“Sipatin ang taglamig sa pambihirang paraan,” ni Chou Meng-tieh

Salin ng “look at winter in a certain way” ni Chou Meng-tieh, batay sa bersiyong Ingles ni Lee Yew Leong.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

sipatin ang taglamig sa pambihirang paraan

sipatin ang taglamig sa pambihirang paraan
magsimula sa sinag ng araw—
tumpok ng mga parasitong walang magawa
at binubutas ang lawas ng niyebeng tumigas.

niyebeng hindi umuungol, hindi tumatanggi
isang binutas na bilog. . .
habang maginhawa ang loob, paghuhunusin
ko ang lungkot sa patay na pighati ng nakalipas
na mga taon,
isang binutas na bilog. . . isang
paglilibing
sa isang natatanging gabing pinatahimik

anumang ninais palitawin ay sisilang isang araw
tingnan ang taglamig sa pambihirang anggulo
taglamig—na may paraan ng pagpapasulak ng lahat,
na kahit ang mga araw ay humahaba,
lalong umiinit ang mga gabi, ang balintataw ng itim
na pusa’y higit na maitim, mabilog, maningning
habang umiikot at tinatanglawan
ang kahungkagan ng paligid

lahat ng napigtal na dahon ay nakatakdang magbalik
sa kani-kaniyang mga sanga nito,
lahat ng punongkahoy, gaya dati, ay ekstensiyon
ng aking nagsasangang mga kamay,
bagaman humahakbang nang marahan ang taglamig,
walang humpay naman ang yabag nito—kung sisipatin
mo ang taglamig sa pambihirang paraan.

Setyembre, ni Louis Jenkins

salin ng tulang tuluyang “September”  ni Louis Jenkins.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

SETYEMBRE

Lumamig isang gabi ang bugso ng dayaray papaloob ng bintana at nagbalabal ka. Naghunos ang mga dahon ng mga arse sa Abenida Wallace at kung sino man ang iyong minamahal ay hindi na muling magbabalik pa. Huwag mabahala. Nagbabago ang mga bagay na may siklo ng mga panahon at umiinog. Ang mali, ang maling pagliko ay ihahatid ka kung saan. Ngunit marahil may mga prinsipyo na higit sa tsansa at umiiral dito ang likas na pagpili. Marahil nagbabago ang isa dahil sa pagkabato sa kasalukuyang kalagayan. Marahil ang ating mga anak, na sa paghahangad maging natatangi kaysa sa atin, ay magpapatubo ng mga balahibo, mag-aaral huminga sa ilalim ng tubig, o matututong umaninag sa karimlan.

Hormonal Imbalance

May nagbabago sa sarili mo, at nagising ka na lamang na waring napakabigat ng katawan at napakalapad ng higaan. Pagod na pagod ka, gayong hindi ka naman nagsaka ng bukid, bagkus nanood lamang ng telebisyon o kaya’y nagbasa ng magasin. Tumataba ka nang di-inaasahan, at ang sikmura’y tila masikip kompara sa dapat asahan. Hindi mo maunawaan kung bakit ang langitngit ng pinto ay nakahihindik, ang halakhak ng mga paslit ay nakatutulig, ang kalansing ng kutsarang nahulog sa sahig ay nakayayanig. Tumalas bigla ang iyong pandinig, at pambihira ang iyong pagdama. Dumadapyo ang simoy sa iyong balát at pakiramdam mo’y may yumayakap sa iyong estrangherong multo. Mayayamot ka sa sinumang tumabi sa iyo, at wari mo’y lahat ng nilalang sa daigdig ay biglang pumangit o umaskad o bumantot. Mauuhaw ka, at lalagukin mo ang isang pitsel ng malamig na tubig na parang tumutungga lamang ng tagay. Mawawalan ka ng ganang kumain kahit umaapaw sa mesa ang mga prutas o nagsisikip ang refrigerator sa ulam. Mabubuwisit ka sa iyong mister, na wika mo’y mabaho ang pawis kahit siya’y bagong paligo at nagwisik ng cologne. Minsan, pumasok ka sa banyo at nang maliligo na’y inakala mong iipitin ka ng mga pader o babagsak ang kisame, at malulunod sa shower. Iiyak ka nang iiyak. Iisipin mong bumibilis ang tibok ng iyong puso, napakainit ng katawang parang sinisilaban kung hindi man iniihaw, at pawis na pawis ka kahit napakalamig ng silid. Nang magpakonsulta ka sa ospital, ipinayo ng doktor ang matagal mo nang alam: uminom ng kispirin at yakapsule. At ikaw ay napaluha, napaluha na parang bata, habang kumikindat ang iyong kabiyak na sa iyo’y nakatanaw.

