Wika ng Laot, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Láot

Roberto T. Añonuevo

Kapág sinuwérte ka, sásagipín ka ng barkó sa gitnâ ng maunós na láot at tátanggapíng pasahéro sa ngálan ng úmanidád, kayâ dápat magíng alísto sa mga termíno ng maríno. Makátatagpô mo roón ang Uwák na párang may-arì ng karagatán at iba pang tubigán; ang Bitóy na dalá-dalá ang kaniyáng impéryo at puntó; ang Alimángo na dirétso at mahigpít sa témpo, gáya sa musíka ni Bach; ang Kuratóng na maárte gáya sa mga dulâ nina Marin at Hanibal; ang Okra na maliksî’t seryóso, gaya ni Ivanchuk, at kumakáyod na tíla iyón ang pangwakás na áhedres. Kapág hindî mo maúnawàan ang mga wikà nilá, mapálad kapág nakatagpô ang sumísigáw na “Amígo, síno ang nagbúgaw sa iyó?” Magugúlat ka dáhil ang totoó’y nagbibirô lámang siyá kung saáng ahensíya ka nanggáling, at kung anóng kabáyo ang dáti mong sinakyán. Bágo ka pa man makásagót ay nakaratíng na ang balità sa Tanò—ang kapitán ng barkó—at pahihíntulútan niyá ang iyóng akómodasyón. Sa sandalî ng ágam-ágam at paninibágo, walâ ka nang pakialám kung humáwak ng estópa at linísin ang kubyérta; o kayâ’y magíng guwardiyá sa píling ng mga baták na makinísta o segúnda opisyál. Hindî mo mapápansín kung matúlog man sa kabína o gumílid sa baráka; kung magíng utusán ng maestro ámo o mayór, at humalíli sa sinúmang pagúlong na warìng palípat-lípat sa babór at estribór; kung magíng tagatáwag ng koryénte sa hatìnggabí, o kayâ’y magíng estíba at angkoráhe. Tátanungín ka ng Kamóte kung saán ka patúngo, at doón mo mababatíd kung nasisirâan ka na ng úlo, gaya ng tuliróng timonél at nalulúnod na submaríno. Kung saán nakaharáp ang prówa ay hindî pára sa iyó, bagkús ang hinaharáp ng pópa. At saánmang pantalán ka mápunta ay lálong magpapásabík sa iyó na hanápin mulî ang ibinúbulóng ng loób, hábang nagpápahinóg sa iyóng sélda o kuwárenténa, at nauuliníg ang pagwawakás ng musíka na hinihímig ng iyóng músa.

Alimbúkad: Poetry in silence. Photo by Jan-Rune Smenes Reite on Pexels.com

Wika ng Parola sa Panauhin, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Paróla sa Panaúhin

Roberto T. Añonuevo

Isang tuldók ang lundáy sa láwak ng bugháw; isáng tuldók na untî-untîng nagíging línya ang káwan ng kanáway na sumásayáw palapít. Humáhampás ang mga álon sa dalámpasígan, at tangìng ikáw ang mabíbingí, kayâ walâ akóng pakíalám. Sumásalpók, at malímit humáhagunót ang hángin, na ikáyayaníg mo, ngúnit walâ akóng pakíalám. Paroó’t paríto sa palígid ang mga bapór at yáte, umiíwas sa pangánib na sumadsád sa págang o bahúra, at kung gabí’y akó ang tinátanáw. Kapág lumambóng ang úlop at dágim lálo’t takípsílim, hindî kitá makikíta; at maráhil, hindî mo rin akó makikíta kundî ang ináakálang bituín. Anó kung magsílundág ang mga lúmba-lúmba? Ano kung habúlin ng patíng ang mga dúgong o pengguwín? Anó kung sisingháp-singháp si Íkaro na hindî nápansín ng dumaáng barkó? Kailángang maníwalà ba sa mga kuwénto ng magdaragát na nakáriníg sa pamatbát hinggíl sa siréna, o sa áwit ni Amánsináya? Hahabà ang listáhan ng tánong kapág naríritó ka, at makíkiníg kina Homer at Vyasa. Magbibiláng ka ng mga bagyó at buhawî sa panganórin; magbibiláng ng mga ármada at digmâ na panónoórin. Pagkaraán, titingkád na éskarláta ang batuhán sa mga lulútang-lútang na bangkáy. Susukátin ng mga mánlalakbáy ang layò ko at ang layò nila, tumáog man o kumáti. Makábubúti kung párang adwána itóng kinálalagyán ko na mágkakaltás ng buwís sapagkát nágbubuwís-búhay. Lumúluhà sa halúmigmíg ang áking salamín, at áakalàin mong nalulungkót akó pára sa iyó. Hindî. Pagód lang maráhil ang mga talibà ng liwánag. Higít pa sa unós itóng dumáratíng—ang mga humihíngal na bálangkawítan mulâ sa ibáng bansâ—na warì’y sasakúpin ang mga latìan, at mag-iíwan ng trangkáso sa mga bahayán. Itúring mo akóng paralúman, o ílaw ng sángkataúhan, subálit walâ akóng pakíalám. Hindî akó ang iyóng músa; ang músa mo, gaáno man karikít, ay hindî mapapásaákin kailánman. Walâ siyá ríto. At walâ ákong pakíalám.

