Liham sa Manunggul, ni Roberto T. Añonuevo

Líham sa Manunggúl

Roberto T. Añonuevo

Nalímot ko na kung paáno tumulâ, at kung ikáw ang áking tulâ, hindî kitá makíta sa áking mga kuwáderno na párang inimbák sa Manunggúl. Malayà mong ísiping naípit akó sa kuwárenténa, émbargo, o digmâ, ngúnit sa pagkakátaóng itó, hindî akó magsísinúngalíng. Walâng lumabás na tínig sa áking lalamúnan; kay bágal ng áking kaliwâng kamáy sumúlat, na ipinágkakánulô akó sa katáhimíkan. Humihigâ akó, pumípikít, at lumíliít dáhil paúlit-úlit kitáng naríriníg: Nahán ka? Kailán ka aalís? Naísip kong magpahángin sa bakúran, na ngayón ay punông-punô ng súkal, na tíla kómbinasyón ng gúbat at namúmuwaláng bodéga. Hindî akó makáhingá. Sumikíp warì ko ang daigdíg na itó, itínatwâ ang aliwálas at liwánag, at ngayón, isá akóng huklúbang nágtatabás ng mga punggók na punòngkáhoy at makákapál na damó at palumpóng, nágwawalís ng mga lagás na dahón, nagsásalansán ng mga putikáng bóte ng wíski at serbésa, naghaháwan ng mga naghambálang na yéro, túbo at bató, nagtátastás ng binúbukbók na lawanít at dos pos dos, nágsasáko ng mga lumàng sapátos at damít na lumà, nágsisigâ ng talaksán ng mga nagsásatsátang diyáryo, magásin, at libró. Íbig kong ipámigáy sa mga batàng basuréro ang lahát sa bakúrang itó: ang umaápaw na basúrahán na búkal ng gunitâ at damdámin, ang mga tropéo, retráto, at sértipíko na kinásisiyáhang ngasabín ng mga ánay at dagâ. Paúmanhín, kung hindî ako makátulâ sa áking tulâ. Sa pásig ng aking haráya, naíiníp, óo, totoóng naíiníp, sa kahíhintáy ang áking ulilàng bangkâ.

Alimbúkad: Poetry solidarity for Palestine. No to war. No to occupation. No to apartheid. Yes to freedom. Yes to poetry. Photo by aplinsky on Pexels.com

Antipasto, ni Antônio Miranda

Salin ng “Antipasto” ni Antônio Miranda ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Antipasto

Lahat ng isinulat ng makata
ay malalagom
sa isang salita: pag-iisa.
Pagbubukod ng sarili sa mundo ang pagsusulat
upang ganap itong maunawaan;
isang paraan ito ng pagpanaw.
Ang pag-iral ay isa pang bagay
bagaman madaranas ang pagkatiwalag.
Ipagpapalit ko ang libong tugma
sa isang magdamag na pag-ibig.
At ipagpapalit ko ang magandang tula
hinggil sa kagutuman
kahit sa isang payak na plato ng pagkain.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Louis Hansel @shotsoflouis from unsplash.com.

Kaibigan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaibigan

Roberto T. Añonuevo

Pahintuin ang araw na ito, at para kang tumitig
sa retrato na makulay ngunit nakababato.

Mabibigong mapasakamay ang lahat ng mithi,
ngunit ano ang mithi na natuklasan ng mistiko?

Nais mong nakapirmi ang lahat, tiyak na tiyak,
gayong ang búhay ay nakatakda sa paglalakad.

Kahit ang musika na isinatitik ay umaandar
sa isip o mesa ng nakikinig sa ritmo ng pag-iisa—

ang araw pa kaya? Ang sandali ay gumagalaw
na parang malilikot na batang naghahabulan,

walang pagkapagod, nakapikit man ang mundo
at nagninilay, ngunit mananatili silang liwanag

na hindi nasasaid ang gutom, at naghahanap
ng katwiran ng sinangag at kape para sa lahat.

Mainis ka man o matuwa, ang espasyo o oras
o ang ritwal ng yelo at apoy ay espektakulo

na kabilang ka, at kung hindi mo pa ito arok,
mabibigo kang makita ang sarili sa mga bituin.

