Antipasto, ni Antônio Miranda

Salin ng “Antipasto” ni Antônio Miranda ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Antipasto

Lahat ng isinulat ng makata
ay malalagom
sa isang salita: pag-iisa.
Pagbubukod ng sarili sa mundo ang pagsusulat
upang ganap itong maunawaan;
isang paraan ito ng pagpanaw.
Ang pag-iral ay isa pang bagay
bagaman madaranas ang pagkatiwalag.
Ipagpapalit ko ang libong tugma
sa isang magdamag na pag-ibig.
At ipagpapalit ko ang magandang tula
hinggil sa kagutuman
kahit sa isang payak na plato ng pagkain.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Louis Hansel @shotsoflouis from unsplash.com.

Pangunungkán, ni Roberto T. Añonuevo

Pangunungkán

Roberto T. Añonuevo

I. Paghahanap
Nagugutom marahil ang mga diyos.
Nabubulabog ang ginintuang bukirin
sa laksang balang at sasambang tumatakip
sa buong liwanag ng araw.
Tinutugis ng mga gansa, itik, at bibe
ang pugad ng susô, kuhól, at linta.
Sinusundan ng anakonda ang mga bakás
at anino ng ligáw na manok at kambing.
At sa palumpong, tinitipon ng hantik
ang inugit na lamán ng isang kalabaw.
Dinadagit ng banog, banoy, at kasay-kasay
ang naglulundagang hito’t bangus sa lawa.
Humahalik sa lupa ang butiki’t nakikinig
sa pintig ng gumagalang gamugamo’t ipis.
Ilang ardilya ang manunulay sa tarundon
bago puksain ng nakaabang na bayawak?
Hinahawan ng antutubig ang kanlungan
ng biya’t langáray, at bumubuka ang bibig
ng buwaya sa nangangalisag na ilog.
Sinisinghot ng kaayaman ang mga sukal
upang mabatid ang nanlilisik na alamid.
Sinisibasib ng ilahas na putakti’t bubuyog
ang mahalimuyak na duklay at bulaklak,
at itinataboy ng anuwang ang mga kidang.
Nag-aalimpuyo ang hangin at lupa,
at nagtatagisan ang apoy at tubig.
Alumpihit sa gutom ang mga diyos ng daigdig.

II. Pagluluto
Kusina ang buong lawak ng daigdig:
Pinugot ang ulo ng munting tariktik
Ng punglo’t kutsilyo ng mga limatik.
Lumukso ang daga sa masel at dibdib.

Kinulob ng palad itong atang-atang
Bago pa ilatag sa mesa’t sangkalan;
Pigtal ang galamay ng pitong bangkalang
Upang ipanggisa sa sulak ng kalan.

Natuyo ang katas ng bayag ng baka
Paghalo sa lasa ng pigi ng usa.
Upang maiprito tulad ng gagamba,
Biniyak ang dibdib ng tulirong maya.

Nang durug-durugin ang musmos na kiti,
Nasunog ang pakpak ng mga paniki.
Dumapo ang bangaw sa pinggang napipi’t
Nabali ang buto’t kabang sa kawali.

Tinuhog ang ipis ng isang tenedor
At hinimay-himay ang igat at kuhol.
Uwak at palaka’y pinurga ng kastor
Binása ang atay ng pugateng baboy.

Nawindang yena’t binigti ang asno
Ng mga daliring mula eroplano.
Tinipon ang tungaw at sanlaksang kuto
Sa pusyaw ng mangkok at init-kaldero.

Matapos timbangin ang pugo at itlog,
Piniga’t niyugyog ang reyna ng pukyot.
Nang umaasó na ang tumpok ng uod,
Tumulo ang laway sa bibig ng diyos.

