Naglalayag Ako sa Taglagas, ni David Stefansson

Salin ng “I Sail in the Fall,” ni David Stefansson ng Iceland
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Naglalayag Ako sa Taglagas

I
Naghihingalo ang tag-araw, naghihingalo,
At ang lamig ay hininga ng taglagas.
Nag-aalburoto ang mga alon
At hinahampas ang rompeolas.
Hinipan ang mga dahon mula sa mga sanga.
Namumulá ang mga labì ng mga bata.
Nagsilisan ang mga ibon. Nahigit ang mga kable
Ng mga mga barkong dumanas ng mga bagyo.
Yumuyuko ako sa matinding kapangyarihan.
Nahahatak ako ng lihim na kamay.
At ang dagat— nananawagan ang dagat
Sa himig na bigo akong maunawaan.
Ako ang ibon na naglalandas,
Ang barko na hinihipan ng mga unos.
Ang awit ko ay awit ng paglisan.
Dumating ako, at ako ay lilisan.

II
Nanguna ang bagyo palayo sa pantalan.
Sumalpok ang alon sa pader ng dagat.
Nagmula ako sa timog noong tag-araw
At naglayag noong taglagas.
Hindi kayang pigilin ako ng mga dasal.
Nilagot ko ang mga sagradong ugnayan—
Iniwan ang babaeng sinasamba ko,
Ang lupain na rurok ng aking kabataan.
Tinalikdan ko nang sandali ang barko
Upang bigkasin ang mga pamamaalam.
Ngunit ang awit ko ay awit ng paglisan.
Dumating ako, at ako ay lilisan.

III
Kinainggitan ko ang lahat ng malilibak mo,
Ikaw na hanging nagpapadaluyong sa laot—
Ang araw na nagniningning sa kadakilaan,
At ang mga lupaing nahihimlay;
Ang mga rurok sa kristal na kariktan,
Tahimik at kataas-taasan;
At ang espingheng nagtatago ng lihim,
Habang nalalagas ang iba’t ibang taon.

IV
Isinilang ako ng dayaray at daluyong
Mula sa iba’t ibang lupain.
Hindi ako humihiling ng mga papuri
O nagpapahalagang kamay.
Ibig ko’y basbasan sa pakikipagkaibigan,
Ngunit saanman ay malimit mag-isa,
Ang karaniwang tao na walang bayan,
Ang palaboy sa bawat sona.
Ngunit ang awit ko’y awit ng paglisan.
Humahampas ang alon sa rompeolas.
Nagmula ako sa timog sa tag-araw
At naglalayag sa taglagas.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Painting titled “The Cannon Shot.” Date: 1680. Institution: Rijksmuseum. Provider: Rijksmuseum. Providing Country: Netherlands. Public Domain

Caesarea, ni Czeslaw Milosz

Salin ng “Caesarea,” ni Czeslaw Milosz ng Poland at Lithuania
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Caesarea

Nang pasukin namin ang sariwang tubigan ng Caesarea
O habang naglalayag paroo’t gumagala sa mga atlas,
nahihimbing ang mga kanawáy sa sipol ng mga tangos,
lumilipad sa wawà ang kawan ng gansa nang mahamog
ang umaga. Mga multo at tore’y lampas wari sa ulop.
Ang kutitap at tunog ay gaya sa nagpipingkiang metal.
At ang mga galeón, na dating nakasapit pa sa pantalan,
Ay ano’t naaagnas sa tarangkahan ng lungsod.

Ilang taon ang lilipas bago matuto nang di-nakauunawa.
Naglagalag kami sa mga palengke ng Caesarea,
Tinawid-tawid ang mga tagaytay at lawa ng lupain,
Nakilala ang maraming tao at paniniwala at wika.
Ngayon, nang maging kapaitan sa amin ang Caesarea’y
hindi pa rin sigurado: kung iniligaw kami ng kasakiman
Ng paningin, o sadyang pinaniwalaang nagkatotoo ito:
Ang aming bokasyon, ang aming unang tulak ng dibdib.

Mula sa laot

1. Sa tabi ng ilog

Itim lahat ang kaligiran, winika ni Enrique habang nakatanaw sa laot, at sa labis na pagod at pangungulila’y inakala niyang mga alitaptap na pumirmi sa kalangitan ang mga bituin.  Kinausap niya ang mga kulisap, at tumugon ang mga ito sa pamamagitan ng ampiyas at ulop. Namasa ang kaniyang buhok, at nang haplusin niya ang noo’y kumapit sa kaniyang palad ang dungis at langis.

Napahagulgol ang mga alon, at kung nagkataong lumingon si Enrique, natanaw sana niya ang mga sirena sa Malaka. Humihimbing sa kanilang kandungan ang mga magdaragat na maputla ang balat at gutom na gutom. Nakatanaw si Enrique sa malayo, at ang naririnig niya’y ang tinig ng isang binibining naglalaba sa tabi ng ilog. (Itutuloy. . . .)

Dagat Portuges, ni Fernando Pessoa

salin ng “Mar Português” ni Fernando Pessoa (Fernando António Nogueira de Seabra Pessoa).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

DAGAT PORTUGES

O maasing dagat, asing kumakapal
Ang luha sa pisngi mula sa Portugal!
Para ka matawid, ilang bigong anak
Ang pilit naghintay, at ina’ng umiyak!
Ilan ang babaeng tumandang dalaga
Hanggang hukay, dagat, upang maangkin ka!

Sapat ba ang gayon? Sapat nga ang gawin
ang lahat kung hindi munti ang diwain.
Sino man ang nais maglayag sa Tangos
Ay dapat magdusa’t di makararaos.
Abismo’t sakuna ang likha ng langit
Subalit salamin kung ika’y tititig.

Si Kristo sa unos sa laot, pintura ni Rembrandt van Rijn, 1633

Si Kristo sa unos sa laot, pintura ni Rembrandt van Rijn, 1633