Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon, ni Etheridge Knight

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon

Salin ng “No moon floods the memory of that night,” ni Etheridge Knight
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon
bagkus ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
sa aming mga mukha at humahalo sa iyong mga luha
tanging ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
at ang iyong bibig na malambot at anung ligamgam
walang buwan walang bituin walang nanunusok na kirot
ng kidlat tanging ang aking impotenteng dila
at ang pulang poot sa loob ng aking utak na batid
na ang nakapanginginig na ulan ang ating eternidad
kahit na sinisikap kong ipaliwanag:

“Ang rebolusyonaryo ay isang kondenadong tao
na hindi tiyak ang búkas bagkus pag-ibig at kasaysayan.”
“Ngunit ang ating mga anak ay dapat lumaki nang tiyak
ang búkas sapagkat sila ang lilikha ng rebolusyon.”
“Dapat ipamalas nating halimbawa sa payak na paraan
na ang ating mga anak ay hindi liliko sa kanan o kaliwa
bagkus diretso sa ating minimithing kalayaan.”
“Hindi,” tugon mo. At ikaw ay lumisan.

Walang buwan ang nagpaapaw sa gunita ng gabing iyon
bagkus ang ulan natatandaan ko ang malamig na ulan
at umaasang gaya ng ulan
na nagbabalik sa langit ay magbabalik ka sa aking piling.

light, black and white, woman, white, street, night

Pighati ng Paghihiwalay, ni Ling Qingzhao

Salin ng tula ni Ling Qingzhao, batay sa bersiyon ni Jiaosheng Wang
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pighati ng Paghihiwalay

Nanguluntoy ang baíno’t
Kakaunti na ang bango.
Naging taglagas ang banig.
Hinubad ko’ng sutlang damit
at sumakay nang mag-isa
sa bangkang tila orkidya.

Sino ba ang nagpaabot
ng liham mula sa ulop?
Kapag nagbalik ang gansâ,
ang buwan ay mágbabahâ
sa kanlurang piling silid,
nang tanglawan ang kaniig.

Malalagas ang bulaklak,
dadaloy ang tubig-alak,
upang tupdin ang tadhana.
Alab ay di-alintana.
Pagnanasang walang hadlang,
kapag ito ay lumisan
sa noo, ito’y papasok
sa dibdib upang tumibok.

Mga Kawikaang Tamil

Mga Kawikaang Tamil

Roberto T. Añonuevo

Kahanga-hangang pumipintig pa rin magpahangga ngayon ang kabuluhan ng mga kawikaan. Ang kawikaan, na hinango sa kaligiran, ay maaaring gamitin ninuman alinsunod sa kaniyang pagbasa. Ngunit ang kawikaang ito, sa di-sinasadyang pagkakataon, ay nakahuhubog din sa kaisipan ng taumbayan, at nagsisilbing patnubay kung paano dapat mabuhay at makiharap ang isang tao sa kaniyang kapuwa.

“Kung ang utusan mo ang may hawak ng sandok,” saad ng isang Kawikaang Tamil, “mahalaga ba kung ikaw ay nakaupo sa dulo o kaya’y sa harap ng handaan ng isang pista?” Sa ganitong pahayag, ang kumpigurasyon ng trabaho sa kusina ay mailalabas hanggang sa pagdiriwang ng isang pista, at ang mga lingid ngunit dinamikong ugnayan ng mga tauhan ay mahahalata. Hindi kinakailangang magsalita ng maykapangyarihan; ang kaniyang mga alalay ang bahala sa kaniyang kaligtasan.

Ang isang kawikaan ay hindi basta nanggagaya o kumakatawan o kaya’y nagsisilang ng realidad na nasagap ng awtor, kung hihiramin baga ang dila ni Darío Villanueva, bagkus lumilikha rin ng sinasadyang pagkilala sa angking realidad nito sa pamamagitan ng tekstuwal na pagtukoy sa isang ipinahihiwatig at di-nakikitang mambabasa. Mahalagang sipatin ang mga kawikaan, hindi lamang sa pagiging labis na matapat nito sa teksto na sinasandigan ng awtor, bagkus sa realistang pagsagap ng mambabasa sa mga anyo nito.

Narito ang ilang kawikaang Tamil na aking isinalin sa Filipino, at mula sa bersiyong Ingles ni Reb. P. Percival. Pinili ko ito ay inihanay, at ang ilan dito ay sumasapol kahit sa realidad ng mambabasang Filipino.

