Awit sa Kalawakan, ni Roberto T. Añonuevo

Awit sa Kalawákan

Roberto T. Añonuevo

Maráramdamán mong lumiliít ang iyóng útak hábang tumatagál ka sa láot, at pára kang balíw na makikiníg sa malíkmatáng bahagsúbay. Susukátin mo ng paningín ang mga bituín sa paghahanáp ng pulô ng mga pulô. Ang sandalî ay warìng isáng taón, at pagdáka’y magíging líbong taón. Sisikíp ang iyóng paghingá at ikáw ay masusuká, aakalàing tagaytáy ang sinasákyang mga álon. Pára kang kamélyo sa gitnâ ng láot, o kung hindî’y lúmba-lúmba na ipinukól ng dágat doón sa búkid. Mawawalán ka ng siglá at mawawalán ng pag-ása. Ngúnit hindî maiiyák, ni magagalák sa napipintông kapáhamakán. Mamamanhíd ang buô mong kataúhan, at magíging banyagà ang tákot o ágam-ágam. Isisigáw mo ang ngálan ng íyong músa, at gáya ng kondenádong bagáni ay haharapín nang taás-noó ang berdúgo at palakól. Mapapápikít ka, at sa íyong guníguní’y aáhon warì ang kahímig ni Dîan Masalantâ:

Kasingtandâ ng daigdíg mo ang túbig,
lumalagós sa lupà úpang tuklasín 
ang líhim ng matitipunông ugát
bágo akyatín ang rúrok ng mga dukláy.

Nangangárap itó ng hímpapawíd
at may gunitâ ng tag-aráw at buwán;
humihimbíng na napakálamíg na bundók 
at gumugúlong na luhà o dalúyong.

Kasingtandâ ng daigdíg mo ang túbig,
bumabángon pára sa palikpík o tukâ,
ináangkín ang mga panahón at kaharìan
ngúnit payák gáya ng páwis at hamóg.

Di-makalí itó kung hindî máglalakbáy,
paíkot-íkot na tíla walâng nararatíng;
magbabanyúhay itóng gamót o láson
at sasakláw sa panagínip mo’t katawán.

Magugulantáng ka sa mga salitâng tinatangáy ng habágat. Hahabúlin mo ang tínig hábang namámaluktót nang nanginginíg, nanginginíg nang nakapikít, ibinúbulóng ang mahál, at kung iyón man ang iyóng wakás ay wakás iyón na nághihintáy ng panibágong pakikípagsápalarán.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry Filipinas. Photo by Pelipoer Lara on Pexels.com

Mensahe mula sa Martir, ni Mbarka Mint al-Barra’

Salin ng “رسالة من شهيد” ni Mbarka Mint al-Barra’ ng Mauritania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni John Mitchell

Mensahe mula sa Martir

Mamaríl ka, matagal nang nagliliyab ang aming puso
Sa lupaing ito, at umaapaw ang lungkot sa pagdurusa.
Mamaríl ka, o buhóng, dahil hindi na ako natatakot
Palampasin ang pamamaslang mo, ni tatakbo palayo.
Pinalulusog ng dugo ko at pinananariwa ang lupaing
Ito, nagtatanim ng salinlahing maláy at may pag-asa.
Lumalago ang bisig at paa mula sa butil ng shrapnel;
Nabubuo ang mga kamay na makapagpuputong sa bukál
Na nananalig na ang lupaing ito ang laging tahanan:
Matapang nilang igigiit ang karapatan sa bawat sulok.
Nasaan man ako, ang lupaing ito ang aking rubdob;
Makikisanib ang galimgim sa eternal na pag-ibig.
Wala akong pakialam kung marami man ang pagsabog.
Hindi ako nasisindak sa mapamuksang kidlat at kulog.
Alimbúkad: Poetry solidarity against slavery and intolerance. Photo by Tomu00e1u0161 Malu00edk on Pexels.com

Ang Pagsilang ng Ngiti, ni Christopher Middleton

Salin ng “The Birth of the Smile,” ni Christopher Middleton ng United Kingdom

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

May tatlong alamat hinggil sa pagsilang ng ngiti, at umuugnay ang bawat isa sa magkakaibang panahon. Kaugalian nang isalaysay ang mga alamat na ito sa pabaligtad na pagkakasunod-sunod, na tila ba maituturo nito sa wakas ang walang katapusang sinaunang panahon na taglay ang mga lihim na balang araw ay ibubunyag din sa mga alamat na kinakailangan pang tuklasin.

