Wika ng Kimiko sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Kímiko sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

May éstruktúra ba ang halimúyak, na ipágpalagáy nang isáng síning na álkimístang paraán ng pagháhalò ng mídyum at ménsahe? Itanóng iyán kay Tápputi na nagsúsunóg ng kílay doón sa kaniyáng silíd na tíla lumulútang sa kay nipís, kay putîng úsok; o kayâ’y kay Vātsyāyana na marahil ay napúyat sa kabúbuklát ng mga páhina ng Gandhayukti, ngúnit sa pagkakátaóng itó, pagdamútan ang natítiráng úngguwénto bílang káhalíli ng muntîng sagót. Kung ikáw ang bulaklák o pilîng balakbák, ang datíng mo’y dápat sapát úpang makapágtabóy ng mápaniràng kulísap, ngúnit makápagpápaálab sa bulúgan sa loób ng kurál na tulò-láway sa mga inahíng báboy na nagpápalamíg sa putikán. Ang éstruktúra ng halimúyak ay hindî káwangis ng matátangkád na halígi o makákapál na padér, at hindî rin nakábukód na pálasyo o taníkalâ ng mga kúbo alinsúnod sa árkitéktoníkong pagdulóg, ngúnit may simetríya ng mga molékula, gáya sa hasmín o tagímunáw o sánke o kantútay, pinigâ at dinalísay mulâ sa mga talúlot at balát ang langís o alkohól na pawàng mabábatíd lámang ng ilóng at pupúkaw sa ulirát at guníguní, na pagkáraán ay makapágpapásiglá ng pitlág ng pulsó, makapágsisílang ng ngitî, hábang tahímik na nagtátagò sa likód ng taingá o kúwelyo. Párang nagtanóng ka sa tagòsilángan, at kailángan pang makíta ang subterráneong kalugúran bágo maníwalà sa kátotohánan.  Ang kalugúran kung iúugnáy sa éstetíka, ang balanìng hihígop sa iyó nang magkároón ng saysáy ang mga tuldók, na magíging dî-halatâng línya sa parísukát o tatsulók, susúkat sa balantók ng habilóg o kulubót, nang gumaán ang loób at íbigin ka o umíbig, kung gaáno nagíng kaákit-ákit ang nasísinghót. Lumálampás sa tugmâ at súkat ang halimúyak, at nagtátanghál sa payák na paraán káhit hindî pang-éntabládo. Ngúnit gáano man kabilís tumawíd gáya ng símoy, mananátilì itó hindî dáhil dumáloy sa ilóng o pumások sa bagà o sikmurà. Nananátilìng língid ang salát o tunóg nito ngunit nakaháhalína, na pagdáka’y magíging kataúhan mo. Masalúbong mo man ang isáng kaibígan o kaáway, manánaghíli siyá sa iyóng kagandáhan, hindî dáhil ikáw ang kaúna-unáhang nágtimplá ng mga líkido doón sa láboratóryo. Malilímot niyá ang kaniyáng kasarìan, at malálangháp ka niyá sa iyóng kálastagán, siyá na tíla ngayón ka lámang nakíta, na pára sa iyó, itó ang kímikong réaksiyón na likhâ ng pabangó, pag-íbig, págkatáo.

Alimbúkad: Epic poetry hunger beyond Filipinas. Photo by Valeriia Miller on Pexels.com