Alimbúkad: Poetry breaking barriers. Photo by Michael Judkins on Pexels.com

Pulo ng mga Bahay, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Báhay

Roberto T. Añonuevo

Pagkáraán sa Pulô ng mga Mukhâ, hindî ka makáiíwas na pansámantálang humimpíl sa Pulô ng mga Báhay nang makapág-ípon ng lakás laló’t masúngit ang panahón. Mahabà ang iyóng páglalayág, at káhit sínong magdáragát ay kailángang mágpahingá, gáya ng mga nandárayúhang balángkawítan. Ang únang aákit sa íyong mga matá ay hiléra ng mga báhay na inúkit sa matátarík na dalámpasígan, ang mga gusalì sa tuktók ng bundók at kondomínyong kóntinentál na ginawàng bintanà ang mga inúkit na yungíb. Taón-taón, nagbábanyúhay ang mga tiráhan, na kung hindî gigibâin ay papatúngan ng bágong mga báhay, kayâ saán mo man pilìing maniráhan ay matútuklásan na ang kinátatayûan ng mga halígi mo ay posíbleng may sandaáng palapág ang lálim sa bubungán ng sinaúnang monastéryo o katedrál, kung hindî man bodéga o kalabósong imperyál. Masásalúbong mo ang mga táo na nagkúkumahóg, patingín-tingín sa reló o sélfon pára habúlin ang trabáho, at walâng makikítang tatámbay-támbay sa lansángan. Pámbihirà, wiwikàin mo, kung gaáno káabalá ang mga táo gáya ng mga langgám o bubúyog, sapagkát ang iniísip nilá ay ang kaligtásan, o higít na tumpák, ang kaligtásan ng réynang pinágsisilbíhan, at ang kaligtásan ng buông burukrásya nilá ay nagigíng butó’t lamán sa arkitéktoníkong disényo ng mga báhay. Maáarìng isá sa mga báhay na parísukát o tatsulók o pabilóg ay dáting tinulúyan din ng hinahánap mo. Áno’t anumán, matútuklásan mo, gáya ng natuklásan ng minamáhal mo, na ang págtatayô ng báhay ay katumbás ng nakámamatáy na pamúmuwísan o kúsang pagpapáalípin; báwat pintô ay ísang lagúsan sa máhiwagàng piítan sa ngálan ng pagsásarilí o pagkámakásarilí; báwat espásyo ay sínghalagá ng bányo o silíd; at báwat bintanàng kristál ay pribílehíyo ng mga maykáya’t sindikáto. May takdâng súkat káhit ang alulód at kanál, at ang bangkéta ay sinlápad ng hapág-kainán. Ang sinúmang hindî magtrabáho ay nakátadhanàng ipatápon sa ibáng poók, úpang doón gumawâ ng kaniyáng báhay kúbo o báhay na bató, at nang hindî makásirà sa magándang tanáwin o magíng ehémplo ng mga lakwatséro at bagámundó. Makítulóy sa mga báhay, ngúnit mabíbigô ka kung anyông gusgúsin o sampíd-bákod na dáyo. Kumatók ka, at sisílip múna sa muntîng bútas ang nása loób úpang tiyakíng hindi ka magnanákaw o masamâng loób. “Táo po!” at mulîng kakatók ka. Mapapágod ka sa kakákatók sa sarì-sarìng tiráhan; at magninílay kung isá ka ngang táo, at mamábutíhin mong magbalík sa iyóng lundáy úpang doón umidlíp, bágo ipágpatúloy ang paglálayág, tawágin man itó na imposíbleng pangárap.