III. Pagkain
Maraming buntot ang iwinawasiwas
. . . . . . . . . .at nababahag ang mga titi o uri,
Maraming pangil ang binubunot
. . . . . . . . . .kapalit ng makamandag na dila,
Maraming balahibo’t matalim na kaliskis
. . . . . . . . . .ang naghuhunos na damit at alpombra,
Maraming bagwis ang itinitiklop ng punglo
. . . . . . . . . .upang bigyang katwiran ang baril,
Maraming hasang ang nalilinis o napipinid
. . . . . . . . . .kapalit ng akwaryum at de-lata,
Maraming insekto’t dinosawro ang tinitipon
. . . . . . . . . .upang maigayak sa diorama’t museo,
Maraming tao ang ipinaglilihi sa mga hayop
. . . . . . . . . .dahil asal-hayop ang may korona’t setro,
Maraming kabayo’t tandang ang ipinupusta,
. . . . . . . . . .at lumilipad ang salapi ng sugarol,
Maraming unggoy, daga’t pusa ang tinitistis
. . . . . . . . . .upang iangat ang siyentista’t mangmang,
Maraming diyos at alipin ang kumakain
. . . . . . . . . .at napupuno ang bituka ng likido’t lamán.

IV. Pagpipiging
Nagugutom pa ang mga diyos at maladiyos
at lumalabo ang mga mata ng di-kumakain.
Namimilipit ang mga talangka’t hinahablot
ang kamag-anak na alimangong gumagapang.
Nililingkis ng kobra ang pugad ng katipaw
at walang sisiw na bibilangin ang inahin.
Wala mang gadya’t halimaw na umuungol,
may tagak na umiitim kapag naghahanap
ng kalabaw, at may balaw-balaw na balisa
sa lahar at nuklear. Kumukupas ang bahaghari
at balát-hunyango, kayâ waring tumatawa
ang mga hayina sa mahabang magdamag.

Bumubulusok ang bulalakaw sa dagat
at nalulusaw ang pugita’t bituindagat.
Nagsasaliksik sa malalayong peninsula
ang mga pawikan, pating, at tambakol.
Paglundag ng lumba-lumba’t butanding,
may talipuso’t lambat na magtatagumpay.

Ano ang ikukumpisal ng libong kilyawan
sa humahaginit na bato’t mga punglo?
Nagpapahabaan ng dila ang tuko’t palaka,
at lumilisan ang kuliglig at mandadangkal.
Walang mahapunan ang mga balangkawitan.
Sino, sino ang inaawitan ng mga kutigpaw?

V. Pagtapik sa Tiyan
Kailangang dumighay, umutot nang malakas
ang mga diyos upang lubos na marinig
at madama ng lahat kiming nagugutom.
Kailangang tingalain ng mga kinakabagan
ang pagtinga sa ngipin at kabusugan.
Kailangang papintugin ang isip at tiyan.
Kailangang ibantayog ang isip at tiyan
at hayaang bumulag ng inggiterong paningin.
Hanggang sa pagninilay sa muling pagkain. . . .

Ngunit umaatungal ang bulkan at bundok
kapag hinahalukay ang atay ng mga lupain.
Dumadaluyong ang ilog, danaw, at laot
kapag sinusuyod ang pusod ng tubigan.
Lumalatay, pumapatay ang apat na hangin
kapag nagluluwal ng asido’t polusyon
ang mga abala-aburidong pabrika’t makina.
Pinaliliyab ng apoy ang balát at hininga
kapag nabubutas ang balabal ng kalawakan.

Kaya’t kapag marami na ang kumukulong tiyan,
kapag nagrerebelde na ang mga dila’t bituka
o nagpapakana ng digmaan ang puso’t utak,
kumakapit sa patalim ang mapuputlang labì
kahit pa managinip ng mga lagas na ngipin.
Aagawan muna ng hapag at ulam ang mga diyos,
ngunit dahil naubos, pineste’t pinagpistahan
ang lahat ng dapat makain—kinakailangang
itakda ang napakalawak, maringal na handaan
upang masimulang katayin, iluto’t lamunin
ang matataba, masesebong diyos ng daigdig.