1. Nababasag ang liwanag sa ulo ng dukha.
2. Ang kariktan ng isip ay nababanaag sa mukha.
3. Magtatangka ba ang magnanakaw kung inaasahang huhulihin siya?
4. Habang nagmumura ang bigas, ang kasiyahan ay tumataas.
5. Ang paghihiwalay ay makapagpapamalas ng pagkakaibigan.
6. Siya na walang alam sa halaga ng butil ay hindi batid ang pighati.
7. Mauunawaan ba ng aso ang mga veda, kahit pa isinilang ito sa nayon ng Brahman?
8. Maghubad man siya’t maligo sa ilog ay walang maling matatagpuan.
9. Mangingibang bayan ka ba kung ang kapitbahay ay sumagana?
10. Ang kabayong binili nang napakamahal ay dapat makalundag sa kabilang pampang.
11. Ang kababaang-loob ang palamuti ng babae.
12. Ang kawayang tungkod ang hari ng mabagsik na ahas.
13. Ang humahagupit bang hangin ay kinasisindakan ang sinag ng araw?
14. Kahit ang gilingang-bato ay mauusog sa paulit-ulit na pagpapaikot.
15. Kapag walang apoy sa dapugan, wala ring sinaing na kakainin.
16. Manunuklaw ang ahas kapag binaklas mo ang bakod.
17. Ang atomo ay magiging bundok; at magiging atomo ang bundok.
18. Ang itlog na kinuha mula sa bahay ng pinuno ay makabibiyak ng gilingan ng magsasaka.
19. Saksi ang langit sa ari-arian ng hari.
20. Ang hari at ang ahas ay magkatulad.

May ibang kawikaang Tamil na kapag hinalaw sa Filipino ay pumipitlag. “Humuli man ng bubuli’t ipatong yaon sa kutson,” saad ng isang kawikaan, “ay hahanap-hanapin pa rin nito ang tumpok ng mga dahon.” Sa ganitong pangyayari, hindi lamang nakabubuo ng representasyon ng isang realidad, bagkus inuusisa nito kung ano ang magiging realistang tugon ng mambabasa kapag nakaengkuwentro ang mga hulagway ng “bubuli,” “kutson,” at “dahon,” at iniugnay yaon sa malupit na tadhana ng talinghaga ng pagbihag. Isang ehersisyo lamang ito sa pagsasalin mula sa libo-libong kawikaang Tamil, na kapupulutan ng aral ng mga Filipino.

“Ang Paghihiwalay,” ni Marceline Desbordes-Valmore

Salin ng tulang “Les Séparés” ni Marceline Desbordes-Valmore ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Paghihiwalay

Huwag sumulat—Malungkot ako’t ibig yumao.
Lungting tag-araw kung malayo ka’y labis ang dilim.
Ang maabot ka’y di kayang gawin nitong kamay ko;
Pusong sugatan ay waring sapol hanggang ilibing.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Matuto nawa tayong mamatay.
Sarili’t Diyos ay tanungin mo kung mahal kita!
Ang lumayo ka’t sabihing tapat na ako’y mahal
Ay tila langit kahit ang langit ay di makita.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat—Ang iyong anyo ay nasa isip;
Nasa gunita ang iyong tinig na tumatawag!
Sariwang batis na di mainom ay isadibdib;
Sulat-kamay mo’y salitang tulad ng anyong tatak.
Huwag sumulat!

Huwag sumulat kung titik nito’y ayaw makita
Ang iyong tinig ay tagos hanggang sa aking puso;
Nakikita ko ang lipad nito sa ngiti’t damá,
Waring halik mo’y sa aking dibdib ay nakisuyo.
Huwag sumulat!

Marceline Desbordes-Valmore

Marceline Desbordes-Valmore

Paghihiwalay, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Parting” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Paghihiwalay

Mga hangal ang puso ng maraming babae,
pangit man o marikit,
ang mga bakás ng kanilang talampakan
ay mabilis maglaho sa buhanginan ng gunita.

Ngunit ang higit mong napansin
sa ating pangwakas na paghihiwalay
ay ang aking gusgusing damit—
hindi ba iyon ang suot ng pulubi?—
hindi mo makita ang mga luha gaya ng baluti.

Paalam, o kawan ng mga langaw
na sumasagitsit sa aking mga panaginip,
paalam, aking gabing tahimik at ang aking
kaha ng sigarilyong napalalamutian ng rosete!

Sa pagbukas ng pinto’y narinig ko ang palahaw
ng mga anghel na bumubulusok sa impiyerno.

Ulan sa Taglagas, ni Arif Khudairi

salin ng “Autumn Rain” ni Arif Khudairi (Arif Karkhi Abukhudairi Mahmoud) ng Ehipto.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ulan sa Taglagas

Gabi na. Umuulan sa labás, at waring pumapatak ang mga bituin. Tulad ng ulan, ang iyong gunita’y pumapatak sa aking kalooban. Kumusta na, mahal? Matagal nang panahong naghiwalay tayo habang umuulan noong isang gabi ng taglagas. Umuulan ba sa inyong pook, gaya sa amin? Pumapatak ba ang aking gunita sa kalooban mo, gaya ng ulan? Gabi na, at umuulan ngayong taglagas sa labás ng bahay. Pumapatak ang ulan gaya ng mga bituin sa kailaliman ng gabi. At ang iyong gunita’y lumuluha gaya sa tag-ulan.

