Bahay, ni Roberto T. Añonuevo

Bahay

Roberto T. Añonuevo

Itinitindig ito upang wakasan ang langit
na maging kisame, at lagyan ng hanggahan

ang mararating ng simoy at sinag at ulan.
Lagyan ito ng mga mata at biglang didilat

ang panorama ng paligid na nilalayuan.
Lagyan ito ng bibig at hihigupin o lalamunin

nito ang mga nilalang na tumatangging
maging alipin ng alinsangan o halumigmig.

Lagyan ito ng dibdib, at magtatagpo sa wakas
ang bait ng loob at ang damdamin ng labas.

Lagyan ito ng sikmura, at mauunawaan
ang salo-salo na sumasarap sa pag-uusap.

Lagyan ito ng mga paa at tiyak makatitirik
sa mga gulód, o uuyamin ang mga alon.

Tanggaping iwinawaksi nito ang panganib—
sa anyo man ng hayop o kulisap o sinumang

nanloloob na sumusuway sa mga batas.
Uusisain mo ba ang seguridad nito’t tibay?

Sasagutin ka ng pawikan—na mapalupa
o mapalaot ay nasa likod ang kaligtasan.

Dito nabubuo ang tinatawag na pag-asa
kapag tinatanaw ang araw at mga bituin.

Pugad ng laway o kaya’y pugad ng langgam,
ito ang katwiran ng pagbigat ng daigdig.

Gaano man kalaki ang balangkas nito’y
kapalaran nitong maging basura o lason

sa paglipas ng panahon. Kayâ alagaan ito,
habang may haligi o ilaw na tuturingan.

Lilipas ang salinlahi, ngunit ang espasyo
nito ay magsisilang o maglilibing sa iyo

para manatiling diyos na nasa lupa, dahil
itinitindig ito upang wakasan ang langit.

Mga Bato, ni Yannis Ritsos

Salin ng “Stones,” ni Yannis Ritsos ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Bato

Sumasapit, lumilipas ang mga araw nang magaan at karaniwan.
Tigmak ang mga bato sa liwanag at gunita.
May isang isinasaping unan ang bato.
May ibang naglalagay ng bato sa damit bago lumangoy
upang makaiwas tangayin ng simoy. May gumagamit ng bato
bilang upuan
o upang tandaan ang isang bagay sa bukid, sa sementeryo,
sa dingding, sa kahuyan.
Nang lumaon, matapos ang takipsilim, kapag nakauwi sa bahay,
alinmang bato mula sa dalampasigan na ilapag mo sa mesa’y
munting estatwa—isang maliit na Nike o aso ni Artemis,
at ang isang ito, na tinapakan ng kabataang basâ ang mga paa
noong hápon, ay si Patroklus na malamlam ang pilik na pikit.

Alimbukad: Poetry Imagination

Kabaliwan, ni Ada Negri

Salin ng “La Follìa,” ni Ada Negri ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kabaliwan

Napigtal sa sikomoro ang dahon, niyanig ng lawiswis ang puso
. . . . . . . . . . ng sipres,
at ikaw ang tumawag sa akin.

Mga matang tagabulag ang bumutas sa dilim, nagpakò sa akin
. . . . . . . . . . gaya ng pakò sa dingding,
at ikaw ang tumitig sa akin.

Humipo sa akin ang mga kamay na tagabulag, tungo sa himbing
. . . . . . . . . . na bukál ay sinalok nito ako,
at ikaw ang may gusto sa akin.

Pasukdól sa malamig na gulugod na kumakatal nang tahimik,
. . . . . . . . . . ang kabaliwan ay umahon sa aking utak,
at ikaw ang pumasok sa akin.

Hindi na sumasayad sa lupa ang mga paa ko, magaan ang láwas
. . . . . . . . . . na lutáng, tangay ng nakahihilong dilim,
at ikaw ang nagpabagsak sa akin, ikaw.

Sa Labas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Labas

Roberto T. Añonuevo

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos, na maaaring pagpapahalaga kay Imelda
Marcos o Yao Ming, ngunit hindi kailanman ruta
Ng Ang Tibay sa lumang museo ng mga sapatero.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . O iyon ang hinala mong tumatamà.

