aking paningin ang mga doktor at nars, at ang mga pasyente na iba’t iba ang edad o pangalan o karamdaman. Paroo’t parito ang mga kamang de-gulong, at gumugulong ang buhay na tulad ng bahay na isinusuka ang mga muwebles, basura, at kagamitan. Nadarama ko ang garalgal na tibok ng aking puso na ibinubulong wari ang isang pangalan at landas na malimit tinatahak ngunit mahirap maunawaan. Sisilip ang nars upang usisain ang aparato ng puso, ang puso na napuno yata ng makakapal, malalagkit na banlik, pagkaraan ng masilakbong baha. Humihinga pa ang pasyente, na sumalubong sa siyam-siyam, at ang pasyente ay titingin sa salamin at titingin sa kisame, at makikita ako, at marahil ikaw na nasa malayong pook. Muli akong magbabalik sa sarili, kakaway palayo ang mga kaluluwa, at maririnig ang katahimikan habang unti-unting humahalumimig sa luha ang pader ng salamin.

Tubig, retrato mula sa Public Domain Photos.com

Tubig, retrato mula sa Public Domain Photos.com

Timawa at Kasal ng Dalawang Lahi sa nobela ni A.C. Fabian

Mukha, eskultura ni Raul Funilas. Kuha ni Bobby Añonuevo

MUKHA, eskultura ni Raul Funilas. Kuhang larawan ni Bobby Añonuevo

Materyal para sa pelikula ang nobelang Timawa (1951) ni Agustin C. Fabian. Nasabi ko ito dahil sa masalimuot nitong banghay, pakikipagsapalaran ng mga tauhan, at pabago-bagong kaligirang tinambalan ng kapana-panabik na paglalahad. Higit pa rito, pinapaksa ng nobela ang nagaganap ngayon sa Filipinas: ang kasalatan ng mga mediko, ang kabulukan ng alta sosyedad, ang prostitusyon ng sarili’t propesyon, at ang pag-iibigan ng magkakaibang lahi.

Tampok sa nobela ni Fabian ang pakikipagsapalaran ni Andres Talon sa Estados Unidos, na pumasok ng kung ano-anong trabaho, gaya ng upahang obrero sa California, Washington, at Oregon; manggagawa sa salmunan sa Alaska; tagalatag ng riles sa Nevada; at weyter sa ospital sa Chicago. Magsisikap makatapos ng medisina si Andres, ngunit daranas muna siya ng matinding diskriminasyon at pag-aaglahi sa mga puting Amerikano at sa mga kapuwa Filipinong nagmula sa alta sosyedad. Mamumuo sa loob ni Andres ang paghihiganti, at gagamitin ang talino at katusuhan upang gatasan ang mga mapagmataas na kababayang gaya nina Alfredo at Estrella.

Magiging ganap na doktor si Andres, at darating ang sandali na sisiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Magsisilbi siya sa Medical Corps ng hukbong Amerikano, upang gantihan ng utang na loob ang nakamit niyang propesyon at nang makabalik saka pagsilbihan ang mga kababayan niyang dukha. Masasabak sa digmaan si Andres, tataas ang ranggo at aani ng papuri mula sa sandatahang lakas ng Amerika. Isang araw, masasabugan ang kanilang kampo, at inakala ng awtoridad na isa sa mga nasawing medikong kawal si Andres. Hindi itutuwid ni Andres ang gayong balita, at magtutungo sa Filipinas upang itago ang lihim niyang katauhan.

Ngunit darating ang hukbong mediko sa Filipinas, at makikilala si Andres. Sisikat si Andres sa hanay ng mayayaman, aakitin ng mga dalaga, at magsisikap na magbigay ng libre at epektibong serbisyong medikal para sa mga dukha. Lumabis sa trabaho ang binata, at isang gabing dumalaw siya sa tahanan ni Lily—na isang puta at tanyag sa sirkulo ng mayayaman—ay nahilo at nabagok ang ulo sa sahig. Magkakaroon ng amnesia si Andres, at gagamitin ni Lily ang pagkakataon upang papaniwalaing siya at si Andres ay mag-asawa.

