Wika ng Bantay-Gubat sa Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Bantáy-Gúbat sa Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Magsásawà ka sa mahabàng páliwánag isáng áraw, panínindigán ang semántika ng punòngbáyan, at ang mga katótohánan ng bundók, gáya ng topógrapíya at paraán ng pagbagtas nito, ay isasálin mo sa wikà at dískurso ng nunò sa punsó. Séryoso ka man o nagbíbirô, kung gaáno katatás ang wikà (at kung gaáno kabúlas ang dískurso) sa pagítan ng mga tagaytáy at lambák na pinagdúrugtóng ng sopístikádong taytáy o túnel ay káyang punggukín ng pagkálagót ng pásensíya at pagmámadalî. Ang punsó ang úbod ng páliwánag sa mabúbuông túmbasang alamát at aghám mulâ sa dambúhalàng hulagwáy ng gúbat, na ang kalíwanágan at ang pagkáhinóg ay sukát na sukát. Maráhil nakíta mo rin na ang pananáw pápasók at pálabás sa bundók—mulâng itaás hanggang ibabâ, o kayâ’y páikót sa ápat na pánig nitó—ay hinangò kung hindî man hinálaw lámang sa isáng umbók ng lúad na ang nilálamán ay malíliksíng ánay at hantík. Lahát ng tinátanáw mo’t sinúsubáybayán hinggíl sa bundók ay inákalà mong kasímpayák kung paáno búbungkalín o pápatágin ang punsó, kung ipagpápalagáy na walâ nang hiníhingîng páliwánag pa sa húsay ng minímalístang pagdulóg. Mag-íimbénto ka ng mga tagurî, halímbawà, “plántita de cásino,” o kaya’y “heodésikong intérbensiyón,” pára higít na magíng kapaní-paníwalà ang lénte ng pangángapâ.  Maráhil, ang túlin ng paglágom ay likás sa iyó nang maílahók ang lahát sa réseta o téksbuk ng pagsákop. Hiníhingî ng daigdíg mo ang madalî at payák; at dáhil sawâng-sawâ ka na sa kílométrikong talákay, o sa mahabâng pórmula sa matématíka at ebólusyón, ng iyóng mga tagapáyo ay nanaísin mong manahímik sa hindík at mágtiwalà ang públiko sa iyó,  kapág may kung sínong dinádampót, binúbugbóg, tinótokháng sa ngálan ng séguridád at kapáyapàán—walâ man siyáng kamuwáng-muwáng sa iyó.

Alimbúkad: Epic subterranean poetry beyond borders. Photo by Ian Beckley on Pexels.com

Wika ng Napagtanungan sa Estranghero, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng napágtanungán sa estranghéro

