“Pag-asam sa Kamatayan,” ni Novalis

Salin ng “Sehnsucht nach dem Tode” ni Novalis (Friedrich von Hardenberg) ng Germany.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pag-asam sa Kamatayan

Doon sa bituka ng lupang malalim
Na bigong abutin ng sinag ng araw,
Ang poot at kirot na sumasaatin
Ang tanda ng gaan nitong paglalakbay.
Isinakay tayo dito sa baroto’t
Nang maabot natin ang langit na dulo.

Purihin ang gabing ano’t walang hangga,
Purihin ang ating paghimbing nang ganap.
Pinasiklab tayo ng bagong umaga’t
Tayo’y pinarupok ng pusong may sugat.
At hindi na tayo kung saan sasapit,
Ibig lamang natin kay Ama magbalik.

Ano ang gagawin sa mundong narindí,
Mahalin nang labis, nang lantay ang loob?
Lahat ba ng luma ay dapat itabi,
Paano ang bago na ibig malubos?
Kaylungkot kung ikaw ay walang kasáma
Kahit pa may alab ang puso sa sinta.

Noong araw, noong ang pandama’y apoy
Na kung lumagablab ay di tumitigil,
Kilala ng tao ang mukha’t ang ligoy
Ng kamay ng amang ang pulso’y taimtim.
Hindi man magwika, talos ng sinuman
Ang pagsunod doon sa ugat na daan.

Noong dati, noong ang huklubang sangá’y
May mga bulaklak na hitik na hitik,
At ang mga bata’y hindi nangangambang
Magsákit, mamatáy utos man ng langit,
Magwika ang búhay at nasa’y humimok,
Kayraming nasawi nang puso’y tumibok.

Noong dati, noong bata pa ang lahat,
Diyos ay naghayag na siya’y darating.
Matapang umibig kahit pa magwakas,
Iwinaksi niyang tumakas sa lagim.
Di niya pinalis ang takot o pait,
Upang tayong lahat ay maging malapit.

Batid natin itong balisang pag-asam
Sa gabing kaydilim at tigmak sa luha.
Sa ganitong yugtong malimit temporal
Ay hindi matighaw ang uhaw sa diwa.
Kailangan nating magbalik sa íli,
Sa sagradong oras na takdang magkási.

Ano itong hadlang sa ating pagbalik?
Lahat ng inibig ay pawang yumao.
Nalibing ang talâ ng buhay na ipit
At kirot at hirap ang nasok sa noo.
Wala nang hanap pa’t iisiping lakad,
Punô itong pusò, at mundo ay lastág.

Sadyang walang hangga’t lubhang mahiwaga,
Ang sariwang ulan sa ating nilakbay—
At umalingawngaw ang lungkot sa diwa
Mula sa kung saang naglihim na bukál.
Mga mahal natin ay ibig yumao,
Para ipadala ang mithing totoo.

Pababâ at tungo sa asawang mahal,
Kay Hesus, ang tanging pitlag nitong loob,
Tiyak na sasaklob ang saplot karimlan
Sa namimighati’t umibig nang lubos.
Ibinukod tayo ng isang pangarap
At nang maikandong sa amang lumantad.

Advertisements

Pighati ng Taglagas, ni Heinrich Böll

Salin ng ““Einsamkeit im Herbst” [Autumn Loneliness] ni Heinrich Böll ng Alemanya.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hindi ko alam kung gaano kami katagal nakatayo sa kanto. Ramdam ko ang pananabik na hindi nararapat. Taglagas na ngayon, at bawat sandaling huminto ang trambiya sa kanto’y humahangos ang mga tao papalapit sa amin, kumakaluskos ang mga paa sa mga tuyong dahon, at taglay ng kanilang mga hakbang ang tuwa, ang tuwa ng mga tao na papauwi sa kanilang tahanan.

Nakatayo kami roon nang matagal. May liwanag pa nang walang ano-ano’y huminto kami nang walang imik, na tila ba nagbabantay sa lumalalim na pighati ng taglagas, ang pakiramdan na ipinamamalas ng duklay ng mga punongkahoy habang nalalagas ang mga dahon nito.