Bago sila baguhin ng panahon

Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Cavafis)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bago sila baguhin ng panahon

Kapuwa sila namighati   sa kanilang paghihiwalay.
Hindi nila ninais iyon;   ngunit panahon ang nagtakda.
Upang makaraos sa buhay,    ang isa sa kanila’y
napilitang maglakbay tungo  sa New York o Canada.
Ang kanilang pag-ibig, ay!    hindi na gaya noon;
bahagyang tumalam bigla   ang bighaning makipagtalik;
ang bighaning makipagniig  ay tumamlay nang labis;
Ngunit hindi nila hangad   ang kanilang paghihiwalay.
Maaaring pagkakataon lamang.—  O baka ang Tadhana’y
isang alagad ng sining    na pinagbukod sila ngayon
bago pumusyaw ang damdamin  at baguhin ng Panahon;
bawat isa sa kanila’y    mananatili nang habambuhay
na beynte kuwatro anyos   at napakarikit na kabataan.

Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon.

Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon. Dominyo ng publiko.

Gabi ng Taglagas ni Viggo Stuckenberg

Salin ng katha ni Viggo Stuckenberg, at batay sa saling Ingles ni Anthony Weir.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

GABI NG TAGLAGAS

Nakatirik ang tore sa gilid ng kahuyan, ang luma’t naaagnas na tore na binalot ng lumot at palumpong ang mga silipang butas, na pawang pinalooban ng mga damo ang mga puwang at singit, at ang tuyong baging ay nakabiting gaya  ng matigas, tuyong buhok na nakalugay sa duguang bato. Sa itaas sa gawing silangan ay nakatimo ang tanging bintana ng gumuguhong pader.

Sa likod ng kulimlim na bintana’y nakatindig ang babaeng nakatitig sa sumasapit na takipsilim. Maliit siya at balingkinitan, at ang kaniyang mga kamay na simputi ng sinag ng buwan ay nakapatong sa pasamano ng bintana, at ang kaniyang babà’y maputla at may hubog na gaya ng liryo. Ngunit kumikislap ang mga itim niyang mata, na waring tumutulo mula sa nagliliyab na sulo. Nakatanaw siya sa kapatagang sinlawak ng laot, habang ang mga uwak ay nangagliliparan sa tuktok ng mga punongkahoy at umikot-ikot bago bumulusok sa mga duklay at humiyaw nang nakaririndi sa kahuyan. Sa likod ng babae’y may isang silid ng tore na sinlamig ng bato sa agaw-liwanag, at umaalunignig nang matinis ang kuliglig sa baak na bato.

Tanging ang mga kalawanging damo ng Taglamig ang naiwan sa kapatagan, tila ba pinatag ng niyebe, at doon sa damuhan ay namuo ang mumunting sanaw. Sa tabi ng tore ay sumasalamin ang tubigan sa pulahang langit ng kanluran, samantalang sa may kalayuan ay nagiging abuhin gaya ng mga ulap. Habang tinatanaw niya ang kapatagan na ang kalangitan ay dumidilim at pinatatahimik ng mga hamog ng gabi, pinakikinggan niya ang paikid na hagdanan kung may lagitik ng mga yabag. Matamang inuulinig niya ang kamay na pipihit ng kandado ng bakal na pinto. Pinakikinggan niya ang kislot ng isang buhay na lawas sa patay na tore.  At wala siyang nasagap kundi ang sitsit ng kuliglig at atungal ng simoy sa mga hungkag na silid sa ibaba.

Humilig siya at ipinatong ang mga siko sa pasamano. Malamig ang pasamano ngunit hindi niya alintana. Hindi niya napansin na ang duguang langit ay pumusyaw sa sanaw sa damuhan, ni ang kapatagang dating sinlawak ng laot ay puminid ngayon. At hindi niya napansin ang pananahimik ng mga uwak.

Dahil iniisip niya ang lalaking dumating isang gabi at itinali ang kaniyang kabayo sa may pintuan, inakyat ang kaniyang silid, at sumiping sa kaniya sa kama—upang pagkaraan ay maglaho bago lumatag ang liwayway. Siya ang lalaking dumating sa kaniya gaya ng unos, at may pananalitang gaya ng habagat na humahalihaw sa kahuyan, at ang mga yakap ay sinindihan ang kaniyang mga panaginip at naghatid ng mainit na sinag ng araw sa kaniyang puso. Siya ang lalaking nag-iwan sa kaniya ng mga marka, na ang kabayo’y kinahig ang lupa sa paanan ng tore. Balisa at di-makatulog, tumitig ang dilag sa magdamag.