Wika ng Sastre sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Sastré sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Kumikítid, sumisikíp ang kinalálagyán mo, at gáya ng bágong sóneto ay kailángan ang éspasyo. Ginawâng ínmortal ni José García Villa, ang éspasyong itó ang katáhimíkan, ang alamís na walâng pagkapánis, gayúnman ay nakápagwíwikà sa haráya ng mga salitâng kung warìin ay tagabúlag sa hanggáhan ng páhina at típograpíya, isáng anyô ng malíkmatá sa pánig ng mga tútang lóyalísta pára bihísan ang émperadór ng kung anóng papúri at pang-urì, ang díbinong oradór na biníyayàan ng awtokrátikong tínig na lumálampás sa uliníg ng panahón pára ikámulágat ng madlâ. Ang éspasyo, na magtátakdâ ng lunán at sérye ng mga pangyayári, ang sisidláng tumátanggí sa siksík, liglíg, umaápaw, at nayáyamót sa mapágmagarà, mapágmataás na walâng kapáris. Tinátahî warì ang talínghagà nitó sa pamámagítan ng sálamángka ng mga pékeng sastréng búmebérso mulâng ibáyo hanggáng kabilâng báryo, ngúnit marúnong magpamálas ng bigát o lálim na hindî agád maáarók, halímbawà, ang aliwálas—na kay gaán sa pakíramdám—kapág bukás ang mga bintanà o ulirát. Kailángan ba ng isáng sutíl na ánghelíto na humáhagikgík pára mabatíd ang lastág at kagilá-gilalás? Ang éspasyo ang luwág sa préhuwisyó ng pagkákahón at kumákalás sa alusyón ni Hans Christian Andersen, ang panándalîng hintô sa élegansíya ng rítmo at tumbalík tugmâan, maáarìng gumágaralgál o pupugák-pugák subálit walâng pagkápagál, kusàng nakikipágsapálarán nang tíla tiwalág-sa-saríli o tiwalág-sa-daigdíg, at lábis ang katapátan sa pagsísinúngalíng úpang mapigâ ang katótohánan, lumilíkom sa natítiráng pásensíya ng mga nahiráti sa rómantíkong kariktán, nang magíng ganáp ang kabáliwán ng buông káharìán. Ang éspasyo, tawágin mang éterno ang kahúngkagán, ang lálakbayín mo, itúring ka mang sirâúlo.

Alimbúkad: Epic poetry silence in search of a muse. Photo by Ngoc Vuong on Pexels.com

Wika ng Manlalakbay sa Larawan, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Manlálakbáy sa Laráwan

Roberto T. Añonuevo

Humíhintô ang daigdíg sa iyó, áking laráwan, at hindî ka diyós bagkús isáng ídolong pándagdág sa polusyón. Warìng nalilímot ng panahón ang pág-andár, alinsúnod sa íbig mo o ng potógrapo, at ang pórma ay isáng pórma, gáya ng tindíg, lundág, o ngitî, na mabíbigông maúlit, at kung ulítin man ay magíging huwárang pagtátaksíl. Laráwan sa Instagram, laráwan sa dingdíng, laráwan sa pitakà, laráwan sa