“Ang Paghihiwalay,” ni Marceline Desbordes-Valmore

Salin ng tulang “Les Séparés” ni Marceline Desbordes-Valmore ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Paghihiwalay

Huwag sumulat—Malungkot ako’t ibig yumao.
Lungting tag-araw kung malayo ka’y labis ang dilim.
Ang maabot ka’y di kayang gawin nitong kamay ko;
Pusong sugatan ay waring sapol hanggang ilibing.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Matuto nawa tayong mamatay.
Sarili’t Diyos ay tanungin mo kung mahal kita!
Ang lumayo ka’t sabihing tapat na ako’y mahal
Ay tila langit kahit ang langit ay di makita.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Ang iyong anyo ay nasa isip;
Nasa gunita ang iyong tinig na tumatawag!
Sariwang batis na di mainom ay isadibdib;
Sulat-kamay mo’y salitang tulad ng anyong tatak.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat kung titik nito’y ayaw makita
Ang iyong tinig ay tagos hanggang sa aking puso;
Nakikita ko ang lipad nito sa ngiti’t damá,
Waring halik mo’y sa aking dibdib ay nakisuyo.
Huwag sumulat!

Marceline Desbordes-Valmore

Marceline Desbordes-Valmore

Advertisements

“Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot,” ni Dante Alighieri

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot

salin ng “Un dì venne a me Melanconia,” ni Dante Alighieri ng Republika Italyana.

salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

. . . . . . . . . . . . . . . . .     Sa ika-9 ng Hunyo 1290

Sumapit ang araw nang ako’y nalungkot
At sabi ng Lungkot, “Sasamahan kita.”
Wari ko’y pumasok ang pait at kirot
Sa aking kanlungan upang makiisa.

At suminghal ako, “Magsilayas kayo!”
At sumagot sila nang paligoy-ligoy,
At kung mangatwiran ay tila Griyego.
Tahimik ang Irog na dumating noon,

Suot niya’y itim, kay-rikit na damit.
Ang sumbrerong itim ay nakip sa buhok
At luha’y dumaloy sa pisnging namurok.

Ano ba ang sanhi’t masikip ang loob?
At tumugon siya, “Pighati’y dinibdib
Dahil ang mahal ta’y yumao palangit.”

Piraso ng Liham, Jaroslav Seifert

salin ng “Fragment of a Letter,” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Piraso ng Liham

Magdamag humalihaw ang ulan
sa mga bintana. Hindi ako makatulog.
Kaya binuksan ko ang ilaw
at sumulat ng liham.

Kung makalilipad ang pag-ibig,
na siyempre ay hindi nito magagawa,
at hindi malimit lalapit sa lupa,

kasiya-siyang mabalot ng dayaray nito.

Ngunit gaya ng napopoot na bubuyog
ang mga selosong halik ay sumasalakay
pabulusok sa tamis ng katawan ng babae
at ang di-makaling kamay ay dumadakma
sa anumang maabot nito,
at walang hinto ang apoy ng  pagnanasa.

Kahit ang kamatayan ay hindi nakasisindak
sa yugto ng nakababaliw na tagumpay.

Sino ang nakapagkalkula
kung paanong pumapaloob ang pag-ibig
sa pares ng bisig na yumayapos!

Palagi kong ipinahahatid sa kalapating
kartero ang mga liham sa mga babae.
Malinis ang aking budhi.
Hindi ko kailanman ipinagkatiwala iyon
sa mga lawin o banóg.

Hindi na sumasayaw sa ilalim ng panulat ko
ang mga tula, at gaya ng luha sa gilid
ng mata’y bumibitin pabalik ang salita.
Ang buong buhay ko ngayon, sa dulo nito,
ay humahagunot na biyahe sa tren:

Nakatayo ako sa tabi ng bintana ng karwahe
at araw-araw ay humahagibis pabalik
sa kahapon upang makipagtipan
sa makukutim na ulop ng dalamhati.
Kung minsan ay hindi ko mapigil humawak
sa prenong laan sa emerhensiya.

