Pabula ng Sirena at mga Lasenggo, ni Pablo Neruda

Salin ng “Fabula de la suena y los borrachos,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo

Lahat ng tigulang na lalaki’y naroroon sa loob
nang pumasok siya, hubad na hubad.
Nag-iinuman sila, at sinimulan nilang duraan siya.
Dahil galing sa ilog, ni wala siyang naunawaan.
Isa siyang sirenang naligaw sa patutunguhan.
Umagos ang mga insulto sa kumikislap niyang balát.
Natigmak sa pambabastos ang bulawan niyang súso.
Lingid sa kaniya ang pagluha kaya hindi siya umiyak.
Lingid sa kaniya ang pananamit kaya hindi nagdamit.
Pinasò siya ng mga sigarilyo at nagbabagang tapón,
at napagulong sa katatawa ang mga nasa taberna.
Hindi siya umimik dahil banyaga sa kaniya ang wika.
Mga mata niya’y kakulay ng malayong pag-ibig;
mga braso niya’y katumbas ng kambal na topasyo.
Kumislot ang kaniyang labì sa liwanag ng korales,
hanggang sukdulang lumabas siya sa pintuan.
Nang lumusong sa ilog ay iglap na dumalisay siya,
at muling nagningning gaya ng batong naulanan;
at muli siyang lumangoy nang hindi lumilingon,
lumangoy tungo sa kawalan, sumisid sa kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Pabula, ni Octavio Paz

Pabula

Salin ng “Fabula” ni Octavio Paz ng Mexico.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Para kay Álvaro Mutis

Ang mga panahon ng apoy at simoy
Ang kabataan ng tubig
Mulang lungti hanggang dilaw
.  .   .   .  . . . . . . . . . . . .  . . .   .Mulang dilaw hanggang pula
Mulang pananaginip hanggang pagmamasid
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  Mulang lunggati hanggang pagkilos
Isang hakbang na lámang at hindi mo pinag-igihan
Ang mga insekto’y pumipitlag na hiyas
Humihimlay ang init sa gilid ng sanaw

Ang ulan ay waring malatiki na magulo ang buhok
Ang punongkahoy ay tumatayog sa iyong palad
At ang punong iyan ay tumawa, nanghula, kumanta
At ang mga hula nito’y nagkabagwis at umimbulog
May mga payak na milagrong tinatawag na mga ibon
Ang lahat ay para sa isa’t isa
Ang isa’t isa ay para sa lahat
May isang napakalaking salita na wala ni likuran
Ang salita na gaya ng araw
Isang araw ay magkakadurog-durog ito sa libong piraso
Ito ang mga salita ng ating wikang inuusal ngayon
Mga piraso na hindi na muling mabubuo pa
Mga basag na salaming tinititigan ng wasak na mundo

Stop illegal arrest. No to kidnapping. No to illegal detention.

Ang Pabula ng Asno, Báka, at Magsasaka

salin ng Tales from A Thousand and One Nights.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Pabula ng Asno, Báka, at Magsasaka

‘MAY ISANG MAYAMANG magsasaka na nagmamay-ari ng maraming kawan ng báka. Batid niya ang mga wika ng hayop at ibon. Sa isang kuwadra ay pinagsama niya ang báka at ang asno. Sa bawat pagwawakas ng araw, dumarating ang báka sa puwesto na kinatatalian ng asno at natuklasang winawalisan yaon nang maigi bukod sa tinutubigan; ang sabsaban ay hitik sa uhay at piling sebada; at ang asno ay nakahiga nang kampante (dahil bihira siyang sakyan ng kaniyang amo).

‘Nagkataon na isang araw ay narinig ng magsasaka ang winika ng báka sa asno: ‘Napakasuwerte mo. Nalaspag ako sa pagtatrabaho, samantalang narito ka’t nagpapahinga nang panatag. Kumakain ka ng pinong sebada at sapat ang pangangailangan. Bibihira ka pang sakyan ng iyong amo. Sa aking panig, habambuhay na pagkabato ang makatabi ang araro at gilingan.”

‘Sumagot ang asno: Kapag nagtungo ka sa bukid at at isinunot sa iyo ang památok, magkunwang maysakit at dumapâ. Huwag bumangon kahit paluin; o kapag nakatayo’y biglang humigâ. Kapag hinila ka pabalik at pinakain ng damo, huwag kumain. Mag-ayuno sa isa o dalawang araw; at makasusumpong ka ng pahinga mula sa trabaho.”