Roberto T. Añonuevo

Sumagì ba sa ínstinto ng paruparó na itó ang séntro ng daigdíg pagdapô sa bulaklák? Naságap ba ng taliptíp na itó ang panahón ng dágat pagdikít sa talúkab ng pawíkan? Nasákop na ba ng mga langgám o buláti ang lupàin úpang itúring na yaón ang dápat magharì sa ibábaw ng bangkáy at asúkal? Sinúsuwág ba ng kalabáw ang mga lángaw at lamók úpang idiín na itó ang dápat masunód sa mapútik na búkid? Mga walâng saysáy na tanóng, dumarakò man sa yugtông éksisténsiyál o materyál, ngúnit sa pánig ng táo ay pósible sapagkát áakalàin niyá na siyá ang daigdíg sa isáng yugtô, na siyá ang éhe at íkot at ínog, na siyá sa bandáng hulí ang únibérso. Maghahanáp ka ng mga pulô káhit nauuklô sa gambá o poót o lagím o litó. Maglalakád ka sa mga désyerto na warìng ikáw ang ináasáhang ulán at padrón ng mga gúbat. Lilikhâ ka ng mga salitâ úpang ang kidlát ay maípahatíd ng dilà o líham. Matutúto kang maglutò úpang gawíng kusinà ang báwat súlok at gawíng úlam ang lahát ng káyang tanggapín ng sikmurà. Kung kasíngliít ka ng bútil ng buhángin, anó’t hindî magtataká kung may ibáng galáktikong míkrobyo na malíligáw sa iyóng bakúran? Ang séntro ng bilóg ay séntro ng parisukát, nagkákaibá lámang sa mga gílid. Ang séntro ng séntro ay tuldók na tuldók ng kawalán; ang séntro ay hindî sólido bagkús hungkág, at kung itó ang nanaísin mo, iiíral kang walâ ngúnit naróroón, íiral kang naróroón ngúnit nawáwalâ. Húwag mo ákong tanungín sapagkát hindî akó glósaryo ng iyóng tadhanà. Hindî akó siyentípiko na tiyák sa báwat makíta bátay sa komposisyón ng mga molékula at túlin sa hátag na dístansiya. Bákit pipigâin ang útak sa gáya ng sampûng líbong diyós gayóng hiníhingî ang niyógan at bakáwan bágo maglahô ang dalámpasígan? Magbábalangkás ka ng mga batás na mulî’t mulî mong súsuwayín. Mág-iimbénto ka ng mga hakbáng, gayóng ang kailángan ay pag-upô nang walâng tínag at paghingá nang malálim. Kailán mo naísip na kailángan ka ng músa, o siyá ang kailángan mo, gayóng hindî mo alám kung ang músa ay sadyâng pára sa iyó? Marámi kang tanóng na maráming sagót na párang palábok o pagsúlat sa túbig, at maráming sagót na lihís sa lóhika ng iyóng butó’t lamán. Kung ang tanóng ay tumátawíd sa dimensiyóng máteryal at di-máteryal, ang sagót din ba ay dápat magpabálik-bálik sa dimensiyóng máteryal at di-máteryal nang may katumbás na guniguní at gunitâ, at nang magíng kasiyá-siyá sa gáya mong lagìng gumigitnâ, sa gáya mong ang lahát ay nililikhâ at isáng matigás na bágay ang simulâ ng pag-unawà? Hindî kitá kailángang sampalín pára magisíng. Walâ akóng alám; at malayà mong isíping isá akóng gágo o pilósopo o sadyâng sirâúlo, na hindî dápat séryosóhin sa plánetang itó.

Alimbúkad: Epic rumbling poetry beyond pandemic. Photo by Adam Borkowski on Pexels.com

Wika ng Parola sa Panauhin, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Paróla sa Panaúhin

Roberto T. Añonuevo

Isang tuldók ang lundáy sa láwak ng bugháw; isáng tuldók na untî-untîng nagíging línya ang káwan ng kanáway na sumásayáw palapít. Humáhampás ang mga álon sa dalámpasígan, at tangìng ikáw ang mabíbingí, kayâ walâ akóng pakíalám. Sumásalpók, at malímit humáhagunót ang hángin, na ikáyayaníg mo, ngúnit walâ akóng pakíalám. Paroó’t paríto sa palígid ang mga bapór at yáte, umiíwas sa pangánib na sumadsád sa págang o bahúra, at kung gabí’y akó ang tinátanáw. Kapág lumambóng ang úlop at dágim lálo’t takípsílim, hindî kitá makikíta; at maráhil, hindî mo rin akó makikíta kundî ang ináakálang bituín. Anó kung magsílundág ang mga lúmba-lúmba? Ano kung habúlin ng patíng ang mga dúgong o pengguwín? Anó kung sisingháp-singháp si Íkaro na hindî nápansín ng dumaáng barkó? Kailángang maníwalà ba sa mga kuwénto ng magdaragát na nakáriníg sa pamatbát hinggíl sa siréna, o sa áwit ni Amánsináya? Hahabà ang listáhan ng tánong kapág naríritó ka, at makíkiníg kina Homer at Vyasa. Magbibiláng ka ng mga bagyó at buhawî sa panganórin; magbibiláng ng mga ármada at digmâ na panónoórin. Pagkaraán, titingkád na éskarláta ang batuhán sa mga lulútang-lútang na bangkáy. Susukátin ng mga mánlalakbáy ang layò ko at ang layò nila, tumáog man o kumáti. Makábubúti kung párang adwána itóng kinálalagyán ko na mágkakaltás ng buwís sapagkát nágbubuwís-búhay. Lumúluhà sa halúmigmíg ang áking salamín, at áakalàin mong nalulungkót akó pára sa iyó. Hindî. Pagód lang maráhil ang mga talibà ng liwánag. Higít pa sa unós itóng dumáratíng—ang mga humihíngal na bálangkawítan mulâ sa ibáng bansâ—na warì’y sasakúpin ang mga latìan, at mag-iíwan ng trangkáso sa mga bahayán. Itúring mo akóng paralúman, o ílaw ng sángkataúhan, subálit walâ akóng pakíalám. Hindî akó ang iyóng músa; ang músa mo, gaáno man karikít, ay hindî mapapásaákin kailánman. Walâ siyá ríto. At walâ ákong pakíalám.