Marahil ay muli kong masisilayan
ang ngiti ng isang babae
na nabihag gaya ng niligis na bulaklak
sa mga pilik ng kaniyang paningin.
Marahil ay mapahihintulutan pa rin ako
na ipadala sa gayong mga mata
kahit ang isang halik bago tuluyang
lamunin ng karimlan ang titig nito.

Marahil ay minsan ko pang makikita
ang maliit na sakong
na tinabas tulad ng alahas
mula sa mainit na kalambutan,
upang muli akong masamid sa pag-asam.

Anong halaga ang natitira at dapat iwan ng tao
habang paparating ang di-mapipigil na tren
sa Estasyon Lethe
na may mga taniman ng kumikinang na gamón
na ang gitna’y may pabangong makapagpapalimot
sa lahat. Kabilang ang pag-ibig ng tao.

Iyan ang pangwakas na hinto:
hindi, hindi na makauusad pa ang tren.

Sayaw ng Kamisa ng mga Dalagita, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Dance of the Girls’ Chemises” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas

Sayaw ng Kamisa ng mga Dalaga

Pahanay na nakabilad ang sandosenang
kamisa ng mga dalagita,
na ang bulaklaking engkahe sa dibdib
ay mga bintanang rosal sa Gotikong katedral.

Panginoon,
ilayo mo ako sa lahat ng kasamaan.

Sandosenang kamisa ng mga dalagita,
iyan ang pag-ibig,
mga laro ng mga inosenteng dalagita
sa naaarawang damuhan,
ang ikalabintatlo,  ang baro ng lalaki,
iyan ang kasal, na nagwawakas
sa pangangalunya at putok ng baril.

Ang simoy na humahagod sa mga kamisa,
iyan ang pag-ibig,
ang ating lupaing yakap ng matamis na dayaray:
sandosenang katawang mahahangin.

Ang sandosenang dalagitang binubuo ng hanging
magaan ay sumasayaw sa lungting damuhan,
banayad na hinuhubog ng simoy ang mga katawan,
suso, balakang, biloy sa puson doon—
dumilat nang mabilis, o aking mga mata.

Hindi ibig gambalain ang kanilang sayaw,
marahan akong pumasok  sa loob ng mga kamisa,
at kapag bumagsak ang alinman sa mga ito
ay sabik na sasamyuin nang mariin
at kakagatin ang dibdib nito.

Ang pag-ibig,
na ating sinisinghot at kinakain,
ay nanlulumo,
ang pag-ibig na pinag-uukulan ng mga pangarap,
ang pag-ibig,
na nagtutulak sa ating bumangon at mabigo:
ang wala ngunit suma-total ng lahat.

Sa ating pulos elektronikong panahon,
ang nayt-klab imbes na binyag ang tanyag
at pag-ibig ang ipinanghahangin sa mga gulong.
Huwag umiyak, aking makalasanang Magdalena:
Nagsaabó na ang romantikong pagmamahal.

Pananalig, motorsiklo, at pag-asa.

Tula ng Pag-ibig 8, ni Darío Jaramillo Agudelo

salin ng “Poema de amor 8,” ni  Darío Jaramillo Agudelo  mula sa Republic of Colombia.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Tula ng Pag-ibig 8

Ang dila, ang dila mong matalino na umimbento ng aking balát,
ang dila mong apoy na nagpaliyab sa akin,
ang dila mong lumikha ng kagyat na pagkabaliw, ng deliryo
ng katawang umiibig,
ang dila mo, sagradong latigo, matamis na bága,
panambitan ng apoy para mawala ako sa sarili, at magbanyuhay,
ang dila mong malaswa ang lamán,
ang dila mong sumusukò at naghahangad ng lahat ng sa akin,
ang dila mong akin lamang,
ang marikit mong dila na kumokoryente ng aking labì, at humuhubog
sa iyong katawan para dumalisay,
ang dila mong naglalagalag at tumutuklas sa akin,
ang napakaganda mong dila na nagwiwika kung paano ako iibigin.

