Ang Pagsilang ng Ngiti, ni Christopher Middleton

Salin ng “The Birth of the Smile,” ni Christopher Middleton ng United Kingdom

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

May tatlong alamat hinggil sa pagsilang ng ngiti, at umuugnay ang bawat isa sa magkakaibang panahon. Kaugalian nang isalaysay ang mga alamat na ito sa pabaligtad na pagkakasunod-sunod, na tila ba maituturo nito sa wakas ang walang katapusang sinaunang panahon na taglay ang mga lihim na balang araw ay ibubunyag din sa mga alamat na kinakailangan pang tuklasin.

Ang unang alamat ay hinggil sa mga Sumeryo. Bumaba mula sa kabundukan tungong kapatagan ang mga tao na ito upang maghanap ng pagkain at tubig. Makalipas ang ilang siglo ng pagtatamasa ng pagkain at tubig, naaburido ang mga tao sa pagkasapád ng kapatagan, nanabik muli sa sinauna’t nakagawiang pag-akyat at pagbabâ sa mga bundok, at nagpasiya pagkaraan na magtayo ng bundok na matatawag na kanila (malinaw na ibig nilang magbalik sa dáting pook). Sa loob ng sampung taon, nagpunyagi ang mga lalaki sa pagtatayo ng bundok. Ang mga babaylan ang tumapos doon—naghukay ng mga butas para agúsan ng tubig, nagtanim ng punongkahoy sa tuktok, isinaayos ang mga silid sa loob, malapit sa paanan, para sa materyales sa aklatan, at ang palikuran, na napakahalaga. Habang abala ang mga babaylan, isang napakalaking hablon, na hinabi sa loob ng sampung taon ng mga babae, ang inilambong paikot sa bundok. At sa wakas, nagtipon ang mga tao; pagdaka’y tinanggal ang nakalukob sa bundok nang may angkop na seremonya habang sumasaliw ang mga lumalabog na agung. Habang lumilislis sa lupa ang hablon, ginupit ang mga hibla sa pamamagitan ng malalaking gunting na yaring Sumeryo, at lumantad ang bundok na sariwa at lastag, at napangiti ang lahat ng Sumeryo sa unang pagkakataon. Maikli ang pagngiti, gayunman.  Nagtayo ng bundok ang mga Sumeryo upang bagtasin nang paakyat at pababa, ang bundok ng puso, ang bundok ng kawalang-pag-asa, ang bundok ng kirot; ngunit naglaho ang kanilang ngiti nang ang isang babaylan, mula sa ilalim ng punongkahoy doon sa tuktok, ay maghayag: “Sagrado ang pook na ito; huwag itanong kung kanino laan ito. At huwag pumasok o umakyat sa kabilang panig, o kayo’y mamamatay!”

Isinasalaysay ng ikalawang alamat na isinilang ang ngiti sa mukha ng unang babae nang tumayo ito sa unang pagkakataon sa harap ng unang lalaki, at sumagap ng katahimikan na nagpalaki at nagpahaba sa uten ng lalaki sa labis na pagkalugod sa piling ng babae.

Inilahad ng ikatlong alamat ang panahon na dapat mauna sa ikalawa, kahit pa ilang araw lamang ang nakalipas. Ito ang sinasabi ng alamat: Nang ginagawa ng tagapaghubog ng búhay ang lalaki at babae, napakaingat niya upang mabigyan sila ng matibay na hubog at nang maisilid ang kaluluwa sa kanila. Malimit may panganib na malusaw ang mga anyong ito sa agos na lumalagos sa lahat ng bagay. Napoot ang kaluluwa sa mga bagong nilalang, at nagwala dahil ikinulong ito, at makalipas ang matinding pagpupumiglas at pakikipaghatakan, sumabog ito sa pagiging apoy. Dumaloy ang apoy sa mga katawan ng mga nilalang, at muntik nang matupok ang lahat ng iba pang nilikha kung hindi naagapan ng Kalmanteng diyos na humawak sa kamay ng kaluluwa. Walang ano-ano’y tumayo sa harap ng babae ang diyos. Nang magkaharap na sila, isang pulô ng kalamigan ang nalikha sa gitna ng pagliliyab. Habang nakatitig sa babae, unti-unting namangha sa gaan at kariktan ng babae ang diyos, at sa halos naaaninag na katawan na ginagapangan ng apoy na humahagupit nang malakas. Nagwika ang diyos sa makalangit na pananalita sa katawan ng babae, samantalang namamangha sa pagtitig. Habang nagsasalita ang diyos, narinig ng kaluluwa ang gayong mga salita, at sa unang pagkakataon ay nagsimulang pumanatag ito sa tinatahanan. Iyon ang sandaling napangiti ang babae. Noong panahong iyon, ang ngiti ay sadyang pagpayag ng kaluluwa na manahan sa atin.