tárpolin, laráwan kung saán-saán, ikáw ang laráwan ngúnit hindî manánatíling akó magpákailánman. Nang titígan kitá, at tumítig ka sa ákin, áko ay hindî na akó, bagamán kahawíg kitá, ngúnit ikáw ay nanánatíling ikáw. Nása laráwan ang kúlay, ang liwánag, ang ánggulo, ang síning, ang sandalî, at ang lahát ng itó ay humintô, sámantálang akó ay patúloy na gumágaláw hanggáng sa ináasáhang paglálahò sa dilím. Hindî akó ikáw, o áking laráwan! Kayâ kapág may nagsábing “Ang gúwapo mo sa laráwan!” akó ay hindî na ang nása laráwan, sapagkát akó ay ibáng-ibá na túlad ng tubigáng umaágos o plánetang umiínog. Anó ang kasaysáyan kung ipípirmí sa mga laráwan? Maráhil, itó ang talá-talaksáng iskrápbuk, na makapágdudúlot ng lugód o sindák, o paghangà o paglibák, ang ártsibo ng tagumpáy o libíngan ng panlúlupaypáy. Magpapáhiwátig ang mga laráwan sa wikàng maúunawàan ng mga matá na sumaságap pára sa ipinápalagáy na takbó ng mga susunód na pangyayári, at ang intérpretasyón ay láging nakásalálay sa mga saksí o nakakíta, at sabíhin nang may háwak ng kasaysáyan, bukód sa tagláy nitóng estétikang panlása. Ang laráwan, paáno itó tátakbó sa dískurso kung hindî ipapáliwánag ang yugtô nang sumílang itó? Hindî ba sapát ang pagigíng pérmanénte—na hindî nangangáilángan ng pagpápaláwig—yámang sadyâng ang pagigíng pérmanénte ang diwà ng laráwan? Mahúli sa ákto ay kagilá-gilalás, gáya ng bulkáng súmasábog o maringál na pagpípigíng, o kayâ’y líhim na pagtátagpô ng magkási, na hinintáy o dî-ináasáhan, ngúnit ang susunód na pángyayári ay durúgtungán ng kung anó-anóng katwíran mulâ sa sinúmang malikót ang guníguní at malikot ang dilà. Maipápalagáy na ang laráwan ay manipúlasyón pára hulíhin ang katótohánan o realidád, nang makapágbigáy ng tiyák na sagót mulâ sa úliúli ng mga hakà-hakà, at nang magíng éstatwa akó sa isáng gunitâ. Ang katótohánan, kung magíging laráwan, ay isáng kabúlaánan, sapagkát ang laráwan ay mapánghihímasúkan ng modipíkasyóng dihitál at téknikong sabwátan. Ang realidád, kung magíging laráwan, ay ibabátay sa máteryal na pángyayári, ngúnit ang realidád ay naibábalangkás sa ísip at isá ring laráwan, na kung manánatíli sa papél o isasálin sa pelíkula, ay hindî na ang órihínal. Humintô ang daigdíg sa iyó, áking laráwan. Huwág magtaká, kung ikáw ay íwan ng sinúmang íbig ang ngayón imbés na ang kahápon; o kayâ’y mulîng balík-balikán ng sinúmang sumásambá sa mga hulagwáy. Paúmanhín, áking laráwan, kung tumátanggí man akó magpáhanggá ngayón, na ikáw ay tingnán.