Ang unang alamat ay hinggil sa mga Sumeryo. Bumaba mula sa kabundukan tungong kapatagan ang mga tao na ito upang maghanap ng pagkain at tubig. Makalipas ang ilang siglo ng pagtatamasa ng pagkain at tubig, naaburido ang mga tao sa pagkasapád ng kapatagan, nanabik muli sa sinauna’t nakagawiang pag-akyat at pagbabâ sa mga bundok, at nagpasiya pagkaraan na magtayo ng bundok na matatawag na kanila (malinaw na ibig nilang magbalik sa dáting pook). Sa loob ng sampung taon, nagpunyagi ang mga lalaki sa pagtatayo ng bundok. Ang mga babaylan ang tumapos doon—naghukay ng mga butas para agúsan ng tubig, nagtanim ng punongkahoy sa tuktok, isinaayos ang mga silid sa loob, malapit sa paanan, para sa materyales sa aklatan, at ang palikuran, na napakahalaga. Habang abala ang mga babaylan, isang napakalaking hablon, na hinabi sa loob ng sampung taon ng mga babae, ang inilambong paikot sa bundok. At sa wakas, nagtipon ang mga tao; pagdaka’y tinanggal ang nakalukob sa bundok nang may angkop na seremonya habang sumasaliw ang mga lumalabog na agung. Habang lumilislis sa lupa ang hablon, ginupit ang mga hibla sa pamamagitan ng malalaking gunting na yaring Sumeryo, at lumantad ang bundok na sariwa at lastag, at napangiti ang lahat ng Sumeryo sa unang pagkakataon. Maikli ang pagngiti, gayunman.  Nagtayo ng bundok ang mga Sumeryo upang bagtasin nang paakyat at pababa, ang bundok ng puso, ang bundok ng kawalang-pag-asa, ang bundok ng kirot; ngunit naglaho ang kanilang ngiti nang ang isang babaylan, mula sa ilalim ng punongkahoy doon sa tuktok, ay maghayag: “Sagrado ang pook na ito; huwag itanong kung kanino laan ito. At huwag pumasok o umakyat sa kabilang panig, o kayo’y mamamatay!”

Isinasalaysay ng ikalawang alamat na isinilang ang ngiti sa mukha ng unang babae nang tumayo ito sa unang pagkakataon sa harap ng unang lalaki, at sumagap ng katahimikan na nagpalaki at nagpahaba sa uten ng lalaki sa labis na pagkalugod sa piling ng babae.

Inilahad ng ikatlong alamat ang panahon na dapat mauna sa ikalawa, kahit pa ilang araw lamang ang nakalipas. Ito ang sinasabi ng alamat: Nang ginagawa ng tagapaghubog ng búhay ang lalaki at babae, napakaingat niya upang mabigyan sila ng matibay na hubog at nang maisilid ang kaluluwa sa kanila. Malimit may panganib na malusaw ang mga anyong ito sa agos na lumalagos sa lahat ng bagay. Napoot ang kaluluwa sa mga bagong nilalang, at nagwala dahil ikinulong ito, at makalipas ang matinding pagpupumiglas at pakikipaghatakan, sumabog ito sa pagiging apoy. Dumaloy ang apoy sa mga katawan ng mga nilalang, at muntik nang matupok ang lahat ng iba pang nilikha kung hindi naagapan ng Kalmanteng diyos na humawak sa kamay ng kaluluwa. Walang ano-ano’y tumayo sa harap ng babae ang diyos. Nang magkaharap na sila, isang pulô ng kalamigan ang nalikha sa gitna ng pagliliyab. Habang nakatitig sa babae, unti-unting namangha sa gaan at kariktan ng babae ang diyos, at sa halos naaaninag na katawan na ginagapangan ng apoy na humahagupit nang malakas. Nagwika ang diyos sa makalangit na pananalita sa katawan ng babae, samantalang namamangha sa pagtitig. Habang nagsasalita ang diyos, narinig ng kaluluwa ang gayong mga salita, at sa unang pagkakataon ay nagsimulang pumanatag ito sa tinatahanan. Iyon ang sandaling napangiti ang babae. Noong panahong iyon, ang ngiti ay sadyang pagpayag ng kaluluwa na manahan sa atin.