1992

Sinaing ni Nanay, ni Nguyen Phan Que Mai

Salin ng “Gian bếp của mẹ,” ni Nguyen Phan Que Mai ng Vietnam
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sinaing ni Nanay

Minamasdan ko noong aking kabataan ang ina ko,
na masigasig sa kusina na yari sa dayami at putik.
Kinukuha niya ang tsapistik at pinaiikid ang liwanag
sa kaldero ng sumusubóng sinaing,
habang ang halimuyak ng bagong ani’y
naninikit sa suot niyang damit kapag yumuyukod
siya’t ginagatungan ng patpat ang gutóm na apoy.
Ibig kong lumapit at tumulong, ngunit ang pagiging
bata ko’y nagpapaurong sa akin sa madilim na sulok
na matatanaw ko roon ang mukha ng aking ina,
matuto sa kariktan kung paano magningning sa hirap,
at kung paano magsaing ang mauling niyang kamay.

Noong araw na iyon, doon sa loob ng aming kusina,
nakita ko kung paanong isinasaayos ang kaganapan
sa pamamagitan ng maiitim na kawali at palayok,
at ng nahuhukot na likod ng aking ina, na napakapayat,
na maglalaho kung sakali’t ako’y umiyak, o tumawag.

Pagsagap, ni Günter Eich

Salin ng “Einsicht,” ni Günter Eich ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagsagap

Alam ng lahat
na kathang-isip ang gaya ng Mexico.

Nang buksan ko ang alasena sa kusina,
natuklasan ko ang katotohanan
na pinalalabò
sa mga tatak ng mga de-lata.

Namamahinga ang mga butil ng bigas
makaraan ang mga siglo.
Sa labas
ang hangin ay patungo sa nais tahakin.

Mga buhok ng mga bata, ni Gabriela Mistral

Salin ng “Los cabellos de los niños,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Buhok ng mga Bata

Malalambot na buhok, buhok na taglay ang lahat ng kalambutan ng daigdig: kung wala kayo sa aking kandungan, anong seda ang aking kalulugdan? Kay tamis ang paglipas ng araw dahil sa gayong seda, kay tamis ang pagkain, kay tamis ang antigong pighati, kahit sa ilang oras na dumulas yaon sa pagitan ng mga kamay.

. . . . . . .Idampi yaon sa aking pisngi; ipaikid-ikid yaon, gaya ng mga bulaklak, sa aking kandungan; hayaang itirintas ko iyon upang pabawahin ang aking kirot, upang palawakin ang liwanag na abot nito habang unti-unting nauupos sa sandaling ito.

. . . . . . .Kapag nakapiling ang Diyos isang araw, hindi ko ibig na paginhawin ng mga pakpak ng anghel ang mga gasgas sa aking puso; ibig kong isaboy sa bughaw na langit ang buhok ng mga bata na aking minamahal, upang hayaang hipan yaon ng simoy padampî sa mukha ko nang walang hanggan!

Mga Pating ng Greenland, ni Torkilk Morch

Salin ng “Greenland Sharks,” ni Torkilk Mørch ng Greenland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pating ng Greenland

Mababagal ang mga ito, at sumisisid nang napakalalim,
saka inaabatan nang mahúli nang lubos ang ibig. Ang karne
ng pating na ito ay lason. Oo, lason. Ngunit ano ang nagtulak
sa desperadong mangingisda o sa kaniyang kabiyak, na kahit
nasaksihang masawi ang mga kapitbahay, ay nagpatuloy,
at naisip na kung inilaga lámang ang lamán nang ilang ulit,
o marahil kung idinaing yaon at iniluto pagkaraan para kainin
ay makaiiwas sa peligro? Totoo: naisasagawa ang kapuwa
metodo, ngunit ano-ano ang matitinding pangangailangan
para mapilitang gawin ang mapanganib na eksperimento,
tulad ng pagkakamit ng kung anong pambihirang talino?

Ang Himala

Ang Himala

Roberto T. Añonuevo

Kung ang ibon ay nakatatagpo ng pagkain
Sa himpapawid, sino ako para hindi makakain
Sa lawak nitong lupain?