Samantala, hahanapin siya ng kaniyang kasintahang Amerikana na si Alice. Si Alice ang pinadalhan ng kasulatan ni Andres na sakali’t masawi ito sa digmaan ay siya ang mamamahala ng salaping naipon ng binata upang maipagpatayo ng pagamutan para sa mga maralita. Magtutungo si Alice sa Filipinas, at gagawin ang nais ng kasintahan. Maraming matutulungang tao si Alice habang kabalikat sina Alredo, Bill, at Estrella. Magbabalik ang alaala ni Andres nang muling mabagok ito, at saklolohan ni Tandang Pedro. Mababatid din sa wakas ang panlilinlang ni Lily, at magkakabalikan sina Andres at Alice habang ipinahihiwatig ang paninirahan nila nang lubos dito sa Filipinas.

Pambihira ang ganitong nobela dahil inuurirat nito ang usapin ng pag-aaglahi (racism) hindi lamang ng mga puting Amerikano bagkus ng mga Filipinong nagmula sa maykayang angkan. Ang deskriminasyon na matatamo ni Andres ay magmumula sa liblib na baryong pinaghaharian ng panginoong maylupang si Don Marcos. Iigting ito pagsapit sa Estados Unidos, at aabot sa sukdol nang magbalik siya sa Filipinas pagkaraan ng digma. Kung babalikan ang kasaysayan, itinatag ang programang Apartheid sa Timog Africa noong 1949 at naganap ang madugong bakbakan sa Johannesburg laban sa Apartheid noong 1950. Sa Amerika, magkakagulo nang bugbugin ng mga Puti at pulis ang mga Itim na Amerikano sa Birmingham, Alabama, na ang sukdol ay ang pagkakadakip kay Martin Luther King at pagpapakalat ng may tatlong libong kawal noong 1963. Malalim ang ugat ng rasismo sa Amerika, at maiuugnay sa pang-aalipin sa mga Itim na Afrikano at sa mga baluktot na patakaran ng pamahalaang pinaghaharian ng Puti.

Ilalatag sa nobela ni Fabian ang masalimuot na usapin ng prostitusyon at pagbawi ng dangal. Ang prostitusyon ay hindi lamang kakatawanin ni Lily, bagkus maging si Andres mismo na gagawin ang lahat upang makapiga ng salapi sa mga bulsa nina Alfredo, Estrella, at Lily at maibahagi iyon sa higit na nangangailangang maralita. Maituturing din na puta ang gaya nina Alfredo at Estrella, na pawang gagamitin ang salapi upang paikutin ang mga dukha at iba pang tao, alinsunod sa kanilang nais. Sa kabila ng lahat, aasa si Lily  na maiaahon siya sa lusak sakali’t mapangasawa si Andres. Maghuhunos ang pagkatao nina Bill, Alfredo, at Estrella dahil sa leksiyong ibibigay ni Andres. At magbabago si Andres dahil kay Alice na magtuturo sa kaniya na paganahin ang damdamin imbes na isip lamang.

Walang bida sa kumbensiyonal na pakahulugan ng “bida” sa nobela ni Fabian. Lahat ng tauhan ay may kahinaan, at nalulutas lamang ang kahinaan dahil may banggaan ng isip at loob ang mga tauhan. Ang naturang banggaan ay lumikha ng sintesis upang maituwid ang pagkakamali. Si Andres ang ultimong halimbawa, na ang isang tagapagligtas ay dumanas ng pagkatimawa mulang pagsilang hanggang pagkatigulang at nawalan ng gunita. Makaaahon lamang si Andres sa madilim na yugto sa tulong ng kaniyang mga kaibigan at ng gaya ni Tandang Pedro; at dahil nagmumula sa loob mismo ni Andres ang kapasiyang umahon sa karukhaang pangkatawan, pangkabuhayan, at pangkaisipan.