Kung matutuklasan ang mga sinaunang alamat, maipapaliwanag ng mga ito sa atin ang nahihindik na ngiti ng isang Kafka; o ang ngiti na isiningit sa mga gilid ng bibig ni Che Guevara, sa pamamagitan ng mga hinlalaki ng kaniyang mga salarin.

Alimbúkad: Breaking barriers in the name of ultimate poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pilosopiya, ni Pablo Neruda

Salin ng “Filosofia,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pilosopiya
  
 Masusubok ang katotohanan
 ng lungtiang punongkahoy
 sa tagsibol at balát ng lupa:
 Pinalulusog tayo ng mga planeta
 sa kabila ng mga pagsabog
 at pinakakain ng mga isda ng dagat
 sa kabila ng mga pagdaluyong:
 Mga alipin tayo ng lupain
 na nangangasiwa rin sa hangin.
  
 Sa paglalakad ko nang may kahel,
 nagugol ko ang higit sa isang búhay
 at inuulit ang globong terestriyal:
 Heograpiya at ambrosya.
 Ang mga katas ay kulay hasinto
 at puting halimuyak ng babae
 na tulad ng mga bulaklak ng arina.
  
 Walang matatamo sa paglipad
 upang takasan ang globong ito
 na bumihag sa iyo pagkasilang.
 At kailangang ikumpisal ang pag-asa
 na ang pag-unawa at pagmamahal
 ay nagmumula sa ibaba, umaakyat
 at lumalago sa kalooban natin
 gaya ng sibuyas, gaya ng mga ensina,
 gaya ng mga bansa, gaya ng mga lahi,
 gaya ng mga daan at patutunguhan. 
Alimbúkad: Poetry ecstasy at its best. Photo by Tuu1ea5n Kiu1ec7t Jr. on Pexels.com

Inaasahan, ni Necip Fazil Kısakürek

Salin ng “Beklenen,” ni Necip Fazil Kısakürek ng Turkey
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Inaasahan

Hindi mahihintay ng maysakit ang umaga,
Hindi mahihintay ng libingan ang yumao,
Hindi mahihintay ng demonyo ang maysala,
Gaya nitong paghihintay ko para sa iyo.

Ayokong dumating ka, ngayon ko lang naisip.
Natagpuan kita naglaho ka man kung saan.
Iwan mo ang aninong hindi dapat mahindik.
Huwag ka nang magbalik, wala na iyang saysay.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Rostyslav Savchyn @ unsplash.com

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

May mga Panalangin, ni Richard Bausch

Salin ng “There are Prayers,” ni Richard Bausch ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

May mga Panalangin

May mga panalangin
Na ang
Panambitan
Ay walang saysay.

May mga pag-asa
Na hinubog
Sa pagsuko,
At ang paghahayag
Sa mga ito
Ay kay panglaw.

May mga paraan
Na asam ng puso
Ang mithi habang
Ipinipinid ang pag-ibig,
At ang mga pasakit
Ay labis na nahihigit
At walang hanggan.

May mga obsesyon
Na ang tatak sa kaluluwa
Ay walang inilalahad
Kundi búhay na bigong
Isabuhay.