Tahimik na nakaupo sa tabi ng bintana ang Malungkot na Pananabik, na ang di-maliparang uwak na kapatagan ng gastadong buhay ay nasa harap ng babae, Malungkot na Pananabik, nagdurusa sa kaniyang gunita, at katulad ng imortal na kabataang katumbas ng kabaliwan ng Pag-asa.

Lumubog na ang araw. At sa palibot ng tore ay gumapang ang kagubatan ng karimlan.

Biblis (1884) ni William-Adolphe Bouguereau, oleo sa kambas.

Biblis (1884) ni William-Adolphe Bouguereau, oleo sa kambas.

Kumpisal

Kung ang katotohanan ay balaraw na iluluwal ng bibig, masasalo ba ng dibdib ang maiiwang sugat o kamatayan? Paano sasagapin ng makikinig ang kaniyang pagwawakas? Naisip niya ang gayon, isang gabi habang umiinom sa paboritong tambayan, at umiingay ang paligid sa mga espiritu ng libog at lason, at wala ang paraluman sa langit o bulsa o tabi.

Maaaring lumuluha sa halumigmig ang mga bintanang salamin, at tumitikatik ang ulan.

Tatanawin niya ang tagpo na waring lumang pelikula, na ang babae’y nasa kabila ng mundo samantalang ang inaasahan niyang katipan ay pinigil ng kung anong sakuna o bagyo. Mananambitan ang dalaga sa kaniyang anito, marahil tutungga ng hinog sa panahong lambanog, manonood ng TV, maiinip sa kuwentuhan, at tatawag sa selfon, hanggang akitin siya ng mga sulyap at palipad-hanging katumbas ng pangangakong wawakasan ang anumang lamig at pangungulila.

Malulupit na rehas ang ulan, na waring hinugot sa tula ni Rio Alma, at ang binibini’y iibigin ang bilangguan para tighawin ang kaniyang kalungkutan. Maaaring siya’y matutulog sa kung saang bahay, ikakatwiran ang baha at usad-pagong na trapiko, at nang isinara ang banyagang pinto, ang magdamag ay nagsalaysay ng mga di-maunawaang usapan o dantay na para lamang sa magkaibigan; at ang silid ay lihim na hindi dapat pag-usapan.

Kukutuban ang kaniyang katipan sa malayong pook. Posibleng lumabis lamang ang kaniyang nainom na serbesa o kapeng barako, at hindi mapakali ni dunggulin ng antok. Nakauwi ba ng bahay ang aking mahal? Nahan na kaya siya? Baka ginabi na naman sa lakwatsa. Marami pa siyang tanong hanggang maglandas sa kaniyang guniguni ang tagpo ng malalanding hulagway, at ang lalaking malagihay ay yayakapin ang kaniyang minamahal.

Bago pa man ikumpisal ng dalaga ang kaniyang katotohanan sa lalaking kausap ay alam na ng kausap ang mga naganap. Posibleng reenkarnasyon ng pitho ang lalaking kausap, wika nga, at ang babae’y hindi na kailangan pang magsalaysay. Ngunit ang sinumang mangangatha’y may kalayaang magsinungaling, kung ang pagsisinungaling ay mahiwagang benda at gamot na papawi ng maantak na sugat ng magdamag na pagtataksil.

Kung ang katotohanan ay patalim na magmumula sa iyong loob o labi, ang gabi ay aking silid na pipiliing ipinid magpakailanman. Ito ang isusulat sa guniguning pader ng lalaking nasiraan ng bait sa labis na panibugho, at ang pader ay iihian pagkaraan ng palaboy na aso o sawimpalad na lasenggo.

“Kumpisal,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 22 Agosto 2010.
Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Paghihiwalay, ni W.S. Merwin

salin ng tulang “Separation” ni W.S. Merwin (William Stanley Merwin).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAGHIHIWALAY

Ang pagkawala mo’y tumagos sa aking loob
tulad ng sinulid na sa karayom sumuot.
Lahat ng gawin ko’y natatahi nang may kulay.

Der Wanderer über dem Nebelmeer (Manlalakbay sa ibabaw ng ulop ng dagat) ni Caspar David Friedrich, 1818, oleo sa kambas, 94.8 x 74.8 cm, Kunsthalle, Hamburg, Deutschland.

Der Wanderer über dem Nebelmeer (Manlalakbay sa ibabaw ng ulop ng dagat) ni Caspar David Friedrich, 1818, oleo sa kambas, 94.8 x 74.8 cm, Kunsthalle, Hamburg, Deutschland.