Alimbúkad: Poetry breaking barriers. Photo by Michael Judkins on Pexels.com

Ang Matalino, ni Roberto T. Añonuevo

Sa kinatátayûan mo, naroroón ang lahát ng impórmasyón na hinahámig, nílulunók, tinutúnaw, úpang mulîng ihasík, palúsugín, palawígin sa anyô ng mga aníno at alíngawngáw, ngunit huwág ipagkamalîng yaón ang talíno. Ang talíno ay hindî pagságap, pagwásak, pagkamkám, ni panggagagád, gáya ng ináakalà ng mga hukbông mándirigmâ, sa báwat lupálop na pinilì nitong salakáyin, gapîin, arìin. Ang talíno ay nása hanggáhan ng bató at símoy; at dáhil nasa hanggáhan ng náriritó-at-walâ, ang hanggáhang itó ay maglilíhim ng mga guníguníng pintô na hindî kusàng magbubukás, bagkús mabubúksan lámang sa pamámagítan ng susì ng kawalán at pagkilála sa angkíng katangahán kundî man kabalbalán. Malayàng isíping uminóm ka ng túbig subálit walâng pagkátigháw ang úhaw. Noon, tinurùan kang mag-ípon ng mga aklát at magpaláwak ng aklátan, ngúnit sa óras ng poót, yábang, at láyaw, ang mga pahína na nagtatalâ ng kasaysáyan mo’t kaugalìan, ang mga pahína na sinusúnod ng mga deboto mo’t alagad, ang mga pahína na nagpapáningníng sa sagísag mo’t pangálan, ay nakátakdâng magíng mabangóng panggátong sa págpapaliyáb ng mga kusinà at pabríka ng mga kaáway. Kapág narínig mong hinahámak ng bánug ang mga buláte o uód, sapagkat ináakalà nitóng ang talíno ay nása pakpák at pág-imbulóg, mágwawakás síyang masagánang pigíng kapág lumagpák sa lupà. Gayunmán, hindî magdidíwang ang mga suplíng ng lupà sapagkát alám nito na kahit ang hambóg at dakilà ay pawàng bútil ng hinágap lámang sa dilím ng kamalayán.

Alimbúkad: Poetry without labels and borders. Photo by Magda Ehlers on Pexels.com

Lakad, ni Roberto T. Añonuevo

Lákad

Tula ni Roberto T. Añonuevo

Kapana-panabik ang paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . .kung hindi natin alam ang patutunguhan.
Hindi ba nakababató kung sakali’t nakahuhula tayo
sa resulta ng ating paghahanap?
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Parang nanood tayo nang paulit-ulit
sa pelikulang ibig nating iyakán o ibig nitong tayo’y pagtawanan.

Kaya sumáma ako sa iyo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .At waring ikaw ay nabaliw.

Hindi ka natatakot maligaw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .lalo’t nakasakay ka sa aking katawan.

Magsuot man ako ng maskara,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . nakikilala mo ako
sa salát. . . . . . . . . . . . . . .  at tunog . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at simoy.

Kaysarap maligaw, kung ikaw ang aking kapalaran.

Ikaw ang nagpaunawa sa akin
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng pakikipagsapalaran,
kahit nasa loob ng banyagang silid o napakalupit na bilibid.