Nalalasahan ng bayawak o sawá ang tamis
Sa hangin, at ang lansa ng kamatayan
Ang pag-asa nito para makaraos sa tag-araw.

Hindi ko ito maiintindihan, at mananalangin
Sa mga diyos para magpaulan ng bigas
Ang helikopter sa mga bakwet o nagugutom.

Ang pamayanang bilanggo ng mga bundok,
Ano’t nagpipista kahit walang selfon o laptop,
Bukod sa busóg sa payew ng kamote’t gulay?

Hindi ba naiinip ang bayan kung destiyero
Ito ng mga alon? Ang mga lamandagat
Ang lumalapit sa tao para ito magpiging.

Naririnig ko minsan ang kakaibang musika,
Sumasabay sa laguklok ng aking sikmura,
Ngunit hindi kailanman ito pamatay-gutom.

Magkakaroon ng hanggahan ang mapa,
Ngunit ang pagkain ay darating na kawan,
At ang karabana ng pag-asa ay dadalaw.

Ang tubig-dagat ay napagbabanyuhay
Para inumin, ipaligo, ipanlinis, ipandilig.
Naiipon ang ulan sa dambuhalang abram.

May bitamina ang sinag ng araw, sabi
Ng doktor, at naunawaan ko ito sa buwaya
Na nagbibilad sa gilid ng pasigan.

Dumating man ang bagyo’y sumasagana
Ang agahan o hapunan, at ang kaligiran
Ay sumusúka ng parmasya at restoran.

Makitid akong mag-isip. Nangangamba
Ako sa darating na tagsalat, sa pagkawala
Ng trabaho, sa paglalaho ng pamilya.

At ang kasunod? Pagkain. Ano ang silbi
Ng pinggan at kubyertos kung walang ulam?
Kailangan kong matutong lumipad,

At maging tulad ng isang ibon: kumakain
Kahit lumilipad, umiinom kahit lumilipad,
At lumilipad ang diwa dumapo man sa pugad.

Nagbabago ang klima ngunit mananaig ka.
Napapatag kahit ang bundok ng basura,  sabi mo,
magtiwala lámang sa  bulate, langaw, bakterya . . . .

Muli, ang Siglo Beynteng Realismo, ni Norman Dubie

salin ng “Again the Twentieth Century Realism” ni Norman Dubie
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MULI, ANG SIGLO BEYNTENG REALISMO

Tumingala ang lobo nang duguan ang bibig
sa may sandaang usa
na nakasapatos na pangniyebe—taggutom
na lampas sa lawa ang lumikha sa kanila nito
gaya ng panaklong na pumipintog
sa de-gradong paaralan na nagbubukod
sa mga nagliliyab na tinghoy ng minero
at sa maiitim na mitsa ng gaas
na kinababaran ng mga ito—

ang mamámaríl sa ibabaw ng kahuyan
ay binabasa ang mga tula ni Tsvetaeva,
pati ang kaniyang prosa, pinapahid ang luha
na hindi nagmumula sa mga mata niya
bagkus sa makakapal na labi, sa mga hibla
ng pilikmatang nagsayelo
na may lungting sanaw ng plema
at bulutong-tubig na lumulundag
sa uwak na nagwiwika
ng panaklong ng dulong taglamig
at lumilipad palayo tungong hilaga sa pagitan
ng pantay, bughaw na hanay ng octane at suklam.

Lobo.

Lobo, larawan mula sa dominyo ng publiko.

Ang Talaba ni Francis Ponge

Tulang tuluyang pinamagatang “L’huître” ni Francis Ponge sa wikang Pranses
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG TALABA

Kasukat ng karaniwang bato, ang talaba ay magaspang ang hulagway, paiba-iba ang kulay, at maningning ang kaputian. Mahigpit na nakapinid ang mundo nito. Ngunit mabubuksan gayunman: kailangang sapinan ito ng basahan paghawak, saka gamitin ang mapurol, bunging patalim na panikwat nang ilang ulit. Mahihiwa ang mga mausisang daliri, mapipingas ang mga kuko: Mahalas itong trabaho. Sa pagpapabuka ng takupis, minamarkahan natin ng mga puting bilog, na wari bang sinag sa ulo, ang sisidlan.

