Bigo akong nangingibang-bayan, ni Abdellatif Laâbi

Salin ng “En vain j’émigre,” ni Abdellatif Laâbi ng Morocco
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bigo akong nangingibang-bayan

Bigo akong nangingibang-bayan
umiinom ako ng kape sa bawat lungsod
at nilulunok ang nababatong mukha ng weyter
Ang halakhak sa kabilang mga mesa
ay binubulabog ang musika ng gabi
Isang babae ang naglakad sa huling pagkakataon
Bigo akong nangingibang-bayan
at tinitiyak ang sariling alyenasyon
Tanaw ko ang parehong gasuklay na buwan
pagtingala sa kung saang langit
at ang mapaggiit na pananahimik ng mga bituin
Nagsasalita ako sa sari-saring wika at panawagan
ng iba’t ibang hayop kahit pa natutulog
Ang silid kung saan ako nagigising
ay ang parehong silid noong ako’y isinilang
Bigo akong nangingibang-bayan
Umiilap sa akin ang lihim ng mga ibon
gaya ng pagkamagneto ng aking maleta
na kusang nagbubukas nang bigla
sa bawat antas ng mga paglalakbay

Advertisements

Isang Gabi at iba pang tula ni C.P. Cavafy

Mga tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi

Ang silid ay maalikabok at gigiray-giray
na nakatago sa ibabaw ng wasak ng taberna.
Mula sa bintana ay matatanaw ang eskinita,
na marumi at makitid. Mula sa ibaba’y
dinig ang mga tinig ng mga obrero
na nagpupusoy at naghahalakhakan.

At doon, sa gastado’t mumurahing kama’y
inangkin ko ang katawan ng sinta, ang labing
sensuwal, mala-rosas, nakalalangong labi—
ang rosas na labi ng sensuwal na kaluguran
kaya kahit ngayon habang nagsusulat ako
makaraan ang ilang taon, sa aking tahanan,
ramdam ko pa rin ang labis na kalasingan.

Libingan ng Gramatikong si Lisiyas

Sa kanugnog, sa kanan papasok ng aklatan
ng Beirut, inilibing namin ang dalubhasang
gramatikong si Lisiyas. Naaangkop ang pook.
Inilagak namin siya sa mga bagay na pag-aari
niya at magugunita—mga tala, teksto, gramatika,
katha, tomo-tomong puna sa idyomang Griyego.
Sa gayon, makikita at mapagpupugayan namin
ang kaniyang libingan tuwing kami’y lalapit
sa mga aklat.

Sa Parehong Espasyo

Ang mga paligid ng bahay, sentro, at kapitbahayan
na natatanaw ko’t nilalakaran nang kung ilang taon.

Nilikha kita mula sa ligaya at sa pagdadalamhati:
Mula sa maraming pagkakataon at maraming bagay.

Ikaw ay naging lahat ng pagdama para sa akin.

Dalawang Tulang Tuluyan ni Pierre Reverdy

salin ng mga tulang tuluyan ni Pierre Reverdy mula sa La balle au bond.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa orihinal na Pranses.

BAKBAKAN

May awreola sa hungkag na silid. Naglalatag ng anino ang mga halamang nakagilid sa bubungan pababa sa mga ugat at kahit ang mga ginintuang dahon.

Nasa malayo ang ikaapat na dingding. Higit na malayo sa anggulo na ang kurtina’y bumubuntong-hininga. Higit na mataas sa napakaitim na magdamag at sa nagbabagong usok mula sa pabrika. Umaawit ang mga tao na katabi ng hungkag na silid, pasalungat sa bubong, at malapit sa bituin.

May awreola na hindi buwan, ang kaliwanagan na hindi lampara. Bagkus itim na parisukat sa madilim na lupain.

At ang parisukat na ito ang hungkag na silid.

SUWERTE AT PANAHON

Roletang may mga tambilang na pinaiikot na hangin. Ang sukát na araw. Ang mga oras na magwawakas. Paalis na siya. Nakalimutan natin ang lahat. Panukat at oras. Dumadausdos pababa ang isip. Isang dakot ng malilinaw na larawan. At wasak na mga sinag na nagtatanda ng mabagal na panahon. Humimbing ang tubigan. Bumalik ang bagwis. Higit na malawak ang kulay sa nagwaging numero.

Larawang kuha ni Paulo Neo

Larawang kuha ni Paulo Neo, mula sa artsibo ng Public Domain.photos.com