Talinghaga ng Kabutihan ni Oscar Wilde

Dalawang tulang tuluyan ni Oscar Wilde
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG GUMAGAWA NG MABUTI

Takipsilim na at nag-iisa Siya.

At natanaw Niya sa malayo ang mga pader ng pabilog na lungsod at dumako paparoon.

At nang Siya’y malapit na, narinig Niya sa loob ng lungsod ang indak ng mga paa ng tuwa, at ang halakhak ng bibig ng kasiyahan, at ang ingay ng maraming laúd. Kumatok Siya sa tarangkahan at tiwalang ang mga taliba ang nagbukas sa Kaniya.

At sinipat Niya ang bahay na yari sa marmol na may mga haliging parisukat sa harap. Ang mga haligi’y kinuwintasan ng mga bulaklak, at sa loob at labas ay may mga sedrong sulo. At pumasok Siya sa bahay.

At nang nilandas niya ang bulwagan ng kalsedonya at ang bulwagan ng haspe, at nakarating sa mahabang bulwagan ng pista, nakita Niyang nakahiga sa lilang kutson ang lalaking may korona ng mga pulang rosas at ang labi’y pinapula ng alak.

At nagtungo Siya sa likuran nito at tinapik ang balikat, saka winika sa lalaki, “Bakit ka namumuhay nang ganito?”

At lumingon ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ketongin ako dati at pinagaling mo ako. Paano ba ako dapat mamuhay?”

At nilisan Niya ang bahay at muling naglagalag sa lansangan.

At hindi naglaon ay nasilayan Niya ang mukha at damit na pawang pinintahan at ang mga paang may galang ng mga perlas. At sa likod ng babae’y dumating nang marahan, gaya ng mangangaso, ang binatang nakabalabal ng dalawang kulay. Kasingrikit ng mukha ng idolo ang mukha ng dilag, at ang mga mata ng kabataang lalaki’y kumikislap sa pagnanasa.

At mabilis Niyang sinundan at hinawakan ang kamay ng kabataang lalaki at nagwika, “Bakit mo tinititigan ang babaeng ito at sa gayong katusong paraan?”

At lumingon ang binata at nakilala Siya at nagsabing, “Ngunit dati akong bulag, at binigyan mo ako ng paningin. Ano pa ang dapat kong tingnan?”

At tumakbo Siya nang pasulong, at hinipo ang pinintahang kasuotan ng babae at winika sa kaniya, “Wala na bang ibang landas na malalakaran bukod sa landas ng kasalanan?”

At napalingon ang babae at nakilala Siya, at tumawa saka nagsabing, “Ngunit pinatawad mo ang aking mga kasalanan, at ang daan ay daan ng kaluguran.”

At lumabas Siya sa lungsod.

At nang makalabas siya palayo ng lungsod ay nakita Niya ang kabataang lalaking nakaupo sa gilid ng lansangan at humahagulgol.

At nilapitan Niya ang kabataan at hinaplos ang mahahabang buhok nito at nagwika, “Bakit ka umiiyak?”

At tumingala ang kabataang lalaki at nakilala Siya, at sumagot, “Ngunit namatay na ako noon, at ikaw ang bumuhay muli sa akin. Ano pa ang dapat kong gawin kundi humagulgol?”

ALAGAD NG SINING

Sumapit sa kaniyang kaluluwa isang gabi ang mithing lumikha ng hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI. At ginalugad niya ang daigdig upang maghanap ng bronse. Dahil tanging sa bronse lamang siya nakapag-iisip.

Ngunit naglaho ang lahat ng bronse sa buong daigdig, at walang matagpuang bronse saanmang sulok, maliban sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN.