Itatanong mo kung may puso ang araw na ito.
At sasagutin ka ng mga sagitsit ng elektrisidad,

at kung tatawagin itong damdamin o malamig
na yakap, yakap pa rin ito na nakapagpapaalab.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Nathan Dumlao @ unsplash.com

 

Sa Gabi, ni Bert Meyers

Salin ng “At Night,” ni Bert Meyers ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Gabi

Sa gabi, kapag ang daga
ay pinaslang ng keso,
kapag tumalikod ang mga pagod na dingding,
kapag sumusuko na ang katawan,
sakâ hahawiin ng kamatayan ang aking buhok
at ayaw ko nang mamatay.

Ayaw ko nang mamatay!
Mapapaluhâ ang hikà.
Ang hikà’y masusunog sa mga dahon nito.
Magkokonsulta ang mga gamot,
maláy sa mga tatak nito,
sa tabi ng kama.

Ngunit sumasapit ang kamatayan:
mula sa mga gripo, sa mga sahig,
mula sa malaking orasang nagdurugo
at humihina sa mga ispring nitong taglay,
dumarating na humuhukay sa aking dibdib.
At hindi ko alam kung bakit
ngunit alam kong pumipintig ang puso
at ginagapi ang tao hanggang kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

“Felicidad,” ni Roberto T. Añonuevo

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

.  .  .  .  .  .  . Hindi ko alam na ang mga salita sa kabilang mesa ay makabubuwag ng moog sa aking alaala: mga gusaling gumuho, bangkay na nilalangaw sa kalye, at paslit na tumatakbo nang walang saplot bagkus pulos galos at poot habang nagpapakulog ang helikopter. Posibleng dumanas din siya ng digmaan, gaya ng Tausug, sapagkat paano niyang maisasalaysay ang patalim mula sa kaibigang putik, ang putik na sa akin ipinukol, at putik na nagiging kumunoy ng paglimot noong mahahaba ang tag-ulan? Hindi niya kailangan ang armalayt; sapat na ang kaniyang wikang waring nagmula sa naglahong lipi, na iibigin ang malipol kaysa maging alipin, o kaya’y magsisikap magsalaysay gaya ng binukot o babaylan kahit nakahiga. Tumatawid sa aking mesa ang kaniyang dalamhati na parang konsiyerto, ngunit sa isang iglap, ang mga salita niya ay waring nakalampas sa di-maliparang disyerto, sumakay marahil sa raketsip kung hindi man kalapati, at ngayon ay tumataginting sa aking pandinig. Isa ba siyang pitho para hulaan ang aking kapalaran? Lumulutang ako habang ako’y nakikinig. Hindi ko siya makita, gayong nakikita ng kaniyang mga pangungusap ang aking iniwang lupain, at yumayanig sa akin. Marahil kailangan ang ganitong anyo ng lindol: nakaupo kang mag-isa sa isang sulok, nagkakape, at hindi makaiwas sa estrangherang himig. Lumalakad sa aking mesa ang kaniyang mga katagang magnetiko. Ang kaniyang daigdig ay marahil daigdig din sa iba pang uniberso, naisip ko, samantalang lumilihis sa batas ng panahon at espasyo at bagay upang sumapit sa akin. Kung ang sandaling ito ang ginhawa, samahan ako kahit saglit, hindi ka man magpakilala.

“Talaksan ng mga Salita,” ni Muhammad Haji Salleh

Salin ng “selonggok kata-kata,” ni Muhammad Haji Salleh ng Malaysia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Talaksan ng mga salita

isang araw
na tulad ng mahabang panata,
sa edad na pasan ko ang pagkamaramdamin,
ay natagpuan ko ang talaksan ng mga salita.
at mula sa mga kumpol nito’y
tinipon ko ang mga titik at bumuo ng daigdig.
kusa kong iniangkop ang tinig sa tunog,
nalungkot kapag natukso,
at tumawa kapag may pighati.

ito ang sangkalawakan
na kinulayan sa supot ng pakahulugan
may mukha ng usapan at puso ng salita
na kinalap lahat mula sa mga batis ng panahon
tigmak sa mga awit ng mga makata
o nasadlak sa buhanginan ng kasaysayan.

upang makalikha ng mga wika ng daigdig
ay isinasaayos ko ang mga ito
at pinalalaya ang pahiwatig ng karanasan.
gaya ng lambat na inihagis ng mangingisda
ay sinasaklaw ko ang malawak na puwang
at ang isdang may laksang pakahulugan.