Alimbúkad: Epic swerving poetry questioning reality. Photo by Miray Bostancu0131 on Pexels.com

Laglág, ni Roberto T. Añonuevo

Laglág

Roberto T. Añonuevo

Mga dáhon ng talísay na iníhalò sa pútik
Ang pinakámadilím na gabí sa áking baníg.

Sing-itím maráhil ni Tapár nang mág-aníto
Bágo habúlin ng mga sibát si Fray Francisco.

Ngúnit dumádapò sa nilálagnát na ulirát
Ang Mapulón na hihílom sa súgat ng pálad.

Akalà ba ni Galileo'y pitóng asúl na babáe
Ang umíindák nang mágkasíning ang gabí?

Walâ akó ni téleskópyo; gayúnman ay ramdám
At tiyák ang landás sa mápa ng paralúman.

Naghíhintáy ang búkid sa mga magsasáka,
At ang tág-aráw ay nakalálangóng pag-ása.

Nakáhigâ akó’t dumílat ang pílat sa dibdíb,
Hábang sumasábog ang talà ng mga pag-íbig.
Alimbúkad: Epic freedom poetry in search of humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Pulo ng Ibu, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Íbu

Roberto T. Añonuevo

Mínsan pa, mánunuyô ang lalamúnan mo sa páglalakbáy, at daráting ang sandalîng íbig mong bumalík sa pinágmulán, ngúnit tíla pagkalág sa paláisipán ang paglingón at pagbabalík. Tataób ang iyóng bangkâ, dúdunggulín ka ng mga álon, at págtatangkâan kang tuhúgin ng gutóm na gutóm na tagáhan, ngunit dáhil hindî iyán ang kapaláran mo’y may bágong bangkâng sasagíp sa iyó na sakáy ang isáng manduyápit. Hihiláhin niyá ang iyóng buhók at ísasampá ka nang pabalibág sa bangkâ. Pagkaraán, gagáod siyá nang gagáod, at kausápin mo siyá’y ni hindî iimík o lilingón, hanggá’t hindî ka naíhahatíd sa Pulô ng Íbu, ang daigdíg ng mga patáy. Paglapág na paglapág ng mga paá mo sa umuúsok-úsok na dalámpasígan ay kisápmatáng maglalahò ang manduyápit at magpapángalísag sa mga balahíbo mo ang sípol na untî-untîng nauupós papalayô at kakaínin ng makapál na gábun. Nagwawakás ang aliwálas at panahón sa Íbu, at napapáram sa nasábing poók káhit ang tínig ni Libtákan. Sasalubúngin ka roón ng mga ilahás na tahól, at tíla dalawampûng ásong-gúbat na gigíl na gigíl at kumíkisláp ang mga pángil ang hahábol sa iyó mulâ sa bakúran ni Sugúdon. Tatakbó ka nang tuliró pagúbat, susuót sa dáwag at lulundág sa lambák, hanggáng mapúkaw ang tagbusáw na kanína lámang ay ginawâng pigíng ang laksâng bagáni. Másisinghót ng tagbusáw ang iyóng pagdatíng, kapagdáka’y sasaklutín ang iyóng pusò na gáya ng matabâng pantát na sisingháp-singháp sa bátis ng mapapaít na katás ng tublí at lagtáng. Matatagpûan mo ang saríli sa loób ng diwítan, nangangatál o kumikisáy o nauutál, at kung iyón ay sanhî ni Manaúg, kailángan mong bawîin ang lakás na kung tawágin ay pag-íbig at ulirát. Gugúhit sa karimlán ang mga kidlát at kukulóg pádagudóg úpang magpákilála ang Anitán. Maáalímpungátan ang táme, tagbanwá, at dagáw, at sa lábis na inís nilá’y isusumpâ mo ang sandalî ng iyóng pagdatíng. Kung isá kang makadúya, mahúhungkág ang mga tambóbung at matutuyót ang bukirín na tinátakpán ng mga bálang. Mapapáluhód ka at manánambítan kay Hakiádan hanggáng umulán ng mga pálay, at kasabáy ng pagtahíp ng dibdíb mo’y mágliliyáb ang nág-iisáng mandalâ na nakatírik sa gitnâ ng kaingín. Gagápang ang apóy sa mga dayámi at katabíng tuód, hihíhip ang símoy at matutúpok ang iyóng damít at loób. Isisigáw mo ang pangálan ng iyóng hinahánap na tíla kumákatók sa Inugtúhan, at magigisíng kang tigmák sa páwis at warìng uminóm ng pinákulûang talampúnay, lasíng na lasíng sa mga kúlay, makaraáng tangkaíng mágpatiwakál na gáya ng tumutulâ sa agusán ng dalámhatì. Sa Pulô ng Íbu, matatanáw mo ang íyong músa na dalawá ang kaluluwá. Ang isá’y pára sa kaniyá, at ang isá pa’y pára sa iyó, ipágpalagáy mang guníguní itóng isinilíd sa baybáyin—na ikáw lámang ang káyang makapágpahiwátig, at siyá lámang ang tangìng makáririníg sa yabág o kaluskós ng mga pantíg.

Alimbúkad: Epic raging poetry Filipinas engulfing the world. Photo by Gerald Yambao on Pexels.com