Kinuha niya ang naturang hulagway, at sa kaniyang mga kamay ay hinubog, at inilagay sa libingan ng minahal niya sa tanang buhay. Sa libingan ng patay na bagay na kaniyang pinakamamahal, lumikha siya ng hulagway ayon sa kaniyang  guniguni, upang maging sagisag ng pag-ibig ng tao na hindi mamamatay, at maging sagisag ng dalamhati ng tao na mabubuhay magpakailanman. At sa buong daigdig ay wala nang iba pang bronse kundi ang bronse ng hulagway na ito.

At kinuha niya ang hulagway na kaniyang hinubog, at ipinatong sa malaking siga, at ipinaubaya sa lagablab ng apoy.

At mula sa imaheng bronse ng ANG DALAMHATING UMIIRAL MAGPAKAILANMAN ay nilikha niya ang hulagway ng ANG KALUGURANG NANANATILI NANG SANDALI.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez.

Maria Magdalena. Pintura ni Francesco Hayez. Dominyo ng publiko.

Pabula sa Tag-araw

Napagawî ang tagák doon sa dalísay na sapà. Naákit siyáng tumítig sa túbig, at nakíta niyá ang saríli bílang nápakágandáng babáe sa daigdíg. “Anung hiwagà!” wikà ng tagák. “Walâ nang hihigít pa sa áking maputîng anyô!”

Mayâ-mayâ’y kumilapsáw ang tubig. At humalakhák ang sapà habang nanánalamín doón ang naligáw na íbon. “Bakit ka túmatáwa, butihing sapà?” usisà ng tagák.

Umismíd ang sapà, hábang hinuhugásan sa saluysóy ang mga paá ng tagák. “Nang tumítig ka sa ákin,” sambít ng sapà, “nakíta ko sa iyó ang áking kapalaran.”

“Ngúnit hindi akó pithó ng daigdíg!” salág na tugón ng tagák. “Walâ akóng kapángyaríhan úpang magbunyág ng hináharáp!”

“Ang nakikíta ko sa mga matá mo’y hindî ang tagák na tinitigháw ang úhaw sa tubigan,” tugón ng sapà. “Kundî ang mahiwagàng babáeng mágsisílang sa tag-aráw!” At mulîng napáhalakák ang sapà, na warìng inuúyam ang íbon.

Nagúlat ang tagák sa winikâ ng túbig. At mayâ-mayâ pa’y pumagaspás ito nang mángalísag ang balahíbo, at lumipád palayô sa sapà, hábang sinisíkap takásan ang bágong kabatíran.

Kinábukásan, natuyô ang sapà sa kung anóng dahilán. Bumángon sa mga bató ang isáng lastág na binibíni, at lumákad nang pasúray-súray hábang bumúbulóng ng “Pedro. . . Pedro!” bago pumaloób nang tahímik sa mga salitâng itó.

“Pabula sa Tag-araw,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo at hinalaw mula sa isang sinaunang kuwentong Tsino.
Tagak, kuha ni Jon Sullivan

Tagak, kuha ni Jon Sullivan at hinango mula sa artsibo ng public domain photos.com

Pit Senyor!

Himala ang inaasahan namin sa iyong hulagway, at pahiwatig ng kaligtasan mula sa sumasayaw na apoy. Gumagaan ang aming daigdig na sapupu ng iyong kamay, at gaya mo’y isinisilang muli kami sa pista at dasal. Kasisindakan ka ng mga hari, at sa tangan mong setro’y mabubuksan ang palasyo sa aming mga puso. Bumangon ka mula sa sabsaban upang damitan nang maringal—na karapat-dapat sa sinumang may dugong dibino’t bughaw. Pakiwari namin ay labis na mabigat ang iyong korona, na higit sa laman ng iyong utak at guniguni; at lumalaylay ang balikat mo dahil sa makapal, ginintuang suot. Kung nagkatawang-tao ka tulad ng sinumang anito, hindi ka namin makikilala maliban sa iyong kayumangging mukha at kulot-kulot na buhok. Mananalig kami sa iyo; at ang aming pananalig ay aapaw sa mga lansangan, pantalan, paliparan. Magsisiksikan ang palengke, sabungan, resort, hotel, at katedral. Bababa kami mula sa bundok ng aming paniniwala, palusong sa kaibuturang karnal at mistikal. Sapagkat bata ka, at kami’y matatanda. Magkalayo man ang ating mga edad ay magkalapit naman ang ating mga ulirat. Mabibigkis ang mga lumad at banyaga, uulan ng mga palaso para salubungin ang mga kanyon, magliliwanag ang himpapawid sa mga kuwitis at paputok, at sa nguso ng mga takut, ang mga lapulapu’y huhulihin—para ihain sa ating masaganang piging.

