Pulis at Tula

Kapuri-puri sa unang malas ang pagsisikap ng pambansang pulisya na pagandahin ang imahen ng mga pulis sa paningin ng mga bata sa pamamagitan ng tula. Ayon kay PNP Community Relations Group Director C/Supt. Nicanor Bartolome, “magpapadala ng mga pulis ang PNP sa mga paaralan upang maging guro.”

At bilang guro, ituturo ng mga representanteng pulis ang tungkulin ng pulisya sa mga mag-aaral na nasa una hanggang ikatlong grado. Hindi umano dapat katakutan ang mga pulis, at sa halip ay marapat paniwalaan. Pagkaraan, ang naturang programa ay ihahanda para sa matataas na grado, at marahil ay sasaklaw hanggang hay-iskul.

Nang panoorin ko sa telebisyon ang isang babaeng pulis na bumigkas ng “Isang Tula Para sa mga Mag-aaral” ay halos malaglag ako sa upuan. Parang binayaran ng payola ang network na nagpalabas nito, at imbes na maging kritikal sa gayong pakana ay naging instrumento pa ng kabalbalan.

Kulang sa sining ang tulang propagandang binigkas ng pulis. Ibinabalik ng pulis na nagkukunwang guro ang panahon ng mga mambabalagtas, ngunit ang pagkakaiba lamang ay sukdulan ang babaw ng tula at dapat ibitin nang patiwarik kung sino man ang awtor ng gayong propaganda. Kung pangit mang bumigkas ang pulis ay hindi siya masisisi; ginagampanan lamang niya ang tungkuling sumunod sa dikta ng nakatataas na mahihinuhang walang malasakit sa panulaang Filipino.

Kung nais ng Philippine National Police na pagandahin ang imahen nito, hindi sapat ang magpadala ng mga pulis sa mga paaralan para tumula ng kung anong sampay-bakod na berso. Kailangang maunawaan ng pulis na ang tula ay malayo na sa panahon ng kopong-kopong. Kailangang mag-aral ng wika at sining ng pagkatha ang mga pulis, at kung maaari’y dumaan sa mahabang proseso ng palihan sa pagsulat upang maitaktak palabas ng kanilang utak ang mga dating lihis na paniniwala hinggil sa pagtula.

Hindi matatakpan ng tula ang mga pagpaslang sa mga aktibista at peryodista. Hindi mapapayapa ng tula ang sindak sa mga pulis na protektor ng pasugalan, ismagling, droga, at bahay-aliwan. Hindi mapagagaan ng tula ang puso ng mga batang batid na, ni hindi mahuli ng pulisya ang senador na kinasuhan ng pagpaslang at malayang naglalakbay kung saan-saan, samantalang ang karaniwang suspek sa krimen ay lumalasap ng kisapmata’t lihim na pagdakip at pagpatay.

Kinakailangan ng pambansang pulisya ang reoryentasyon sa pagkilala at pananaw sa tula. Walang maidudulot na buti ang bersong pulis na imbes na magpakalat ng karunungan ay nagpapalaganap ng masamang halimbawa kung paano bumigkas at sumulat ng tula. Sa dakong huli, kayayamutan ng mga bata ang tula. Iisipin nilang ang tula ay hanggang panteksbuk lamang; na ang tula ay maganda lamang pakinggan ngunit hungkag ang nilalaman; na ang tula, gaya ng dati, ay dapat pigain upang magluwal ng mga liksiyon mula sa awtoridad at iyon lamang ang tama.

Kung pag-aaralan ng mga pulis ang mahabang tradisyon ng panulaang Filipino, matutuklasan nila na maraming tula ang hindi pabor sa kanilang marahas at madilim na nakaraang may bahid ng dugo at panunupil. At ang mga tulang ito ay hindi basta sinulat ng mga sampu-samperang mambeberso, bagkus matitinik na makatang may matayog na bisyon para sa tula at para sa bayan. Ang mungkahi ko’y iutos ng pambansang hepe ng pulisya na ilahok sa kanilang kurikulum ang pag-aaral ng tula at iba pang anyo ng panitikan. Nang sa gayon, lalawak lalo ang kanilang pananaw hinggil sa daigdig; at ang tula at katha ay tatanawing hindi laging salamin ng lipunan bagkus may sariling daigdig na dapat pasukin at alamin ng mambabasa.

Nagtataka lamang ako kung bakit hindi umaangal ang sinuman sa Kagawaran ng Edukasyon hinggil sa pakanang ito ng PNP. Lumalabas din ang katangahan ng mga peryodistang nag-ulat ng programa ng PNP, at walang umusisa kung bakit napakahina naman ng berso at kung sino ang gagong nagpakana nito. Hindi dapat pinapayagan ang PNP na magpadala ng mga pulis para sa indoktrinasyon ng mga bata, lalo’t walang kakayahan ang PNP na magpakalat ng tumpak na impormasyon hinggil sa panulaang Filipinas. Dahil kung papayagan ang pulisya, ang pulis sa loob ng paaralan ay hindi lamang nagpapakalat ng propaganda, bagkus ng makamandag na diwaing sisira sa masining na pag-unawa at pagkatha ng matatayog na tula.

Sappho at Calypso ni William Carlos Williams

Mga tula ni William Carlos Williams
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SAPPHO, PUMANATAG

May isa lamang na pag-ibig
hayaan itong maging maya
na makikimkim sa dibdib
at araw-araw huhuni nang munti sa atin

ano ang halaga nito?
Ako, sabihin natin, ay umiibig sa babae
ngunit ang totoo
higit kong mahal ang sarili. Mahal ni Sappho

ang musika ng kaniyang
mga awit na bibihirang isaloob
ng mga lalaki para sa kaniya, ang magandang dalaga
na labis niyang kinagigiliwan:

Ito ang aking sarili bagaman
ang kinasusuklamang salamin
ay nagpapamalas araw-araw ng malaki kong ilong.
Malalamig ang lalaki sa akin, giliw ko

ngunit hindi ko ipagpapalit
ang kahusayan ko sa pagkatha para
sa lahat, ang ikalawang ibig, ikaw
na naririto para sa maaalab kong haplos.