Itatanggi mong isa kang makata,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ngunit hinahaplos mo ako sa hiwaga:
kung ako ang alak, tutunggain mo ako
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .nang maglaho ang aking pagkaalak
at maging ako ikaw. At malalasing ka,
at lilipad, hanggang malimot mo ang sarili at maging espiritung
nakalalasing,
 . . . . . . . . . . . . . . . . na gaya ko.

Para kang paslit na walang pakialam
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . marumihan man ang damit,
makita lang ang langit.

Napápatáwa ka na lámang, kapag sumadsad
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . ang ating barko sa kung saang baybay.

Bakit kokontrolin ang daigdig?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Para sabihing nasa ating palad ang tadhana?

Isang butil tayo sa walang katiyakang kalawakan,
wika ng iyong larawan, at maaaring lumalampas sa hanggahan
ng tama at mali,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . sa kulay at pananalig,
. . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa wika at saklaw.
O iyan ay guniguni lámang o kaya’y narinig o nabása
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .sa kung saang pantalan.

Sapagkat ako’y iyong iniibig
at iniibig ko’y ikaw—na totoong higit sa katwiran
kung bakit hangga ngayon
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay kapiling ka
sa paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . .na waring palaisipan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at nagkataong walang katapusan. . . .

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless.

Ang Tula

Nakaligtaan, at sabihin nang naiwaglit ko ang tula, at para itong maleta na natabunan ng libo-libong maleta, bag, at kargada sa kung saang lupalop. Hindi ko maipagpatuloy ang biyahe, sapagkat ang isang maleta ay makapagtataglay ng epiko ng pakikipagsapalaran o kaya’y walang katumbas na yaman, at binabagabag ako ng panghihinayang sa naglahong minamahal.

Hinahanap ko ang aking tula at hindi ko matagpuan.

Nagtanong-tanong ako sa bawat makasalubong, at isinalaysay ang aking pagpapabaya, hanggang isang araw ay makilala ang pilay na lalaking palaboy at ituro niya ang bodega na maaaring nagtatago niyon. Bagaman may pag-aalinlangan ay pumunta ako sa sinabing kalye at numero ng lugar. Sumapit ako nang maghahatinggabi, at nang tumimbre sa pader ay sumalubong ang matandang babae. “Ano ang kailangan mo, iho?” usisa niya.

Isinalaysay ko ang pagkawala ng aking tula, na nakasilid sa plastik, at nagbaka-sakaling doon sa bodega ng matanda napadpad.

Napangiti ang babae, at dumukot sa bulsa ng kaniyang gulanit na palda. “Ito ba ang hinahanap mo?” sabay pakita ng naninilaw na larawan ng dalagang matikas, nakangiti, at may asul na titig.

Imbes na tumugon ay pumikit ako at bumuka ang aking bibig, at mula sa aking lalamunan ay umahon ang mga kataga na parang libo-libong maleta, bag, at kargadang may tatak at pangalan na pawang iniluluwal sa mga paliparan at pantalan. Tumakas sa aking pilik at talukap ang luha, at sumisigaw sa aking pilipisan na hindi ko na kaya pang tumula. Napatungo ako at humagulgol.

Walang ano-ano’y may tumapik sa aking balikat, at pag-angat ko ng ulo’y bumungad sa aking harap ang babaeng nasa larawan, at bumibigkas ng mga talinghaga na hindi kailanman, aniya, kahit minsan, naghunos na banyaga.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Elizabeth Taylor, Liza Todd, at Mike Todd. Kuha ni Tony Frissell, 1957.