“Pit Senyor!” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 17 Enero 2010.

“Ang mga Dukha” ni Roberto Sosa

salin ng “Los Pobres” ni Roberto Sosa mula sa orihinal na Espanyol
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG MGA DUKHA

Napakarami ng dukha
kaya naman imposibleng
makalimutan sila.

Matitiyak
na tinatanaw nila
sa bawat liwayway
ang laksang gusali
na ibig nilang panahanan
ng kanilang mga anak.

Maaari nilang
pasanin sa balikat
ang kabaong ng bituin.
Kaya nilang wasakin
ang himpapawid
sa anyo ng nabuburyong
na kawan ng mga ibon,
at takpan ang buong
sinag ng araw.

Ngunit dahil di-malay
sa taglay na kayamanan,
labas-masok sila
sa mga salamin ng dugo,
at lumalakad nang marahan
at marahang namamatay.

Kaya naman imposibleng
makalimutan sila.

Kawan ng mga Ibon

Larawan mula sa US National Oceanic and Atmospheric Administration. Mula sa artsibo ng gimp-savvy.com.

“Sa Bulwagan ng Templo” ni Ko Un

Salin ng tula ng makatang Koreanong si  Ko Un
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SA BULWAGAN NG TEMPLO

Ibagsak si Buda!
Ibagsak ang guwapo at mapintog na Buda!
Ano ang kaugnayan ng eleganteng balbas?
Baklasin ang pintadong putang barakilan!
Ulo ng dragon? Ano’ng silbi ng ulo ng dragon?
Buwagin ang templong iyan, itaboy ang mga monghe,
Paghunusin sila na maging mga uod at alabok!
Puwe!
Lastag, walang ari-ariang Buda ang tunay na Buda!
Ang palengkerang bungangera, siya
siya ang tunay na Buda!
Lahat tayo’y BudaBudaBuda, tunay na Buda.
Buháy na Buda? Isang sigarilyo,
iyan ang preskong-preskong Buda!

Hindi, hindi iyan.
Kahit madaling salungatin ang daigdig,
na lahat ay mariwasa at matiwasay, nababalot
ng marikit na damit pangmayaman, at taglay
ang sangkaterbang nalilikhang kalakal
ng kapuwa Koreano at Amerikanong teknolohiya,
malayang makapamuhay ang bawat tao,
walang panggigipit sa karapatang pantao,
at paraisong maituturing,
at paraisong maituturing ang lahat.
Kahit ang walang kapantay na langit, na hitik sa hiyas,
ay kailangang baguhin pa rin araw-araw ng mga tao.
Kailangang baligtarin ang daigdig na ito araw-araw,
at ipagbanyuhay, tulad ng umaalimbukad na lotus.
Iyan ang Buda.

Ibagsak ang labinlimandaang taon ng kaululan,
humihimbing ang panahon at panahon ay humihimbing,
gaya ng maruming sanaw na umaalingasaw.

Hulagway ni Buddha

Hulagway ni Buddha

Wakas ni Darna

Sumapit ang panahong nagsawa na si Darna na sagipin ang daigdig mula sa mga kuko ng lagim, at problema niya ngayon kung paano iluluwa ang mahiwagang bato. Pinilit niyang dumuwal, dumuwal na tila nagdadalang-tao, ngunit imbes na bato ang lumabas sa kaniyang bibig ay hinanakit sa kapangyarihang mula sa malayong daigdig.

Kung dalisay na puso ang tahanan ng agimat, ano’t hindi siya makabalik sa tungkod para gampanan ang tungkulin ng dalagitang may kapansanan? Labis na siyang nagpakabait, at sa oras na ito’y ibig niyang maging karaniwan, na umiibig at nasasaktan, at kumarat man ay handang magpakalugod at mabuntis upang isilang ang bagong anghel.