Alimbúkad: Poetry quest for the impossible. Photo by Gotta Be Worth It on Pexels.com

Hinggil sa mga Parabula, ni Franz Kafka

Salin ng “Von den Gleichnissen,” ni Franz Kafka ng Czech Republic

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Maraming nagrereklamo na ang mga salita ng paham ay malimit nasa anyo ng parabula at walang silbi sa pang-araw-araw na búhay, na siyang tanging búhay na angkin natin. Kapag winika ng paham na: “Humayo ka,” hindi niya ibig sabihing tawirin ang isang tiyak na pook, na magagawa naman natin kung sapat ang pagsisikap; ibig niyang ipahiwatig ang kung anong kagila-gilalas na pagdako kung saan, ang bagay na lingid sa atin, ang bagay na hindi niya maisaad nang may katiyakan, at samakatwid ay hindi makatutulong sa atin dito kahit paano. Lahat ng parabula ay nakaayon para sabihin lámang na ang di-maarok ay hindi maaarok, at batid na natin iyan. Ngunit ibang usapan na ang pakikibaka sa mga pang-araw-araw na alalahanin.

            Hinggil sa bagay na ito, winika ng isang lalaki: Bakit may pagbabantulot? Kung sinunod mo lámang ang mga parabula, ikaw mismo ay magiging parabula, at sa gayon ay wala ka nang pakialam sa pang-araw-araw na búhay.

            Sumingit ang isa pang tao: Pusta ko’y isa rin iyang parabula.

            Sabi ng una: Panalo ka.

            Sabi ng ikalawa: Ngunit sa kasamaang-palad ay parabula lámang.

            Sabi ng una: Hindi, sa realidad; sa parabula, talo ka.

Alimbúkad: All-time high poetry celebration for humanity. Photo by Pritam Kumar on Pexels.com

Iba, ni Pablo Neruda

Salin ng “Otro,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
Iba
  
Pablo Neruda

Sa malimit na paglalakbay sa rehiyon
na hindi pa naitatala sa mga aklat,
nakasanayan ko ang mga lupaing sutil
at doon ay walang nagtatanong sa akin
kung ibig ko ba ng mga letsugas
o kung higit kong pipiliin ang hilbás*
na nilalamon ng mga elepante.
At dahil ni wala akong maitugon,
ako’y nagtataglay ng pusong dilaw.
  
__________
*Hilbás [png. bot.]—— Mula sa Tagalog, ito ay isang uri ng palumpong
at katumbas ng mint [Mentha albae-carolinae Heinr.Braun] sa Ingles. 
Alimbúkad: Exploring the world through translation. Photo by Jen Madhi on Pexels.com

Ang Napulot sa Isang Bagyo, ni William Stafford

Salin ng “Found in a Storm,” ni William Stafford ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Napulot sa Isang Bagyo

Ang bagyo na nangangailangan ng bundok
ay natagpuan ito sa kinaroroonan natin:
Ginising tayo ng humahaginit na hangin
na nakikipagtalo sa ating tent,
at ang lahat ng nahimok na niyebe
ay bumalatay pahaba, at kinapa ang lupa.