Pulo ng mga Tore, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Tóre

Roberto T. Añonuevo

Sasápit ka, sa maláo’t madalî, sa Pulô ng mga Tóre, at másasalúbong ang isáng paslít na humihímig ng “Tinugtóg ko ang bangkâ, nagsilápit ang isdâ.” Yayayàin ka niyá sa larô ng kaharìan, hihimúking lumahók sa sampálatayà ng áhedres doón sa plása. Padádamáhin ka niyá sa umpisá, magpápamigáy pa sa iyó ng tatlóng píyesa, ngúnit hábang tumatagál, maráramdamán mong pumapások ka sa gúbat na pasíkot-síkot ang bitúka, sinusuwáy ang prínsipyo sa matématíka gáya ng winikà ni Mikhail Tal, na ang dalawá dagdagán pa ng dalawá ay hindî ápat bagkús limá at sapát lámang ang lagúsan pára sa isá. Mabibiglâ ka sa pagkasukól, na warìng sinasakál o hindî makáhingá. Sakâ mababatíd na ang kalában mo’y si Wesley AlfaSígno, ang bágong kampeón sa téritóryo ng mga kampeón, ang tumálo sa makinárya ng éstado, at mapapáilíng ka kung bákit pinások ang makáalóg-útak na tórneo ng kamatáyan. Mangingitî lámang siyá hábang nagkikibít-balíkat, sakâ makikipágkamáy. Ang larô ay hindî bugtóng, ngúnit ang guníguní mo’y dadakò sa paláisipán ng batà. “Paánong naákit ng tunóg ang mga isdâ, at ano ang balanì sa loób ng bangkâ?” Warìng tumítig ka sa tawtáw ng lápulápu sa batuhán at nangangapâ sa dápat maúnawàan. “Haliká’t íwan ang sagwán, lambát, at bangkâ!” Mahahátak ka sa magnétikong tínig, mamámalákayà sa poók na biniyábas ang pagigíng mangingisdâ, at hábang lumaláon ay matútutúhan mong baságin ang mga aparáto ng éstado. Kapág naratíng mo ang rúrok ng tagumpáy ay hahagúrin ng tanáw ang makapál na lipón ng mga táo samantálang nakásampáy sa matangkád na krus, at sisigáw ng, “Amá! Amá! Bákit mo akó pinabayàan?” Ang kalantóg ng iyóng bangkâ ay áalúnigníg sa elektrómagnétikong álon, maririníg ng mga debótong nauúhaw sa ságradong Salitâ, at káhit hindî ka man sumírko o maghimalâ ay kusà siláng susunód sa iyó na tíla káwan ng tóne-tóneládang dílis, susunód nang maláy na maláy, malulugód sa pámbihirà mong kapángyaríhan. Magniníngas sa gábi ang kámpanáryo, kakawalâ ang kalémbang na párang may súnog o bagyó, maglalakád nang lastág sa liwánag ng buwán ang réyna, magsasálong ng éspada ang mga kabályero, manánalángin sa pasásalámat ang mga óbispo, at ang mga péon ay magdiríwang sa mga lansángan dáhil naangkín nilá ang kalayàan. Walâ kang krúsada na súsuungín. Walâ kang Móro na pápaslangín at alíping tátangayín. Makikíta mo ang íyong músa na isasálin sa líbo-líbong kawikàan, áangkinín ng simbáhan o góbyerno, at gáya ng dápat asáhan, ang lupàin mong kinároroónan ay tátanungín ng mga daráting na sálinlahì kung bákit ganitó ang lángit, kung bákit ganitó ang sukdúlang umíbig.

Alimbúkad: Epic poetry rampage without borders. Photo by Rhalf Ryan Gejon on Pexels.com

Bagong Búhay, ni Dante Alighieri

Salin ng tatlong bahagi ng “Vita Nuova,” ni Dante Alighieri ng Italy

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Búhay

I

Sa aking Aklat ng Gunita, sa unang bahagi na kakaunti lámang ang mababása, ay naroon ang kabanata na may pamagat: Incipit vita nuova [Simula ng bagong búhay]. Hangad kong sipiin sa munting aklat na ito ang mga salitang isinulat sa ilalim ng gayong pamagat—kung hindi man ang lahat ng ito ay kahit yaong pinakaubod ng mga kahulugan nito.