“Marami ka pang gagampanan, Darna!” untag sa kaniya ni Ding. Napaigtad lamang ang dilag. Naisip niyang maging supermodelo na rumarampa sa banyagang entablado, lumalakad sa di-nakikitang linya, humihinto upang mamaywang, tumititig nang erotiko’t ilahas, at habang pigil ang ngiti, ay tatalikod upang kainin ng mga kurtinang taglay ang mga sarikulay na babae ng panahon.

Lumabis ang pagsandig ng sangkatauhan kay Darna, at ang pagsandig na iyon ay waring pambihirang kapansanang dapat subaybayan ng doktor. Si Darna ang saklay, ang upuang de-gulong, ang robotikong kasangkapan ng daigdig. Bakit kailangan kong lumipad nang halos walang saplot, hinanakit niya, gayong higit na epektibo ang eroplano at raketsip? Bakit ang kasamaan ay dapat sugpuin lamang ng isang tao, gayong ang kasamaan ay maaaring matagpuan sa puso ng lahat?

Lumipad si Darna sa himpapawid.

Marahil ay dapat planuhin ang lungsod, naisip niya habang nasa ulap, at isaayos ang mga kalye. Labis na ang populasyon. Matindi ang polusyon. Mabagal ang trapiko ng mga sasakyan. Nasa bangketa ang palengke. Kulang ang mga tore ng komunikasyon. Mali ang puwesto ng mga pabrika na malapit sa mga bahayan. Mahaba ang listahan ng kaniyang mga pagbubulay-bulay nang masalubong niya sa kalangitan ang nikeladong Impakta.

“Sinasabi ko na nga bang magkikita tayo,” sambit ng Impakta. “At kung akala mo’y gagawa ako ng kasamaan ay nagkakamali ka.”

“Hindi kita pipigilin,” sagot ni Darna, “sa anumang maitim na balak mo, panyera, ha-ha-ha!”

Nagtaka ang nikeladong Impakta sa winika ng dalaga. Maaaring patibong lamang ito. Baka gapiin niya ako kapag tumalikod. Baka durugin niya ang aking pagkatao. Nalunod sa agam-agam ang halimaw, habang ibinubulong paulit-ulit ang “Nagpakabait na ako!” at hindi niya napansin si Darna na sumibad pabulusok habang kuyom nang mariin sa kaliwang kamay ang batong isinusuka ng pagkatao.

Hunyango sa Bato

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Buwaya, kuha ni Beth Añonuevo

Paglalakbay, pakikikipagsapalaran, at paghuhunos ng inhinyerong nangangarap maging manunulat ang pinapaksa ng Hunyango sa Bato (2004) ni Abdon M. Balde Jr. Maluwag ang sipat ng pangunahing tauhan, at sa kaniyang pananaw ay mauungkat ang mga kontrobersiyal, at malimit maanomalya, na pagawaing-bayan at multi-milyong proyektong pang-inhinyeriya. Kabilang sa binanggit ang pamosong pagguho ng Ruby Tower sa Binondo, ang pagkatibag ng imbakang minahan sa Mindoro, ang kahindik-hindik na pagtatayo ng Film Center, ang pagpapasemento ng mga daan mulang Pampanga at Cotabato hanggang paliparan sa Nepal at Indonesia at iba pang negosasyon sa pagawaing-bayan sa Asya.

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Hunyango sa Bato (2004), ni Abdon M. Balde Jr

Nagbabago ng kulay ang pangunahing tauhang di-pinangalanan, at ang paghuhunos na ito ay alinsunod sa pakahulugan niya ng paglikha ng balatkayo upang matanaw ang daigdig sa lilim ng karimlan. Matututuhan niya ito bilang tagamasid sa isang matandang malimit sumaksi sa mga kaso sa hukuman doon sa Bikol, at tataglayin hanggang sa pagkuha ng kursong inhinyeriya imbes na panitikan, alinsunod sa dikta ng ama. Gagagarin ng kabataan ang matanda sa mga pagkukuwento nito, at ito ang simula ng pagtatanim ng hilig sa pagsasalaysay na hitik sa siste at detalye, habang ikinukubli ang mga pailalim na puna sa kapuwa at lipunan.