Umatras tayo sa gayong kortina at bumaba.
Ngunit minsan, pipihit tayo pabalik
sa kortina at pilit yayao
ayon sa plano kahit may di-inaasahang bagyo,
maglalaho sa panahong malamig,
mga kahulugang naghahanap ng daigdig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Tiko Giorgadze @ unsplash.com

Palipad-sabi, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Rozmowa płocha,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Palipad-sabi

—Nakalipas ko’y gagong paglalakbay ng paruparo sa ibayong-dagat.
Hinaharap ko’y hardin na ang kusinero’y ginilit ang leeg ng tandang.
Ano’ng taglay ko, sa lahat ng aking pasakit at paghihimagsik?

—Teka, sandali lang, at kapag ang mga pinong takupis nito,
Ang magkahugpong na palma, ay marahang bumukad,
Ano ang iyong nakikita?

—Isang mutya, isang segundo.

—Sa loob ng segundo, ng mutya, sa bituing ligtas mula sa panahon,
Ano ang nakikita mo kapag huminto ang simoy ng pagbabanyuhay?

—Ang lupa, ang langit, at ang dagat, mga barkong kargado,
Umaga ng tagsibol na mahamog, at malalayong prinsipalidad.
Sa kamangha-manghang tanawing panatag ang kadakilaan,
Nagmasid ako, at hindi na muling nagnasa dahil kontento na.

Goszyce, 1944

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ikaanim na Palapag, ni Bruno K. Öijer

Salin ng “6:E Våningen,” ni Bruno K. Öijer ng Sweden
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ikaanim na Palapag

hindi ka na giniginaw
hindi nagugutom o nauuhaw
naibigan mo ang búhay
hindi kailanman naligaw sa paglalakbay

nahihiga ako rito, naririnig ang tiyád mo
palabás kapag gabi, hinuhubaran
ang ilog at
ang tubig ay itinatabi sa iyong katawan

Wala sa Loob, ni Naomi Shihab Nye

Salin ng “Missing It,” ni Naomi Shihab Nye ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Wala sa Loob

Noong tinedyer ako, nagbiyahe ang pamilya ko nang ilang daang milya mulang Texas hanggang Grand Canyon, huminto sa maliliit na motel at kainan sa Route 66, para bumili ng tsaa at lemonadang nasa malalaking baso na makapagpapasigla. Para sa akin, dapat na nagbasá na lamang kami ng mga aklat-patnubay hinggil sa Grand Canyon sa loob ng kotse, ngunit nagbasá yata kami ng mga nobela, diyaryo, at magasin, at si Nanay ay patuloy sa pagsagot sa mga palaisipang krosword, at malimit tanungin kami hinggil sa mga esoterikong tatluhang-titik. Sa himpilan sa gilid ng lansangan, isang putakti ang kumagat sa leeg ng kapatid kong lalaki. Aniya’y bubuyog iyon, ngunit ang nakita ko’y PUTAKTI. Namagâ ang leeg niya. Nabahalà ang mga magulang namin. Hindi pa siya nakarating sa langit, gayunman, gaya noong minsang kagatin ako sa leeg ng PUTAKTI. Nang sumapit kami sa aming destinayon, namalayan kong nakayakap ako sa malambot, mamasâ-masâng unan doon sa likod ng sasakyan at nananakit ang ulo. Niyugyog ako ni Tatay, at pinabangon para sumilip at tumanaw, at sa isang saglit ay hindi ko matandaan kung nasaan kami at kung bakit naroon. Mahilo-hilo ako sa alimpungat at gusót ang mga damit. Pasuray-suray akong naglakad sa gilid ng Great View at napansin ang isang lalaki doon sa ibaba na hila-hila ang nakataling rakún. Napukaw ako nito. Waring nakatingin sa nakalululang tagaytay ang rakún, na nakangusò. Luminga-linga ito at umamoy-amoy, umupo nang tila nag-iisip, at pinagdaop ang harapang mga paa. Tahimik akong pumaling sa kanilang direksiyon. Umusal sa rakún ang lalaki, gaya ng “Nakatanaw na ba tayo nang higit na maganda pa rito, kaibigan?” At tumingala ang rakún sa kaniya at ngumiti. Lumikot marahil ang guniguni ko mula sa pangingirot ng ulo. Kumaway ako sa aking pamilya para samahan ako sa kinalulugaran, ngunit lumipat sila ng puwesto, tungo sa higit na magandang anggulo sa pagitan ng mga punongkahoy. Narinig ko ang sigaw ng aking nanay, “Ang lalim! Anung lawak!” Subalit marami akong tanong na ibig ipukol sa lalaki, gaya ng “Gaano na kayo katagal magkasáma, saan mo siya nakuha, naiisip mo bang ibalik siya sa kaniyang lipi, ngumiti ba talaga siya,” atbp. Napatitig na lámang ako tungo sa pagmumuni sa malayo. Hindi magandang sirain pa ang tagpo. Pagkaraan, habang nagmamaneho pauwi, nagtatalo ang pamilya ko kung dapat na lumusong sa tagaytay sakay ng asno o hindi, kung dapat bang bumisita sa higit na maraming magandang tanawin o maglakad nang may patnubay, kung dapat na nagtagal kami sa pamamasyal, humanap ng motel na matutuluyan, at kung ano-ano pa. Nabatid kong ni hindi ko napansin ang mga saráy ng bato, o ang buong lawak ng Grand Canyon. Nakita ko lámang ang rakún.

