Sa Harap ng Estatwa ni Éndimiyón, ni C.P. Cavafy

Salin ng “ΕΝΩΠΙΟΝ ΤΟϒ ΑΓΑΛΜΑΤΟϒ ΕΝΔϒΜΙΩΟΣ,” ni C.P. Cavafy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Harap ng Estatwa ni Éndimiyón

Sakay ng puting karwahe na hila ng apat
na mala-niyebeng múlo, na suot ang pinilakang
palamuti, ako’y sumapit sa Latmos mula Miletus.
Naglayag ako sa lilang trireme mula Alexandria,
upang magsagawa ng mga sagradong
ritwal—na pagsasakripisyo at líbasyón—
upang dakilain si Éndimiyón*.
Tunghayan ang estatwa! Tumititig ako ngayon
nang labis ang galak sa bantog na kagandahan
ni Éndimiyón.
Ang mga alila ko’y binuksan ang mga sisidlan
ng pabangong hasmin; at ang manigong papuri
ay pumukaw sa kaluguran ng lumang panahon.

* Éndimiyón—ang mitolohikong tauhan na kilala sa kaniyang pambihirang kisig at rikit. Hinimok ni Selene (ang Buwan) si Zeus ipailalim ang lalaki sa eternal na paghimbing, upang mapanatili niya ang kagandahan ni Éndimiyón at madalaw ito tuwing gabi.

Oleo sa kambas ni Johann Carl Loth, at pinamagatang

Oleo sa kambas ni Johann Carl Loth, at pinamagatang “Selene en Endymion,” (1660–1680?),151 sm carrier x 165 sm.

Advertisements

Estranghero at aso, ni Charles Baudelaire

salin ng dalawang tulang tuluyan ni Charles Baudelaire, mula sa kaniyang koleksiyong Le Spleen de Paris (1869).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Estranghero

“Sabihin mo, mahiwagang lalaki, sino ang pinakamamahal mo, ang iyong ama, ina, o kapatid?”

“Wala akong ama, ina, at kapatid.”

“E kaibigan?”

“Nasa dulo ng dila ko ngunit hindi ko matandaan.”

“Ang bayan mo?”

“Saan man iyon naroroon.”

“Kagandahan?”

“Kalulugdan kong ibigin kung siya’y diyosa at imortal.”

“Salapi?”

“Kinasusuklaman ko, gaya ng pagkasuklam mo sa Diyos.”

“Kung gayon, pambihirang estranghero, ano ang minamahal mo?”

“Mahal ko ang mga ulap. . . ang nagdaraang mga ulap. . . hayun. . . doon. . . ang kahanga-hangang mga ulap!”

Ang Aso at ang Pabango

Halika, maganda at mabait kong aso, at samyuin ang pambihirang pambango na mula sa mahuhusay na manlilikha ng pambango sa buong Paris.

Ang aso, na ikinawag-kawag ang buntot, na sa aking palagay ay paraan ng abang nilalang kung paano magalak at humalakhak, ay lumapit at idinampi ang ilong sa nguso ng walang tapong botelya. Pagdaka’y napaurong ito, at tumahol na waring galit na galit at nanunumbat sa akin.

“Hay, kawawang aso, kung binigyan kita ng tae ay lugod na lugod na sininghot-singhot mo na iyon, at kinain pa marahil. Sa gayong paraan ay kawangis mo ang madla, na hindi dapat handugan ng pabangong ikayayamot nito, bagkus piling basura lamang.”