‘Tandaang naroon ang magsasaka at narinig ang pinag-uusapan ng dalawa.

‘At nang dumating ang tagapag-araro nang may dayami para sa báka, hindi nito kinain ang hatid. Nang magbalik ang magsasaka kinabukasan para hatakin ang hayop patungo sa bukid ay nagkunwang matamlay ito. Winika ng magsasaka sa tagapag-araro: “Kunin ang asno at gamitin siya sa pagsasáka sa buong araw!”

‘Nagbalik ang lalaki, kinuha ang asno kapalit ng báka, at pinagsaka nang buong araw.

‘Nang matapos ang maghápong trabaho at magbalik ang asno sa kuwadra, nagpasalamat ang báka sa mabuting payo ng asno. Ngunit hindi sumagot ang asno at mapait na pinagsisihan ang kadaldalan.

‘Kinabukasan ay dumating muli ang tagapag-araro at kinuha ang asno sakâ pinagsáka ito hanggang takipsilim; at nang magbalik ang asno na nakasingkaw ang leeg, at nasa kaawa-awang pagkapagod, muling nagpahayag ng pasasalamat sa kaniya ang báka, at pinuri ang katalinuhan nito.

‘“Kung kinimkim ko na lámang ang aking karunungan!” naisip ng asno. Pagdaka’y bumaling siya sa báka at nagwika: “Narinig ko ang aking panginoon na nagwika sa kaniyang alipin: ‘Kung ang báka ay hindi lumusog agad, tangayin siya pa-katayan, at ipagbili siya.’ Ang aking bagabag para sa iyong kaligtasan ang nagtulak sa akin, kaibigan, na mabatid mo ito bago maging huli ang lahat. Sumaiyo nawa ang kapayapaan!”

‘Nang marinig niya ang winika ng asno, nagpasalamat ang báka sa kaniya at nagwika: “Búkas ay buong loob akong magtatrabaho nang kusa.” Inubos niya ang kaniyang pagkain, at dinilaan hanggang luminis ang ngabngaban.

‘Kinabukasan ng umaga, ang magsasaka, na kasama ang kaniyang asawa , ay dinalaw ang baka sa kaniyang kuwadra. Dumating ang tagapag-araro at hinatak palabas ang báka, na nang masilayan ang kaniyang panginoon, ay kumaripas nang takbo at nagtatalon. At napatawa ang magsasaka, at napahiga siya sa likod ng báka.

Nang marinig ng dilag ang kuwento ng ama, winika ni Shahrazad: ‘Walang makayayanig sa aking pananampalataya sa misyong nakatadhana kong tuparin.’

Pinabihis ng Vizir ang kaniyang anak na dalaga sa kasuotang pangkasal, at pinalamutian ng mga hiyas, at naghanda si Shahrazad sa paghahayag ng kasal sa Hari.

‘Bago magpaalam sa kaniyang kapatid, iniutos ni Shahrazad ang mga sumusunod: ‘Kapag tinanggap ako ng Hari, ipatatawag kita. Kapag nakaraos na sa akin ang Hari, dapat mong sabihin: “Ilahad mo sa akin, kapatid ko, ang ilang kuwento ng kagila-gilalas para palipasin ang gabi.” Pagkaraan ay kukuwentuhan kita, at kung nanaisin ng Allah, ay magiging sanhi ng ating paglaya.’

Nagtungo ang Vizir, kasama ang kaniyang anak, sa Hari. At nang ipasok ng Hari sa kaniyang silid ang dalagang si Shahrazad at sumiping sa kaniya, umiyak pagkaraan ang dilag at nagwika: ‘May nakababatà akong kapatid at ibig kong magpaalam sa kaniya.’

Ipinatawag ng Hari si Dunyazad. Nang dumating siya, niyakap niya nang mahigpit ang kapatid, at umupo pagkaraan sa tabi niya.

At winika ni Dunyazad kay Shahrazad: ‘Ilahad mo sa amin, kapatid ko, ang kuwento ng kagila-gilalas, upang palipasin nang masaya ang gabi.’

‘Masusunod,’ tugon niya, ‘kung pahihintulutan ako ng Hari.’

At ang Hari, na hirap makatulog, ay sabik na nakinig sa kuwento ni Shahrazad.

[ITUTULOY. . . .]