Tatlong Awit, ni Mary Oliver

Salin ng tulang tuluyan ni Mary Oliver mula sa orihinal na Ingles.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

TATLONG AWIT

1
Bumaba mula sa dalisdis ang isang pangkat ng ilahás na pabo. Marahan silang dumating—at habang naglalakad ay nagsiyasat ng anumang makakain sa ilalim ng mga dahon, at bukod dito’y kalugod-lugod humakbang nang pasalit-salit sa mapusyaw na sinag, saka sa mga patse ng katamtamang ginintuang lilim. Lahat sila’y inahin at iniaangat nila nang maingat ang makakapal na hinlalaki. Sa gayong mga hinlalaki’y makapagmamartsa sila sa isang panig ng estado pababa sa iba, o makapagpapadausdos sa tubig, o makasasayaw ng tanggo. Ngunit hindi sa umagang ito. Habang papalapit sila’y ang kaluskos ng kanilang mga paa sa mga dahon ay waring patak ng ulan, na nagiging ulang-banak. Itinaas ng mga aso ko ang mga tainga, at pumaligid sa daan. Imbes na ibuka ang maiitim na pakpak, umikot-ikot ang mga inahin at mabilis na tumalilis sa lilim ng mga punongkahoy, gaya ng mumunting abestrus.

2
Ang lagsíng, na may dilawang dibdib at mahinang paglipad, ay umawit sa umaga, na sa pagkakataong ito, ay ganap na bughaw, malinaw, di-masukat, at walang bugso ng hangin. Kaluluwa ang lagsíng, at isang epipanya, kung nanaisin ko. Kailangan ko lamang na mapakinggan ito para makagawa ng maganda, kahit pabatid, sa okasyon.

At nagtanong ka ba kung anong panulaan mayroon ang daigdig na ito? Para saang layon hinahanap natin ito, at pinagbubulayan, at binibigyan ng pagpapahalaga?

At totoo rin ito—na kapag isasaalang-alang ko ang ginintuang tariktik at ang awit na iniluluwal ng kaniyang makitid na lalamunan sa konteksto ng ebolusyon, ng mga reptil, ng mga tubigang Cambrian, ng hiling ng katawan na magbago, ng kahanga-hangang husay at pagsisikap ng lawas, ng marami sa buhay, ng mga nanalo at nabigo, hindi ko naiwala ang orihinal na okasyon, at ang walang hanggahang tamis nito. Dahil ito ang aking kahusayan—kaya kong pagbulayan ang pinakadetalyadong kaalaman, at ang pinakamahigpit, pinakamatigas na misteryo nang magkasabay.

3
Maraming komunikasyon at unawaan sa ilalim ng, at bukod sa, pagpapatibay ng wikang binibigkas o isinusulat na ang wika ay halos hindi lumalampas sa pagsisilid, o pagpapalawig—isang katiyakan, inihayag na diin, damdamin-sa-palaugnayan—na hindi lahat mahalaga sa mensahe. At kung gayon, bilang elegansiya, na halos pagmamalabis, ito ay maaaring (dahil libreng gamitin) maingat na hubugin para ipagsapalaran, para simulan at patagalin ang mga pakikipagsapalaran na puwedeng maging marupok pagkaraan—at lahat sa layon ng paglipad at alunignig ng tuwa ng mga salita, gayundin ng kanilang kautusan—na gumawa, ng lawas-sinag na pagtataya sa buhay, at sa mga alab nito, kabilang (siyempre) ang rubdob ng meditasyon, ang tiyak na pagdiriwang, o pagsisiyasat, na kinakasangkapan ang gramatika, mirto, at baít sa tumpak at matalisik na paraan. Kumbaga’y hindi mahalaga, bagkus boluntaryo, sa wika ang mga salita. Kung mahalaga ito, mananatili itong payak; hindi nito mayayanig ang ating mga puso sa laging-sariwang kariktan at walang-hanggahang kalabuan; hindi ito mangangarap, sa mahahaba nitong puting buto, na maghunos sa pagiging awit.

Mga tula ng paglalakbay ni Immanuel Mifsud

salin ng mga tula ng makatang Slovak Immanuel Mifsud
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG BATO

May isang bato na ibig kong itago mo.
Nakatago ito sa aking dibdib na kumikirot.
Ibig kong kunin mo iyon, gawing bulaklak
upang bigyan ng mga kulay ng iyong anyo.

Lumuluha ang bato tuwing takipsilim
at bumibigat nang bumibigat nang lubos,
bumibigat sa dugo, bumibigat sa pighati,
at bumibigat sa umiikling paghinga.