Bulaklak at Digmaan, ni Mammad Araz

Salin ng “The Flower which Appeared in the Wrong Season” at “If There Were No War” mula sa orihinal na wikang Azeri ni Mammad Araz ng Azerbaijan, at batay sa bersiyong Ingles ni Betty Blair.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Bulaklak na Sumibol sa Maling Panahon

Hindi ko pipigilan ang sarili
Kung walang mga patakaran, walang kaugalian.
Hindi ako magtitimpi kung ang mga batang
Tinatawag akong “Ama!” ay hindi hahadlang sa akin.

May karapatan kang mapoot sa akin.
Ano ang magagawa ko?
Ang buhay ay walang ikalawang tagsibol.
Hindi bukás para sa lahat ang mansiyon ng pag-ibig.

Kahawig ka ngayon ng isang bulaklak
Na sumibol nang wala sa panahon sa lilim ng niyebe.
Kung hindi kita pipitasin, dadapurakin ka ng unos.
Kung pipitasin kita, maluluoy ka sa aking mga palad, Mahal.

 

Kung Walang Digmaan

Kung walang digmaan,
Makapagtatayo tayo ng tulay mulang Mundo hanggang Mars
At tutunawin ang mga sandata sa dambuhalang hurno.

Kung walang digmaan,
Ang ani ng laksang taon ay sisibol sa isang araw.
Maihahatid ng mga siyentista ang buwan at bituin sa Mundo.

Ihahayag ng mga mata ng heneral ang ganito:
“Magiging tagapangulo ako sa munting nayon
Kung walang digmaan.”

Kung walang digmaan,
Maiiwasan natin ang wala sa panahong kamatayan
At babagal ang pagputi ng ating mga buhok.

Kung walang digmaan,
Wala tayong haharaping
Dalamhati o kaya’y paghihiwalay.

Kung walang digmaan,
Ang bala ng sangkatauhan ay ang salita nito,
At ang salita ng sangkatauhan ay magiging pagmamahal.

Ang Láwas ng Ibá, ni Roland Barthes

Hango sa Fragments d’un discours amoureux (1977) ni Roland Barthes
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Láwas ng Ibá

corps / láwas

Anumang diwain, anumang pakiramdam, anumang interes na napukaw sa mapagmahal na simuno ng minahal na lawas.

1. Hatî ang láwas ng iba: sa isang panig, ang angkop  na katawan—balát, mga mata—malambot, mainit; at sa kabilang panig, ang tinig—mabilis, tahimik, at nakapailalim sa pagpapamaktol ng kalayuan, ang tinig na hindi nagbigay ng kung ano. O kung palalawigin: sa isang panig, ang malambot, mainit, magaan, marikit na katawan, at sa kabilang panig, ang umaalunignig, buo, at makamundong tinig—ang malimit na tinig.

2. Minsan ay pumukaw sa akin ang isang diwain: Nahuli ko ang sariling maingat na sinisiyasat ang minahal na katawan (gaya ng tagapagsalaysay na minamasdan ang natutulog na si Albertine). Ang magsiyasat ay nangangahulugang maghanap: Hinahanap ko ang lawas ng iba, na waring nais kong masilayan kung ano ang nasa loob niyon, na tila ang sanhing mekanikal ng aking pagnanasa ay nasa kasalungat na lawas (Ako ay tulad ng mga bata na binabaklas ang orasan upang matuklasan kung anong oras na).  Isinasagawa ang operasyong ito sa anyong malamig at gulantang; Ako ay panatag, alerto, na parang hinaharap ang isang kakatwang kulisap na sa kisapmata’y hindi ko na kinatatakutan. Ilang bahagi ng katawan ay angkop sa ganitong pagmamasid: pilik, kuko, buhok sa anit, ang mga di-ganap na bagay. Malinaw na ako ngayon ay nasa proseso ng pagnanasa sa bangkay. Gaya ng pinatunayan ng katotohanang kung ang lawas na aking sinusuri ay nagkataong lumitaw mula sa kawalang-tinag nito, kung nagsimula iyon sa paggawa ng kung anong bagay, magbabago ang aking pagnanasa; kung halimbawa’y nakita ko ang iba na nag-iisip, nagwawakas ang aking pagnanasa na maging baluktot, magsisimula ulit yaon na maging guniguni, at magbabalik ako sa isang Hulagway, sa isang Kabuuan: muli, ako’y umibig.