Bawat pares ay talaan ng mga pakikipagsapalaran;
At bawat destinasyon ay piling kúlay balát tahî taták
Sa alaala, na posibleng nagmula sa mga gasgas
na karanasang hango sa ibayong-dagat o pabrika,
ngunit hindi kailanman mahahalata ng pandama.

Kontaminado ng alikabok, ang salansan ng sapatos
Ay maaaring tumakbo palayo sa pananagutan o rali;
Tumadyak sa mga busabos o sumipa sa isang bola;
Umiwas sa di-mapigil na panlulumo o panlalamig;
Hinubad dahil sa tuwa at ipinamigay sa kaawa-awa;
Ipinukol sa kinamumuhiang politiko o bagamundo;
Itinapon ng mga baldado at pilay sa basurahan;
Sinagip bago lumutong mula sa resiklong regalo;
Nagbabalatkayo na orihinal at puslit sa adwana;
At ngayon ay naririto para gampanan ang kambal
na papel na uso-at-laos:
Ang replika ng prestihiyo at artefakto ng kalabisan.

. . . . . . . . . . . . . . .Sapagkat ukay-ukay din ang lungkot
Na naghuhunos na lugod kapag napasakamay
Ng sinumang lumaki nang nakayapak, o tumanda
Para sumaksi sa taas at lagitik ng mga takong;
O nakatagpo ng sinumang muling nakatindig
at nakalakad matapos maratay nang napakatagal.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Himala, hindi man himala?

Tatanawin ang eskaparate sa laki at lapad ng paa,
O sa kalidad ng goma o gaan o katad o disenyo,
alinsunod sa presyo na maididikta ng merkado.
Sakali’t isukat sa haraya ang pinili sa mga displey
ay asahan mong ipagpapalit ang ipon at ang hiya
ituring mang tulak ng dibdib dahil kabig ang bibig.

Ang eskaparate ay iba’t ibang panahon ng lakad
ngunit makakalap ang mga bakás sa mga ngalan
ng estetikong silbi at inaakalang pangangailangan:
Kumakaway ang lumbay nito sa likod ng salamin;
Kumakaway, at ang ganti mo ay pag-iling-iling.

Hindi ba ang salamin ay humihikab ding sapatos
Tuwing ihahakbang?

Marahil, o kung hindi’y ngumangangá sa pagod.

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos sapagkat may katwiran ang isang kuripot
Ngunit malayaw,
Sapagkat may katwiran ang pagtitipid at basura
Sapagkat may bago na sasabihing pangmayamang

Kagila-gilalas ang landas na minsan pa’y pipiliin mong
Talikdan.

Abiku, ni Wole Soyinka

Salin ng “Abiku,” ni Wole Soyinka ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Abiku

Batang lagalag. Ang parehong batang namatay at paulit-ulit nabubuhay upang  salantain ang ina. —Paniniwalang Yoruba

Walang saysay ang mga borloloy na galáng ninyo
Na paikid na gumagayuma sa aking mga paa;
Ako si Abiku, na nanánambítan sa una
At paulit-ulit na pagkakataon.

Dapat bang itangis ang mga kambing at báka
Kapalit ng langis ng niyog at inihasik na abo?
Hindi nagpapasibol ng agimat ang mga ube
Upang tabunan ang mga galamay ni Abiku.

Kapag sinunog ang balát ng isang susô’t
Pinatalas ang nagbabagang piraso, sakâ itinatak
Nang mariin sa aking dibdib, dapat batid na ninyo
Kung muling nanánawágan sa inyo si Abiku.

Ako ang ngipin ng tapilak, na kumalag-kalag
Sa palaisipan ng palmera. Tandaan ninyo ito:
Ihukay pa ako nang malalim na malalim
Tungo sa namamagang paa ng bathala.