II

          Siyam na ulit mula nang ipinanganak ako’y uminog ang langit ng liwanag sa iisang punto, nang bumungad sa aking paningin ang ngayon ay mabunying dilag ng aking isip, na tinawag na Beatrice ng mga tao na ni hindi alam kung ano ang kaniyang pangalan. Umiral siya sa búhay na ito nang sapat para ang langit ng mga nakapirming bituin ay makaabot sa ikalabindalawang antas sa Silangan ng kaniyang panahon; kumbaga, lumitaw siya sa akin sa simula ng kaniyang ikasiyam na taon, at unang nakita ko siya sa halos pagwawakas ng ikasiyam na taon. Lumantad siyang nakadamit sa pinakamaharlikang mga kulay, na sikíl at mahinhing pulá, at ang kaniyang roba ay may tali at napalalamutian sa estilo na angkop sa kaniyang edad. Sa sandaling iyon, at nagsasabi ako nang totoo, ang masiglang diwa, na nananáhan sa pinakalihim na silid ng puso, ay nagsimulang kumatal nang napakalakas na kahit ang maliliit na ugat ng katawan ko’y ano’t apektado; at sa panginginig, winika nito ang ganitong mga salita: Ecce deus fortior me, qui veniens dominabitur michi [Narito ang diyos na higit na malakas sa akin at dumating upang sakupin ako]. Sa sandaling iyon, ang likás na diwà, na nananáhan kung saan tinutunaw ang pagkain, ay nagsimulang tumangis, at inusal ang mga salitang ito habang lumuluha: Heu miser, quia frequenter impeditus ero deinceps! [Ay, kawawa naman ako!  Malimit na akong mabubulabog mula ngayon!] Masasabi ko na mula noon, pinagharian ng Pag-ibig ang aking kaluluwa, na kagyat namang naging matapat sa kaniya, at lumukob iyon sa akin nang may katiyakan at pamamahala, at idinulot sa kaniya ang kapangyarihan ng guniguni, at maihahandog ko lámang ang sarili sa kaganapan ng kaniyang bawat kaluguran. Madalas niya akong utúsan na umakyat at hanapin ang pinakabatà sa mga anghel; kayâ noong unang mga taon ay malimit ko siyang hanapin, at natagpuan siya na may likas na dangal at karapat-dapat sa gayong paghanga na ang mga salita ng makatang si Homer ay bagay na bagay sa kaniya: “Waring anak siya hindi ng mortal, bagkus ng bathala.” At bagaman ang kaniyang hulagway, na nananatiling palagi sa akin, ay pagtitiyak ng Pag-ibig na hawakan ako, iyon ang lantay na kalidad na hindi ako papayagang pagharian ng Pag-ibig nang walang matapat na patnubay ng katwiran, sa lahat ng bagay na ang payo ay malaki ang maitutulong. Yámang ang maglunoy sa aking libog at gawi noong kabataan ko’y tila paggunita sa mga pantasya, isasantabi ko muna ang mga ito; at sa pagtanggal sa maraming bagay na masisipi mula sa teksto na bukál ng aking mga salita ngayon, magtutuon ako sa mga isinulat sa aking alaala sa ilalim ng higit na mahahalagang pamagat.