May mga pagyao
Na hindi kamatayan
At ang impiyerno
Ay mabatid na ito
Ang Impiyerno.

May mga pagmamahal
Na mauusal lámang
Sa ilang buwan
At taon
Ng paghihintay.

Tanungin ako búkas,
Bulilit.

Alimbukad: Poetry Marathon for Humanity

Bagong Taon, ni Nazik al-Mala’ika

Salin ng tulang Arabe ni Nazik al-Mala’ika ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Taon

Bagong Taon, huwag dumako sa aming tahanan dahil
mga palaboy kami sa kadungayan, at pinagkaitan ng tao.
Tumatakas sa amin ang gabi; iniwan kami ng tadhana.
Namumuhay kami gaya ng mga gumagalang kaluluwa
na walang alaala,
walang pangarap, walang inaasam, walang pag-asa.
Ang panganorin ng aming mga mata’y naging abuhin,
at ang abong-agos ng kalmanteng lawa’y
kawangis ng aming di-makapangusap na mga kilay:
Walang kislot, walang puso,
at hinubdan ng anumang anyo ng tula.
Nabubuhay kami nang mangmang hinggil sa búhay.

Bagong Taon, lumarga! Mayroong landas
na magpapasimuno sa iyong mga hakbang.
Taglay namin ang mga ugat ng matitigas na tambô,
at walang kaalam-alam hinggil sa kalungkutan.
Ibig naming mamatay ngunit tumatanggi ang hukay.
Ibig naming sulatin ang kasaysayan ng mga taon
kung batid lang sana naming maipirmi sa isang pook,
at alam na makapagdudulot ng taglamig ang niyebe
upang takpan ng karimlan ang aming mga mukha.
Kung nagawa lang sana ng gunita, pag-asa, pagsisisi
na hadlangan ang bansa namin sa tinatahak nito;
kung kinasindakan lang sana namin ang kabaliwan;
kung nabulabog lang sana ang aming búhay
sanhi man ng paglalakbay o pagkagulantang
o kaya’y pamimighati sa imposibleng pagmamahal.
Kung makayayao lang sana kami, gaya ng ibang tao.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Bahay, ni Roberto T. Añonuevo

Bahay

Roberto T. Añonuevo

Itinitindig ito upang wakasan ang langit
na maging kisame, at lagyan ng hanggahan

ang mararating ng simoy at sinag at ulan.
Lagyan ito ng mga mata at biglang didilat

ang panorama ng paligid na nilalayuan.
Lagyan ito ng bibig at hihigupin o lalamunin

nito ang mga nilalang na tumatangging
maging alipin ng alinsangan o halumigmig.

Lagyan ito ng dibdib, at magtatagpo sa wakas
ang bait ng loob at ang damdamin ng labas.

Lagyan ito ng sikmura, at mauunawaan
ang salo-salo na sumasarap sa pag-uusap.

Lagyan ito ng mga paa at tiyak makatitirik
sa mga gulód, o uuyamin ang mga alon.

Tanggaping iwinawaksi nito ang panganib—
sa anyo man ng hayop o kulisap o sinumang

nanloloob na sumusuway sa mga batas.
Uusisain mo ba ang seguridad nito’t tibay?

Sasagutin ka ng pawikan—na mapalupa
o mapalaot ay nasa likod ang kaligtasan.

Dito nabubuo ang tinatawag na pag-asa
kapag tinatanaw ang araw at mga bituin.

Pugad ng laway o kaya’y pugad ng langgam,
ito ang katwiran ng pagbigat ng daigdig.

Gaano man kalaki ang balangkas nito’y
kapalaran nitong maging basura o lason

sa paglipas ng panahon. Kayâ alagaan ito,
habang may haligi o ilaw na tuturingan.

Lilipas ang salinlahi, ngunit ang espasyo
nito ay magsisilang o maglilibing sa iyo

para manatiling diyos na nasa lupa, dahil
itinitindig ito upang wakasan ang langit.