Masisilab ang tauhan nang magsimulang maging inhinyero at kumuha ng proyekto mulang pagtitibag ng bato sa Rizal hanggang pagpapatag ng daan sa Zambales. Ang mga tauhang masasalubong niya ang uugit nang malalim sa kaniyang pagkatao hanggang pumalaot sa pandaigdigang larang.

Habang lumalaon, ang pangunahing tauhan ay kakainin ng sarili niyang anino bilang inhinyero. Malalasap niya ang lahat ng pighati at sarap, at sa pamamagitan ng paggamit ng isa pang tauhang babaeng kausap, ay ilalantad ang kabulukan ng paligid. Ang kabulukang ito ang magsisimulang gumapang sa katauhan ng inhinyero, upang sa bandang huli’y ibunyag sa mga peryodista ang mga lutaang ginagawa sa mga proyektong pagawaing-bayan ng pamahalaan at siyang tinutustusan ng salapi mula sa mga dambuhalang dayuhang institusyon. Ito marahil ang paglilinis ng tauhan, upang hindi kainin nang ganap ng bulok na sistema. Ngunit bitin ang salaysay, at maaaring nakahanda ang nobela para sa kasunod na pakikipagsapalaran.

Ang inhinyerong naging manunulat bilang tagapagsalaysay ay kahanga-hangang bahagi ng nobela. Nagsasalimbay ang mga salaysay na mapagkakamalang kumpisal na nagkukunwang sanaysay, at ang mga nakapahilis na talata ang magbubukod sa isa pang salaysay sa panig ng lalaking tagapagsalaysay na kausap ang mahihinuhang kasintahan o asawa niya. Habang lumalaon, paliit nang paliit ang nagiging puwang ng usapan ng magkabiyak, ngunit ang babae ang magpapagunita sa lalaki sa lunggati nitong maging mahusay na kuwentista.

Ang totoo’y hindi naman isinaad sa nobela kung paano maging mahusay na manunulat. Walang mababanggit sa nobela kung paano nagpakadalubhasa sa sining ang inhinyerong mapangarapin. Ang higit na mahalaga ay ang pagpapamalay na ang kadalubhasaang dapat taglayin ng sinumang manunulat ay nasa masinop na pagmamasid sa kaligiran. Ang anumang nasagap sa daigdig ang magiging mahalagang sangkap ng kuwento at magkakatalo na lamang kung paano isasalaysay ang gayong kalalim na pagmamasid. Ibig sabihin, mananagot ang mangangatha hindi sa katumpakan ng kaniyang datos, kundi kung gaano kahusay niyang napangatawanan ang kaniyang kasiningan sa pagkatha.

Maraming ibinubunyag ang nobelang Hunyango sa Bato, na kahit ngayon ay mainit na tinatalakay sa senado. Posibleng malikhaing tsismis lamang ang alingasngas sa mga pagawaing-bayan, ngunit anuman ito ay matagumpay na nailahok ng awtor sa kaniyang akda.

Ang pangunahing tauhang inhinyero ay masasabing matagumpay na nakapanaig sa kaniyang kaligiran dahil marunong siyang sumabay sa agos, wika nga. Ang pagsabay na ito ay pagkilala sa dambuhalang estruktura o sistema na pinaaandar ng mga tao na kabilang sa mayhawak ng salapi o kapangyarihang siyang kumokontrol sa lipunan. Naging bahagi siya bilang empleado sa gayong sistema, na bumabayad ng salapi upang magamit ang talino at lakas ng mga manggagawa. Maaaring pagkaraan ng ilang taon ay magiging bahagi ng burukrasya ang naturang inhinyero, ngunit hindi niya malalabanan ang sistema alinsunod sa patakaran nito bagkus alinsunod lamang sa abot ng kaniyang kakayahan, katusuhan, at kalakasan. Nakatakdang kainin ng bulok na sistema ang inhinyero, at maaaring ang solusyon upang makaligtas siya sa pagkatiwalag sa lipunan at sarili ay sa paraang lisanin ang kaniyang nakasanayang burges na pamumuhay bilang inhinyero at maghunos sa ganap na mangangatha.

Nakapanghihinayang lamang at maraming nakalusot na tipograpikong mali sa teksto ni Balde. Halatang minadali ang produksiyon ng aklat, at nawa’y maituwid ang mga ito sa susunod na edisyon upang makita nang lubos ang Hunyango sa Bato.