Hinihintay nito ang iyong pagdalaw.
Hinihintay yapakan ng hubad mong paa’t
luhuran, nang mahagkan ang iyong tuhod
para sa araw na aangkinin mo ang bato.

TANONG

Tumingin ka sa akin, magandang binibini:
Totoo ba na sinumang tumawid sa dagat
upang dumaong sa malungkot mong lupain
ay nagwawakas na said ang dugo’t kalansay?

PANGGABING TREN

Hinahawi ng tren ang karimlan. Gumagapang ito
at tumatawid sa mga antuking bayan na naiilawan
ng poste sa dulo ng mga estasyon na naghahayag
ng pagdating at paglisan, at ng itim na pagyao
ng tren na humahati sa dilim
at hindi kailanman makararating.

BIYAHE MULANG VRÚTKY HANGGANG BRATISLAVA

Ikinandong ko ang iyong ulo habang nasa tren
at nabatid na pinagod ka ng biyahe kaya nahimbing.
Tiningnan kita at napansing ito na ang wakas.

Ang naiwan ay ang aking huling pagmamadali
na habulin ang eroplano na maghahatid sa akin
pabalik sa lupaing ibig kong ibigay sa iyo,
sa lupaing babalikan ko nang mag-isa.
Saan ko hahanapin ang kakaibang disenyo
na iginuhit sa alabok para sa akin?

Sinulyapan ko ang iyong pandulong puting anyo
at naunawaang ito na, ito na ang wakas.
Ito ang panahon, at panahon ang laging nagdidikta.

Tren

Tren, kuha ni Jack Delano, Marso 1943. Mula sa artsibo ng Library of Congress.

Dalawang Tula ni Cecilia Woloch

salin ng dalawang tula ni Cecilia Woloch
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

CARPATHIA

Hinugasan ang abok at bantot
ng tren na Polish,
nakiawit sa isang paslit.

Kumain at tumawa at umiyak,
tumagay ng vodkang may katas
ng mansanas, at nagtinapay.

Lumakad sa mga bukirin
nang dapithapon, at sa gubat
at pabalik muli—

parang ng mga gumamela,
amorsekong matinik ang ulo,
unang asul na mirasol ng Hunyo.

Ibinukas ang kamay sa langit
humilata nang mag-isa
sa aking pagkalula.

Tinipon ang mumunting butil
na biyoleta mula sa ilang,
at kinipil sa palad—

Siberyong sirwelas, maliliit
na bunga, na nilasap sa dila
ang malamuyot na tamis-pait.

Nabigo at nabigo sa pag-ibig.
Lumayas kung saan-saan,
habol-habol ang hininga.

Nagtiwala sa mundo na maging
mabuti’t tumayo sa pintuan,
at nakinig sa mga lobo’t

naulinig ang sariling bangkay
sa talahibang bumubulong:
Mahal, mahal, mahal.

MGA ALITAPTAP

At ito ang aking mga bisyo:
kawalang tiyaga, mainit ang ulo, alak,
at malimit na paghitit ng sigarilyo;
halos di-matighaw na uhaw na mahagkan;
pagkagutom na hindi basta gutom
bagkus gaya ng takot, pagpigil sa hilakbot;
at pagtikim sa mapapait na tsismis
ng mga tao na nanakit sa akin—para sa pait;
at paglalandi sa mga estranghero at pagsasabi
ng “Mahal” sa mga batang di-alam ang ngalan;
pagmamaneho nang mabilis, at di-pagiging
Budista para hayaan sa bahay ang mga insekto
o ang maririkit na mala-laruang dagang kosta
na ang mga katawan ay dumikit sa bitag
na dala ko ang mga bangkay pa-basurahan;
at minsan, higit na pinipiling makapiling
ang aklat kaysa tao, at hihimig nang hihimig
at mabubuhay sa loob ng guniguni
at kung paanong gaya ng batang babae’y
susundan ang makupad na lakad ng tiya
tuwing takipsilim doon sa halamanan,
at natutong humuli ng mga alitaptap sa palad,
upang ipahid ang malalagkit, pumupusikit
na sinag sa mga daliri at tainga gaya ng hiyas.

Bubuyog sa bulaklak

Retrato mula sa photos8.com