Matatagpuan natin sa loob ang daigdig para kainin at inumin: sa lilim ng mala-perlas na kalangitan (kung tutuusin), ang kalawakan ng itaas ay sumasanib sa kaulapan ng ibaba, na lumilikha ng isang tubigan, ang malagkit, lungtiang sisidlan ng pabango na pabalik-balik ang samyo at anyo, at may laylayang pinalamutian ng itimang puntas.

Namumuo sa bibihirang pagkakataon ang mumunting abaloryo sa mga mala-perlas nitong lalamunan, na mabilis naman nating isinusuot na adorno.

Babaing kumakain ng talaba, pintura ni Jan Steen

"Babaing kumakain ng talaba" (1658), oleo sa panel, pintura ni Jan Steen.

Baboy sa Panitikan

Nauungkat lamang ang baboy sa baul ng panitikan kapag Taon ng Baboy, alinsunod sa astrolohiyang Tsino, o kaya’y may pandemikong salot na simbagsik ng Swine Flu Virus. Kinasisindakan ang nasabing virus dahil kaya nitong mamuhay sa katawan ng baboy at ibon at tumawid sa katawan ng tao; at yamang naglalakbay ang mga tao ay maaasahan ang mabilis na pagkalat ng sakit. Mexico ang unang tinamaan ng sakit, na kumitil sa mahigit sandaan, ngunit napabalita na rin ang pagkakasakit sa gaya ng Estados Unidos at Canada. Mabuti’t nagpalabas ng pabatid ang pamahalaan para mabantayan ang paglaganap nito sa Filipinas, at maiwasan ang ligalig sa mga mamamayan.

Mahalaga ang baboy sa Filipinas, dahil ang hayop na ito ang malimit gamiting handog ng mga katutubo sa pinaniniwalaang mga anito’t Maykapal. Baboy ang kinakatay para amuin ang mga diwata o lamanlupang nasaktan o nilapastangan umano ng tao. Nang lumaon, baboy ang sagisag ng masaganang pista, at litson na sinubuan ng mansanas ang magsasaad na nakaririwasa ang pamilya. Hindi mawawala ang adobong baboy o barbekyu kapag may binyag o kasal at iba pang handaan. Ngunit baboy din ang sinisisi tuwing may alta presyon o sakit sa puso, pagkaraang kumain ng sinigang, krispi pata o sitsaron. At ang kataka-taka’y ang mga bahaging sinasabing bawal dahil sa taas ng kolesterol, gaya ng balát at bituka, ang pinakamasarap na bahaging kainin ng tao. Makakargahan ng ibang pakahulugan ang baboy sanhi ng banyagang relihiyon, at ang baboy na ito ay ikakabit sa anumang diwaing makalupa at marumi.

Baboy ang tagasimot ng pagkain sa labangan—na parihabang bato o adobeng inukit ang gitna para sa kaning-baboy. Ngunit ito rin ang sumisira ng pananim sa bakuran o palayan kapag pinabayaang gumala-gala. Walang pinipili ang baboy, at ang bituka nito’y tila biniyayaan ng diyos na kumatas at tumunaw ng mga pagkaing tira ng sambayanan, at sa ilang pagkakataon ay naging ehemplo ng tatag na hihigit sa sintetikong kondom para tanggapin ang sari-saring bitamina o kemikal. Kinukulong ang baboy upang bumilis tumaba, dahil ang palaboy-laboy na baboy-damo ay karaniwang payat at maganit ang laman. Kailangan ding malimit paliguan ang baboy dahil mabilis bumaho, at yamang walang glandula para sa paglalabas ng pawis ay malimit maglunoy sa putikan. Baboy ang mabilis palahian, at pag nanganak ay lalabis ang bilang ng suso sa dami ng biik na pinasususo. Tinatawag na “bulugan” ang lalaking baboy, at ito ay handang kumandi ng inahin at magpalaganap ng lahi sa oras ng kalibugan.