Kung matutuklasan ang mga sinaunang alamat, maipapaliwanag ng mga ito sa atin ang nahihindik na ngiti ng isang Kafka; o ang ngiti na isiningit sa mga gilid ng bibig ni Che Guevara, sa pamamagitan ng mga hinlalaki ng kaniyang mga salarin.

Alimbúkad: Breaking barriers in the name of ultimate poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Salita at likha ni Tomaz Salamun

salin ng mga tula ni Tomaž Šalamun na mula sa Slovenia
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA SALITA

Sumasalok ka ng tubig sa pamamagitan ng karayom,
at ang tubig ay nagiging malapot na banlik.
Itinuro mo ang punongkahoy,
at ang punongkahoy ay biglang nagliyab.
Hinati mo sa pamamagitan ng anino ang mga linya.
Binuksan mo ang pinto para sa pag-ibig at kamatayan.

JUAN

paano lumulubog ang araw?
gaya ng niyebe
ano ang kulay ng dagat?
malaki
maalat ka ba, Juan?
maalat ako
Juan, watawat ka ba?
watawat ako
tulóg ang mga alitaptap ngayon

ano ang kahawig ng mga bato?
berde
paano maglaro ang mga tuta?
gaya ng mga bulaklak
isda ka ba, Juan?
isda ako
Juan, salungo ka ba?
salungo ako
pakinggan ang agos

si juan ang bugi na tumatakbo sa kahuyan
si juan ang bundok na humihinga
si juan ang lahat ng tahanan
nakarinig ka na ba ng gayong bahaghari?
ano ang anyo ng hamog?
natutulog ka ba?

GOLEM

Malalim wari ang iniisip,
dumating ka para tanawin ako.
Tila ako sanga ng olibo—ang mukha mo.
Lumiliyab ang mga bahay sa sinag ng araw.
Nabuo ang tulay sa pagdirikit ng mga bato
at ang himpapawid ay nakatutuliro.
Hinablot ako ng mga kamay.
Naririnig ko ang kaluskos ng nakatataas.
Lumabas ang usok palabas sa akin.
Alangaang akong pumaloob sa iyo, tinikman
ang iyong prutas, saka naglaho.
Nagkamot ng likod ang tupa sa batuhan,
ang mga bintana’y pinunasan sa pananaginip.
Bumuhos sa akin ang matamis na pagsasanay.
Ikinawing ko ang iyong tarangkahan.
Pinawi ko ang itim, malasutla’t maingay
na bulwagan ng iyong mainit na hininga,
at nabatid na pansamantala ang buhay.

Der Golem, mula sa pelikula nina Carl Boese at Paul Wegener

"Der Golem," mula sa pelikula nina Carl Boese at Paul Wegener

Utos ng Diyos

Hinubog ng diyos, alinsunod sa kaniyang hulagway, ang tao. Ito ang mensaheng tumagos sa iyong isip, at tinanggap nang maluwag at walang kurap sa mahabang panahon. Maaaring labis na mapagpakumbaba ang maykapal, tugon mo, at sa anyo ng isang mortal ipapadron ang kaniyang larawan. Ngunit ang gayong gawi ay paimbabaw; at lumilikha ng idolo ang bathala upang ang idolong ito ay magpagunita ng sariling kadakilaan. Ang diyos ang tanging may karapatang labagin ang batas na kaniyang itatakda. Mababali ang utos ayon sa nais ng tagapag-utos!  Siya lamang ang dapat sambahin, wika nga, at wala nang iba pang diyos ang dapat kilalanin! Kung hindi lilikha ng tao ang diyos, paano niya mababatid, kung hindi man matatandaan, ang sariling larawan? Salamin nga ba ng diyos ang tao? Hindi nakatitiyak ang diyos sa kaniyang sarili, gaya ng paghahawig niya sa tao na iba’t iba ang anyo at kulay; at kailangang iutos pa niya sa kaniyang mga deboto na siya lamang ang dapat pagpugayan. Ay, kung kaanyo ng diyos ang tao, naisip mo, ang diyos ay banidosong maylikha na sumasamba sa kaniyang sariling mukha.

“Utos ng Diyos,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 14 Enero 2010.

Atlas