(Ako’y nakamasid sa lahat ng bagay sa mukha ng iba, at nakatitig nang malamig sa ibang katawan: mga pilik, kuko sa paa, manipis na kilay, manipis na labi, kislap ng mga mata, nunal, paraan ng paghawak ng sigarilyo; napahanga ako—ang paghanga, na bukod sa lahat, ang tanging sukdulang pagkakahiwalay—sa uri ng kinulayang sineramiko, kristalinang piguriya na kaya kong basahin, nang walang pag-unawa sa anumang bagay hinggil doon, ang sanhi ng aking pagnanasa.)

 

 

 

 

Dugo sa Lawa Pinamaloy

Dugo sa Lawa Pinamaloy
(Hango at halaw mula sa isang alamat ng Manobo)
ni Roberto T. Añonuevo

Pinakamahusay na mangangaso ang aking panginoon. Nakita ko kung paano siya magsanay hinggil sa tumpak na pagpukol ng sibát, o sumapól nang tama sa pamamagitan ng palasong pinawalan mula sa búsog. Humahagibis siya kung tumakbo, paahón man o palusóng ng bundok. Wari ko’y bulawang luya ang kaniyang mga talampakan kapag lumalapat sa bato o lupa, at batid ang mga landas na ligtas yapakan. Matalas ang kaniyang pandinig at paningin, at sa gaya kong áso, kahanga-hanga kung paano niya natutuklasan ang mga bakás ng usa o baboy-damo, ang lungga ng bayawak o usa, ang pugad ng banug[i] o maya.

Napatatahol na lámang ako sa labis na galák.

Sa buong lawak ng Aruman, ang aking panginoon ang tinitingala ng lahat. Nagugulat ang sinumang tao na makasalubong niya kapag nalamang nakapanghuli na naman ng mailap na hayop ang aking panginoon. Kung hirap na hirap ang ibang mangangaso na makapanghuli ng maiilap na baboy, ang panginoon ko ay tila pinagpala ni Kërënën[ii] sa kaniyang mga paglalakbay. Batid ng aking panginoon ang dumarating na panganib kapag humuni ang ilahás na limukon,[iii] at siya’y kisapmatang nakalilihis ng daan. Kapag siya’y nasukol ng anumang kapahamakan, ano’t nakatatakas siya nang wala man lamang galos. Dahil doon ay nilalapitan siya ng iba pang kabataang mangangaso.

Hindi ipinagkait ng aking panginoon sa sinumang Arumanën ang biyayang kaniyang tinatanggap. Ang lungayngay na katawan ng usa o kambing, halimbawa, ay magbabadya ng masaganang hapunan ng mag-anak at iba pang tao na dumaranas ng gutom sa ili. Ibinabahagi rin niya sa mga kapitbahay ang kaniyang mga napitas na bungang-kahoy o nahukay na halamang-ugat mula sa kung saang bakílid.[iv] At kapag dumarating ang bagyo’y nagkukusa siyang ilikas ang mga tao sa tulong ng iba pang lalaki sa ilihan. Hindi kataka-takang kalugdan siya ng mga tao sa angking kabutihan.

Ako ang kasa-kasama ng aking panginoon saanman siya pumaroon. Tinuruan niya ako kung paano mangusap gaya ng tao, at sa pamamagitan ng kumpas ng mga kamay at huni ay nakapagpapahatid ng utos na agad kong tutuparin. Sabay kaming naliligo sa ilog, at kinakaskas niya ng gugo na pinatakan ng dayap ang aking balahibo. Ang kaniyang pagkain ay pagkaing natitikman ko rin. Titighawin niya ang uhaw sa tubig o sabaw ng niyog, ngunit hindi kailanman siya nakalimot na ako’y painumin para mapawi ang uhaw o pagod. Binabantayan ko siya sa mga sandaling kailangan niyang magpahinga; at nagiging gabay niya upang hindi siya maligaw sa masusukal na kahuyan. Sa kabila ng lahat, hindi ipinaalam ng aking panginoon sa lahat ang aking katangian. (Maliban sa kaniyang mga magulang.) Ibig niyang isaloob ko ang pagpapakumbaba, na gaya ng kaniyang ginagawa.