Kung sisipatin naman ang bayan ni Andres, mababago lamang ang sistema ng gamutan sa naturang lugar nang dumating si Andres at magpasimula ng bagong sistema. Mababago rin ang diskriminasyon sa mga dukha nang ipagpatuloy ni Alice ang naiwan ni Andres. Sa panig ni Alice, matutuklasan niya na hindi sapat na gamutin ang pisikal na katawan. Kailangan ding gamutin ang masasamang kaugalian na bumabalot sa isip ng taumbayan. Makatutulong din ang hukbong mediko ng Amerika nang magtungo ito sa bayan para gamutin ang mahihina, maysakit, at sugatan. Ngunit ang sukdulan ng paggamot ay hindi lamang sa pisikal na antas. Ito ay ang pagbabago sa pananaw ng mga panginoong maylupang gaya ng mga magulang nina Estrella at Mercedes tungo sa mga dukhang magbubukid. Magiging tulay sa naturang pagbabago ng pananaw si Andres, na animo’y humuhugot ng alusyon sa himagsikang pinasimulan ng kaniyang tukayo at nagkataong supremo ng Katipunan.

Mahalaga ring pansinin ang pagkakasal ng dalawang lahi. Magpapakasal sina Bill at Estrella, at ipahihiwatig ang muling pagbabalikan nina Andres at Alice. Sina Alice at Bill ang mga halimbawa ng pagbasag sa de-kahong pagtingin na ang mga Amerikano’y sadyang tarantado at mapaniil. Kinakatawan nila ang mga tao na may puso kahit sa ibang tao na iba ang lahi at estado sa buhay. Ang pag-iisang dibdib naman nina Alfredo at Mercedes ay tila nagsasaad na kahit magkaiba ang kanilang kinamulatang gawi at asal ay magkakaayos ang magkasintahan sa mabuting usapan. Ipinakikita rin sa nobela ang pagiging alyado ng Filipinas at Amerika, na isa ring uri ng pagbibigkis ng lahi sa oras ng pandaigdigang digmaan.

Ang konsepto ng “timawa” ay mauugat sa mga tala ni Juan de Isla (1565), na ipinakahulugang uring panlipunan na katumbas ng “malayang tao.” Kabilang ng “timawa” ang “datu” na maykaya at ang “alipin” na siyang utusan ng mga datu. Sa pag-aaral ni William Henry Scott at alinsunod sa mga tala ni Miguel de Loarca, ang “timawa” ay anak o salinlahi ng asawa o kabit ng datu, o kaya’y anak ng aliping inanakan ng datu. Walang karapatang makamana o magmana ang timawa, at tanging datu lamang ang may kapangyarihang gawin ito. Maglalaho ang uring panlipunan na kinakatawan ng timawa pagsapit ng kolonisasyon ng Espanyol, at ang nasabing taguri ay ilalapat pagkaraan sa mga tao na “dukha” sa ekonomiko, pisikal, at intelektuwal na antas. Nang lumaon, ginamit na mapanlibak na taguri ang “timawa” sa mga maralita, at kinargahan ng negatibong pahiwatig saka inalis ang pakahulugang may kaugnayan sa “kalayaan,”  “laya,” at “paglaya.” Ang doble-karang konsepto ng “timawa” ang mahihinuhang kinasangkapan ni Fabian sa nobela, na hindi lamang tungkol sa karukhaan bagkus maging sa kalayaan ng tao sa sistemang mapaniil.

Kailangang balikan ng bagong henerasyon ng mga mambabasa ang Timawa ni Fabian. Maraming Filipinong mediko, nars, at parmasyotiko ang nagtutungo sa ibayong dagat upang maghanapbuhay, at nauubos ang hanay nila sa Filipinas. Ang pag-alis nila sa Filipinas kung minsan ay ganap na paglagot sa ugnayan sa Filipinas, bagaman may ilang magbabalik upang dito magretiro at gugulin ang naipong pensiyon. Ang nobela ni Fabian ay paggunita sa kakayahan ng tao na makaahon sa madilim niyang nakaraan, papaghilumin ang sugat sa kalooban at isipan, o kaya’y sa gunita at lipunan. Ngunit hindi ito magagawa lamang ng isang tao. Kailangan ang pagtutulungan, at ang bisa ng pagbabayanihan ay isang susi upang mabuksan ang pinakamaringal at pinakamatayog sa puso ng tao anuman ang kaniyang lahi. Higit sa lahat, ang nobela ay isang mahabang paglalakbay, at ang nagbabalik ay maaaring hindi ang taong dating umalis, bagkus bagong tao na magpapatuloy sa naiwang tungkulin noong nakalipas na panahon.