Minsan at sa paulit-ulit na yugto, di ako tumatanda
Bagaman nákasusuká na, at kapag ibinuhos ninyo
Ang tagay sa anito, bawat hintuturo’y tinatangay
Ako malapit sa aking pinanggalingan, sa pook

Na tigmak ang lupain sa luha ng pagdadalamhati.
Hinihigop ng puting hamog ang mga tigmamanok,
Kinakaibigan ng gabi ang gagamba’t binibihag
Ang mga gamugamo sa mga bulâ ng tuba.

Gabi na, at sinisipsip ni Abiku ang natitirang langis
Sa mga tinghoy. Mga ina! Ako ang nanánawágang
Ulupong na pumupulupot sa inyong mga pintuan
At tumitilaok bago ang pagpaslang.

Ang pinakahinog na prutas ang pinakamalungkot
Na aking ginagapang. Ang init ay nakasusulasok.
Sa katahimikan ng mga sápot, umungol si Abiku,
At inihugis ang mga tumpok mula sa pulá ng itlog.

Stop weaponizing the law. Stop militarizing the bureaucracy. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity!

Isang Selyong Personal, ni Olga Orozco

Salin ng “El sello personal,” ni Olga Orozco ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Selyong Personal

ni Olga Orozco

Ito ang aking mga paa, ang sablay sa akin pagkasilang,
at, kung hindi ito makalipad, ay malinaw na pangungusap
para bumulusok muli
sa ilalim ng walang taros na gulong ng zodyak.
Hindi hadlang ito para sa templo o tungkong bato.
Dalawang paa lámang, na pawang anfibyo, enigmatiko,
malaon, gaya ng dalawang anghel na pinilay ng pagguho
. . . .  . . . . ng lansangan.
Dalawang paa ito para sa landas,
hakbang kada hakbang sa lahat ng bangkay,
umaakyat na hinlalaki o sakong sa ibabaw ng kamatayan,
mga bilanggo ng selda ng gabing kagilid ko’t dapat lampasan.
Ang mga paa ko’y tumatawid sa mga bága o sa mga patalim,
na tinatakán ng bakal ng Sampung Utos:
Dalawang anonimong martir na nagpipilit na magsimula,
handang banggain ang mga pinid na pinto ng planeta, at iwan
ang kanilang mga bakás ng alikabok at pagsunod gaya ng isa
pang bakás na halos di-makita sa buhawing winawalis
 . . . . . . . .ang hanggahan.
Ang aking mga paa, mga maestro ng daigdig,
mga paa ng tumatákas na panginorin,
pinakinis na hiyas sa hininga ng araw at may salát ng mga graba:
Dalawang maningning na suwail na ngumangasab sa búkas ko
sa mga kalansay ng kasalukuyan,
nangagkalat habang lumalampas sa senyas ng lupang pangako
na nagbabago ng puwesto, dumudulas sa mga damo,
habang ako’y sumusulong.
Anung walang silbing instrumento sa pasukan at labasan!
At walang ebidensiya matapos ang maraming paglalakbay
sa parehong frontera,
walang selyo ng predestinasyon sa ilalim ng aking talampakan.
Mayroon lámang bangin sa pagitan ng dalawa,
ang di-mapipigil na pagkawala na humihila lagi sa akin pasulong
at ang bulong na ito ng pagtatagpo’t paghihiwalay kada hakbang.
Kahanga-hanga at kaawa-awang kalagayan!
Nahulog ako sa bitag nitong dalawang paa,
gaya ng bihag ng langit o impiyerno na bigong nagtatanong
hinggil sa kaniyang kauri,
na hindi nakauunawa sa mga buto niya o sa kaniyang balát,
o kahit sa pagsisikap ng gaya ng nag-iisang salagubang,
ang pagtatambol na nanánawágan sa eternal na pagbabalik.
At saan magtutungo ang dambuhalang ito—maalamat,
kagila-gilalas—na ibinubukad ang kaniyang buháy na laberinto
tulad ng bangungot,
naririto, nakapako sa pagkakatayô,
sa dalawang deliryong takas ng bulâ, sa ilalim ng bahâ?

Yes to human rights. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to bogus operation.