Pagsagap, ni Günter Eich

Salin ng “Einsicht,” ni Günter Eich ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagsagap

Alam ng lahat
na kathang-isip ang gaya ng Mexico.

Nang buksan ko ang alasena sa kusina,
natuklasan ko ang katotohanan
na pinalalabò
sa mga tatak ng mga de-lata.

Namamahinga ang mga butil ng bigas
makaraan ang mga siglo.
Sa labas
ang hangin ay patungo sa nais tahakin.

Ang Bahay, ni Warsan Shire

Salin ng “The House,” ni Warsan Shire ng United Kingdom
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bahay

i
Ani ina, na may mga pinid na pinto sa loob ng lahat ng babae; kusina
Ng pagnanasa, silid ng pighati, at banyo ng kawalang-latoy.
Minsan, ang mga lalaki—dumarating silang hawak ang mga susi,
At minsan, ang mga lalaki—dumarating silang may mga martilyo.

ii
Ang lalaking nawawala, ang lalaking nakahilata,
Sinabi kong Hindi! ngunit hindi siya nakikinig.

iii
Marahil may balak siya, marahil balak niyang tanggapin ang lalaki
Upang ang lalaki’y gumising pagkaraan sa bathtub na puno ng yelo,
Nang may tuyot na bibig, at minamaliit ang bago, malinis na kaparaanan.

iv
Itinuro ko ang láwas at sinabing Ang luma na ito? Kasusuot ko lang nito.

v
Kakainin mo ba iyan? Tanong ko sa ina ko, at itinuro si ama
Na nakaupo sa hapag, at namumuwalan sa pulang mansanas.

vi
Habang lumalaki ang katawan ko, dumarami ang mga kandadong silid, at higit na marami ang lalaking sumasapit nang may mga susi. Hindi nagpilit si Anwar na pumaloob, iniisip ko pa rin kung ano ang mabubuksan niya sa loob ko. Dumating si Basil at nagbantulot sa pintuan sa loob ng tatlong taon. Si Johnny na asul ang paningin ay dumating na may bag na puno ng kagamitang ginamit din niya sa ibang babae: isang ipit, isang bote ng kloroks, isang patalim, at isang botelya ng Vaseline. Binigkas ni Yusuf ang ngalan ng Maykapal sa butas ng susian, at walang sinumang tumugon. Nagmakaawa ang iba, ang ilan ay inakyat ang gilid ng aking katawan at hinahanap ang bintana, ang ilan ay nagsabing sila’y paparating ngunit hindi dumating.

vii.
Ituro dito sa manyika kung saan ka hinipo, sabi nila.
Sabi ko, Hindi ako mukhang manyika, para akong bahay.
Sabi nila, Ipakita mo sa amin doon sa bahay.

Gaya nito: dalawang daliri sa bote ng ube
Gaya nito: isang siko ng tubo sa paliguan
Gaya nito: isang kamay sa loob ng drower.

viii.
Dapat kong sabihin sa iyo ang aking unang minahal, na nakatagpo ng bitag na lagusan  . . sa ilalim ng kaliwang suso ko siyam na taon na ang nakararaan, nahulog doon, at hindi na siya nakita pang muli. Pana-panahong nararamdaman ko ang may kung anong gumagapang sa aking hita. Nagpakilala sana siya, at pakakawalan ko siya. Umaasa akong hindi niya makakabunggo ang iba, ang mga nawawalang bata mulang maliliit na nayon, na may kaaya-ayang nanay, na gumagawa ng masasamang bagay, at nangaglaho sa laberinto ng aking buhok. Hinarap ko sila nang maayos, binigyan ng isang hiwa ng tinapay, at kung sinusuwerte sila, isang piraso ng prutas. Maliban kay .Johnny na asul ang mga mata, na sinundot ang aking kandado at gumapang papaloob. Sutil na bata, nakakadena sa silong ng aking mga pangamba, nagpatugtog ako ng .musika upang mabura siya nang ganap.

ix
Tok tok.
Sino iyan?
Wala sinuman.

x
Sa mga parti, itinuturo ko ang aking katawan at sinasabing, Dito dumarating ang pag-ibig para mamatay. Halina, pumasok, at pumanatag dito sa tahanan. Matatawa ang lahat, at iniisip na ako’y nagbibiro lámang.

“Mga Salita,” ni Edwin Thumboo

Salin ng tulang “Words,” ni Edwin Thumboo ng Singapore.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mga Salita

Mapanganib ang mga salita, lalo yaong payak
Na uring iniiwan mo para sa iba,
Para sa mga kinaiinisang kaanak at iba pang layon.
Nauunawaan ang mga ito nang payak, nababago,
Nagagamit nang may yabang at masinop na irap:
Nakapagpapahirap ang pagiging karaniwan nito.

Kapag winikang Sabihin mo nawa sa kaniya
Na lumipas na ang poot
Na ang pagkakaibigan ay hindi napinsala. . . o
Pumunta ka pero pagkaraan lámang
Na mapabawa ang init. . .
Kapag ibig mong maging magalang,
Maingat, malinaw, mabait, mapagbulay,
Habang taglay ang tumpak na himig,
Ikaw ay hindi malayong sipiing nagsasabi
Nang kabaligtaran. . .

Ang mga salita’y hindi balido, maawain o masama,
nang mag-isa, wala, maliban kung ginamit, hinimok,
Inangkat tungo sa pag-uusap,
Hanggang maging malagálit,  malatáwa, sugatan,
At nakapagpapakulay ng kilos at muwestra.

Ang mga salita ay salita. Maliban para sa atin,
Ang mga ito ay hindi personalidad.
Hinuhubog natin ang mga ito para maging mga tula.