“Hiwaga,” ni Ku Sang

Salin ng “Mystery” ni Ku Sang ng Timog Korea, batay sa bersiyong Ingles ni Brother Anthony ng Taize.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hiwaga

Nakabalatay sa karpet ang bilangguang
Napakalaki na sumasakop sa buong disenyo
Na may bulawang hirasol na nagliliyab.

Sa labás ng bintanang mala-oktagon
Ay umaahon ang lungsod gaya ng daluyong,
Na may pabrika ng mga barkong pandigma
At matatayog na sasakyang dagat,
At kaylamig sa mga gusgusing bangka.

Sa kalawakan, nagpapaikot-ikot sa lungsod
Ang malalaking paniking itim na tila nakabuhol
Sa mahabang tali, tinatangay ang mga supling,
Samantalang sa loob ng silid ay may lastag
Na lalaki, nakabukad ang bibig, at akmang
Lalamunin ang dilaw na paruparong
Nakaipit sa hintuturo at hinlalaki.

Sa salaming nilikha na isang pader,
Ang ikatlong lalaki, gaya ng kaniyang repleksiyon,
Ay sumasayaw nang nakanganga,
Upang habulin ang isa pang paruparo
Habang ang kabilang panig na pader na de-baras
Ang bintana at tinirikan ng matatalas na patalim
Ay nakatanaw sa matarik na bangin
Na pinamumukadkaran ng iisang bulaklak.

Sa loob ng hiwagang ito, ang aking hulagway
Ay marikit na lumuluha
Tungo sa liwanag na walang pangakong kaligtasan.

Pighati ng Taglagas, ni Heinrich Böll

Salin ng ““Einsamkeit im Herbst” [Autumn Loneliness] ni Heinrich Böll ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hindi ko alam kung gaano kami katagal nakatayo sa kanto. Ramdam ko ang pananabik na hindi nararapat. Taglagas na ngayon, at bawat sandaling huminto ang trambiya sa kanto’y humahangos ang mga tao papalapit sa amin, kumakaluskos ang mga paa sa mga tuyong dahon, at taglay ng kanilang mga hakbang ang tuwa, ang tuwa ng mga tao na papauwi sa kanilang tahanan.

Nakatayo kami roon nang matagal. May liwanag pa nang walang ano-ano’y huminto kami nang walang imik, na tila ba nagbabantay sa lumalalim na pighati ng taglagas, ang pakiramdan na ipinamamalas ng duklay ng mga punongkahoy habang nalalagas ang mga dahon nito.

Walang ibang dahilan para sa gayong tagpo, ngunit tuwing bumabatingting sa kanto ang trambiya at ang mga tao’y humahagibis sa abenida tungo sa amin, at ang trambiya’y umaandar habang tumutunog ang batingting—nakukumbinsi ako na may kung sinong darating, may kung sinong nakakakilala sa amin, na magtatanong sa amin upang samahan siya, na ang mga hakbang pauwi ay mahahatak ang mga pagód naming hakbang upang sumabay sa indayog ng kaniyang pananabik.

Ang mga unang dumating ay lumakad nang nag-iisa at mabibilis ang hakbang; pagkaraan ay sumapit ang mga pangkat, na may dalawahan o tatluhang tao na masisiglang nag-uusap, at ang pangwakas ay paunti-unting labas ng mga pagál na tao na dumaan sa harap namin at may mabibigat na pasanin bago naghiwa-hiwalay sa mga bahay na magkakabukod doon sa mga hardin at abenida.

Iyon ang patuloy na pananabik na bumighani sa akin, dahil pagkaraang dumaan ang huling tao ay magkakaroon ng maikling yugto ng katahimikan bago muli naming marinig ang tunog na ping-ping sa malayo mula sa paparating na trambiya sa naunang himpilan—na gumagaralgal at umiingit patungo sa kanto.

Tumindig kami sa lilim ng mga sanga ng punong sáuko na umaabot sa kabilang kalye at lumalampas sa bakod ng napabayaang hardin. Naninigas sa pagkabagabag, ang kaniyang mukha ay pumaling sa direksiyon ng mga tao na papalapit at nagpapakaluskos ng mga dahon—ang mukha, na walang imik at walang tinag, ay umagapay sa akin sa loob ng dalawang buwan, na aking naibigan, at kinayamutan, sa loob ng dalawang buwan. . . .