III

          Makalipas ang maraming araw sa nasabing siyam na taon nang makita, gaya sa nailarawan, ang pinakamarikit na binibini, naganap naman sa huling mga araw ang paglitaw ng mahiwagang babae, na nakadamit sa dalisay na kaputian, na nakapagitna sa dalawang maharlikang babaeng nakatatanda sa kaniya; at habang tumatawid sa isang kalye, ipinaling niya ang tingin sa kinatatayuan ko na kahiya-hiya, at sa gayong di-mailarawang kabutihan na ngayon ay pinagpala siya ng walang hanggahang búhay, mahimalang binati niya ako na wari ko’y nang sandaling iyon ay lumukob sa akin ang lahat ng labis na ligaya. Iyon ang ikasiyam na oras ng nasabing araw, ikatlo ng hapon, nang ang kaniyang matamis na bati ay sumapit sa akin. Halos lumutang ako sa tuwa, at inasam ang pag-iisa sa aking silid, at doon ko sinimulang isipin ang butihing dalaga at, sa pagninilay sa kaniya, nakatulog ako nang mahimbing, at isang kagila-gilalas na pangitain ang nasilayan ko. Waring nakita ko ang ulap na kulay apoy, at sa nasabing ulap ay naroon ang isang makapangyarihang tao, na nakasisindak masdan, ngunit siya rin ay kahanga-hangang sakbibi ng tuwa. Nagsalita siya, at maraming binanggit na bagay, na kaunti lamang ang naunawaan ko; ang isa’y Ego dominus tuus [ Ako ang iyong panginoon]. Tila naaninag ko sa kaniyang mga bisig ang isang natutulog na pigura, lastág ngunit bahagyang nakabalot sa telang pula; nang titigan ko nang maigi ang pigura, nakilala ko ang dilag na bumati sa akin; ang dilag na noong hápon ay mapagkumbabang bumati sa akin. Sa isang kamay ay waring tangan ng lalaki ang apoy, at wari ko’y inusal niya ang mga salitang ito: Vide cor tuum [Masdan ang aking puso]. Makalipas ang ilang sandali, tila ba napukaw ng lalaki ang dalagang natutulog, at pinilit niyang ipakain sa dilag ang naglalagablab na bagay sa kaniyang kamay; bantulot na kinain iyon ng babae. Pagkaraan ng ilang sandali, ang kasiyahan niya ay napalitan ng mapait na paghagulgol, at umiyak nang nakayakap sa dilag, at sabay silang umakyat tungong kalangitan. Sa yugtong ito ng aking pananaginip, hindi ko nasikmura ang lungkot na nadama; at naputol ang aking panaginip at nagising ako. Nagsimula akong magnilay, at natuklasan ko na ang oras nang lumitaw ang pangitain ay ang ikaapat na oras ng gabi. Inisip ang aking nakita, saka nagpasiya akong ihayag iyon sa maraming bantog na makata ng panahon. Dahil hindi pa naglalaon nang mag-aral akong mag-isa sa pagsulat ng tula, nagpasiya akong kumatha ng soneto na laan sa matatapat na tagasunod ng Pag-ibig; at sa hiling sa kanilang ipakahulugan ang aking pangitain, susulatan ko sila kung ano ang nakita ko sa panaginip. At nagsimula akong sulatin ang sonetong ito, na nagsisimula sa Handog ko sa bawat kaluluwa’t puso.

Handog ko sa bawat kaluluwa’t pusò
ang mga salitang maselang tinahî
upang sagutin mo, na isang pagbatì
sa ngalan ng iyong poon na Pagsuyò.
Itong tatlong oras, ang oras ng wakás
ng mga bituing ngayon napapáram,
ang yugtong sumikat sa tanaw ang Mahál,
na nakaiinis ang anyong matatáp.

Masaya, wari ko, ang sintang kumuyom
sa aking damdamin; at niyakap niya
ang pagnanasa kong himbing mamahinga.
At pinukaw niya ang dilag sa apoy
na sakdal lumukob sa kaniyang dibdib,
at nita’y pag-ibig sa luha nasaid.

          Ang sonetong ito ay nahahati sa dalawang bahagi. Sa unang bahagi, isinaad ko ang pagbati at humingi ng tugon, samantalang sa ikalawa naman ay inilarawan ko kung ano ang hinihinging tugon. Nagsimula ang ikalawang bahagi sa Itong tatlong oras.

          Tinugon ng marami ang sonetong ito, at binigyan ng samot na interpretasyon, kabilang na sa mga sumagot ang itinuturing kong matalik na kaibigan, na tumugon sa sonetong nagsisimula sa Wari ko’y taglay mo ang lahat ng mahal. Ang tunay na kahulugan ng paniginip na aking inilarawan ay hindi naarok ninuman noon, ngunit ngayon ay ganap na malinaw kahit sa isang sopistikado.

Alimbúkad: Poetry online translation revolution staring at you. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mahal, ni Roberto T. Añonuevo

 Mahal
 (para kay Maribeth)
  
 Kung nakapagsilang ka ng dalawang bathalà,
 Sino akong nilalang upang hindi humangà?
  
 Ikaw ang aking panahon, at ang mga aklát
 Na magbubunyag kung paano mabuhay ang lahát.
  
 Itinuro mo sa akin ang ubod ng tatag at sigásig
 Sa mga balakid na wari ko’y abot-lángit.
  
 Ngunit dinadapuan ka rin ng paninibughô
 Sa mga sandaling dumarami ang aking pusò.
  