Walang ibang dahilan para sa gayong tagpo, ngunit tuwing bumabatingting sa kanto ang trambiya at ang mga tao’y humahagibis sa abenida tungo sa amin, at ang trambiya’y umaandar habang tumutunog ang batingting—nakukumbinsi ako na may kung sinong darating, may kung sinong nakakakilala sa amin, na magtatanong sa amin upang samahan siya, na ang mga hakbang pauwi ay mahahatak ang mga pagód naming hakbang upang sumabay sa indayog ng kaniyang pananabik.

Ang mga unang dumating ay lumakad nang nag-iisa at mabibilis ang hakbang; pagkaraan ay sumapit ang mga pangkat, na may dalawahan o tatluhang tao na masisiglang nag-uusap, at ang pangwakas ay paunti-unting labas ng mga pagál na tao na dumaan sa harap namin at may mabibigat na pasanin bago naghiwa-hiwalay sa mga bahay na magkakabukod doon sa mga hardin at abenida.

Iyon ang patuloy na pananabik na bumighani sa akin, dahil pagkaraang dumaan ang huling tao ay magkakaroon ng maikling yugto ng katahimikan bago muli naming marinig ang tunog na ping-ping sa malayo mula sa paparating na trambiya sa naunang himpilan—na gumagaralgal at umiingit patungo sa kanto.

Tumindig kami sa lilim ng mga sanga ng punong sáuko na umaabot sa kabilang kalye at lumalampas sa bakod ng napabayaang hardin. Naninigas sa pagkabagabag, ang kaniyang mukha ay pumaling sa direksiyon ng mga tao na papalapit at nagpapakaluskos ng mga dahon—ang mukha, na walang imik at walang tinag, ay umagapay sa akin sa loob ng dalawang buwan, na aking naibigan, at kinayamutan, sa loob ng dalawang buwan. . . .

Noong sandaling dumating ang apat na trambiya, ang pagkabagabag at pananabik ay waring napakainam habang nakatayo kami sa patuloy na lumalalim na kalungkutan ng takipsilim, sa banayad, pambihirang halumigmig ng taglagas; subalit biglang pumukaw sa akin na walang sinumang tao ang darating upang hanapin ako. . . .

“Aalis na ako,” sambit ko sa paos na tinig, dahil napakatagal ko nang nakatayo na wari bang nagkaugat na ako sa ilalim ng kung anong latiang malukong na nakatakdang puminid nang marahan at buong lakas sa ibabaw ko.

“Humayo ka,” aniya nang hindi man lamang sumulyap sa akin, at sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang buwan ay nakaligtaan niyang idagdag: “Sasama ako sa iyo.”

Naningkit ang kaniyang mga mata; at walang tinag na ipinako niya ang titig na matigas at metaliko sa abenidang walang tao at tanging ilang piraso ng dahon ang marahang umaalimpuyo sa lupa.

O sige na, naisip ko, at sa sandaling iyon ay may kung anong tumibok sa akin, may kung anong kumawala, at naramdaman ko ang mukhang bumigay, at lumalim ang mararagsang linya sa paligid ng aking bibig. Tila ba ang panloob na tensiyon ko ay binigkis nang mahigpit at ngayon ay inilarga na gaya ng bigwas: lumarga ang tali sa loob ko nang kisapmata, at walang iniwan kundi ang hungkag, malamlam na pighati na naroon sa loob ng dalawang buwan. Nang sandaling iyon ay tumimo sa akin: nakatayo siya rito para maghintay ng kung anong tiyak na bagay; ito ang lugar, itong kanto ng kalye na nalililiman ng mga sanga ng punong sáuko, ang layon ng kaniyang mapagpunyaging pagtakas, sa isang paglalakbay na tumagal nang dalawang buwan, samantalang para sa akin ay isa lamang iyong karaniwang kanto, isa sa kung ilang libo.

Minasdan ko siya nang matagal, na magagawa ko nang walang abala, yamang winakasan niyang pansinin ako. Marahil ay naisip niyang nakaalis na ako. Sa kaniyang mapagmasid na sulyap ay may kung anong namumuong poot, samantalang ang kaniyang mababaw na paghinga ay yumanig sa kaniya na parang pambungad sa isang pagsabog. . . .