Noong sandaling dumating ang apat na trambiya, ang pagkabagabag at pananabik ay waring napakainam habang nakatayo kami sa patuloy na lumalalim na kalungkutan ng takipsilim, sa banayad, pambihirang halumigmig ng taglagas; subalit biglang pumukaw sa akin na walang sinumang tao ang darating upang hanapin ako. . . .

“Aalis na ako,” sambit ko sa paos na tinig, dahil napakatagal ko nang nakatayo na wari bang nagkaugat na ako sa ilalim ng kung anong latiang malukong na nakatakdang puminid nang marahan at buong lakas sa ibabaw ko.

“Humayo ka,” aniya nang hindi man lamang sumulyap sa akin, at sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan ay nakaligtaan niyang idagdag: “Sasama ako sa iyo.”

Naningkit ang kaniyang mga mata; at walang tinag na ipinako niya ang titig na matigas at metaliko sa abenidang walang tao at tanging ilang piraso ng dahon ang marahang umaalimpuyo sa lupa.

O sige na, naisip ko, at sa sandaling iyon ay may kung anong tumibok sa akin, may kung anong kumawala, at naramdaman ko ang mukhang bumigay, at lumalim ang mararagsang linya sa paligid ng aking bibig. Tila ba ang panloob na tensiyon ko ay binigkis nang mahigpit at ngayon ay inilarga na gaya ng bigwas: lumarga ang tali sa loob ko nang kisapmata, at walang iniwan kundi ang hungkag, malamlam na pighati na naroon sa loob ng dalawang buwan. Nang sandaling iyon ay tumimo sa akin: nakatayo siya rito para maghintay ng kung anong tiyak na bagay; ito ang lugar, itong kanto ng kalye na nalililiman ng mga sanga ng punong sáuko, ang layon ng kaniyang mapagpunyaging pagtakas, sa isang paglalakbay na tumagal nang dalawang buwan, samantalang para sa akin ay isa lamang iyong karaniwang kanto, isa sa kung ilang libo.

Minasdan ko siya nang matagal, na magagawa ko nang walang abala, yamang winakasan niyang pansinin ako. Marahil ay naisip niyang nakaalis na ako. Sa kaniyang mapagmasid na sulyap ay may kung anong namumuong poot, samantalang ang kaniyang mababaw na paghinga ay yumanig sa kaniya na parang pambungad sa isang pagsabog. . . .

Kung matatandaan lamang niya, buntong-hininga ko sa sarili, na bigyan ako ng isa sa dalawang sigarilyo at bahaginan ako ng tinapay. Natatakot akong magtanong, dahil papahinto muli ang trambiya sa kanto. Pagdaka’y nakita ko, kahit sandali, ang una at ang pangwakas na ngiti na sumilay sa kaniyang mukha bago siya humangos papalapit nang may impit na hagulgol. Mula sa kulumpon ng mga tao, na ang ilan sa kanila’y hinawi niya, narinig ko ang pagkabigla ng babaeng bumasag sa kalungkutan ng taglagas ng gabi, at may kung anong anino ang lumukob sa nagitlang kahungkagan ng puso, dahil ngayon ay alam kong kailangan kong lumisan nang mag-isa, na kailangan kong tanggapin ang pagkawala ng sigarilyo at tinapay at ng dalawang buwan na pinagsaluhang panganib at gutom. . . .

Bumalikwas ako, at idinawdaw ang mga pagod na paa sa ginintuang alon ng mga tuyong dahon at pagkaraan ay lumakad palabas ng bayan, at patungo muli kung saan. Ang kasariwaan ng umaalimbukad na liwanag ay hinaluan ng maanghang na simoy ng nasusunog na dahon ng patatas, ang amoy ng kabataan at pag-asam. Walang bituin ang langit at pumusyaw ang kulay. Tanging ang nakangising mukha ng buwan ang nakabitin sa panginorin, tinatanaw ako nang may pang-uuyam, habang nilalandas ang bigat ng karimlan, tungo sa kung saan. . . .

Ibig ko ang katahimikan, ni Pablo Neruda

Salin ng “Pido silencio” ni Pablo Neruda mulang Chile.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ibig ko ang katahimikan

Iwanan ako ngayon nang matiwasay,
at masasanay din sa aking pagkawala.

Ipipinid ko ang aking mga mata.

Ibig ko lamang ang limang bagay,
limang ugat na kinikilingan.

Isa ang walang hanggang pag-ibig.