 Sinamahan mo ako nang tumayo sa bangín,
 At ngiti mo’y nakagagaan gaya ng hángin.
  
 Ikaw ang aking pook, at kalakbay sa ibang pook,
 At hindi nagmamaliw kahit dapat na matakot.
  
 Ang munting puwang mo’y maginhawang báhay
 Na kahanga-hangang ayaw dalawin ng lamlám.
  
 Gumagaan ang aking balikat sa mga wika mo
 Kahit parang ang sermon ay laan sa mundo.
  
 Kapag dumarating ang salot, bagyo’t taggutóm,
 Ang lutong isda mo'y higit pa sa sampung litsón.
  
 Mga retaso ng layaw ay ano’t iyong nahahábi
 Nang magkadisenyo na kagila-gilalas ang silbí.
  
 Ngunit labis kang mag-ipon ng mga alaála
 Upang ang mga retrato’y maging pelikúla.
  
 Ikaw na hindi ko maisilid sa isang salaysáy
 Ay lumalampas sa uniberso ng aking pagmamahál. 
Alimbúkad: Poetry beyond symmetry. Photo courtesy of Maribeth M. Añonuevo.

Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo, ni Pedro Salinas

Salin ng ikalabindalawang yugto ng “La voz a ti debida”  
ni Pedro Salinas ng España / Spain
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Ang Tinig na Hiram Ko sa Iyo
  
 12
 Hindi kailangan ang panahon
 upang mabatid ang kahawig mo:
 Magkakilala tayo gaya ng kidlat.
 Sino ang susubok na maarok ka
 sa mga salitang hindi sinasabi
 o kaya’y pinipigil mong sabihin?
 Sinumang naghahanap sa búhay
 na isinasabuhay mo ngayon ay taglay
 ang mga alusyon hinggil sa iyo,
 ang mga palusot na kinukublihan mo.
 Ang bumuntot sa iyo sa lahat 
 ng nagawa mo na, ang magdagdag 
 ng kilos para makuhang ngumiti,
 ng mga taon sa mga pangalan,
 ay paglapit para mawala ka. Hindi ako.
 Dumating ako sa iyo na bagyo.
 Nakilala kita, nang kay bilis,
 noong brutal na napupunit
 ang takipsilim at liwanag,
 na ang lalim na tumatakas
 sa araw at gabi ay nabubunyag.
 Nakita kita’t nakita ako, at ngayon,
 hubad sa lahat ng walang katiyakan,
 ng kasaysayan, ng nakalipas,
 ikaw, amasonang sakay ng kidlat,
 pumipitlag ngayon mula sa hindi
 inaasahang pagdating,
 napakasinauna ka para sa akin,
 kilala na kita nang napakatagal;
 na nakapipikit ako sa iyong pag-ibig,
 at nakalalakad nang tama at ligtas
 sa pagkabulag ko; walang may ibig
 sa gayong mabagal, tiyak na sinag
 na alam ng mga tao ang kahihinatnan
 ng mga titik, anyo, at pigura,
 at naniniwala na kilala ka nila,
 kung sino ka, ang aking tagabulag.
   
Alimbúkad: Ultra-passionate poetry beyond your textbook. Photo by Dave Morgan on Pexels.com

Pag-ibig at Habilin, ni Saigyō

Salin ng dalawang tula mula sa Shinkokinshū ni Saigyō [Saigyō Hōshi] ng Japan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
Noong nananahan ako sa malayong pook, ipinadala ko sa isang tao 
doon sa kabisera ang mga tulang ito noong kabilugan ng buwan.
  
 Pag-ibig [Blg. 1267]
  
 Tanging ang buwan
 Doon sa kalawakan
 Ang alaala:
 Gunitain mo ako’t
 Puso ko’y nasa iyo.
  
 Habilin [Blg. 1535]
  
 Kung iwan man ang mundo
 Na hitik sa pighati’y
 Dapat batid ang sanhi—
 Ibalabal, o buwan,
 Sa akin ang taglagas.  
Alimbúkad: Translating the world through poetry. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com