Sumapit ang isang makulimlim na araw at naisipan ng aking panginoon na mangaso nang mag-isa sa gubat. Abala noon ang ibang mangangaso sa kanilang gawain sa kani-kanilang bahay, at walang nakapansin sa kaniyang balak. Pumaswit siya’t tinawag ako. Mabilis naman akong tumugon ng kahol at bumuntot sa kaniyang likuran. Malayo ang aming tinahak: mapuputik na daan tungong masukal na gubat. Sumapit ang tanghaling-tapat ay wala pa kaming makitang hayop na maaaring bihagin. Naglakad nang naglakad kami, hanggang masilayan ng aking panginoon ang mataba’t itim na baboy-damong umiinom sa gilid ng ilog.

Iniumang ng aking panginoon ang kaniyang sibat, at tinudla ang baboy. Sa kisapmata’y nahagip ang hayop sa tagiliran at napaungol. Bagaman sugatan ay nakuha pa rin ng baboy na makatakbo palayo. Kapuwa namin tinugis ang hayop. Mabilis na dinamba ng aking amo ang baboy at nakipagbuno nang lakas sa lakas. Ngunit madulas ang putikang baboy, at bago ko ito nasakmal sa leeg ay kinagat nito nang ubos-lakas sa hita ang aking amo. Wakwak ang laman ng hita, ang panginoon ko’y inubos ang natitirang lakas upang igupo ang hayop. Napasigaw ang aking panginoon; subalit ipinagkait ng sandaling yaon ang pagbubunyi dahil tumulo sa lupa ang masaganang dugo.

“Puti,” tawag niya sa akin, “maaaring maubusan ako ng dugo kung maglalakad ako pauwi. Bumalik ka sa ating ili at tawagin mo si Ama na manggagamot. Magmadali. . . ! Ngunit bago ako umalis ay tinagpas niya ang magkabilang tainga ng baboy at hinubad ang kaniyang makukulay na tikos[v] na nakaikid sa binti. Gumawa siya ng kuwintas, at isinuot niya sa aking leeg.  “Sandali!” paalala niya sa akin. “Dumaan ka muna sa bahay ng aking kasintahan bago pumaroon sa ating bahay. Tiyak na mahihiwatigan niyang may masamang nangyari sa akin.”

Tumimo sa aking noo ang lahat ng paalala ng panginoon ko. Na tumuloy muna sa bahay ng babaeng pinakamamahal niya. Na mabilis sunduin ang amang manggagamot. Na huwag akong magsasalita gaya ng tao dahil may sakunang magaganap sa buong paligid. Tumakbo ako nang tumakbo nang naluluha; ginamit ang ilong upang magbalik sa ilihan; at hindi inalintana ang matatalas na bato o makamandag na tinig na nayayapakan. Kahit humihingal ako’t laylay ang dila sa pagod ay tinangka ko pa ring makarating sa babaeng mahal ng aking panginoon.

Malapit nang lumatag ang takipsilim nang marating ko ang bahay ng kasintahan ng aking amo. Napansin agad niya na ako’y nag-iisa, at nakakuwintas ng tainga ng baboy na tinuhog ng mga tikos. Natandaan ng dalaga ang mga tikos na iyon, sapagkat siya lamang ang makahahabi ng gayong kulay para sa pambihirang mangangaso ng kanilang ilihan. Kinutuban ang babae.

“Saan ka galing, Puti?” usisa niya sa akin. “Bakit tigmak sa putik ang iyong katawan? Ano’t may nakakuwintas sa iyong tainga ng baboy?” Hindi ako makatugon. Tumahol na lamang ako kahit batid kong magsalita ng wikang Manobo, gaya ng ibang tao. Baka kung magsalita akong gaya ng tao ay makaranas ng di-inaasahang sakuna ang paligid.