Kung matatandaan lamang niya, buntong-hininga ko sa sarili, na bigyan ako ng isa sa dalawang sigarilyo at bahaginan ako ng tinapay. Natatakot akong magtanong, dahil papahinto muli ang trambiya sa kanto. Pagdaka’y nakita ko, kahit sandali, ang una at ang pangwakas na ngiti na sumilay sa kaniyang mukha bago siya humangos papalapit nang may impit na hagulgol. Mula sa kulumpon ng mga tao, na ang ilan sa kanila’y hinawi niya, narinig ko ang pagkabigla ng babaeng bumasag sa kalungkutan ng taglagas ng gabi, at may kung anong anino ang lumukob sa nagitlang kahungkagan ng puso, dahil ngayon ay alam kong kailangan kong lumisan nang mag-isa, na kailangan kong tanggapin ang pagkawala ng sigarilyo at tinapay at ng dalawang buwan na pinagsaluhang panganib at gutom. . . .

Bumalikwas ako, at idinawdaw ang mga pagod na paa sa ginintuang alon ng mga tuyong dahon at pagkaraan ay lumakad palabas ng bayan, at patungo muli kung saan. Ang kasariwaan ng umaalimbukad na liwanag ay hinaluan ng maanghang na simoy ng nasusunog na dahon ng patatas, ang amoy ng kabataan at pag-asam. Walang bituin ang langit at pumusyaw ang kulay. Tanging ang nakangising mukha ng buwan ang nakabitin sa panginorin, tinatanaw ako nang may pang-uuyam, habang nilalandas ang bigat ng karimlan, tungo sa kung saan. . . .

Oyayi ng Taglagas, ni Jules Laforgue

salin ng “Berceuse d’automne,” ni Jules Laforgue.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Taglagas na, taglagas, at sila’y nasa tabi ng sigâ ng tsimenea. Paalam, makapangyarihang araw, lungting mga dahon, langit na bughaw! Humahampas sa bintana ang ulan, at ang simoy ay tumataghoy nang paos sa monotonong awit.  O bihisan ng Abril, ang kasiyahan ng búhay, paalam! Tanging sa paglapit sa apoy maririnig ang  tikatik ng ulan, at kung minsan sa paghawi ng kortina, upang silipin kung ang langit ay may bahid ng abo, kung ang kalye ay malimit hitik sa mumunting sanaw. At mapapasalampak sila, samantalang unti-unting nababato ang isa sa kanila.  O desperadong hangin sa malawak na kahuyan, na ang dilawang mga dahon ay umaalimpuyo sa makutim na ipuipo habang kapiling ang mga liham ng pag-ibig at layak ng pugad, tangayin ang maririkit na araw sa iyong mahahabang bugso, ang taglamig ay walang hanggan, at ang lahat ng bagay ay nagwakas na, nagwakas.

Mga Bakwet, ni Randall Jarrell

salin ng tulang “The Refugees” ni Randall Jarrell.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Walang bakanteng upuan sa gusgusing tren.
Nakalupasay ang batang may punit na maskara
Sa basura ng wasak na silid. Maringal ba ang kanilang
kapanatagan? May mukha at búhay silang gaya mo.
Ano ang taglay nila para pumayag magkasiya sa ganito?
Kumikislap ang tuyong dugo sa rabaw ng maskara
Ng paslit na kahapon ay nag-iiwi ng bayang
Higit na katanggap-tanggap kaysa sa lugar na ito.
Siyanga? Buong magdamag ay tahimik na naglandas
Ang tren pabasura. Bakante ang mga mukha.
Wala ba ni isa sa kanilang nakabatid na maringal
Ang katumbas nito? Paano nila nagawa? Ibinigay
Nila ang anumang kanilang pag-aari.
Dito, hungkag ang lahat ng kalupi.
At ano ang makasasapat sa mariringal na luha
At hiling ng paslit kung hindi ang tagpong ito?
Itakip ang nakapapawi, nakahihindik na maskara
Sa mga araw at mukha at buhay na pawang nilustay?
Ano ang kanilang búhay kung hindi paglalakbay
Sa bakanteng kasiyahan ng kamatayan? At ang suot
Nilang mga maskara ngayong gabi sa pamamagitan
Ng kanilang basura’y pagsasanay na pumanaw.
Sadyang maringal na basahin sa kanilang mga mukha:
Ano ang aming taglay na ayaw naming ipagpalit dito?

