Prometheus, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Prometheus,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Prometheus

Takpan sa makakapal na dagim
Ang iyong langit, O Zeus!
At gaya ng paslit
Na pumipigtal ng mga dawag,
Magsanay sa mga roble at tuktok
Ng mga bundok
Kailangan mo pa ring lisanin
Ang aking mundo na buong-buo,
At ang aking munting kubol
Na hindi mo naman itinayo,
At ang aking dapugan
Na ang naglalagablab na init
Ay sadyang kinaiinggitan mo.

Wala na akong alam na hihigit pa
Na kasuklam-suklam sa balát ng lupa
Kundi kayong mga bathala!
Masinop mong pinakakain
Ang iyong dakilang kamahalan
Mula sa mga buwis ng sakripisyo
At hininga ng panalangin
At magdurusa sa kakulangan
Ngunit hindi sa mga bata at pulubi,
O sa mga kaawa-awang hangal!

Minsan, noong bata pa ako’y
Hindi ko alam kung saan susuling,
Tumingala ako sa araw, na tila ba
May taingang makikinig sa hinaing,
Na may pusong gaya sa akin
Na mahahabag sa mga inaapi.

Sino ang tumulong sa akin
Laban sa kahambugan ng mga Titan?
Sino ang sumaklolo sa akin
Mula sa kamatayan, sa kaalipnan?
Hindi ba ang banal at nagniningning
Kong puso ang gumanap ng lahat
Kahit ni walang isang tumulong?
At hindi ba ang musmos at mabuti
Na nandaya ang nagpasalamat
Dahil sa pagkupkop sa kaniya,
Dahil natutulog ang nasa kaitaasan?

Magpupugay ako sa iyo? Para ano pa?
Pinagaan mo ba kahit minsan
Ang pasaning hinagpis ng tao?
Pinahimasmasan mo ba kahit minsan
Ang sindak na taglay ng mga luha ng tao?
Hindi ba ang omnipotenteng Panahon
Ang pumanday sa aking pagkatao,
At ang walang hanggahang Kapalaran
Ang kapuwa natin mga panginoon?

O naiisip mo rin ba marahil
Na kailangan kong kapootan itong buhay,
Tumakas tungo sa mga disyerto
Dahil hindi lahat ng sumisibol
Na pangarap ay ganap na nahihinog?

Narito akong nakaupo, hinuhubog
Ang mga tao mula sa aking hulagway—
Isang lahing kahawig ko:
Ang magdusa, ang tumangis,
Ang magsaya, ang magdiwang
Dahil ni minsan ay hindi ka pinakinggan
Tulad ko!
(1773)

Pamagat: Prometheus Bound. Artist: Frans Snyders. 1618.  Oleo sa kambas.Taas: 242.6 cm (95.5 ″); Lapad: 209.5 cm (82.4 ″) Museo: Philadelphia Museum of Art

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila, ni Dareen Tatour

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila

Salin ng tula ni Dareen Tatour ng Palestina
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Sa Jerusalem, binibilot ko ang aking mga sugat
At ibinubuntong-hininga ang mga pighati
At sinasapo ng aking palad ang kaluluwa
Para sa Arabeng Palestino.
Hindi ako susuko sa “mapayapang solusyon,”
Hindi ibababâ ang aking mga bandilà
Hangga’t hindi sila napapatalsik sa aking lupain.
Iwinaksi ko ang mga ito para sa bagong búkas.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Labanan ang pandarambong ng mga bagong salta
At sumunod sa karabana ng mga martir.
Punitin ang nakahihiyang saligang-batas
Na nagtatakda ng pagkabusabos at panghihiya
At pumipigil sa atin na maibalik ang katarungan.
Sinunog nila ang mga inosenteng bata.
Si Kadil ay tinudla nila ng bala sa harap ng madla,
At pinaslang kahit maliwanag ang sikat ang araw.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Labanan ang paglusob ng mga mananakop.
Huwag intindihin ang mga ahenteng nasa atin
At nagtatanikala sa atin sa mapayapang ilusyon.
Huwag katakutan ang nagdududang mga dila;
Higit na malakas ang katotohanan ng puso
Habang patuloy kayong naghihimagsik sa lupang
Nanaig sa iba’t ibang pananalakay at tagumpay.
Isulat akong prosa sa mga balát ng kalamba;
At ang tugon ko’y ang mga labî ng katawan.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila!
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila!

Dayaray, ni Jelaluddin Rumi

Tula ni Jelaluddin Rumi, batay sa bersiyong Ingles ni Coleman Barks
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

DAYARAY

Kumbaga sa kirot, gaya sa kamay na nahiwa
sa pakikidigma, ituring na damit na suot mo

ang katawan. Kapag nakatagpo mo ang iniibig,
hinahagkan mo ba ang kaniyang kasuotan?

Hanapin mo kung sino ang nasa loob. Higit
na matamis ang pakikipagkaisa sa Diyos

kaysa sa maibibigay na ginhawa ng katawan.
May mga kamay at paa tayo na naiiba rito.

Minsan, nakikita natin iyon sa ating panaginip.
Hindi iyon tagimpan, bagkus tunay na nasagap.

May kaluluwa ka; at huwag ikatakot ang paglisan
sa katawang pisikal. Madarama minsan ito ng kung

sino at makapamumuhay siya nang malusog,
at mag-isa sa kabundukan. Ang balisa, magiting

na gawain ng mga tao ay mahina’t walang saysay
sa mga dervish na nalulugod sa sariwang dayaray.

Kabayo sa ulop

Kabayo sa ulop, larawan mula sa http://www.wormsandgermsblog.com

“Ang Baliw” ni Kahlil Gibran

salin ng “The Madman” ni Kahlil Gibran
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

ANG BALIW

Nagtanong ka kung paano ako naging baliw. Ganito ang nangyari: Isang araw, bago pa isilang ang maraming diyos, nagising ako mula sa malalim na paghimbing at natuklasang ninakaw ang lahat ng maskara ko—ang pitong maskara na aking hinubog at isinuot sa pitong buhay. Nagtatakbo ako nang walang maskara sa masikip na lansangan at nagsisigaw, “Magnanakaw! Magnanakaw! Kasumpa-sumpang magnanakaw!

Pinagtawanan ako ng mga tao at ang iba’y nagtatakbong umuwi sa takot sa akin.

At nang marating ko ang palengke, isang kabataan ang nakatayo sa bubungan ang sumigaw: “Siya ang baliw!” Tiningala ko siya’t tinanaw; hinagkan ng sinag ng araw ang aking lastag na mukha sa unang pagkakataon. Sa unang pagkakataon ay nahagkan ng araw ang aking lastag na mukha at nagliyab sa pag-ibig ang aking kaluluwa para sa araw, at hindi ko na muling inasam ang aking mga maskara. Tila napalutang ako at napasigaw, “Purihin, purihin ang mga magnanakaw ng aking mga maskara!”

Kaya ako naging baliw.

Natagpuan ko ang kalayaan ng kalungkutan at ang kaligtasan mula sa pagkaunawa ng ibang tao, dahil ang sinumang nakauunawa sa atin ay inaalipin ang kung anong bagay na taglay ng ating kalooban.

Ngunit ayokong labis na ipagyabang ang angking kaligtasan. Kahit ang Magnanakaw sa bilangguan ay ligtas sa isa pang magnanakaw.

Mukha, ukit ni Raul Funilas