Ibalong (1996), salin sa Ingles at Bikol ni Merito B. Espinas

Ibalong (1996), salin sa Ingles at Bikol ni Merito B. Espinas

Sa kinathang mala-epikong Ibalong, alinsunod sa tekstong Espanyol ni Fray Bernandino de Melendreras, isang dambuhalang baboy-damo na tinawag na tandayag ang nakalaban ni Baltog sa pook na tinaguriang Botavara. Napoot si Baltog, na mula sa liping Lipod, dahil ang kaniyang mga pananim na linsa [uri ng halamang gábi] ay dinapurak ng tandayag. Hinabol ni Baltog ang tandayag, sinibat, at winarat ang panga nito sa pamamagitan ng mga kamay lamang. Isang dipa ang laki ng bibig ng tandayag, at ang mga pangil nito’y singkatlo ng haba ng sibat ni Baltog. Nang magbalik si Baltog sa kaniyang pamayanan, isinabit niya ang mga pangil sa dambuhalang punong talisay na katabi ng kaniyang bahay upang makita ng kaniyang mga kababayan. Ganiyan kayabang si Baltog.

Maganda ang rendisyon ng bandang Radioactive Sago Project ni Lourd de Veyra sa awitin nitong “Gusto ko ng Baboy!”, dahil ang baboy ay nakargahan ng iba pang pakahulugan. Maindayog ang himig ng awiting-patula, at ang “baboy” ay maaaring maglaro bilang pangngalan o pang-uri, ngunit kaya ring maging pandiwa kapag nilapian na gaya ng “babuyin,” “binaboy,” “pagbaboy,” “bumaboy,” na sumasaklaw hindi lamang sa kultura, bagkus maging sa politika, panitikan, kaligiran, at ekonomiya. Ang pagkahilig sa baboy, ayon sa awit ng banda, ay doble-talim, at maraming pinasasaringan hangga’t isumpa sa wakas ang salita at esensiya ng baboy.

Ipinamalas naman ni Amado V. Hernandez, na pambansang alagad ng sining, sa kaniyang tulang “Ang Baboy at ang Punong Mangga” (1955) ang siste ng diyalogo ng baboy at mangga. Animo’y hinango sa pabula ni Aesop, ang tula’y pagtatampo ng baboy dahil sa kawalan ng demokrasya umano. Ikinulong ang baboy dahil sa pagsungkal ng mayabong na punong mangga. Inilitanya nito ang silbi ng baboy sa tao: pagkain ang laman, mantika ang taba, panlunas ang apdo, sepilyo ang buhok, sapatos ang balát. Samantala’y inuyam ang mangga na kung mamunga’y maasim at lagi pang dapat pausukan. Sumagot ang mangga sa paraang patalinghaga:

Ang mangga’y pumakling payapa’t lumanay:
“Kasi’y magkaiba tayo ng paraan-
ako’y nagbubunga sa buo kong buhay,
ikaw’y patabain at bago magbigay,
kailangan munang lapai’t mamatay.

Nagbibigay ng aral ang naturang tula sa maparikalang paraan, ngunit nagtuturo rin iyon kung paano dapat manuligsa. Ang pagkilala ng mangga sa angkin nitong katangian ang magsasaad ng pagtataglay ng kapangyarihan at tiwala sa sarili. Hindi papaloob ang mangga sa pangangatwiran ng baboy, bagkus lilikha ng sariling diskurso upang maitanghal ang sarili alinsunod sa positibong katangian nito. Marami pang istorya ng baboy ang dapat tuklasin sa Filipinas, at ang kuwentong baboy ay dapat humigit sa alkansiya, bukod sa tatlong munting baboy na pinagtatangkaang lapain ng mabalasik na lobo.