Pasiya

Nakatimo sa kaniyang ulo ang pinagmulan, at ang paglingon ay katumbas ng lungsod ng asin at pag-ulan ng mga bulalakaw. Siya, na naglandas sa hanggahan ng bawal, ang nakauunawa ng pag-ibig na hinaharang ng mga tabak at tinik na makamandag. Hinahatak siya ng dibinong tinig pakiling sa kaligtasan—para manahan sa bagong bahay at lumang buhay—kahit ang kumukutob sa kaniyang loob ay walang langit na hihigit sa kandungang sariwa’t tigmak sa mga hamog ng madaling-araw. Lumalakad siya ngayong nakatungo at nakatukop ang mga tainga, wasak ang budhi at mithi, habang ang mga mata’y nakapinid na tinatakasan ng mga luha. Nalango siya isang gabi kapiling ang dalawang anghel, at isinuko niya ang lakas sa kanilang nakapapasong dibdib. Lumingon ka, sabi ng kaniyang sintang maalat ang labì at sintigas ng bato, mahal na mahal kita; at siya’y walang nagawa kundi pisakin saka dukitin ang sariling mga mata bago lumingon nang duguan ang pananaw sa nagliliyab na lupaing dating sinisipingan.

“Pasiya,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 25 Hunyo 2011.
Girodet-Mademoiselle-Lange-as-Venus-1798-590x1174

Binibining Lange bilang Venus, ni Anne-Louis Girodet de Roussy-Trioson (1767-1824)

Tatlong Tula ni Mimoza Ahmeti

Salin ng “Këngë” ni Mimoza Ahmeti mula sa orihinal na Albanian, at batay sa saling Ingles ni Robert Elsie
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

AWIT

Sakali’t gigising ka,
Huwag gaya ng bulaklak
Bagkus gaya ng bulkan,

Sakali’t iimbulog ka,
Huwag gaya ng ibon
Bagkus gaya ng araw,

Sakali’t babagsak ka,
Huwag gaya ng dahon
Bagkus gaya ng kidlat,

Hayaan mo akong
Maging bulaklak, ibon, at dahon.

Salin ng “Pyetje retorike shoqes X” ni Mimoza Ahmeti mula sa orihinal na Albanian, at batay sa saling Ingles ni Robert Elsie
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

RETORIKANG TANONG KAY KASAMANG X

Batid mo kung paano ikubli
Ang putla ng pisngi sa pulbo,
Ngunit paano maikukubli
Ang putla ng kaluluwa mo?

Salin ng “Letër” ni Mimoza Ahmeti mula sa orihinal na Albanian, at batay sa saling Ingles ni Robert Elsie
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PAPEL

Hindi ko ibig na isulat mo ang iyong paghihiwalay,
Ang paghihiwalay ay di karapat-dapat sa iyong musa.
Dahil ang iyong tula ay nakikipagpalit ng sagisag
Kahit sa pinakamalamig, pinakamalayong bituin.

Isang puting papel, na dalisay ang kaputian,
Na may mantsang asul, asul na mantsa sa sulok
Ang tula na dapat mong ilaan
Sa kaniyang biglaang paglisan. . . .

Mimoza Ahmeti

Mimoza Ahmeti

Pagsasabi nang Tapát

Parang pinagtiyap ang pangyayaring ang pag-ibig ay ibong mailap na dumapo sa sanga ng punongkahoy, humuni ng nakakikilig na awit, saka isinalin nang patuka sa tangkay ang katauhan. Lumayo man ang ibon, maiiwan ang gunita nito sa ugat, sa bunged, sa balakbak, sa sanga, sa dahon, sa bunga, sa bulaklak, sa punongkahoy. At ang punongkahoy ay patuloy na tatayog, yayabong, lililim; at hindi na lamang mananatiling karaniwang punongkahoy gaya noon, dahil maisasaloob nito ang diwa ng pakpak, at ang guniguni ng malayo’t marubdob na paglipad. Samantala, matatangay ng ibon ang halimuyak ng punongkahoy—at madarama na hindi ito kailanman iniwan— magbago man ang simoy ng panahon.

Ang Ibon, larawan mula sa www.pdphoto.org

Ang Ibon, larawan mula sa http://www.pdphoto.org