CALYPSOS

I
Ang Diyos ay
pag-ibig
kaya ibigin ako

Ang Diyos
ay pag-ibig kaya
ibigin mo ako Diyos
ay
pag-ibig kaya ibigin
ako nang lubos

II
Mahal ang araw
ay
bumabangon

sa umaga
at
sa

gabi’y
gising na gising
na lumilisan

III
Pinanood natin
ang pulang labuyo
na

may dalawang inahin
doon
sa museo

sa
St. Croix
ikinampay ang kaniyang

mga pakpak
gising na gising
at tumitilaok

Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili ni Sjón

Tulang tuluyan ni Sjón (Sigurjón Birgir Sigurdsson) mula sa Iceland
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Bernard Scudder

ANG PAGSUSULAT AY PAKIKINIG SA IYONG SARILI

Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Ang galít na lalaki’y nagsalita sa malakas na tinig at hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. Anuman, winika niya ang ganito:

Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa sarili mo.

Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa loob ng bus na nagmula sa Breidholt patungong bayan, at gaya ng hinuha mo, bumubuhos ang niyebe sa paligid nito sa may ilaw-trapiko ng Mjódd.

Anuman, nagsalita nang malakas ang masungit na lalaki at hindi maipagkakamali ng mga pasahero na lasing siya o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:

Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa ibang tao.

Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang lalaki. Pula ang balbas ng isa at abot-tuhod ang buhok, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa loob ng bus na numero dose o trese, mulang Breidholt patungong bayan, habang bumubuhos nang malakas ang niyebe sa paligid nito sa may ilaw-trapiko ng Mjódd (na dati’y latian).

Nahintakutan ang mga pasahero’t palihim na nagbulungan, ngunit nakita ng bawat isa ang pagsingaw ng hininga mula sa kanilang mga labi: “HIndi ba magwawakas ang umagang ito?”

Anuman, ang galít na lalaki’y suminghal nang malakas na hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:

Ang pagsusulat ay pakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa iyong sarili na nakikinig sa ibang tao na pinag-uusapan ang kanilang mga sarili.

Narinig ko minsang nag-uusap ang dalawang tao. Makapal ang balbas ng isa at may buhok na abot-tuhod, samantalang ang isa pa’y kabaligtaran. Naganap ito sa bus na mulang Breidholt patungong bayan, at gaya ng hinuha ng lahat, bumubuhos nang malakas ang niyebe sa paligid nito doon sa may ilaw-trapiko ng Mjódd.

Anuman, ang mukhang demonyong lalaki’y pasinghal na nagsalita na hindi maipagkakamali ng mga pasahero na siya’y lasing o kaya’y masama lamang ang pakiramdam gaya ng kalahati sa kanila. At winika niya ang ganito:

“Narito sa bus ang isang kabataang lalaki, kung lalaki ang tumpak na salita yamang nakababata siya, at mayroon siyang mga aklat sa bag, ang mga aklat na ipinaloob niya sa bag. Para malaman mo, sinisikap niyang ipagbili ang naturang mga aklat, at dahil tayo’y inuulan ng yelo malapit sa ilaw-trapikong ito, sasabihin ko na lamang na nabasa ko na iyon . . . .

Siniko siya ng kasamang lalaki at dumura: “Tumahimik ka, iyan si Sjón. . . .”

Tore ng Babel

Tore ng Babel

Mga Bintana ni Charles Baudelaire

salin ng “Les Fenêtres” ni Charles Baudelaire mula sa Le spleen de Paris (1869)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA BINTANA

Hindi nakakikita nang ganap ang tao na nakatanaw sa bukás bintana kung ihahambing sa tao na tuwirang nakatingin sa nakapinid na bintana. Walang bagay na higit na misteryoso, higit na matalinghaga, higit na mapanganib ang pakana, kumbaga’y higit na kaakit-akit, sa bintanang naiilawan ang loob ng kahit isang kandila. Anumang masilayan natin sa sinag ng araw ay hindi kasing-alab ng masasagap natin sa maaaring nagaganap sa likod ng saradong bintanang salamin. Sa gayong kailaliman, sa naturang kaitiman o kaliwanagan, may búhay na isinasabúhay, may búhay na nagdurusa, may búhay na nangangarap . . . .

Sa likod ng bubungan, natatanaw ko ang matandang babae, na kulubot ang mukha, ang dukhang babae na habambuhay nakukuba hinggil sa kung anong bagay, na waring hindi iniiwan ang kaniyang silid. Mula sa kaniyang mukha at damit, mula sa halos wala, nabuo kong muli ang kuwento ng babae, o kung hindi’y ang kaniyang alamat; at minsan, naluluha ako habang inuusal yaon sa sarili.

Sapat na marahil kung may isang huklubang lalaki. Magaan ko ring makakatha ang kaniyang alamat.

At makatutulog ako nang may pagmamalaki, dahil nabuhay at nagdusa ako para sa iba at lampas sa aking sarili.

Uusigin mo siyempre ako: “Nakatitiyak ka bang ang iyong salaysay ang siyang totoo at tumpak?” Hindi ba higit na mahalaga ang realidad sa labas ng aking katauhan, hangga’t natutulungan nito ako na mabuhay, at dumama na ako’y umiiral, at damhin ang ubod ng kalikasan ng aking pagkanilalang?

Bintana

Bintana, kuha ni Bobby Añonuevo.