Ikalawa ang masilayan ang taglagas.
Hindi ako makaiiral nang walang mga dahon
na lumilipad at bumubulusok sa lupa.

Ikatlo ang taimtim na taglamig,
ang itinangi kong ulan, ang haplos
ng apoy sa mabagsik na ginaw.

Ikaapat ang tag-araw,
na bilugan gaya ng makatas na milon.

At ikalima, ang mga mata mo.
Matilde, aking mahal,
mababalisa ako kapag wala ang paningin mo,
mapaparam ako kapag naglaho ang titig mo;
ipapaling ko ang tagsibol
upang ako’y sundan ng iyong mga mata.

Iyan, mga kaibigan, ang tanging nais ko.
Malapit sa wala at matalik sa lahat.

Makaaalis na kayo kung ibig ninyo.

Sukdulan akong namuhay, at balang araw
ay sapilitan ninyo akong lilimutin,
saka buburahin sa pisara:
Walang kapaguran ang aking puso.

Ngunit dahil mithi ko ang katahimikan,
huwag isiping mamamatay na ako.
Ang kabaligtaran ang totoo:
magaganap na ako’y mabubuhay.

Iiral ako’t ako’y patuloy na iiral.

Hindi ako magiging nasa loob ko,
na isang supling na nabigong sumibol
mula sa butil, at bumiyak ng luad
upang makatanaw ng liwanag,
ngunit ang Inang Bayan ay madilim,
at, sa loob ko, ako ang karimlan.
Ako ang batis na ang tubigan sa gabi’y
pinag-iiwanan ng mga bituin
at mag-isang dumadaloy sa mga bukirin.

Palaisipan ang mamuhay nang lubos
kaya nais ko pang lumawig ang buhay.

Hindi ko nadamang napakalinaw ng tinig,
at ni hindi nalunod sa labis-labis na halik.

Ngayon gaya noong dati ay napakaaga pa.
Kasaliw ng sinag ang lipad ng mga bubuyog.

Hayaan akong mag-isa sa ganitong araw.
Pahintulutan ako na muling isilang.

Kamelyo at Kapihan, ni Arjen Duinker

Salin ng “Gedicht voor een kameel” [Tula para sa Kamelyo], “Waar dan Ook” [Saanmang Pook], at “Ambitie” [Pangarap] ni Arjen Duinker, at batay sa bersiyong Ingles nina Willem Groenewegen at Ana Rilke.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TULA PARA SA KAMELYO

Búkas ang araw ng mumunting bagay,
ng aspile at ng pinturang dilaw.
Madarama mo ang kasiyahan.

Búkas ang araw ng mumunting bagay,
ng mga patak at panalì.
Madarama mo ang kapatiran.

Búkas ang araw ng paglalakad
nang lampas sa bunga ng mga anino.
Huwag salingin iyon.

Búkas ang araw ng mga awit
na inaawit nang palihim.
Aawit ka sa piling ng alahero.

Búkas ang araw ng mga musmos
at ng abstraktong ingay nila sa mga kalye.
Pasakan mo ang mga tainga.

Sigaw nila: “Mabuhay ang magandang palengke sa mundo!”
Sigaw nila: “At ang eternal na mga bato ng katapatan!”
Sigaw nila: “Kung banidoso ka, lumayas ka rito!”

SAANMAN

Sa kapihan, saanman ito,
kausap ko ang sarili
upang itatwa ang kalayuan.
Hinangaan ko ang mga upuan
at ang mesang tila ba bitag.

Sa isang kapihan sa Lisbon,
nagtanong ako ng kakatwang sakong
upang pabulaanan ang nawawala.
Tinutungga ko ang mga yabag
na papalapit sa balát ng baynilya.

PANGARAP

Matapos makipagpulong sa tagapaglako ng armas,
Nagtungo ako sa kapihan upang ibunyag ang lahat.

Natuklasan ko ang daigdig na di-mapabubulaanan,
At hangga ngayon ay matatag na katotohanan.

Aniko, ang loro ng tagapaglako ng armas ay tahimik,
At sa winiwika nito’y ni hindi ako makahihigit.

Sinabi kong pinapawisan siya sa angking ambisyon,
Na tunay na nagpapaalingawngaw ng pagkakataon.

Binanggit ko sa kaniya ang presyo ng mga sandata,
Na katotohanang nagpapakirot sa bawat pagkikita.