Sa Labas, ni Roberto T. Añonuevo

Sa Labas

Roberto T. Añonuevo

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos, na maaaring pagpapahalaga kay Imelda
Marcos o Yao Ming, ngunit hindi kailanman ruta
Ng Ang Tibay sa lumang museo ng mga sapatero.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . O iyon ang hinala mong tumatamà.

Bawat pares ay talaan ng mga pakikipagsapalaran;
At bawat destinasyon ay piling kúlay balát tahî taták
Sa alaala, na posibleng nagmula sa mga gasgas
na karanasang hango sa ibayong-dagat o pabrika,
ngunit hindi kailanman mahahalata ng pandama.

Kontaminado ng alikabok, ang salansan ng sapatos
Ay maaaring tumakbo palayo sa pananagutan o rali;
Tumadyak sa mga busabos o sumipa sa isang bola;
Umiwas sa di-mapigil na panlulumo o panlalamig;
Hinubad dahil sa tuwa at ipinamigay sa kaawa-awa;
Ipinukol sa kinamumuhiang politiko o bagamundo;
Itinapon ng mga baldado at pilay sa basurahan;
Sinagip bago lumutong mula sa resiklong regalo;
Nagbabalatkayo na orihinal at puslit sa adwana;
At ngayon ay naririto para gampanan ang kambal
na papel na uso-at-laos:
Ang replika ng prestihiyo at artefakto ng kalabisan.

. . . . . . . . . . . . . . .Sapagkat ukay-ukay din ang lungkot
Na naghuhunos na lugod kapag napasakamay
Ng sinumang lumaki nang nakayapak, o tumanda
Para sumaksi sa taas at lagitik ng mga takong;
O nakatagpo ng sinumang muling nakatindig
at nakalakad matapos maratay nang napakatagal.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Himala, hindi man himala?

Tatanawin ang eskaparate sa laki at lapad ng paa,
O sa kalidad ng goma o gaan o katad o disenyo,
alinsunod sa presyo na maididikta ng merkado.
Sakali’t isukat sa haraya ang pinili sa mga displey
ay asahan mong ipagpapalit ang ipon at ang hiya
ituring mang tulak ng dibdib dahil kabig ang bibig.

Ang eskaparate ay iba’t ibang panahon ng lakad
ngunit makakalap ang mga bakás sa mga ngalan
ng estetikong silbi at inaakalang pangangailangan:
Kumakaway ang lumbay nito sa likod ng salamin;
Kumakaway, at ang ganti mo ay pag-iling-iling.

Hindi ba ang salamin ay humihikab ding sapatos
Tuwing ihahakbang?

Marahil, o kung hindi’y ngumangangá sa pagod.

Ang lumbay ay eskaparate ng mga segunda manong
Sapatos sapagkat may katwiran ang isang kuripot
Ngunit malayaw,
Sapagkat may katwiran ang pagtitipid at basura
Sapagkat may bago na sasabihing pangmayamang

Kagila-gilalas ang landas na minsan pa’y pipiliin mong
Talikdan.