Nagtanong muli ang babae. “Bakit hindi mo kapiling ang iyong panginoon? Napahamak ba siya? Tumahol na lamang ako. “Magsalita ka! Nahan ang iyong tagapag-alaga?” Bumalikwas ako. Kailangan ko pang sunduin si Amang manggagamot. Kailangan kong makaalis. Ngunit nasunggaban ng babae ang leeg ko. “Kung hindi mo sasabihin at ituturo sa akin kung nahan ang iyong panginoon ay ikukulong kita rito!” pautos na winika ng babae. “Hindi ka makaaalis dito!”

Kailangan ko nang umalis ngunit mahigpit ang pagpigil sa akin ng babae. Mauubusan ng dugo ang aking panginoon, naisip ko. Mamamatay siya sa ilang kung hindi ako makatatawag agad ng saklolo. Baka siya’y lapain ng halimaw at hindi na datnan pang buháy. Napaluha ako. Mausisa ang babae, at wala akong nagawa kundi tugunin siya sa wikang nauunawaan niya.

“Nasugatan ang aking panginoon,” ani ko. “Naroon siya sa pusod ng kagubatan, malapit sa gilid ng ilog na nasa pagitan ng dalawang bundok na karaniwang tinatanglawan ng kabugwason.[vi] Nasugatan siya sa hita nang kagatin ng malaking baboy-damo. Kailangan niya ng tulong. . . .” Natulala at biglang napaluha ang babae.

Nakahulagpos ako sa pagkakapit ng babae. Tumakbo ako palabas ng kaniyang bahay. At habang tinatahak ko ang daan tungo sa bahay ng aking panginoon, dumagundong ang malalakas na kulog at nagsalimbayan ang matatalas na kidlat sa kalawakan. Lumabas wari sa kalangitan si Tuhawa, ang Diwata ng Kamatayan, upang sunduin ang aking panginoon. Maya-maya’y nakaramdam ako ng pagyanig ng lupain. Mabilis akong tumakbo sa mataas na pook. Paglingon ko, nakita ko na lamang na biglang lumubog sa nagpupuyos na baha ang buong kabahayan. Napaluha ako. Iyon ang katuparan ng sumpa nang magsalita ako sa wikang alam ng mga tao. Ang pook na lumubog sa tubig ay bantog ngayon bilang Ranaw Pinamaloy.

Naramdaman kong wala nang panahon kung magbabalik pa ako sa pamayanan ng aking panginoon. Kaya minabuti kong magbalik sa aking pinanggalingan. Bumubuhos noon ang ulan, at nananagâ ang kidlat sa himpapawid. Nang marating ko ang pook na kinahihimlayan ng aking panginoon ay  nagitla ako. Agaw-buhay siya nang sandaling iyon. Umaagos ang dugo sa kaniyang hita, at sumanib sa agos ng ilog. Hinimod ko ang kaniyang sugat sa pag-aakalang maililigtas siya. Ngunit huli na ang lahat. Hindi na ako inusisa ng aking panginoon. Nahiwatigan niya ang paglindol, ang pagkulog, ang pagkidlat, at marahil, ang pag-apaw ng tubig na nagpalubog ng ili. Niyakap niya ako; at ang mga puti kong balahibo’y nabahiran ng dugo. Tila akong mabubuwang subalit nanatili ako sa kaniyang tabi. Umasa akong siya’y maliligtas, at nanalig sa mga anito’t diwata.

Maya-maya’y naramdaman kong naghuhunos ang aming mga anyo. Naghilom bigla ang sugat ng aking panginoon sa kaniyang hita; samantalang natanggal ang putik at dugo na nakakapit sa aking mga balahibo. Narinig naming ang tinig ni Yayawag, ang diwata ng kapalaran, at pinagpala niya kaming maging mga kaluluwa na magiging taliba ng gubat na malapit sa Ranaw Pinamaloy. Naghanap nang naghanap ang mga Arumanën, at ang kanilang natagpuan ay hugis kudyaping lawa na ang halumigmig ay nagpapakurot ng puso.

Huwag magtaka kung makarinig magpahanggang ngayon ng mga tahol ng aso sa kawalan, o ng sigaw ng aking panginoon, o ng palahaw ng kaniyang kasintahan. Narito kami sa gubat at pinangangalagaan ang Ranaw Pinamaloy. Naririto kami tuwing kabilugan ng buwan, muling isinasadula ang mga pangyayari, at paulit-ulit nakikipagsapalaran, kahit ituring na kathang-isip lamang ang lahat, gaya ng salaysay na ito.

Talasalitaan

[i] Banúg—malaking ibon na kauri ng agila.

[ii] Kërënën, Kerenen—pinakamakapangyarihang diwata, at kaantas ng bathala.

[iii] Limukon—uri ng kalapati na ang huni ay pinaniniwalaang nakapagbibigay babala sa manlalakbay upang iwasan ang sasapit na panganib o kapahamakan. Tinatawag din sa Ingles na turtledove.

[iv] Bakílid—pahilis na gilid ng bangin; dalisdis.

[v] Tíkos, tíkes—uri ng palamuting hibla o tali na inilalagay sa ibabang tuhod o alak-alakan, at karaniwang  ginagamit ng mga binata.

[vi] Kabugwason—pang-umagang bituin; katumbas ng planetang Venus na masisilayan sa silangan tuwing medaling-araw o bago magbukang-liwayway.

Sa lilim ng puno, ni Emira Maewa Kaihu

Salin ng “Akoako o te Rangi” (1918) ni Emira Maewa Kaihu.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa lilim ng punongkahoy

Taglay ang pag-ibig, ako ay lumilim
Sa gilid ng puno nang labis ang pagod;
Bumulong ng tamis ang ligaw na hangi’t
Sumilip, ngumiti sa lawas kong taos.

Lantay na tahimik pagguhit sa kilay
Ang simoy na usok sa kaluluwa ko;
Nanawag sa akin upang ang karimlan
Ay sindihang muli ng puso ng tao.

Babaeng nahihimbing sa lilim ng punongkahoy (1900-1901), ni Odilon Redon.

Babaeng nahihimbing sa lilim ng punongkahoy (1900-1901), ni Odilon Redon.

Alin ang totoo?, ni Charles Baudelaire

salin ng “Laquelle est la vrai?” ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alin ang totoo?

May kilala ako noon na nagngangalang Benedicta, na pinasisigla sa ideal ang paligid at nagtataglay ng mga matang sumisinag ng pag-asam sa kadakilaan, kagandahan, karingalan, at sa lahat ng bagay na nagdudulot upang maniwala ang sinuman sa inmortalidad.

Ngunit ang mapaghimalang kabataang binibini’y napakarikit para mabuhay nang matagal, at totoo, matapos kaming magtagpo sa unang pagkakataon ay namatay siya. At sa araw na kahit ang mga sementeryo ay nabalani ng insensaryo ng taglagas, ako na mismo ang naglibing sa kaniya. Oo, ako ang naglibing sa kaniya, na ipinaloob ko sa mahalimuyak na kabaong na mahigpit ang pagkakalapat ng matitigas na kahoy, gaya ng mga baul mula sa malayong India.

At habang ang aking paningin ay nakapako sa pook na pinagbaunan ng aking kayamanan, bigla kong nasilayan ang munting nilalang na kahawig ng yumaong Benedicta at siya, na nagpapapadyak nang masidhi at nagwawala, ay bumunghalit ng halakhak saka nagsisigaw: “Ako ito, ang tunay na Benedicta! Ako ito! Ang sikat na puta! At bilang kaparusahan sa iyong pagiging hangal at bulag, iibigin mo ako gaya ng katangian ko!”

Nagngalit ako’t tumugon, “Hindi! Hindi! Hindi!” At upang maigiit ko ang aking pagtanggi, sumikad ako nang marahas sa lupa at bumaon ang aking binti hanggang tuhod sa sariwang tabon sa hukay. At gaya ng lobo na nabitag, nananatili ako magpahangga ngayon na bihag, at marahil magpakailanman, sa libingan ng Ideal.